Chapter 7: Kaguluhan sa Silithos
"Silithos, huh," mahinang bulong ni Valentina dahil di-hamak na mas komportable at maganda ang pansamantala nilang tutuluyan kumpara sa Breva. Kahit saan siya lumingon ay nakakakita siya ng ginto at mga brilyante bilang mga palamuti. Sa gitna ay isang maganda at kumikinang na aranya at napakaraming upuang binabalutan ng kulay pulang tela. Malambot ang karpetang gawa sa balat ng oso at may mga halamang nasa bawat sulok ng malaking silid.
Nasa ikatlong palapag sila ng coloseo at sa mga oras na iyon lang niya nalamang may ganoong lugar pala sa loob ng sentro ng Rubelhizb.
"Haria! Narinig kong isa kang mersenaryo!" pambungad kay Valentina ng isa sa mga kalahok na nasa anyong tao at may dalang pana. Sinundan siya nito habang naglalakad at sabay silang naupo sa isang mahabang upuan. Tiningnan nila ang iba pang kalahok na naghahanap ng mapupuwestuhan. "Ngayon lang ako nakakita ng isang mersenaryo! Nakagagalak!"
"Maigi," tipid na tugon ni Valentina na walang ibang gustong mahanap ang mata kundi ang halimaw na si Gangia Shima.
"Galing ako sa siyudad ng Trisfal, anak ako ng isa sa pinakamayamang mangangalakal sa aming bayan. Ako ang kinatawan ng aming konseho upang lumaban sa Sanguina Torneo."
Sa wakas ay napansin na rin ni Valentina ang kumakausap sa kanya. Hinagod niya ito ng tingin. Hindi ito mukhang halimaw at nasa ngiti nito ang kainosentehan. Walang ibang makita ang mersenaryo sa mata nito kundi saya na gaya ng sa isang batang paslit na walang muwang sa mundo. Nakatirintas ang itim nitong buhok na umabot hanggang balakang ang haba at bahagyang nakapatong sa itaas ng dibdib nitong tinatakpan ng makapal na balabal na yari sa magandang uri ng hinabing tela. Napakapula ng labi nitong bumabagay sa namumulang pisngi at maputing kulay ng balat. Napakasimple lang nito at nagtataglay ng matimyas na tinig. Masasabi ni Valentinang kayang humanay ang kagandahan ng kausap niya sa mga binibining nakilala niya sa bayan ng Ghunna at Rhoxinu.
"Rothgar!" tawag ng mababang boses na napakapamilyar kay Valentina.
Papalapit sa puwesto ng dalawa ang isang halimaw na gawa ang katawan sa bato ngunit hindi na isang palapag ang taas. Tumitindig na lang ito sa isa't kalahating metro ayon sa sukat ng tingin ni Valentina.
"Ikaw," may galit na bulong ng mersenaryo.
"Akala ko'y hindi ka nila papayagang gumamit ng mahika, Garin," nagagalak na sinabi ng kausap ni Valentina.
"Wala silang magagawa dahil hindi ako magkakasya rito sa tunay kong anyo." Inilipat nito ang tingin kay Valentina. "Ang babaeng mersenaryo."
Akmang huhugutin ni Valentina ang espada niya nang pigilan ng katabi. "Wala rito ang laban, binibini. Ang oras ng pahinga ay oras ng pahinga." Tumayo na ang taong taga-Trisfal at lumapit sa batong halimaw. "Ito ang aking kaibigang si Garin. Siya ang kinatawan ng bayan ng Alterac Murogh. Pinaslang ng mga mersenaryo ang ilan sa kanyang mga kauri kaya't hindi ko siya masisisi kung bakit iba ang pakikitungo niya sa iyo, at. . .ah! At bago ko malimutan, ako ay si Rothgar, mula sa pamilya ng Velare."
Hindi naalis ang masamang tingin ni Valentina kay Garin. Mababa ang timbre ng boses ng mersenaryo nang sagutin si Rothgar. "Panlalaki ang pangalan mo, anak ng mangangalakal."
"Natural lamang! Isa ka rin ba sa nagkamaling isa akong dilag? Mga tao at imortal lamang ang nagkakamali sa akin." At humalakhak si Rothgar ngunit babae pa rin ang tinig.
"Napakaganda mong lalaki," dismayadong nasabi ni Valentina. "Mga representante kayo ng kani-kanilang mga bayan? Bukal sa loob ninyo ang pagsali sa Torneong ito?"
Nakangiting tumango si Rothgar. "Kada taon, sumasali ang mga bayan sa Sanguina Torneo at nagpapadala ng kani-kanilang mga representante upang lumaban. Nagsimula ang Torneo mula noong bumaba ang isa sa kawal ng Banal na Tagapagpanatili at gumawa ng kasunduan sa mga nilalang ng mundo."
"Walang kasunduan," pagtanggi agad ni Valentina. "Alam ng lahat na walang kahit anong kasunduan mula sa bawat bayan kaya nga nagkaroon ng deklarasyon ng malawakang digmaan! Iyon ang dahilan kung bakit nagkaroon ng mga hangganan at binakuran ang bawat nasasakupang teritoryo sa daigdig!"
Umiling si Rothgar. "Ginaganap taun-taon ang Sanguina Torneo bilang simbolo ng digmaang hindi kailangang lahukan ng lahat ng mga nilalang sa bawat bayan. Kung hindi iniwan ng dalawang alibughang anak ng langit ang iskala'y hindi mangyayari ang lahat ng ito. Ayon sa Banal na Aklat, bumaba ang Dakilang Tagapagpanatag sa lupa upang tapusin ang pagbubuwis ng buhay at pagkaubos ng mga lipi dahil lamang sa kawalan ng pagkakasundo."
"Dakilang Tagapagpanatag?" tanong ni Valentina. "Si Lesvar?"
"Ang tagapagsanay ng mga mersenaryo at ang ministro ng Cedillar ay gumawa ng kasunduan," dagdag ni Garin. "Kung hindi lalahok ang isang bayan sa Torneong ito, ang bayang iyon ay walang karapatan upang magdeklara ng digmaan sa ibang bayan at lumikha ng gulo. Ang pagsuway sa kasunduan ay nangangahulugang pagkaubos ng kanilang mga lipi at pagkabura ng kanilang teritoryo sa kartograpiya ng daigdig."
"H-hindi ko alam ang tungkol sa kasunduan," nanlulumong nasabi ni Valentina sa dalawang kausap.
"Ang mga mersenaryo ay nililimitahan lamang ang nalalaman. Ang bawat detalye'y makaaapekto sa kanilang pagpaslang. Kung ang utos ng kanilang gobyerno ay ubusin ang isang halimaw o isang lipi, gagawin nila ang utos nang walang pag-aalinlangan para lamang sa salaping ibabayad sa kanila," ani Garin.
"Iyon ay para sa kapayapaan at katarungan!" katwiran ni Valentina.
"Walang lugar ang kapayapaan at katarungan sa paniniwala ng mga gaya ninyo. Natatandaan mo pa ba ang mukha at salita ng huling halimaw na pinaslang mo sa iyong trabaho, babaeng mersenaryo?" nangongonsensyang tanong ni Garin. "Naitanong mo ba sa halimaw na iyon ang dahilan kung bakit nga ba siya kailangang paslangin?"
"Pinaslang ko siya dahil iyon ang trabaho ko! May patong ang ulo niya! Binayaran ako upang tapusin siya! Iyon ang misyon ko!" Napatayo na dahil sa galit si Valentina. Wala siyang ibang nais kundi ipaglaban ang kanyang panig.
"Trabaho! Binayaran! Misyon! At hindi mo alam ang dahilan kung bakit kailangang pumaslang maliban sa pabuya, hindi ba?" Hinatak ng batong halimaw ang kanang braso ni Valentina at inilapit ang mersenaryo sa kanya upang harap-harapan niyang ipamukha ang kanyang mga salita. "Pinaslang ng mga mersenaryo ang aking kapatid dahil lang sa malaking patong nito sa ulo. Walang masamang ginawa ang aking kauri. Hanggang ngayo'y nananatili pa ring hiwaga sa aming lipi ang kanyang pagkakapaslang. Ngayon mo sabihin sa aking makatarungan nga ang ginawa sa kanya ng mga gaya mo."
"Isa siyang banta kung nagbigay ang isang bayan ng pabuya para sa ulo niya," matigas na sinabi ni Valentina.
"Para sa mababang uring gaya mong mersenaryo, isa nga namang banta ang mga kauri ko. Karuwagan ng mga mahihinang lipi! Binabaligtad ang piramide ng buhay para sa kanilang pansariling kapakanan!"
"Lapastangan!" Hinugot agad ni Valentina ang espada niya at inatake si Garin. Nakabuo ng pagkislap ng bato at metal ang pagtama ng kanyang armas sa braso nito. "Hindi mo kilala kung sino ang kinakausap mo!"
"Isa ka lamang bayarang manunubos!"
Muling umatake si Valentina at pinatamaan ang katawan ni Garin na nagdulot ng bahagyang hiwa sa batong anyo nito. Gumanti naman ito at agad siyang sinuntok sa sikmura, dahilan upang lumipad siya at tumama sa dingding ng malaking silid.
Wala man lang pumigil sa kanila sa mga oras na iyon at lahat ay nakinood na lamang.
"Ishnu-fal-adorh!" Naglabas ng kulay asul na apoy si Amarilla at lalong tumingkad ang asul na buhok ni Valentina. Napalitan din ng asul ang kulay ng kanyang mata at binalot siya ng nakapapasong awra, dahilan upang magsilayuan sa kanya ang ibang mga naroon na kanina pa pinanonood ang pagtatalo nila ni Garin.
"Sandali lang! Sandali lang! Huwag kayong mag-away!" pag-aawat ni Rothgar sa dalawa.
"Makakamit ko na rin ang katarungan sa pagkakapaslang sa aking kapatid oras na tapusin kita," buo ang loob na turan ng batong halimaw. Sinugod niya si Valentina at sinuntok ito mula sa gilid.
Inunday ni Valentina ang kanyang espada at natapyasan niya ang kamay ni Garin. Walang ibang masisilayan sa kanyang mga mata kundi ang pagnanasang pumaslang sa mga oras na iyon.
"Isa akong mersenaryo! Isa ka lamang halimaw!"
"Hindi!" sigaw ni Rothgar at kahit na gusto niyang umawat ay hindi man lang siya makagawa ng paraan. "Garin! Huwag ka nang lumaban!"
"Tatapusin kita, manunubos ng lahi! Tutubusin ko na ang buhay ng aking kapatid!"
"Kamatayan para sa iyo, halimaw!"
Lalong lumakas ang alab ng apoy ng espada ni Valentina na mula sa pagiging asul ay naging itim at pula, at kapansin-pansin na tila wala na siya sa sariling katinuan. Umangat ang kanyang asul na buhok at unti-unting napalitan ng kulay pula. Ang kanyang mga mata ay walang ibang kulay kundi puti na lamang. Nagliwanag ang marka ng mga Zinval sa kanyang batok at ibinuka niya ang bibig upang umusal ng isang ipinagbabawal na orasyon.
"Belore fandu dor'tahl. . ."
Napatingin ang lahat sa sahig dahil yumayanig ang kanilang kinatatayuan. Sumasayaw na ang aranyang gawa sa iba't ibang hugis ng brilyante na lumilikha ng tunog ng pagkabahala para sa lahat. Nanindig ang balahibo ng ilan at nakaramdam ng kakaibang takot na noon lang nila naramdaman sa tanang buhay nila. Nagsisimula nang dumilim ang paligid at pinalibutan ang malaking silid na iyon ang itim at pulang usok na mula sa katawan ni Valentina.
Kapansin-pansin ang pagsabay ng mga nakapanghihilakbot na hiyaw mula sa usok ang pagtunog ng mga brilyante sa aranya.
Nabuo ang maliliit na kidlat sa usok at maririnig ang mga sumisigaw na kaluluwa mula sa kung saan. Napatakip ng mukha ang ilan dahil sa nakabubulag na liwanag na unti-unting bumubukas mula sa itim at pulang usok.
". . .al-aszhara maste hes—"
"Miorhan."
Isang malakas na hangin ang nakapasok sa loob ng malaking silid na wala man lang bintana maliban sa isang pintong nakasara. Pinasayaw ng hangin ang naggagandahang asul na kurtina sa loob at muling tumunog ang mga brilyante sa aranya sa mas malumanay na himig.
Tila ba hinigop muli ng katawan ni Valentina ang itim at pulang usok at naglaho na ang liwanag at mga munting kidlat. Nawala na ang alab ni Amarilla at ang lahat ay tumahimik.
Muling nagbalik ang katiwasayang isang nilalang lamang ang kayang maghandog.
Bumagsak ang buhok ni Valentina na nagbalik na sa pagiging asul ang dulo at naging kulay itim na naman ang kulay ng kanyang mga mata.
Nagbalik nang muli ang kapanatagan sa loob ng malaking silid pagkatapos ng nangyaring kaguluhan at walang ibang reaksyon ang mga kalahok na naroon kundi gulat habang nakatingin kay Valentina Stigma at Gangia Shima na magkalapat ang mga labi.
Malalim na paghinga at ilang paglunok. Napapikit-pikit ang babaeng mersenaryo habang unti-unting inaalis ng halimaw ang labi nito sa kanya.
"Huwag na huwag mong susubukang buksan ang tarangkahan ng kabilang buhay sa lugar na ito," bulong ni Gangia habang nararamdaman pa rin ang init ng kapangyarihan ni Valentina na nadadala ng paghinga nito. Napayuko na lang siya at bumuntong-hininga.
"Maling desisyon ang pagtungo natin sa bukal," anang halimaw. Muli siyang ngumiti ngunit pansin ang pagkapilit at hinawakan na lamang ang mainit ngunit maputlang pisngi ni Valentina. "Sasabihin ko sa ministro na ihiwalay ka sa mga narito."
Samantala, nanatili ang pagkatulala ni Valentina sa mga nangyari. Nawalan siya ng kontrol sa sarili at hindi niya inaasahan ang pagpigil na ginawa sa kanya ni Gangia Shima.
"Tapos na ang palabas! Maaari na kayong magpahinga!" masayang sinabi ni Gangia at hinatak na lang si Valentina paalis sa loob ng Silithos upang hindi na tuluyan pang palakihin ang gulo.
###
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top