Chapter 5: Isinumpang Tagapagpanatag

Nakatayo lang si Valentina sa pasilyo ng ikaapat na palapag ng coloseo at pinanonood ang mga naglalaban sa malaking arena. Ikatlong grupo na iyon ng mga magtutunggali at pinapatay ng lahat ang bawat isa upang makatungtong sa susunod na bahagi.

Tatlumpung kalahok ang sabay-sabay na lalaban na sinimulan sa unang patak ng buhangin sa malaking babasaging orasa. Nakalagay iyon sa isa sa mga balkonahe ng coloseo kung saan naroon din at nanonood ang ministro at ang mga gabinete.

Nagkalat na ang pula at berdeng dugo sa arena. Malakas ang hiyawan ng lahat. Iba't ibang klase ng halimaw at imortal ang nagpapakitang-gilas. Hinayaang gumamit ng armas ang mga kalahok. Kaya ni Valentina ang lumaban. Hindi nga lang niya matantiya ang gagawin dahil bago sa kanya ang palaro. Wala siyang ideya sa kakayahan ng bawat isang makakatunggali.

Malapit nang maubos ang buhangin sa orasa. Ilan na lang ang nakikita ni Valentinang nakatayo pa. Ang ilan sa mga natitira ay mga halimaw na kayang kumontrol ng mga elemento. Ang ilan ay mga imortal na may kakayahang pagalingin ang sarili at gumagamit ng mga sandatang sa tingin niya'y may mahika at lason.

"Amarilla," maamong boses mula sa kanang gilid ni Valentina na nakapagpalingon sa kanya. Napuno ng pagtataka ang mukha ng mersenaryo nang makita ang isang binibining umaalon na tila apoy ang kulay kahel na buhok dahil sa paghawi ng hangin. Nakasuot ito ng mahaba ngunit manipis na pulang bestida na pinalalamutian ng mga ginto at mapupulang mga rubi. Tumama sa mata nito ang papalubog nang sinag ng araw. Lalo pang tumingkad ang pulang mga mata nito na kulay ginto ang balintataw.

"Nasa iyong mga kamay ang isinumpang sandata ni Lesvar," dagdag pa nito sa napakahinhing tinig.

Sandaling sinulyapan ni Valentina ang espada sa likuran niya bago ibinalik ang tingin sa binibini. "Kilala mo si Lesvar?"

"Walang hindi nakakakilala sa isa sa mga kawal ng Banal na Tagapagpanatili. Si Lesvar ang isa sa itinalaga ng Kataas-taasang Diyos upang balansehin ang buhay buhat nang iwan ng dalawang anak ng langit ang iskala." Inilahad nito ang palad upang ituro ang sandatang dala ni Valentina. "Paanong napunta sa iyo ang espada ng Dakilang Tagapagpanatag?"

Malalim na paghugot ng hininga at nanatili lang ang titig ni Valentina sa mga pulang matang nakatitig din sa kanya.

"Kamatayan ang hatid ng sandatang dala mo," pagtutuloy ng binibini. "Lahat ng mababang uri ng nilalang na hahawak sa armas ni Lesvar ay nagiging abo. Isa ka sa matataas na uri ng nilalang, hindi ba?"

Nag-iwas ng tingin si Valentina at ibinalik ang tingin sa laban. Walang kahit anong tugon mula sa kanya dahil ayaw niyang ipinaliliwanag ang kanyang sarili sa hindi niya kilala.

Isang manlalaro ang lumipad sa ere at malakas na hangin ang humampas sa ikaapat na palapag kung saan naroon ang mersenaryo. Nilipad ang itim at asul na buhok ni Valentina at bahagyang tumalikod sa direksyon ng arena habang tinatakpan nang bahagya ang mukha dahil sa paglipad ng mga alikabok sa hangin.

Malapit nang matapos ang ikatlong grupo sa unang bahagi ng laban. Susunod na ang huling grupo kung saan kabilang ang manunubos.

"Ikaw . . ."

Nawala na ang malakas na hangin at nabaling na naman ang atensyon ni Valentina sa gilid niya. Naroon pa rin ang binibining naka-pula. "May kailangan ka ba sa akin?" iritang tanong ng mersenaryo.

"Nasa iyo ang tanda ng ipinagbabawal na mahika ng mga Zinval."

Nanlaki ang mga mata ni Valentina dahil sa sinabi ng binibini. Bigla siyang nakaramdam ng kaba dahil mga propeta, mga mananaliksik, at mga orakulo lang ang nakababatid sa mahikang nasa kanyang katawan.

Alangan ang pagngiti ng binibini kay Valentina nang ituro nito ang langit. "Hindi mo pa nasisilayan ang puso ng Cedillar, hindi ba? Hindi nakikita ng mga isinumpang nilalang ang mahikang gawa ng ibang angkan. Binabalot ang lugar na ito ng mahikang likha ng angkan ng Mydivh."

Tiningnan ni Valentina ang langit na malinis habang may ilang ulap lang ang marahang naglalakbay. Muli niyang ibinalik ang tingin sa binibining kausap siya. "Nakikita mo ang puso ng Cedillar?"

"Isa ka bang mersenaryo?"

Napalitan ng kalmadong mukha ang nagugulumihanang si Valentina dahil sa wakas ay hindi na niya kinailangan pang ipakilala kung ano siya. "Oo, isinilang ako sa bayan ng Rhoxinu. Ako si Valentina Stigma."

Ngumiti ang binibining nakapula at nagwika. "Ako si Hulance, isa sa mga magsasanay ng unang orakulo ng Rubelhizb." Yumuko ito upang magbigay ng paggalang sa mersenaryo. Muli itong tumayo nang maayos at nasilayan na naman dito ang matamis na ngiti. "Sa kasaysayan ng munting bayan ng Rhoxinu, nakatala sa Lihim na Aklat ang pagbaba sa templo ng kalangitan ng isa sa mga kawal ng Banal na Tagapagpanatili: si Lesvar, upang balansehin ang buhay sa mga bayang nagdeklara ng malawakang digmaan matapos lisanin ng mga alibughang anak ng langit ang iskala. Siya ang nagsimulang magsanay ng mga mersenaryong tutubos sa mga halimaw at imortal na magdadala ng kaguluhan—"

"At ang kasaysayang tinutukoy mo, Hulance, ay tatlong daan at limampung taon na ang lumipas. Wala akong balak pang alamin ang nilalaman ng Lihim na Aklat."

"Mga piling ginoo lamang ang nagiging mersenaryo, binibining Valentina Stigma. Iyon ay isa sa mga batas ng kalikasan. Ang mga binibini'y walang lugar sa pagpaslang. Mas lalong walang lugar para sa gaya mong nagmula sa huling angkan ng isinumpang mga imortal."

Tumango lang ang mersenaryo sa katotohanang iyon. "At sa tingin ko'y isa ako sa mga mapapalad na napili ni Lesvar," ani Valentina at ngumiti nang pilit.

"Tinatawagan ang huling grupong maglalaban-laban sa unang bahagi ng Sanguina Torneo!" tawag ng tagapagsalita ng laban. Nilakad na ni Valentina ang pababa sa ikaapat na palapag dahil simula na ang laban nila.

"Isang nilalang lamang ang hinandugan ng tanda ng ipinagbabawal na mahika ng mga Zinval," pagpapatuloy ni Hulance.

"Ipagpatuloy mo na lang ang pagsasanay, mag-aaral ng unang orakulo ng Rubelhizb!"

"Ang binhi ni Miorhan ay itinanim sa kaisa-isang anak ni Lesvar at ng imortal na si Zaia mula sa angkan ng mga Zinval. Ginawaran ang kanilang anak ng tanda ng ipinagbabawal na mahika upang pigilan ang tuluyang pagkawasak ng buong daigdig. Taglay ng supling ang sumpa ng kamatayang Kataas-taasang Diyos lamang ang makapaghahandog. Itinuring ang bata bilang bagong templo ng alibughang anak ng langit. Isinilang ang templo sa bayan ng Rhoxinu ngunit pinalaki ang binhi sa bayan ng Ghunna. Pinaninirahan ang bayan ng mga mersenaryong kayang kumitil ng buhay ng mga matataas na uri ng nilalang na gaya niya—isang paraang naisip ng nakatataas kung sakali mang masira ang marka ng mga Zinval, at kung buksan man ng isinumpang supling ang tarangkahan ng kabilang buhay sa sangkalupaan upang tubusin ang lahat ng kaluluwa sa daigdig."

Tumaas lang ang kilay ni Valentina, at kahit narinig ang lahat ng sinabi ni Hulance ay hindi man lang niya ito nagawang lingunin.

"Kalahok sa Sanguina Torneo ang isa sa anak ng Kataas-taasang Diyos," huling salita nito.

Napahinto si Valentina sa paglalakad. Agad siyang tumalikod at seryoso ang mukha nang tingnang muli si Hulance. "Sinong anak ng Diyos ang tinutukoy mo?"

"Ang itinalagang magbabantay sa katiwasayan sa bawat lupain. Ang isa sa alibughang anak na papaslang sa isa sa isinumpang supling, ayon sa lumang propesiya ng unang orakulo. Ang anak ng huling prinsesa ng Mydivh."

"Anak ng huling prinsesa ng Mydivh?" gulat na nasabi ni Valentina. "Ang anak ng ministro?"

Isang tango mula kay Hulance at kakaibang kinang ang nasilayan sa kanyang pulang mata nang tamaan itong muli ng liwanag. "Makikilala siya ng sandata ni Lesvar kung sakaling sila'y magtatagpo. Liliwanag ang mga simbolo ng Tagapagpanatag oras na lumapit siya rito. Tanda ng pagkilala ni Amarilla sa isang anak ng langit."

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top