Chapter 4: Ang Ash'tal
"Sanguina!"
Malakas na hiyawan ang bumalot sa buong arena habang ipinakikilala ang mga magtutunggali para sa titulo bilang Ash'tal—ang pinakamagaling na manlalaro ng Sanguina Torneo.
Tatlumpung kalahok ang nakahilera sa batong arena na kalahating kilometro kuwadrado ang lawak, pinaliligiran ng tubig na pinaninirahan ng mababangis na uri ng mga isdang kumakain ng laman, at isang batong tulay lamang ang nagsisilbing daan papasok at paalis maliban na lang kung lilipad.
"Haria! Sanguina! Hoo! Hoo! Hoo!"
Nililibot ng tingin ni Valentina ang nakalululang bilang ng mga manonood, na sa tantiya niya'y doble ng bilang ng populasyon ng Ghunna na higit limang libo lamang. Dumadagundong ang buong paligid na halos paugain ang batong kinatatayuan nila.
"Haria! Maligayang pagdating sa ika-tatlong daan at limampung taong selebrasyon ng Sanguina Torneo!"
Lumakas ang hiyawang mararamdaman sa kahit saang bahagi ng lugar. Bago sa mata ni Valentina ang lahat. Hindi siya sanay na napapasok sa ganoong klase ng paligsahan. Isa siyang manunubos na binabayaran upang pumaslang, ngunit iyon ay kanyang trabaho. At ni minsan sa kanyang buhay ay hindi niya inasam na pasukin ang mundo ng pakikipaglaban para sa premyo. Naalala niya ang huling kabayarang natanggap mula sa paghuli kay Horii. Iniisip niyang marahil ay nahulog iyon noong napadpad siya sa ibang dimensiyon.
"Muli, maglalaban-laban na naman ang mga kalahok para sa titulong limampung taon nang hawak ng isang Roja Revenante ng bayan ng Rubelhizb!"
Pinagmasdan naman ni Valentina ang mga kasama niya. Hinahati sa apat na grupo ang mga kalahok at napunta siya sa ikaapat na grupo na kasalukuyang ipinakikilala isa-isa.
"Nakalaban ka na ba sa ganito, babaeng mersenaryo?" malakas na tanong sa kanya ni Gangia na nasa dulo ng pila katabi niya.
"Lumalaban ako ngunit hindi para sa ganito!" pasigaw na tugon ni Valentina.
"Papaslang ng halimaw para sa ginto at pilak na mauubos din sa loob ng ilang araw? Nakokontento na kayo sa ganoong buhay?"
"Ang mga halimaw na iyon ay banta sa bawat bayan! Gobyerno ang nagbabayad upang gawin ko ang trabaho sa ngalan ng katahimikan at kapayapaan!"
"Ah! Gobyernong nagbabawas ng banta para sa kanilang pananatili sa rurok ng kaginhawaan! Wala kang malilinlang dito. Katwiran lamang ang kaayusan para sa iilang uring nasa ibaba ng piramide ng buhay! Itong Torneo ang isa sa mga sagisag ng sinasabi mong katahimikan at kapayapaan!"
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Malalaman mo rin sa takdang panahon. Sa likod ng coloseo!"
"Ano?"
"May bukal doon! Bisitahin mo pagkatapos ng pagpapakilala! Amoy na amoy ang dugo ng mga Roja Revenante sa iyo . . . halimaw!" Humalakhak si Gangia Shima nang pagkalakas-lakas dahil sa tinuran.
"Anong—" Napatingin na lang si Valentina sa katawan dahil sa mga tuyong dugong bumalot sa kanya. Sinamaan lang niya ng tingin si Gangia dahil sa alok nito.
"Isang magandang laro ang ating masasaksihan dahil sa kalahok na ito!" ang sabi ng boses ng lalaking hindi malaman ni Valentina kung saan at sino ba ang nagsasalita. "Unang pagkakataon sa loob ng tatlong daan at limampung taon, nakapasok at sumali ang isang babaeng mersenaryo sa Sanguina Torneo! Ang bukod-tanging binibining manunubos ng lahi at kinatatakutang mamamaslang ng mga halimaw mula sa bayan ng Ghunna! Ipinakikilala . . . si Valentina Stigma ng Rhoxinu!"
Ikinagulat ng lahat ang pangalang narinig. Ang dumadagundong na coloseo ay tila ba inalisan ng tinig. Binalot ang buong paligid ng kakaibang katahimikan. Lahat ng mata ay nakatutok sa nag-iisang babaeng mersenaryong nasa arena.
"At mukhang sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong daan at limampung taon, tumahimik nang ganito ang coloseo dahil lamang sa isang nilalang." Naghalong pagkabilib at panunuya ang sinabi ni Gangia habang hawak ang baba at tumatango. "Isa kang alamat, Valentina. Isisipi ko na iyan sa aking isipan."
"At para sa ating huling kalahok!" pagpapatuloy ng boses. "Ang ipinagmamalaking anak ng Rubelhizb! Ang isinumpang bunga mula sa lipi ng mga Roja Revenante! Ang may hawak ng pinakamatagal na tala sa pagiging Ash'tal! Ang pinakatuso sa lahat ng pinakamagagaling! Ang imortal na halimaw! Ipinakikilala ang nag-iisa, ang bukod-tangi, ang maalamat na Gangia Shima!"
Ang natahimik na coloseo ay bigla na lamang napuno ng malalakas na sigawan ng mga imortal, nakabibinging hiyawan ng mga halimaw, at mga kalampag ng magkahalong uri nang banggitin ang pangalan ng huling kalahok. Dumoble ang pagdagundong sa arena.
"Sanguina! Haria! Gangia Shima! Hoo! Hoo! Hoo!"
Tumaas lang ang kilay ni Valentina habang hinahaguran ng tingin ang katabi niyang nakapamaywang lang at nakangiti sa lahat. Maya pa'y kumaway ito sa lahat at muling ngumiti nang napakalapad.
"Maalamat?" di-makapaniwalang tanong ni Valentina. "Ikaw?"
Buong pagmamataas na tiningnan ng halimaw ang katabi. "Sila ang nagbigay ng titulo at hindi ako. Dumating na ako sa puntong ang pagmamalaki'y hindi na kailangan kung kilala ka naman na ng lahat."
"At gagamitin mo ang titulo mo para paglaruan ako? Hambog!"
"Ilang dekada ko nang hindi kinukuha ang aking mga napanalunan. Inirereserba ko ang ilan para sa espesyal na okasyon at pagkakataon. Isang salita ko lamang sa ministro at sa mga tagapagpatupad ng Torneo na kailangan ko ng portal, iaalay nila sa akin ang kahit ilang portal na hihilingin ko. Ako lamang ang may interes na tulungan ka para makaalis sa lugar na ito, mersenaryo, kaya kung ako sa iyo—" Ngisi lang ang ibinigay niya kay Valentina. "Makinig ka at sumunod na lamang sa kung ano man ang aking sabihin."
"Imposible," dismayadong bulong ni Valentina habang umiiling. "Hindi ako susunod kahit kailan sa isang halimaw. Hindi kahit kailan!"
"Sa loob ng ilang sandali'y magsisimula na ang paunang bahagi ng Sanguina Torneo!" muling banggit ng tagapagsalita at naglabasan ang mga kawal sa tulay na nagdurugtong sa arena at sa isang bahagi ng coloseo.
Lahat ng mga kalahok na nasa ikaapat na grupo ay muling pinabalik sa loob at binigyan ng malayang apat na oras bago simulan ang unang bahagi ng palaro na unang grupo ang sasalang.
Pagdating sa pasilyo ng coloseo ay naghiwa-hiwalay na ang mga kalahok. Natigilan sandali si Valentina at nagtatakang tiningnan ang mga kasama nila sa Breva.
"Saan sila tutungo?" tanong ni Valentina habang sinusundan ng tingin ang mga halimaw na nagkakanya-kanya na.
"Kung saan nila naisin," tanging sagot ni Gangia.
"Hindi ba sila tatakas?"
"Walang dahilan at walang paraan. Nakabitan na ang mga manlalaro ng tanikala ng mga kawal. Hindi iyon mawawala hangga't hindi natatapos ang palaro. Sa kasamaang-palad, matatapos lamang ang Torneo oras na mapaslang na ang lahat at may isa na lamang na mananatiling buhay."
"Maaari silang lumabas mula sa mataas na pader na pinanggalingan ko."
"Binibini, ang labas ng coloseo ay pinalilibutan ng mga halimaw na mas brutal pa kaysa mga lumahok sa Torneong ito. Mga halimaw na pumupunit ng laman at dumudurog ng kaluluwa." Naglakad si Gangia sa kanang pasilyo tangan ang simpleng ngiting madalas masilayan sa kanya.
Sumunod si Valentina sa halimaw kahit na nalilito pa rin siya sa pinatutunguhan ng pananatili roon.
"Pagpapakamatay ang katumbas ng pagtakas," pagpapatuloy ni Gangia. "Ito na ang pinakaligtas na bahagi ng Rubelhizb, binibini, at walang sinumang nilalang ang pipiliing umalis dito nang hindi gumagamit ng portal"—hinarap niya si Valentina at patalikod na namang naglakad—"na makukuha lamang sa bulwagang nakalaan para sa mga gabinete at ministro."
"Nasaan ang bulwagan?" deretsong tanong ni Valentinang dinig ang pursigidong tono tungkol sa balak na mabilisang pagtakas.
Muling pagngisi at nasilayan na naman ang puting pangil ng halimaw. "Ganiyan ba talaga katigas ang ulo ng mga mersenaryo? Gustong nakukuha ang sagot sa agarang paraan? Ayaw ng pinahihirapan? Tingin mo ba'y madaling pasukin ang Cedillar?"
"Nasaan ang bulwagan?" muling tanong ng mersenaryo.
Mahinang tawa mula kay Gangia at itinuro ang itaas. "Mga imortal na nagtataglay ng dugong bughaw, mga anak ng Kataas-taasang Diyos, mga propeta at orakulong isinugo ng kalangitan, mga kawal na itinalaga ng Banal na Tagapagpanatili, mga matataas na uri ng nilalang na humigit sa pagiging halimaw at pagiging mortal—sila lamang ang nakakakita at nakakapasok sa puso ng Cedillar. Kung sa gitna ng arena'y tanging araw lamang at ilang ulap ang nahagip ng iyong paningin at hindi mo natanaw mula sa kalangitan ang lumulutang na isla, ibig sabihin lamang ay hindi ka isa sa aking mga nabanggit."
Kumunot ang noo ni Valentina sa narinig at mabilis na kinabig ang kaliwang braso ng halimaw. "Lumulutang na isla?"
"Iyon ang puso ng Cedillar. Naroon ang bulwagan. Kakailanganin ng portal o di kaya'y sasakyan kung tutungo roon. Nasa islang iyon ang karuwahe ng ministro. Kung mapasasakay ka niyang muli'y maaari ka ring makaalis dito nang hindi na humihingi ng tulong sa akin." Inalis niya ang kamay ni Valentina na nasa braso niya at pinagpag iyon. "Dangan nga lamang at hindi aalis ang ministro hangga't hindi pa natatapos ang Torneo, at ako ang may hawak ng titulo bilang Ash'tal. Masamang balita, hindi ba?" At muli siyang ngumisi.
"Masamang balita at ang saya mo," naiinis na sagot ni Valentina. "Nakikita mo ang isla? Bakit?"
"Wala akong utang na paliwanag sa iyo, mersenaryong marikit. Sa dulo ng pasilyong ito'y may isang pintong nagdurugtong sa coloseo at maliit na gubat ng Rubelhizb. Naroon ang bukal na tinutukoy ko."
"Pinahihintulutang pumunta roon ang mga manlalaro?"
"Hindi lahat. Sabihin na nating isa ako sa mapapalad."
"Sinungaling."
"Huh! Napakainit ng ulo." Idinipa niya ang mga kamay. "Ako ang Ash'tal sa loob ng kalahating siglo! Paanong hindi ako palarin?"
Patuloy na paglalakad at natanaw na ng dalawa ang kahoy na pintong ginuguwardiyahan ng dalawang halimaw na kawal.
"Haria!" masayang bati ni Gangia. "Tutungo lamang kami sa gubat."
"Sarado ang Qual'theraz," tugon ng kawal at pinag-krus ng dalawa ang sibat na hawak.
"Walang sarado sa akin," ani Valentina at akmang huhugutin ang espada nang pigilan ni Gangia.
"Nais tumungo ng Ash'tal sa bukal na nasa gitna ng gubat. Alam ito ng ministro at ni Yoba," sabi ng halimaw.
"Ang Ash'tal lamang ang makalalampas patungo sa Qual'theraz."
Ngumiti at dahan-dahang tumango. Dinukot ni Gangia ang ilang piraso ng ginto sa maliit na kaluping nasa kanyang pantalon. Iniabot iyon sa isang kawal at binigyan ng makahulugang tingin ang dalawa.
"Kung tatanggi kayo'y magkakaroon na ng bagong mga kawal sa pintong ito bago pa man lumubog ang araw," tangan ng ngiti ni Gangia ang banta para sa dalawang halimaw na tagabantay.
Hindi na nag-isip pa ang dalawang kawal at binuksan na ang pinto para sa tusong halimaw at sa kasama nitong mersenaryo.
"Uso rin pala ang mga bayaran sa lugar na ito," bulong ni Valentina at tumuloy na sa likod ng pinto.
Nauna nang tumakbo sa malupang daan ang halimaw.
"Maligayang pagdating sa Qual'theraz!" pagpapakilala ni Gangia sa gubat sa kabilang parte ng coloseo. "Ang isa sa natitirang pitong buhay na kagubatang makikita sa buong daigdig."
Halos umawang ang bibig ni Valentina sa nasisilayan ng kanyang mga mata.
Matatayog ang malalaking punongkahoy na iniikutan ng mga paruparo at pinaninirahan ng mga ibong humuhuni. May mga puting kunehong nagtatalunan sa di-kalayuan at ilang mga usang tila ba nakatitig sa kanya dahil bago lang siya roon. May maliliit na halaman sa gilid-gilid. Ilang mga makukulay na bulaklak na nakikita lamang niya sa mga paso sa teresa ng mga bahay sa Ghunna. Matataas din ang mga damong tinatalunan ng mga tipaklong at ilang mga insektong hindi pa niya nakita noon. Maraming mga maliliit na hayop na hindi niya alam ang pangalan ngunit nakatutuwang pagmasdan.
Isang paraiso sa lupang hindi pa niya nasisilayan noon.
Hindi niya namalayang unti-unti na siyang naglalakad papalapit sa mga puno. Tila ba tinatawag siya upang yakapin ang mga ito at damhin ang kalikasang sa mga aklat lamang niya nakikita.
"Maganda, hindi ba?" tanong ni Gangia. "Hindi basta-bastang pinapapasok ang kahit sino rito sa Qual'theraz. Pinangangalagaan pa rin ng Cedillar ang isa sa ipinagmamalaki nilang lupain."
"Ang ganda rito," mahinang bulong ni Valentina na manghang-mangha sa nakikita. "Napakaganda."
"Ngayon ka lang ba nakakita ng gubat?"
"Maraming kagubatan ang nakita ko noong nanghuhuli pa ako ng mga halimaw. Lahat ng gubat na iyon ay patay na—subalit ito?" Hinarap niya si Gangia at isang sinserong ngiti ang bumakas sa kanyang mga labi. "Buhay. Buhay ang gubat na ito!"
Kakaibang saya ang nararamdaman ni Valentina. Kaibig-ibig ang lugar na kanyang kinatatayuan. At para sa isang nilalang na nabubuhay sa kamatayan, bago sa kanyang paningin ang lahat.
Sa sandaling oras ay nakaramdam siya ng kalayaan.
Malayang sandaling maaari siyang ngumiti, hindi dahil nakapaslang siya ng halimaw o may nagbiro sa paligid.
Ang ngiti niya ay hatid ng simpleng kaligayahang dulot ng payapang mundong sa pagkakatanda niya'y wala nang tahimik na bahagi.
Tiningala niya ang langit na sinisinagan ng panghapong araw. Sinundan ng tingin ang grupo ng mga ibong malayang lumilipad sa hangin. Sumisilip ang liwanag ng araw sa pagitan ng maliliit na siwang ng dahon ng matatayog na puno. Sa dulo niyon ay natanaw niya ang isang maliit na anyong tubig.
"Tingin ko'y nakita mo na ang bukal," ani Gangia.
Tila ba itinutulak ng malamig na hangin si Valentina upang lumapit sa katubigang tila ba munting diyamante ang bawat patak ng tubig na lumalagaslas mula sa maliit na talon. Nilakad niya ang malupang daang tinubuan ng maliliit na damo at tinungo ang gitna ng mga puno. Hindi maalis ang ngiti niya habang nakikita ang mala-kristal sa linis na bukal. Dali-dali niyang hinubad ang kanyang baluti at ilan pang kasuotan. Wala siyang itinirang saplot sa katawan at lumusong agad sa tubig habang dinadama ang lamig nito.
Kakaibang katahimikan. Payapang lugar. Isang Eden sa gitna ng pinanggalingang impyerno. Parang batang naglaro ng tubig si Valentina dahil iyon ang unang beses niyang nakaligo sa isang malinis na bukal. Kadalasa'y sa rumaragasang ilog, nilulumot na lawa, sa malakas na ulan, at madalas ay sa paliguan ng sariling bahay lamang niya iyon nagagawa.
Kumikislap ang tubig na umaagos sa mga bato dahil sa pagtama ng araw. Hinagod ng palad ni Valentina ang katawan niyang puno ng dugo ng mga halimaw at muling nasilayan ang mala-porselana niyang kutis. Tila ba kinakain ng kailaliman ng bukal ang mga duming naalis sa kanyang katawan.
"Kumusta ang tubig?" tanong sa kanya ni Gangia. Nakasandal lang ito habang nakahalukipkip sa isang punong malapit sa bukal.
"Tama lamang. Malamig," ani Valentina sa halimaw habang hinahawi ang tubig. "Hindi ba naliligo ang mga gaya mo?"
"Maliligo ako nang ako lang mag-isa." Naningkit bigla ang mata ni Gangia nang paghawi ng buhok ng mersenaryo'y nasilayan niya ang marka ng ipinagbabawal na mahika sa ibaba ng batok nito. Alam niya ang ibig sabihin ng maliit na tatsulok na may marka ng isang sikat na angkan ng mga imortal sa gitna at palibot ng hugis.
Natawa naman nang mahina si Valentina. "Bakit? May makikita ba sa iyo, huh?"
"Depende sa titingin. Kung gaya mo'y malamang na oo, mayroon nga."
Ang mahinang tawa ni Valentina ay naging halakhak. Malakas niyang hinawi ang tubig upang paabutin kay Gangia. "Isa ka ba sa mga halimaw na nagbabagong-anyo tuwing madadampian ng tubig?"
Napapikit ang halimaw at napalingon sa kanan nang matamaan ng ilang patak ng tubig galing sa batis. Umayos ito nang tayo at gusot ang mukha nang muling tingnan ang mersenaryo. "Huwag mong isiping lulusong ako sa batis na iyan dahil lang sa paghahamon mo."
"Hindi kita hinahamon, halimaw. Tinatanong lamang kita," pakutyang sinabi ni Valentina at muling hinagod ang katawan upang linisin ang natitirang bakas ng mga Roja Revenante sa kanya.
Tumaas lang ang kilay ni Gangia at tumalungko na lang sa malaking batong nasa gilid ng batis. Nilingon niya ang mga damit na hinubad ni Valentina at nakitang wala itong ibang dala maliban sa armas nito. "Gumamit ka ng portal patungo rito sa Rubelhizb?"
"Rhoxinu ang tungo ko. Dalawang portal ang binuksan ko dahil ang una'y dinala ako sa kung saan. Hindi ko alam na dadalhin ako ng pangalawa sa kabila nitong coloseo."
"May problema ang portal na nagdurugtong sa Rhoxinu at sa iba pang dimensyon. Hinarangan ng hindi maipaliwanag na mahika ang daluyan ng mga daan at isa iyon sa iniimbestigahan ng mga namumuno ng bawat bayan. Alam mo ba ang tungkol sa bagay na iyon, mersenaryo?"
Natigilan sa pagpunas ng katawan si Valentina at nagbalik sa isipan ang paalala ng mga kasamahan bago siya mapadpad sa lugar na iyon.
"Bawal gumamit ng portal sa patungong Rhoxinu."
Unti-unting bumakas ang pagtataka sa mukha ng mersenaryo.
"Valentina, may problema ang portal na kumokonekta sa Rhoxinu kaya—"
Natuon ang tingin ni Valentina kay Gangia. "Alam mong may problema ang portal patungong Rhoxinu?"
"Ilang araw nang usap-usapan ang suliranin sa mga lagusan patungo sa nasabing bayan. Isa sa mga dahilan ng pagpupulong ang tungkol diyan. Hindi mo ba nabalitaan? Akala ko ba'y dadalo ka sa pulong? Wala bang nagpaalala sa iyo?"
Napaisip si Valentina. "Balita hanggang dito?"
"Nasa itaas lamang ang Cedillar. Narito ang gobyerno ng aming bayan. Ito ang tahanan ko. Natural na pag-usapan ang tungkol diyan."
"Kung may problema pala ang portal, ibig sabihin hindi talaga ako makakarating agad sa Rhoxinu kahit pa sundin kita!" galit na sigaw ni Valentina.
"Sinabi ko bang gagamit tayo ng portal?"
"Pero—" Natigilan si Valentina. Wala siyang matandaang sinabi ng halimaw maliban sa isang may kaugnayan sa sagot nito. "Ang sabi mo'y may portal ang ministro!"
"Ang mga sinabi ko lamang sa iyo ay ito: Kakausapin mo ang ministro, ipakikilala kita sa ministro, at manghihingi tayo ng tulong sa ministro."
Napaahon tuloy sa tubig nang wala sa oras si Valentina. "Ang sabi mo'y kung hihiling ka ng portal sa kanila ay makahihingi ka!"
"Tama nga!" kumpiyansadong sagot mula sa halimaw. "Kung manghihingi ako."
"At wala kang balak manghingi?"
"Para sa iyo?" Hinagod ng tingin ni Gangia ang hubad na katawan ni Valentina. May marka sa itaas ng gitnang bahagi ng dibdib nito. Sa pagkakaalam niya ay ibinibigay lamang iyon sa mga supling na nagtataglay ng sumpa ng kamatayan buhat nang ipanganak. "Pag-iisipan ko."
"Sinungaling na halimaw!" Dali-daling sinugod ni Valentina si Gangia at buong puwersa itong itinulak sa direksyon ng bukal. Isang malakas na suntok ang pinakawalan niya na tumama sa kanang pisngi ni Gangia bago pa man sila tuluyang lumubog sa tubig na may anim na talampakan din ang lalim. Agad siyang umahon at mabilis na hinawi ang tubig sa kanyang mukha. "Bakit ba ako nagtiwala sa salita mo?"
Umahon na rin si Gangia at hinawi ang tubig sa mukha. Humabol siya ng paghinga at hinawakan ang pisngi niyang nasuntok. "Ang ikli rin talaga ng iyong pasensya, ano?" naiinis niyang sinabi habang tinitingnan kung dumugo ba ang mukha niya dahil sa suntok. "Natural lang ba sa inyo ang kawalan ng utang na loob?"
Ang galit na galit na mukha ni Valentina ay unti-unting nagbabago at nakitaan na naman ng pagkagulat.
"Hindi ka pala maaaring biruin. Tipo mo ang mga pumapaslang dahil lang sa pagkapikon. Mas wala ka pang awa kaysa mga Roja Revenanteng nasa labas ng coloseong ito. Nakadidismaya." Muling paghawi ng tubig sa mukha at pagkainis. "Pagkatapos ay panghahawakan ninyo ang katwirang pumapatay para sa kapayapaan? Nasaan ang kapayapaan sa iyong gawi? Kapayapaan ba ang kawalan ng pasensya?"
"A-ano ang—" Tiningnang maigi ni Valentina ang nasa harapan niya. Hinagod ng titig mula ulo nito pababa hanggang sa dibdib nitong nakikita niya pa nang bahagya sa malinaw na tubig.
"Huwag mo nang banggitin," tanging nasabi ni Gangia at lumusong paalis sa tubig. "Isa akong halimaw. Tapos ang usapan." Umahon na siya sa bukal at piniga ang buhok niyang mula sa pagiging pilak ay napalitan ng itim. Maging ang mahabang tainga niya ay naging gaya ng sa mga normal na tao. Naging kulay krema ang kutis niya dahilan para mangibabaw ang bawat peklat niya sa katawan.
"Isa kang mortal," tanging nasabi ni Valentina habang sinusundan ng tingin si Gangia. "Isa kang tao!"
"May mahika ang tubig ng bukal. Kaya niyang bawasan ang kapangyarihan ng kahit anong uri ng mahika ng ibang angkan. At ang epekto sa akin ay ang mabilisang pagbabagong-anyo." Hinarap niya si Valentina at bakas na sa mukha niya ang pagiging seryoso. "Kasama ng pagbabagong-anyo ang paglabas ng kahinaan, pagkawala ng mga kapangyarihan, at pagiging mortal sa panandaliang panahon."
Naningkit ang mga mata ni Valentina nang may maalala sa mga asul na mata at maamong mukhang taglay ng isang mortal na Gangia Shima. Naalala niya ang imahen ng ministro sa di-malamang kadahilanan.
"Mukhang iyan ang talagang nais mong malaman. Sana ay masaya ka na sa nasilayan mo," dismayadong sinabi ni Gangia at naglakad na paalis sa bukal.
"Iiwan mo ako rito?" nalilitong tanong ni Valentina.
"Hindi ako lalabas ng Qual'theraz na ganito ang anyo! Bilisan mo ang paliligo! May ilang oras na lang at lalaban na tayo!"
Wala nang itinugon si Valentina. Sinundan na lang niya ng tingin si Gangia. Nakadagdag lang ng pagtataka para sa kanya ang mga simbolong nakaukit sa likod nito.
~oOo~
Unti-unti nang bumabalik ang anyong halimaw ni Gangia Shima at nakapagbihis na si Valentina. Napako ang tingin ng mersenaryo sa halimaw na nakaupo sa isang natumbang puno at nakikipaglaro sa mga kuneho, ibon at paruparo.
"Bakit mo ako tinutulungan?" seryosong tanong ni Valentina. Sinundan lang siya ng tingin ni Gangia habang naglalakad siya patungo sa harapan nito. "Narinig mo naman ako, hindi ba?"
"Hindi ako obligadong tumugon," ani Gangia at muling ibinalik ang atensyon sa mga kuneho.
"Bakit mo nakikita ang puso ng Cedillar?"
"Wala akong sinabing nakikita ko."
"Mga imortal na nagtataglay ng dugong bughaw! Mga anak ng Kataas-taasang Diyos! Mga propeta at orakulong isinugo ng kalangitan! Mga kawal na itinalaga ng Banal na Tagapagpanatili! Mga matataas na uri ng nilalang na humigit sa pagiging halimaw at pagiging mortal!" Nagsilayuan ang mga kalaro ni Gangia dahil sa taas at lakas ng boses ni Valentina. "Sabihin mo sa aking hindi ka isa sa mga nabanggit ko!"
Nanatiling iwas ang tingin ni Gangia Shima sa mersenaryo.
"Lumalabas lang ang mga simbolo ng mga tagapagpanatag kay Amarilla tuwing makararamdam siya ng mataas na uri ng nilalang! Maliban sa aking ama at sa aming tagapagsanay na kawal ng Banal na Tagapagpanatili, ikaw lang ang nagawang buhayin ang mga simbolo ni Amarilla."
"Wala akong ipaliliwanag sa iyo." Tumayo si Gangia Shima at nagpagpag ng kamay.
"Ang simbolo sa likod mo. Simbolo iyon ng pagiging anak ng Kataas-taasang Diyos, hindi ba? Isa ka sa mga anak ng langit, tama ba?"
"Hindi mo kailangan ng kahit anong salita mula sa akin, mersenaryo." Nilakad na ni Gangia Shima ang daan pabalik sa loob ng coloseo.
"Ilan lamang sa mundo ang nagtataglay ng asul na mata at lahat sila ay nagtataglay ng dugong bughaw buhat nang ipanganak. Malamang na nagmula ka sa angkan ng mga imortal."
"Tapusin mo ang buhay ng Ash'tal at sasagutin ko ang lahat ng katanungan mo."
"Ash'tal? Gusto mong talunin ko ang may hawak ng titulong Ash'tal? Hindi ba't ikaw rin iyon?" Napansin ni Valentinang naglaho na ang marka sa likod ni Gangia. Wala na ang nakita niyang simbolo ng anak ng Kataas-taasang Diyos.
"Makaaalis ka ng coloseong ito, makalalabas ka ng Rubelhizb," paninigurado sa kanya ni Gangia at saka siya nito hinarap. Nawala na rin ang asul na mata nito at nagbalik sa dating kulay abo. "Ang gagawin mo lamang ay kunin ang pabuyang handog sa Ash'tal. Iyon ay tatlong kahilingang tutuparin ng ministro ng Cedillar. Hilingin mo sa kanya ang lahat ng tulong na nais mo para makaalis dito."
"Hindi mo ba naiintindihan? May pulong sa Rhoxinu at kailangan kong dumalo! Tingin mo ba'y hihintayin ako ng konseho?"
"Ikaw ay hindi, subalit ako'y oo." Nagpatuloy sa paglakad si Gangia at malakas na itinulak ang pinto pabalik sa coloseo. "At isa pa, may orasang buhangin ang ministro. May mahika iyon na makapagpapabalik ng oras. Maaari mo iyong hilingin upang ibalik ang panahong nawala sa iyo, kung mangyari man."
"Gangia Shima!" Mabilis na humabol si Valentina ngunit nakita na lang niya ang halimaw na higit sampung dipa na ang layo sa kanya mula sa kinatatayuang pintuan hanggang pasilyo.
###
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top