Chapter 2: Ang Revenante at ang Mersenaryo
Isang malaking coloseo ang tinatanaw ng tingin ni Valentina habang nilalakad nila ni Gangia ang isang paikot na pasilyo. May taas na pitong palapag ang lugar na kanilang kinaroroonan. At ang daang tinatahak ay patungo di-umano sa ministrong tinutukoy ng lalaking halimaw.
Halo-halo ang klase ng mga nilalang na nanonood ng laban. Sumisigaw ang lahat ng "Sanguina" upang tukuyin ang katuwaan sa pagdanak ng dugo. Karamihan ng naroon ay mga halimaw na nagtataglay ng purong dugo, kaunting bilang ng mga nilalang na magkahalo ang uri, at ilang imortal. Tirik ang sinag ng araw sa lugar na tila ba hindi gumagalaw at nananatili lamang sa katanghalian ang taas. Kaiba sa kabilang ibayong kinakain ng kadiliman ang paligid.
"Sinong ministro ba ang kakausapin natin?" tanong ni Valentina sa halimaw na kasama.
"Ministro ng Cedillar," tugon nito. "Dadalo ngayon dito sa sentro ng bayan ng Rubelhizb ang ministro. Baka lamang nakita mo ang karuwahe niya kanina bago tumungo rito sa Torneo."
Kumunot ang noo ni Valentina at naituon ang atensyon sa kasama. "Iyong itim at lilang karuwaheng pinaandar ng apat na itim na kabayo ba ang tinutukoy mo?"
Napangiti na naman ang halimaw. Hinarap nito si Valentina at patalikod na naglakad. "Nakita mo pala."
"Iyon ang nagdala sa akin sa lugar na ito."
"Pinasakay ka?"
"Galing ako sa labas—iyong mukhang impyernong napakaraming patay na halimaw. Nakita kong dumaan sa isang portal ang karuwahe kaya't sinubukan kong makaalis sa kabila. Hindi ko lang inaasahang dito ako mapupunta. Walang nagsabi sa aking nasa lugar na ito ang ministro ng Cedillar."
"Ah! Nagmula ka pala sa kabilang hangganan. Ito ang Cedillar at ang coloseong ito ang sentro ng aming bayan. Ilang milya pa ang layo ng hangganan kung nanaisin mong makaalis sa nasasakupan ng Rubelhizb. Kakailanganin talaga ng portal kung nais mong makalabas dito. Mga napaslang na Roja Revenante marahil ang nakita mo sa hangganan kung halimaw lang ang pag-uusapan." Napatango si Gangia habang hinahagod ng tingin si Valentina. Bakas nga sa katawan ng mersenaryo ang natuyong dugo ng mga halimaw. Huminto ang lalaki sa paglalakad at itinuro ang kanang gilid. "Sa likod ng pintong ito ang Breva. Dito pinipili ang mga lalahok sa Torneo."
Tinaasan lang ng kilay ni Valentina ang kahoy na pintong pinatibay ng ilang bakal na bahagi. "Akala ko ba'y dadalhin mo ako sa ministro?"
"Sinusuri ng mga kawal ng Torneo ang mga manlalaro nila. Kung makapapasa sa kanila'y ipakikilala sila sa ministro. Para lang malaman ng isa sa mga tagapagpatupad ng paligsahan ang mga manlalarong dapat niyang suportahan."
"Hindi nga ako manlalaro!" katwiran ni Valentina. "Ilang beses ko bang kailangang ulitin ang bagay na iyan sa iyo, halimaw?"
Natawa nang mahina si Gangia at binuksan na lang ang pinto. "Kung hindi mo nais kausapin ang ministro'y wala namang kaso sa akin," nangungutya nitong sinabi.
"Gusto ko nang umalis sa lugar na ito!"
Bumukas na ang pinto at tumuloy sa loob si Gangia Shima.
"Ano ba?" inis na sinabi ni Valentina at sumunod sa halimaw. "Ang sabi ko—" At natigilan siya.
Nasilayan niya ang mahabang hilera ng mga manlalaro sa loob ng may kadilimang lugar na iyon. Nakasuot ang mga ito ng makakapal na bakal na tanikala sa leeg. Ang Breva—na sa sukat ng tingin ni Valentina'y aabot ng isandaang metro kuwadrado ang lawak. Samot-saring mga halimaw, mga anyong tao, ilang mga kalahating uri, at mga imortal ang naroon. Mataas ang kisame at makikita ang ilang bakal na haligi na lalong nagpamukha sa loob bilang malaking bodega.
"Haria! Mga manlalaro kami ng Sanguina Torneo," masayang pagbati ni Gangia Shima sa mga kawal na naroon at sumusuri.
Isang halimaw na kulay pula ang balat, may hawig ang mukha sa itim na tigre, nakasuot ng pilak na baluti, at tumitindig ng higit pitong talampakan ang humarap kay Gangia.
"Pangalan," anang kawal na may malalim na boses.
"Gangia Shima, lagalag na halimaw mula sa bayan ng Rubelhizb."
"Ah! Ang tusong Revenante," anang kawal at ngumisi kay Gangia. "Pangalan," muling hingi ng kawal mula kay Valentina.
Walang tugon mula sa mersenaryo.
"Pangalan," pag-uulit ng kawal.
Siniko naman ni Gangia si Valentina upang sabihan ito. "Pangalan mo," bulong nito.
Deretsong tiningnan ni Valentina ang dilaw na mga mata ng kawal. Sunod ay ang mga naroon na sa tingin niya'y mga manlalaro ng paligsahan. "Valentina Stigma. Mersenaryo ng Ze Mercenaria ng Ghunna, mula sa bayan ng Rhoxinu."
Lahat ng nakarinig ng pagpapakilala niya'y tinapunan agad siya ng masamang tingin.
Malakas na halakhak mula sa tigreng kawal na sasapat upang maghatid ng kilabot sa kahit sinong makaririnig. "Mersenaryo ng Ghunna! Walang babaeng mersenaryo ang bayan maliban sa isa. Ano kayang masamang hangin ang naghatid sa isang mamamaslang sa Torneong ito?"
Lumapit sa tigreng kawal ang dalawa pang halimaw na kawal. Iniabot dito ang dalawang bilog na bakal na magsisilbing tanikala ng mga kalahok bago ang laban.
"Gangia Shima," anang kawal at isinuot na sa leeg ni Gangia ang makapal na bilog na bakal. Isang ngisi ang masisilayan sa mabalahibong labi nito. "Kung makikita kang muli ng ministro sa Torneong ito'y aasahan ko na ang marami-raming paliwanag mula sa iyo upang ipaglaban ang iyong panig."
"Hawak ko pa rin naman ang titulong paglalaban-labanan ng mga narito, Yoba," makahulugang tugon ni Gangia na sinamahan pa ng inosenteng ngiti.
Tumapat naman ang tigreng kawal kay Valentina at akmang isusuot sa mersenaryo ang tanikalang bakal.
"Hindi ko isusuot iyan!" reklamo ni Valentina at tinabig ang kamay ng kawal.
Sandaling pagkagulat at muling tumawa nang malakas ang tigreng kawal na lumukob at umalingawngaw sa loob ng malaking lugar na iyon.
"Mga mersenaryong labis na iniibig ang sarili! Mapagmataas at itinuturing ang lipi bilang mga uring nasa tuktok ng piramide ng buhay!" Puwersahang isinuot ng kawal ang bakal na tanikala kay Valentina. "Wala ka sa iyong bayan, babaeng mamamaslang!"
Mula sa bilog na tanikala sa leeg ni Valentina ay dahan-dahang nabuo ang mahabang kadenang gumagapang patungo sa kamay ng tigreng kawal.
"Sa Torneong ito: ang halimaw, mga imortal, at mga gaya mong manunubos ay nasa iisang lebel lamang." Hinatak ng kawal ang kadena hanggang makalapit sa kanya si Valentina at maitapat niya ang mukha sa mukha ng mersenaryo. "Susunod ka sa aming patakaran o mamamatay ka dahil sa katigasan ng iyong ulo, munting mersenaryo ng Ghunna."
"Lapastangan!" galit na sigaw ni Valentina at kinuha ang espada niyang nakasukbit sa kanyang likuran. Inunday niya iyon sa hangin upang patamaan ang tigreng kawal ngunit biglang natigilan.
"Hindi rito ang laban, magandang binibini," nakangiting ani Gangia sa mersenaryo.
Nanlaki naman ang mga mata ni Valentina dahil hawak ng halimaw ang espada niya at napigilan ito gamit lamang ang dalawang daliri. Lalong nakadagdag sa pagkabigla niya ang pagliwanag ng pula ng mga simbolo ng mga mersenaryo ng kalangitan. Lumalabas lamang ang mga iyon kung sakaling nakararamdam ang armas ng mataas na uri ng nilalang sa paligid.
"Amarilla," mahinang tawag ni Valentina sa ngalan ng kanyang espada.
"Nadala lamang siya ng emosyon, Yoba," nakangiting paliwanag ni Gangia sa kawal. "Ihatid mo na kami sa aming pila upang hindi na madagdagan pa ang problema ng isa't isa." Binitiwan na niya ang espada ni Valentina at kusa na siyang naglakad patungo sa pinakadulong pila ng mga manlalaro.
Sinamaan lang ng tingin ng kawal si Valentina at sapilitan itong kinaladkad hawak ang kadenang nakakonekta sa leeg nito.
Itinago lang ni Valentina ang armas at buong pagtatakang tiningnan si Gangia Shima. Bihira ang nakapagpapalabas sa mga makapangyarihang simbolo at dalawa pa lang ang nakagawa noon na nasilayan ng kanyang mga mata.
"Gangia Shima," naiiritang bulong ni Valentina.
###
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top