Chapter 10: Huling Laban ng Sanguina Torneo
Sumapit na ang bukang-liwayway at hindi pa man lubusang sumisilip sa coloseo ang sinag ng araw ay muling nagbalik si Valentina sa lugar kung saan niya unang nasilayan si Gangia Shima. Balisang-balisa siya at napakaraming umiikot sa kanyang utak. Maraming tanong na hindi nasagot. Maraming sagot na hindi niya malaman kung ano ang tanong. Kailangan niyang makabalik agad sa Rhoxinu at kausapin ang konseho subalit pinipigilan siya ng napakaraming bagay na sa arena lang niya matatagpuan.
Ilang sandali pa'y biglang lumakas ang hangin kaya't napatingin sa itaas si Valentina. Sinundan niya ng tingin ang tumatakbong puting kabayo sa ere tangan ang maliit na karuwaheng lumapag naman sa kaliwang gilid niya.
"Totoo nga ang sinabi niya," mahinang bulong ni Valentina.
Isang malakas na tunog ng trumpeta ang bumalot sa coloseo. Napalingon sa gilid si Valentina kahit na alam niyang mataas na pader lang ang kanyang makikita.
"Haria! Sanguina!"
Simula na ng ikalawang bahagi ng Sanguina Torneo, at pasok sa bahaging iyon ang babaeng mersenaryo.
Kinuyom ni Valentina ang kamao at pumikit na lamang nang mariin. Kailangan na niyang makabalik sa kanyang bayan at nasa harap na niya ang tutulong upang mangyari ang kanyang gusto.
"Dinala ka rito ng pagkakataon, binibining mersenaryo," tinig mula sa likuran ni Valentina. "At alam nating hindi pa tapos ang minutong dapat ay ilalaan mo sa lugar na ito."
"Sinusundan mo ba ako, magsasanay ng orakulo?" tanong ng mersenaryo at lumapit na sa karuwaheng ipinangako sa kanya ni Gangia Shima.
"Kung ang iyong matagal nang hinahanap ay nasumpungan sa pagkakataong hindi mo inaasahan, ano ang iyong gagawin kung sakali man?"
"Ang karuwaheng ito ang hinahanap ko. Nasumpungan ko na at ang gagawin ko na lamang ay tumungo sa aking destinasyon—at pihadong hindi iyon ang lugar na ito."
"Iniisip mo bang nasa maling lugar ka?"
"Kung balak mo akong pigilan, tingin ko'y huwag ka nang mag-abala."
"Hindi kita pipigilan kung nais mo nang umalis. Nasa iyo ang kalayaan mo, binibining mersenaryo. Gusto lamang kitang makita sa huling pagkakataon."
Sumakay na si Valentina sa karuwahe at pinagmasdang maigi si Hulance na nanatiling nakatayo lamang at nakatingin sa kanya.
Umangat na ang sinasakyan ng mersenaryo at dama niya ang bahagyang paglakas ng hangin.
Sa pagbuwelo pa lamang ng karuwahe upang mabilis na lumipad paalis, halos ilabas na ni Valentina ang kanyang ulo sa bintana ng sinasakyan dahil sa kanyang nakita.
Napakalaking kastilyong sa langit na iniikutan ng umaalong bahaghari at mala-bulak na ulap. Napakaraming karuwaheng naroon at natanaw niya ang lilang karuwahe na nagdala sa kanya sa coloseo.
"Ang puso ng Cedillar," bulong ng mersenaryo habang nakikita ang lumulutang na isla.
SA KABILANG BANDA kung saan ginaganap ang Sanguina Torneo, tatlumpu't siyam ang nilalang na nasa arena kasama na si Gangia Shima.
Walang bakas ng kahit anong emosyon ang nasa mukha ng lalaking halimaw habang nakatingin sa kanyang kamay hawak ang maliit na asul na bolang kristal—isang espesyal na portal na maaaring maghatid sa kahit sino patungo sa dimensyong kanilang naisin.
Dahan-dahang ibinabaligtad ang babasaging orasa, hudyat na ilang sandali na lang ay magsisimula na ang laban.
Lima na lamang ang matitira sa mga kalahok na naroon; at dahil alam ni Gangia Shima na namili na ang mersenaryong templo ni Miorhan, wala na siyang magagawa kundi ang tapusin agad ang laban sa paraang alam niya.
"Sanguina!"
At tumunog nang napakalakas ang mga trumpeta.
May naglabas ng naglalagablab na apoy sa kabilang bahagi ng arena, umaagos naman sa hangin ang tubig na kinokontrol ng isa sa mga kalahok. Nakahanda na ang ilan sa pagsugod ng kanilang mga katunggali at ang iba'y aatake gamit ang kani-kanilang mga armas.
Hinugot na ni Gangia ang kanyang kalis na nakasukbit sa kanyang sinturon at dahan-dahang bumuga ng hininga.
Sa ganitong pagkakataon na lima na lamang ang matitira upang makatuntong sa susunod na bahagi, alam na ni Gangia na siya ang uunahing tapusin ng mga kalaban dahil siya ang may hawak ng titulo. Oras na mapaslang siya ay napakadali na lamang para sa iba ang tapusin ang natitirang mga katunggali.
Gumalaw ang mga kalahok at kapuna-puna ang pagbuo nila ng bilog sa palibot ni Gangia Shima.
"Ang tusong revenante," banggit ng isa sa mga kalabang halimaw. "Nakahanda ka na ba sa iyong kamatayan. . .Ash'tal?"
Walang tugon mula kay Gangia. Ilang saglit pa'y samu't saring armas na ang nagliparan sa hangin at ang puntirya ay siya.
"Haria! Hoo! Hoo! Hoo!"
Muling dumagundong ang hiyawan ng mga manonood at lalong lumakas ang kalampagan.
Ibinaon ni Gangia ang kalis sa batong arena at isang malakas na puwersang nakabuo ng liwanag ang pumalibot sa kanya mula sa kanyang kinatatayuan upang sanggain ang mga armas na paparating.
"Sanguina! Sanguina! Sanguina!"
Nakaalis na sa mga oras na iyon ang mersenaryong si Valentina. Wala nang dahilan upang makipaglaro pa. Inusal ni Gangia ang isang orasyon upang maglabas ng mahikang bihira lang niyang gamitin.
"Falah-dor kalim. . ."
Binalot ng puting ilaw ang kanyang kalis at gumawa ito ng napakaraming imahe sa ere ng mga nakatayong espadang gawa sa nakasisilaw na liwanag.
Isang masamang tingin ang inihandog ni Gangia sa ministrong napatayo na sa kinauupuan nitong trono dahil sa pagkagulat. Alam niyang alam nito ang susunod niyang gagawin—at hindi iyon papabor sa nais nitong patunguhan ng labanan.
". . .anuh telah-dor nalih."
Pumahiga ang mga espada at mabilis na lumipad at sumaksak sa dibdib ng mga kalahok na nasa arena.
Walang dugo. Nakagagalaw pa ang mga tinamaan. Nagtaka ang lahat.
". . ashra tho-ranah."
Pagkatapos ibulong ang huling bahagi ng orasyon ay agad na sumabog sa hangin ang tatlumpu't walong kalaban ni Gangia at naging abo na lamang.
"Sanguina! Hari—!"
Binalot ng alikabok mula sa mga manlalarong napaslang ang palibot ng arena.
Umalingawngaw ang trumpeta.
Binalot ng katahimikan ang lahat.
Masamang tingin mula sa pares ng asul na mata ng ministro at tinamaan ang kanyang maputla at kulubot na pisngi ng sinag ng bagong araw.
Patuloy ang pagbagsak ng buhangin sa orasa.
"SANGUINA!" malakas at bukod-tanging sigaw mula kay Gangia Shima sa kabila ng katahimikang nangingibabaw sa coloseo, iyon ay upang kutyain ang ministro ukol sa kahulugan ng pagdanak ng dugo sa Torneo nito.
Idinipa niya ang mga kamay upang maghamon sa ministro.
"Mahal na Ministro Pereio!" mapaghamong tawag ni Gangia at yumukod muna pagkatapos ay tumayong muli nang tuwid. "Nakadidismaya pa ba ang aking ginawa? Walang pagdanak ng dugo, at wala nang natitira pang katunggali! May lalaban pa ba sa Ash'tal. . .ama?"
Hindi pa nangangalahati ang lamang buhangin ng salaming orasan subalit tapos na agad ang laban. Unang pagkakataon sa loob ng limampung taong paglaban ni Gangia Shima sa Sanguina Torneo ay nagawa niyang tapusin ang labang hindi ikatutuwa ng mga tagapagpatupad ng palaro.
"Sapat na ang mga naganap! Bilang Ash'tal, ngayon pa lang, tinatapos ko na ang ika-tatlong daan at limampung—"
Mula sa itaas ay dumaan ang napakalakas na paghawi ng hangin at lahat ay napatingala.
Isang lumilipad na nilalang ang bumubulusok mula sa itaas at ilang saglit pa'y lumapag sa arena na nagdulot ng bahagyang pagyanig ng sahig.
Nanatili ang katahimikan.
Dahan-dahang lumingon sa likuran niya si Gangia Shima at binalot ng di-pagkapaniwala ang mukha.
"Hindi pa tapos ang laban." Mabilis na hinugot ni Valentina ang kanyang espada. Sinulyapan niya ang orasa sa balkonahe ng colose at itinutok kay Gangia Shima ang armas. "Hindi ba?"
"Valentina Stigma?" bulong ng halimaw. Ibinagsak niya ang mga kamay at masamang tiningnan ang mersenaryo. "Bakit ka nagbalik?"
"Makapaghihintay ang konseho. Sa katunaya'y huling-huli na ako upang tumungo pa roon kaya't ano pa ang saysay ng pagmamadali? Maraming salamat sa pagpapahiram ng karuwahe." Tumango si Valentina. "May tatapusin lamang akong trabaho bago tumungo sa Rhoxinu."
"Nagkamali ka ng naging desisyon, babaeng mersenaryo."
"Walang mali sa naging desisyon ko, lalaking halimaw."
"Matigas talaga ang ulo mo, mamamaslang!" Dinig na sa tono ng boses ni Gangia ang pagkadismaya sa pagbabalik ni Valentina. Kinuha niya agad ang kanyang kalis na nakabaon sa sahig ng arena at pumusisyon upang lumaban.
"Akala ko ba'y gusto mong talunin kita?" Humakbang na si Valentina at binilisan ang paglakad.
"Ishnu-anul-dor'rah!" Muli na namang binalot ng pulang apoy si Amarilla at agad niyang pinatamaan si Gangia.
"Pagsisisihan mo ang pagbabalik mo rito, manunubos ng lahi!" Sinalag ng kalis ni Gangia ang atake ni Valentina at muling nagwala ang buong coloseo.
"Sanguina! Haria! Hoo! Hoo! Hoo!"
"Andu fah-lah dor!" usal ni Gangia upang sabihing simula na ng pagdadalisay. Nabuo ang malakas na hangin mula sa kanyang kinatatayuan. Umangat ang kanyang mahabang buhok gawa ng hangin at napalitan ng ginto ang kulay pilak niyang buhok. Binalot ng asul na liwanag ang kanyang mga mata, at ang kanyang katawan ay lumaki nang doble sa sukat nito. Tumubo ang pakpak na gawa sa ginto sa kanyang likod at ang kanyang kalis ay nagbagong-anyo at naging espadang gawa sa liwanag.
Napatayo ang halos lahat ng manonood dahil sa kanilang nasasaksihan.
"Ron!" sigaw ng ministro mula sa balkonahe. Bakas sa mukha nito ang takot dahil sa pagbabagong-anyo ng kanyang anak.
Umawang ang bibig ni Valentina nang makita ang nilalang na nasa kanyang harapan. "Ang tagapagdalisay."
Napatingin ang mersenaryo sa kanyang espadang naglalabas ng usok na kulay pula mula sa mga umiilaw nitong simbolo. "Amarilla!" Ang anyong espada ni Amarilla ay binalot ng usok at kapagdaka'y naglaho at binalot ang braso ni Valentina patungo sa katawan nito.
Dumilim ang kalangitan at pinalibutan ang itaas ng coloseo ng itim na mga ulap.
Tatlong malalakas na pintig ng puso ang narinig ni Valentina at pagkatapos ay wala na. Pinalibutan siya ng pulang usok at muling napalitan ng matingkad na pula ang kanyang asul na buhok. Ang dating itim na kulay ng kanyang mata'y naging puti muli at gumapang mula sa dibdib niya ang kulay kahel na usok hanggang sa balutin nito ang kanyang katawan at muling naging nakabibighaning bestidang apoy.
Gumulat sa lahat ang pagbasag ng malakas na kulog mula sa kalangitang hindi pa man lubusang sinisikatan ng araw.
"Hindi natin matatakasan ang sumpa, mahal ko," nakangising banggit ng nilalang na nakakulong sa katawan ni Valentina Stigma.
"Miorhan." Dinig ang lalim at kalmadong tono sa boses ni Ron na tila ba galing pa sa kalangitan.
"Simulan na ang muling pagtutuos, tagapagdalisay!" Itinaas ni Miorhan ang mga kamay, tila ba tinatawag ang mga kaluluwa sa mga namuong itim na ulap. "Ang pagkakataon ang nagnais ng ating kapalaran! At walang nakatatakas sa laro ng tadhana!"
Malakas na tili mula kay Miorhan at naglabasan sa paligid ang mga itim na aninong humihiyaw ng nakaririnding tinig. Lumipad ang mga iyon sa mga manonood at lahat ng malapitan ay nililingkis at agarang nagiging usok.
Nagtakbuhan ang lahat dahil sa takot at ang gulo sa loob ng coloseo ay lumala.
Malakas na tawa mula sa tagalipol habang natatanaw sa kalangitan ang lumulutang na isla ng Cedillar.
Sumugod si Ron at pinatamaan ng kanyang espada si Miorhan. Umilag lang ito at lumipad habang nakalahad sa hangin ang mga braso.
"Ihandog mo na ang kamatayan sa akin, anak ng langit!" paghahamon ni Miorhan. "Ihandog mo ang kamatayan sa kanyang sugo!"
"Hindi mo kailangang gawin ang lahat ng ito, Miorhan!"
"Ang lahat ng ito ay dapat mangyari, Ron! Lahat ng ito ay nakaukit na sa Lihim na Aklat ng Kalangitan! At ang pagdadalisay ay humahangad ng kawalan!"
Nagpatuloy ang lagim. Ang halos kalahati ng populasyon ng coloseo ay nawala na. Nilulukob ng kadiliman ang buong lugar dahil sa mga lumilipad na anino.
"Kamatayan!" sigaw ng tagalipol na si Miorhan habang humahalakhak.
Paunti nang paunti ang mga manonood na nananatiling buhay pa.
Ipinagaspas ni Ron ang kanyang ginintuang pakpak at mabilis na sinundan si Miorhan sa ere. "Tapos na ang laro ng pagkakataon, Miorhan! Kailangan mo nang ibalik ang anak ng Dakilang Tagapagpanatag sa kanyang pinagmulan!"
"Ang templong ito ay perpekto!" Tumalikod si Miorhan habang nasa ere at nahanap ang ministro sa balkonahe kung nasaan ito. "Pereio, ang talipandas na imortal." Itinutok niya ang kanang kamay rito at nabuo sa kanyang palad ang itim na puwersang may maliliit na kidlat. "Isa kang kahihiyan sa iyong lahi. Nakalulungkot na ang templo ng aking kabiyak ay nagtataglay ng makasalanan mong dugo."
"Huwag!" mabilis na lumipad si Ron palapit sa tagalipol upang pigilan ito sa binabalak. Hinatak niya ang kamay ni Miorhan at ibinalibag ito pababa sa arena.
Hindi pa man tuluyang nakalalapit sa batong sahig ay agad nang sinalo ng itim na usok ang katawan ni Miorhan at muli itong nilipad paitaas.
"Napakalaking sinungaling at traydor ng ama ng sisidlan ng iyong binhi, Ron!" sumbat ng tagalipol. "Siya ang pumaslang sa angkan ng aking templo! Siya ang kumitil sa buhay ng Dakilang Tagapagpanatag at hindi ako! Hindi na siya nararapat pang mabuhay!"
"Hindi na kita hahayaan pa sa lahat ng naisin mo, Miorhan." Ibinato ni Ron sa hangin ang asul na bolang kristal at nagbukas doon ang malaking portal. Hinigop ng asul na liwanag mula sa lagusan ang mga itim na ulap at umusal ng dasal ang tagapagdalisay.
"Anuh'dorin italah! Qil'duhrei ande'thoras-ethil."
Pinalibutan si Miorhan ng nakabubulag na ilaw at nadamay siya sa hinihigop ng portal tungo sa kabilang dimensyon.
"Ron!"
Mula sa itaas ay nasilayan ng tagapagdalisay ang muling paglaho ng kanyang minamahal. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi ito nawala gaya ng sumpang ipinataw sa kanila ng Kataas-taasang Diyos.
"Traydor ka!" huling sigaw ng tagalipol bago pa magsara ang portal.
"Patawad, Miorhan," naibulong ni Ron sa hangin nang tuluyan nang mawala ang binuksan niyang lagusan.
Muling pagpikit at panlulumo.
Sa pagkawala ni Miorhan ay humiyaw muli ang nakabibinging katahimikan.
Muling sumilip ang araw. Naglaho na ang mga itim na ulap.
Bakas ang gulo sa ibaba ng coloseo.
"Tama ang iyong tinuran. Ang lahat ng ito ay dapat mangyari—lahat ng ito ay nakaukit na sa Lihim na Aklat ng Kalangitan. . ."
Hinawi niya ang hangin mula sa ere at paulit-ulit na inusal ang dasal ng paglilinis ng mga kaluluwa.
". . .at ang pagdadalisay ay humahangad ng kawalan."
Pumatak sa langit ang mga patak ng liwanag mula sa kalangitan at ang mga sugatan ay unti-unting naghilom ang mga sugat na natamo. Kumalma na ang paligid.
Nakikita niya ang mga naapektuhan ng ginawa ng tagalipol. Ang mga itim na anino ay naglaho na.
Naging isang malaking sakuna ang naganap sa pangalawa at naging huling bahagi ng Torneo.
Lumingon si Ron sa likod at nakita ang ministrong bakas ang takot sa ekspresyon ng mukha. "Itinuturing pa rin kita bilang ama ng aking sisidlan at akin pa ring pinangangalagaan ang posisyon bilang bantay ng buhay. Subalit kung ako man ang nasa katayuan ng tagalipol ay tatapusin din kita dahil sa iyong kapalaluan."
Isang malalim na buntong-hininga at bumaba na si Ron sa arena. Unti-unting bumabalik ang kanyang anyo sa pagiging halimaw habang nakikita ang kinahinatnan ng lahat mula sa kanyang kinatatayuan.
Wala man ang tunog ng trumpeta, hudyat ang katahimikan upang sabihing ang laban ay nagtapos na. At ganoon din ang iba pang laban na matagal na nilang pinaghandaan.
Sa mga sandaling iyon, nagtapos na ang ika-tatlong daan at limampungtaon ng Sanguina Torneo—at ang titulo bilang Ash'tal ay mananatili pa rin sakanya: sa lagalag na halimaw na si Gangia Shima.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top