Chapter 1: Rubelhizb

"Trabaho lamang ito, Horii," simpleng paalala ni Valentina. Itinaas niya sa ere ang pulang espadang pinupuno ng ukit ng iba't ibang simbolo ng mga mersenaryong kanyang kinabibilangan.

"Parang awa mo na, Valentina." Lumuluha ang lalaking halimaw sa paanan ni Valentina habang pinagdadaop ang mga palad. Kahit mayroon itong dalawang sungay sa noo at kulay berde ang balat, hindi iyon nakadagdag ng kilabot upang katakutan siya ng reyna ng mga mersenaryo mula bayan ng Rhoxinu.

Tila walang narinig, walang habas na inunday ni Valentina ang espada at walang kahirap-hirap na pinugutan ng ulo ang lalaking halimaw.

"Tatlong daang libong ginto para sa ulo mo, Horii." Matipid na ngiti mula kay Valentina. Dinampot niya ang gumulong na ulo ng halimaw mula sa mahaba nitong puting buhok at tinitigan iyon, mata sa mata. "Saka mo na ako sumpain, kapag nagkita na tayo sa kabilang buhay." Tumayo na siya nang deretso at tinanaw ang paligid. Hinawi ng malakas na hangin ang buhok niyang itim ang mula sa anit hanggang sa bandang leeg at kulay matingkad na asul na pababa hanggang baywang.

"Val," tawag ng tao sa kanyang likuran. "Nagpatawag ng pulong ang konseho."

Pinaikutan na naman ng mata ni Valentina ang paalalang iyon ng kasama.

Muling pagpupulong ng mga kinatawan ng bawat samahan at gabineteng nangangasiwa sa katahimikan ng bawat bayan—at si Valentina ang representante ng mga mersenaryong nagtatrabaho sa Ghunna.

"Pulong na naman?" inis na sinabi ni Valentina at itinaas sa hangin ang duguan niyang espada. Isang malakas na wasiwas ang ginawa niya at nagtalsikan sa mabuhanging lupa ang dugong nasa metal na talim. Agad niya iyong itinago sa kalubang nakasukbit sa kanyang likod. Pinagpag niya ang libreng kamay sa suot na maikling pang-ibabang yari sa balat ng tigreng ipinakikita ang makinis at maputla niyang hita.

"Sasabihin ko bang hindi ka makapupunta?"

Naningkit ang mga mata ni Valentina at muling tiningnan ang mala-disyerto nilang paligid. Walang ibang tanaw ang kanyang mga mata kundi buhangin lamang.

"Dadalo ako. Pangatlong pagpupulong na ito ngayong buwan. Ano na naman kaya ang problema?" Kinuha ni Valentina ang maliit na asul na bolang kristal sa sinturong suot at ibinato sa buhangin. "Dadaan muna ako sa Ghunna upang kunin ang aking pabuya."

Unti-unting nabuo ang asul na liwanag mula sa bolang kristal. Nagbukas na ang portal mula sa kinaroroonan ni Valentina at ng kasama niya patungo sa Ghunna. Tumapak na siya sa lagusan upang makabalik.

"Val," muling tawag ng kasama niya. "Mag-ingat ka sa pagbalik sa konseho."

Tumaas nang kaunti ang kilay ni Valentina sa babalang iyon ng kasama bago lumingon.

"Darating si Rhon."

Huling salitang hindi narinig ni Valentina dahil sa lakas ng tunog na nililikha ng hanging humihigop sa kanya mula sa portal.

"Sino?"

Nagsara na ang lagusan bago pa man muling masagot ng kasama ang huli niyang tanong.


~oOo~


Sa Ghunna . . .

Sapat na ang kanyang tindig upang pahintuin ang mga taong nakikita siya. Nilalakad niya ang kalsadang gawa sa malalaking batong pinatag tungo sa casa kung saan siya nagtatrabaho. Kumikinang ang suot niyang pilak na baluting dinisenyuhan pa ng malambot na balat ng leon. Malutong ang tunog ng takong ng suot niyang botang gawa sa matibay na balat ng baboy-ramo.

"Nakabalik na si Valentina," bulong ng nakararami habang tinititigan ang hawak ng kamay niyang pugot na ulo ng isang halimaw.

Deretso lang ang tingin niya sa daang tinutumbok ang dulo kung saan nakatirik ang malaking bahay na may nakalagay na pangalang Ze Mercenaria.

"Sino ang nahuli mo ngayon?" bungad na tanong sa kanya ni Rejan, isa sa mga kasama niya sa trabaho. Nagkasalubong pa ang dalawa patungo sa malaking bahay.

"Iyong sikat na taga-hilaga," simpleng tugon ni Valentina.

Nagsabay na ang dalawa sa pagpasok sa loob ng Ze Mercenaria at bumungad agad sa kanila ang mga kasamahang kumukuha rin ng trabaho at misyon.

Si Valentina Stigma ang may pinakamaraming napaslang na halimaw sa samahang iyon sa nakalipas na tatlumpung taon. Matunog ang kanyang pangalan sa lahat ng panig ng iba't ibang bayan. Ibinalibag agad ni Valentina ang dala sa mesang naroon upang ipakita ang bago niyang huli.

"Horii, halimaw ng hilaga. May patong na tatlong daang libong ginto sa ulo."

Lumapit sa kanya ang isang lalaking walang suot na pang-itaas, pantalong satin, at balat na sapatos lang ang gayak. "May pulong ngayon ang konseho." Inilapag nito sa mesa ang supot na naglalaman ng bayad sa ulo ng halimaw na napatay ni Valentina.

"Nabanggit nga ni Prin," pagtutukoy ni Valentina sa kasama niya sa paghuli sa halimaw.

"Dadalo sa pulong ang anak ng ministro ng Cedillar."

Kinuha lang ni Valentina ang supot na naglalaman ng napakaraming ginto at hindi na inintindi ang sinabi ng lalaki.

"Ipinagbabawal ang paggamit ng portal para sa lahat ng tutungo ngayon sa Rhoxinu."

"Talaga?" walang ganang tanong ni Valentina habang kinukuha ang maliit na bolang kristal sa sinturon bago ibagsak sa harapan.

"Valentina, may problema ang portal na kumokonekta sa Rhoxinu kaya—"

"Walang problema!" putol agad ni Valentina sa kasama.

Lumabas na naman ang liwanag at nagbukas na naman ang lagusan. Lumakas ang hanging humihigop kay Valentina.

"Valentina, kapag hindi ka nakarating agad sa Rhoxinu—!"

"Mas maganda!" malakas na sinabi ng babae at nagpahigop na sa portal.

Kakaibang tunog ang bumabalot sa pandinig ni Valentina. Pagtapak niya sa kabilang dimensiyong nilikha ng lagusan ay malakas na hangin agad ang bumungad sa kanya.

"Prin!"

Naisigaw agad niya ang ngalan ng kasama dahil ere ang sumalubong sa kanya at hindi lupa.

Naidipa niya ang mga braso at hindi rin niya maibuka nang maayos ang kanyang mga mata dahil sa lakas ng hangin. Bumabangga siya sa mga ulap na bumabasâ sa kanyang suot. Mabilis niyang kinuha ang maliit na bolang kristal sa sinturon at napansing nag-iisa na lang iyon sa mga baon niya.

Binitiwan niya agad ang bolang kristal at hinintay na magbukas ang panibagong lagusang magdadala sa kanya sa dapat na patunguhan.

Ilang sandali pa'y nabuo sa hangin ang asul na liwanag at mabilis na nilusong ni Valentina ang bagong portal.

Muling nagbalik ang malakas na hangin na humigop kay Valentina. Hindi niya halos maidilat ang mga mata habang kinakain ng kakaibang dilim na hindi niya maipaliwanag kung saan nagmula.

"Haria!"

Malakas na pinaghalo-halong sigaw mula sa malayo at naglaho na ang portal. Bumalibag nang napakalakas ang katawan ni Valentina sa napakaraming tambak na katawan ng mga napaslang na halimaw.

"Hoo! Hoo! Hoo!"

Dumadagundong ang sabay-sabay na padyak ng napakaraming paa. Binabalot ng kakaibang dilim ang paligid na iniilawan lamang ng mga apoy na bumubuga mula sa lupa. Napakamaalinsangan, nakakakilabot, isang kakaibang impyernong noon lang niya nasilayan.

"Aray!" Napahawak sa balikat si Valentina dahil sa bugbog na tinamo ng kanyang braso. Hindi maganda ang pagkakabangga niya sa mga malalaki't bulto-bultong katawan ng mga naglalakihang mga halimaw. Napangiwi agad siya dahil binalot ang katawan niya ng naghalong pula at berdeng dugo mula sa mga napaslang na halimaw na nagulungan.

"Haria!" muling sigaw mula sa malayo at napatayo agad si Valentina.

Kakaiba ang ihip ng hangin. Mausok. Napakabilis mamuo ng butil-butil na pawis sa kanyang noo at leeg. Naningkit ang mga mata niya nang masilayan ang lugar kung saan siya naroroon.

Tiningala niya ang langit na binabalot ng napakaitim na ulap at binabahayan ng mga kidlat. Maraming mga katawan ng halimaw ang nasa lupa pagbaba niya ng tingin. Malawak na lupain ang kanyang kinaroroonan. Napakalambot ng lupang kanyang tinatapakan na mayaman sa halo-halong dugo ng samot-saring halimaw. Umaalingasaw ang sangsang ng lansa ng dugo sa paligid na humahalo sa init.

"Hoo! Hoo! Hoo!"

Isang lumilipad na katawan ng halimaw ang nagmula mula sa itaas at bumagsak ilang metro ang layo mula kay Valentina. Umuga nang bahagya ang lupang nakapagpaurong sa mersenaryo.

"Hindi ito Rhoxinu," mahinang sabi ni Valentina habang hindi makapaniwala sa nakikita. Napaatras siya habang umiiling. "Hindi ganito ang Rhoxinu." Agad siyang tumalikod upang tumakbo ngunit—

"Haria!"

Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang napakaraming mga halimaw na papalapit sa kinatatayuan niya.

"Hoo! Hoo! Hoo!"

"Sumpain!" Dahan-dahan siyang umatras at ang hakbang ay naging takbo pagharap sa daang tutunguhin. "Sumpain talaga!"

Malakas na kulog ang bumasag sa nakabibinging hiyaw mula sa malayo at nagliwanag ang harapan ni Valentina. Unti-unting nabuo ang nakasisilaw na liwanag at iniluwa nito ang napakalaking karuwaheng kulay itim at lila.

"Malas!" Agad na hinabol ng mersenaryo ang lumilipad na karuwahe at kumapit sa likurang bahagi nito. Mabilis ang paglipad ng sasakyan sa ere kaya't napahigpit ang paghawak niya sa metal na disenyong nakapitan.

"Haria!"

Malakas ang hanging tila ba nagdadala ng napakaraming karayom ang tumatama kay Valentina. Napatingin siya sa ibaba at nakita kung gaano karaming halimaw ang sana'y lalapit sa kanya bago dumating ang karuwahe.

Hindi siya pamilyar sa lugar na napuntahan ngunit isa lang ang alam niya: Wala na siyang magagamit na portal upang makabalik sa Ghunna o di kaya'y makapunta sa Rhoxinu upang dumalo ng pulong.

"Sanguina!"

Nagbago ang madilim na lugar at napalitan ng nakasisilaw na liwanag. Muling nakita ni Valentina ang araw at agad siyang bumitaw sa karuwahe nang bahagya itong bumaba.

Agad siyang tumalon sa mabuhanging sahig at umangat pa ang mga alikabok nang tumapak ang mga paa niya sa lupa.

"Sanguina!"

Dahan-dahang tumayo nang deretso si Valentina at muli na namang tiningnan ang bagong lugar na napuntahan.

"Sanguina!"

Ang nakikita lang niya ay isang malaking bakal na pinto sa kanan at matayog na pader sa kaliwa. Tumingala siya at napansing wala na ang karuwahe. Tanging maaliwalas na kalangitan lamang na nagtataglay ng kakaibang kalungkutan sa pakiramdam.

"Sanguina," boses mula sa likod ni Valentina dahilan upang mapalingon siya. "Sanguina."

Naglalakad ang isang lalaking halimaw na hinahagis sa ere ang isang prutas na bago sa paningin ng mersenaryo. Wala itong suot na pang-itaas. Nakikita ang naglalakihang mga peklat nitong hindi naman nakasisira ng dating sa matipuno nitong katawan. Tanging itim na pantalon lang ang pang-ibaba nito at nakasukbit sa sinturon ang isang manipis na kalis. Kapuna-puna rin ang mahaba nitong pangil na lumalabas na sa mga labi at mga mahahabang kuko. Mahaba rin ang tainga nitong hinihikawan ng ginto at nakatali ang pilak na buhok na mahaba para sa isang lalaking halimaw.

"Sanguina."

Napahinto ang halimaw nang makita si Valentina.

"Haria!" pagbati ng lalaki at saka ngumiti.

"Ano?" Takang-taka naman si Valentina dahil hindi siya pamilyar sa lengguwahe nito.

"Mamaya na ipakikilala ang mga manlalaro. Kung ako sa iyo'y hindi na ako magtatagal dito."

"H-hindi ako—"

Muling ngumiti ang lalaki at wala pang isang kisap-mata'y nakalapit na agad kay Valentina. Nagtataglay ito ng kakaibang bilis na mga halimaw nga lang ang mayroon. "Kung nawawala ka'y maaari kitang sasamahan patungo sa Breva." Inakbayan niya si Valentina at muling hinagis sa ere ang prutas na dala. "Nasa Breva pinupulong ang mga manlalaro at hindi rito."

"Ha? S-sandali nga! Nasaan ba ako?" Tinabig agad ni Valentina ang kamay ng halimaw na umakbay sa kanya. "At sino ka ba?" Huhugutin na sana ni Valentina ang espada niya nang pigilan agad ng halimaw ang kamay niya sa balak niyang gawin.

"Mukhang isa ka sa mga imortal na ipinadala ng kabilang bayan." Itinuro nito ang espada sa likuran ng mersenaryo. "Walang manonood ang nagdadala ng armas sa Torneo kaya malamang ay isa ka sa mga lalaban." Kinagatan nito ang prutas na hawak at itinuro ang mukha ni Valentina. "Hindi mo siguro alam kung ano ang pinasukan mo. Ganoon talaga ang mga konseho, hindi ipinaaalam ang misyong ibinibigay sa kanilang mga representante."

"Ano ang sinabi mo?" Lalong dumami ang tanong ni Valentina sa kanyang isipan. "Ano'ng misyon?"

Idinipa ng halimaw ang magkabila nitong kamay sa hangin. "Maligayang pagdating at pagsali sa taunang labanan ng Sanguina Torneo! Ako ay si Gangia Shima, kinatawan ng bayan ng Rubelhizb. Nasa labas ang aming magulong bayang binubuo ng mga purong halimaw. Masyado nga lang madilim sa lugar na iyon kompara rito, subalit sanay na ang aming mga mata sa kadiliman bilang mga halimaw." Yumukod ito upang magbigay-galang at muling tumayo. Nasilayan na naman ang matamis nitong ngiti. "Kung isa ka sa aking mga katunggali—" Hinawakan ng halimaw sa baba si Valentina at pinapungay ang mga mata. "Karangalan kong makilala ka bago ang laban."

Muling tinabig ni Valentina ang kamay ng halimaw na nagpakilala bilang Gangia Shima at nagpamaywang.

"Kailangan kong makapunta ngayon sa Rhoxinu upang dumalo sa isang mahalagang pulong. Wala akong oras para sumali sa mga laban."

Agad na tinungo ni Valentina ang malaking bakal na tarangkahan upang umalis.

"Disenyo lamang ang pinto sa lugar na ito, binibini."

"Ganoon ba?" walang interes na tugon ng mersenaryo.

"Kung ako sa iyo'y hindi ako lalapit sa pintong—"

"Aahh!" Isang malakas na puwersa ang nagpalipad kay Valentina bago pa man siya makahawak sa malaking pinto. Agad naman siyang nasalo ng halimaw bago pa man siya bumagsak sa sahig.

"Ano'ng—?" Hindi naman makapaniwala si Valentina dahil napalipad siya nang ganoon lang ng isang di-makitang puwersang nakaharang sa malaking pinto.

"Sinabi ko na sa iyo, binibini, hindi magandang ideya ang pinto." Itinayo nito nang maayos si Valentina at tinapik ang balikat nito. "Kung gusto mong makaalis ay kausapin mo ang ministro. Matutulungan ka niya sa iyong problema."

"Ministro?"

"Hindi na ako sasagot ng mga tanong mula sa isang estranghero." Muling ngumiti si Gangia at tinapik na naman sa balikat si Valentina. Naglakad na ang halimaw sa daang dapat ay tuloy-tuloy lang nitong tinahak bago pa man dumating ang mersenaryo.

"Sinong ministro?" sigaw ni Valentina.

"Hindi ako nakikipag-usap sa hindi ko kilala!"

"Bakit kinausap mo ako kanina?"

"Dahil nagpakilala ako!"

Pinaikutan ng mata ni Valentina ang inasal ng lalaki. "Anong uri ng halimaw ka ba?"

Walang tugon.

"Tinatanong kita, naririnig mo ba ako?"

Wala na namang sagot.

"Isa akong mersenaryo! Mamamaslang ng halimaw mula sa bayan ng Ghunna!"

Napahinto sa paglalakad si Gangia at nilingon ang babae.

"Pamilyar ka ba sa mga gaya ko?" muling tanong ni Valentina.

"Wala akong kilalang babaeng mersenaryo!" At saka bumulong nang mahina ang halimaw. "Maliban sa isa."

"Valentina Stigma! Narinig mo na ba ang ngalang iyon?"

Muling bumulong si Gangia. "Sabi na nga ba." Umiling ito at sumigaw kay Valentina. "Hindi ko pa siya nakakadaupang-palad!"

"Ako iyon! At gusto kong makaalis dito! Ngayon na!" Nasa tono ng mersenaryo ang puno ng pag-uutos.

Kakaibang ngiti ang namuo sa mga labi ni Gangia Shima. "Alam ko kung paano makakaalis dito! Ngayon, kung gusto mong makatakas . . ." Muling lumapit nang napakatulin si Gangia kay Valentina na halos paliparin ang ilang hibla ng buhok ng mersenaryo dahil sa sobrang bilis. " . . . susunod ka sa lahat ng sasabihin ko." Muling sumilay ang ngiti niyang iba ang dating para kay Valentina.

Naningkit ang mga mata ng mersenaryo dahil sa mga salitang iyon. "Wala akong tiwala sa mga gaya mo."

Natawa nang mahina ang halimaw. "Mainam! Wala rin naman akong tiwala sa mga mersenaryong pumapaslang ng mga gaya ko. Halina't, sayang ang oras. May ministro ka pang kakausapin."

Makahulugang ngisi ang nabuo sa mga labi ni Gangia habang iniisip ang susunod na gagawin sa mersenaryong kasama.

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top