9
9
Magkapatid
Gumalaw si Amelia mula sa pagtulog bago biglang naubo. Sa ilang beses niyang ginawa iyon ay biglang nagdugo ang kanyang bibig. Bumaling siya pakaliwa bago tuloy tuloy na dumagos sa kanyang labi ang pulang pulang dugo.
Nanghilakbot ako sa nangyari. Hinaplos ko ang kanyang likod at hindi malaman ang gagawin. Tumakbo ako palapit sa pinto para tumawag ng tulong.
"Vidrumi! Ang binibini! May nangyayari sa aking binibini!" sigaw ko. Mabilis na tumakbo ang Vidrumi sa aking direksyon at agad pinuntahan si Amelia na patuloy pa rin sa pagsusuka ng dugo.
May kinuhang patalim ang manggagamot sa kanyang gilid. Matapos noon ay kumuha siya ng manipis na lubid at itinali iyon sa braso ni Amelia. Punong puno na ng asul na sugat ang kanyang braso at mas lalo lamang akong nahintakutan.
"Hawakan ninyo siya," anas ng manggagamot. Hindi ko napansin ang pagpasok ng mga magulang ni Amelia sa silid habang ang mga Vidrumi ay sinusubukang magamot siya.
Mabilis na itinali ng punong manggamot ang lubid sa braso ni Amelia. Kinuha niya ang patalim at mabilis na sinugatan ang balat sa itaas ng lubid. Dumaloy roon ang kulay itim na dugo. Ilang beses pang nanginig si Amelia bago unti unting natigil ang kanyang pag ubo.
"Linisin ninyo ang sugat ng binibini. Magpakulo rin kayo ng talbos ng rosaseo at ipainom agad sa kanya," utos nito. Mabilis kumilos ang mga kasamang Vidrumi habang ako ay nanatiling nakatayo lamang, parang tuod na pinapanood ang paghihirap ni Amelia.
Lumabas ang manggagamot sa silid at agad ko siyang sinundan. Pagod ang nakabakas sa kanyang mukha habang inaalis ang maskara at gwantes. Hinugasan niya ang kanyang palad habang ako ay nananatiling nakatitig lamang sa kanya.
Bakas pa rin sa kanyang panga ang ginawa kong sipa kanina nang makarating ako. Tahimik lamang na naghuhugas ang mangagamot bago siya tuluyang nagsalita.
"Siguradong magagalit ang hari kapag nalaman niyang narito ka, kamahalan."
Nanatili lamang akong tahimik habang pinapanood ang paghuhugas ng manggagamot sa dugo ni Amelia na nasa kanya pa ring palad. Napansin ng Vidrumi ang pananahimik ko bago siya bumuntong hininga.
"Magiging tapat ako sa inyo, mahal na Prinsipe. Walang lunas ang Rornos---"
Nanginig ako ng marinig ang mga salitang iyon mula sa kanya. Nangunyapit ako sa tela ng aking pantalon para pigilan ang aking kamay na higitin ang kwelyo ng manggagamot.
"At nasa huling yugto na ng sakit ang binibini. Nakita mo kanina ang pagsusuka niya ng dugo at ang pagkalat ng mga asul na sugat sa kanyang balat," anas pa nito. Pinigilan ko ang aking hininga ng bumalik sa aking gunita ang nasaksihan ko kanina sa silid ni Amelia.
Ibig bang sabihin nito ay wala na talagang magagawa para sa aking binibini? Sa ganito na ba talaga kami magtatapos?
"Patawarin mo ang alipin mong ito, Vaurian Elric, dahil hindi ko magawang malunasan ang karamdaman ng iyong binibini," magalang nitong sabi bago yumuko. Hindi ko na siya nasagot dahil ang aking isipan ay punong puno na ng pag aalala para kay Amelia.
Kinuyom ko ang aking palad at nagmamadaling lumabas. Kung hindi ako matutulungan ng isang pangkaraniwang manggagamot, baka maari akong matulungan ng mga Vidrumi sa palasyo. Mas marunong ang mga iyon dahil sila mismo ang nakatalaga sa kalusugan ng hari at ng buong angkan ng mga Vaurian. Mas marami silang alam sa mga karamdaman at ano pang klase ng epidemya.
Tumakbo ako para makalabas sa hardin ng makita ko ang pagmartsa ng isang hukbo ng mga kawal. Mabilis kong hinawakan ang aking sandata para pigilan kung ano man ang nakatakdang mangyari kapag dumating na ang mga kawal.
Huminto ang mga kawal sa tapat ng mansyon ng mga Kleona. Lumapit ako sa Heneral na nasa harap para agad na magtanong ng kanilang pakay.
"Kamahalan," bati ng heneral sa akin. Hindi man siya natinag sa ginawa kong paglapit.
"Bakit narito kayo?"
Hindi sumagot sa akin ang ginoo. Bagkus ay tinawag niya ang atensyon ng hukbo bago may isinenyas rito. Mabilis kumilos ang mga kawal at agad na naglakad papunta sa mansyon. Sinundan ko iyon ng tingin at ganoon na lamang ang hilakbot ko noong makita ko ang pag hila nila sa lahat ng aliping Destal.
"Anong---"
"Iniuutos ng ating ama na barikadahan ang tahanan ng mga Kleona, Elric."
Marahas ang naging pagharap ko sa pinanggalingan ng tinig. Sa itaas ng puting kabayo ay naroon ang aking nakatatandang kapatid, nakasuot ng unipormeng pangkawal, habang mariin ang pagtitig sa akin.
Isang hiyaw mula sa matandang tagapangalaga ni Amelia ang pumunit sa mainit na titigan naming magkapatid. Inilabas ng mga kawal ang Ginoo at ang Madam mula sa mansyon bago itinulak kasama ng mga alipin.
"Amreit! Huwag mong sabihin na maging ang mga magulang ni Amelia ay paparusahan ni ama?!"
Tumiim ang bagang ng aking kapatid bago bumaba sa kanyang kabayo. Tinitigan niya ang mga kasambahay ng mga Kleona at napailing na lamang.
"Iniuutos ng hari ang agarang pagkitil sa buhay ng kahit na sinong nadapuan ng Rornos. Maging ang mga taong nakadaupang palad ng maysakit kahapon ay bibitayin rin---"
"Anong kahibangan iyan, Amreit? Hindi kamatayan ang kailangan ni Amelia ngayon kung hindi lunas!" sigaw ko sa aking kapatid. Nanatiling matigas ang kanyang ekspresyon habang nakatingin lamang sa akin.
Humarap siya sa mga kawal bago itinaas ang kanyang palad. Binigyan ako muli ni Amreit ng isang malamig na titig bago niya itinuro ang mga alipin.
Humakbang ang heneral bago niya inilabas ang kanyang espada. Naglakad siya palapit sa tagapangalaga ni Amelia. Tigmak na ng luha ang pisngi ng matanda ngunit nanatiling matatag iyon habang hinihintay ang kawal na kitilan siya ng buhay.
Itinaas ng heneral ang kanyang espada habang itinatayo na ng dalawa pa ang matanda. Mabilis akong kumilos para pigilan sila. Naiumang ko ang aking sandata sa leeg ng heneral para mapigil sila.
"Isipin mo ng mabuti ang susunod mong hakbang, kawal, dahil maaring ito na ang iyong maging huli," banta ko. Kalmado lamang akong hinarap ng kawal bago nilingon ang aking likuran.
"Ibaba mo ang iyong sandata, Vaurian Elric," anas ng aking kapatid. Nanigas ako ng maramdaman ko ang talim ng kanyang sandata sa aking likuran.
Hindi madalas humawak si Amreit ng sandata. Mas nais pa niyang matulog sa kanyang silid o di kaya'y pagtaguan ang aming mga guro. Ngunit kahit na ganoon, alam kong isa siya sa mga pinakamagagaling na mandirigma ng Setrelle.
Mas magaling pa sa akin. Sigurado ako roon.
Ibinaba ko ang aking sandata at hinarap siya. Humakbang ako palapit sa kanya at doon naramdaman ang pagtarak ng kanyang espada sa aking dibdib.
"Elric!" bulyaw niya at humakbang patalikod para hindi ako tuluyang masaksak. Hinuli ko ang kanyang kamay at idiniin iyon sa aking palad.
"Bago ninyo masaktan si Amelia ay daraan muna kayo sa akin," anas ko. Dumiin ang kamay ko sa kanyang patalim. Naramdaman ko ang hapdi sa aking palad mula sa sandata ng aking kapatid.
Tiningnan ni Amreit ang dugong pumapatak mula sa aking palad bago niya hinuli ang aking mga mata.
"Nahihibang ka na ba, Elric?!"
Ngumiti lamang ako ng malungkot bago umiling.
"Ibubuwis mo ang iyong buhay para lamang sa babaeng iyon? Ikaw na isang Vaurian, magpapakamatay ng dahil lang sa kanya?!" bulyaw niya. Sabay naming hinila ang kanyang sandata. Nagdugo na rin ang aking dibdib ngunit hindi ko iyon ininda.
Nagsimula ng kumalat ang dugo sa aking kasuotan. Nabasag ang malamig na emosyon sa mga mata ng aking kapatid at napalitan ng pag aalala. Mula sa aking dibdib ay umangat ang kanyang mga mata sa aking mukha. Nagngalit ang kanyang panga at sinubukang hilahin muli ang kanyang espada.
"Tunay ngang nahihibang ka na," anas niya. Idiniin ko pa lalo ang sandata bago napangiwi sa hapdi na naramdaman.
"Nais mong maging hari ngunit para lamang sa binibining iyon ay ibubuwis mo ang iyong buhay? Bibitawan mo ang iyong pangarap dahil lamang sa kanya?!" basag ang boses nitong sabi. Hindi pa man siya natatapos sa pagsasalita ay tumango na ako.
Mabilis ang naging pagkilos ni Amreit. Sa isang iglap lamang ay nagawa niyang masiko ang aking pisngi. Nakabitiw ako sa pagkakahawak sa kanyang espada at napahakbang palayo sa kanya.
Agad niyang iniumang ang kanyang sandata sa akin habang ang ibang kawal ay ganoon din ang ginawa. Pinunasan ko ang nagdudugo kong labi bago binilang ang mga nakapalibot sa akin.
Mahigit tatlumpo sila. Madali silang magapi kahit wala pa akong sandata. Ang tanging problema ko lamang rito ay ang aking kapatid.
Naging matalim na ang tingin ni Amreit sa akin habang nakaturo ang dulo ng kanyang espada sa akin. Lumapit ang tatlong kawal para atakihin ako ngunit agad akong nakagalaw. Naundayan ko ng suntok ang dalawa bago ko hinampas ang leeg ng ikatlo. Sabay silang bumagsak sa lupa. Bago pa man ako makahuma ay umatake na rin ang iba.
Sabay sabay ang ginawang pag unday ng suntok at sipa sa akin. Hindi ko ininda lahat iyon at pinokus ang atensyon na mapatumba ang mga kawal. Isa isa silang bumagsak ngunit ng matapos ay sugatan na rin ako.
Salo salo ko ang aking dibdib. Ang sugat mula sa sandata ni Amreit ay mas nagbukas dala ng aking pakikipaglaban sa mga kawal. Hindi na ako makahinga sa sobrang pagdurugo habang pinapanood lamang ako ng aking kapatid.
"Hindi kita nais saktan, Elric," malamig na tugon ng aking kapatid. Kalkulado na ang paghawak niya sa kanyang espada. Kitang kita ko ang pagbabago mula sa aking kapatid patungo sa isang kawal na siguradong papatay para lamang sa kanyang ipinaglalaban.
Pinilit kong tumuwid ng tayo at magpanggap na maayos lamang ako sa kabila ng mga sugat. Dahan dahan ang naging paglapit ni Amreit sa akin, isang leon na sigurado na sa kanyang biktimang sisilain. Tumigil siya sa tapat ng aking espada bago iyon sinipa papunta sa aking direksyon.
"Tama na Elric, sugatan ka na."
Pinulot ko lamang ang aking sandata bago siya hinarap. Nilingon ko ang mga Kleona na hawak pa rin ng mga natitirang kawal bago ko binalingan si Amreit.
"Hindi mo ako nauunawaan, Amreit. Hindi mo kasi alam kung anong ibig sabihin ng may pinoprotektahan," anas ko. Nagtiim lamang siya ng bagang at tinitigan ako ng mariin.
Itinaas niya ang kanyang sandata at naghanda na ako sa kanyang atake. Ngumiti lamang siya ng pagak at umiling.
"Para sa binibini, ibubuwis mo ang iyong buhay? Elric, alam mo ang kakayanan ko sa labanan," tugon niya. Itinaas ko na rin ang aking espada para umatake.
Tumakbo siya papunta sa akin. Naging matalim ang tunog na nagawa noong nagtama ang aming mga sandata. Parehong pinipigilan ng kanya kanya naming espada ang isa't isa habang magkaharap ang aming mga mata.
"Hindi ka mananalo, Elric. Kahit kailan, hindi ka pa nanalo sa akin."
Ngumisi lamang ako. "Maaring ito na ang unang pagkakataon, Amreit. Basta para kay Amelia."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top