3
3
Ninakaw
Ibinaba ni Nana Helga ang bimpo na ginamit niya para punasan ang aking mukha at katawan. Kinuha naman niya ang suklay at inayos ang aking pulang pulang buhok.
"Mukhang naging mabait ang Dyosa sa iyo ngayon, binibini. Masaya kang umuwi mula sa kapital. May nangyari bang maganda roon?"
Ngumiti lamang ako at umiling. Inabot ng isa sa aming mga katulong ang roba kong pantulog bago ko iyon kinuha.
"Nana, wala naman. May nakasalubong lamang ako roong... kaibigan," sagot ko. Tumaas ang kilay ni Nana at pinanood ako habang naglalakad sa terasa ng aking kwarto.
Nagniningning ang kalangitan sa mga nakakalat na bituin sa langit. Malakas na ang ihip ng hangin, tanda na nalalapit na ang tag ulan sa Setrelle. May isang bulalakaw na dumaan sa langit at hindi ko mapigilang mapapikit para humiling.
Hindi ko alam kung ano na ba talaga ang nangyayari dito sa mundong ito, pero isa lang ang sigurado ko. Nagbabago na ang kwento. Hindi na ako pwedeng maging masyadong sigurado sa mga susunod kong hakbang dahil baka mas lumala ang mga nangyayari ngayon.
Kailangan kong maisaayos ang mga pangyayari sa libro. Bukas ng umaga ay mangangaso ang hari kasama ang lahat ng mga ginoo ng apat na angkan. Kung hindi pa masyadong nag iiba ang kwento, bukas rin ay magkikita na si Elric at Isabella.
Kailangan kong masigurong magiging magkakilala silang dalawa. Bukas ay mahuhulog si Elric sa pinakamagandang binibini ng Setrelle, si Isabella. Ayon sa kwento, ililigtas ni Elric ang binibini sa bagsik ng ligaw na baboy ramo. Dito magsisimula ang pagtangi nila sa isa't isa.
Bumuntong hininga ako sa naisip. Sa bawat pagpikit ko ay hindi maiwasan ang pagdaan ng imahe ni Isabella at Elric na magkasama. Alam kong mangyayari rin naman ito sa hinaharap pero...
Mahina kong sinampal ang aking sarili bago ako humawak sa aking dibdib. Ang masigurong si Isabella ang pipiliin ni Elric bilang kanyang asawa ang dapat kong gawin. Kapag hindi kami ipinangako ni Elric sa isa't isa ay hindi ako mapupugutan. Kung gusto kong mabuhay bilang si Amelia, kailangan kong paglapitin si Isabella at Elric.
Napakaswerte ni Isabella dahil may nakatakdang magmamahal sa kanya na katulad ni Elric. Kanina sa kapital ay nakita ko kung gaano kalalim ang pagmamahal ng prinsipe para sa Setrelle at sa mamamayan nito. Magiging siyang mabuting hari at asawa kay Isabella.
"Magiging mabuti kang reyna..."
Inihilamos ko ang aking palad sa aking mukha ng marinig muli ang sinabi ni Elric sa akin kanina. Hindi ko alam kung anong sumagi sa isip niya para masabi sa akin na magiging mabuti akong reyna para sa kanya. Siguro'y nabanggit niya iyon dahil hindi niya pa talaga nakilala ang babaeng nakatakdang mamuno kasama siya.
Kinagat ko ang aking labi at niyakap ang sarili. Mabuti pang tumigil ka na sa pag iisip, Amelia. Maaga pa ang alis namin bukas papuntang Briaria. Mas makakabuting matulog na lang.
Iniangat ko na ang aking kumot ng marinig ako ng maliliit na katok sa pintuan ng aking balkonahe. Noong sumilip ako ay napansin ko ang puting puti kwago na tinutuka ang salamin ng pintuan.
Hindi ko na sana papansin ito noong masilaw ako sa kinang na nasa kanyang leeg. Sinikap kong mas kakita iyon ng maayos para lamang makita ang pilak na kwintas na nakapaikot rito. Sa pinakagitna ng dibdib ng kwago ay may nakataling puting papel roon.
Nagmamadali akong tumayo mula sa aking higaan at binuksan ang pintuan. Mabilis lumipad ang kwago papunta sa aking balikat. Marahan nitong iniangat ang pakpak para ituro ang nakatali sa kanyang leeg. Hinila ko ang papel na nasa kwintas ng ibon at agad na binuksan.
'Naibigay na ang mga unan, binibini. Ipinaabot ng mga Destal ang kanilang pasasalamat.
Matulog ka ng mahimbing. Bukas ay magkikita tayong muli.'
Nang mabasa ko iyon ay mabilis lumipad palayo ang kwago patungo sa madilim na gabi, papunta sa direksyon ng palasyo. Hidi ko alam kung bakit pero napapangiti ako habang naiisip ko na nasa mga kawawang Destal na ang mga unan at pagkain na binili ko kanina.
Kakabigay lang kaya ng prinsipe sa kanila? Ano kayang sinabi ni Elric sa mga Destal? Nakausap kaya niya ang batang babae na nakita ko kanina?
Binasa kong muli ang sulat at hindi ko napigilan na ilapit iyon sa aking ilong. Ang pamilyar na amoy ng Prinsipe. Hinaplos ko ang mararahas na linya ng kanyang sulat kamay at di na napigilang mapangiti.
Napailing na lamang ako at inilagay sa ilalim ng aking unan ang sulat. Maya maya lang ay pinatay ko na ang ilaw sa tabi ng aking higaan para makatulog na.
Maaga kaming nagising kinabukasan. Naging abala ang buong sambahayan habang naghahanda ako at ang aking mga magulang patungo sa palasyo.
"Naku, binibini, ito ang isuot ninyo. Uso ngayon ito sa kapital," anas ng aking personal na katulong na si Dahlia. Itinaas niya ang kulay puti at lilang damit na umaabot hanggang sa aking tuhod.
"Bagay na bagay sa iyong mata ang damit na iyan, Amelia," sabat ng aking Mama. Sumandal siya sa pintuan habang may hawak na isang maliit na kahon. Tuwang tuwa akong lumapit sa kanya at agad na yumakap sa kanyang beywang.
"Mama! Tulungan po ninyo akong mag ayos ng buhok," napapangiti kong sabi. Hinaplos ni Mama ang aking pisngi at agad na lumapit sa aking tukador.
Umupo ako sa harap ng salamin habang sinusuklayan niya ako. Mabilis at elegante ang nagging paggalaw ng daliri ni Mama sa aking pulang buhok habang iniikot niya iyon. Tatlong pares ng maninipis na tirintas ang ginawa niya sa likod ng aking ulo habang iyong natirang buhok ay hinayaan niyang malaglag. Inayos ni Mama ang natural na kulot na dulo ng aking buhok bago siya naglagay ng kaunting hibla sa aking balikat.
"Hindi ko talaga kayang maniwalang si Isabella Vega ang pinakamagandang babae dito sa Setrelle. Binibini, hindi ka pa kasi nila nakikita," anas ni Dahlia habang napapanguso. Natigilan ako habang si Mama ay natatawang inaayos ang mga ligaw na hibla.
"Maganda naman ang Binibining Vega," sagot ko. Ngumuso si Dahlia at agad na umupo sa aking kama. Hinuli niya ang aking kamay at mariin iyong pinisil.
"Pero mas maganda ang binibini ng mga Kleona. Sana'y maniwala ka sa akin, binibini, dahil hindi ko sinasabi ito dahil lang sa katulong mo ako. Napakaganda mo, lalong lalo na ang mga mata mo. Manang mana sa madam," sagot niya sabay sulyap sa aking Mama na tahimik na nakikinig sa aming dalawa. Nagtama ang tingin naming ni Mama, ang aming parehong lilang mata,
"Pero ayaw kong maging pinakamaganda lang ang aking anak, Dahlia. Mas maraming bagay sa mundo na mas mahalaga sa panlabas na ganda. At alam kong alam mo iyon, hindi ba, Amelia?" masuyong sabi ni Mama. Mabilis akong tumango at nilingon si Mama.
Sumenyas ang aking ina para sa damit na inihanda ni Dahlia. Nauna na ang aming kasambahay sa banyo para ihanda ang aking iba pang gamit noong tinawag ako ng aking ina. Inabot niya ang dala niyang kahon sa akin.
"Buksan mo, anak," aniya. Inangat ko ang takip ng kahon at tumambad ang isang gintong kwintas. Sa pinakagitna nito ay may lilang baton a hugis rosas.
"Ipinagawa ng Papa mo iyan noong araw na malaman niyang babae ang ipinagbubuntis ko. Balak ko sanang ibigay iyan sa araw ng kasal mo pero nagbago ang aking isipan. Mas pinili kong ibigay ito sa iyo ngayon dahil alam kong ito ang unang pagkakataon mo sa palasyo, hindi ba?"
Hinaplos ko ang kwintas bago tumango sa aking ina. Nag aalalang kinuha ni Mama ang kwintas mula sa kahon bago umikot para isuot sa akin iyon.
"Malupit ang palasyo, Amelia. May mga tao na gugustuhin kang pabagsakin at saktan sa oras na tumungtong ka roon. Kapag naroon ka na, palagi mong tandaan na lagi ka naming ipinagdadasal ng iyong ama sa Dyosa."
Kumunot ang aking noob ago hinaplos ang kwintas na ngayon ay nasa aking leeg na.
"Mama? Bibisita lamang tayo roon dahil mangangaso si Papa..."
Malungkot na ngumiti ang aking ina at kinuha ang aking kamay.
"Mali ka. Sabay ng pangangaso ng mga angkan ay ang pagpili ng reyna ng mga binibining maari niyang ipakasal sa mga Prinsipe..."
Natigilan ako sa sinabi ni Mama. Malungkot at mukhang nag aalala na ang aking ina habang iniisip ang nalalapit naming pagpunta sa palasyo.
"Kung kami lamang ng ama mo ang masusunod, hindi ka namin pasasalihin sa pangangaso. Pero alam mo ang kapangyarihan ng ating angkan, Amelia. Kagustuhan ng mga Klintar ang manatili sa trono sa pagkakataon na pumanaw ang hari," anas niya. Nanginig ang ilalim ng labi ng aking ina at mabilis akong niyakap.
"Mamaya sa palasyo, siguraduhin mong kakain ka ng marami. Dumihan mo rin ang iyong damit at tumawa ka ng malakas. Dapat mapansin ng lahat na walang kahit ni katiting na pagka prinsesa sa iyo—"
"Mama, ipapahiya ko ang Papa kapag ginawa ko iyan," sabat ko. Natigilan ang Mama sa sinasabi bago siya nanghihina na napaupo na lamang sa kama.
"Sigurado akong ikaw ang pipiliin ng reyna para kay Prinsipe Elric. Amelia, ayaw kong maging prinsesa ka. Malupit ang palasyo, anak, at ayokong..." tumigil si Mama at bigla na lamang napahikbi. Mabilis akong lumapit sa kanya at lumuhod sa kanyang harapan. Hinuli ko ang palad ng aking ina at dinala iyon sa aking pisngi.
"Huwag kayong mag alala, Mama. Walang mangyayaring masama sa akin, pangako iyan. Magtiwala ka sa akin. Kaya ko ang sarili ko," pangako ko rito. Isang luha pa ang pumatak sa lilang mata ng aking ina bago niya ako mabilis na hinatak para mayakap.
Tatlong katok ang narinig naming dalawa bago ang pagpasok ni Papa sa aking kwarto. Isang masuyong ngiti ang ibinigay niya sa aming dalawa bago siya lumapit at hinawakan ang balikat ng aking Mama.
"Kailangan mo na ring magbihis, Alena. Malayo pa ang lalakbayin natin, mahal," anas ni Papa. Tumango lamang si Mama at agad ng umagapay kay Papa palabas ng aking kwarto.
"Sa baba ka na namin hihintayin, Amelia," aniya bago sila lumabas ng aking kwarto. Noong makaalis sila ay dumiretsyo na ako sa banyo para makapagbihis.
Suminghap si Dahlia ng matapos ako sa pagbibihis. Nakangangang iniabot ni Dahlia sa akin ang puting gwantes habang nakahawak sa kanyang dibdib. Napailing na lamang ako sa reaksyon niya at tiningnan ang aking sarili sa salamin.
"Napakaganda ninyo binibini," naiiyak na sabi ni Dahlia. Natawa na lang ako at hinaplos ang kwintas na binigay ng aking magulang bago nagpasyang bumaba na. Pagkalabas ko ng mansyon ay nasa loob na ng kaniyang karwahe ang aking ina. Nakabukas na rin ang karwaheng sasakyan ko habang si Papa ay nakasakay na sa kanyang kabayo.
Inalalayan ako ni Dahlia sa pagsakay bago siya sumunod sa pagpasok. Dala dala ang isa ko pang damit para sa pagtitipon mamayang gabi, sumakay ang aking katulong sa aking karwahe.
Tunay ngang nagging mahaba ang byahe naming papuntang Briaria. Noong makarating na kami sa palasyo ay hindi ko mapigilang mamangha sa karangyaan na nakikita ko. Nagtatayugan ang mga posting kulay ginto. Sa pinakagitna ng hardin ay naroon ang leon, ang simbolo ng angkang Vaurian, nakatayo sa lawa kung saan pinaniniwalaang nanggaling ang Dyosa ng Setrelle.
Huminto ang aking karwahe at agad akong pinagbuksan ng mga tauhan ng palasyo. Inabot ko ang palad ng ginoong umalalay sa akin hanggang sa makababa ako. Lumingon ako sa paligid ng hardin kung saan may mga naghahanda na para mangaso.
"Binibini? Amelia Kleona ng angkang Klintar, hindi ba?" mahinhing tanong sa akin ng isang boses. Mabilis akong humarap para lamang makita ang isang napakagandang babaeng kumakausap sa akin.
Mabilis ang nagging tibok ng puso ko habang tinitingnan ang babae na nasa aking harapan. Mataas at sopistikada ang pagkakatali ng kanyang gintong buhok. Noong dumiretsyo siya ng tayo ay sinalubong ako ng kanyang berdeng mata. Napasinghap ako habang nakatingin lamang sa kanya.
"Magandang umaga, sa ngalan ng Dyosa ng Setrelle, binibini. Ako nga pala si Isabella Vega," dahan dahan niyang sabi. Tigagal lamang akong nakatitig sa kanya, sa babaeng nakatakda talaga para kay Elric.
"Binibini?" untag niya. Napahawak ako sa aking dibdib bago pilit na ngumiti at yumuko.
"M-magandang umaga rin, sa ngalan ng Dyosa, binibini," pagbati ko. Agad siyang napangiti habang ako ay sumasama na ang pakiramdam. Humawak siya sa aking kamay at tuwang tuwa akong hinila.
"Kanina pa ako naghihintay na may dumating na ating kaedad. Wala kasi akong makausap," reklamo niya. Hinila niya ako papunta sa isang lamesa, sa ilalim ng nakayukong puno, bago kami sabay na naupo roon.
Napatingin ako sa isang mesa kung nasaan ang iba pang binibini ng mga angkan. Si Isabella ay tahimik na kumukuha ng pagkain sa aming mesa bago iyon iniabot sa akin.
"Bakit hindi ka sumasama sa kanila?" tanong ko sabay turo sa mesa ng mga binibini. Ngumuso lamang si Isabella bago sinubo ang isang tsokolate.
"Ayoko. Napakaarte nila. Kulang na lang ay itapon nila ang kanilang mga sarili sa dalawang prinsipe..." reklamo niya habang punong puno ang bibig sa pagnguya. Ako naman ay hindi maalis sa isipan ang pagbanggit niya sa prinsipe.
"Masama na ang tingin nila sa akin magmula noong makausap ko ang Prinsipe Elric," dagdag pa niya. Napasinghap naman ako at parang sinuntok sa dibdib.
"Nagkausap na kayo ng Prinsipe?" mahina kong tanong. Walang pakialam na tumango si Isabella at kumuha muli ng panibagong tsokolate.
Napapikit ako ng mariin. Kung may isang bagay man na hindi pa rin nagbabago sa kwento, ito ay ang pagkakakilala ni Elric at Isabella ngayon. Mamayang gabi, sa pagtitipon para ipagdiwang ang pangangaso ay magsasayaw silang dalawa. Dito na mahuhulog si Elric para kay Isabella.
"Amelia?" untag ni Isabella sa akin. Nagulat naman ako at agad siyang nilingon.
"Patawad, binibini. May sinasabi ka ba?" anas ko. Naging mabilis ang pagngiti ni Isabella bago tinuro ang gitna ng hardin.
"Magsisimula na ang pangangaso," aniya. Nagsisimula ng magtipon ang mga tao roon kaya hinila na ako ni Isabella.
"Naroon ang iyong ina, sa likod ng reyna," imporma niya sa akin. Nilingon ko ang tinuturo ni Isabella para lamang mahagip ng tingin si Elric, tahimik na pinupunasan ang kanyang espada. Nag angat siya ng tingin papunta sa aming direksyon bago bahagyang natigilan.
Dahan dahan siyang yumuko bago muling bumaling sa kanyang sandata. Nilingon ko si Isabella bago ako napabaling sa iba pang mga dalaga na masama ang tingin sa aking kasama.
"Nakita mo ba iyon? Tinanguan siya ng kamahalan!" bulong noong isa. Napauko ako ng matantong hindi ako ang tinanguan ni Elric kung hindi ang aking kasama.
"Ngayon, hihingiin ng mga ginoo ang pagpapala ng Dyosa bago ang kanilang pangangaso sa pamamagitan ng paghalik sa palad ng babaeng kanilang itinatangi," anunsyo ng hari. Nagkaroon ng bulung bulungan habang ang mga ginoo ay nagkanya kanya na sa paglapit sa kanilang mga asawa.
Nakita ko si Papa na lumapit kay Mama at humalik sa palad nito. Agad siyang niyakap ng aking ina bago hinalikan ang kaniyang pisngi. Ganoon din ang ginawa ng hari sa reyna.
Tumili ang mga dalaga sa likuran naming noong dumaan ang kabayo ni Elric papunta sa amin. Mariin ang titig niya kay Isabella habang dahan dahan na ang paglapit sa amin. Huminto ang kabayo sa aming harapan at agad siyang bumaba mula roon.
"Binibining Vega..." pagbati niya. Mabilis na yumuko si Isabella at ngumiti rito.
"Kamahalan," anas nito. Humakbang ako palayo para mabigyan si Elric ng lugar sa paghihingi ng basbas ni Isabella. Ayokong makaistorbo sa kanilang dalawa kaya mas makabubuting lumayo na lamang ako at---
Natigilan ako sa paghakbang noong nilagpasan ni Elric si Isabella at dumiretsyo sa akin. Napasinghap ako kasabay ng mga dalaga sa aking likuran noong lumuhod si Elric sa aking harapan at sabay na yumuko.
"Hinihiling ko ang iyong biyaya at dasal, binibini," malinaw niyang sabi. Impit na tumili si Isabella sa aming tabi habang ngiting ngiti akong tinitigan.
"H-ha?" biglaan kong sabi. Mula sa pagkakayuko ay nakita ko ang isang ngisi sa labi ni Elric habang pilyong pinipigilan ang tawa.
"Amelia!" tawag ni Isabella sa akin sabay turo sa aking palad. Nilingon ko ang paligid at nakita kong nasa amin na ang atensyon ng lahat.
Nanginginig kong binigay ang aking kanang kamay sa naghihintay na prinsipe. Tiningala niya ako at nagtama ang aming mga mata bago niya kinuha ang aking kamay at marahang hinalikan.
Nagtayuan ang mga balahibo sa aking batok habang nararamdaman ang labi ni Elric sa aking kamay. Ngumisi siya bago dumiretsyo ng tayo. Inabot niya ang aking tenga bago inilagay sa likuran nito ang hibla ng buhok na tumakas mula sa pagkakatali.
"Mamaya ulit, binibining Amelia," mahina niyang bulong, sapat lang para marinig ko. Kinagat niya ang kanyang labi bago mabilis na gumalaw. Hinila niya ang aking kamay at hinubad mula roon ang puting gwantes na akign suot.
"Kamahalan, anong---"
Itinali niya iyon sa kanyang espada bago tumakbo papunta sa kanyang kabayo. Noong makasakay siya ay itinaas niya ang kanyang sandata para ipakita ang nakatali kong gwantes roon.
"Pampaswerte lamang, binibini," aniya bago walang sabing pinatakbo ang kabayo palayo. Wala na akong nagawa kung hindi panuorin siya papasok sa gubat ng palasyo.
Pinagsalikop ko ang aking mga palad bago bumuntong hininga. Hindi ko maiwasang mapangiti habang tinitingnan ang aking mga kamay, ang isa'y balot ng gwantes habang iyong isa....ninakaw ng kamahalan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top