14
14
Propesiya
Nagbaba ako ng tingin ng makita ang pagbagsak ng mukha ni Elric. Kinagat ko ang aking pang ibabang labi para mapigilan ang hikbi na nagtatangkang umalpas mula sa akin habang nakikita ko ang sakit na naglalaro sa mga mata ng Prinsipe.
"Ngunit binibini..."
Umiling ako at lumayo sa kanya. Umangat ang kamay ni Elric para abutin ako ngunit kumuyom lamang iyon sa ere. Dahan dahan kong hinubad ang singsing na ibinigay niya sa akin noon at doon na tuluyang bumagsak ang kanyang balikat.
"Patawarin ninyo ako, Kamahalan," basag ang boses kong sabi. Pumatak ang isang luha sa aking mata at napasinghap si Elric ng marahas ng makita ito.
"Napakalupit mo, Amelia. Huwag mo akong tangisan dahil mas nagiging mahirap ito para sa akin."
Lumapit siya sa akin at pinunasan ang luhang pumatak. Isang malungkot na ngiti ang iginawad niya sa akin at bumuntong hininga.
Nakatali na ako sa iyong kapatid, Elric. Naisin ko mang sumama sa iyo ay hindi na maari. Ikakasal ako sa iyong kapatid at ang pagtakas sa pagkakataling iyon ay mas magpapagulo lamang ng lahat. Maaring mas mahirapan kang makuha ang trono kung tatakbo tayo palayo sa Setrelle.
Hinaplos ng kanyang hinlalaki ang aking daliri at sinuyod ng kanyang mata ang aking buong mukha. Punong puno ng sakit at lungkot ang kanyang titig habang pinapanood lamang ako. Nabasa ng panibagong luha mula sa akin ang kanyang daliring humapalos.
"Papatayin talaga ako ng iyong luha, aking binibini," bulong niya. Pagak akong natawa at hinawakan ang kamay niyang nasa aking pisngi.
Tahimik lamang naming tinitigan ang isa't isa noong makarinig kami ng isang kaluskos mula sa bukas na bintana. Noong lumingon ako ay nakita ko si Prinsipe Amreit na nakasandal sa pader at madilim ang tingin sa kanyang kapatid.
"Nais mo ba talagang maparusahan ng ating ama?" mapanganib niyang sabi. Binitiwan ako ni Elric at inilagay sa kanyang likuran para protektahan mula sa nakatatandang kapatid.
"Kinakausap ko lamang si Amelia---"
"Inaalok mo ng pagtatanan ang aking Hara. Magkaiba ang dalawang bagay na iyan, Elric," sagot ni Amreit. Nakakuyom ang kamay nito at parang kahit na anong sandali ay iigkas na iyon para patamaan ang mukha ng kapatid.
"Hara mo siya dahil ninakaw mo siya sa akin. Alam mong pagbubuklurin kayo ng mga ministro kapag ibinigay mo sa kanya ang iyong dugo, hindi ba? Alam mong iyon ang kapalit pero ginawa mo pa din!" akusa nito. Nagtagis ang bagang ni Amreit at tinuro ako.
"Ginawa ko iyon para iligtas ang buhay ni Amelia!"
"Ginawa mo iyon dahil nais mo siyang agawin, Amreit! Dahil nais mo lahat ng nagugustuhan ko ay nakukuha mo, hindi ba?" matalim nitong sabi. Nanlaki ang aking mata at hinawakan ang nanginginig na braso ni Elric. Dumako roon ang marahas na tingin ni Amreit bago mas lalong nagdilim ang titig.
"Kamahalan, huwag mo namang pagsalitaan ng ganyan ang iyong kapatid," mahinahon kong sabi. Binitiwan ko siya at pumagitna sa dalawa. Naramdaman ko ang pag abot ni Amreit sa aking kamay bago ako hinila sa kanyang tabi.
"Umalis ka na, Elric. O gusto mo bang ulitin natin ang ating dwelo sa lupain ng mga Kleona?" paghamon nito. Nilingon ko si Amreit dahil sa kalituhan sa mga binitiwan niyang salita.
"Anong ibig mong ipahiwatig, Kamahalan?" mahina kong tanong na hindi naman nito pinansin.
Tatlong katok ang narinig namin mula sa aking pintuan at sabay akong napatingin sa dalawang prinsipe. Kinakabahan akong bumaling sa pintuan at narinig ko ang tinig ni Ginang na nagsalita.
"Hara? Tapos na ba kayo sa inyong pagligo? Nakahanda na ang inyong hapunan sa hapag," anas nito. Umikot ang kamay ni Amreit sa aking beywang bago siya yumuko. Naramdaman ko ang kanyang bibig sa puno ng aking tenga at para akong tuod na nanigas sa kinatatayuan.
"Sumagot ka, Hara," masuyo niyang bulong. Naramdaman ko ang pagpula ng aking pisngi bago tumikhim para makasagot.
"S-Saglit lamang, Ginang," anas ko. Nagtama ang paningin namin ni Elric at siya ang naunang nag-iwas ng mga mata. Tahimik lamang siyang naglakad sa aking bintana at bigla na lamang nawala.
Naiwan kaming dalawa ni Amreit sa silid. Noong mapag isa kami ay mabilis niya akong binitiwan. Sumunod siya kay Elric sa bintana ngunit napatigil noong tawagin ko ang kanyang pangalan.
"Kamahalan, bakit mo sinaktan ang damdamin ng iyong kapatid?"
Natigilan sa pag alis si Amreit bago ako hinarap. Bakas sa kanyang mukha ang paghihirap dala ng ginawa.
"Hindi na niya dapat pang naisin ka, Hara."
Niyakap ko ang aking sarili at napayuko.
"Kailangang maluklok si Elric bilang bagong hari ng Setrelle. Ang pag-ibig niya sa iyo ay magiging hadlang lamang sa pangarap kong iyon para sa aking kapatid. Kaya bago pa man niya tuluyang talikuran ang trono para sayo, puputulin ko na ang kahit na anong ugnayang mayroon kayo," sagot niya. Hindi na ako nakapagsalita pang muli dahil katulad ng kanyang kapatid, nawala na rin si Amreit sa dilim ng gabi.
Hirap akong makatulog sa gabing iyon. Kaya noong ginising ako ni Ginang para sa almusal ay hindi ako agad nakatayo. Noong makarating ako sa hapag ay malawak ang ngiti ng mga Destal na nagsisilbi sa akin.
Nilingon nila ang isang tangkay ng puting rosas sa tabi ng pagkain na nakahanda para sa akin. Pinaghila ako ng isang Destal ng mauupuan bago ko inabot ang bulaklak. Doon ay napansin ko ang isang maikling sulat na kaakibat ng bulaklak.
Nais ko sanang humingi ng tawad sa naging gulo sa pagitan namin ng aking kapatid. Nawa'y mapatawad mo kami, Hara.
Kumain ka ng mabuti. Hiling ko sana ay muli tayong magkita sa ilalim ng kambal na wilow kung wala ka namang pagkakaabalahan. Maghihintay ako roon, aking Hara.
Nilingon ko ang dalawang Destal na ngiting ngiti habang nakatingin sa akin. Pinamulahan ako ng mukha bago ibinaba ang rosas at ang sulat sa tabi ng aking pinggan.
"Binasa ba ninyo ang liham?" tanong ko. Sabay na umiling ang dalawa at ngumiti.
"Hindi kami marunong bumasa, Kamahalan," sagot ng isa sa kanila. Umawang na lamang ang aking bibig bago tahimik na humingi ng tawad. Nagsimula na akong kumain noong humahangos na dumating si Ginang.
"Hara! Ipinapatawag ka sa punong bulwagan ng hari. Naroon na ang lahat ng Vaurian at ikaw na lamang ang wala," pagod niyang sabi. Binitiwan ko ang tinapay na aking kinakain bago nangunot ang noo.
"Ako? Bakit?"
Napalunok si Ginang at namutla.
"Ang pinuno ng mga Arransar at ng mga Vidrumi ay narito para hilingin ang pagpapatalsik sa iyo bilang Hara ni Prinsipe Amreit," balita nito. Nanuyo ang aking lalamunan bago nanginig.
"Ginang, tulungan mo akong pumunta sa bulwagan," anunsyo ko. Mabilis tumango ang aking tagapagsilbi at sabay sabay kaming humangos papunta sa palasyo ng hari.
Noong makarating ako sa punong bulwagan ay naroon na lahat ng pinuno ng limang angkan. Nakaupo ang hari sa kanyang trono, nakadantay ang mukha sa kanyang kamao at mukhang inip na inip sa pinag uusapan.
"Hindi maaring mula sa mga Klintar manggagaling ang hari at reyna! Magbibigay lamang iyon sa kanilang angkan ng hindi matatawarang kapangyarihan!" sigaw ng isang ministro. Natigilan ako sa pagpasok at nilingon ang ginoong nagsalita.
Kung hindi ako nagkakamali ay siya ang ama ni Isabella. Si Ginoong Vega ang pinuno ng mga Arransar at itinuturing na pinakamagaling na panday ng buong Setrelle. Ang kanilang pamilya ang gumagawa ng lahat ng sandata at baluti ng bawat mandirigma ng aming bayan.
Natahimik ang bulwagan noong makapasok ako. Taas noo akong naglakad at huminto noong nasa gitna na. Yumuko ako para magpugay sa hari at reyna na parehong nanlilisik ang tingin sa akin.
"Kamahalan, hindi sapat na dahilan ang dugong Vaurian na dumadaloy sa Hara upang pahintulutan natin siyang mamuno sa tabi ni Prinsipe Amreit. Hindi sagrado ang nangyaring pagsasalin ng dugo mula sa kamahalan papunta sa binibini kaya hindi masasabing isa itong pagbubuklod," anas naman ng isa pang ministro.
Tumayo ang isang matandang ministro bago ako hinarap. Tumikhim siya at tiningnan si Ginoong Vega na nanggagalaiti sa galit ngayon.
"Mag ingat ka sa iyong salita, Ginoong Vega. Ang dugong Vaurian ang ating pinag uusapan rito---"
"Isang dugo na isinalin dahil isinumpa ng Dyosa ang binibining iyan! Hindi ba ninyo naiintindihan? Itinakwil na ng Dyosa ang binibini ngunit sinuway ng kamahalan ang kagustuhang iyon dahil sa pagsasalin ng dugo upang mapagaling siya---"
"Gumaling ang Hara dahil sa kagustuhan ng Dyosa. At ang kagustuhan ng Dyosa ay ang makita siya bilang reyna ni Prinsipe Amreit," matapang na sagot ng matandang ginoo.
"Anong alam mo sa kagustuhan ng Dyosa, Telmarin? Katulad ka rin ba ng binibini ng mga Vidrumi na nakikita ang hinaharap?" paghamon nito. Napasinghap ako lalo pa't sabay sabay na lumingon ang mga ministro sa gawi ng mga Vidrumi. Sa pinakalikod ay naroon ang binibining nagbigay ng babala sa akin noon na lumayo na dahil magiging malupit sa akin ang tadhana.
"Kung ganoon, bakit hindi natin tanungin si Binibining Rhaela kung ano ang nakikita niya sa hinaharap nang sa gayon malaman natin kung sino ang tama?"
Nanlaki ang aking mata at agad na pumagitna sa pagitan ng matandang ministro at ng binibining Vidrumi.
"Hara!"
"Hindi na dapat nating idamay ang Binibini rito," matapang kong sagot. Umikot lamang ang mata ng matandang ministro bago inilahad ang kamay.
"May kakayanan si Rhaela na basahin ang ninanais ng Dyosa, Hara. Matatapos lamang ang gulong ito kung malalaman natin ang tunay na intensyon ng Dyosa kung kaya't binigyan ka niya ng Rornos at nalunasan dahil sa dugo ng Kamahalan," sagot nito. Umiling ako at tiningnan si Rhaela na takot na takot ng nakasiksik sa gilid ng kanyang ama.
"Hindi lugar ang bulwagan para sa isang binibini, Ministro! Kung maari lamang ay hayaan na natin siyang makaalis dahil sigurado akong hindi naman niya nais na manatili rito---"
"Narito siya dahil nais ng mga kamahalan na marinig ang iyong hinaharap, Hara. Tanging iyon lamang ang dahilan," mapanganib nitong sabi. Nilingon ko si Rhaela na namumula na ang mata at nanginginig.
"Tinatakot mo ang binibini, Ministro," babala ko. Ngumisi lamang ang matanda bago nilingon ang hari. Nanigas ang aking likuran ng marinig ko ang pagtayo ng kamahalan mula sa kanyang trono bago nilapitan ang angkan ng mga Vidrumi.
"Rhaela, ano ang iyong nakikita?" masuyong sabi nito. Bumitaw ang binibini sa kanyang ama bago naglakad palapit sa hari. Nagtama ang paningin namin ng binibini bago siya yumuko.
Napailing na lamang ako at akmang lalapit sa kanya noong magtama ang paningin namin ni Amreit na nakatayo sa tabi ng trono ng kanyang ama. Tiim ang kanyang bagang at hawak ng isa niyang kamay ang espada sa kanyang gilid.
Mahina ang ginawa niyang pag-iling bago ako napatigil sa paghakbang. Nilingon kong muli si Rhaela na nakatitig na sa aming dalawa ni Amreit. Iyong takot sa kanyang mukha ay biglang nawala at napalitan ng blankong ekspresyon.
"Nais ng Dyosang ikaw ang maging reyna---" panimula ni Rhaela ngunit naputol ng sumigaw si Ginoong Vega.
"Kalokohan! Noon pa man ay hindi nagpaparamdam ang Dyosa sa atin kung kaya't hindi ko paniniwalaan ang propesiyang iyan!"
Malungkot na ngumiti si Rhaela at umiling.
"Lumuluha ang Dyosa. Wasak na ang kanyang bayan. Wala ng naniniwala sa kanya. Sira na ang lahat sa Setrelle," anas ng binibini sa boses na parang hindi naman galing sa kanya.
Lumingon siya sa akin at nilapitan ako. Inabot niya ang aking mukha at hinawakan ang aking magkabilang pisngi.
"Kung kaya'y bumaba siya sa kanyang tahanan, at ngayon ay narito na siya sa ating harapan..." bulong niya. Natahimik ang bulwagan sa kanyang mga salita habang pinapanood si Rhaela.
"Mawawala sayo ang lahat, Kamahalan..." lumuluha niyang sabi. Naramdaman ko ang lamig ng bawat salitang kanyang binitiwan. Sinubukan kong makalayo ngunit mahigpit ang kanyang hawak sa akin.
"Binibini, bitiwan mo ako," kinakabahan ko ng sabi. Mabilis ang narinig kong mga yapak bago may humila sa akin palayo kay Rhaela. Bumangga ako sa dibdib ng humila sa akin. Noong tumingala ako ay nakita ko si Amreit na galit na nakatingin sa binibini.
"Bumalik ka na sa iyong ama, Rhaela," utos nito. Nagpalipat lipat lamang tingin niya sa aming dalawa bago malungkot na ngumiti. Bigla siyang lumuhod sa harapan namin at humagulgol ng iyak. Wala sa loob na napahawak ako kay Amreit at ganoon din ang ginawa niya sa akin.
"Ito! Ito ang nais ng Dyosa. Kayong dalawa, para sa Setrelle. Para maitama ang lahat."
Ilang beses niyang hinaplos ang dibdib at nagpatuloy sa pagsasalita.
"Napakalupit ng tadhana! Napakalupit nito para sa inyong dalawa," umiiyak niyang sabi. Nagtaas siya ng tingin at sumalubong iyon sa aming dalawa.
"Isang haring maluklok ng mag isa. Isang pag-ibig na kailanman ay hindi masasagot..."
Hinihingal na si Rhaela sa mga sinasabi. Nakatitig siya kay Amreit habang sinasabi ang kanyang mga propesiya.
Bumaling siya sa akin at naramdaman ko ang lamig ng titig na iyon.
"At isang reynang kailanman ay hindi mapuputungan ng korona. Isang reynang kailanman ay hindi maluluklok sa tabi ng haring kanyang iniiibig," anas niya. Humikbi siya bago umikot ang kanyang mga mata. Bigla ay nanginig ang binibini at bumagsak sa sahig ng wala ng malay.
Nanatili kaming magkahawak kamay ng Kamahalan habang nakatingin sa binibining iyon. Bumaba ang tingin ko sa magkadaupang palad namin ni Amreit bago kinabog ng kaba ang aking dibdib noong maalala ko ang huling salita ni Rhaela.
Isang reynang kailanman ay hindi maluluklok sa tabi ng haring kanyang iniiibig. Anong ibig ipahiwatig noon? At sinong hari ang kanyang tinutukoy?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top