Chapter 22- Edited
Reese
"Oh, Reese? Namumutla ka yata ah. Hmm. Lagi ka namang maputla. Okay ka lang ba?" Sinipat ni Anita ang aking leeg.
"Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin, Anita." Sinsero kong sagot na ikinakunot ng kanyang noo.
"Ilang araw ka nang ganyan? May mga pagbabago ba sa iyong sarili na ngayon mo lang nararanasan?"
"Ilang araw ko ng napapansin na wala sa oras ang paggising ko, madalas din akong nakakaramdam ng pagkahilo. Nag-iiba din ang panlasa at pang-amoy ko sa pagkain."
"Hala!" Bigla siyang napatayo at niyakap ako ng mahigpit. Kapagkuwan ay sinipat niyang muli ang aking leeg at mga mata. Maging ang aking pala-pulsuhan ay pinakinggan niya din, "Tumayo ka, dali."
Sinunod ko naman ang sinabi niya at pinisil niya kasunod ang aking tiyan at magkabilang gilid.
"Kailangan nating makasiguro, sumama ka sa akin mamaya at pupunta tayo sa kabilang bayan."
"Para saan? Sige at bibilhan ko ng mga laruan at damit si Wilfred. Ikaw Anita, wala ka bang plano na mag-aral sa kolehiyo?"
Pumalatak siya at napahawak sa kanyang baba.
"Hmm. May plano naman na ako, sa katunayan ay baka bumalik ako sa tiyahin ko sa Maynila."
"Kelan?"
"Sa susunod na taon. Hindi na nga ako makapaghintay, Reese. Haha." Ito ang unang beses na tumawa siya sa aking harapan. Madalas naman ay ngumingiti siya sa akin.
"Maganda ka kapag natawa Anita, gawin mo 'yan madalas."
"Talaga? Pero ipinagbabawal ni ama ang pagtawa ko sa harap ng maraming tao lalo na sa mga kalalakihan."
"Bakit naman?" Nakakahumaling ang kanyang tawa at nakakaapekto iyon sa mood ng tao.
"Hindi ko alam."
"Proper etiquette siguro ang gusto niyang ituro sa iyo."
"Ikaw Reese, kelan ka huling tumawa?" Ako? Nakatingin lang ako sa mga mata niyang nagkikinangan habang siya naman ay hinihintay ang aking sagot.
Kelan? Sa tanang buhay ko ay hindi ako tumawa. Nakakangiti ako pero walang ni konting pagkakataon na nakatawa ako. Hindi naman iyon mahalaga pero isa pa din iyon sa mga kakulangan sa pagiging totoong tao ko.
"Paano... Ang tumawa?"
Napatulala lang siya sa harap ko at napahawak sa kanyang tiyan. Kapagkuwan ay tumawa siya ng malakas at hinawakan ako sa balikat.
Kahit si Ashton ay hindi ako pinagsabihan na tumawa, baka kasi tumaas ang boses ko. Hindi ko din nasubukan dahil ayaw kong marinig ang sarili kong boses, walang buhay at walang emosyon.
"Huwag ka ngang nagbibiro ng ganyan, Reese. Haha!"
Hindi ako kumibo hanggang sa natapos na siyang pagtawanan ang tanong ko. Baliw ba siya? Hindi naman ako nagbibiro.
"Hindi ka naman ET, diba?"
"Ano ang ET?" Iniisip niya bang alien ako?
"Extra terrestrial! Haha. Alam mo yun, hindi tao. Alien! Haha."
"Hindi lang naman ako ang ganito, Anita. Nagagawa ko naman ang ngumiti."
"Pero iba kasi ang dating ng tanong mo, seryoso? Haha! Hindi ka talaga tumatawa?"
"Sampung taon- ang ibig kong sabihin ay mahigit sampung taon ko ng hindi nasubukan ang tumawa." Sampung taon pa lang ako sa mundong ito, halos napuntahan ko na ang mga kilalang lugar sa iba't ibang kontinente kasama ang asawa ko pero ang pagtawa ang hindi ko pa nagagawa.
Paano nga ba ang tumawa? Madali ba? Kung oo sana ay matagal ko na itong nagawa.
"Turuan mo ako, Anita."
Gusto kong matuwa sa akin si Ashton kapag nakita at narinig niya akong tumawa. Na magkakabuhay na din ang boses ko at hindi na tonong patay at walang kasiglahan.
"Reese, nababaliw ka na ba?" Hindi pa rin siya makapaniwala.
"Hindi ako nababaliw Anita, at seryoso ako. Turuan mo ako."
Tumango tango siya na parang wala sa sarili.
Gagalingan ko sa pag-aaral kung paano ang tumawa.
*******
Lulan ng truck na may karga ng mga gulay sa likod ay nakarating na kami sa kabilang bayan. Dalawang oras na byahe din ang inabot bago namin narating ang ang bayan ng Alonso, Hermania naman ang tawag sa bayan nina Anita.
Kung ikokompara ang dalawang bayan ay mas sibilisado at humahabol sa pag-usad ng panahon ang bayan ng Alonso. May mga malalaking gusali sila dito at may mga dayuhan sa kanilang bayan, foreign man o kapwa Pilipino.
Hapon na at baka hatinggabi na kami makakabalik sa Hermania.
"Mama, doon po tayo!" Isinama namin si Wilfred dahil na rin sa kagustuhan ko. Hindi ko alam ang mga tipo niyang laruan at size ng kanyang katawan para sa pagpili ng kanyang damit.
"Mauna ka na doon Wilfred, sandali lang." Kaagad naman siyang tumakbo sa kariton ng mga laruan. Sa susunod ay dadalhin ko siya sa Mall, mas matutuwa siya doon at mag-eenjoy.
"Napalapit na talaga ng husto sa iyo ang batang iyon." Anita
"Gusto ko sanang sumama kung saan kayo nagde-deliver ng mga gulay pero uunahin ko muna si Wilfred."
"Bakit nga ba hindi kayo magkaanak ng asawa mo?"
"May problema kasi sa akin."
"Ah. Okay. Oh siya at babalikan na lang namin kayo dito, doon lang naman kami sa bagsakan ng gulay sa palengke. Alam naman na ni Wilfred ang pasikot sikot dito kaya hindi kayo maliligaw. Huwag kang basta basta kakausap ng mga tao at tuso pa naman ang ilan dito. At sa pag-uwi naman natin ay may ipapagawa ako sa iyo, mag-iingat kayo."
"Kayo din."
Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makasakay na siya ng truck.
Pinuntahan ko si Wilfred na tuwang tuwa sa mga laruang naka-display sa mga bangketa. Kahit saan saan na siya pumupunta at halatang nag-uumapaw ang kanyang kaligayahan.
"Wilfred, nakapili ka na ba?" Lapit ko sa kanya
"Mama, wala po akong mapili. Magaganda lahat!" Napahawak siya sa aking braso at hinatak niya ako papunta sa isang kariton. Mga pagkain ang binibenta at para akong natatakam.
"Nagugutom ka ba?" Kahit ako ay nakaramdam ng gutom. Gusto kong kumain ng fishball, una at huling beses na kumain ako nito noong ipasyal ako ni Aidan. Iyon din ang huling beses na nakapunta ako sa mataong lugar na maraming palaruan.
"Opo, Mama!"
Pinapili ko siya ng gusto niyang kainin at naghintay kami hanggang sa maisilbi na sa amin ang dalawang paper plate ng tindero.
Nagtungo kami sa bakanteng upuan na kahoy sa gilid ng kariton at doon pumwesto.
"Maraming salamat, Mama. Ang saya ko po ngayon!"
"Hindi pa nga kita nabibilhan ng gusto mong laruan."
Nanlalaki na nagliliwanag ang kanyang mga mata. Bilogan pa ang mga iyon at kababakasan ng katuwaan.
"At saka, hindi pa tayo nakakapasyal dito. Ipasyal mo ako Wilfred, may alam ka ba na magandang lugar dito?"
"Oo! Maganda doon at maraming tao! Ngunit magdidilim na Mama, maaari bang sa susunod na lang? Mahamog na po mamaya at bawal po kayo nun, baka sipunin kayo."
"Hindi ako magkakasakit at mas lalong walang kaso kung maggabi na, Wilfred. Hindi naman tayo nagmamadali dito, matatagalan pa naman sina Anita doon." Hindi magkakasakit pero madalas mahuhuli na nasusuka.
"Sige po! Bilisan po natin ang pagkain at pupunta tayo sa malaking talon! Maganda po doon at tiyak na magugustuhan niyo ang paligid!"
Katulad ng sinabi niya ay kaagad naming naubos ang pagkain at nagsimulang maglakad papunta sa sinasabi niyang talon.
Nang narating namin ang malaking talon ay nakaramdam ako ng galak sa aking puso. Busog na busog ang mga mata ko sa magandang tanawin. Napakalinis ng tubig at para itong kristal na kumikinang kapag nasisinagan ng araw. Hindi ko napigilan ang aking sarili na magtampisaw sa gilid ng talon at umaktong sasaluhin ang umaagos na tubig.
Nasa labindalawang talampakan ang lapad ng talon at nasa anim naman ang taas. Sakto lang agos ng tubig at maganda siguro kapag naligo ka dito. Sayang at mukhang ipinagbabawal ang ganun dito.
"Napakaganda Wilfred, maraming salamat sa pagsama mo sa akin dito. Isa ito sa mga lugar na gugustuhin kong balikan." Dadalhin ko si Ashton dito, tiyak na magugustuhan niya din ang lugar na ito.
"Tara Mama! Doon tayo sa itaas!" Mabilis niya akong nahatak at ilang minuto lang ay nasa taas na nga kami ng talon.
Mas malapad ang espasyo dito at may nakikita pa akong mga isda sa sobrang linis ng tubig. Marami din ang mga turista dito na kitang kita sa kanila kung paano sila namamangha sa buong paligid.
"Mama?" Untag niya sa akin.
"Ano iyon?"
"May napansin po kasi ako."
Yumuko ako at may binulong siya sa akin. Sa sinabi niyang iyon ay naging alerto ako at hinawakan ko siya sa braso.
"Umakto ka lang na nasa ilalim pa din tayo ng pag-eensayo, okay?"
"Paano po? Baril po ang itinuturo niyo sa akin Mama, hindi naman po ako artista."
"Kumilos ka lang ng normal, halika at huhulihin natin siya." Ako naman ang humatak sa kanya.
Tama nga siya, may sumusunod sa amin.
Pabalik balik kami sa pag-ikot sa mga kakahuyan. Hindi naman kami maliligaw dahil maraming tao ang pumapasyal kahit saan kami napunta. May mga grupo ng kabataan at may mga pamilya din na dumadayo.
"Maiwan ka dito Wilfred, sumigaw ka kapag may lumapit sa 'yo."
"Hindi po ako sisigaw, Mama. Marunong po akong sumipa at sumuntok."
"Mabuti, kailangan mong maging matapang. Sandali lang ako."
Naglibot kami kanina upang mamatygan ko din ang kilos ng lalaking nakabuntot sa amin. Lalaki siya at pamilyar pero kailangan kong makasiguro.
Tumakbo ako palayo kay Wilfred at sinigurado ko na hindi ako makikita ng nagbabantay sa amin.
Isang liko, naaamoy ko na ang pabango niya. Dalawa, ilang hakbang pa papunta sa pinagtataguan niya. Sinusundan ko lang ang malakas niyang amoy, habang palapit ng palapit ako sa kanya ay mas lumalakas ang nararamdaman kong kalabog sa aking puso.
Tumigil ako sa paghakbang ng malapit na ako sa likod niya. Mukha siyang bata sa pwesto niya dahil nakasandig siya sa katawan ng malaking puno habang nakadungaw ang kanyang ulo na may sombrero sa gawi ni Wilfred.
"Where in heaven did she go?" Tanong niya sa kanyang sarili.
Mukhang baliw din siya, kinakausap niya ang kanyang sarili. Katulad ni Leonora na baliw din.
"Baka may pinuntahan lang sandali."
"Saan naman? Ang ganda pa naman ng view dito kanina, pumangit na dahil umalis siya." Sagot niya ng hindi ako nililingon. Hindi niya man lang ba nahalatang ako na ang kausap niya? O sumasakay lang siya sa sinasabi ko?
"Ano ba ang kailangan mo sa kanya?"
"I just want to see her."
"Sino?"
"Ree- what the?!" Napayakap na siya ng tuluyan sa katawan ng puno ng lumingon siya at nalaman kung sino ang kausap niya.
Napangiti tuloy ako, ganun din ang naging reaksyon niya noong unang beses na pumasok sila sa bar ng magkasama ni Geneva.
Nakayakap habang ang isang paa ay nakataas sa ere.
"Reese? You almost gave me a heart attack!" Nagpagpag siya ng kanyang damit at pantalon saka lumapit sa akin.
"Bakit gusto mo akong makita, Aidan?"
"I know it's wrong but I missed you, Reese. How about you, didn't you miss me?"
Hinawakan ko siya sa balikat at ngitian ulit.
"Namiss din kita. Pasensya ka na at nagulat kita Aidan, hindi iyon ang intensyon ko."
Biglang kuminang ang kanyang mga mata at aktong yayakapin ako ng itinaas ko ang aking mga kamay upang pigilan siya sa kanyang gagawin.
"Aww. Do you like me na, Reese?"
Gusto?
Hindi ko siya gusto pero natutuwa ang kalooban ko, may kung ano din sa akin na gusto siyang yakapin. Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Ngayon lang nangyari na natuwa akong makita siya dito at nag-aksaya pa talaga siya ng oras na makita ako kahit patago, at nahuli ko naman siya.
Hindi ko siya gusto. Hindi iyon tama dahil magkakasala ako sa aking asawa.
Mahal ko si Ashton. Siya lang.
"Hindi kita gusto Aidan, ngunit nasisiyahan akong makita ka ngayon."
"Aww. At least unti-unti na kitang maaagaw sa asawa mo dahil sa sagot mong iyan."
"Hindi kita kayang mahalin Aidan, at ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa iyong hindi ka magtatagumpay sa balak mo."
"You don't consider me as an enemy, right?"
"Hindi, magaan ang loob ko sa 'yo at wala naman akong nararamdamang banta sa 'yo. Bakit ka nga ba nandito?"
"I already said it, okay? I missed you. Hindi naman na lingid sa kaalaman mo na may gusto ako sa 'yo, diba?"
Parang may sumipa sa puso ko, ramdam ko ang mabilis na pagtibok nito. Ano ang nangyayari sa akin? Aatakihin ba ako sa puso? Hindi ito tama. Maling mali at hindi na dapat lumalim pa kung ano man ang nararamdaman ko sa kanya.
"Pansin ko lang ha, bakit namumula ang pisngi mo? Blooming ka yata?"
Namumula?
"Hindi ko alam."
"Aww. You like me too!" At tuluyan niya na akong nayakap.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top