Chapter Twenty Three

Nagulat si Francine nang biglang bumukas ang pinto ng banyo at iniluwa ng pintuan si James. Sa sobrang gulat niya ay nabitiwan niya ang pantalong hawak at dinala ang isang palad sa kanyang dibdidb. Pakiramdam niya ay nais lumundag mula sa dibdib niya ang kanyang puso dahil sa pagkagulat.

"Oh, sorry-I thought no one's using the bathroom," paghingi ng paumanhin ni James.

Pinulot ni Francine ang pantalon sa sahig. "Palabas na rin naman ako, kaya puwede mo nang gamitin ang banyo."

Akmang tatalikod na si Francine nang hinawakan siya ni James sa braso, ang mga mata nito ay nakatuon sa papel na hawak-hawak pa pala niya.

"What's that in your hands?" tanong nito.

"Wala-isang resibo lang. Galing ito sa pantalon mo." Ibinigay niya ang resibo kay James at pinilit na ngumiti. "Ikaw ha, hindi pa nga tayo hiwalay may nililigawan ka na palang iba? Naku, mag-ingat ka at baka mabisto tayo ng tatay mo. Matinding gulo 'yon kung nagkataon!" pabiro pa niyang pahayag. Muli niyang tinalikuran ang asawa, kasabay ng pagbigkas ng panalangin na sana'y hindi siya bumigay at maiyak sa harapan nito.

"Francine."

Napapikit si Francine at humingang malalim. Please, Francine... h'wag sa harapan niya... pigilan mo ang luha mo... "Ano 'yon?" tanong niya nang muli niyang hinarap ang asawa. Ramdam niyang nanginginig ang kanyang labi, kaya napakagat na lamang siya rito. Mariing nakatitig sa kanya si James, na para bang may nais itong sabihin sa kanya ngunit hindi alam kung papaano uumpisahan.

Bumuka ang bibig nito, ngunit itinikom muli at umiling na lamang. "W-wala. Sige na, lumabas ka na para makapagbanyo ako."

Tumango na lamang siya kay James bago tuluyang lumabas. Nang naisara na niya ang pinto, napasandal naman siya rito. Mahirap pala ang magpanggap na para bang hindi siya nasasaktan sa mga nangyayari, na wala lang sa kanya ang lahat. Na tanggap na niya ang nature ni James, kung ano ito, kung sino ito... Mahirap palang ngumiti kung sa likod pala ng ngiting iyon ay ang matinding sakit na pilit niyang itinatakpan. Mahirap palang magsinungaling sa sarili at kumbinsihin ito na kaya pa niyang ipagpatuloy ang magpanggap na isa lamang kasunduan ang namamagitan sa kanila ni James. Dahil ang totoo, kung maaari lang sana, ay nais niyang maging totoo na lamang ang lahat ng mga kasinungalingang iyon.

***

Naikuyom ni James ang kanyang kamay at isinandal ang noo sa likod ng pinto. Alam niyang nakatayo pa rin si Francine sa kabilang pinto-hindi pa niya naririnig ang papalyong yabag nito. Nais niyang puntahan si Francine upang magpaliwanag. Pero hindi niya alam kung bakit pinipigilan niya ang sariling gawin iyon.

Nakaramdam siya ng sakit nang nakita niyang pilit isinantabi ni Francine ang ginawa niya at idinaan na lamang sa biro ang pagsaway sa kanya. Kitang-kita niya ang mga sakit sa mata nito, ang pagnginginig ng mga labi nito kahit na umangat ito at bumuo ng isang ngiting hindi naman umabot sa mga mata ng asawa... sa mga matang pilit na pinipigilan ang mga luha na magpakita.

Why couldn't he just fucking apologized to his wife? Gaano ba kahirap ang magpaliwanag rito, ang suyuin ito at sabihing "wala lang iyon... ikaw naman talaga ang..."

Ang ano? Ang gusto niya? Ang mahal niya? Ano ba talaga ang totoong nararamdaman niya para kay Francine?

Alam niyang attracted siya rito. Matagal na niyang alam iyon. Pero may iba siyang nararamdaman na hindi niya maipaliwanag. Naramdaman niya ito noong nakita niyang nakangiti si Francine na abot hanggang mata habang hinahanda ang kanyang agahan at pinaalalahanan itong dapat kumain muna bago pumasok sa trabaho. Naramdaman niya ito noong tinarayan siya ng asawa't pinagalitan nang itinatapon niya ang hinubad na polo sa sahig, at bumigay naman ito't napailing na lamang nang nilambing niya ang asawa at sinabihan ng, "Sorry na." Naramdaman niya ito nang niyakap niya si Francine noong isang gabi, nang hinalikan niya ito sa pisngi, sa noo, sa mga labi...

Bakit ba niya pinipigilan ang nararamdaman? Bakit hindi na lang niyang tanggapin si Francine sa buhay niya? Kung wala mang nararamdaman si Francine para sa kanya ngayon, hindi naman imposibleng matututunan din siya nitong mahalin, hindi ba?

Pero bakit ayaw pa rin niyang subukan?

Iisa lang naman ang alam niyang dahilan kung bakit pinipigilan niya ang nararamdaman-dahil takot siya. Yes, James Madrigal was afraid to fall in love again. Dahil minsan na siyang nagmahal, ibinigay ang buong puso ngunit nasaktan lamang sa huli. Dahil takot siyang bumuo ng isang pangarap kasama ang babaeng mahal niya at mauuwi lamang sa kabiguan ang lahat.

He was afraid, goddammit! If it made him a lesser man, then so be it. But he was still afraid... Afraid to open his heart and give love another try. Would he risk loving Francine, knowing that she felt nothing for him? Maybe she did feel something for him, but would it last? Papaano kung sa bandang huli ay iniwan siya nito? But if he would just treat her right... maybe, just maybe, he could convince her to stay with him...

***

Muntik nang mapapitlag si Francine nang naramdaman niyang niyakap siya ng asawa mula sa likuran habang nagtitimpla ng juice. "J-james-ano ba? Muntik ko nang mabuhos ang juice ko."

"H'wag kang gumalaw," pakiusap nito sa kanya.

"Ano ba ang nangyayari sa 'yo?"

"I just want to hug you this way... please-kahit sandali lang." Nagulat pa nang husto si Francine nang isiniksik pa ni James ang mukha nito sa kurba ng leeg niya.

Ano kaya ang nangyayari kay James? Bakit ito nagkakaganito? Simula no'ng nangyari sa banyo dalawang araw na ang nakakaraan, lagi na itong ganito. Madalas ay bigla-bigla na lang siya nitong yayakapin. Minsan naman ay hahalikan siya nito ng walang pasabi. Para siyang sinusuyo nito. Nilalambing. Kung ibang tao ang kaharap niya at hindi si James Madrigal, iisipin niyang mahal siya nito at sinusubukang makuha ang kalooban niya. Ngunit alam niyang imposible iyon. Dahil hindi marunong magmahal si James. Dahil matagal nang nakasara ang puso nito para sa pag-ibig.

Dinala na lamang ni Francine ang mga kamay sa braso ng asawa na nasa baywang pa rin niya. Bahagya pa siyang sumandal sa dibdib nito at hinayaan na lamang yakapin siya ng asawa. Pakiramdam ni Francine ay nalulunod siya sa magulo niyang emosyon. Mahal niya si James. Gusto niyang manatili sa mga bisig nito, kung maaari ay panghabambuhay. Ngunit alam niyang masasaktan lamang siya kung hindi naman siya mahal ng lalaki, kung hindi naman kaya ni James na ibigay nito ang buong puso sa kanya.

Naguguluhan rin si Francine sa mga ikinikilos ni James nitong mga nakaraang araw. Maglalambing ito sa kanya, susuyuin siya't hahalikan. Tutugon naman si Francine sa mga mapupusok na halik ni James, at matapos maging isa ng kanilang mga katawan, bigla naman itong didistansya sa kanya.

"Francine," untag nito, "let's go to bed early."

Napamulat ng mga mata si Francine. Dama niya ang init ng katawan ni James. Dama niya ang pagnanasa nito para sa kanya. Hanggang doon na lang ba ang kayang maramdaman ng lalaki para sa kanya?

Nagbuga ng hangin si Francine at pilit ikinalas ang pagkakayapos sa kanya ni James ngunit ayaw pa rin nitong bumitiw. Sumuko na lamang siya at tumingala sa mukha ng asawa mula sa kanyang kaliwang balikat. "James, ano ba talaga ang gusto mo?"

"I want to go to bed with you."

"Hindi iyon ang ibig kong sabihin." Nauubusan na rin siya ng pasensya. Umikot na lamang siya at hinarap ang asawa, ang mga braso nito ay nasa baywang pa rin niya. "Ang ibig kong sabihin ay ano ba talaga ang balak mo sa ating dalawa? Ano ba ang gusto mong mangyari?"

Rumehistro sa mukha ni James ang pagkalito sa mga tanong niya. "I don't quite understand you, sweetheart." Hinalikan nito si Francine sa labi bago ipinagpatuloy ang pagsasalita. "But what I really want right now is to make love with you."

"James... tama na. Please don't confuse making love with having sex."

"Ano ba 'yang pinagsasabi mo?"

"Ang sinasabi ko lang ay h'wag mong pagbaliktarin ang dalawa." Dahil baka mapaniwala ko nga nang tuluyan ang sarili ko na mahal mo nga ako... "Kasi dalawang magka-ibang bagay ang mga iyon."

Kusang ikinalas ni James ang mga braso niya sa pagkakahawak kay Francine, batid sa mga mata nito ang pagkainis sa asawa. "Fine. Let's have sex, then. Can we now go upstairs and fuck?"

"James!"

"Iyon naman ang gusto mong marinig, hindi ba? O, ayan-pinagbigyan na kita. Ano pa ba ang gusto mo Francine? Lumuhod pa ako para mapagbigyan mo 'ko?"

"Hindi naman iyon ang punto ko!" Pinakalma muna ni Francine ang eratikong puso. Bakit ba nila pinagtatalunan ang bagay na ito? Sa mahinanong boses, itinuloy niya ang nais sabihin, "James, ang akin lang kasi, dapat maging malinaw tayo sa isa't isa. Oo kasal nga tayo, pero wala naman talaga sa pinagkasunduan natin ang pagtatalik. Kung... kung ang tawag mo doon ay making love, isang kasinungalingan iyon dahil-dahil hindi mo naman ako mahal. Hindi ba?" Ang pananahimik ni James sa huli niyang tanong ang naging kumpirmasyon sa matagal nang gumugulo sa kanyang isipan. "Ayoko lang kasi na masanay ako sa ganito. Papaano kung naghiwalay na tayo? Mahihirapan akong pakawalan ka kung ang trato natin sa isa't isa ay tunay ngang mag-asawa."

Tinalikuran niya si James at ipinatong ang mga kamay sa mesa. Pakiramdam niya ano mang oras ay bibigay na ang mga tuhod niya dahil unti-unting nawawala ang kanyang lakas na ipagpatuloy pa ang kanyang mga sasabihin. "Baka... baka makumbinsi ko ang sarili kong mahal mo nga ako at... at masasaktan lang ako kapag naghiwalay na tayo."

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni James, sunod naman ay ang paglapit nito sa kanya. "Hindi naman natin kailangang mag-hiwalay..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top