Chapter Twenty Six
"James?"
Ang pagtawag sa kanyang pangalan ang nagbalik kay James sa kasalukuyan.
"Parang ikaw 'yon-si Grace," dagdag pa ni James. "Lagi akong inaapi."
Tumaas naman ang kilay ni Francine. "Ikaw? Inaapi ko? Kailan? Saan? Tuwing tulog ka? Sa panaginip mo?"
"Ganyan na ganyan si Grace. Pareho kayong dragon na bumubuga ng apoy. Lagi akong binabara, sinusungitan, tinatarayan. Akala mo araw-araw may buwanang dalaw, eh. Madalas ko ngang nakikita si Grace sa katauhan mo."
Muling umiwas ng tingin sa kanya si Francine. At bago pa naibaba nito ang mga mata at ituon ang paningin sa plato nito, nasilayan pa ni James na tila nasaktan ang babae sa sinabi niya. Bakit ba hindi niya masabi ng tama ang mga nais niyang sabihin kay Francine?
"Hindi naman ako si Grace," mahinang tugon nito.
"Alam ko naman 'yon. Wala namang makapapantay sa kanya." Tila mas lalo pa atang lumala ang sitwasyon dahil sa idinagdag niyang pahayag.
Nagbuga pa ng hangin si Francine bago siya nito muling tinitigan. Namutawi rin ang sakit at lungkot sa mga mata nito. "Nasisiyahan ka talaga siguro tuwing sinasaktan mo ako, ano?"
"Ha?" Bakit ba mali-mali ang mga nasasabi niya sa asawa? May nais siyang sabihin, hindi niya masabi. Kung may sasabihin naman siya, hindi naman tama ang pagkakasabi niya sa mga rito. What was wrong with him? He was a charming prince upon his adoring women, suave beyond description. He could sugar-coat anything and make something despicable appear enticing. He could seduce woman using words. He could even make them come just by merely whispering the right words in their ears. Kaya ipinagtataka niya ngayon nang lubos kung bakit hindi niya masabi nang tama ang mga nais sabihin kay Francine?
"'Di bale na," pagpukaw ni Francine sa atensyon niya. "Ano naman ang kuneksyon ng kuwento mo kay Darwin Villanueva."
"I'm getting there." Muli siyang nagpatuloy sa pagsalaysay sa kanyang nakaraan, kasabay no'n ay ang pagtahak sa memoryang akala niya'y matagal na niyang ibinaon...
Simula noong araw na iyon sa may basketball court, halos araw-araw na nilang tinutukso si Grace na may pagtingin ito kay James. Sinimulan niya ring tawaging darling at baby ang dalagita, at mas lalong nanggagalaiti sa galit si Grace dahil sa mga panunukso niya at ng kanilang mga kaibigan. Natutuwa naman si James tuwing napipikon ito.
"Eeew! Kadiri! Kahit kailan hindi ako magkakagusto sa 'yo, James! Para mo na ring sinabing nagpatiwakal ako," inis na banat ng dalagita sa kanya nang sinimulan niya uli ang panunukso rito.
"Ano ka ba, Grace. Kapag ako ang naging nobyo mo, complete package na ang mukhang ito-may prince charming ka na, may boyfriend ka pang artista!"
"Prince Charming ka riyan. Mukha mo!"
"Guwapo?"
"Hindi! Mukha mong ipinaglihi sa espasol sa kaputian! Kalalaki mong tao, mas maputi ka pa kaysa sa akin? Nababading-an ako sa 'yo dahil sa kaputian mo! At isa pa, daig mo pa ang babae kung maglagay ng baby powder sa mukha."
"Para nga hindi oily ang guwapong face na ito. Teka, ayaw mo ba talagang malahian ng kaputian 'yang kulay lupa mong genes?" Tatawa-tawa pa siya nang sinimulan siya nitong paghahampasin sa balikat. Nasisiyahan talaga siya sa pang-aasar niya rito. Pero kahit morena si Grace, maganda naman ito kung maisipan lamang nitong mag-ayos at kumilos tulad ng mga babae nilang kaklase. Lagi kasi itong nakasuot na T-shirt. 'Di tulad ng mga babaeng madalas nakalugay lamang ang buhok, si Grace ay laging ikinukubli ang maiksi nitong buhok sa ilalim ng paborito nitong baseball cap na ibinigay pa niya rito noong ika-labindalawang kaarawan nito.
Palapit na ang kanilang senior prom, at ikinagulat ni James na bigla na lamang inanunsyo ni Grace sa harapan niya na siya ang magiging partner nito sa prom.
"Ha? Ah, eh, may napili na kasi akong ka-date sa prom. Sorry Grace," paliwanag niya sa babae.
"Ah, basta. Ako ang magiging partner mo sa prom. Wala ka na ring magagawa kasi kinausap na ni mommy ang lola mo at pumayag siya. Kaya no choice ka na kundi sunduin ako sa bahay namin." Iyon lang ang sinabi nito at mabilis na umalis bago pa man siya nakapagpahayag ng saloobin.
Kinausap na lamang ni James ang kanyang lola, at ipinakiusap naman nito na pagbigyan na si Grace.
"Matalik mo naman siyang kaibigan, apo," sabi pa ng lola niya. "At isa pa ito ang una at huling prom niya. Alam mo naman na hindi siya nakadalo noong nakaraang taon dahil nagkasakit siya. Gusto lang ng mama ni Grace na maging espesyal at masaya ang anak niya sa prom."
Walang nagawa si James kundi pagbigyan ang pakiusap ng kanyang lola. Naaawa rin siya sa sitwasyon ni Grace. Alam rin naman niya na wala rin namang ibang lalaki ang magtatangkang yayain si Grace upang maging date nila sa prom. Sina Lawrence at Zack naman ay pawang may mga naanyayahan na. Siya na lamang ang wala pa. Bakit ba kasi hindi pa siya nakapili agad sa sampung mga babaeng nagpaparamdam sa kanya na nais maging ka-date niya sa prom?
Ngunit matalik naman niya itong kaibigan, hindi ba? Gagawin na lamang niya itong maliit na sakripisyo para masiyahan naman si Grace sa unang pagdalo nito sa prom.
Ano kaya ang hitsura nito suot-suot ang gown na mahaba? Naku, panalangin niya ay maisipan nitong huwag gamitin ang baseball cap sa prom.
Dumating ang gabi ng prom at hindi niya inaasahan ang kanyang nakita. Ikinagulat ni James nang husto ang makita ang isang anghel na bumababa mula sa hagdan suot ang isang simple ngunit magandang puting gown. Napanganga pa siya nang napagtanto niyang si Grace pala iyon. Hindi niya ito gaanong nakilala dahil sa ayos ng buhok nito na bagama't maiksi ay nagawan pa rin ng paraan para maging kulot-kulot ito.
Napakagat-labi ang dalagita at sa mamula-mulang mukha nito ay halatang nahihiya ito sa kanyang bagong ayos. "Ano ba?" sita ni Grace. "Kung makatitig ka akala mo naman isa akong exotic animal sa zoo."
"Hindi... akala ko kasi may bumabang anghel mula langit."
Lalo pang pinamulahan ang dalagita. Napangiti na lamang si James sa naging reaksyon ni Grace. Hindi talaga sanay ang kaibigan niyang iyon na makatanggap ng mga ganoong klaseng papuri. Pero hindi niya maiwasang puriin ito. Ngayon lang niya nakita si Grace na nakaganoong ayos... at ang ganda pala niya. Kaya naman ay hindi niya masisisi ang sarili kung bakit hindi niya maitanggal ang mga mata niya sa mukha ni Grace.
Naging masaya ang gabi niyang iyon. Laking pasasalamat ni James na pumayag siya sa kahilingan ng kanyang lola. Kahit pa tinutukso silang dalawa ng mga kaibigan niyang sina Lawrence at Zack, pati na rin ang kababata nilang si Lisa, alam niyang naiinggit lang ang mga iyon dahil silang dalawa ni Grace ang naging sentro ng atensyon sa gabing iyon. Hindi na rin siya magugulat kung silang dalawa ang tatanghaling prom king and queen bago matapos ang kanilang gabi.
"Bad idea ata itong naisip ko," bulong ni Grace sa kanya nang iginiya niya ito sa gitna ng bulwagan upang isayaw.
"Bakit naman?"
"Kung alam ko lang na gano'n katindi ang tuksong aabutin ko sa mga iyon, hindi na lang sana kita niyayang maging ka-date ko."
Natawa si James sa pahayag ng kaibigan. Oo nga naman-si Grace nga pala ang nagbigay ng paanyaya at hindi siya. "Eh, bakit naman kasi sa lahat ng mga kaibigan mo, ako pa talaga ang naisipan mong blackmail-in na maging date mo ngayon?"
"Kasi sa inyong tatlong bugok na itlog, ikaw ang pinaka-close ko," sagot nito, ang tatlong tinutukoy nito ay si James, Lawrence at Zack. "At isa pa...kasi..."
"Kasi ano?"
Tumigil ang tugtog ng musika, ngunit nanatili pa ring nakatayo sa gitna ng bulwagan ang dalawa, si James hinihintay na ituloy ni Grace ang nais nitong sabihin. Umalingawngaw naman ang boses ng kanilang principal na noo'y nakatayo na sa gitna ng entablado at inaanunsyo ang resulta ng botohan kung sino ang napili ng mga estudyante na maging kanilang prom king at queen. "...at ang ating prom queen... Leah Natividad!"
Nagsipagsigawan ang mga estudyante. Napatingin naman sa gawing entablado si James at napakunot-noo. Akala talaga niya si Grace na ang tatanghaling prom queen. 'Di hamak naman na mas maganda ito ngayong gabi kaysa kay Leah.
"James," untag ni Grace, "may kailangan akong sabihin sa 'yo... baka hindi na dumating ang pagkakataon na masabi ko pa ito sa 'yo..."
"...at ang ating prom king naman..."
Hindi niya pinansin ang mga sumunod na pahayag ng kanilang principal dahil ibinalik niya ang atensyon kay Grace. "Ano ba kasi ang gusto mong sabihin?"
"...ang prom king..."
"James... mangako ka sa akin na hindi ka magagalit sa mga sasabihin ko..."
"Grace, ano ba kasi iyon?"
"Kasi..."
"Ano na?"
Napakagat-labi pa ang dalagita habang nakatitig sa sahig. "James... ayaw kong dumating ang panahon na hindi na tayo magkikita tapos hindi ko man lang nasabi ito sa 'yo..."
"Ano ba kasi 'yan? Pinapatagal mo pa tala-"
"Mahal kita."
"James Madrigal? Maaari bang umakyat ka na rito sa entablado at hinihintay ka na ng iyong reyna?"
Nagsipagtawanan ang mga estudyante dahil sa biro ng kanilang principal. Ngunit hindi pa rin niya pinansin ang mga sigaw, kantiyaw at panunukso sa kanya ng mga kaklase. Tila naglaho ng parang bula ang lahat ng mga tao maliban sa kanila ni Grace.
Hindi maintindihan ni James ang nangyayari. Ano ba itong nais maitumbok ni Grace? At bakit tila parang umaalingawngaw pa sa kanyang tainga ang dalawang salitang binitiwan ni Grace: "Mahal kita... mahal kita..."
Pinilit ni James na makawala sa hiwaga ng mga salitang binigkas ni Grace. "S-siyempre naman mahal mo 'ko. Magka-tropa tayo. 'di ba? Magkaibigan?"
Iniangat ni Grace ang ulo mula sa pagkakayuko at tinitigan nang derestso sa mga mata si James. "Hindi James... mahal kita higit pa sa isang kaibigan."
"Bakit mo ba sinasabi ang mga ito, Grace?"
"Dahil gusto ko... dahil ito ang nararamdaman ko..."
"Grace naman, eh. Magkaibigan tayo... ano ba?"
Namutawi ang tila maliliit na tubig sa mata ni Grace na nais bumagsak na parang ulan ngunit halata sa mukha nito at determinasyon pigilang bumuhos ang kanyang mga luha. "Bakit, hindi ba kita puwedeng mahalin dahil magkaibigan tayo?"
"Hindi naman sa gano'n. Kaso..." Napakamot pa si James ng batok. "Grace naman, eh. Bakit mo ba ginagawang kumplikado ang pagkakaibigan natin?"
"Ano ba ang komplikado sa sinabi ko?"
"Alam mo naman kasi na-"
"Na ano? Na hindi mo 'ko magugustuhan dahil hindi ako tulad ng mga babaeng habol nang habol sa 'yo? Na hindi ako kasing ganda nila? Dahil pa ang tingin mo sa akin, eh, mas lalaki pa sa 'yo? Ano?"
"Grace naman, eh! Sinisira mo ang pagkakaibigan natin! Tigilan mo nga 'yang kadramahan mo! Oo, hindi ka kasing ganda tulad nila, at oo mas lalaki ka pa kung kumilos minsan kaysa sa akin. Pero hindi naman iyon ang dahilan ko."
"Eh, 'di ano?"
"Grace..." Huminga nang malalim si James bago nagpatuloy. "I don't see you as the girl that I can like more than a friend."
Nakatulala lamang ang dalagita, nanginginig pa ang mga labi nito. Batid niyang nasaktan niya ang kaibigan, ngunit alam ni James na dapat maging totoo siya rito upang hindi ito lalo pang masaktan sa kakaasang matutugunan niya ang nararamdaman nito para sa kanya.
Ngunit hindi maintindihan ni James kung bakit nakaramdam siya ng kirot sa kanyang puso lalo na nang nakita niyang nagsimulang tumulo ang mga luha ni Grace. Hindi niya rin alam kung bakit tila nais niyang bawiin ang mga sinabi sa babae. Hindi niya mawari kung bakit tila iba naman ang idinidikta ng puso niya kumpara sa mga lumabas sa kanyang bibig.
"Grace-" umpisa ni James, ang intension ay humingi ng paumanhin sa kaibigan. Ngunit hindi niya ito naituloy dahil inunahan siya ni Grace.
"Naiintidihan ko James. Pasensya na-akala ko kasi... akala ko kapag sinabi ko sa 'yo ang nararamdaman ko, magkakagusto ka rin sa akin. Hayaan mo, kakalimutan ko na lamang itong nararamdaman ko."
"Grace naman..."
"Kakalimutan na lamang kita James... paalam..."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top