Chapter Four
Five years later
"Monique! Where the fuck is Monique!"
Heto na naman tayo. Tuwing umaga na lang, pagkadating ng boss niyang may sampung sungay sa ulo, lagi na lamang nitong isinisigaw ang pangalan niya. May karugtong pang mura.
Diyos ko, kung hindi ko lang talaga kailangan ng pera, hindi ako magtitiis dito!
"Girl, hinahanap ka ng boss mo," sabi sa kanya ng kasamahan niyang babae sa opisina.
"Kapag hinanap ako sa 'yo sabihin mo nasa CR ako at tumatae pa," sagot niya. Humagikgik lang ang kasamahan niya at lumabas ng staff lounge.
Ipinagpatuloy na lamang ni Francine ang pagtitimpla ng kape niya nang muli niyang narinig ang boses ng kanyang boss na si James Madrigal. "Where is she?"
"Sir, sabi po ni Monique sabihin ko raw po sa inyo na nasa CR pa siya at tumatae."
Anak ng—! Makukutos talaga niya mamaya 'yang babaeng 'yan.
Muntik nang mabitiwan ni Francine ang tasa ng kapeng hawak nang biglang bumukas ang pinto at tumambad doon ang inis na inis na mukha ng kanyang boss.
"So. Ito na pala ang bagong CR?" nang-uuyam na tanong sa kanya ni James.
Ngumiti lamang siya. "Coffee, sir?"
"You know I don't drink that crap. Ibili mo ako sa ibaba."
"Galing na po kayo sa ibaba, sir, hindi pa kayo dumaan sa coffee shop para bumili?"
Naningkit lamang ang mga mata ni James.
Inikot ni Francine ang kanyang mga mata at inilahad ang palad. "Asaan na pambili n'yo ng kape, sir?"
Naglabas ng pera sa wallet si James at nilagay ito sa bukas niyang palad. "Keep the change. Tip ko na 'yon para sa 'yo." At lumabas na ito ng staff lounge.
"Piso? Keep the change?" Wala ng nagawa si Francine kundi iwan ang kape sa mesa at lumabas na rin. Bumaba siya ng gusali na siya namang headquarters ng Madrigal Hotel at tinungo ang coffee shop na katabi lamang ng kanilang opisina.
Mag-aanim na buwan na siyang nagtatrabaho bilang sekretarya ni James, at ngayon ay malapit na talaga siyang sumabog sa sobrang inis sa arogante at antipatikong boss niya. Bakit pa ba siya pumayag sa trabahong ito?
Parang kahapon lang no'ng nilapitan siya ng totoo niyang boss. Tanda pa niya...
Nasa front desk siya ng Royal Hotel kung saan nagtatrabaho siya bilang receptionist.Wala pa namang taong dumaraan kaya hindi niya napigilan ang sariling drawing-an ang dyaryong nakapatong sa mesa.
"Ito ang bagay sa 'yo. Isang pares ng sungay. At isang mahabang buntot!" bulong pa niya sa sarili.
Kahit sa mga larawan lang niya nakikita ang hitsura ni James Madrigal ay kumukulo na ang dugo niya rito. Lagi pa naman laman ng mga pahayagan ang mukha nitong kampon ng kadiliman. Papaanong hindi, bukod sa anak ito ng isa sa may-ari ng sikat na hotel sa bansa, laging pinagpipiyestahan ng press ang love life nito. Daig pa nga nito ang mga sikat na artista kung pagtsismisan sa tabloid! Hindi porke't guwapo ito at mayaman ay dapat ang pabago-bagong status ng love life nito ang dapat isulat sa mga pahayagan! Aba, bakit hindi na lamang pag-usapan sa news paper ang global warming, o ang pagtaas ng singil sa kuryente, o 'di kaya ang pagbaba ng presyo ng manok sa merkado?
"Dapat ang mga tulad mo pinuputulan ng hotdog!" nangingitngit niyang sabi. "Para hindi na dumami pa ang lahi mong demonyo ka!"
"Is this what we pay you to do?"
Nagulat si Francine nang nakita niyang nakatayo sa harapan niya ang isa sa mga top executives ng hotel, si Mr. Darwin Villanueva. Sa tantiya ni Francine ay nasa trenta pa lang itong si Mr. Villanueva ngunit sa ganoong batang edad ay mataas na ang katungkulan nito sa hotel.
Napakagat-labi na lamang siya at yumuko. "I'm sorry, sir."
Nakita niyang pinagmasdan ni Mr. Villanueva ang obra niya sa dyaryo. Nagulat pa si Francine nang nakita niyang humalakhak ito. "Ano ang kasalanan sa iyo ng isa mga Madrigal at ginawan mo ito ng sungay?"
"Uhm, dahil kalaban natin ang hotel nila?" palusot ni Francine.
"A loyal employee, I see," nakangiting sabi ni Mr. Villanueva. "But I need you to go back to work. You can sabotage his pictures later on your break time."
Nang nakaalis na si Mr. Villanueva ay saka lamang nakahinga nang maluwag si Francine. Ngunit panandalian lamang iyon dahil makalipas ang tatlongpung minuto ay pinatawag siya ni Mr. Villanueva.
"Hindi na ako magpapaligoy pa. I'm offering you a job, Ms. Montojo."
"P-po? May trabaho na po ako, sir."
Umikot mula sa kanyang desk si Mr. Villanueva at umupo sa bakanteng silya sa tapat niya. "This is another job, and only you can do it."
At doon nagsimula ang lahat. Magtatrabaho si Francine bilang sekretarya ni James at lihim na magmamasid sa mga galaw nito. Gusto ni Mr. Villanueva na obserbahan niya si James at i-report sa kanya ang mga ginagawang 'milagro' ni James.
"So you mean, sir, mag-i-ispiya ako sa kanya? Sa mga extra-curricular activities niya?" tanong niya rito.
"Parang ganoon na nga."
"Eh, sir, bakit hindi na lang po kayo kumuha ng isang private investigator?"
"May mga bagay na hindi madaling makuha ng mga private investigators. Pero kung ikaw ay magtatrabaho mismo sa ilalim ni Madrigal, marami kang makukuhang impormasyon. You will be his confidante; you will have access to his itinerary, his everyday business in and out of the office. You will even know the details to all his dirty little secrets."
Napalunok si Francine. "Sir, are you... are you trying to sabotage the Madrigal Hotels?"
"Of course not!" Bumuntong-hininga si Mr. Villanueva. "You see, Madrigal is engaged with the woman that I secretly love."
Napasinghap si Francine sa tinuran ng kanyang boss. Kitang-kita niya sa maamo at guwapong mukha ni Mr. Villanueva ang kalungkutan nang nabanggit nito ang babaeng mahal. Kawawa naman ang babaeng iyon, paluluhain lang ito ng babaerong si James.
"I will not ask why you detest James Madrigal," patuloy ng kanyang boss. "But this woman that I love... I tried to warn her about James' philandering ways, and yet she refused to believe me. Ang sabi pa niya, nagbago na raw si Madrigal."
Napa-snort lamang si Francine. Nagbago? Pumuti man ang uwak, maging presidente man siya ng Amerika, hinding-hindi pa rin magbabago si James Madrigal.
Ngumiti nang bahagya si Mr. Villanueva. "See? We both agree Madrigal will never change his ways. I don't want to see her get hurt..."
Nais ni Mr. Villanueva na maglikom siya ng ebidensyang nagpapatunay ng pagiging unfaithful ni James, at gagamitin nito ang mga ebidensya upang makumbinisi ang babaeng mahal nito na huwag ng ituloy ang kasal nila. Nabulag na ng pagmamahal para kay James ang babae, ayon kay Mr. Villanueva. Kahit nasa entertainment section na raw ng mga pahayagan ang pakikipag relasyon ni James sa iba't ibang babae ay hindi pa rin ito naniniwala. Puro tsismis lang daw ang mga iyon. Concrete evidence daw ang kailangan ng babae, at handa si Mr. Villanueva na ibigay iyon mapigilan lang ang pag-iisang dibdib ng babaeng mahal nito kay James. After all it was a marriage of convenience, ang sabi pa ng boss niya. Wala namang pagmamahal si James para sa babae.
Ayaw sana niyang patulan ang offer ni Mr. Villanueva, ngunit bumilog ang mga mata niya nang binanggit ng kanyang boss ang presyo na makukuha niya kapalit ng serbisyong gagawin. Gipit ang pamilya niya sa pera, lalo pa't nasa ospital ang kapatid niyang lalaki dahil sa isang aksidente at naghahanap silang buong mag-anak ng pera pampaopera sa kapatid niya. Nasa ICU pa rin ang kapatid niya dahil sa natamong brain injury dahil sa aksidente. Palaki nang palaki ang kanilang gastusin sa ospital. At kahit pa na nagprisintang tumulong ang mga kaibigan nitong sina Cass at Abby, hindi naman niya kayang tanggapin iyon dahil may mga sariling problema ring pinagdaraanan ang mga kaibigan niyang iyon.
Napakagat-labi si Francine. Alam niyang delikado ang gagawin niya, bukod pa roon ay masama ang ipinapagawa sa kanya. Ngunit ano ba ang mas masama? Ang hahayaan lamang niya ang isang inosenteng babaeng tulad ng minamahal ni Mr. Villanueva na magdusa sa mga kamay ni James Madrigal? O ang tulungan ito upang hindi mapabilang sa mga mahabang listahan ng mga babaeng pinaiyak ni James? Ano ba naman ang kaunting sakripsiyo para sagipin ang isang babae sa mga kamandag ni James?
Tama. Ang gagawin niya ay makakatulong din sa kapwa niya babae. At makakatanggap pa siya ng perang magagamit para sa kanyang kapatid.
Tuluyan nang nakapagdesisyon si Francine noong araw na iyon. Tinanggap niya ang alok na trabaho ni Mr. Villanueva, at sa tulong ng isa nitong kaibigan sa HR department ay madaling nakapasok si Francine bilang si Monique sa Madrigal Hotel bilang executive assistant ng isa sa mga vice-president, si James Madrigal.
Kaya heto siya ngayon at nagpapaalipin sa kanyang among ubod ng antipatiko. Puwede naman ito magpabili ng kape sa messenger nila, pero hindi. Dapat si Francine raw talaga ang bumili. Halatang pinapahirapan talaga siya ng boss niyang iyon.
Sa paglalakad niya nang matulin ay hindi niya napansin na may nakabangga na pala siya.
"Ano ba? Apat na nga ang mata mo, malabo pa rin ang paningin mo?" iritadong sabi ng lalaking kabangga niya bago siya nito tinalikuran at naglakad muli.
Isa ka pang antipatiko! Akala mo naman kaguwapuhan ka! Inayos ni Francine ang salamin niya na muntikan nang mahulog. Mga kalalakihan talaga ngayon —kung hindi kagandahan at sexy ang nabangga nila, ang babae pa ang sisisihin. Nasaan ang hustisya?
Ang totoo, hindi naman malabo ang mga mata niya. Kaso naisip niya na ikubli na lamang ang kanyang totoong mukha sa likod ng malaking salamin, maluwag na blouse at mahabang palda. Nakatali rin ang kanyang mahabang buhok ng bun-style. Kaya tuloy ay parang dumoble ang edad niya, nagmukhang losyang at parang magpe-perform sa circus dahil sa makapal na dark red lipstick na gamit niya. Hindi naman sa inaasahan niyang mamumukhaan siya ni James, sa dami ba naman ng babaeng naikama nito dati. Pero para sa sariling seguridad na rin niya kung saka-sakaling nagkabukingan na kaya niya binago ang hitsura.
Nang nakabili na siya ng kape, bumalik siya sa loob ng opisina ni James. Hindi na siya kumatok at dere-deretsong pumasok sa loob. Tamang-tama naman na nakita niyang nakaupo si James sa swivel chair nito. May babaeng nakaupo sa kandungan nito, at naghahalikan ang dalawa.
Hindi siya naiinis sa nakita niyang paglalampungan ng dalawa. Araw-araw naman ay may ganoong eksena siyang nakikita. Ang ikinaiinis niya nang lubusan ay ang makita ang dalawang take-out coffee na nakapatong sa desk ni James. Matapos niyang iwan ang sariling kape para makabili lang ng kape nitong lalaking ito, may ibang magdadala naman pala ng kape nito?
Tumikhim si Francine, at saka lamang naputol ang paghahalikan ng dalawa. Agad naman umalis sa kandungan ni James ang babae.
"Wow, Mae. Naliligaw ka ata? Sales and Marketing department ito, hindi HR," sarkastikong sabi niya.
Ngumiti lamang ng nakakainsulto ang babae. "Huwag kang bitter, manang. Hindi ko na kasalanan kung maganda ako at ikaw hindi." Muli niyang hinalikan si James bago ito lumabas ng opisina.
Hinarap naman ni Francine si James. "Masyado pang maaga, sir. Magtrabaho muna kayo." Ininom niya ang kapeng hawak upang inisin lamang si James bago siya lumabas ng opisina.
***
#ThePastMistake
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top