Chapter 7

CHAPTER SEVEN


Sa pagpatak ng bawat segundo't minuto, nararamdaman ko na ang paghihiwalay ng aming mga landas. Hindi ko maipaliwanag kung bakit pero nararamdaman kong sa pagtatapos ng gabing 'to, matatapos na rin ang lahat . . .

"Mahilig ka sa kape?" Mula sa menu na nasa itaas na bahagi ng counter, binalingan ko si Orion na nasa aking tabi at mabilis na tumango bilang tugon sa tanong niyang 'yon. "A, pareho pala táyo."

"Pero hindi ako pumupunta sa coffee shop at gumagastos ng one-hundred pesos para lang sa kape," dugtong na paliwanag ko. "Isang nescafé creamy white lang, sapat na sa akin."

Natawa siya. "Pareho pala kayo ni Monique."

Itatanong ko pa lang sana kung sino ang tinutukoy niyang 'yon nang sumingit na sa usapan namin ang barista na nasa counter at kinuha ang aming order.

"Isang sixteen ounce brewed coffee sa akin. Ikaw, Malcolm, ano'ng sa iyo?"

Muli kong binalingan ang menu. Wala talaga akong mapili kaya sinabi ko na lang, "Gano'n na lang din, pero 'yong twelve ounce lang sa akin."

"Sigurado ka?"

"Hindi ako makapili, e."

"Try mo na lang yung iced caramel macchiato nila."

"Sige, bahala ka."

Dahil siya na ang nagprisintang magbabayad, hinayaan ko na lang ang sarili na pasadahan ng tingin ang paligid. Hindi ito gano'n kalaki sa labas, pero ang lawak naman pala nito sa loob. Iilan lang ang mga lamesa at hindi ito tabi-tabi kaya masarap sa pakiramdam ang espasyong namamagitan sa bawat isa. Presko rin ang ambiance ng buong coffee shop na 'to.

Nang may mapansin akong hagdan sa gilid, agad kong binalingan yung barista na kumuha ng order namin. "May second floor kayo?"

"A, yes, sir. Doon po nagaganap ang mga performances ng mga spoken word poetry artists every night from eight p.m. to twelve midnight."

Agad kong tiningnan ang oras sa cell phone: 11:23.

"Doon na lang táyo sa itaas?"

Nakangiti kong tinanguan si Orion sabay sabing, "Sige."

Hinintay muna namin ang aming mga order at nang ma-i-serve na ito, sabay na kaming umakyat sa itaas na bahagi nitong coffee shop. Nakakailang hakbang pa lang kami, rinig na namin ang nagtatanghal ng spoken word poetry.

"---kaya kapag ika'y magmamahal, siguraduhin mo munang pareho kayo ng bangkang kinalalagyan bago sumugal. Dahil mahirap magsagwan nang mag-isa at walang kasama. Maraming salamat po."

Palakpakan na ang sumalubong sa amin nang tuluyan na kaming makaakyat. Sa may bandang unahan sa kaliwang gilid kami pumuwesto.

"Para sa susunod na magtatanghal, palakpakan po natin si Ginoong Mikael!"

"Teka, Orion, may charger ka bang dala?" Hindi ko mapigilang matawa sa reaksyon niya pagkarinig ng tanong kong 'yon. "Atat na atat kang makapag-charge, wala ka naman palang dalang charger."

Napakamot na lang siya sa likurang bahagi ng kaniyang ulo habang natatawa na rin. "Teka, ita-try kong manghiram."

Napailing na lang ako nang magmadali na siyang bumaba. Saan naman kaya siya manghihiram?

"Kung ako lang ang masusunod, gusto kong siya na. Bakit pa naman kasi ako maghahanap kung siya na ang nandiyan, hindi ba?"

Napatingin na ako sa mini stage na nasa aking harapan. Awtomatiko na lang akong napangiti habang pinagmamasdan ang nagtatanghal at hindi na napakikinggan nang maayos ang mga salitang kaniyang binibigkas. Ang tagal na nung huli akong nakapanood ng live performances ng mga spoken word poetry artist. Ang tagal na rin nung huli akong nagtanghal at tumungtong din sa stage. Hindi ko na nga matandaan kung kailan ang huli.

Hindi ko talaga makalilimutan ang gabing 'to.

"Mahilig ka rin pala sa spoken word poetry?"

Nilingon ko yung bigla na lang nagsalita malapit sa akin. Si Orion pala. "O, saan ka nakahiram ng charger?"

"Doon sa isang barista. Ang bait nga, e."

Tinanguan ko lang siya at hindi na pinansin pagkatapos. Nag-focus na ako uli sa panonood.

"Nakapanghihina na hindi kami pareho ng nararamdaman. Nakapanghihina na ako lang pala ang ang nagmamahal. Nakapanghihina na ang hina ko sa kaniya --- ang hina ng aking puso para sa kaniya."

"Kailan ka nahilig sa ganyan?"

Istorbo naman 'to.

"High school."

"Gusto kong sumuko. Gusto ko na siyang sukuan. Pero paano ko 'yon gagawin kung bago ko pa naisipang sukuan siya, inunahan niya na ako?"

"Palagi kang nanonood ng---"

"Huwag ka nga munang maingay diyan, Orion. Nakikinig ako."

Nang bigla siyang tumawa, napalingon na ako sa kaniya. Wala na, distracted na naman ako.

"Ang kulit mo rin pala maging seryoso, 'no?"

"Mag-charge ka na nga muna diyan at huwag mo muna akong guluhin."

"---wala na, tapos na. Walang nanalo pero ako naman ang natalo. Sa larong hindi ko naman ginusto, ako ang naging dehado. Hindi ko ginusto pero kung ako'y masaktan, tangina, todo-todo."

Nang marinig ang huling linya na 'yon, napapalakpak na lang ako habang dinadama ang kirot na bigla na lang sumulpot sa aking puso.

Hindi ko ginusto pero kung ako'y masaktan, tangina, todo-todo.

"Ang galing niya." Napatingin ako kay Orion na nakikipalakpak na rin. Nang magtama ang aming mga tingin, tinanguan ko lang siya bilang pagsang-ayon sa kaniyang sinabi.

"Nakaka-miss din mag-perform, a."

"Ano'ng sabi mo?"

Nagulat ako sa biglaang pagtaas ng kaniyang boses. Agad na kumunot ang aking noo. "Ano'ng sabi ko?"

"Sabi mo, nakaka-miss din mag-perform. What do you mean?"

Nanlaki ang aking mga mata. "N-Nasabi ko 'yon nang malakas?" gulat na tanong ko. Bigla akong nataranta sa hindi malamang dahilan. "A-A, w-wala 'yon. Namali ka lang ata ng dinig."

"Naku, Malcolm, nahuli na kita. Huwag ka nang magkaila pa."

Hindi ako nagsalita at inabala na lang ang sarili sa paghigop nitong aking iced caramel macchiato. Bakit ko ba kasi nasabi 'yon nang malakas? Nasa isip ko lang 'yon, a.

"Uy, Malcolm, huwag ka ngang magpatay-malisya diyan. Magkuwento ka na. Nagpe-perform ka, 'no?"

"Hindi, a."

"Sus . . . Kasasabi mo lang kaya."

"Namali ka nga lang ng dinig. Huwag ka nang magulo diyan."

"Hindi ako puwedeng magkamali dahil ang linaw ng pagkakasabi mo."

Hindi ko na lang uli siya pinansin at bumaling na sa harapan. Five-minute break daw kaya walang tao sa stage. Akala ko titigil na sa pangungulit si Orion dahil hindi ko talaga siya pinapansin pero nagkamali ako, mas lalo lang kasi siyang naging makulit.

"Habang wala pa ang sunod na magtatanghal, binubuksan namin 'tong stage para sa mga audience namin ngayon na gustong mag-perform ng kanilang tinatagong piyesa diyan."

Astig.

Nilingon ko ang paligid. Mukhang marami-rami ang interesado, pero ni isa naman ay walang nagbo-volunteer.

"Mangyaring magpunta lamang dito sa harapan ang may gustong ibahagi ang kanilang talento," pagsasalitang muli nung host. "Mayroon po bang gustong mag-perform ngayong gabi?"

Walang nagtataas ng kamay. Mukhang mga nahihiya. Kahit ako rin naman, hindi---

"Siya po!" Para akong binuhusan nang malamig na tubig sa ginawa ni Orion na sapilitang pagtataas ng aking kamay. "Gusto raw pong mag-perform nitong kaibigan ko."

Ang bilis ng pangyayari. Bago pa ako makapag-react sa ginawa ni Orion, natagpuan ko na lang ang sarili na nasa stage, hawak-hawak ang mikroponong kalalagay ko lang sa mic stand.

Bakit ako nandito? Ano'ng ginagawa ko rito?

"Muli po nating palakpakan si Ginoong Malcolm!"

Para akong nabingi nang sabay-sabay na pumalakpak ang mga tao sa aking harapan --- kabilang si Orion na palihim ko nang pinapatay sa isipan ko. Humanda talaga 'to sa akin mamaya.

Wala naman akong stage fright. Pero dahil masyadong biglaan ang lahat, hindi ko alam kung makakapagsalita pa ba ako nang maayos lalo na't iba ang kabang aking nararamdaman sa mga oras na 'to.

"Puwede ka nang magsimula, Malcolm."

Nilingon ko yung host. "Hindi po ako ready, e."

"Impromptu na lang kahit maiksi."

Impromptu. Naku naman . . . Hindi pa naman ako magaling sa mga biglaang ganito.

"Go, Malcolm!" sigaw ni Orion sa kalagitnaan ng aking pag-iisip. "Kaya mo 'yan!"

Kasalan mo 'to, e.

"Describe your night." Muli kong nilingon yung host. "Just describe how your night went bago ka mapunta rito sa Love You a Latte."

Pagkatapos ng sinabi niyang 'yon, muli kong binalingan si Orion; at wala sa sarili na lang akong napangiti.

"A . . . Okay, may naisip na po ako," kinakabahan kong sabi. Umayos na ako ng tayo. "Um, humihingi na po ako agad ng pasensya pero sana magustuhan ninyo 'tong aking impromptu spoken word poetry."

Palakpakan. Napuno ng palakpakan ang buong second floor pero, sa hindi malamang dahilan, naka-focus lang ako sa iisang taong ngiting-ngiti habang pumapalakpak na may kasamang sigaw na, "Kaibigan ko 'yan! Go, Malcolm!"

Nang magsimula na ang pagtugtog ng aking background music sa piano version ng kantang hindi ako pamilyar, inilayo ko na ang tingin sa kaniya. Bakâ kasi tuluyan pa akong ma-distract at kung ano-ano na ang masabi ko rito.

"Ang pamagat ng piyesang ito na ngayon-ngayon ko lang din naisip ay . . ." Huminga ako nang malalim. ". . . Ang Gabi Nang Tayo'y Magtagpo."

Muli kong sinariwa ang alaala, mga anim na oras ang nakalilipas.

"Nakaupo't nag-iisip, hangi'y biglang umihip. Tinangay ka sa aking tabi ng may ngiti sa mga labi. Ang gabi nang tayo'y magtagpo, nagmistulang gabi ng ako'y may napagtanto. Sugatang puso ay nawala sa isip. Ang iyong buong pagkatao'y gustong mahagip," dahan-dahan kong sambit habang sinasabayan ang ritmo ng background music. Dahan-dahan at maingat ang bawat pagbitiw ko ng mga salita. Sinisigurado kong maiintindihan nila --- mararamdaman niya. "Sa pagtatama ng ating mga mata, iyong istorya ang gustong maanalisa. Ninanais ka pang makilala, gusto ka pang matagal na makasama."

Bumaling na ako sa kaniyang gawi. Nakipag-mata-sa-mata sa seryoso niyang hitsura. Mukhang nakikinig nga siya. Makalipas ang ilang segundo, nagulat na lang ako sa biglaan niyang pagngiti na sinuklian ko rin naman ng isang . . . awkward na ngiti.

Bakit kasi siya ngumiti nang walang pasabi?

Huminga uli ako nang malalim. "Sa pagtakbo ng oras at pagkabog ng aking puso; sa pagkagulo ng aking isipan, hindi na maintindihan. Hindi na mawari . . ." Napatigil ako nang bigla siyang tumayo. Itinaas niya ang kaniyang kamay at marahan itong iwinagayway. Nang makita ang hawak-hawak na cell phone at ang pagsenyas niya na lalabas na muna siya, saka ko lang na-gets ang gusto niyang iparating.

Mukhang tumawag na yung hinihintay niya kanina pa.

". . . Hindi na mawari sa sarili kung paanong nagkaganito," mahina kong pagpapatuloy. "Ano ba ang dapat gawin dito sa papausbong na damdamin? Dapat bang isawalang bahala o angkinin at hayaang maging . . . masaya?"

Agad akong nagpasalamat pagkatapos. Nag-bow na rin ako bago tuluyang nilisan ang stage.

Hindi pa rin tumitigil ang palakpakan. May sinabi pa yung host tungkol sa aking piyesa at performance na hindi ko na masyadong naintindihan dahil dire-diretso lang ako sa paglalakad pababa ng hagdan. Hindi ko rin alam kung bakit ko ba siya naisipang sundan.

Ano ba'ng nangyayari sa akin?

Saktong paglabas ko ang siya namang pagbababâ ni Orion ng kaniyang cell phone.

"O, tapos na?"

Hindi ko pinansin ang tanong niyang 'yon. "Sino 'yon?"

Mukhang nagtaka siya sa tanong ko dahil sa pagkunot ng kanyang noo. "Sino . . . yung kausap ko?" Tumango ako. "A . . . si Monique 'yon."

"Sino si Monique?"

Nginitian niya ako sabay sabing, "Girlfriend ko."

Sabi ko na nga ba.

"Girlfriend . . ." mahina kong bulong.

"Bakit mo pala natanong?"

Mabilis akong umiling at binigyan siya ng isang matipid na ngiti. "A, wala. Napansin ko kasi na kanina ka pa kino-contact. Mukhang hinahanap ka na."

"A, oo nga, e," sagot niya sabay kamot sa likurang bahagi ng kaniyang ulo. "Kaya kailangan ko nang mauna."

"S-Sige lang."

"Salamat sa gabing 'to, Malcolm. Ang dami mong pina-realize sa akin saka nag-enjoy talaga ako." Mahina niya akong tinapik sa braso pagkatapos sabihin 'yon. "Nga pala, sorry ulit sa abala doon sa motor --- ay teka, kanina ko pa pala 'to gustong itanong."

Nagulat ako sa biglaang pag-iiba ng mga sinasabi niya. Kinabahan din ako sa mga posibleng itatanong niya. "T-Tanong? Tungkol naman saan?"

"Bakit pala dalawa yung dala mong helmet? Kanina pa ako nagtataka pero ngayon ko lang naalala," natatawa niyang sabi. "Dalawa ba talaga lagi mong dala?"

Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko naman kung anong tanong.

"Bago ka kasi tumabi sa akin kanina at makisindi ng yosi, kasama ko girlfriend---ex-girlfriend na pala. Ayon nga, kasama ko ex-girlfriend ko kanina. She just broke up with me that time."

"Ano?" Natawa ako sa reaksyon niya. "Bakit hindi mo sinabi?"

Magsasalita pa lang sana ako nang mag-ring na naman ang kaniyang cell phone. Dahil nakaharap sa akin yung screen nito, kitang-kita ko agad ang pangalan ng girlfriend niya.

Nang hindi niya agad ito sinagot at bumaling muna sa akin, agad kong sinabing, "Sige na, puntahan mo na siya. Mukhang kanina ka pa talaga hinahanap niyan, e. Miss ka na siguro."

"Sige, mauna na ako. Sa susunod na lang ulit."

Hindi na ako sumagot at binigyan na lang siya ng matipid na tango. Pagtalikod niya, hindi ko na alam kung ano ba ang dapat maramdaman. Kanina pa ako hindi makahinga nang maayos at  nung gagawin ko na, nagulat na lang ako sa pagharap niyang muli.

O, bakit? May nakalimutan ba siya?

"Ang galing mo pala kanina," nakangiti niyang sabi, "kahit na impromptu 'yon, ang husay mo roon."

Nabigla ako kaya ilang beses din akong napakurap ng mga mata. Inabot pa ako ng tatlong segundo bago nasabing, "S-Salamat."

"Gusto rin kitang makilala at makasama pa."

"Ha?"

Isang makahulugang ngiti ang ibinigay niya sa akin. "Hanggang sa muli nating pagkikita, Malcolm."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top