Chapter 6
CHAPTER SIX
Mukhang naliligaw na ako.
"Naliligaw na ba táyo? Parang nadaanan na natin 'to kanina, e."
Paglingon ko sa kaniyang gawi, palinga-linga siya sa paligid. "Oo ata at ngayon lang din ako nakapunta sa parteng 'to."
Mabuti na lang, nakapag-usap kami kanina at nagkaintindihan. Mabuti na lang, pinilit niya akong kausapin at pinili ko namang sabihin ang aking saloobin. Ngayon, ayos na kami.
"Tara, balik na lang táyo. Bakâ lalo pa tayong maligaw, e." Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. "Pero teka . . . natatandaan mo pa ba yung daan pabalik?"
Patay na. Wala pa naman akong sense of direction. Hindi ko na maalala yung eksaktong mga dinaanan namin dahil kanina pa rin kami naglalakad-lakad. Idagdag mo pang nakatuon din ang aking atensyon sa pagtutulak nitong motorsiklo kong bigla na lang hindi umandar. Muli kong pinasadahan ng tingin ang paligid --- puro puno lang ang nakikita ko; ni walang mga bahay o kung anomang gusali. Wala ring tao at mga sasakyan sa kalsada. Mabuti na lang at bukas ang mga streetlight dito kaya hindi masyadong nakakatakot ang kadiliman sa paligid.
"Lakarin na lang---" Hindi ko na natapos ang sasabihin dahil sa pag-ring ng cell phone ni Orion. Dahil sinagot niya ang tawag, ibinaba ko muna ang stan ng motorsiklo at huminto sa paglalakad. Nag-inat na rin ako ng katawan.
"Hello? Hello, Monique---ay, takte!"
"O, ano nangyari?"
"Dead batt . . . Puwede bang makihiram ng phone?" Hindi na ako nagsalita at iniabot na lang sa kaniya ang aking cell phone. Kunot-noo ko siyang pinasadahan ng tingin. Wala pang isang minuto, ibinalik niya rin agad ito sa akin. "Walang signal."
Pagtingin ko, tama nga siya. Walang signal yung network na gamit ko.
"Tara, tuloy na lang natin ang paglalakad," aniya. "Bakâ may madaanan tayong makatulong sa atin. Ako na rin muna magtutulak diyan sa motor."
Hindi na ako nagreklamo at hinayaan na lang siya. Nang siya na yung dahan-dahang nagtutulak sa motorsiklo, tahimik na lang akong sumabay sa kaniyang paglalakad. Palalim na nang palalim ang gabi at unti-unti ko na rin nararamdaman ang talaga namang malamig na simoy ng hangin.
"Orion."
"Hmm?"
"Pahiram ng earphone, gusto kong makinig ng kanta."
Nakangiti niya akong nilingon. "Gusto ko ring makinig."
Sol at Luna ni Geiko, 'Di Naging (Tayo) ng Sleep Alley, Hawak Bitaw ng LaLuna, Sa Hindi Pag-aalala ng Munimuni, at Tulog ni Sabu.
Matapos pakinggan ang limang kanta na 'yon, napagdesisyunan naming maupo muna upang makapagpahinga. Para kasing wala namang patutunguhan ang paglalakad namin. Gano'n pa rin at wala kaming makitang maaaring makatulong sa amin. Kung hindi lang kasi nasira yung motorsiklo ko, hindi naman kami maliligaw.
"Gusto ko talaga ang taste mo sa music," komento niya nang tuluyan na kaming makaupo sa tabi ng kalsada. "Ang gaganda at sarap pakinggan. Ramdam pa 'yong sakit . . ." Bahagya siyang tumawa. "Matanong ko lang, broken ka ba?"
Kailangan mong malaman
Kung kailan ka kailangan
Parang 'di na naranasang
Ikaw naman ang ipaglaban
"Medyo."
Bakit ba laging isinasantabi ang 'yong sarili para sa iba
Naghahangad sa taong 'di babalik, subukan mo namang magpahinga
"O, talaga?"
"Ayaw kong pag-usapan." Umiwas ako ng tingin at itinuon na lang ang atensyon sa kalangitan. Uulan ba ngayon kaya wala masyadong sumisilip na mga bituin?
"Malcolm."
"O?"
"Ano bang kuwento mo?"
At dahan-dahang ihiga ang katawan
Nang 'yong malamang 'di ka nag-iisa
Halika na't 'di kailangang pilitin
Dahil para sa 'kin ika'y mahalaga
Agad na kumunot ang aking noo sa tanong niyang 'yon. "Bakit naging interesado ka bigla?"
"Ngayon ko lang kasi na-realize na parang ang dami mo ng alam sa akin pero wala naman akong alam tungkol sa iyo," sagot niya habang nagkibit-balikat.
Meron ngang puso
Ngunit hindi mo nakikita ito
Kahit pa tayo'y nasa sulok
'Di ka pa rin magpapasuyo
"Wala ka namang dapat malaman . . . Wala ring espesyal sa akin, Orion."
"Pero gusto kitang makilala pa nang lubusan."
Kaunting pilit pa ba ang kailangan
O sadyang 'di ako ang gusto
Kaunting silip naman
Sa aking nararamdaman sayo
Mas pinili kong manahimik sa sinabi niyang 'yon. Mabuti na lang at hindi na siya nangulit pa. Nang malapit na matapos ang kanta, napatingin ako sa kaniyang gawi at laking gulat ko nang nakatingin din siya sa akin.
"B-Bakit ka ganyan makatitig? May problema ba?"
"Huwag kang gagalaw, a."
At mas lalo pa akong nagulat sa sunod niyang ginawa. Dahan-dahan ang paglapit ng kaniyang mukha sa akin. Literal tuloy akong na-istatwa sa kinauupuan. Habang palapit pa ito nang palapit, natataranta na ako dahil hindi ko alam ang gagawin. Nang ilang pulgada na lang ang layo namin sa isa't isa, ginawa ko ang bagay na hindi ko naman dapat gawin.
"Bakit ka pumikit, Malcolm?"
Mabilis akong napadilat nang marinig ang tanong niya. Mabilis din akong nag-isip ng isasagot doon. "Dinadama ko yung kanta."
"A . . ."
"Teka, ikaw, ano ba yung ginawa mo?"
"Tinanggal ko lang 'to," nakangiti niyang sagot sabay pakita sa isang hibla ng sa tingin ko ay mula sa aking pilikmata. "Mag-wish ka na."
Naguguluhan ko siyang tiningnan. "Ha?"
"Bilis. Mag-wish ka ng kahit ano."
Sana hindi na matapos ang gabing 'to.
"Tapos na?" Dahan-dahan akong tumango. "Okay. Taas o babâ?"
"Babâ."
"Ay . . ." Hindi ko alam pero natawa ako sa bigla niyang pagkadismaya nang nasa itaas ng kaniyang daliri yung aking pilikmata at wala sa ibaba. "Sayang . . . Ano ba yung wish mo?"
Mabilis akong umiling at tumayo. "Wala. Hindi rin naman mangyayari kaya huwag mo nang alamin." Pagkatapos ay nagsimula na akong maglakad palayo sa kaniya, bitbit ang naguguluhang isipan kung bakit ayon ang aking hiniling at pagkadismaya rin dahil mukhang pati Universe ay tutol sa kahilingan kong 'yon.
***
"Kanina pa kayo naliligaw, mga hijo?"
"Opo, e. Halos kalahating oras na rin po kaming palakad-lakad. Nagkaproblema pa sa motorsiklo ko kaya po nahirapan kami lalo."
Sa wakas, may tao na rin kaming nakita. Matapos ang ilang minutong paglalakad, natagpuan namin ang isang maliit na lugawan na 'to ni Mang Juan sa gilid ng kalsada --- ang lugawan niyang may pangalang, Lugaw Para sa mga Naliligaw.
"May alam po ba kayong malapit na shop kung saan puwede naming ipaayos ang motor?" pagsingit ni Orion sa usapan.
"May malapit na vulcanizing shop dito. Doon sa kabilang kanto. Subukan niyo roon at bakâ makatulong na maayos ang sasakyan niyo."
"A, sige po. Maraming salamat."
Dahil bigla akong natakam sa amoy ng lugaw, dali-dali kong hinarap si Orion. "Kumakain ka naman ng lugaw, 'no?"
Tinawanan niya ako. "Oo naman."
"Ayon, mabuti," nakangiti ko namang sabi. "Mang Juan, pa-order na nga rin po ng dalawang lugaw. Kakain na po muna kami bago magpunta roon."
"A, sige ba, walang problema."
Mabilis lang kaming kumain at dali-dali ring nilakad yung sinasabi ni Mang Juan na vulcanizing shop. 10:44 na rin kasi ng gabi. Ilang minuto bago mag-alas-once.
"Teka lang . . . Hindi naman sa gulong ang sira nung motorsiklo ko, a."
"Alam ko."
"O, bakit sa vulcanizing shop táyo pupunta?"
Nagkibit-balikat siya. "Ayon lang ang meron, e. Hayaan mo na. Malay mo, matulungan pa rin táyo ng mga nandoon."
Tumango-tango na lang ako sa sinabi niya. Bago pa may mamagitan sa aming nakabibinging katahimikan, binasag ko na ito sa tanong na, "Hindi ka pa ba hinahanap sa inyo?"
"Hindi naman. Pero may naghahanap na sa akin kaya kailangan ko na ring maki-charge para matawagan siya." Pinili kong huwag ng itanong kung sino yung naghahanap sa kaniya. "Wala pa rin bang signal yung phone mo?"
"Wala, e," sagot ko pagka-check dito.
"Ikaw ba, hindi ka pa ba hinahanap sa inyo?"
Binigyan ko siya ng isang matipid na ngiti. "Wala namang naghahanap sa akin."
"Ano'ng ibig mo---"
"Ayon na ata yung vulcanizing shop!"
***
Ako ang may-ari nung motorsiklo pero si Orion na ang pinakausap ko sa kanila. Bale, tahimik na lang akong nakaupo sa 'di kalayuan habang pinagmamasdan siya.
"Hindi mo maamin?"
Nagulat ako sa biglang nagsalita sa aking tabi. Pagtingin ko, isang hindi pamilyar na lalaki ang bumungad sa akin.
"Ako ba ang kinakausap mo?" Mabilis siyang tumango. "Ano yung hindi ko maamin?"
Mabilis din siyang nagkibi-balikat. "Aba malay ko sa iyo . . . Bakâ feelings mo para sa kaniya?"
"Ha?"
"Gaano katagal mo nang gusto?"
"Ano bang pinagsasabi mo?"
"Sa paraan kung paano mo siya titigan, ramdam kong kakaiba at hindi normal ang pagtibok ng iyong puso sa mga oras na 'to."
Pinakiramdaman ko ang aking puso. Tama siya. Katulad kanina, hindi pa rin normal ang tibok nito. "Ano bang alam mo?"
"Wala," mabilis na sagot niya, "kaya nga nagtatanong, e. Gusto kong malaman."
"Hindi ko alam ang pinagsasabi mo."
Muli siyang nagkibit-balikat. "O, ito, para sa iyo," sabi niya na lang sabay abot nung hawak-hawak niyang supot na ngayon ko lang din napansin.
"Ano 'yan?"
"Lugaw."
"Lugaw?"
"Oo, lugaw." Nginitian niya ako. "Galing 'yan doon sa Lugaw Para sa mga Naliligaw. Bagay sa iyo . . ."
"Ha?"
"Mukhang naliligaw ka pa, e."
Pagkatapos sapilitan niyang iniabot sa akin ang supot na hawak niya bago siya tumayo at naglakad palayo sa akin.
Ano'ng trip ng isang 'yon?
Sinilip ko 'yong supot at agad na dumaloy sa aking ilong ang bango ng lugaw. Kakakain ko lang kanina pero muli na naman akong natikim.
Mukhang naliligaw ka pa, e.
Nang maalala ko ang huling sinabi nung lalaking nagbigay sa akin ng lugaw, napatingin na lang ako sa gawi ni Orion; at hindi ko inaasahan na nakatingin din pala siya sa aking gawi kaya tinanguan ko lang siya nang kawayan niya ako habang nakangiti.
Bakit kasi ngayon pa ako naligaw?
***
"Bakâ mga bukas mo na mabalikan yung motor. Tama ka na makina nga ang problema kaya bakâ matagalan bago nila maayos."
Tumango-tango lang ako. "Saan naman ang punta natin ngayon?"
"May malapit daw na kapehan dito kung saan puwede akong mag-charge. Doon muna táyo tumambay saglit. Ayos lang?"
"A . . . sige lang."
Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa sabay na huminto sa may tawiran dahil tuloy-tuloy pa ang mabilis na pag-andar ng mga sasakyan. Pagkalipas ng eksaktong isang minuto, unti-unti nang bumabagal ang takbo ng mga ito at nagulat na lang ako nang mapansin na parang hindi lang ang mga sasakyan ang bumagal --- kundi pati na ang buong palagid.
Sa anong dahilan?
Bigla niya kasing hinawakan ang kaliwang kamay ko; taas-taas ang kaliwang kamay niya upang bigyan ng senyales ang mga sasakyan na pansamantala munang huminto dahil tatawid kami. Pagkatapos ng limang segundo, lumipat naman siya sa kabila; at kanang kamay ko na ang hawak-hawak niya habang ang kanyang kanang kamay naman ang nagbibigay senyales sa mga sasakyan na sumasalubong sa amin. Hanggang sa tuluyan na kaming makatawid sa kabilang kalsada at agad niya na ring binitiwan ang kamay ko.
Ito ba ang pakiramdam ng slow-mo?
"Ang hassle talaga kapag walang stoplight o traffic enforcer man lang."
Bakit lalong lumakas ang pagtibok nitong puso ko?
"O, Malcolm, ayos ka lang? Bakit napatulala ka na diyan?"
Orion . . . ano'ng ginawa mo sa akin?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top