Chapter 5

CHAPTER FIVE


We're standing in front of the five-storey abandoned building. Pareho kaming sa itaas nakatingin. Ako, nakangiti (dahil ang tagal na rin nung huli kong punta rito) habang siya naman, hindi maipinta ang mukha. Naiintindihan ko naman ang reaksyon niya dahil gano'n din ako nang una kong madiskubre ang lugar na ito.

"Hindi ka naman takot sa multo, 'no?" Nilingon ko siya habang hinihintay ang kaniyang sagot. Nanatili pa rin siyang nakatingin sa kabuuan ng gusali.

"Hindi ako naniniwala sa multo," nakangiti niyang sagot. Ngunit ilang saglit lang, nabura din ito at napalitan nang pagkunot ng kaniyang noo. "Pero bakit mo natanong? May multo ba rito?"

Nagkibit-balikat ako sa kaniya habang may nakalolokong ngiti sa aking mga labi. "Minsan, meron. Minsan, wala." Pagkatapos ay nauna na akong naglakad papasok sa gusali.

Two years ago nang madiskubre ko ang gusaling ito. Mahilig kasi talaga akong mag-stroll at magpunta sa kung saan-saan. I discovered it by accident; at sa tingin ko, ito ang pinakamagandang aksidenteng nangyari sa buhay ko.

Sa tuwing pakiramdam ko ay kailangan kong huminga at mapag-isa, walang pag-aalinlangang dito agad ako didiretso. Sa tuwing nasa pinaka-itaas na bahagi kasi ako ng gusali, doon sa may rooftop, nag-iiba ang aking pakiramdam---mas nararamdaman kong buhay ako. Mas nagiging malaya ang aking isipan kaya maayos akong nakakapag-isip. Napapakalma rin ako ng marahang bulong ng hangin, ang madilim na kalangitan na nagkakaroon ng mumunting liwanag dahil sa mga bituin, at ang city lights na tanaw na tanaw ko mula sa aking puwesto. Lahat ng iyon ay dahil dito . . . sa abandunadong gusali na ito.

"Wow, astig . . ." Nilingon ko siya pagkatapos niyang sabihin 'yon. Halata ang pagkamangha sa kaniyang mukhang habang pinagmamasdan ang napakagandang city lights mula sa kinatatayuan namin. Kita ko pa ang paghinga niya nang malalim bago tumingila sa kalangitan.

"Walang masyadong bituin ngayon," pagsasalita ko. "Mabuti na lang may view pa rin táyo ng city lights kaya ayos na."

"Malcolm."

"Hmm?"

"Puwede ba akong bumalik dito?"

"Ha?"

Nagkibit-balikat muna siya. "Ano kasi . . . ang gaan ng pakiramdam ko rito. Parang ang sarap tumambay lalo na kapag gan'tong mga oras --- tahimik at payapa sa pakiramdam."

Napangiti ako sa sinabi niya kasi pareho kami ng nararamdaman sa lugar na 'to. "Bakit sa akin ka nagpapaalam, hindi naman ako ang may-ari nito? Nakikipunta lang din kaya ako."

"E, kasi . . . ikaw nauna rito. Malay mo, ayaw mo pa lang magpapunta ng ibang tao kasi gusto mo lang masolo 'to."

"Sira," natatawa kong sabi, "dinala na nga kita rito, e. Saka isa pa, wala naman akong karapatang ipagdamot 'tong lugar. Basta walang sisihan kapag may nakahuli sa iyo, a. Trespassing kaya 'tong ginagawa natin."

"Sige ba. Sabi mo 'yan, a."

May balak pa siyang bumalik dito. Wala sa sarili akong napangiti sa naisip.

Pagkalapag ko sa aking helmet, dumiretso na ako sa may railing at uupo na sana nang marinig ko ang isinigaw ni Orion. "O, bakâ mahulog ka!"

Nakangiti ko siyang binalingan. "Sasaluhin mo naman ako, 'di ba?"

Wala pang isang segundo matapos kong sabihin 'yon, gusto ko na agad batukan ang sarili. Mabilis ko kasing na-realize kung ano ba yung maaaring maging dating ng sinabi ko sa kaniya.

"E?" Halata sa kanyang hitsura na naguluhan siya roon sa sinabi ko. Babawiin ko na sana agad 'yon nang magsalita siyang muli habang bahagyang natatawa. "Paano kita masasalo, nandito rin ako?"

Hindi ko na lang 'yon pinansin at tinuloy na ang pagsampa sa railing. Pagkatapos ay saka na ako umupo nang maayos. Habang hindi pa siya lumalapit, pinakiramdaman ko ulit ang aking puso.

Gano'n pa rin naman. Walang bago at mabilis pa rin ang pagtibok. Hindi naman siguro ako aatakihin sa puso dahil dito, 'no?

"Paano pala natin 'to bubuksan?" Itinigil ko na ang pag-iisip nang marinig ko na ang kaniyang boses sa aking tabi. Hawak-hawak niya na ang dalawang bote ng smirnoff na binili namin kanina sa 7-Eleven.

"Madali lang 'yan," nakangiti kong sabi sabay agaw nung isang bote. Wala pang limang segundo, natanggal ko na ang tansan sa pamamagitan ng aking mga ngipin. "See?"

"Naks, may hidden talent ka pala."

Hindi ko na pinansin ang natatawa niyang komento at kinuha na lang ang isang bote upang mabuksan din ito. Nagulat ako nang agad niya itong tinungga pagkabalik ko sa kaniya.

Muli ko na lang ibinaling ang atensyon sa view na nasa aking harapan. Hindi talaga nakasasawang pagmasdan ang mga ilaw mula sa malayo. Idagdag mo pa ang kumportableng katahimikang namagitan sa aming dalawa ni Orion.

Ano kayang iniisip niya? Anong tanong naman kaya ang ibabato niya sa akin?

"Malcolm."

"O?"

"Kapag ba nanghingi ako ng yosi sa iyo ngayon, bibigyan mo ako?"

"Hindi," mabilis na sagot ko na siyang nakapagpatingin sa kaniya sa gawi ko.

Natawa siya roon. "Ang bilis mo namang sumagot. Hindi ka man lang nag-isip."

"'Di na kailangan."

"Bakit?"

"Bawal ka ng yosi, e."

Halos abutin ng ilang segundo ang pagtititigan namin bago may sumilay na ngiti sa kaniyang mga labi. "Salamat."

Tinanguan ko lang siya at muli nang ibinalik ang atensyon sa harap. Sa totoo lang, kanina ko pa gustong-gusto na magyosi pero dahil bakâ bigla na namang mang-agaw 'tong si Orion, matinding pagpipigil na lang ang aking ginagawa. Ayaw ko kasing dumagdag pa sa maaaring magpakomplikado ng kaniyang kalagayan.

"I've missed my parents." Hindi ko siya nilingon at hinayaan lang na magsalita. Agad ko rin kasing naramdaman ang bigat ng emosyon na dala nito. "Kumusta na kaya sila? Sana maayos lang ang lagay nila kung nasaan man sila. I hope they're both happy."

"Binabantayan ka ng mga 'yon." Nang maramdaman ko ang paglingon niya sa aking gawi, lumingon na rin ako. "Alam mo bang naniniwala ako na ang tangi raw hangad ng ating mga magulang ay ang kasiyahan natin sa buhay?"

"What do you mean?"

"Selfless daw kasi sila," panimula ko. "Mas inuuna pa raw nila ang kapakanan natin kaysa sa kanilang mga sarili. Gusto nilang palagi tayong mapapabuti, palaging nakakaramdam ng kasiyahan, at palaging puno ng pagmamahal sa puso. Kapag nalaman daw nilang malungkot o nasasaktan táyo, mas dobleng lungkot at sakit ang kanilang nararamdaman. Táyo kasi ang priority nila sa buhay.

"Kaya naniniwala ako na kung nasaan man ang mga magulang mo ngayon, hangad pa rin nila yung kasiyahan mo. Gusto pa rin nilang maging masaya ka at ipagpatuloy ang buhay kahit . . . kahit wala na sila sa tabi mo para alalayan ka. Kaya sana magpatuloy ka pa rin sa buhay, Orion. Sana huwag mong sayangin ang lahat ng sakripisyo nila sa iyo."

Pagkatapos kong sabihin 'yon, iniwas ko na ang tingin at ibinalik ang atensyon sa harap. "Ayos lang din ang umiyak. Hindi naman kita huhusgahan kaya huwag mo nang pigilan 'yan." At ilang saglit lang, dinig at ramdam ko na ang dahan-dahan niyang paghikbi.

Napatingala na lang din ako sa itaas nang maramdaman ang pamumuo ng luha sa aking mga mata. Sa paulit-ulit na pagkinang ng bituing tinitingnan ko, napabulong na lang ako ng, "Miss ko na rin kayo, 'Ma, 'Pa . . ." habang nakangiti at pilit na itinatatak sa isipan ang lahat ng sinabi ko mismo kay Orion.

***

"Anong pangarap mo sa buhay?"

Kanina pa namin naubos ang aming tig-dalawang bote ng smirnoff at kung ano-ano na rin ang mga napag-usapan namin. At heto nga, may panibago na naman siyang katanungang ibinato.

Pinag-iisipan kong mabuti ang isasagot sa tanong niyang 'yon nang magulat ako sa biglaan niyang pagsara sa distansyang namamagitan sa aming dalawa  Nagkadikit tuloy ang aming mga balat nang wala sa oras at may kung anong kuryente na lang akong naramdaman sa katawan. Magre-react na sana ako nang hindi pa siya nakuntento at bigla na lang niya akong inakbayan na siyang naging dahilan kaya tuluyan na akong hindi nakapagsalita.

"Nasa Tagaytay táyo at alam kong kanina ka pa rin nilalamig," pagsasalita niya nang hindi man lang ako tinatapunan ng tingin. Nanatiling nasa harapan ang kanyang mga mata. "Bakit ba kasi wala tayong suot na jacket?"

"A-A . . ." Dahil sa pagkautal ko na 'yon, napatingin na lang siya sa gawi ko. Sa pagkataranta, tuluyan na akong hindi nakasagot at ibinalik na lang ang tanong sa kaniya. "Ikaw ba, anong pangarap mo sa buhay?"

"Ako?" Huminga siya nang malalim sabay buga. Tatlong beses niya 'yon ginawa bago sinabing, "Pangarap kong maging masaya bago mamatay."

Bakit ba ang kaswal lang nang pagbanggit niya sa kamatayan?

"Hindi ka pa ba talaga nagiging masaya?" takang tanong ko sa kaniya. "Sa buong buhay mo, ni minsan ay hindi mo 'yon naramdaman?"

Kibit-balikat niya akong binalingan. "Hindi ko rin alam, e."

"O, paano mo nasasabing hindi ka masaya kung hindi ka rin sigurado?"

"Ewan."

"Ano ba ang kahulugan sa iyo ng pagiging masaya? Anong bagay o pangyayari ba ang magpapa-realize na lang sa iyo na masaya ka na?"

Isang minuto. Isang minuto na ang lumipas pero hindi pa rin siya nakasasagot. Oo, nakalkula ko 'yon.

"Bakâ kasi masaya ka naman talaga pero ayaw mo lang tanggapin dahil pakiramdam mo, hindi 'yon ang nakapagpapasaya o makapagpapasaya sa iyo. O bakâ naman you're looking for something na hindi nag-e-exist."

Nang unti-unti niyang luwagan ang pagkakaakbay sa akin, doon na ako umayos nang upo.

"Ito, Orion, oo o hindi lang: masaya ka ba ngayon?" diretsang tanong ko. Nang hindi pa rin siya agad nakasagot, naisipan kong baguhin ang tanong. "Sa mga ginawa natin kanina, hindi ka ba nakaramdam ng kasiyahan? Doon sa unang beses na pagkain mo ng bulalo, sa pagtikim nung iced gem biscuits habang nakikinig ng mga magagandang tugtog, sa pagpunta natin dito sa rooftop, hindi ba't naging masaya ka naman? O bakâ . . . nagkamali lang ako?"

Mabilis niyang iniwas ang kaniyang mga mata. "Naging masaya naman ako pero . . ."

"Pero hindi sapat para masabi mong tuluyan kang naging masaya?" Nang dahan-dahan siyang tumango, doon na ako napailing. "Ang hirap mo naman pa lang pasayahin."

Nang muli kaming balutin ng katahimikan, doon ko na naisipang tumayo.

"O, saan ka pupunta?"

"9:53 na, hatid na kita. Malapit na mag-curfew."

"Ha? Wala naman akong curfew, a."

"A . . . ako kasi meron."

"Pero akala ko ba limang oras pa---"

Hindi ko na pinakinggan pa ang huli niyang sinabi at dali-dali na akong bumaba bitbit ang aking helmet.

Sa halos apat na oras naming pagsasama, may isang bagay akong masasabi sa kaniya: napakakomplikado niyang tao. At naisip kong ayaw ko nang ma-involve pa sa mga katulad niya. I've been dealing with a lot of complicated things in my life kaya ayaw ko nang magdagdag pa.

"Uy, p're . . ."

Nakatuon lang ako sa aking motorsiklo at hindi siya pinapansin. Bakit naman kasi ayaw na nitong umandar?

"Malcolm, uy!"

"Teka lang, may problema pa ata sa makina nito," sabi ko sa kaniya. "Huwag ka munang magulo diyan."

Muli kong sinubukang paandarin ito. Tuloy-tuloy lang ang aking pagpadyak pero ayaw pa rin talagang umandar. Nangangalay na ang aking hita at talampakan tapos unti-unti na rin akong naaasar.

"Ako nga, subukan ko." Umurong ako. Gusto ko na kasing makauwi. Ayaw ko naman kasi siyang husgahan agad dahil ilang oras pa lang kaming magkakilala pero hindi ko na kasi talaga kinakaya ang pagiging komplikado niya. "Mukhang may sira nga ang makina."

Napamura na lang ako sa aking isipan dahil sa sinabi niyang 'yon. Kung kailan naman gusto ko nang humiwalay sa kaniya saka naman nangyari ang bagay na 'to.

Talaga naman, o!

"Malcolm, galit ka ba?"

Nawala ang pag-aalala ko sa aking motorsiklo sa tanong niyang 'yon. "Bakit naman ako magagalit?"

"Ewan," kibit-balikat niyang sagot, "bigla na lang kasing nag-iba ang mood mo."

"Hindi ako galit."

"Ano lang?"

"Naaasar."

"Naaasar?" Mukhang hindi niya inaasahan ang sagot kong 'yon dahil sa panlalaki ng kaniyang mga mata. "M-May nagawa o nasabi ba akong mali?"

Sa ilalim ng madilim na kalangitan, sa pagtama ng liwanag ng buwan sa bahagi ng kaniyang mukha, kita ko ang kanyang pag-aalala habang hinihintay ang aking paliwanag. Nag-dalawang-isip tuloy ako kung sasabihan ko ba ang tunay na dahilan o hindi. I have to be careful with my words. Ayaw kong makasakit dahil lang hindi na naman ako nag-iisip nang tama.

"Alam mo ba . . ." panimula ko at saka muling huminga nang malalim. "Alam mo ba kung bakit hindi mo maramdaman yung kasiyahan na gusto mo?"

Mas lalong kumunot ang kaniyang noo sa tanong kong 'yon. "B-Bakit?"

"Ang high maintenance mo kasi."

"Ha?"

"Kahit na napapasaya ka naman ng maliliit na bagay, isinasawalang bahala mo lang ito. Itinatatak mo agad sa iyong isipan na hindi 'yon ang talagang magpapasaya sa iyo. Ginagawa mo pang komplikado ang lahat," maingat na paliwanag ko. "You pursue happiness the wrong way that's why you less likely to achieve it. Pero kung susubukan mong i-appreciate ang lahat ng nangyayari sa iyo --- mula sa maganda hanggang sa hindi, mula sa maliit hanggang sa malaki --- mararamdaman mo rin yung hinahanap mong kasiyahan. Appreciation lang talaga, Orion. Ayon lang.

"Isa pa, happiness isn't always being happy. Kailangan mo ring makaramdam ng ibang emosyon para maging masaya. You can be happy while being disgusted, angry, or even sad. Huwag mong ikulong sa pagiging masaya ang kasiyahan. In that way, ma-a-achieve mo rin yung hinahanap mong klase ng kasiyahan."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top