Chapter 4

CHAPTER FOUR


"Sa lahat ng 7-Eleven dito, itong branch ang walang masyadong customer," bulong ko kay Orion habang hinahanap ang bulalo flavor ng go cup noodles. Ang flavor lang kasi na 'yon ang kinakain ko at wala nang iba pa. "Alam mo kung bakit?"

"Bakit?"

"Parang hindi kasi updated ang mga paninda rito. Tingnan mo," sabi ko sa kaniya at itinuro ang iilang stall sa paligid namin, "walang masyadong laman. Kahit yung big bite hotdogs nila, iisang flavor lang ang meron."

"Oo nga, 'no," patango-tango niyang sabi. "Madalas ka rito?"

"Hindi naman. Pero kapag gusto ko nang tahimik na pagtatambayan habang kumakain nito," sabi ko sabay pakita ng nag-iisang go cup noodles na bulalo flavor na mukhang sinadyang itago dahil sa pinakadulong parte ko pa nahanap, "dito ang takbuhan ko."

Natatawa niya kong pinasadahan ng tingin. "Seryoso ka? Kakakain lang natin ng bulalo kanina tapos magbu-bulalo ka na naman?"

"Favorite ko nga," sagot ko sabay punta sa stall ng mga biskwit. Napangiti ako nang bumungad sa akin ang marami-rami pang stock ng paborito ko.

"Iced gem biscuits?" Agad akong napalingon sa gawi ni Orion nang banggitin niya ang hawak-hawak kong biskwit. "Kumakain ka ng ganyan?"

Pinanliitan ko siya ng mga mata bago sumagot ng, "Panghimagas. Saka paborito ko rin kaya 'to. Ang solid ng icing sa ibabaw."

Sa mga tingin niya sa akin, mukhang nawiwirduhan na siya. Hindi ko na iyon pinansin at dumiretso na lang sa helera ng mga fridge upang kumuha ng isang bote ng mineral water. Gusto ko sanang uminom ng mogu-mogu kaya lang bakâ magtampo naman ang sikmura ko at matae ako nang wala sa oras.

"Ayan lang bibilhin mo?" tanong ko sa kaniya habang turo-turo ang hawak niyang go cup noodles na la paz batchoy naman ang flavor at isang bote rin ng mineral water. Nang tanguan niya ako, naglakad na ako papunta sa counter at agad na ibinaba ang mga binili. "O, ayan, ako naman ang ilibre mo."

"Kung gan'to lang magpalibre mga kaibigan ko bakâ araw-araw akong nakakatipid," natatawa niyang sabi at napailing na lang ako.

Uupo na sana ako malapit doon sa may glass wall nang may maalala ako. "Ay, miss, may available na marlboro blue?"

"Meron po."

"Padagdag na rin diyan ng isang kaha. Salamat." Pagkatapos ay tuluyan na akong dumiretso sa pupuwestuhan namin. Agad kong nilapag ang helmet at ilang saglit lang, nakasunod na sa akin si Orion. "Tara, labas muna táyo at ilapag mo lang muna 'yan diyan," sabi ko, tukoy-tukoy sa helmet na hawak niya at yung isang plastik ng pinamili namin. "Hindi naman 'yan mawawala."

Nang makuha ko sa plastik ang pinabili kong yosi, nauna na akong lumabas. Mabilis naman siyang nakasunod sa akin. "Kanina pa ako yosing-yosi, e. Bawal kasi roon sa KTV bar. Gusto mo?"

Mabilis siyang umiling. "Hanggang isa nga lang ako."

"Ay, oo nga pala." Sa aking unang hithit at pagkabuga ng usok nito, muli ko siyang binalingan. "'Di ba, may sakit ka sa puso?"

"Oo, bakit?"

"'Di ba, makakasama ang yosi diyan sa puso mo? Bakit nagyoyosi ka pa rin?"

"O, bakit mo ako inalok kanina?"

Sinamaan ko siya ng tingin na siyang ikinatawa niya lang. "Nagtaka kasi ako na puwede kang mag-isang yosi sa isang araw kahit na may sakit ka. Pinayagan ka ba ng doktor mo?"

"Hindi," mabilis niyang sabi at nagulat na lang ako nang agawin niya sa akin ang kahihithit ko lang na yosi. "Ang dami na ngang bawal sa akin, pati ba naman ito?" aniya sabay walang pag-aalinlangang hithit doon sa yosi ko.

"Dapat hindi na ako nag-usisa pa," sabi ko nang agawin ko na sa kaniya yung yosi bago pa niya maisipang ubusin. Mamaya, ako pa ang maging dahilan ng komplikasyon sa puso niya. Mahirap na.

"Ano'ng pakiramdam na nagagawa mo ang mga bagay na gusto mong gawin sa buhay?" Heto na naman táyo sa mga pambibigla niya. "Yung walang restriction, gano'n. Malaya ka lang na gawin ang mga bagay na 'yon na walang isinaalang-alang na kung anoman. Katulad ng . . . isang sakit."

Sasagutin ko na sana ang tanong niya nang may bigla namang tumapik sa balikat ko. Paglingon ko, yung cashier sa counter kanina. "Sir, bawal pong manigarilyo rito," aniya sabay turo doon sa glass wall na may nakadikit na "no smoking" sign.

Nanlaki naman ang aking mga mata kaya dali-dali ko itong pinatay at itinapon sa basurahan na malapit. "Pasensya na po." Tinanguan niya lang ako at naglakad na pabalik sa loob.

Natatawa naman kaming nagkatinginan dalawa bago naisipang pumasok na rin sa loob. Agad kong kinuha ang aking go cup noodles at dumiretso sa kanilang heater. Nakasunod lang sa akin si Orion. "Ang init," reklamo ko nang mapaso ang aking daliri sa kaliwang kamay.

Dali-dali na akong bumalik sa aming puwesto at nang makaupo na ako, binalingan ko siya agad. "Hindi ko rin alam at wala akong ideya."

"Ha?"

"'Yon ang sagot ko sa tanong mo kanina," malungkot na ngiti kong sabi. "Kasi kahit ako, hindi ko naman nagagawa lahat ng gusto kong gawin sa buhay. Ang dami ko kasing dapat isipin. Lalo na ang magiging consequences o impact nito sa buhay ko. Hindi pupuwede sa akin ang mag-risk lang nang mag-risk. Pero kahit gano'n, sinisiguro ko namang kahit papaano ay masaya ang mga ginagawa ko."

Hindi siya nagsalita. Wala man lang siyang komento sa sinabi ko kaya hinayaan ko na lang. Malamang, napaisip siya roon.

Nag-focus na lang ako sa aking go cup noodles. Nang masigurado kong luto na ang noodles, tuluyan ko nang sinira ang takip nito. "Hmm . . . Amoy pa lang, ang sarap na." Hindi ko mapigilang hindi matakam habang hinahalo itong mabuti.

"Anong klaseng tao ka, Malcolm?"

Muntikan na akong masamid sa ibinato niyang katanungan, mabuti na lang at maayos akong ngumunguya at nalunok ko rin ito agad.

"Um . . ." Napatigil na ako sa pagkain dahil sa pag-iisip ng sagot sa tanong niyang 'yon. Hanggang sa ang utak ko na ang sumuko. "Ang hirap naman ng tanong mo."

Natawa siya sa sinabi kong 'yon. "Ako kasi, hindi ako mabuting tao." Nakuha nito ang aking atensyon kaya tuluyan ko munang itinigil ang pagkain at bumaling muna sa kaniyang gawi. "Palagi ko kasi Siyang sinisisi sa lahat. Mula rito sa sakit ko hanggang sa mga kamalasang nangyayari sa akin sa araw-araw, sa Kaniya ko binubunton. Pero kapag may maganda namang nangyayari sa akin kahit papaano, hindi ako sa Kaniya nagpapasalamat. Ewan pero gano'ng klaseng tao kasi ako. Pakiramdan ko nga, kapag namatay ako ay hindi ako welcome sa langit at sa impiyerno na ang bagsak ko."

Hindi ko alam ang sasabihin kaya ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain ng lumalamig ko ng go cup noodles. Ilang saglit lang, naisipan kong basagin ang katahimikan. "I'm an atheist, Orion."

Nilingon ko siya upang makita ang kaniyang reaksyon. Halata namang nagulat siya pero hindi niya lang masyadong pinahalata.

"Atheist? You mean . . . you don't believe in the existence of a god or any gods?" Tumango ako. "Kailan pa?"

Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa tanong niyang 'yon o maiinsulto. Pero pinili ko na lang ang nauna. "Atheist ang buong Santiago, pamilya ko. And growing up, kung saan unti-unti na akong nagkaka-isip, naniwala na rin akong hindi Siya nag-e-exist. Siguro, impluwensiya na rin nila."

"Ngayon lang ako nakakilala ng isang atheist at hindi ko alam kung mamangha ba ako o magtataka."

Nagkibit-balikat ako. "Wala namang dahilan para mamangha o magtaka ka, e."

Isang mahaba-habang katahimikan ang bumalot sa amin pagkatapos. Naubos na namin ang kaniya-kaniyang pagkain, wala pa ring nagsasalita. Pareho lang kaming nakatingin sa labas kung saan kita ang iilang sasakyan at mga taong dumadaan. Nang maramdaman ko nang bumaba ang noodles na kinain ko, binuksan ko na ang aking panghimagas---ang iced gem biscuits.

"Gusto mo?" alok ko sa kaniya pero mabilis siyang umiling. Natawa pa ako sa hindi maipintang pagmumukha niya habang tinitingnan ito. "Mukha lang pangit ang lasa nito pero masarap talaga 'to."

Nang patuloy lang siya sa pag-iling, hindi ko na ipinilit pa. Tahimik ko na lang na kinain ang bawat piraso ng paborito kong biskwit.

"Naniniwala ka sa reincarnation?"

Kunot-noo ko siyang nilingon. Ngayon, napapaisip na ako kung gaano ba karaming bagay ang nasa isipan nitong si Orion. Mukha kasing marami nga talagang bumabagabag sa kaniya.

Hindi pa ako nakakasagot sa tanong niya, may ibinato na naman siyang panibago. "Kung ire-reincarnate ka, anong gusto mong maging sa susunod na buhay mo?" Lalo lang akong hindi nakasagot dahil wala nang pumapasok sa isipan ko. "Ako, gusto kong maging ibon."

"Ano? Ibon?"

"Oo, ibon."

"Bakit?"

"I just want to be free in my next life. Like how freely birds fly in the sky."

"Why do you think you're not free right now?"

Tiningnan niya ako. Nagkatitigan kami. Siya ang unang umiwas ng tingin sabay ngiti---isang malungkot na ngiti ang muling sumilay sa kaniyang mga labi. "My life's miserable. At dahil 'yon dito sa sakit kong 'to. Dahil sa pagkakakulong ko sa sakit na ito, naging miserable na ang buhay ko."

Isang malalim na buntonghininga ang aking pinakawalan matapos marinig ang sinabi niyang 'yon. "Alam mo, yung buhay mo, parang katulad nitong iced gem biscuits."

"Ha? Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Akala mo, pangit ang lasa dahil sa hitsura nito. Pero kapag natikman mo, hindi pala at masarap naman. That despite of its appearance, there's a sweetness on it. Katulad ng buhay mo, akala mo kasi wala nang magandang nangyayari; na ang pangit at miserable na. Pero kung susubukan mong mag-explore at hindi mo iisipin ang mga negatibong bagay na 'yon, at tatanggapin mo na lang ito, mari-realize mo na hindi naman pala gano'n kapangit o kamiserable ang buhay na mayroon ka. Acceptance lang, Orion. Acceptance lang."

***

If emotion's a wave, then sad is a tidal
It’s a hell of a ride, but feeling is vital
'Cause if we don't then we won’t know it won't last forever
If we feel together, then we'll feel better

Saktong 8:39 p.m. nang mag-iba ang kanta sa aking phone. Nasa kaliwang tainga ko ang isang bahagi ng earphone ni Orion habang nasa kanang tainga niya naman ang isa. Wala kasi akong dalang earphone kaya nanghiram na muna ako sa kaniya at dahil gusto niya ring mapakinggan ang mga kanta sa playlist ko, nagdesisyon na kaming sabay makinig.

"I don't really understand this life and why we're all here. All I know is, when your hand's in mine, the questions disappear. And I'm less obsessed with the reasons and guessin'. What life had in mind for me all this time? All the ups and the downs seem worth it, feels like maybe we made it on purpose." Habang sinasabayan niya ang kanta, pasimple ko itong pinapakinggan; at masasabi kong, maganda nga ang boses niya.

You make me feel better
That’s all that I know, head to my toes
You make me feel better
I don’t know what that means, but it's something to me that
You make me feel worth it and shake off the nervous

"So, I hope, I make you feel better too . . ." mahinang pagsabay ko sa partikular na lirikong 'yon ng kanta.

Paglingon ko sa kaniyang gawi, sinasabayan niya pa rin ang kanta. Hanggang sa matapos ito, pasulyap-sulyap lang ako sa direksyon niya. At hindi ko alam kung bakit ang lakas ng pagtibok nitong puso ko sa mga oras na 'to.

Kinakabahan ba ako?y

"P're . . . Uy, Malcolm."

"H-Ha?"

"Sabi ko, gusto kong uminom. Kahit isang bote lang, o."

Wala talaga akong balak uminom ngayon dahil wala ako sa mood.

"Ano, tara?"

Nagbuntonghininga ako. "Saan naman táyo iinom?"

"Wala akong alam, e. Ikaw na lang bahala."

Mag-a-alas-nueve pa lang. Masyado pang maraming tao sa mga inumang alam ko. Ayaw ko nang maingay kaya nag-isip pa ako kung saan ba puwede hanggang sa sumagi ang lugar na madalas ko ring puntahan mula pa noon.

"Tig-dalawang bote lang táyo, ah," sabi ko bago tumayo at dumiretso sa helera ng mga fridge. Kumuha ako ng apat na boteng smirnoff. "O, bayaran mo sa counter. Mauna na ako sa labas."

Paglabas, isinuot ko na agad ang aking helmet. Ilang saglit lang, lumabas na rin si Orion bitbit ang paper bag na naglalaman ng mga alak na iinumin namin mamaya.

"Bakit dito táyo bumili ng alak? Saan ba táyo mag-iinom?"

"Akin na 'yan at magsuot ka muna ng helmet," sabi ko sabay kuha nung paper bag.

"Uy, saan nga táyo?"

"Rooftop."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top