Chapter 3

CHAPTER THREE


Saglit lang ang naging biyahe namin dahil nakakita kami agad nang pinakamalapit na KTV bar mula sa bulaluhan na kinainan namin. Dumiretso na rin ako sa may bakanteng parking space at doon nag-park. Pagkatapos ay saka ko tinanggal ang aking helmet at binalingan ang istablisyementong nasa harapan ko.

"Bakit dito táyo nagpunta?"

"May nakapagsabi kasi sa akin na isa raw ang pagkanta sa daan para mailabas mo yung mga emosyong pilit mong pinipigilang makawala sa loob-loob mo."

"Talaga?"

"Oo. Kaya bago táyo pumunta sa goal nating maging masaya, kailangan muna nating ilabas lahat ng emosyon natin na pumipigil para maging masaya táyo. Gets?"

"Sino na naman pala ang nagsabi niyan?"

Nilingon ko siya bago ako nagkibit-balikat sabay sabing, "Narinig ko lang."

Hindi ko na hinintay pa ang reaksyon niya at inaya ko na siya sa loob kung saan ang bumungad sa amin ay mga ngiting-ngiti na staff na nasa reception area. Naramdaman ko agad ang positive energy nila kaya hindi ko mapigilang mapangiti rin.

"Good evening, mga sir!" masiglang bati sa amin nung isa sa kanila. Si Orion na ang nag-good evening pabalik habang ako naman ang nagtanong sa kanila kung may available pa ba silang KTV room. "Pang-ilang tao po ba, sir?"

"Para sa aming dalawa lang."

"Mag-a-avail po ba kayo ng extra service?"

Itatanong ko pa lang sana kung ano yung extra service na sinasabi niya nang may biglang panibagong mga customer na pumasok. Mukha pang madalas ang mga ito dito dahil dire-diretso lang sila at agad ding in-accommodate ng ibang staff.

"Sir?"

"Soundproofed naman iyong mga kuwarto dito, 'no?" nag-aalala kong tanong dahil hindi ko kakayanin ang kahihiyan kung may makakarinig ng boses ko habang kumakanta.

"Yes, sir! Hundred percent soundproofed po ang bawat kuwarto namin dito!" aniya sabay abot ng susi sa akin. "Sa room number zero-two-six na lang po. Enjoy!"

Nginitian ko lang siya at mabilis na nagpasalamat bago ko binalingan si Orion na mukhang hindi pa tapos sa pag-check ng paligid dahil patuloy pa rin ang kaniyang paglinga-linga. Kinailangan ko pa siyang sikuhin para makuha ang atensyon niya. "Tara na."

Sabay na kaming naglakad patungo sa designated room namin.

KTV Room 026.

"I have a weird feeling on this place," pagsasalita niya nang tuluyan na kaming makapasok sa loob. Agad siyang naupo sa may sofa at diretso akong tinitigan. "Hindi ko lang ma-explain kung ano pero hindi maganda pakiramdam ko dito, e."

"First time mo, 'no?" Mabilis naman siyang tumango bilang tugon. "Relax ka lang. Kakanta lang naman táyo dito---well, ikaw lang pala. Pangit kasi boses ko."

"Sa tingin mo ba papayag akong kakanta ako tapos ikaw hindi? E, ikaw kaya nagdala sa akin dito kaya dapat ka ring kumanta, 'no."

Nagkibit-balikat na lang ako. "Basta walang sisihan kapag bumagyo, a."

Napailing na lang siya habang nakangiti at saka kinuha ang songbook na nasa lamesa. "Ay, nga pala. Ano gusto mong kainin? Nasilip ko yung menu nila, mukhang masasarap naman ang mga sini-serve nilang pagkain dito."

"Kakakain lang natin, a," kunot-noo kong sagot. "Hindi ka pa rin ba nabusog doon sa bulalo?"

"Syempre yung hindi mabigat sa tiyan ang o-order-in natin. Katulad nung tteokbokki."

"Tteokbokki?"

"Korean rice ball. Hindi ka pa nakakatikim n'on?" Mabilis akong umiling. "Then you should try it!"

Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa biglang pagtaas ng energy niya o matatakot kasi parang kanina lang, halos pasan niya na ang problema ng mundo. Tapos ngayon, para naman siyang walang iniindang problema.

Ang galing nga niyang magpanggap.

"Ten out of ten 'yon for me. Highly recommended. Sana nga lang masarap ang gawa nila dito para naman hindi pangit ang first tteokbokki experience mo," natatawa niyang sabi. "How about drinks? Umiinom ka ba?"

"Ng alak?" Tumango siya. "Oo. Bakit?"

"Puro beer lang ang mayroon sila dito, e. Ano gusto mo?"

"A, hindi. Ayaw kong uminom ng alak ngayon. Magtutubig lang ako."

"Sure ka?" Mabilis akong tumango. "Okay. Sige, ako na mag-o-order," aniya sabay tayó. Bago pa siya makalabas, iniabot niya muna na sa akin yung songbook. "Ikaw munang kumanta, o. Dapat pagbalik ko, marami nang naka-reserve diyan, a."

"Sira."

Nang tuluyan na siyang makalabas, saka ko lang in-scan yung songbook. Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung ano ba talaga ang pumasok sa isip ko bakit dito ko naisipang magpunta. Basta bigla ko na lang kasing naalala na musika o pagkanta (kahit na hindi naman ako marunong) ang isa sa takbuhan ko kapag kailangan kong mag-release ng mga negatibong emosyon na pilit kumakain sa buong sistema ko. At nagbabaka sakali lang ako na gagana rin ito kay Orion.

Gusto ko kasi siyang tulungan dahil ramdam ko ang bigat na dala-dala niya nang sabihin niya sa aking kailanman ay hindi niya pa nararanasan maging masaya at gusto niyang maramdaman 'yon kahit ngayong gabi lang.

"Hi, sir~"

Napatigil naman ako sa pag-iisip nang may marinig akong hindi pamilyar na boses banda sa pintuan. Bago pa ako makapagsalita, nagulat na lang ako na may biglang mga babaeng dire-diretsong pumasok sa loob na hindi ganoon kaaya-aya ang mga kasuotan. Bale, apat silang lahat na sa harapan ko mismo p-um-westo at hinarangan pa ang mismong TV.

Hindi ko alam ang gagawin at napalunok na lang ako sa sariling laway.

"S-Sino kayo? Anong ginagawa ninyo rito?"

"Uy, si Sir, masyadong tensed. Relax ka lang po. Kami na ang bahala sa inyo . . ." Nilibot pa niya ang paligid bago itinuloy ang sasabihin. ". . . ng kasama mo~"

Mas lalo pa akong hindi nakapagsalita nang umupo na sa magkabilang gilid ko ang dalawang babae at walang sabi-sabing hinimas ang balikat at hita ko.

"Sir, nasaan yung isa mong kasama? Ang sabi, dalawa raw po kayo rito, e."

Magsasalita na sana ako nang bigla namang bumukas yung pinto.

"Malcolm, kailangan na natin---"

Kitang-kita ko ang panlalaki ng mga mata ni Orion. Napailing pa siya bago ako tuluyang nilapitan. "Pasensya na at kailangan kong istorbohin ang pag-e-enjoy mo dahil may nakita akong mga pulis sa labas kaya tara na."

Pagkatapos ay mabilis niya na akong hinila patayo kaya hindi ko na naipagtanggol ang sarili ko sa akusasyon niyang nag-e-enjoy ako. Bago tuluyang makalabas, napansin ko pang naalarma yung mga babae sa narinig nila at dali-dali na rin silang tumakbo palabas. Wala akong kahit na anong ideya sa nangyayari kaya litong-lito ako habang tahimik lang na nagpapahila kay Orion.

Ilang saglit lang, nagawa na rin naming makarating kung saan naka-park ang motorsiklo ko.

Huminga muna ako nang malalim bago siya binalingan. "Ano'ng nangyayari?"

"Bakit doon mo ako dinala?"

Agad akong nagtaka sa tono ng pananalita niya. Seryoso na rin kasi ang kaniyang hitsura at magkasalubong pa ang mga kilay.

"May nakapagsabi nga sa akin na isa raw ang pagkanta---"

"Did you know that they're doing some illegal stuff out there?"

"Ano?"

"Mga minor ang hina-hire nila para sa extra service. Nagiging hideout din ang KTV bar for transactions involving the illegal trafficking of dangerous drugs."

Napanganga na lang ako sa mga sinabi niya. "Hindi ko alam---"

Hindi ko na natapos ang sinasabi dahil may nakita na kaming mga pulis at narinig na rin namin ang police siren sa malapit.

"Shit. Tara na. We need to get out of here."

Nang makita kong nagsuot na siya ng helmet saka lang ako nabalik sa wisyo at agad na sumakay sa motorsiklo. Aabotin ko pa lang yung helmet ko para isuot nang magulat ako sa pagkuha nito ni Orion at mabilis na isinuot sa akin.

Pagkatapos ay umangkas na rin siya at mahinang tinapik ang balikat ko sabay sabing, "Tara na."

Hindi niya na kailangan pang sabihin sa akin yung sa pangatlong beses kaya mabilis ko na ring pinaandar ang motorsiklo ko.

***

"Sorry."

Sa may tabing kalsada kami huminto at ayan agad ang sinabi ko matapos ang ilang minutong katahimikang namagitan sa aming dalawa mula kanina pag-alis doon sa may KTV bar.

"Wala 'yon. Sorry din kung nabigla kita. Nag-panic na ako, e."

Nang masiguro kong wala na yung tensyon, mahina na akong natawa at saka sinabing, "Nakakatakot ka pala mag-panic."

"Ikaw, e. Sayang tuloy punta natin doon."

"Oo nga. Hindi man lang ako nakakanta ng kahit isang kanta," biro ko.

"Akala ko ba hindi ka kumakanta?"

Pinanliitan ko siya ng mga mata bago ako umayos ng tayó at sinimulang kantahin ang Everything Is Alright na may kasama pang pag-headbang at kunwaring pag-i-strum ng gitara.

Titigil na sana ako sa kabaliwang pumasok sa isip ko pero nang mapansin ang mahina niyang pagtawa, itinuloy ko lang ang ginagawa hanggang sa matapos ko na ang buong kanta.

"Last mo na 'yon," agad niyang sabi na natatawa pa rin. "Naniniwala na akong hindi ka nga talaga kumakanta."

Ilang segundo ko rin siyang tinitigan bago binitwan ang mga salitang, "Bagay sa iyo maging masaya."

Mukhang nabigla siya at hindi niya inaasahan ang sinabi kong 'yon kaya napa-"ha?" na lang siya.

"Wala. Sabi ko, gusto mo pa ba ng isa pang performace? Marami pa akong baon dito."

Mabilis siyang tumingin sa kalangitan kaya napatingala na rin ako habang nakakunot ang noo at nagtatala sa ginawa niya. Makalipas ang ilang segundo, ibinalik niya na rin ang tingin sa akin. "Maawa ka sa panahon, Malcolm. Huwag mo nang paulanin pa."

Ako naman ngayon ang nabigla sa sinabi dahil hindi ko 'yon inaasahan. "Aba, ga---"

"Biro lang," mabilis na pagputol niya sa sasabihan ko. "Ano pa lang title nung kinanta mo?"

"Everything Is Alright."

"Banda kumanta?"

Tumango ako. "Motion City Soundtrack," sabi ko. "Isa sa paborito kong banda. Pati yung kinanta ko, isa rin sa paborito kong kanta nila."

"Halata naman, e. Feel na feel mo kaya pagkanta."

Hindi na ako sumagot pa at kinuha ko na lang ang cell phone. Dumiretso ako sa Spotify at saka ito pinatugtog upang iparinig sa kaniya. Seryoso niya naman itong pinakinggan. Pati lyrics nito ay seryoso niya ring tiningnan. Habang abala siya, muli ko siyang pinagmasdan . . . pinakiramdaman. Kumpara kanina, masasabi kong gumaan na kahit papaano ang aura niya.

Halos dalawang oras pa lang kaming magkakilala't magkasama, pero mas gusto ko nang makita siyang masaya at nakangiti kaysa naman yung hitsura niya na lugmok at parang pasan talaga ang problema ng buong mundo.

Sana magtuloy-tuloy na ito.

***

"Paano kung hindi?"

Napatigil ako sa pagkain ng takoyaki at saka siya kunot-noo na tinitigan. Diretsa siyang nakatingin sa aking mga mata matapos bitiwan ang tanong na 'yon. Hindi ko na naman maiwasang puriin ang mga ito---kung paanong iba't ibang emosyon ang bitbit ng kaniyang mga mata; na sa paraan ng ginagawa niyang pagtitig, tila hatid nito ang iba't ibang pakiramdam sa iyo. Grabe kung mangusap ang dalawang pares ng mga mata niyang 'yon. Nakababahala't nakalulunod.

Wala akong ideya sa kung tungkol saan ang tinatanong niya. Wala naman kasi kaming pinag-uusapan mula nang makarating kami rito sa food bazaar na nadaanan namin. Sa paghahanap kasi nung tteokbokki na gusto niyang ipatikim sa akin, dito kami napadpad. Malas nga lang dahil halos naikot na namin ang mga stalls pero wala kaming nakitang nagbebenta n'on.

At dahil ramdam ko yung kagustuhan niyang matikman ko ang pagkain na 'yon, nag-mental note na lang ako. Siguraduhin niya lang talagang masasarapan ako roon kasi kung hindi---

"Sabi sa lyrics ng kantang Everything Is Alright, someday you'll be fine . . ." Napatigil siya, nagbuntonghininga, at saka muling tumitig sa aking gawi---direkta sa aking mga mata. "Paano kung hindi . . . Paano kung hindi na dumating ang araw na 'yon?"

A . . . Tungkol pala doon.

Grabe. Sa paraan ng pagtatanong niya, mukhang kanina niya pa 'yon iniisip. Napailing na lang tuloy ako dahil muli ko na namang naramdaman yung mabigat na aura na dala-dala niya nung una naming pagkikita.

"Bakit naman hindi dadating?"

"What if lang, Malcolm."

Bumalik na rin ang kalmado niyang boses. Kalmadong may kasamang mabigat na emosyon. Bakit ang galing niyang ipakita at itago nang sabay ang nararamdaman niya?

"Huwag mo kasing pangunahan."

"Gusto ko lang maging handa sa mga posibilidad na mangyayari."

"Gumawa ka ng paraan para hindi mangyari 'yon," sagot ko. "Kung gusto mo maging okay, tulungan mo sarili mo. Kung hindi ka matutulungan ng mga taong nakapaligid sa iyo, wala kang choice kundi ikaw na mismo ang tumulong sa sarili mo. Minsan nasa sa atin din naman ang desisyon. Táyo ang gumagawa ng kahihinatnan natin."

"Paano kung pati sarili ko hindi makatulong?"

Gusto ko na siyang batukan sa dami niyang tanong. Kung kaibigan ko lang siya at matagal na kaming magkakilala, kanina ko pa siya nasermunan. Masyado kasi siyang nagpapakain sa kung anomang nararamdaman niya at hindi ito nilalabanan---o hindi man lang gumagawa para mawala ito sa kaniyang sistema. Hinahayaan niya lang kasi at kapag tuluyan na siyang nakain nito, saka lang siya mababahala.

Alam ko namang hindi madaling gawin 'yon pero sana man lang kasi ay sinusubukan niya.

Nakahanda na ang mga salitang gusto kong sabihin nang magulat ako sa sarili na iba ang lumabas sa aking bibig. "Nandito naman ako para tulungan ka kung sakali."

Hindi lang ako ang nagulat. Pati siya ay hindi rin inaasahan ang narinig mula sa akin. Babawiin ko na sana ang sinabi nang pareho kaming matigilan dahil sa pag-ring ng kaniyang cell phone.

Ilang segundo niya rin itong tinitigan at hinayaan lang sa pag-ring bago siya nagdesisyong sagutin ito. Hindi ko na kailangan pang umalis sa puwesto para bigyan siya at ang kausap niya ng privacy dahil siya na mismo ang naglakad palayo. Kaya naman pinagpatuloy ko na lang ang pagkain ng takoyaki.

"Bakit naman gano'n ang lumabas sa bibig ko? Bakit kailangang maging gano'n ang dating? Nababaliw na ba ako? Magtatatlong oras pa lang kaming magkasama at hindi pa namin lubusang kilala ang isa't isa tapos . . ."

Sa isip-isip ko, kanina ko pa binabatukan ang sarili. Sa dami naman kasi ng puwede kong sabihin, bakit ayon pa? Bakit gano'n pa?

Napailing na lang ako at sinubukang magpakalma. Pagkatapos ay saka ko kinuha ang cell phone upang tingnan kung anong oras na: 7:45. Ibinalik ko rin ito agad sa bulsa dahil sa mga mensaheng sunod-sunod na dumating mula sa kaniya.

Siya 'tong nagsabing ayaw niya na pagkatapos ay mangungulit sa akin ng gan'to. Pambihira.

Nag-focus na lang ako sa kinakain ko at sinubukang hindi siya isipin. Halos sampung minuto na rin ang lumipas at hindi pa rin bumabalik si Orion. Pagtingin ko sa gawi niya, nakatayo na siya malapit sa aking motorsiklo habang may kausap pa rin sa kaniyang cell phone.

"Bukas na táyo magkita. Busy ako ngayon. Sige na, bye."

Saktong paglapit ko ay saka niya naman pinutol ang tawag. Mukhang nagulat pa siya sa biglaan kong pagsulpot.

"O, Malcolm! Kanina ka pa ba diyan?"

"Hindi naman. Kararating ko lang. Ano, pinapauwi ka na ba?"

"A, hindi, wala 'yon. Ano, tara, mag-ikot pa ba táyo?"

"Busog na ako," sabi ko. "Sa iba naman táyo."

Pinasuot ko na yung helmet sa kaniya. "Saan ba táyo pupunta?"

Muli kong tiningnan kung anong oras na. "7:56 pa lang naman. Sakay na."

"Uy, saan nga táyo?"

"7-Eleven."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top