Chapter 2

CHAPTER TWO


Limang minuto bago mag-alas-sais nang makarating kami sa Bulaluhan ni Mang Tomas---isang maliit pero talaga namang dinadayong bulaluhan dito sa Tagaytay---at dahil ako ang naunang pumasok sa loob, ako na ang naghanap nang mauupuan namin. "Doon na lang táyo," sabi ko sabay turo malapit sa bintana na gawa sa bamboo. Tumango lang siya at tahimik na sumunod sa akin.

Nang makita kong may menu na sa lamesa, agad ko na itong tiningnan. Nagugutom na kasi ako dahil kaunti lang ang kinain ko kaninang tanghalian.

"Gusto mo rin bang magbulalo?" tanong ko kay Orion na sa katapat na upuan ko umupo. "Solid ang bulalo nila dito. Sobrang sarap talaga."

"Hindi ako puwedeng kumain niyan."

Pinanliitan ko siya ng aking mga mata sa sinabi niyang 'yon. "Bakit?"

Nginitian niya lang ako bago itinuro ang kaniyang puso sabay sabing, "Bawal, e."

"Sorry, hindi ko alam. Gusto mo sa iba na lang táyo---"

"Masarap ba?"

"Ha?"

"Yung bulalo, masarap ba talaga?"

Mabilis naman akong tumango. "Oo. Maraming nagkalat na bulaluhan dito sa Tagaytay pero dito ang pinakamasarap na natikman ko. Ang sabi, original recipe daw kasi talaga ni Mang Tomas yung bulalo nila dito."

"Okay."

"Okay? Anong okay?"

"I'll try to eat bulalo tonight."

"Sigurado ka?" nag-aalala kong tanong. "Kasi puwede naman tayong maghanap ng ibang makakainan. Maaga pa naman."

"You only live once, 'di ba?" Napangiti na lang ako sa sinabi niya dahil naalala ko naman yung eksaktong sinabi ko sa kaniya kanina. "And I don't want to be reborn again, so better grab this opportunity now."

Hindi na ako nagkomento pa sa sinabi niyang 'yon at ibinaling ko na lang ang atensyon sa menu na hawak-hawak ko. Pagkatapos naming makapag-order, tahimik na lang kaming naghintay na ma-i-serve ito. Habang abala siya sa kaniyang cell phone, naisipan ko namang pagmasdan ang mga dumadaang sasakyan na nasisilayan ko mula sa aking puwesto. Ilang saglit lang, muli na naman siyang nagsalita.

Habang magkasama kami, dapat ko na sigurong sanayin ang sarili sa bigla-bigla niyang pagsasalita sa kalagitnaan ng katahimikang namamagitan sa aming dalawa.

Kasalanan din kasi 'to ng hilig ko sa pagkakape kaya ganito na lang ako kung magulat o mabigla.

"Ano nga ulit yung sinabi mo?"

"Gusto ko lang malaman kung bakit naisipan mo akong yayain at dalhin dito."

"Mukha ka kasing malungkot," diretsang sabi ko. "Uy, no offense meant, a. Saka sabi mo kasi gusto mong maging masaya tapos bigla kong naisip yung kasabihang, 'happiness comes from foods and full stomach' kaya nandito táyo."

"May gano'n bang kasabihan?"

"Meron."

"Sino namang nagsabi?"

Nagkibit-balikat lang ako dahil ang totoo, gawa-gawa ko lang ang kasabihan na 'yon. Pero pagkain talaga ang nakakatulong sa akin kapag malungkot ako kaya naisip kong bâka makatulong din ito sa kaniya.

"Pero halata ba?"

"Ang alin?"

"Yung pagiging malungkot ko?"

"Oo."

"Ang straight to the point naman."

Napakamot naman ako sa likurang bahagi ng aking ulo bago sinabing, "Alangan naman kasing sabihin kong hindi, e 'di aasa ka lang na maayos mong natatakpan ang kung anomang kalungkutan na bumabalot sa iyo kahit ang totoo, kitang-kita at halata ito."

"Bakit ba kasi ang hirap maging masaya?"

Wala akong ibang nagawa kundi ang magbuntonghininga matapos marinig ang tanong niyang 'yon. Hindi ko rin alam kung ano ang isasagot ko kaya tinanong ko na lang din siya. "Gaano ka na ba katagal na hindi masaya?"

"Buong buhay ko," walang pag-aalinlangan niyang sagot. "Mula pagkabata kung kailan ko nalamang may ganitong sakit ako, ni minsan ay hindi ko naramdamang maging masaya. Kaya nga curious ako kung ano ba ang pakiramdam n'on."

Ako yung tipo ng tao na maraming baong encouraging words at quotable quotes para sa ibang tao kapag kailangan nila nang magpapagaan sa kanilang pakiramdam. Pero sa mga oras na ito, alam kong hindi 'yon sapat sa kaniya---na walang encouraging words o quotable quotes ang magpapagaan sa nararamdaman niya.

"Puwede ba akong magtanong ng medyo sensitive question?"

"Huwag ka mag-alala, hindi naman ako mabilis ma-offend. Kaya sige lang, magtanong ka lang."

"May taning na ba ang buhay mo?"

Nagulat ako nang bigla siyang napangiti pagkarinig sa tanong ko. Pero hindi 'yon ang klase ng ngiti dahil natuwa siya. Para bang may nakatagong kalungkutan at sakit sa mga ngiti niyang 'yon. Sa mga oras na 'to, gusto ko nang sapakin o batukan ang sarili. Alam ko namang napaka-sensitive ng tanong na 'yon pero itinuloy ko pa rin talaga. Nagagawa nga naman ng curiosity.

"Wala," matipid niyang sagot. Akala ko ayon lang ang magiging tugon niya kaya naisipan ko nang magbukas ng panibagong pag-uusapan, pero laking gulat ko nang dinugtungan niya pa ito. "Pero kung iisipin mo na dahil sa mga maaaring mangyaring komplikasyon, puwede akong mamatay anomang oras. Kahit sa mga oras na 'to. Malay natin, paglipas ng ilang segundo, minuto, o oras ay mamamatay na pala ako.

"Kaya nga kahit sinabihan ako ng doktor ko na puwede pa naman akong mabuhay nang matagal at mamuhay ng normal, hindi ko pa rin magawang maging masaya sa bagay na 'yon. Dahil sa bawat segundo, minuto, at oras na lumilipas, nasa likod ng isipan ko na puwede rin akong mamatay; na kapag nangyari 'yon, wala na akong magagawa. Kumbaga, matagal nang hawak ni Kamatayan ang buhay ko."

"Then you should just enjoy and make the most of life. Live life to its fullest, ika nga."

"Ang dali naman kasing sabihin ng ganyan, p're, pero ang hirap gawin."

"Bakâ kaya ka nahihirapan kasi hindi mo naman sinusubukan."

Natahimik kaming dalawa. Wala na ulit nagsalita pagkatapos kong bitiwan ang mga salitang iyon. Hanggang sa dumating na ang in-order naming bulalo at hindi na natuloy ang usapan namin dahil naging abala na kami sa pagkain.

"Bakit ngayon ko lang natikman 'to?" natatawa niyang tanong sa sarili pagkahigop niya ng sabaw. "Ang sarap pala."

"Kasi nga hindi mo talaga sinusubukan gumawa ng mga bagay na maaaring magpasaya sa iyo o magbigay kabuluhan sa buhay mo."

***

"Minsan . . . nakakainggit na halos lahat ng tao sa paligid mo ay masaya. Tapos ikaw, nasa isang tabi, miserableng pinagmamasdan ang bawat ngiti sa kanilang mga labi at pinapakinggan ang mga tawa nilang punong-puno ng kasiyahan."

Katatapos lang namin kumain ng bulalo at napagdesisyunan muna naming magpahinga saglit. Dahil sa sinabi niyang 'yon, napatingin na rin ako sa paligid namin na kanina pa niya pinagmamasdan. Iba't ibang grupo sa bawat lamesa ang napansin ko: May halatang magkakapamilya, magbabarkada, magkakatrabaho, at mayroon ding magkasintahan na mahahalata mo talaga dahil sweet sa isa't isa. May isa pa nga banda doon sa counter na mag-isang kumakain. At lahat sila ay nakangiti at tumatawa, maliban na lang doon sa nag-iisa na masyadong seryoso sa pagkain ng bulalo.

Pero alangan naman kasing ngumiti o tumawa siya, 'di ba? E 'di, napagkamalan pa siyang siraulo o maluwang ang turnilyo sa utak.

Pagkatapos silang pagmasdan ng halos isang minuto, muli kong binalingan si Orion. "Hindi naman lahat ng nakangiti at tumatawa ay masaya."

"Ha?"

"Kung ayon ang basehan mo ng pagiging masaya, bakit ang dami pa ring naghahanap ng kasiyahan o nagtatanong kung paano maging masaya, e puwede namang ngumiti na lang sila o tumawa? Katulad mo." Halatang naguluhan siya sa sinabi ko dahil hindi mawala-wala ang pagkunot sa noo niya. "Ang punto ko, madaling peke-in ang pagngiti at pagtawa. Madaling magpanggap na maging masaya sa harap ng ibang tao. Pero kapag nag-iisa na lang sila, doon na lalabas ang tunay nilang nararamdaman. Kaya hindi por que't nakangiti o tumatawa ay ibig sabihin masaya na talaga sa buhay."

Nabalot na naman kami ng katahimikan bago niya ito sinubukang basagin sa tanong niyang, "E, ikaw, masaya ka ba ngayon?"

Napatigil ako doon. Para akong biglang tumigil sa pag-function. Hindi rin ako agad nakapag-isip nang maayos dahil sa pagproseso pa sa tanong niyang 'yon.

Sa dalawapu't apat na taon ko nang nandito sa mundo, parang ngayon lang na may nagtanong sa akin kung masaya nga ba ako. Ang weird pero ayon kasi ang naramdaman ko pagkarinig sa tanong niya. Hindi ko alam ang dapat maramdaman na, sa wakas, may nagtanong na rin sa akin kung masaya ba ako. Kanina nang tanungin niya ako kung paano ba maging masaya, naisip ko na hindi naman ako ganoon kasaya dahil din sa iilang problemang kinakaharap ko. Pero sa ibinato niya sa aking tanong kani-kanina lang, muli akong napaisip.

Masaya nga ba ako? Naging masaya na nga ba ako?

"Uy, p're, natulala ka na diyan."

Agad kong binalingan si Orion. "Hindi ko alam," mahina kong bulong sa hangin.

"Ha? Ano'ng sabi mo?"

"Hindi ko alam kung masaya ba ako ngayon . . . o kung naging masaya nga ba talaga ako noon." Nilipat ko ang paningin sa labas at pinagmasdan ulit ang mga dumadaang sasakyan. "Hindi ko alam kung bâka buong buhay ko ay nagpapanggap lang din pala akong masaya---para paniwalain ang mga nakapaligid sa akin lalong-lalo na ang sarili ko."

"Siguro kaya táyo pinagtagpo ngayong gabi para kahit papaano ay matagpuan ang kasiyahang hinahanap o kailangan natin." Napatingin ako sa kaniya pagkatapos niyang sabihin 'yon. "Kasi tingnan mo, dahil sa iyo, natikman ko 'tong bulalo na masarap pala. E, ang tagal na rin mula nang makatikim ako ng masarap na putahe lalo na ng mga paborito kong pagkain."

Alam kong seryoso siya sa sinabi niya pero hindi ko talaga mapigilang hindi matawa lalo na sa huli niyang sinabi. "Bakit? Wala ka bang pambili?"

"Ha?"

"Sabi mo kasi ang tagal mo nang hindi nakakatikim ng masasarap na putahe, e."

"Oo nga kasi ang tagal na 'kong hindi nilulutuan ng mga magulang ko. They were both chef kaya lahat ng luto nila ay masarap para sa akin at paborito ko."

"O, anong problema doon? E 'di, magpaluto ka."

"Kung gano'n lang kadali, e."

"Bakit, hindi na ba sila makapagluto ngayon?"

"They were both dead now, Malcolm."

Muntikan na akong mahulog sa kinauupuan ko pagkarinig ng sinabi niya. "Sor—"

"Don't be sorry at wala ka namang kasalanan o kinalaman sa pagkamatay nila." Hindi ko na natapos ang paghingi ng paumanhin dahil sa sinabi niyang 'yon. Awtomatikong napatikom na lang din ako ng bibig ko. "My mom died five years ago because of hypertrophic cardiomyopathy. Nagkaroon ng complication that leads to her sudden cardiac death."

Parang pamilyar sa akin yung nabanggit niya kaya inisip ko pa kung saan ko ba narinig 'yon hanggang sa maalala ko na gano'n din yung sinabi niya sa aking sakit na mayroon siya.

"Teka . . . ayon din ang sakit mo, 'di ba?"

Tumango siya. "I inherited it from my mom."

"How about your dad?"

"He died right after we buried mom. Hindi niya siguro matanggap na wala na si Mom sa amin kaya ayon, tumigil na lang sa pagtibok ang puso niya. Cardiac arrest."

Ngayon, unti-unti ko nang naiintindihan kung bakit napansin kong parang ang dami niyang pasan na problema sa buhay. He lost his parents in the time he really needs the both of them.

"Ang lungkot ng buhay ko, 'no?"

"Oo nga, ang lungkot."

"Straight to the point ka talaga, 'no?" natatawa niyang tanong.

Pero hindi ko magawang sabayan ito pagkatapos marinig ang nangyari tungkol sa mga magulang niya. Naalala ko pa bigla ang sinabi niya kanina.

Siguro kaya táyo pinagtagpo ngayong gabi para kahit papaano ay matagpuan ang kasiyahang hinahanap o kailangan natin.

At mukhang tama nga siya doon. Puwede ko siyang matulungang maging masaya sa paraan na alam ko---na kahit papaano, bago man lang matapos ang gabing ito ay maparamdam ko sa kaniyang maging masaya.

When I finally made up my mind, tinawag ko na iyong server at kinuha ang bill namin.

"Ay, ito pala iyong---"

"Huwag na, ako na," pagpigil ko nang dudukutin na sana niya ang wallet sa bulsa. "Dahil ngayon ka lang nakatikim ng bulalo at dahil ako rin naman ang nagdala sa iyo dito, libre ko na 'to."

"Sigurado ka?"

"Oo nga. Hintayin mo na lang ako sa labas at magbabanyo lang ako saglit."

Pagkatapos kong magbayad, dumiretso nga ako sa banyo tulad ng sinabi ko sa kaniya. Naghugas lang naman ako ng kamay kaya mabilis din akong nakalabas. Naabutan ko siyang nakatayo sa tabi ng motorsiklo ko habang nakatingala sa kalangitan. Napatingin din ako at bumungad sa akin ang iilang bituin na patuloy lang sa pagkinang.

"Tara?" sabi ko nang tuluyan ko na siyang malapitan.

"Uy, salamat sa libre, a," sabi niya naman. "Saan na táyo pupunta?"

"Gusto mo na bang umuwi? Mag-a-alas-siyete pa lang naman."

Natawa naman siya. "Bakit, saan pa ba táyo pupunta?"

"Kumakanta ka ba?" tanong ko pagkaabot sa kaniya nung helmet. Mabilis siyang umiling. "Ako rin, e," nakangiti kong sabi bago tuluyang sumakay sa motorsiklo ko.

"Bakit mo tinanong kung kumakanta ako?" tanong niya nang makasakay na rin siya. "Saan mo ba talaga ako dadalhin?"

"May tiwala ka naman sa akin, 'di ba?"

"Wala."

Natawa ako sa bilis ng pagsagot niya. "Pwes, kailangan mo na akong pagkatiwalaan ngayon."

"At bakit naman?"

"Kasi sa buong gabi na 'to, ipararamdam ko sa iyo kung paano ba maging masaya---sa paraan na alam ko."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top