[2] Be Your Everything
CHAPTER TWO
HALOS wala nang ibang bukambibig ang pinsan ni Chelle kundi si Ceddie. Kahit sakay na sila ng kotse nito pauwi ay ang binata pa rin ang pinag-uusapan nila. Nang makalapit kasi si Macy sa kanila ay agad itong nagpa-cute sa lalaki. Humanap naman siya ng excuse para iwan ang dalawa kahit na sa loob niya ay naaliw siyang makipagbolahan dito. Na labis niyang ipinagtaka sa sarili dahil hindi naman siya ganoon makitungo sa ilang mga kakilala niya. Ipinagpatuloy niya ang pagtingin sa mga naka-display ng artworks at panaka-nakang tinitingnan ang mga pirma para malaman niya kung isa rin ba iyon sa gawa ni Ceddie.
Nang magpasya silang umuwi ay saka lang niya ulit nakausap ang binata. Papaano ba naman ay ayaw itong lubayan ng pinsan niya.
“So, kailan daw kayo lalabas?” tanong niya bilang pasakalye dito.
“Hindi nga niya 'ko natanong, eh,” sagot naman ni Macy na napaasim ang mukha.
“That's new. Bakit naman?”
“Masyado kasi siyang friendly, eh. Hindi niya sinasakyan ang pagpi- flirt ko.”
Hindi napigilang magtaas ng kilay niya. Mabuti na lang at nakatutok si Macy sa daan. Kung masyado raw itong friendly, ano na lang ang tawag sa klase ng pag-uusap nila kanina?
“So ano ang next step mo?” tanong na lang niya.
“Makikipagkaibigan ako sa kanya sa text hanggang sa hindi niya ako makalimutan,” at humagikhik pa ito.
So nakuha rin pala nito ang numero ng binata. Bilib na talaga siya sa pinsan niya.
“Gwapo siya, ha,” kaswal na komento niya.
“Kung ganun boto ka na sa kanya?” kinikilig na ani Macy. “Lahi talaga sila ng mga gwapo. Kung nakita mo lang sana ang Kuya niya at mga pinsan, ewan ko na lang kung hindi pa malaglag ang dapat na malaglag.”
“OA naman na 'yon,” pakli niya.
NANG tuluyan na siyang makapasok sa bahay nila ay nadatnan pa niya ang Nanay niya na gising at nanonood ng TV sa sala.
“Nay.” Lumapit siya dito at nagmano. “Bakit gising pa po kayo?”
“Hindi ako makatulog, Anak, eh. Hindi kasi ako sanay na wala ka pa sa kwarto mo mga ganitong oras.”
Tumingin siya sa wall clock na nakasabit malapit sa pintuan. Mag- a- alas onse na pala ng gabi. Siya man din ay nagulat. Hindi kasi niya ugali ang maggagagala sa labas kapag gabi. Kaya nga palagi na lang siyang inaasar ng pinsan na boring ang social life niya.
“Si Macy po kasi, eh,” aniya at naupo sa tabi ni Cynthia. “Masyado siyang nawili do'n sa exhibit.”
“Marami ka bang nakilala do'n?”
Umiling- iling siya. “Alam niyo naman pong hindi ako mahilig mag-approach ng tao. Pero may nakilala akong isa sa mga artist doon.”
“Anak, huwag mo naman sanang sabihin na magiging single ka na lang habang-buhay?”
Natawa naman siya. “Nanay naman. Kung may dadating, edi may dadating.”
“Pero kailan pa 'yon?”
“Before ako magka-edad ng treinta sinisigurado kong may apo na kayo. Promise 'yan,” sabi niya at pagkatapos ay humagikhik.
“Tara na nga matulog na tayo. Baka sakaling mahanap mo na sa panaginip mo 'yong lalaking hinihintay mo.”
Ngumiti lang siya at humalik sa pisngi nito.
“Good night, Nay.”
“'Night, 'Nak. Mauna na 'ko sa'yo, ha? Hindi ko na talaga kaya ang antok, eh.”
“Sige po.”
Sinundan niya ng tingin ang ina habang papunta ito ng silid nito. Sa isang linggo na nga pala ang birthday nito. Ano kaya ang pwede niyang ibigay na magandang birthday gift dito?
“ITO ANG address, ingatan mong hindi malaglag ang card, gaya ng dati,” nakangiting sabi ni Chelle sa delivery boy na si Elmo saka ibinigay dito ang bulaklak at ang papel.
“Areglado, Ma'am,” tugon ng lalaki at nakangiti pang sumaludo sa kanya.
Nang naglakad na ito papuntang pinto ay may nakasalubong pa itong lalaking customer na binati pa nito. Nagulat siya nang mapagsino iyon. Nang ngumiti ang lalaki sa kanya ay nakaramdam siya ng kakaiba.
Weird.
Ngayon lang siya nakaramdam nang ganoon.
“Hi,” he greeted her nang lumapit ito sa mesa niya.
“Hindi ba ikaw 'yong...”
Umakto siyang tila may hinahagilap sa alaala.
“'Yong gwapong artist sa exhibit last week. Yup, ako ngayon,” anito at kinindatan siya.
Napa-snap naman siya sa hangin.
“'Yong mayabang na artist sa exhibit last week. Yup, ikaw nga 'yon!”
“Tingin mo mayabang ako? Ouch,” anitong ngumiwi sa huling sinabi.
“Ceddie San Diego, right? What can I do for you?”
“Kailan tayo pwedeng lumabas?”
Nabigla na naman siya pero agad ding nakabawi. “I'm sorry?”
“Kailan tayo pwedeng lumabas sabi ko?” malapad ang ngiting ulit naman nito.
Sa tantiya niya ay naglalaro sa anim na talampakan ang height nito. May matipunong pangangatawan at mukhang malalakas din ang mga braso nito. Mukhang kayang-kaya siyang protektahan.
Napagalitan niya ang sarili nang wala sa oras. At talagang nakuha pa niyang mag-isip nang ganoon?
“Sabi ko na, gwapo ako, eh,” narinig niyang sabi nito kaya naman mabilis siyang nag-iwas ng tingin.
“Hindi mo ba nakikita busy ako?” aniya.
“Kailan ka hindi busy?”
“Araw-araw busy ako. Twenty-four-seven may ginagawa ako kaya pwede ba? Unless bibili ka rin ng bulaklak?”
“Kahit kape lang?”
“Sinabi ko nang hindi ako nagkakape. Hindi rin ako umiinom ng softdrinks at juice.”
“Eh tubig? Huwag kang magsisinungaling. Imposibleng hindi ka umiinom ng tubig.”
Napamaang naman siya. Nakataas ang kilay na pinagkrus niya ang mga braso sa tapat ng dibdib.
“Ano ba talaga ang ipinunta mo dito? Mawalang-galang na, Mr. San Diego, pero iniistorbo mo ang paghahanap-buhay ko at ng mga tao dito. At tsaka pa'no mo nalamang nandito ako? Ano'ng plano mo?”
“Medyo marami ang tanong mo pero handa ko silang sagutin basta pumayag ka munang magkape kasama ako.”
Marahas siyang napabuntong-hininga habang hindi pa rin nila nilulubayan ng tingin ang isa't- isa.
“Hindi bale na lang pala. Ando'n ang pintuan palabas, makakaalis ka na.”
“Pumayag ka na, Miss. Unang beses may nagyaya sa'yo na ganyan kagwapo tatanggihan mo pa ba?” sabat ng isa sa tatlong assistants niya na si Pauline. Abala rin ang mga ito sa paggawa ng mga flower arrangements sa kaniya- kaniyang mesa.
“Mukhang nagbo-volunteer si Pauline. Siya na lang ang yayain mo,” sabi naman ni Chelle at tinalikuran na ito. Kinuha niya ang isang basket ng pulang rosas sa tabi ng mesa at ipinatong doon. Kumuha siya ng gunting sa drawer at nagpakaabala. Kunwari ay hindi na lang niya nakikita si Ceddie kahit na ang totoo ay gustong- gusto na niyang malaman kung paano nga nito nalaman na nandoon siya.
Aminado siyang na-overwhelmed siya sa ideyang nagpapakita ito ng interes sa kanya pero hindi pa rin sapat iyon.
At isa pa, hindi ba't si Macy ang dapat na niyayaya nito at hindi siya? Anong ibig sabihin nito?
“Sabi ng pinsan mo wala ka naman daw boyfriend. Bakit ayaw mo pa rin?”
Takang napatitig siya dito. Speaking of her devil cousin.
“Kay Macy mo nalaman?”
“Oo. Tinanong ko siya ng mga bagay-bagay tungkol sa'yo. Ang sabi niya mabait ka naman daw pero hindi ako naniniwala.”
Inirapan naman niya ito. “Akala mo naman magbabago ang isip ko.”
Tumawa naman si Ceddie. “Hindi nga niya nabanggit na mataray ka, eh.”
Dinuro niya ito ng rosas na nahugot niya.
“Alam mo ikaw, kung wala kang matinong magawa ngayong araw na 'to, si Macy na lang ang yayain mo. Willing na willing 'yong mang-entertain sa'yo.”
“Parang niyayaya ka lang magkape, eh. “
“Uy, si Miss papayag na 'yan...” tukso pa ng mga assistant niya.
Hindi niya naiwasang pamulahan ng mukha.
“Bakit ba ang lalaking 'to ang kinakampihan niyo?”
“Magkakape lang naman kayo, Miss, eh. Walang masama do'n,” si Millete, ang chubby sa tatlo. “Sa isang araw na lang 'yong lunch at dinner.”
Humagikhik naman ang dalawa pa.
“Ewan ko sa inyo,” pakli niya at ipinagpatuloy ang pagpuputol sa rosas. “Obvious ba na ayaw ko lang talagang makipag- date lalo na sa lalaking 'to na gwapong- gwapo sa sarili?”
“Bakit, gwapo naman talaga ako, ah?”
“Sino may sabi? Mama mo?”
“Oo.” Sa sinabi nito ay hindi niya napigilang humagikhik kasama ng mga assistants niya. “Mahal na mahal ko ang Mama ko at lahat ng sabihin niya paniniwalaan ko.”
Basta na lang pumasok sa isipan niya si Cynthia. Malapit na nga pala ang birthday nito. Magugustuhan kaya nito ang isang painting bilang regalo?
Nang tumingin siya muli kay Ceddie ay wala na ito sa harapan niya kundi naglalakad na sa labas ng flowershop niya. Nataranta siya. Binitawan niya ang rosas at gunting at dali- daling tumakbo palabas ng flowershop.
“Hoy, Ceddie, sandali lang!” tawag niya.
Napahinto naman ito at kunot na kunot ang noong nilingon siya.
“Kung ayaw mong makipagdate sa 'kin, hindi naman talaga kita pipilitin, eh.”
Patakbo siyang lumapit dito.
“Date? Teka, akala ko ba magka-kape lang tayo?”
“Bakit, hindi ba pwedeng coffee date?”
“Eh sira ka pala, eh!”
“Kaya nga aalis na 'ko, 'di ba?”
Akmang tatalikuran na siya nito nang pigilan niya ito sa braso.
“Oy, teka lang naman. Nagbago na ang isip ko. Sasama na 'kong magkape sa'yo.”
“Pwes ako nagbago na rin ang isip ko. Yayayain ko na lang ang unang pulubing makasalubong ko. Tiyak 'yon hindi magdadalawang- isip.”
“Mr. San Diego naman, eh,” ingos niya. “Magkape na tayo. Basta libre mo.”
“Talaga?” parang batang tanong nito.
“Kaya lang hindi naman maayos ang itsura ko.”
“Ang ganda- ganda mo nga, eh.”
“Echosero 'to. Halika na, may presyo ang oras ko.”
“Tara, nando'n lang sa unahan ang scooter ko,” walang kasing tamis ang ngiting sabi nito.
Oo na. Gwapo na nga siya.
NAKA- PARK ang kulay itim na scooter nito katabi ng mga magagarang sasakyan sa tapat ng isang malaking building na may pangalang Thumb Apps. Bakit doon ito nag-park? Ang pagkakaalam niya ay reserved lang ang area na iyon sa mga may kaugnayan sa nasabing gusali.
“Safety first,” nakangiting sabi nito at inabutan siya ng helmet.
“Saan ba talaga tayo pupunta?” tanong niya.
“May alam akong the best na coffee shop. Ang kailangan mo lang gawin, binibini, ay ang magtiwala sa akin.” Kinindatan pa siya nito bago nito isinuot ang sariling helmet at sumakay sa scooter.
Isinuot naman niya ang iniabot nitong helmet at umangkas sa likod nito. Mabuti na lang at naka- jeans siya.
“Hawak ka lang nang mabuti.”
“Teka, may lisensiya ka ba?”
“Oo naman. Anong klaseng tanong 'yan?” amused na anang binata.
“Naninigurado lang.”
“Humawak ka nang mahigpit sa beywang ko.”
Nahigit niya ang paghinga nang walang kahirap- hirap na kinuha nito ang mga kamay niya at iniyakap sa beywang nito.
Nagulo na naman ang sistema niya. Iyon ang unang pagkakataon na nakalapit siya nang ganoon sa isang lalaki. At hindi pa niya boyfriend.
At ang bango ng perfume niya, ang sarap sa ilong. Sarap amuyin buong araw. Hindi bale. Pagkatapos nito baka friends na kami.
HALOS limang minuto lang ang inabot ng biyahe nila papunta sa coffee shop na sinasabi nito. Nang tanggalin niya ang helmet ay inayos- ayos agad niya ang buhok.
“Huwag mo nang pansinin ang buhok mo. Maganda ka pa rin, o,” sabi sa kanya ni Ceddie nang matanggal din nito ang helmet.
“Sasama pa rin naman ako sa'yo kahit hindi mo 'ko bolahin, ah?” pakli niya at iniabot dito ang helmet niya.
He just smiled at her. Isinabit nito ang mga helmet sa manibela at iginiya siya papasok ng coffee shop. Ang sumalubong agad sa kanya ay ang mga nakasabit na naggagandahang painting na pumuno sa dingding niyon.
“T-talaga bang ayos lang ang itsura ko?” tanong pa niya dito.
“I said don't worry about your look. Halika.”
Ipinaghila siya nito ng silya sa pandalawahang mesang nakadikit sa dingding kung saan may nakasabit na Madonna painting. Iniwan siya nito sandali para naman um-order.
Bakit yata ngayon lang niya nalaman na may ganitong coffee shop doon?
“There you go,” anito matapos itabi ang tray na pinaglagyan nito ng order nila.
“Thank you,” tipid niyang tugon at sumipsip sa coffee float niya. “Wow, ang sarap,” manghang sabi niya matapos iyong maramdaman sa lalamunan niya.
“Sabi sa'yo the best dito, eh,” sabi naman ni Ceddie at kinindatan siya.
Hindi niya alam kung ano'ng nangyari pero natagpuan na lang ni Chelle ang sarili na palagay ang loob sa lalaking ito.
“Kakilala mo ba ang may- ari nito?” tanong pa niya.
“Yeah. Nakita mo 'yong barista do'n?”
Napasunod ang tingin niya nang isinenyas nito ang counter. Nakita niya ang isang matangkad at gwapong lalaking nakasuot ng itim na uniform ng coffeeshop na busy sa cash register.
“Ang Kuya Raffy ko 'yan. Siya ang may-ari nito, siya rin ang manager, pati na barista. Siya na lahat. Kuripot kasi, eh. Takot magdagdag ng tauhan.”
Natawa naman siya. “Baka naman practical lang ang Kuya mo. Kung kaya naman niya lahat, bakit pa siya kukuha ng ibang tao? By the way, magkamukha nga kayo.”
“Akala nga niya girlfriend kita, eh.”
Saglit siyang natigilan at pagkuwan ay tumawa.
“Palabiro siya, ha. Magkapatid nga kayo.”
“Hindi joke 'yon. Nagpredict lang siya ng future.”
“Huh. Corny na 'yan, ha,” pakli niya. Wala sa loob na ibinalik niya ang tingin sa painting. “Ang gaganda ng mga painting dito. Ikaw ang gumawa ng lahat ng 'to?”
“Maganda ba?” tila nahihiyang tanong ni Ceddie at napakamot sa kilay nito.
“Magaganda. Lalo na ang isang 'to.”
“Ang totoo mga luma na ang paintings dito. High school pa lang ako nang gawin ko ang mga 'to at 'yan ang pinakaunang nagawa ko. Hinalungkat niya ang workshop ko. Gusto ko sanang ibenta sa kanya kaso hiningi na lang niya. Magkapatid naman daw kasi kami. Ang kuripot talaga niya.”
“Practical nga ang tawag do'n,” natawang sabi niya at sumubo sa strawberry cake niya.
Ang sarap. I promise, babalik talaga ako dito.
“Nagustuhan mo rin 'yang cake?” tanong nito sa kanya.
Nakangiting tumango siya. “The best nga dito pero ano ba talaga ang dahilan mo at niyaya mo ako dito?”
“Kung sasabihin ko sa'yong hindi ka na nawala sa isip ko simula nang makausap kita, maniniwala ka ba?”
Natigilan na naman siya at hindi makapaniwalang tumingin dito.
“Eh kung sabihin ko sa'yong ilang beses ko nang narinig ang linyang 'yan, titigil ka na ba?”
Mukhang nagulat naman ito. “Talaga? So napilitan ka lang ngang sumama sa 'kin?”
“O-of course not. Friendly coffee naman 'to, 'di ba? Ikaw naman.”
“Alright, kaya kita niyaya magkape kasi gusto kitang maging kaibigan. Gusto pa kitang makilala kaya sana bigyan mo 'ko ng chance. Okay lang naman sa'yo 'yon, 'di ba?”
Nagtaka siya sa sarili nang makaramdam siya ng panghihinayang.
“Oo naman. Parang 'yon lang,” sa halip ay tipid na sabi niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top