[11] Be Your Everything
CHAPTER ELEVEN
“WALA PA naman ang order natin, magsi- CR lang muna ako,” sabi niya kay Ceddie nang magdinner sila nito sa Selina's.
“Sure. Basta pakibilisan lang, ha? Baka kasi ma- miss kita kaagad, eh.”
“Sira,” natawang pakli niya sabay tayo.
Inabot din siya ng limang minuto at pagbalik niya ay may kausap nang magandang babae si Ceddie. Sa gara at iksi ng damit nito ay mukha itong modelo.
“Ceddie?” sabi niya.
Parehong napalingon sa kanya ang dalawa.
“Hi, halika,” sabi naman nito at tumayo pa sabay hila sa kamay niya.
“At sino naman siya?” nakataas ang kilay na tanong ng babae.
“Maggie, this is Chelle, my wife.”
“Oh, wife!” bulalas nito at sarkastikong tumawa.
Hindi nagustuhan ni Chelle ang pagtawa nito dahil sa tingin niya ay walang nakakatawa. Maliban na lang kung may problema ang babaeng ito?
“Bakit, Miss, sino ka naman?” tanong niya.
“Ako lang naman ang fiancée ni Ceddie kaya pwede ba, 'wag mo nang sakyan ang kalokohan nito na asawa ka niya? Alam ko namang gagawin niya ang bagay na 'to, eh,” mataray na sabi ng Maggie at nameywang pa.
Itinaas niya ang kamay niyang may singsing.
“May singsing kaming dalawa.”
“Natural kailangan niyo ng props. Hindi naman ako tanga, 'no!”
Sa inasta nito ay uminit ang ulo niya.
“So ilang copy ng marriage contract namin ang kailangan para maniwala ka?” tanong niya sa kalmado pa ring boses.
Pumunta sila doon ni Ceddie para sana magdinner lang nang payapa pero bigla- bigla na lang ay may lilitaw na kung sinong babae at magpakilalang fiancée ng asawa niya?
Sandali ring nabigla si Maggie sa sinabi niya pero mabilis naman itong nakabawi.
“Hindi ko alam kung ano'ng ginawa niyo para palabasing kasal na kayo pero ito lang ang masasabi ko, kapag sinabi ni Don Alejandro na magpakakasal ka sa'kin, magpapakasal ka sa'kin kahit na ano'ng mangyari, Ceddie! At ikaw, babae ka,” nanlilisik ang mga matang baling nito sa kanya. “Magkano ang binayad niya sa'yo para magpakasal kayo?”
“Hindi niya 'ko kailangang bayaran dahil mahal ko siya.”
“Kung gano'n pinagplanuhan niyo 'to?”
Gulong- gulong tiningnan ni Chelle si Ceddie.
“Ceddie, ano ba talaga ang mga pinagsasasabi niya? Hindi ko siya maintindihan.”
“Maggie, please don't make a scene,” sabi naman ni Ceddie.
“Whether you like it or not, magpapakasal ka sa 'kin at hihiwalayan mo ang babaeng 'yan!”
“Halika na, Ceddie,” sabi naman ni Chelle at hinila na ito palabas ng restaurant bago pa man tuluyang masira ang gabi nila.
“Don't you dare walk out on me, Ceddie. I'm your fiancée!”
“Wala siyang fiancée na eskandalosa,” hindi napigilang sabi ni Chelle nang minsan pa itong lingunin.
Wala silang kibuan habang sakay sila ng kotse nito.
“Chelle, please tell me what you're thinking,” si Ceddie na hindi nakatiis.
Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong- hininga bago nagsalita.
“Sino ang Maggie na 'yon at ang Don Alejandro na binanggit niya?”
Sinulyapan siya nito at pagkuwan ay napabuntong- hininga. “Si Don Alejandro ang Lolo ko at si Maggie ang apo ng kaibigan niya na gusto niyang pakasalan ko.”
Daig pa niya ang nasampal sa narinig. “K-kung gano'n may katotohanan ang pinagsasasabi ng bababaeng 'yon?” hindi makapaniwalang sabi niya.
“But there's no way I'm marrying her! You're my wife now.”
“Kailan mo nalaman na ipinagkakasundo ka ng Lolo mo sa kanya?”
“Last month pa,” mahinang sagot nito.
“Bago mo pa 'ko niyayang magpakasal no'n, tama ba?”
“Gano'n na nga.”
Mariin siyang napapikit. Dinadasal niyang sana ay mali lang ang iniisip niya pero mukhang madidismaya pa yata siya.
“Kaya ba naisip mong ang solusyon sa problema ay ang yayain akong magpakasal? Kasi naisip mo na kapag nalaman ng Lolo mo na nagpakasal ka na, hindi na niya itutuloy ang pakikipagkasundo sa'yo. Tama ba, ha, Ceddie? 'Yon ang totoong dahilan kung bakit nagmamadali kang yayain akong magpakasal no'n?”
“Makinig ka sa 'kin. May dahilan ako kaya ko ginawa 'yon, Chelle.”
“Sinamantala mo ang nararamdaman ko, Ceddie. Hindi mo ba alam na pinagmukha mo akong tanga? Nagtiwala ako nang buo sa'yo kasi mahal kita!” hindi napigilang sabi niya.
“Hindi 'yon ang intensyon ko, maniwala ka,” sabi nito sa nahihirapang tinig. “It was during our family dinner nang sabihin ni Lolo na ipagkakasundo niya 'ko kay Maggie. Nag- panic ako. Alam kong kapag nangyari 'yon, mawawala ka sa 'kin. Kaya niyaya na kitang magpakasal para hindi niya tayo mapaghiwalay. I've been planning to tell this to you pero nang mga sandaling pumayag ka at maisuot ko na ang singsing sa'yo, sobrang saya ko no'n na biglang nawala sa isip ko. Na- realize ko, niyaya kitang magpakasal hindi dahil ayaw kong matupad ang plano ni Lolo pero dahil 'yon talaga ang pangarap kong mangyari. Inaamin kong may kasalanan ako, Chelle, pero maniwala ka, ginawa ko lang 'yon kasi takot na takot akong mawala ka.”
Mabilis niyang pinahid ang luhang kumawala sa mga mata niya. Gusto niyang pakinggan ang lahat ng sinasabi ni Ceddie sa kanya pero masyado siyang nabigla at nasaktan sa nalaman niya.
“Iuwi mo na lang ako, Ceddie.”
“Pero, Chelle...”
“Nakikiusap ako sa'yo. Iuwi mo na lang ako.”
Pagkatapos niyon ay hindi na sila nag- usap pa.
HINDI NA niya hinintay na pagbuksan siya ni Ceddie dahil kusa na siyang bumaba. Mabilis naman itong sumunod at pinigilan siya sa braso.
“Chelle, sandali lang naman. Hindi pa tayo nagkakalinawan,” nagsusumamong sabi nito.
“Pwede bang hayaan mo na muna ako, Ceddie? Pag- iisipan ko pa ang mga nangyari,” sagot niya habang nakaiwas ang tingin.
Hindi niya kayang salubungin ang mga mata nito dahil nasasaktan siya.
“Lahat ng mga sinabi ko sa'yo ay totoo. Sana maniwala ka naman sa 'kin.”
“Saka na tayo mag- usap, pwede ba?” malamig na sabi niya sabay piksi ng braso niya.
“Kung 'yan ang kailangan mo,” pagsuko naman ni Ceddie at binitiwan siya. “Please don't hate me, Chelle. Ginawa ko lang 'yon kasi mahal kita.”
“Mag- usap na lang tayo kapag handa na 'ko.”
Hindi na niya hinintay ang isasagot nito at agad na itong tinalikuran.
PAGPASOK NIYA, nakita niyang bukas pa ang ilaw sa kusina kaya napagtanto niyang gising pa ang Nanay niya. Agad siyang pumunta doon at nadatnan niya itong gumagawa ng sandwich.
“Nay,” kulang sa siglang tawag niya dito.
“Anak! Ang bilis niyo namang nakabalik. Ang akala ko ba magtatagal kayo ng asawa mo sa labas?” gulat na tanong nito.
“May nangyari po, eh,” sabi niya at inukopa ang silya sa tapat nito.
“May nangyari ba?” seryosong tanong naman nito.
“Meron po.”
“Umiyak ka ba?”
“Si Ceddie po kasi, eh,” sabi niya sa gumaralgal na boses.
“O, ANO, kinausap ka na ba sa wakas ng asawa mo?” salubong sa kanya ni Rickson na nakaupo sa mismong mesa nang makabalik na siya ng opisina nila.
Umiling- iling lang siya at dire- diretsong umupo sa harap ng unit niya na katabi lang ng unit nito. Kinuha niya ang salamin na ipinatong niya kanina sa keyboard at isinuot. Pero hindi naman siya nagsimulang magtrabaho. Nakipagtitigan lang siya sa monitor kung saan ginawa niyang wallpaper ang wedding picture nila ni Chelle minus the wedding gown and the tuxedo.
“Bakit hindi? Pinagtabuyan ka ba?”
Umiling- iling uli siya.
“Kung gano'n ano'ng nangyari?”
“Sinilip ko lang siya sa flower shop. Hindi ko kasi alam kung pa'no siya lalapitan, eh,” matamlay na sagot niya.
“Kung gano'n hanggang kailan kayo ganyan? Akala mo ba may mangyayari kung pasilip- silip ka lang? Paano pa kayo magkakabati niyan?”
“Nami- miss ko na nga siya, eh. Nami- miss ko na ang asawa ko,” sabi niya at napasuklay pa sa buhok. Hindi na siya makapag- concentrate sa trabaho idagdag pa na ilang araw na rin siyang walang tulog.
“Kapag hindi ka pa nakipagbati sa kanya bukas, didiskartehan ko na 'yon.”
Bigla na lang nagbago ang ekspresyon ng mukha niya at tiningnan si Rickson nang masama.
“Shaia Dawn,” malamig ang boses na tawag niya kay Shawn na napadaan lang sa table nila.
“Huh? Bakit? Bakit? Ano 'yon?” pakantang tanong naman nito nang magpalipat- lipat ang tingin sa kanila.
Itinuro niya si Rickson. “Ilayo mo siya sa 'kin.”
“Sa'n ko naman siya dadalhin?”
“Do'n,” walang kangiti- ngiting turo niya sa basurahan na malapit sa hamba ng pinto.
“Okay.”
Nilapitan nito si Rickson at binuhat ala bridal style.
“Sorry, utos lang ng boss.”
“Gunggong. Boss mo rin kaya ako!”
KATATAPOS LANG niyang bigyan ng instructions si Elmo nang isang lalaking pormal na pormal ang suot ang pumasok. Hindi niya matukoy kung customer ba ito o naligaw lang doon sa flower shop niya.
“Magandang araw,” bati nito sa pormal na boses.
“Magandang araw din po,” tugon niya.
“Miss Rochelle Samonte, tama ba?”
“Mrs. Rochelle San Diego na po ako ngayon,” pagtatama naman niya at kimi itong nginitian.
“Mrs. San Diego,” ulit naman nito at tumikhim. “Maaari po ba kayong sumama sa akin sandali? Gusto lang kayong makausap ng isang importanteng tao. Nasa labas siya at naghihintay na paunlakan ninyo. Huwag kang mag- alala, hindi naman ito magtatagal. May gusto lang siyang malaman tungkol sa inyo.”
Nang tingnan niya ang mga assistants niya ay nakatutok pala ang mga ito sa kanila.
Sumama na lang siya sa ginoo matapos pagbilinan ang tatlo.
“Sino po kayo at paano niyo ako nakilala?” tanong niya habang naglalakad sila papunta sa puting limousine na nakaparada sa tabi ng kalsada na kaharap mismo ng flower shop niya.
“Tawagin mo na lang akong Mr. Valdez. Isa akong executive assistant ng isa sa pinakamayamang negosyante sa buong Asya.”
Hindi na siya nagkomento sa bagay na iyon at nang pagbuksan siya nito ng pintuan ng limousine ay kaagad siyang pumasok. Sa loob ay nakaharap niya ang isang lalaking sa tingin niya ay nasa early eighties nito at nakasuot ng three- piece suit. May suot itong salamin at sa isang kamay ay may hawak itong baston. Base sa dating nito, mukhang hindi ito ang tipo ng approachable na tao.
“Kayo ba ang gustong kumausap sa 'kin?” tanong niya.
“Ano nga ba ang nagustuhan ng apo ko sa isang hamak na tindera ng bulaklak na katulad mo?”
Laking gulat niya sa narinig. Iyon pa lang ang unang pagkakataon na may nagsabing isa lang siyang hamak na tindera ng bulaklak at mula pa sa taong hindi niya kilala. Kahit kailan ay hindi niya itinuring na mababang klase ang trabaho niya dahil pinaghihirapan niya iyon!
“K-kung gano'n kayo pala ang Lolo ni Cedfrey.”
“Hindi nakakayaman ang pagtitinda ng bulaklak, alam ko. Sabihin mo, magkano ba ang kailangan mo para iwan mo na ang apo ko?”
Bata pa lang siya ay tinuruan na siya ng Nanay niya na gumalang sa mga matatanda pero ang isang ito ay hindi niya makitaan ng rason kung bakit kailangan niyang pakitunguhan nang maayos.
“Binabayaran niyo ba 'ko para layuan ang apo niyo?”
“Hindi ikaw ang bagay sa katulad niyang Montreal. Kilala ang angkan namin sa buong Asya. At ikaw? Isa ka lang alikabok sa mundong ginagalawan namin. Isang matalinong alikabok na gagamitin ang apo ko para lang makatuntong sa kinatatayuan ng mga uri namin.”
Nakuyom niya ang kamao. Hindi siya kilala ng matandang ito para husgahan ang pagkatao niya at hamakin siya. At hindi niya mapapayagan iyon.
Taas- noo niyang sinalubong ang mga tingin nito.
“Huwag kayong mag- alala, Mr. Montreal. Hindi ako ang klase ng taong nagtatanim ng galit kaya palalampasin ko itong pang- iinsulto ninyo sa akin. Kahit alikabok ako sa paningin ninyo, kahit kailan ay hindi po ako nanghamak ng kapwa ko. Narinig niyo na po ba 'yong salitang pagmamahal? 'Yon po ang nararamdaman ko para kay Ceddie. Hindi ko alam na apo siya ng isang kagaya niyo nang mahalin ko siya. At isa lang po ang masasabi ko, ubusin niyo man ang kayamanan ninyo, hinding- hindi ko siya bibitawan. Si Ceddie lang ang kailangan ko at hindi ang anupaman. So kung wala na po kayong ibang sasabihin, pwede na po ba 'kong umalis?”
“Wala pang sinuman ang naglakas- loob na kalabanin ako matapos akong suwayin ng unica hija ko. Nakakabilib ang katapangan mo pero hindi hamak na mas makapangyarihan ako,” mariing sabi pa ng Don.
“Alam ko. Pero naniniwala ako na sapat na ang pagmamahal namin sa isa't- isa ng apo ninyo para harapin kayo. Hindi po ako matatakot dahil ipaglalaban ko siya saan man kami abutin.”
Hindi na niya hinintay na makapagsalita pa ang matandang Montreal at agad na bumaba ng kotse.
Pinahid niya ang luhang kumawala mula sa mga mata niya. Nang mga sandaling iyon ay na- realize niya ang mga sinabi niya. Ilang araw na silang hindi nag- uusap ni Ceddie at hindi niya maikakailang sabik na siyang makita ito.
Pupuntahan na sana niya ito sa Thumb Apps pero nakita na niya ang pigura nito sa labas pa lang ng flower shop niya at parang may sinisilip.
Kumabog nang malakas ang dibdib niya. Hindi pala niya ito kayang tiisin.
“Bawal ang sumilip diyan, hoy,” kunwari ay sita niya dahilan upang agad itong mapalingon.
Nanlalalim ang mga mata nito sa kabila ng suot nitong reading glasses. He looked miserable at parang may pumiga sa puso niya sa isiping iyon.
Nang malingunan siya nito ay nagliwanag ang gwapo nitong mukha.
“Bakit wala ka sa loob?”
“Na- miss kita!” sabi niya at sinugod ito ng yakap. Doon na rin siya tuluyang napaiyak.
Salamat sa mga payo ng Nanay niya. Naliwanagan din siya sa lahat at kung bakit iyon ang ginawa ni Ceddie.
Agad naman nitong ginantihan ang yakap niya nang sobrang higpit.
“Ang akala ko hindi mo pa rin ako kakausapin. Ang akala ko makikipaghiwalay ka na sa 'kin,” hindi makapaniwalang sabi nito.
“Hinding- hindi ko gagawin 'yon, Ceddie. Masyado kitang mahal para basta na lang makipaghiwalay sa'yo nang hindi man lang sinusubukang ayusin ang lahat. Naiintindihan ko na kung bakit mo ginawa 'yon. Na- realize ko na kung ako ang nasa kalagayan mo, 'yon din ang gagawin ko. I love you, Cedfrey. Hindi ko hahayaan na may sumira sa 'tin. Huwag nating hayaan na may hahadlang sa 'tin.”
“Hinding- hindi, Chelle. Hinding- hindi kahit kailan. Ipaglalaban natin ang isa't- isa hanggang sa huli. Walang bibitaw isa man sa atin ano man ang mangyari. Mahal na mahal kita.”
Hinawakan siya nito sa magkabilang- pisngi at hinalikan ang noo niya.
“Ang akala ko talaga mawawala ka na sa 'kin, eh,” sabi pa nito.
“Tayo lang ang makakapagdesisyon para sa kaligayahan natin, Ceddie. Hindi ako papayag na wala man lang tayong gawin. Mahal kita kahit nanggaling ka pa sa makapangyarihang pamilya. Hindi kita lalayuan kahit bayaran man ako ng Lolo mo ng malaking halaga maliban na lang kung hindi mo na 'ko mahal.”
“Kinausap ka ni Lolo?” gulat na tanong nito.
“Nando'n siya ngayon do'n sa sasakyan na 'yon,” sabi niya at tumingin sa direksiyon ng limousine na hanggang sa mga sandaling iyon ay naroon pa rin.
“Kakausapin ko siya.”
“'Wag na. Magsasayang ka lang ng oras,” sabi niya at nginitian ito. “Hindi ko naman masisisi ang Lolo mo. Kapakanan mo lang ang iniisip niya kasi apo ka niya.”
Pinahid nito ang mga luha niya gamit ang hinalalaki nito at tinitigan siya sa mga mata.
“May isang bagay kang kailangang malaman tungkol sa pamilya namin.”
“A-ano naman 'yon?”
Umalis sila mismo nang mga sandaling iyon upang magpunta sa coffee shop ni Raffy. Doon ipinagtapat sa kanya ni Ceddie ang history ng pamilya nito.
Thirty years ago, itinakwil si Amanda ng mga magulang nito. Hindi si Antonio ang lalaking gusto ng mga ito para sa kanilang ina na isa pa lamang simpleng college professor noon. Ang gusto kasi ng Lolo nina Ceddie ay isang business tycoon ang mapangasawa ng kanilang ina kaya nakipagtanan ito sa kanilang ama.
Sa loob ng tatlumpong taong iyon ay walang hinangad ang pamilya nila kundi ang matanggap muli ni Alejandro. May hiniling nga lang itong isang mabigat na kondisyon. Kailangang pakasalan ni Ceddie ang apo ng kaibigan nito na wala ngang iba kundi si Maggie.
“Wala na bang ibang paraan?”
“Mahirap baliin ang kagustuhan ni Lolo, Chelle, pero umaasa kami na magbabago rin ang isip niya. Lalo na si Mama. Tatlo lang silang magkakapatid at silang dalawa na lang ang natira ng Dad ng pinsan naming si Thirdy.”
Sa dalawang pinsan ng magkapatid, si Thirdy na lang ang hindi pa nakikilala ni Chelle dahil matagal na itong naninirahan sa Amerika. Si Ziggy naman na siyang naulila ang katulong ng Lolo ng mga ito sa pamamahala ng lahat ng kanilang negosyo. Ito naman ang ulilang lubos na.
Ginagap niya ang kamay ni Ceddie at pinisil.
“Naniniwala ako na hindi masamang tao ang Lolo ninyo. Dadating din ang panahon na magkakaayos na uli ang pamilya ninyo. Magtiwala lang tayo at 'wag mawalan ng pag- asa.”
Dinala naman nito ang kamay niya sa mga labi nito at hinalikan ang likuran ng kanyang palad.
“Salamat sa pagpapalakas ng loob ko. Gagawin ko ang lahat 'wag lang niya tayong paghiwalayin.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top