The Mysterious Path

Efaye's POV

"Magnanakaw!" sigaw ng matandang babae na kasalukuyang humahabol sa'kin. 

Buti na lang at gurang na ang isang 'to, mahina na ang tuhod kaya hindi na niya ako maabutan ngayon.

Cellphone kasi nang cellphone sa daan. Kasalanan ko bang nama-magnet ang mga kamay kong 'to sa mga kaakit-akit nilang cellphone at wallet.

Napangisi ako nang bahagya saka lumusot sa eskinita para magtago.

Dahan-dahan akong sumilip at nakitang nilampasan lang ng matanda ang pinagtataguan kong 'to. May dalawa pang tanod itong kasama.

Nang masiguro kong wala na sila ay lumabas na ako at umuwi sa'min─sa kuta ng mga demonyo.

"Oh Efaye, bakit nandito ka na? May nakupit na ba tayo riyan?" salubong sa'kin ni Boss Marco.

Isa siya sa mga boss namin dito. Sampung taong gulang pa lang ako nang kunin nila ako sa lansangan at talian sa leeg, kaya lumaki na lang akong ganito─isang magnanakaw.

"Wala pa," matipid kong sagot.

"Wala pa pala, e. Bakit nandito ka na? Balik do'n!" bulyaw niya.

Sinamaan ko siya ng tingin ngunit mas matalim ang binalik niyang titig sa akin. Inirapan ko na lang siya saka lumabas.

"Tang*na mo! Ang pangit mo, gag*!" bulong ko sa sarili ko. Hininaan ko lang at baka marinig pa 'ko ng kupal kong boss.

Kahit na may na-snatch na akong cell phone ay hindi ko ito sinabi sa kaniya. Itatabi ko 'to para mabenta bukas. Palihim na kasi kaming nag-iipon ni Ming at nagpaplano na tumakas sa impyernong lugar na 'yon.

At speaking of Ming, natatanaw ko na ang gusgusing batang 'to na pasalubong sa'kin.

"Ate Efaye!" malakas niyang tawag sa pangalan ko habang tumatakbo patungo sa'kin.

"Ate. Ate, tingnan mo 'to, oh." Pinakita niya sa'kin ang hawak-hawak niyang papel. "Sali ka rito, ate."

Kinuha ko sa kaniya ang papel at binasa. Isa itong beauty pageant. Napakunot ang noo ko sa batang lalaki na 'to.

"Alam mo ba kung anong nakasulat dito, Ming?" tanong ko. Alam ko kasing hirap pa rin siya na magbasa kahit na gabi-gabi ko siyang tinuturuan dahil hindi nito nasubukang makatungtong sa paaralan.

"Tinanong ko kay Kevin, ate. Beauty pageant daw 'yan at malaking halaga ang mapapanalunan. P'wedeng p'wede na tayong makaalis at makapagsarili no'n kapag nanalo ka," wika niya na may matatamis na ngiti sa labi.

Napatawa ako nang bahagya. "Pa'no naman ako mananalo ro'n, e wala naman akong alam sa mga ganyan."

"Dahil maganda ka ate." Tumingkayad siya para abutin at tanggalin ang suot kong sombrero at ayusin ang magulo kong buhok. "Oh 'di ba, mukha ka na ulit babae, ate. Tapos maglagay ka lang ng make up at bihisan ng magandang damit."

"Ikaw talagang bata ka. Binobola mo lang ako, e." Ginulo ko ang buhok niya.

"Maganda ka po. Tingnan mo ang tangos ng ilong mo, tapos lagi nilang pinupuri 'yang magaganda mong mata, ang haba kasi ng mga pilik mata mo, ate e. Tapos may malalalim ka pang dimples."

"Ang dami mong sinasabing bata ka ha, wala akong barya," biro ko rito.

"Totoo nga po 'yon. Kulang ka lang talaga sa ligo kaya naiipon na 'yang libag mo ate," sambit niya na may kasunod na halakhak sabay takbo nang mabilis.

"Gag* ka talaga! Humanda ka sa'kin kapag naabutan kitang bata ka!"

Ganito na lang kami kung magbiruan at magharutan ni Ming. Magkapatid na ang turingan namin sa isa't isa kahit na hindi naman kami talaga magkaano-ano. Napamahal na lang sa'kin ang batang 'to dahil sobrang bait at maalaga, kaya naging gano'n na rin ako sa kaniya.

Kinabukasan. Naalimpungatan ako nang maramdaman ang pagtawag sa'kin ng kalikasan.

Minulat ko ang mga mata ko upang alamin kung anong oras na ba at napagtantong,

"Tang*na! Tanghali na?" Napabalikwas agad ako sa papag na hinihigaan ko saka nagpalinga-linga.

"Nasa'n sila? Nasa'n ang mga tao rito?" tanong ko sa sarili nang makitang walang ibang tao rito. Kahit sila boss ay wala rin.

Hindi ko na lang muna ito inintindi at tumakbo patungo sa banyo, ngunit lalong nagtaasan ang mga balahibo ko nang makitang nakasara at locked ang banyo.

Kinatok ko 'to agad nang malakas. "Pakibilisan, sino bang nandiyan sa loob? Tang*ina, natatae na ako!"

Walang sumagot kaya kinatok ko ulit 'to. Nakahawak na lang ako sa tiyan ko at pilit pinipigilan ang gustong lumabas na 'to.

Paulit-ulit ko pang kinatok ang pinto ng banyo at sinigawan ang nasa loob, pero wala talagang sumasagot.

Gusto ko nang sirain ang pinto dahil lalabas na talaga. Put*ngina!

Kukuha sana ako ng pwedeng ipambukas sa doorknob nang makita ang kumikinang na bagay sa may sahig.

Dinampot ko ito at tinitigan maigi.

"Sa'n galing ang susi na 'to? Mukhang totoong gold 'to ah," saad ko sa sarili nang matapos pakatitigan ang kulay gintong susi.

Naisipan kong ipasok 'to sa doorknob ng banyo dahil baka sakaling makatulong 'to sa problema ko.

Gumuhit ang saya sa mukha ko nang mabuksan ko ang pinto. Agad kong pinihit ang doorknob at mabilis na pumasok sa loob.

Ngunit . . .

Imbis na inidoro ang bumungad sa'kin ay isang kakaibang daanan ang tumambad sa'kin.

Isang daanan na hindi ko alam kung saan patungo. Ang paligid ay napalilibutan ng mga puno na may kulay lila na dahon. May mga nagliliparan na dilaw na alitaptap, at ang langit ay para bang may binibigay na kulay asul na liwanag.

Nanlaki ang mga mata ko at napaawang ang labi. Kahit ang dumi ko ata na kanina pa gustong lumabas ay biglang napaatras na.

"Hala gag*, anong nangyari?" Kinusot ko ang mga mata ko dahil baka namamalik-mata lang ako, ngunit nasa harapan ko pa rin 'to.

Lumabas ako sa pintong 'to at muling binuksan, baka sakaling bumalik na 'yong banyo namin, ngunit laking gulat ko nang makita na naman ang daanan na 'to.

"Put*! Nananaginip ba 'ko?" Pinagsasampal ko ang pisngi ko at kinurot pa ito, pero wala talagang pinagbabago.

Hindi ko alam pero parang hinihikayat ako na tahakin ko ang daan na 'to.

Ano bang mayro'n dito? Saan ba papunta ang daanan na 'to? Ano kayang nasa dulo nito?

Naipon ang mga tanong sa isip ko at gusto kong malaman ang mga sagot.

Sinimulan kong ihakbang ang kanan paa ko nang bigla kong maalala ang gintong susi na ginamit ko kanina lang.

Binalikan ko ito at kinuha. Tinago ko 'to sa bulsa ko dahil baka kailanganin ko 'to.

Nagsimula na akong muli sa paglalakad at tuluyan na ngang tinahak ang misteryosong daanan na ito.

Wala naman kakaiba at puro lila na puno lang ang nadadaanan ko.

Babalik na sana ako nang maaninag ko ang nakasisilaw na liwanag sa hindi kalayuan. Tinakbo ko na patungo ro'n dahil sa sobrang pagka-curious.

Napasinghap ako nang bumungad sa'kin ang nagtataasan at makukulay na palasyo at bahay. May mga nagliliparan na maliliit na taong may pakpak, hindi ko alam kung ano ang mga 'to.

Iba't iba rin ang kulay ng mga puno rito at animo'y umiilaw dahil sa sinag ng araw. Ang mga halaman ay may korte at para bang hinulma talaga.

Napukaw ang aking pansin sa mga taong naglalakad dahil sa kanilang mga kasuotan. Ang mga babae ay puro naka-dress na mahahaba abot sa kanilang paa. Marami silang palamuti sa katawan at punong puno ng make up sa mukha. Ang mga lalaki ay hindi ko maintindihan ang mga suot, para silang 'yong mga prinsepe sa mga fairy tales.

Teka lang, oo nga 'no? Para pala akong nasa fairy tale ngayon dahil sa mga nasasaksihan kong 'to. Nananaginip lang ata talaga ako, e.

"Iyon siya!"

"Señorita Ezralaine!"

Napalingon ako sa tinig na aking narinig. May tatlong babaeng papalapit sa'kin, ang dalawa ay mukhang kasing edad ko lang at ang isa ay mukhang nasa 50's na.

Tumatakbo sila habang taas-taas ang suot nilang mahabang saya. Hindi tulad ng sa iba, ang dress ng tatlong 'to ay hindi gano'n kaaya-aya. Mahirap lang siguro ang mga 'to.

"Señorita Ezralaine, kanina pa ho kayo hinahanap nila Señora Azelda at Señor Mozoro," wika ng isang babae habang nakatingin sa'kin.

Wait. Ako ba ang kinakausap ng isang 'to.

Napalingon ako sa likod ko at baka 'yon ang kinakausap niya, pero wala naman tao sa likuran ko.

"Ano ba ang nangyari sa iyong bata ka? Bakit ganyan ang inyong kasuotan?" sabi ng isang babae na mukhang may edad na.

"A-ako ba ang kinakausap niyo?" nalilito kong tanong habang nakaturo pa sa sarili.

Tumango ang tatlong babae sa'kin. "Pero hindi naman Ezra... Ano na nga 'yon? Anong tawag niyo sa'kin?"

"Señorita Ezralaine ho, iyon ang inyong pangalan."

"Halina ho at bumalik na tayo sa inyong mansyon, señorita."

"M-mansyon? Kaninong mansyon?" takang tanong ko. Pinagloloko ata ako ng mga 'to, e.

"Sa inyo ho, señorita. Halina ho kayo, kanina pa ho kayo hinahanap ro'n." Hinawakan niya ako sa kamay at akmang maglalakad na nang higitin ko ang kamay ko.

"Tang*na! Alam ko na 'yan mga ganyan. Mga budol-budol kayo 'no? Sus. Akala niyo mauuto niyo 'ko? Gawain ko rin 'yan uy!" saad ko na may kasamang tawa.

"Ano ho ang ibig niyong sabihin, señorita?"

Muli akong tumawa. "H'wag ako! Iba na lang ang biktimahin niyo, wala naman kayong mapapala sa'kin."

Tumalikod ako sa kanila habang hindi pa rin matigil sa pagtawa, ngunit napahinto ako nang makita ang isang babae na magkasalubong ang mga kilay at napakatalim ng titig sa'kin.

Luh! Problema nito. May regla lang?

"Ezralaine!" nanggagalaiti niyang sigaw habang naglalakad patungo sa kinatatayuan ko.

Napansin ko ang sasakyan sa likuran ng babae at mukhang do'n siya nanggaling. Sa isang puting limousine.

May lumabas din na lalaki mula ro'n. Sa aking palagay ay nasa 40's din 'to gaya ng babaeng nauna.

Pero bakit pamilyar sila sa'kin? Bakit parang may pagkakahawig ako sa kanilang dalawa?

Hindi kaya . . .

"Ezralaine! Nais mo ba talagang ipahiya ang pangalan ng ating pamilya!" bulyaw sa'kin ng babae nang makarating 'to sa harapan ko.

"Señora, señor," pagbati ng tatlong babae sa kanila.

"Pasensya na po sa inyo, pero hindi ako si Ezra─" Hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil bigla akong hinatak ng lalaki na tinatawag nilang señor.

Sinubukan kong magpumiglas ngunit mahigpit ang pagkakahawak niya sa'kin. Kinaladkad niya ako papunta sa sasakyan at pilit na pinapasok.

"Huwag na huwag mong susubukan na dungisan ang ating pangalan dito sa Arazania, Ezralaine!" pagbabanta niya sa'kin.

Hindi ako nakaimik at tila napalunok na lamang. Nakakatakot ang mga titig ng lalaking 'to sa'kin, parang gusto na niya ata ako kainin ng buhay.

Tang*na! Sino ba kasi si Ezralaine? Bakit ba, kanina pa nila ako tinatawag sa pangalan na 'yon?

Ilang minuto lang ang lumipas at hininto na ang sasakyan sa isang napakalaking bahay. Mala-mansyon nga ito gaya ng sabi sa'kin no'ng tatlo kanina.

Hindi ko mapigilan na mapanganga at mapahanga sa ganda nito. Napakalaki ng bahay, ang daming bintana at naglalakihan ang dalawang pinto. May malaking fountain din dito sa gitna at napakalawak ng hardin.

Sumunod lang ako sa kanila papasok sa loob, at mas lalong nanlaki ang mga mata ko.

Napakaluwag sa loob. May dalawang hagdanan sa magkabilang gilid na kulay puti at ginto. May malaking chandelier din sa gitna na talagang umagaw sa atensyon ko. Sobrang kintab din ng marmol nilang tiles.

"Señorita!" saad ng maliit na taong lumilipad. Mukhang nagulat ata 'to nang makita ako.

Nananaginip lang ba talaga ako? Ano ba talaga 'tong lugar na 'to? Bakit may taong maliit na lumilipad?

Tao ba talaga 'to? Tinitigan ko siyang maigi. Ang haba pala ng kaniyang mga tainga.

"Saan ka ba talaga nagtungo, Ezralaine at ang dumi-dumi ng iyong kasuotan? Hindi rin maganda ang iyong amoy," wika ng tinatawag nilang señora.

Napatingin ako bigla sa suot ko sabay amoy sa magkabilaang kili-kili ko.

"Lozina, linisan mo nga ang alaga mong ito! Siguraduhin mo na nakahanda na siya bago sumapit ang alas-sais ng gabi. Huwag mong hahayaan na makatas na naman ito," utos niya sa babaeng may edad na.

"Masusunod, Señora Azelda. Dito ho tayo Señorita Ezralaine." Umakyat kami sa hagdan at tinahak ang pasilyo ng pangalawang palapag.

Hindi ko pa rin maiwasan na mamangha. Ito na ba ang bago kong magiging tahanan? Dito na ba ako titira? Hindi maalis ang saya sa mukha ko.

"Lozina, ako na ang gagawa ng pinag-uutos ni señora. Maaari ka nang makaalis," wika nitong maliit na tao na patuloy na lumilipad sa gilid ko.

"Ngunit Tana, ako ang─"

"Alalahanin mo Lozina, may kapangyarihan ako na maaaring magpadali ng gawaing iyon."

Wala nang nagawa ang matandang babae at tumango na lamang dito saka umalis.

Pumasok kami sa isang silid. Napakaluwag na silid na may kulay pink and white sa buong paligid. Ang laki ng kama, napakaraming damit na nakasabit sa may cabinet, marami rin ang mga alahas, may sariling banyo at may balkonahe pa.

"Bakit ka bumalik dito, señorita?" tanong ni Tana.

"OMG! Ito ba ang magiging kuwarto ko? Dito na talaga ako titira?" sambit ko na may mahabang ngiti. Tumakbo ako papunta sa kama at itinapon ang sarili.

"Señorita, sagutin mo ako."

"Napakasaya naman. Sabihin mo, hindi ako nananaginip 'di ba?" Ginulong gulong ko ang sarili sa malambot na higaan na 'to. Ang sarap matulog dito.

Kinumpas ni Tana ang kaniyang kamay at tinutok sa'kin. Napasinghap ako nang biglang hindi ko na maigalaw ang buong katawan ko.

"A-anong ginawa mo sa'kin na maliit na tao ka!"

"Iyong sagutin muna ang aking katanungan. Bakit ka bumalik dito? Akala ko ba'y nais mong makaalis sa lugar na ito?"

"Tang*na, ano bang pinagsasabi mo? First time ko nga lang makapunta rito tapos tatanungin mo ako kung bakit ako bumalik? Pagalawin mo na 'ko! Kukurutin ko singit mong engkanto ka!"

Napakunot ang noo niya. "Hindi ikaw si Señorita Ezralaine. Ipakita mo ang tunay mong anyo, impostora!"

"Hala gag*. Kayo lang naman ang tumatawag sa'kin ng pangalan na 'yan. Sapilitan niyo nga akong dinala rito."

Magsasalita sana itong muli nang may kumatok sa pinto. "Tana, ipinapatawag ka ni señora ngayon din."

Nataranta si Tana at agad na ikinumpas muli ang kamay. Nakagalaw na ulit ako, ngunit muli niyang ikinumpas ang kaniyang kamay kaya napasalad ako ng mga braso ko.

Laking gulat ko nang makitang nag-iba na ang suot-suot ko. Isang sobrang kintab na dress dahil sa ginto nitong kulay. Tube ang parteng itaas kaya bumungad sa'kin ang cleavage ko. Kahit ang buhok ko ay nakaayos na rin at full make up na rin ako. Ang galing!

Muli niya pang kinumpas ang kamay niya at may lumabas na maraming putahe sa'king harapan. Bigla akong naglaway agad.

"Maaaring galing ka sa mundong pinasukan ni Señorita Ezralaine. Nakita ko na nasa iyo ang susi na ibinigay ko sa kaniya. Ang susi na 'yan ay may hangganan din. Dalawampu't apat lamang ang kayang itagal niyan at matapos no'n ay hindi na ito gagana pang muli, kaya isipin mong mabuti kung gugustuhin mo bang manatili sa mundong ito o bumalik na ngayon sa iyong mundo bago pa maubos ang iyong oras," mahaba niyang paliwanag saka umalis sa kuwartong 'to.

"Tang*na! Kung ganito ba naman karami ang pagkain dito, edi dito na ako titira!" saad ko sa sarili ko sabay lamutak sa mga pagkain na nasa harapan.

Ngayon lang ako nakakain ng mga ganitong klaseng pagkain. Hindi ko alam kung ano bang tawag sa mga 'to, basta ang alam ko lang ay masarap lahat!

Sana nandito rin si Ming para natitikman niya ang lahat ng 'to.

Ang galing naman ni Tana, isang kumpas niya lang lalabas na ang lahat ng 'to. P'wede ko kayang ampunin ang nilalang na 'yon.

"Ezralaine!"

"Ay put*ngina mong hayop ka!" Napasalampak ako sa sahig dahil sa sobrang gulat nang biglang lumabas sa harapan ko ang lalaking 'to.

"Ezralaine," sambit niyang muli saka yinakap ako nang mahigpit.

Tinulak ko siya agad at tinadyakan. "Manyakis ang put*! Sino ka ba? Sa'n ka galing, bakit bigla ka na lang sumulpot d'yan? Ano, may powers ka rin?"

"Ako ito, si Hezirre. Narito ako upang itakas ka. Hindi ko hahayaan na ikaw ay ipakasal nila sa ating hari," wika niya na may namumungay na mga mata.

Gwapo sana ang isang 'to dahil sa matangos niyang ilong at nakakaakit na labi, pero tingin ko ay hindi siya mayaman dahil sa simpleng pananamit nito at sa kaniyang kutis.

"Sandali lang ha. Hindi ko alam 'yan mga sinasabi mo at wala akong pakialam. H'wag mo 'kong istorbohin dahil kumakain ako."

Tumayo ako at bumalik sa lamesa na punong puno ng pagkain. Naramdaman kong hindi pa rin umalis ang lalaking 'to.

"Ezralaine, ano ba ang sinasabi mo riyan? Iyong nakalimutan na ba ang pangako natin sa isa't isa? Na gagawin natin ang lahat, huwag lang nila tayong ipaglayo?"

Muntik na akong mabilaukan dahil sa sinabi niya. Pero hindi ko na lang ulit ito pinansin at nagpatuloy lang sa pagkain. Bahala na siya d'yan!

"Halika na at tumakas na tayo rito bago pa sumapit ang alas-sais." Hinawakan niya ako sa kamay ko ngunit agad ko rin itong binawi.

"Ano ba! Sabing h'wag mo kong guluhin at kumakain ako, baka gusto mong ikaw ang kainin ko r'yan!"

Napayuko siya bago muling tumingin sa'kin. "Hindi mo na ba ako nais na makasama, Ezralaine? Hahayaan mo na lamang ba na ikaw ay maikasal sa hari? Ganoon ba?" malungkot niyang wika. Nakita ko rin ang pangingilid ng mga luha niya.

Kung hindi ako nagkakamali, jowa siguro 'to ni Ezralaine. Sana all may jowa.

Nang matapos akong kumain ay saka ko lang kinausap ang romantikong lalaking 'to.

"Sino bang hari ang sinasabi mo? At ipapakasal ako? Ako mismo?" sambit ko habang nagtitinga pa gamit ang hintuturo ko.

"Si Haring Erozoldo, ang hari ng Arazania. Nais kang ipakasal ng mga magulang mo rito para sa kanilang pangalan at yaman."

"Edi mabuti 'yon, para dumami pa ang mga gintong alahas na 'to," tugon ko habang hawak-hawak na ang mga alahas na narito sa kuwartong 'to. Palihim din akong nagtago ng ilan. Wala e. Mabilis si kamay at nama-magnet talaga.

"Ngunit nagmamahalan tayo, Ezralaine. Ayaw kong ilayo ka nila sa akin." Mangiyak-ngiyak na talaga ang lalaking 'to. Parang ang sarap pang asarin.

"Bahala ka. Hindi ako sasama sa'yo. Mas mayaman sa'yo ang hari. Hindi mo naman ako mapapakain nang ganito karami," pang-aasar ako.

Napahawak siya sa may dibdib niya sa bandang parte ng puso, at kinusot ang damit habang nakayuko.

Mukhang tanga lang. Drama-drama pa 'tong lalaking 'to. Walang forever uy!

"Hindi ko inaasahan ang mabilis na pagbabago ng isip mo, Ezralaine. Ngunit tama ka, ano nga ba ang aking laban sa ating mahal na hari."

"Luh! OA lang? Alam mo... Ano na nga ulit pangalan mo─ Ah basta 'yon. Hindi naman totoo ang lahat ng 'to, e. Hindi ba panaginip lang 'to? Imposible naman na may ganito talagang mundo sa totoong buhay. May mga powers, may maliliit na tao, may hari, lahat! Kaya h'wag kang mag-alala. Mahal ka no'n," wika ko sabay tawa nang malakas.

Muli sana akong magsasalita nang mapukaw ang aking tingin sa isang picture frame na naka-display. Nilapitan ko ito at tinitigan.

Ako 'to no'ng bata pa. Katabi ko ang tinatawag nilang señora at señor. Tunay ngang hindi nalalayo ang itsura ko sa kanila.

Pero paanong nagkaroon ako ng litrato rito? At noong bata pa ako. Sila rin kaya ang mga magulang ko?

Never ko kasing nakita ang tunay kong mga magulang dahil ibang tao ang nagpalaki sa'kin na kinalaunan ay pinabayaan din ako sa lansangan.

Pero ang ibig sabihin ba nito ay dalawa talaga ang mundo? Na may dalawang ako? Na nagkaiba lang sa estado sa buhay?

Kung gano'n ay mas lalo ko nang gugustuhin tumira rito dahil nandito ang tunay kong pamilya.

May kumatok nang muli sa pintuan at pinapatawag na ako. Wala nang nagawa si Hezirre at malungkot na umalis na lamang.

Inayusan nila akong muli at mas lalong pinaganda. Hinanda na rin ang lahat dahil ilang minuto na lang ay gaganapin na ang nasabing kasal.

Hindi ko alam kung sino ba ang hari na sinasabi nila, kung ito ay bata pa ba dahil bakit bata ang papakasalan niya. Bente uno pa lang ako, pero bahala na. Ang importante ay makakasama ko na ang tunay kong pamilya at hindi na rin ako maghihirap pang muli.

"Ikinagagalak ko anak na bukal na sa puso mo ang magpakasal sa ating hari," masayang wika ng tunay kong ina.

Ngunit bakit parang ang mga ngiti na 'yan ay hindi saya para sa akin. Bakit nararamdaman ko na ang sayang namumuo sa kanila ay para sa kanilang sarili lamang.

"Sana anak ay maging mabuti ka sa tahanan ng hari. Dadalawin ka naman namin doon ng iyong mahal na ama."

Nagpantig ang tainga ko dahil sa narinig. Ibig sabihin sa palasyo ako maninirahan? Hindi sa puder ng mga magulang ko? Para saan pa't mananatili ako sa lugar na 'to?

Hindi ko kailangan ng yaman nila kung ang makakasama ko sa panghabang buhay ay taong hindi ko naman mahal at hindi ko kilala.

Parang nadurog ang puso ko kaya napahawak din ako sa dibdib ko gaya ng ginawa ni Hezirre kanina.

Gusto kong tumakas ngayon gaya ng ginawa ni Ezralaine, ngunit mukhang huli na ang lahat dahil dadalhin na nila ako sa palasyo ngayon.

Hindi na ako makaimik at gustong gusto nang bumuhos ng mga luha ko ngayon.

Ano ba 'tong pinasok mo Efaye? Marami ang pumigil sa'yo pero hindi ka man lang nakinig sa kahit sino.

Narito na ako ngayon at naglalakad patungo sa kinaroroonan ng hari. Hindi ko na napigilan at tuluyan nang bumuhos ang aking mga luha.

Nasilayan ko na ang itsura ng hari. Puti na ang buhok nito gano'n din sa mahaba niyang balbas. May pagkakulubot na ang balat niya dahil sa katandaan. Masayang nakatitig siya sa akin ngayon.

Nangatog lalo ang mga tuhod ko at wala nang lakas na lumapit pa sa kaniya. Lumingon ako sa kinatatayuan ng mga magulang ko at nakita ang saya sa mukha nila. Masaya sila kahit alam nilang hindi masaya ang anak nila.

Sa sama ng loob ko ay hindi ko na nakayanan pa, kaya tumakbo na ako at hindi na tumuloy sa kasalan na 'yon.

Tumakbo ako ngunit hindi ko alam kung saan ako lalabas sa luwag ba naman ng palasyo na 'to.

Bawat liko ko sa pasilyo ay may sasalubong sa'kin na guwardya. Pinaghahabol na ako ng lahat! Saan na ako pupunta?

Tuloy-tuloy lang ang buhos ng luha ko kasabay ng hindi matigil na pagkabog ng dibdib ko, lalo na nang mataranta na ako kung saan ako lalabas.

Hanggang sa biglang may dumamping kamay sa braso ko at hinigit ako papasok sa isang makipot na silid.

Sisigaw sana ako ngunit naunahan nitong takpan ang aking bibig. Nanlaki ang mga mata ko.

Si Hezirre.

Nakatingala siya nang bahagya dahil halos madikit na ang labi niya sa noo ko sa sobrang dikit ng katawan namin sa isa't isa. May katangkaran kasi ito.

Kung bakit ba naman ang sikip dito. Bigla tuloy akong namula dahil sa puwesto namin ngayon.

"Silipin ninyo ang silid na iyan," isang tinig mula sa labas. Marahil ay ang mga guwardya na humahabol sa'kin.

Nakita ko ang anino ng isang nilalang na tumapat sa silid na kinaroroonan namin ni Hezirre.

Bubuksan na ata nila ang silid na 'to. Hindi p'wede!

Bigla kong naalala ang gintong susi. Tama! P'wede ko 'tong magamit pabalik sa mundo ko.

Bago pa man mabuksan ng mga guwardya ang pintong 'to ay inunahan ko na sila. Nilusot ko ang gintong susi sa doorknob ng pinto na 'to sabay mabilis na pinihit at binuksan.

"Ano ang iyong ginaga─" reklamo ni Hezirre ngunit hindi niya natuloy nang makita ang kakaibang daan sa likod ng pintong 'to.

Nakikita ko na naman ngayon ang misteryosong daanan, at maaaring ang nasa dulo nito ngayon ay pabalik na sa mundo ko.

Hinawakan ko ang kamay ni Hezirre at sabay naming tinahak ang daan.

"A-ano ang nangyari, Ezralaine? Nasaan na tayo?" takang tanong niya nang makapasok kami rito sa mundo ko.

Malalim na buntong hininga muna ang pinakawalan ko. Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib.

Napaubo bigla si Hezirre. "Ang usok. Ano ba ang lugar na ito?" wika niya habang patuloy na umuubo.

Nasa tabi kasi kami ngayon ng kalsada kung saan marami ang sasakyan na dumaraan at nagbubuga ng kani-kanilang usok.

"Ganyan talaga rito sa mundo ko, Hezirre. Ako nga pala si Efaye," masayang wika ko sa kaniya sabay lahad ng aking kamay.

"A-ano ba ang pinagsasabi mo riyan?" hinawakan niya lang ang nakalahad kong kamay at pinagsiklop ito imbis na makipag-shake hands.

Ipinaliwanag kong mabuti kay Hezirre ang lahat-lahat, kahit na nag-aalangan siyang maniwala sa'kin dahil napakaimposible naman talaga.

Pero dahil narito na ang pruweba sa harapan niya ay napilitan na rin siyang maniwala. At ngayon, handa raw siyang suyuin ang mundong ito para lang mahanap ang Ezralaine niya.

Nandito nga ba talaga si Ezralaine sa mundo ko?

Nanguha ako ng sinampay sa isang bahay para makapagpalit kami ng damit ni Hezirre. Pinagtitinginan kasi kami ng lahat ng tao dahil sa mga suot namin, lalo na ang akin na parang umiilaw dahil sa araw.

Nilagay ko muna sa isang plastic ang dress kong 'to. Sayang din 'to, pwede ko 'tong mabenta.

Inabot kami ng gabi kakahanap kay Ezralaine. Hindi kami tumitigil dahil kailangan na nilang makabalik sa mundo nila bago pa man maubos ang oras ng gintong susi.

Lahat ng kalsada na pinupwestuhan ko para magnakaw ay pinuntahan na namin ngunit hindi pa rin namin siya makita.

Isa na lang ang hindi ko magawang puntahan ngayon, ang kuta namin. Natatakot at kinakabahan ako na baka may makakita sa'min, at magtaka kung bakit dalawa ako.

Ngunit wala na atang ibang choice at kailangan talagang puntahan ito.

Napagdesisyunan ko na sa likod na pinto kami pumasok, para wala masyadong makakita sa amin.

Habang tinatahak papunta ro'n ay sumalubong sa'kin si Ming. Laglag ang panga niyang nakatitig sa akin.

Agad ko siyang niyakap dahil na-miss ko siya nang sobra.

"A-Ate Efaye? P-paanong nandito ka na? E, iniwan lang kita ro'n sa likod para kumuha ng makakain natin . . . At ang suot mo, bakit nag-iba agad? At sino siya?" sunod-sunod na tanong sa'kin ni Ming.

Marahil ay kasama niya si Ezralaine ngayon kaya nagtataka ito nang makita ako. Nagkatinginan kami ni Hezirre.

"Nasa'n siya Ming?" tanong ko at dumiretso papunta sa likod. Sumunod lang ang dalawa sa'kin.

"Sinong siya, ate?" Bahala na kung maguluhan si Ming sa makikita niya. At least si Ming lang ang makakakita ng kaganapan na 'to.

"Ezralaine..." mangiyak-ngiyak na salubong ni Hezirre sa kaniyang kasintahan pagkakita rito.

"Hezirre!" Agad nilang niyakap nang mahigpit ang isa't isa.

At ang batang katabi kong 'to ay tila hindi makapaniwala sa nasasaksihan niya ngayon. Nanatiling nakaawang lang ang bibig niya. Natatawa na lang ako.

"Patawarin mo ako kung tumakas ako ng walang pahintulot mo. Kung hindi kita nasabihan sa desisyon kong ito. Patawad Hezirre," pagdadrama ni Ezralaine.

Bagay nga sila, parehas madrama.

Tinitigan kong maigi si Ezralaine at kamukhang kamukha ko nga 'to. Nakaka-amze lang. Mas lamang nga lang siya ng dalawang ligo sa'kin. Ang kinis, e.

"Efaye! Nasa'n ka?" si boss. Tinig 'yon ni boss at mukhang papunta siya ngayon dito.

Hindi niya kami p'wedeng maabutan na ganito. Nataranta ako at nakita ang pinto rito.

Naisip kong gamitin muli ang gintong susi. Agad ko 'tong ipinambukas sa pinto at effective pa rin siya, bumungad muli sa'kin ang daanan.

Hinatak ko pati si Ming at pumasok kaming apat do'n saka sinara ang pinto. Mas lalong nalaglag ang panga ni Ming sa mga nakikita ngayon.

"A-Ate Efaye? N-naginip ba ako?" hindi makapaniwalang tanong ni Ming habang palinga-linga sa paligid dito sa misteryosong daan.

"Alam kong nagtataka ka Ming. Mamaya ko na lang ipaliliwanag ang lahat sa'yo ha."

"Pinasasalamatan kita nang lubos, Efaye dahil tinulungan mo akong maibalik si Ezralaine. Malaki ang aking utang na loob ko sa iyo," madramang wika ni Hezirre. Ito na naman siya sa kadramahan niya.

"Ganoon din ako, Efaye. Salamat dahil naging totoo ka at tinulungan mo si Hezirre sa paghahanap sa akin," ani Ezralaine. "Akin napagtanto na hindi ko dapat tinakbuhan nang ganoon ang aking problema. Isang malaking kalapastanganan din na pumasok ako sa inyong mundo, ipagpaumanhin mo ang nagawa ko, Efaye," dagdag pa niya.

Niyakap ko siya at pinatahan, patuloy lang kasi sa pagtulo ang mga luha niya.

Nagulat kami nang dumating si Tana. Halos mahimatay si Ming nang makita niya ito sa sobrang pagtataka.

Nakapag-usap-usap na ang lahat at napagdesisyunan na babalik na sila Hezirre at Ezralaine sa kanilang mundo at magkasamang haharapin ang kanilang problema.

Samantalang kami ni Ming ay babalik na rin sa aming mundo, ngunit bago pa man 'yon ay humingi ako ng pabor kay Tana.

"Tana, kung p'wede sana na pagkabukas ko ng pintong 'to ay nasa ibang parte na kami ng Pilipinas. Ayaw ko nang bumalik sa siyudad," pagsusumamo ko rito.

Tumango si Tana at kinumpas ang kaniyang kamay sa pinto na papasukan namin ni Ming.

Muli akong nagpasalamat sa kanilang tatlo bago tuluyang pumasok sa pintong 'to.

Magkahawak ang kamay namin ni Ming na napunta sa ibang lugar. Pareho naming nilibot ang tingin sa buong paligid.

Nasa gitna kami ng kalsada sa isang pa-zigzag na daanan. Matatanaw din mula rito ang maraming puno sa ibaba.

Ibig sabihin nasa kabundukan kami? Put*ngina!

"Ate!" malakas na sigaw ni Ming nang makita ang paparating na truck patungo sa kinatatayuan namin.

Hinarang ko ang likod ko at niyakap nang mahigpit si Ming.

Malakas na bumusina ang sasakyan.

"Diyos ko! Ayos lang ba kayo?"

"Anong ginagawa niyo sa gitna ng daan? Nasaktan ba kayo?"

Dahan-dahan akong lumingon nang marinig ang mga tinig na 'yon. Nakita ko ang isang lalaki at babae. Mukha silang mag-asawa. Parehong nag-aalala ang kanilang mata.

Buhay kami ni Ming.

At ang babaeng ito ay kahawig ni Lozina, 'yong may edad na, na nag-aalaga kay Ezralaine.

Magmula no'n ay kinupkop na nila kami nang malaman na wala kaming matutuluyan. Pinatuloy nila kami sa bahay nila at tinuring na isang tunay na pamilya.

Mahigit isang taon ang nakalipas.

"Ngayon na ang uwi ng anak namin. Sigurado akong makakasundo niyo siya," masayang wika ni Nanay Maria.

"Nandiyan na siya," ani Tatay Domeng nang matanaw ang pinakahihintay nilang anak. Nag-aral kasi ito sa Maynila at ngayon lang nakauwi.

Lumabas din kami ni Ming upang salubungin ito.

Halos tumalon ang puso ko nang makita ang isang pamilyar na mukha . . .

"Nay, Tay!" salubong niya sa kaniyang mga magulang at niyakap ito.

"Hello, kuya. Ako po si Ming."

"Totoo ngang napaka-cute mong bata."

"H-Hezirre?" Hindi ko alam kong bakit tinawag ko siya sa pangalan na 'yon.

"Harry ang pangalan niya, Efaye," ani Tatay. "Siya nga pala, Harry, si Efaye ang sinasabi namin ng 'yong Nanay na gusto namin maging manugang," dagdag nito dahilan para magtawanan silang lahat.

Hindi ko akalain na kung sino ang nasa paligid ni Ezralaine sa kaniyang mundo ay kapareho rin pala ng akin.

Kahit na nakagisnan ko ang masasamang gawain gaya ng pagnanakaw, pagsisinungaling at panloloko. Nagawa ko pa rin magbago at mamuhay ng simple kasama ang pamilya ni Harry, bilang bagong ako.

Ipinaramdam nila sa'kin ang tunay na pagmamahal ng isang pamilya, at ang pakiramdam ng may maalaga, mabait, mapagmahal at gwapong kasintahan.

Kung si Ezralaine ay may Hezirre, mayroon naman akong Harry.

May forever na, uy!

The End

₪₪₪₪₪₪₪

Author's Note: Maraming salamat sa pagbabasa sa One Shot story kong ito. Sana ay nagustuhan niyo po ito nang husto. 😊💖

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top