UNANG KABANATA

"Narito po tayo ngayon sa Plenary Hall ng Batasang Pambansa Complex dito po sa Batasan Hills, Quezon City para magkaroon ng Live Coverage tungkol sa kauna-unahang SONA ng ating bagong pangulo," sabi ng isang reporter matapos ang panimulang talumpati.

"Bago ang lahat ay nais ko sanang sabihin sa lahat na nagpapaslamat ako sa lahat ng narito ngayon para masaksihan ang aking kauna-unahang talumpati para sa mas ikakaunlad pa lalo ng ating bansa na tiyak kong marami sa inyo ay labis na ikagugulat," wika ni President Frederigo Olivarez.

Nabalot naman ng malakas na palakpakan ang buong kongreso na siya namang nagbigay ng ngiti sa bagong Pangulo.
Nahahati ang buong Plenary Hall sa grupo ng mga kababaihan at kalalakihan kung saan sila ay magkahiwalay ng puwesto. Sa gawing kaliwa ay ang mga kababaihan at sa gawing kanan naman nakapuwesto ang mga kalalakihan samantala ang mga nasa katungkulan naman ay sa gitna.

"Nais kong ipabatid ang aking adhikain kung saan ang mga lalake ay mas bibigyang karapatan para sa lahat. Bilang isang haligi, tayong mga lalake lamang ang may kakayahang magbigay ng pundasyon sa ating mga nasasakupan. Kung kaya't ang mga kababaihan ay napagpasyahan kong ibukod batay sa kanilang nararapat na kalagyan," mahabang wika ng Pangulo.

Dahil doon ay nagsimula naman ang bulung-bulungan sa buong Plenary Hall. Ang iba ay sumasang-ayon at karamihan ay nagkakaroon ng pagtutol lalo na sa parte ng mga kababaihan.

Sa kabilang banda naman ay abala ang buong bansa sa panonood ng SONA sa kani-kanilang mga telebisyon, walang kaalam-alam sa tunay na adhikain at hangarin ng Pangulo.

"Upang mas mapalawig pa at mapaunlad ang ating bansa, ngayong araw na ito ipapatupad ang pagbubukod sa mga kababaihan at kalalakihan. Kung saan ang mga kalalakihan ay bibigyan ng prayoridad at ang mga kababaihan ay..." saglit na tumigil ang pangulo sa sasabihin at ngumiti kung kaya't mas lalong lumakas ang bulung-bulungan sa loob ng hall.

"...ipapapatay." Kaagad nagsulputan ang mga pulis at sundalong lalake at nagsimulang magpaputok ng baril sa kaliwang parte ng hall kung saan naroon nakapuwesto ang mga kababaihan.

Napuno ang buong hall ng hiyawan at ingay mula sa mga kababaihang ang nais lamang ay makaalis sa lugar na iyon. Ang lahat ay nagkakagulo at nagtatakbuhan patungong labasan subalit sadyang tuso ang pangulo upang hayaan lang silang makatakas kung kaya ang lahat ng maaaring lagusan palabas ay hinarangan niya upang siguraduhing walang makakaligtas. Dahil sa kawalang pag-asa ang ilan sa mga kababaihan ay minamabuti na lang na hayaan silang patayin at ang ilan naman sa mga kalalakihan ay nanahimik na lang upang mapanatili silang buhay.

"Siguraduhing walang babaeng matitirang buhay. Simula sanggol hanggang sa matanda," matigas na utos ng pangulo.

Ang mga nasa katungkulan kahit na gustuhing umalma ay wala ring nagawa. Hindi nila alam kung anong naging daan para mapasunod ng pangulo ang mga sundalo at kapulisan. Kung sabagay, ang ilan sa mga senador ay ganoon na lang din ang pagtangkilik sa kagustuhan ng pangulo. Para sa kanila ay makakabuti raw iyon sa bansa. Bukod sa mababawasan ang populasyon ay mawawala na ang mahihinang nilalang sa bansa na dahilan ng unti-unting pagbagsak ng ekonomiya. Masyado raw maawain ang mga babae dahilan kung kaya sila ay mabilis naloloko at napapasunod pagdating sa negosyo. Kung tutuusin tama lang daw na mawala na sila sa bansa para magkaroon ng pagkakapantay-pantay.

Sa tulong naman ng media ay kaagad nakarating sa iba't ibang sulok ng bansa ang masamang hangarin ng pangulo. Ngunit hindi iyon naging hadlang para hindi matuloy lahat ng binabalak ng pangulo dahil sa oras na nagsimula ang SONA ay siya ring simula ng pagpapakalat niya ng mga sundalo sa iba't ibang lungsod at bayan upang siyang pumatay sa lahat ng kababaihang naroon. Ang iba pa ngang bayan, kung saan nakararami ang mga babae ay kanilang pinapasabog na lamang upang mas mapadali ang kanilang trabaho.

Sa isang eskwelahan ay masayang nagtuturo ang gurong si Roana ng makarating sa kanya ang masamang balita tungkol sa SONA na nabasa niya mula sa kanyang facebook account. Narinig nila ang sunud-sunod na putok ng baril kaya naman kaagad nagsitakbuhan ang kaniyang mga lalakeng estudyante palabas ng silid kung kaya't kaagad niyang tinipon ang mga estudyante niyang babae at itinago sa isang silid kung saan marami na ang nakahandusay na patay. May ilang estuyante ang nakahiga na roon at wala ng buhay ganoon din ang guro. Sakto naman ang pagdating ng mga armadong sundalo at kaagad inisa-isa ang bawat silid upang siguraduhing wala ng buhay na babae ang naroon. Lahat ng bata ay nagsimula ng umiyak kung kaya ay pinakalma ito ni Roana at pinilit na makinig sa kanya. Ilang sandali pa ay ang malakas na paglagabog ng pintuan ang dumagundong sa kabuuan ng silid.

"Wala ng buhay dito. Maaari na tayong umalis at magtungo sa susunod na bayan," wika ng isa sa mga sundalo.

Ilang minuto lang ang lumipas bago nasigurado na ligtas na ang lugar na iyon. Kinuha ni Roana ang kaniyang cellphone subalit wala itong signal kaya minabuti na lamang niyang manatili sa lugar na iyon kasama ng ilan niyang eatudyante.

"Huwag kayong matakot, poprotektahan ko kayo," sabi niya sa kaniyang mga estudyante upang mapalakas ang loob ng mga ito.

"Ma'am, natatakot po ako," sabi ng isa sa kaniyang estudyante. Niyakap niya na lamang ito pati ang iba pa para kahit paano ay mapabuti ang pakiramdam ng mga ito.

Sa ngayon ay lubos na nangangamba pa rin si Roana lalo na at hindi niya tiyak kung may mga buhay pa bang kagaya nila sa oras na iyon. Paano sila magpapatuloy kung wala silang pagkain man lang. Hindi niya naman magawang iwan sandali ang mga alaga niyang estudyante dahil nangangamba siyang baka pagbalik niya ay wala na ang mga ito. Minabuti na lamang niyang maghintay na lang ng tulong kung saan hindi rin siya sigurado kung mayroon bang darating.

Kinabukasan, nakarinig si Roana ng mga lagabog mula sa labas na siyang naging dahilan upang siya'y kabahan kaya kaagad niyang ginising ang kaniyang mga estudyante at bigla namang bukas ng pintuan kaya ganoon na lang ang pagdarasal nila at pagtangis ng mga bata upang sila ay mabuhay. Nakatakip ang mukha ng mga pumasok, tanging mata lamang ang nakalabas sa mga ito. Ang ilan ay may dalang mga baril at ang ilan naman ay nakasuot pang-sundalo rin.

"Maawa kayo sa mga bata. Wala silang kamalay-malay sa mga nangyayari," pagmamakaawa niya. Bigla namang tinanggal nito ang suot na takip sa mukha, dahil doon ay nabawasan ang takot ni Roana sa mga sandaling iyon. Doon niya napagtanto na hindi ito mga kaaway kundi maaari pang magligtas sa kanila.

"Sumama na kayo sa amin. Hindi kayo ligtas rito," sabi ng babae bago sila inalalayan ng mga kasamahan nito at nagsimulang sumakay sa isang truck papunta sa kung saan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top