Panimula

Kung kaya ko mahulaan kung paano ako mamamatay, hindi ko kailan man maiisip na magtatapos ang buhay ko habang sugatang nakahandusay sa gitna ng isang parke, mag-isa sa kalagitnaan ng gabi.

Pero heto ako ngayon. Walang magawa. Nakahiga sa malamig na kadiliman at tahimik na hinihintay ang aking katapusan.

"Pakiusap, sabihin mo sa akin na maliligtas siya," sabi ni Hiraya, isa sa tatlong misteryosong nilalang na nakilala ko ngayong gabi. May lungkot sa matamis niyang tinig habang nakatitig sa akin, bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala.

"Malubha ang tinamo niyang pinsala. Halos lahat ng laman-loob niya ay nawasak sa huling atake. Hindi ko alam kung paano pa siya humihinga," sagot ni Mayari, na ang isang mata ay kumikislap ng mapusyaw na pula.

Ngayong gabi ko lang sila nakilala, pero binago na nila ang buhay ko sa paraang hindi ko inaasahan. Mabait sa akin si Hiraya, pero hindi ko masabi ang pareho para kay Mayari. Malinaw ang paghamak sa kanyang mga tingin. Pero ngayon, habang pinagmamasdan ko siya, parang may nakita akong kakaiba—para bang naaawa siya sa akin. Siguro nga mali ang una kong pagtingin sa kanya. Baka hindi siya kasing lupit ng inakala ko.

Bago ang gabing ito, isa lang akong normal na kinse anyos na tahimik na namumuhay sa isang malawak at makabagong lungsod. Kaya ko sanang makuntento sa ganung klase ng buhay. Pero ngayon, hindi ko maiwasang isipin na kung ibang desisyon kaya ang ginawa ko, iba rin kaya ang kahihinatnan?

Maya-maya, sumali sa usapan ang isang pamilyar na boses—siya ang paulit-ulit na nagbabala sa akin na tumakbo at umalis. Pero hindi ko siya pinakinggan. Sa halip, pinili kong harapin ang kapahamakan. Siya si Rajah.

"Naiintindihan ko ang nararamdaman mo, Hiraya, pero hindi 'yan ang dahilan kung bakit tayo nandito. Kailangan lang nating ibalik si Lakan sa Anarkiya, at tapos na ang misyon natin," sabi niya.

Tahimik na tumango sina Hiraya at Mayari, mabigat ang mga mukha, wari'y may pag-aalangan sa desisyong nabubuo sa kanilang isipan. Ngunit wala silang magagawa.

Pagkatapos ng ilang saglit, unti-unti silang naglakad palayo. Nag-iisa akong naiwan sa gitna ng dilim, linisan ng tatlong estranghero na may suot na mga kakaiba at sinaunang kasuotan. Kasama nila ang halimaw na nagdala ng lahat ng sakit at hirap sa akin—ang mabangis na Bakunawa.

Gusto kong sumigaw. Gusto kong ilabas ang lahat ng galit at panghihinayang sa dibdib ko. Pero ang kaya ko lang gawin ay umubo ng dugo.

Tumingala ako sa langit, ngunit wala akong natanaw kundi kadiliman. Para bang pati ang buwan, iniiwasang makita ako sa aking huling sandali. Ni isang patak ng liwanag ay hindi man lang niya kayang ipagkaloob.

Sabi nga sa mga kuwento, hindi lumiliwanag ang buwan para sa mga taong pumanaw na—mga taong hindi na nabibilang sa mundong ito.

Totoo pala. Kapag nalalapit na ang iyong kamatayan, nararamdaman ito ng buwan. Ipinagkakait nito ang kanyang liwanag.

Masakit, pero iyon ang katotohanan.

Pumikit ako habang nilalasap ang malamig na ulan na bumabagsak sa sugatan kong katawan. Habang hinihintay ko ang aking huling hininga, bumalik lahat sa isip ko—lahat ng maling desisyon ko ngayong gabi na nagtulak sa akin sa ganitong kalagayan.

Kung ibang landas ang pinili ko, magiging iba kaya ang lahat?

Kung nanatili akong takot at tumakbo palayo, mabubuhay pa rin kaya ako ngayon?

Pero... ano ba talaga ang ibig sabihin ng mabuhay? Kung puro takot at pag-iwas lang ang ginawa ko, masasabi ko pa bang nabuhay ako nang totoo?

Naglalakbay ang isip ko nang biglang marinig ko sa aking gunita ang boses ni Mayari—isang mahinang pamamaalam.

"Gabayan ka nawa ng mga Anito."

Kasabay ng kanyang mga salitang parang panaginip na unti-unting nawawala, at ng ulan na dahan-dahang dumadantay sa aking katawan, tuluyan akong nilamon ng dilim.

At sa isang iglap, bumalik ako sa mga huling sandali ng aking mapayapang buhay bilang isang simpleng high school student.

Bumalik ako kung saan nagsimula ang lahat.

Bumalik ako sa huling oras ng aking nauupos na buhay.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top