Kabanata 8
Tumakbo ako na may bigat sa dibdib. Ang malamig na hangin ay tumama sa balat ko, pinawi ang mga luha sa pisngi ko. Namamanhid na ang mga binti ko, pero hindi na iyon mahalaga. Parang mababali na ang mga buto ko sa bawat hakbang, pero hindi ako tumigil. Pakiramdam ko ay sasabog ang dibdib ko sa bawat paghinga, pero kailangan kong magpatuloy.
Wala na akong takot. Nawalan na rin ng puwang ang pagod—parang binura ng lamig. Wala nang natira sa akin kundi ang kahungkagan.
Gusto kong kumbinsihin ang sarili ko na isang masamang panaginip lang ang lahat. Na gigisingin ako ni Kuya kahit anong oras ngayon. Na pagbukas ko ng mata, nandoon siya—ibibigay ang katiwasayan na matagal ko nang inaasam. Pero matapos ang lahat ng nangyari sa parke kanina, alam kong ako'y umaasa lang sa wala.
Taksil! Duwag! Makasarili! Umalingawngaw sa isipan ko ang mga salitang iyon—mabagsik, walang habag.
Gusto kong sumigaw para mailabas ang lahat ng kirot, pero parang nakalimutan na ng lalamunan ko kung paano gumawa ng tunog.
Kalaunan, sumuko na rin ang katawan kong pagod sa matinding panghihina. Nadapa ako sa isang mababaw na baha ng ulan. Bumaon ang sakit sa tuhod ko't mga braso nang bumagsak ako sa basang semento. Nakadapa ako, nakatingin sa basang kalsada. Hinayaan kong lamunin ako ng lamig ng tubig-ulan at ng magaspang na semento.
Pakiramdam ko'y wala akong silbi. Ganito rin ang pakiramdam ko noong namatay sina Mama at Papa. At ngayon, naulit lang ang parehong bangungot, pero ang mas masakit ay wala akong magawa kundi hintayin lang itong mangyari.
Sa unang pagkakataon, kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging ordinaryo. Sa sandaling iyon, ninais kong sana'y iba na lang ako—isang nilalang na may lakas upang ipaglaban ang mga taong mahal ko.
Galit na galit ako sa pagiging walang kwenta ko, sa pagiging duwag na tumatakbo palayo sa panganib.
Gusto kong murahin ang sarili ko sa pagiging mahina.
At sa pag-iisip na iyon, sa wakas ay nakaalpas ang isang sigaw—malakas, paos, at puno ng pighati. Napaluhod ako, humagulgol habang binugbog ko ang sahig sa matinding hinagpis.
"Maki, tahan na. Magiging ayos din ang lahat. Nandito lang ako palagi para protektahan ka. Pangako 'yan."
Napahinto ako. Sa isip ko, narinig ko ang boses ni Kuya noong sampung taong gulang pa lamang siya. Naalala ko kung paano niya ako pinilit patahanin noong libing nina Mama at Papa—ang batang isinakripisyo ang pagkabata at mabilis na tumanda, para sa kapatid niyang walang magawa kundi umiyak. Ang batang ibinigay ang lahat, maibsan lang ang lungkot ng kapatid niyang makasarili. At ngayon, heto ako—nagtatago, tumatakbo palayo, habang siya'y nakikipaglaban mag-isa.
Sa ilalim ng banayad ngunit tila mapagkunwaring liwanag ng buwan, tiningnan ko ang repleksyon ko sa maduming tubig. Tinitigan ko ito at pinunasan ang mga luha sa mukha ko. At saka ako tumayo, hawak nang mahigpit ang paborito kong sandata.
Ako naman ang magliligtas sa kanya ngayon!
Alam kong pabigla-bigla ang desisyon ko, pero ngayon lang ako naging ganito kadeterminado. Babalikan ko si Kuya. Hindi na ako tatakbo pa.
Isa lang ang nasa isip ko—mas pipiliin kong mamatay kasama siya kaysa mabuhay mag-isa sa mundong puno ng lungkot at pagsisisi.
May bahagi ng sarili ko ang nagtatanong kung isa ba itong walang saysay na desisyon, pero sa kaibuturan ko, alam kong ito ang tama. Wala na akong ibang pagpipilian kundi ang bumalik.
Ngayon, hindi ko na hahayaang akuin ni Kuya ang lahat ng pasanin. Tatayo din ako nang matatag. Panahon na para bitawan ang mahina at duwag na si Makisig Kagiwa. Isang mas matatag at matapang na bersyon ang isisilang ngayong gabi, at gagawin ko ang lahat para itama ang mali ko.
Baon ang bagong tibay ng loob, tumakbo ako pabalik sa parkeng pinangyarihan ng lahat—determinadong iligtas ang kapatid ko. Alam kong hindi siya matutuwa kapag nakita niya ulit ako, pero hindi na iyon mahalaga ngayon.
Dahil sa unang pagkakataon, punong-puno ng tapang at paninindigan ang puso ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top