Prologue

Hawak-hawak ang kamay ng kanyang lola, namilog ang mga mata ng walong taong gulang na si Abigail at nakaawang pa ang bibig dahil sa kanyang nakikita sa harapan. "Lola, sabi mo sa bahay tayo ng kaibigan mo pupunta."

Ngumiti sa kanya ang kanyang Lola Margaret. "Ito nga ang bahay ng kaibigan ko."

"Eh, Lola, hindi naman po ito isang bahay."

"Ano sa tingin mo ito?"

"Isang palasyo po!" deklara niya. "Mga hari at reyna ba ang nakatira rito, Lola?"

Tumawa lamang ang kanyang lola. "Parang ganoon na rin. Halika at hinihintay na tayo ng kaibigan kong reyna."

Isang babae ang sumalubong sa kanila nang pumasok sila sa bahay. Nagpakilala itong isang kasambahay at ihahatid daw sila nito sa hardin. Habang sumunod sila sa likuran ng babae, naging malikot ang kanyang mga mata at ninamnam ng mga ito ang napakagandang disensyo ng loob ng palasyo. Malayong-malayo ito sa maliit nilang tinitirhan na gawa sa kahoy. Maaliwalas sa loob ng palasyo at napakaraming mga gamit na mukhang mamahalin. Natakot tuloy si Abigail na tumabi sa mga babasaging mga palamuti sa ibabaw ng mga mesang nadaanan niya at baka may mabasag sa mga ito. Tumingala si Abigail at napaawang muli ang bibig niya nang makita niya ang malaking kulay gintong crystal na nakasabit sa mataas na kisame.

Hinila niya ang palda ng kanyang lola. "Lola, ano 'yang nakasabit sa itaas?"

Sinundan ng paningin ni Lola Margaret ang itinuturo ni Abigail sa kisame. "Ah. Isa 'yang chandelier na nagbibigay ilaw sa sala. Parang 'yong sa bahay natin, 'yong bumbilya sa sala."

Tumango lamang si Abigail, ngunit napakalayo naman ng tinatawag na chandelier sa hitsura ng bumbilya nila sa kanilang sala. Nang narating na nila ang hardin, sumalubong sa kanila ang isang magandang babae na mukhang kasing-edad ng kanyang lola.

Kumislap ang mga nito nang nakita si Abigail. "Hello, Abby! Ang laki-laki mo ng bata! At ang ganda-ganda mo pa!"

Sa pananamit ng babaeng bumati sa kanya, alam niyang ito ang reyna ng palasyo. "H-hello po," nahihiyang bati niya sa reyna.

Nagsimulang mag-usap ang reyna at ang kanyang lola. Kasalukuyan silang nakaupo sa upuang gawa sa rattan. May bilog na mesa sa harapan nila na puno ng pagkain at inumin. Kaunti lamang ang nakaing cake ni Abigail, at medyo nababagot na rin siya dahil matagal nang nagkukwentuhan ang dalawang nakatatandang babae.

"Gusto mo bang maglibot-libot muna sa hardin upang 'di ka mabagot?" tanong sa kanya ng reyna.

Tumango si Abigail sa reyna. Nang payagan siya ng kanyang lola na umalis, agad siyang tumayo at tinungo ang kanina pa niyang napansin na halamang namumulaklak. May paru-paro siyang nakitang nakadapo sa isang bulaklak. Nang nilapitan niya ito, bigla naman itong lumipad. "Sandali, paru-paro!" Hinabol niya ito, at nang pumasok ito sa loob ng palasyo ay sumunod pa rin si Abigail. Sa pagmamadaling mahabol ang paru-paro, hindi napansin ni Abigail ang bahagyang nakataas na semento sa harapan ng malawak na pintuan kung saan lumipad ang paru-paro paloob ng palasyo. Nadapa siya't nahalikan pa ang malamig na semento. Dahil sa lakas ng pagkakadapa niya, nihirapan siyang itulak ang sarili patayo dahil sumasakit ang kanyang mga braso't tuhod. Mangiyak-ngiyak niyang itinaas nang bahagya ang ulo at nakita niyang dalawang pares ng rubbershoes ang nasa tapat niya. Hirap man ay mas lalo pa niyang itinaas ang mga patingin. Isang binatilyong nakapamulsa ang sumalubong sa kanyang mga mata.

"Ayos ka lang ba?"

Hindi makasagot si Abigail. Hindi niya alam kung bakit parang nahihipnotismo siya sa hitsura ng lalaki, sa tindig nito at sa boses nito. Ito ba ang prinsipe ng palasyong ito?

Nang hindi siya sumago't gumalaw, lumuhod sa harapan niya ang prinsipe. Tinulungan siya nitong makatayo, ngunit hindi pa rin tumatayo ang binatilyo sa pagkakaluhod nito. Masuri nitong tinignana ng tuhod niya, matapos ay ang kanyang mukha.

Ngumiti naman sa kanya ang prinsipe. "Wala namang galos sa tuhod mo at wala ring sugat sa mukha mo."

"S-salamat po mahal na prinsipe," sagot niya sa binatilyo.

Tumawa lamang ang prinsipe sa kanya. Kumunot ang noo niya, nagtataka kung bakit siya tinatawanan ng prinsipe.

"Abigail!" Nilingon niya ang boses ng lola niya. Katabi nito ang reyna na pawang papalapit sa kanya.

Tumayo na rin ang binatilyo at nilapitan ang reyna. "Granny, magpapaalam lang ako. Magba-basketball lang kami ni James. Wala kasi si Mama at baka hanapin niya ako pag-uwi niya."

"Sige, Lawrence at mag-ingat kayo ni James. Sabihan mo si James na dito na maghapunan mamayang gabi," ang sabi pa ng reyna sa tinawag nitong Lawrence.

Sinundan ng mga mata ni Abigail ang papaalis na prinsipe. Nanghihinayang siya at kailangan na pala nitong umalis. Nais pa sana niyang makasama ito nang matagal. Hindi niya alam kung bakit pero hiling niya'y sana ay makita niyang muli ang prinsipe.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top