Chapter One
"Ma'am, heto na po ang gamot ninyo." Inabot ni Abigail Salvador ang gamot sa kanyang matandang inaalagaan, at matapos nito inumin ang gamot, inabot naman niya ang isang basong tubig. "Dahan-dahan lang po, ma'am. Ang sabi ni Dr. Sanchez, 1.5 liters of water lang po ang pwede ninyong inumin per day. Nakaka-500 ml na po tayo ng liquid ngayong araw," paalala ni Abigail sa matanda.
"Abby," mahinang tugon ng nakatatandang ginang sa kanya. "You have been looking after me since the day you passed your board exams. And I have known you since you were little. Hanggang ngayon ba naman ay 'Ma'am' pa rin tawag mo sa akin, hija? Call me Granny like everyone else."
Nginitian ni Abigail ang ginang. "Nakakahiya naman po kasi. Hindi naman po kasi ako isa sa mga kamag-anak ninyo." Bago pa man magpumilit ang ginang sa nais nito, tumalikod si Abigail at ipinatong ang baso sa mesa. Matapos niyon ay nagkuwanri na siyang abala sa pagsusulat sa kanyang chart. Nahihiya siyang pagbigyan ang hiling ng ginang, lalo pa't hindi naman talaga ito nararapat na gawin. Sa umpisa pa lang ay napagsabihan na siya ng manugang nito dahil sa pagiging pamilyar niya sa ginang, papaano na lang kaya kung narinig nitong tinawag niyang 'Granny' ang mother in-law nito?
Gaya nga ng nabanggit ng ginang, nagtatrabaho bilang private nurse si Abigail kay Mrs. Letticia Madrigal simula pa nang nakapasa siya sa board exams noong nakaraang taon. Hindi naman ibang tao o estranghero ang ginang sa buhay niya—si Mrs. Madrigal at ang kanyang lola ay matalik na magkaibigan. Maagang naulila si Abigail at ang kanyang lola na ang nag-alaga sa kanya simula pagkabata. Dumating ang panahon na 'di nakayanan ng kanyang lola ang pagpapa-aral sa kanya. Kaya naman inalok ni Mrs. Madrigal ang pagpapa-aral at pang-matrikula ni Abigail. Nakakahiya man ay hindi na ni Abigail magawang tanggihan ang alok ni Mrs. Madrigal dahil sa gusto rin niyang makapag-aral.
Bente-tres anyos na ngayon si Abigail. Matapos niyang maipasa ang Nursing Licensure Exam ay nagpasya siyang maging private nurse muna ng setenta anyos na si Mrs. Madrigal bilang pagtanaw na rin ng utang na loob dito.
"But I insist, hija. Call me Granny," giit ng matanda.
Napangiti muli si Abigail. Napakabait ng ginang hindi lamang sa kanya kundi pati na rin sa ibang nagtatrabaho sa pamilya nito. Kaya naman ay kay hirap para sa kanyang tanggihan ang ano mang hiling sa kanya ng ginang. "Sige po. Pero 'pag tayong dalawa lang po. Nakakahiya naman po kasi kapag narinig ni Sir Edward."
"That's nonsense! Edward wouldn't mind. Besides, if it wasn't for your grandma, hindi kami ang magkakatuluyan ni Edward. Have I told you how your lola acted as our bridge when Edward was courting me...?"
Umiling si Abigail, nakangiti pa rin. "Hindi pa po." Ang totoo, ilang beses na niyang narinig ang kuwento, subalit napansin ni Abigail na ang pagbabalik-tanaw ng matanda sa love story nitong mag-asawa ay nagpapasaya rito. Kaya hinayaan na lamang ni Abigail na pauli-ulit itong magkuwento.
Hindi naman gaanong malalala ang sakit ng kanyang inaalagaan. Matagal na itong may diabetes. But recently, her client was diagnosed with a kidney disease. Kaya naman kailangang may mag-momonitor ng sugar at ng liquid intake ni Mrs. Madrigal.
Sinamahan ni Abigail ang ginang sa may hardin sa likuran lamang ng mansyon nito at inalalayan itong umupo sa garden chair na gawa sa rattan. Makalipas lamang ang ilang minuto ay dumating naman ang pang-umagang karelyebong nurse ni Abigail.
"Abby, ako na ang bahala kay Ma'am," ang sabi ni Kathy. "May i-eendorse ka ba?"
Inabot ni Abigail ang chart at saka binasa ang mga importanteng detalye. Matapos niyang magpaalam sa ginang, dumiretso si Abigail sa kusina kung saan niya natagpuan ang kasambahay na si Violy na nag-aagahan.
"O, Abby, halika na at mag-breakfast ka na muna bago ka umuwi," yaya ni Violy sa kanya.
"Salamat, Ate Violy." Umupo sa tapat ng counter table si Abigail at sinabayan si Violy sa pagkain ng tapa, sinangag, itlog at may kasama pang mainit na pandesal. "Ang bait talaga ng mga Madrigal 'no? Nakakahiya na nga, eh. Sinuswelduhan na nga kami, libre pa ang pagkain at meryenda."
"Oo naman—kita mo nga kung ano ang pagkain at ulam nila, 'yon din ang pagkain naming naninilbihan dito. Pero ang sabihin mo, ang dalawang matandang Madrigal ang mababait. Isama mo na rin ang anak nila na si Sir Richard." Ibinaba ni Violy ang kanyang boses at bumulong. "Pero 'yong si Madam, hay naku, ewan ko na lang."
Tumango-tango si Abigail bilang pagsang-ayon sa turan ni Violy. Sadyang mataray at istrikto ang asawa ni Richard Madrigal. Tanda pa nga niya noong ilang buwan nang nakararaan—pinagalitan nito si Abigail dahil sa pamilyar na pakikitungo nito sa matriarch ng pamilyang Madrigal. Ayon pa rito, hindi porke't matalik na kaibigan ng lola ni Abigail ang ginang ay puwede na itong umastang kamag-anak. Sinuswelduhan daw siya para magtrabaho hindi para makipagkuwentuhan sa nakatatandang Madrigal. Kaya naman simula nang araw na iyon ay iniiwasan na niyang maging kumportable kasama ang ginang. Ngunit sadyang mahirap talagang iwasang makipagkwentuhan kay Mrs. Madrigal. Bukod pa sa mahilig itong magkuwento, ubod pa ito ng bait.
"Mabait naman si Sir Lawrence, Ate Violy," ani Abigail. Si Lawrence Madrigal naman ang kaisa-isang anak ni Richard Madrigal.
"Akala mo lang 'yon. Super sungit kaya no'ng taong 'yon." Humarap si Violy sa kanya at binigyan siya ng isang makahulugang ngiti. "Pero guwapo naman. Okay lang kahit sungitan niya ako buong araw. Mas gumaguwapo 'yon 'pag nagsusungit at nakasalubong ang kilay. Ang sarap pa niyang titigan buong araw!"
Humagikgik si Abigail sabay marahang hinampas sa braso ni Violy. "Ikaw talaga, Ate Violy. Puro ka kalokohan."
"Ay girl, totoo naman kasi 'no, ang guwapo talaga ni sir—" Natigil si Violy sa pagkukuwwento nang biglang bumungad sa pinto ang pinag-uusapan nilang si Lawrence. "Ay sir! Nando'n na po sina madam at sir sa may dining room. May iba po ba kayong gustong kainin?"
At gaya nga ng deskripsyon ni Violy, nakasalubong ang kilay ng lalaki na tila ba naalibadbaran ito sa 'di malamang dahilan. "Just prepare some coffee. Black. No sugar."
Nagmadali namang kumilos si Violy at agad na sinumulan ang iniutos "Sige po, sir. Ihahatid ko na lang po sa dining room."
Umiling si Lawrence. "No. I'll take it here." Parehong nagulat sina Abigail at Violy nang umupo si Lawrence sa isa sa mga bakanteng upuan ng lamesang nasa kusina. Nagsimula naman itong magbasa ng newspaper na nakapatong sa mesa. Dahil sa puwesto ng kinauupuan ni Abigail, malaya niyang napagmamasdan ang lalaki.
Hindi maawat ni Abigail ang mapatulala. Madalas na niyang nakikita sa masnyon ang bente-nuebe anyos na si Lawrence, ngunit kadalasan ay natutulala pa rin siya kapag nakikita niya ito. Papaano naman kasi, matagal na niya itong crush. Sa paningin ni Abigail ay wala na yatang mas guguwapo pa kay Lawrence. Mapupungay ang kulay tsokolate nitong mga mata. Nabiyayaan dito ito ng mahahabang pilik-mata—na mas mahaba pa kaysa sa kanya—na lubos niyang kinaiinggitan. Ang ilong nito ay tila pang-aristokrato sa tangos. Ayon kay Violy, madalas din daw mag-gym ang Sir Lawrence niya. Kaya siguro maganda ang pangangatawan nito. Matikas din ang tindig nito, at sa taas nitong six foot one, lumalabas tuloy ang pagkabansot niya sa taas niyang five feet, two inches.
Inilapag ni Violy ang cup at saucer sa tapat ng amo nito, at saka naman dahang-dahan ininom nito ang kape.
Ang swerte naman ng cup na 'yan. Sana ako na lang 'yong cup. Promise Lawrence, 'di ka mapapaso sa akin, sabi ni Abigail sa sarili.
"Hoy Abby! Ano ba 'yan? Kumain ka nga nang mabuti. Puro kanin na lang 'yang kinakain mo," dinig niyang saway ni Violy sa kanya.
Ngunit tila wala sa tamang katinuan si Abby dahil hindi niya namamalayan ang kanyang naitugon habang titig na titig sa binatang nasa harapan niya: "Nasa harapan ko na kasi 'yong ulam, Ate Violy." Napapitlag naman si Abigail nang sinikuhan siya ni Violy sa tagiliran. Doon lang niya napagtantong may kalakasan pala niyang nasabi iyon nang makita niyang bahagyang umangat ang isang dulo ng labi ni Lawrence habang tutok na tutok pa rin ang mga mata nito sa newspaper.
"Patay," kagat-labing bulong ni Abigail. "Narinig ba niya?"
Tumango si Violy habang nakangisi sa kanya.
Pinamulahan nang husto ang mga pisngi ni Abigail; ang mga pisngi niya ay kasing init ng pandesal na isinasawsaw ni Violy sa kanyang kape habang patuloy pa rin ang pagngisi sa kanya. Hiling ni Abigail sa Diyos na sana'y bumuka ang sahig at lamunin na lamang siya nito nang buo. "A-alis na ako, Ate Violy," natatarantang paalam niya kay Violy sabay hablot sa bag niya't nagmamadaling umalis ng kusina.
Nakakahiya talaga! Papaano kapag nagkasalubong sila ni Lawrence sa susunod na mga araw? Wala na siyang mukhang maihaharap sa binata. Pero siguro naman ay sanay na si Lawrence makarinig ng mga ganoong komento. At malamang ay maraming babae ang nagkakagusto at naghahabol doon. Nasisigurado niyang hindi na iyon maaalala pa ng binata sa sunod nilang pagkikita. Alam naman ni Abigail na balewala lamang sa binata ang mga nasabi niya kanina. Dahil para sa isang Lawrence Madrigal, balewala lamang ang isang Abigail Salvador.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top