Chapter Five
Humarap si Abigail sa salamin at pinagmasdan ang sarili. Kung ilugay na lang kaya niya ang kanyang buhok? Lagpas balikat ang itim niyang buhok at hindi naman buhaghag iyon. Sinubukan niyang suklayin ang buhok sa pamamagitan ng kanyang mga daliri para mabigyan ito ng body at volume. Kapag ganito kaya ang ayos ng kanyang buhok, mapapansin kaya siya ni Lawrence?
"Hindi siguro," sagot niya sa sarili. Nagbuga ng hangin si Abigail at itinali na ang kayang buhok. Nilagyan niya ng kaunting pulbo ang mukha at gumamit na rin ng lipgloss.
Tinignan niya ang kabuoan ng kanyang sarili. Suot-suot niya ang kanyang puting uniporme, naka-bun style na buhok, simpleng stud na hikaw, black strap watch na may second hand... Clean and pristine Nurse Abby, iyon ang nakikita niya sa salamin. Umiling na lamang si siya't dinampot ang kanyang shoulder bag. Kailangan na niyang pumunta sa bahay ng mga Madrigal para sa night shift na duty niya.
Nang makarating na si Abigal sa mansyon ng mga Madrigal, sa likod siya dumaan sa may kusina. Tamang-tama naman na nandoon si Violy.
"Hoy Abigail, kahapon pa kita inaantay dito," bati ni Violy sa kanya.
"Bakit po, Ate Violy?" tanong ni Abigail.
Tumingin-tingin si Violy sa paligid. At nang nakuntento na walang ibang tao na nasa malapit, pabulong niyang tinanong si Abigail, "Narinig mo na ba kung ano ang nangyari kay Sir Lawrence?"
"Kay Sir Lawrence? Ano'ng nangyari, Ate Violy? Naaksidente ba siya? Okay lang ba siya? Saang ospital siya dinala?" sunud-sunod na tanong ni Abigail; hindi mapigilan ang pag-alala sa kung ano ang nangyari kay Lawrence.
"Huwag kang OA, Abby. Wala naman akong sinabing naaksidente si Sir Lawrence."
"Eh, ano nga ang nangyari, Ate Violy?"
"Hiwalay na si Sir Lawrence at ang nobya niya."
"ANO?!"
"Huwag kang sumigaw! 'Di ako bingi. At baka marinig tayo ni madam na nagtsitsismisan," saway nito sa kanya. May dinukot si Violy na nakatuping newspaper at inabot ito kay Abigail. "Heto, basahin mo. Kahapon pa 'yan. Pinapatapon nga ito ni Sir Richard kaso tinago ko lang ang parting ito ng newspaper. Basahin mo dali."
Binasa ni Abigail ang laman ng newspaper. Kahit hindi pa ituro ni Violy kung alin doon ang dapat niyang basahin, nakita na niya agad ang tinutukoy ni Violy. Sa gitna ng entertainment section ng newspaper ay may picture ni Lawrence na nakaluhod sa tapat ni Vanessa. "Ate Violy? Totoo ba ito?"
Tumango si Violy. "Oo, Abby. Nag-propose no'ng isang gabi si Sir Lawrence sa nobya niya. Kaso tinanggihan siya at hiniwalayan pa. May ibang lalake na pala 'yang si Vanessa."
Namilog ang mga mata ni Abigail. "Kawawa naman pala si Sir Lawrence. Eh, nasaan na siya ngayon?"
Umiling si Violy. "Ewan. 'Di pa nga umuuwi 'yon dito. At balita ko, wala rin daw do'n sa hotel nila." Binigyan naman siya ni Violy ng isang makahulugang ngiti. "Alam mo na ang ibig sabihin nito, Abby, ha. Libreng libre na si Sir Lawrence. May the best girl win na lang, ha."
Tipid ang ngiting ibinigay ni Abigail. "Ate Violy naman, eh. Nasaktan na nga 'yong tao, gagawin mo pang biro ang mga pangyayari."
"Hay naku, Abigail. Basta ako, iwe-welcome ko nang open arms si Sir Lawrence. Dapat kasi sa 'kin siya nag-propose. Eh, sana hindi siya nasasaktan ngayon. Isipin mo lang Abby ha, parang ako si Maya at siya naman si Sir Chief ko! Kinikilig tuloy ako."
"Ewan ko sa 'yo, Ate. Baka gutom lang 'yan. Pupuntahan ko na si Granny at mag-e-endorse pa sa akin si Cathy. Maiwan na kita riyan sa pagpapantasya mo, ha." Nang napuntahan na ni Abigail si Mrs. Madrigal, nahalata niya agad ang lungkot sa mga mata ng matanda. Marahil ay alam na nito ang nangyari sa apo.
"I'm so sad for my Lawrence," anito. "I never expected for something like that to happen to him."
"Baka hindi po si Vanessa ang para sa kanya. Malay niyo po, blessing in disguise din 'yong nangyari," turan ni Abigail habang inalalayan niyang umupo ang ginang sa sofa. "Kaysa naman po sa kasal na nga sila saka pa nalaman ng apo ninyo na may ibang lalaki pala ang asawa niya."
"Hmm..." ang tanging tugon ng ginang.
Nalaman ni Abigail mula kayMrs. Madrigal na simula kahapon ay hindi pa nagpapakita si Lawrence. Ayon sa isa pa nitong apo na si James, inuwi na lang niya ang kanyang pinsan sa tinutuluyan nito dahil sa sobrang kalasingan nito at hindi nito kayang iwan si Lawrence dahil baka raw ano pa ang maisipang gawin nito.
Naaawa din naman si Abigail para kay Lawrence. Pinaghandaan ng lalaki ang pag-propose nito, tapos tatanggihan lang pala. At ang mas matindi pa ay ang rebelasyong may mahal palang iba ang nobya nito. Hindi lang nasaktan si Lawrence, napahiya rin ito. Iyon ang konklusyon si Abigail.
Isang linggo rin ang nagdaan at hindi pa rin daw nagpapakita si Lawrence. Kahit sa opisina raw ay hindi ito pumapasok. Isang umaga, nasa kusina si Abigail kasama si Violy nang muling nasilayan niAbigail si Lawrence. Papalapit ito sa kanila at mukhang pagod na pagod. Malalalim ang mga mata at maitim ang ilalim nito. Gusot din ang puting polo na suot nito at mukhang ilang araw na itong hindi nag-aahit.
"Violy! Where's the laundry woman?" pasigaw nitong tanong.
"Po?" Napalundag pa si Violy at nabitiwan ang bitbit nitong pitsel. Buti na lamang at gawa ito sa plastic.
Sinikuhan ni Abigail si Violy at bumulong. "Labandera niyo daw nasaan."
"Ah, eh, bakit po sana sir?" muling tanong ni Violy.
"Tanga ka ba o sadyang tanga lang talaga? Ba't ko nga ba hahanapin ang labandera? Of course kasi may ipapalaba ako!" bulalas nito. Inilapag ni Lawrence ang plastic na may lamang damit sa mesa. "Ipalaba mo ito," utos nito at galit na umalis ng kusina.
Nang nahimasmasan na si Violy, saka lamang nito nilapitan ang mga ipapalaba ng amo nito. "Abby, nakakatakot pala si Sir Lawrence 'pag galit 'no? Okay na sa akin ang masungit na Sir Lawrence, 'wag lang ang galit na Sir Lawrence."
"Pagpasensyahan mo na lang si sir, Ate Violy. Intindihin na lang muna natin siya. May pinagdadaanan kasi 'yong tao. Ika nga sa psychology, defense mechanism lang iyon ni Sir Lawrence. Sa atin nabaling ang sama ng loob ni sir. Ang tawag do'n, displacement," paliwanag ni Abigail.
"Ako Abby, ha, 'wag mo 'ko madaan-daan sa mga defense-defense na 'yan, ha. Mainit ulo ko. Hindi ikaw ang nabulyawan ni sir. Hay naku! Defense-defense. Diyan ka na muna at ipapalaba ko na nga ito. Baka sigawan na naman ako no'n. Defense-defense. Hmp!" Lumabas ng kusina si Violy dala-dala ang mga damit ng amo. Ngunit naabutan pa rin ni Abigail na sinisinghot-singot ni Violy ang isang polo ni Lawrence.
Naiwang nag-iisip si Abigail. Wala naman kasing magawa si Abigail kung hindi i-analyze ang mga pangyayari at kung bakit ganoon ang naging reaksyon ni Lawrence. Hindi naman magagalit ang isang tao kung walang matinding dahilan. Iyon nga lang, mali ang pag-handle ni Lawrence sa pinagdaraanan nito.
Bumuntong-hininga si Abigail. Kahit ilang beses pa niyang i-analyze ang lahat, hindi pa rin iyon makatutulong dahil ayaw tumanggap ni Lawrence ng tulong mula mismo sa pamilya nito. Sa ngayon, ang alam ni Abigail, si Lawrence lang ang makakatulong sa sarili nito.
Kinagabihan, nang pumasok si Abigail sa kanyang trabaho, muli niyang nakita si Lawrence. Nasa kusina si Abigail; kapag tulog na kasi si Mrs. Madrigal, sa kusina o sa kuwarto siya namamalagi. May isang kuwarto kasi na nakalaan para sa mga private nurses. Ala-una na ng madaling araw. Nagkakape si Abigail para hindi makatulog nang may narinig siyang may kung ano ang nabasag. Lumabas si Abigail ng kusina at hinanap kung saan galing ang tunog na iyon. Nang napadaan siya sa may sala, nakita niyang nakahandusay sa sofa si Lawrence. Sa 'di kalayuan ay nagkalat ang mga bubog ng boteng nabasag. Nilapitan ni Abigail ang natutulog na si Lawrence.
"Nakatulog yata sa sobrang kalasingan," bulong ni Abigail sa sarili. Panandaliang iniwan muna ni Abigail ang natutulog na lalaki at tinungo ang isang bakanteng kwarto. Kumuha siya ng kumot at pumunta sa kusina para kumuha naman ng dustpan. Bumalik si Abigail sa sala at nilagyan ng kumot ang natutulog na si Lawrence. Isa-isa namang dinampot ni Abby ang mga bubog at inilagay ito sa dustpan. Hindi na siya nag-abalang gisingin ang mga katulong para gawin iyon. Kaya naman kasi niyang gawin iyon. Nakakahiya naman na gisingin pa sila. Inilagay niya muna sa tabi ang dustpan.
"Ikaw naman kasi, eh, ba't ka ba naglalasing?" tanong ni Abigail sa natutulog na si Lawrence. Tumayo nang tuwid si Abigail mula sa pagkakayuko at nilapitan ang sofa. "Alam kong nasa grieving process ka pa at marami ka pang pagdaraanan bago ka makarating sa acceptance. Pero Lawrence, hindi mo naman dapat solohin ang problema mo. Andito naman ako, si Granny, si Sir Richard... Kung gusto mo isali pa natin si Ate Violy." Tinitigan niya ang mukha ni Lawrence. "Handa naman akong making, eh. Iyong-iyo na ang mga balikat ko—umiyak ka lang dito. Iyong-iyo na rin ang tainga ko—makikinig ako kahit pauli-ulit mo pa ikuwento. Mag-ventilate ka lang ng feelings; okay lang talaga. Pero 'wag mo naman pabayaan ang sarili mo. Ayan tuloy, nababawasan na ang kagwapuhan mo."
Natatawa si Abigail sa kanyang pagmo-monologue. "Ano ba 'yan, Abby. Pati ikaw ay naloloka na. Kausapin ba naman ang taong tulog." Muli niyang tinitigan ang mukha ni Lawrence. Lumuhod pa ito sa harapan ng binata at pinagmasdan ito. "Marami naming nagmamahal sa 'yo. Nasa tabi-tabi lang. Buksan mo lang mga mata mo, makikita mo na sila. Malay mo, nasa harapan mo na pala't nagsasalitang mag-isa" Inilapit ni Abigail ang kanyang mukha kay Lawrence. "Hinding-hindi kita sasaktan Lawrence, pangako."
Nang marinig niyang umungol si Lawrence, napaatras si Abigail at naupo sa sahig. Baka biglang magising pa si Lawrence at ano pa ang isipin kapag nakita niyang nandoon siya. Dali-daling tumayo si Abigail at dinampot ang dustpan saka umalis ng sala. Nasa pintuan na siya nang lumingon siya sa gawi ni Lawrence. Mahimbing pa rin itong natutulog. Tuluyan nang umalis ng sala si Abigail sabay hiling na sana makapag-move-on na si Lawrence.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top