CHAPTER SEVEN | All Alone
Be the reason someone feels welcomed, loved, heard, seen and supported today.
RUTHLESS SINS SERIES 5 | THE LOST KING
CHAPTER SEVEN | ALL ALONE
AUDREY
"Ano na? Hindi mo ba talaga sasabihin sa akin kung ano ang nangyari sa iyo noong nakaraan?"
Hindi ko tinapunan ng tingin si Mommy na nakahiga sa sofa at naka-dekuwatro pa tapos ay panay ang buga ng usok ng sigarilyo. Nahihilo na ako sa amoy ng usok. Ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain ko para pagkatapos ko dito ay papasok na ako sa eskuwelahan. Wala na akong mapuntahan. Dito sa bahay, naririndi na ako sa kakukulit ni Mommy. Pagdating ko naman sa eskuwelahan, naroon ang takot ang baka puntahan ako ng lalaki doon.
Naramdaman kong may tumama na kung ano sa likod ko. Ang sakit. Bumagsak sa gilid ko ang isang tsinelas.
"Hindi ka ba talaga sasagot? Magda-dalawang linggo na ang pag-iinarte mo."
Ramdam ko na ang galit sa boses ni Mommy. Napalunok lang ako at hindi pa rin sumagot. Ano pa ang gusto niyang malaman? Ginawa ko na ang gusto niya. Gusto pa ba niya ng detalye kung paano ko ginawa iyon? Gusto ko na lang kalimutan ang mga nangyari sa akin at hinding-hindi ko na iyon uulitin pa.
"Punyeta ka!"
Nagulat ako nang biglang ngumudngod ang mukha ko sa plato na kinakainan ko. Nasaktan ang bandang pisngi ko dahil talagang ngumudngod iyon ng mariin sa plato.
"Binibigyan na kita ng magandang kinabukasan, umaarte ka pa ng ganyan. Ano ba ang mahirap na sabihin mo sa akin kung ano ang nangyari sa inyo ng anak ni Aleksander? Sasabihin mo lang naman ang kung ano ang ginawa n'yo. Kung dinugo ka ba. Kung nasarapan ka ba. Para alam ko kung paano ko papaikutin ang pamilyang iyon."
Mabilis akong kumawala sa pagkakahawak ni Mommy at tumayo mula sa harap ng mesa. Kahit punong-puno ng kanin ang mukha ko ay mabilis akong lumayo sa kanya. Nakita kong nanlilisik ang mata sa akin ni Mommy. Talagang galit na galit siya.
"Puro ka kaartehan. Pinagbigyan ko na ang arte mo. Pero hindi puwede ngayon sa akin iyan. Sabihin mo lahat ang nangyari sa inyo ni Dmitri para magawan ko na ng paraan na mapangasawa ka ng lalaking iyon!"
Mabilis kong dinampot ang bag kong nasa gilid at kahit nga puno ng kanin ang mukha ko ay nagmamadali akong lumabas. Hindi ko inintindi ang malakas na sigaw ni Mommy na tinatawag ang pangalan ko. Walang tigil ang pagtulo ng luha ko habang mabilis na naglalakad palayo sa bahay namin at tinatanggal ang kanin sa mukha ko.
Gusto ko na lang umalis. Gusto ko nang lumayo dito. Hindi ko na kaya ang mga ginagawa ni Mommy sa akin. Pero saan ako pupunta? Wala akong ibang kakilala. Wala akong ibang mapupuntahan. Kahit magdesisyon akong lumayas dito sa amin, wala ding mangyayari sa akin. Magiging palaboy ako.
Bumili ako ng wipes sa tindahan na laging kumpulan ng mga tsismosa dito sa amin. Hindi ko sila pinansin kahit ang aga-aga ay nakakumpol na sila dito.
"Audrey, dalagang-dalaga ka na talaga 'no? 'Buti pinag-aaral ka pa ni Suzanne? Hindi ka pa niya pinagta-trabaho sa pinagta-trabahuhan niya?"
Hindi ko pinansin ang nagsalita noon. Gusto ko na lang bilisan ng nagtitinda ang pagbibigay sa akin ng binibili ko nang makaalis na dito.
"Ang ganda-ganda mo pa. Siguradong maraming lalaki ang maghahabol sa iyo. Siguradong malaki ang kikitain mo." Komento pa ng isa tapos ay palihim na nagtawanan ang mga ito.
Painis kong kinuha ang wipes na binili at ibinulsa ang sukli na ibinigay sa akin. Tiningnan ko lang ng masama ang mga tsismosang narito at lumakad na palayo.
"Naku, nag-suplada pa. Tigilan na nga ang ganyang arte. Akala mo naman napakalinis. Siguradong pinilahan na rin naman 'yan." Painis na komento ng kung sino.
Naikuyom ko ang mga kamay ko at muling humarap sa kanila.
"Wala siguro kayong buhay kaya buhay ng iba ang pinagkakaabalahan n'yo? Oo. Katulad na ako ng nanay ko. Ano nga ang tawag n'yo? Pokpok? At least ang katulad namin may silbi sa mundo. Magaganda pa kaya nga kayo na ang nagsabi na maraming maghahabol na lalaki sa katulad namin. Kayo? Sa tingin n'yo may maghahabol sa inyo? Kahit lumakad kayo ng hubad walang magkakainteres kasi ang babaho na ng hininga n'yo, ang papangit n'yo pa."
Pagkasabi ko noon ay mabilis na akong tumalikod at lumakad palayo. Hindi ko na pinakinggan ang mga kung ano-anong sinasabi nila. Sanay na naman ako doon. Pinahid ko ng wipes ang mukha ko pati na ang luha. Ayaw ko nang umiyak. Pagod na akong umiyak.
Wala akong imik hanggang sa makarating ako sa eskuwelahan. Naroon sa gate nakatumpok ang grupo nila Kino kasama si Seth. Hindi ko na lang sila pinansin kahit nakatingin silang lahat sa akin. Dere-deretso akong pumasok sa loob pero agad akong pinigil ng guard.
"ID mo."
Automatic akong napahawak sa dibdib ko at napatingin doon. Wala nga akong suot na ID. Nakalimutan ko ba sa bahay? Ano ba 'yan? Sa dami ng mga nangyayari kasi pati ID ko nakalimutan ko na kung saan napunta.
"Kuya Guard, nakalimutan ko lang kasi nagmamadali ako. Papasukin mo na ako." Pakiusap ko dito.
Ang tigas ng iling ng guard. "School policy. No ID, no entry."
"Audrey, huwag ka na kasing pumasok. Sumama ka na lang sa amin dito. Tambay na lang tayo," narinig kong sigaw ni Kino tapos tawanan ang mga kasama niya pati na si Seth.
Sinamaan ko lang ng tingin ang mga ito. Nakakainis. Kahit saan yata ako pumunta masisira ang araw ko.
"Sige pasok na."
Napatingin ako sa nagsalita noon at nakita ko ang isang guard na lumapit sa gawi namin. Nakita ko ang pagtataka sa mukha ng guard na ayaw magpapasok sa akin.
"Ser, wala siyang ID. Mapapagalitan tayo kapag nahuli na may nakapasok na walang ID." Katwiran nito.
"Pasok na." Sabi ng head guard na dumating. Hindi inintidi ng guard na dumating ang sinabi ng kasama nito. Mabilis na lang akong pumasok. Bahala na sila doon kung anong mangyari sa kanila.
Dumeretso ako sa classroom namin at wala pa naman kaming teacher. Naabutan ko si Brie na nagbabasa kaya lumapit ako sa kanya at tumabi. Nag-angat siya ng mukha at napangiti nang makita ako.
"Ang aga mo." Komento niya at isinara ang binabasang libro tapos ay tumingin sa akin.
"Wala naman akong gagawin sa bahay. Dito na lang ako." Walang buhay na sagot ko. Gusto ko na namang maiyak. Pakiramdam ko patong-patong na ang problema ko.
"Napaano 'yang pisngi mo? Pulang-pula. Ano ba 'yan? May kanin ka pa sa buhok, Audrey." Sabi pa ni Brie at inalis ang ilang butil ng kanin na nasa buhok ko.
Hindi na ako sumagot at inayos-ayos ang buhok ko tapos ay kinuha ko ang salamin sa bag ko. Tiningnan ko ang sinasabi ni Brie na namumula sa mukha ko. Ang laki nga. Namumula ng sobra.
"Nag-away kayo ng mommy mo 'no?" Paniniguro niya. "Sinaktan ka."
Mapakla akong ngumiti. Alam na naman ni Brie iyon. Sanay na ang kaibigan kong ito. Napahinga siya ng malalim tapos ay napailing.
"Hindi ko alam kung sino ang mas malas sa ating dalawa. Ako na walang magulang o ikaw na may nanay nga pero parang wala ding magulang."
Doon na ako napaiyak pero mabilis kong pinahid ang luha ko. Naalala ko ang hitsura ni Mommy kanina. Galit na galit talaga siya sa akin. Kung ano-ano ang sinasabi niya tapos...
Saglit akong natigilan. Naalala ko ang pangalan na binanggit ni Mommy.
Dmitri.
Sigurado ako. Iyon ang sinabi niya. Pero hindi iyon ang lalaking nakasama ko noong gabi at ang lalaking nagpunta dito sa school. Pavel ang pangalan n'on.
Dali-dali kong kinuha ang telepono ko at nag-search doon. Ano nga ang apelyido na sinasabi ni Mommy? 'Yong apelyido ng lalaking iyon. B-bot... Botkov.
"Hoy, ano 'yang hinahanap mo diyan?" taka ni Brie at tiningnan pa ang cellphone ko.
Ano ba naman? Ngayon pa ako nawalan ng load.
"Pa-hotspot naman. Mamaya pa ako makakapag-pa-load." Sabi ko kay Brie.
Hindi naman ito sumagot pero nagpipindot sa cellphone niya. Mayamaya ay nakaka-access na ako sa internet at hinanap ko sa Google ang apelyidong Botkov. Pavel Botkov ang hinanap ko pero wala akong makitang kahit na ano sa internet tungkol sa lalaking iyon. Kahit sa Facebook wala. Ang sunod kong sinubukan ay ang pangalang Dmitri Botkov. Iyon ang napakaraming lumabas sa search ko. Sikat ang lalaking iyon at nakita ko pa sa isang Facebook post na naroon din ang lalaki sa party na pinagdalhan sa akin ni Mommy. Iyong party na may nangyari sa amin ng Botkov din na nakilala ko.
Mahina akong napamura habang sige sa pagbrowse. Hanggang sa may makita akong isang litrato ng Dmitri Botkov na iyon na kasama ang isang lalaki. Iyon si Pavel. Magka-akbay pa ang dalawa at nakangiti sa litrato.
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko at naitakip ko ang kamay sa bibig ko.
Shit. Hindi ako makapagsalita habang nanatiling nakatingin sa litrato. Mabuti na nga lang at hindi na nagtatanong sa akin si si Brie dahil abala ito sa pagbabasa. Lalo akong malilintikan kay Mommy kapag nalaman niyang mali ang Botkov na nakasama ko.
Agad kong ini-exit ang pagba-browse at itinago sa bag ang telepono ko nang dumating ang teacher namin. Wala ang atensyon ko sa lahat ng subjects na itinuturo ngayong araw. Kahit nga nanggugulo na ang grupo nila Kino dito sa classroom sa tuwing lalabas ang teacher namin ay hindi ko pinapansin. Ang isip ko ay lumilipad dahil sa nalaman ko. Parang ayaw ko nang umuwi sa amin.
Nakuha lang ng teacher ang atensyon ko nang magsalita ang teacher namin at nagpamigay ng mga papel. Nang makarating sa akin iyon at binasa ay nakita kong letter iyon tungkol sa nalalapit naming Junior-Senior Prom. Ngayong weekend na nga pala iyon at ang letter na ito ay reminder para sa bayad. Ang tagal ko na itong sinabi kay Mommy pero hindi naman pinapansin. Malabo na talaga siguro akong maka-attend dito.
"May date ka na ba para sa JS?"
Napatingin ako sa nagsalita noon at nakita kong si Seth ang naupo sa tabi ko. Napatingin ako sa grupo nila Kino at halatang ako ang pinag-uusapan nila dahil lumapit sa akin si Seth. Nagtatawanan pa sila.
"Hindi ako a-attend." Tanging sagot ko at isinuksok sa bag ang letter.
"Bakit naman?" Nakita kong lumungkot ang mukha ni Seth. "Inaasahan ko pa naman ikaw sana ang makaka-partner ko."
Pilit akong ngumiti. "Wala akong pambayad."
"Iyon lang ba? Ako na ang magbabayad ng JS fee mo. Hihingi lang ako sa Daddy ko ng pambayad. Ano? Ikaw na, ha? Sunduin kita sa bahay n'yo." Sabi pa ni Seth.
Tumunog ang bell at uwian na namin. Nginitian ko lang si Seth at binitbit ko na ang bag ko. Nagpaalam ako kay Brie na mauuna na akong umuwi. Ayaw ko nang magtagal dito. Pagdating ko sa labasan ng school ay nagpalinga-linga ako. Tinitingnan ko na muna kung narito ang Pavel na iyon. Tatakasan ko siya kahit sinasabi niyang lagi niya akong susunduin. Pero tingin ko, nakalimutan na rin niya ako. Dahil magda-dalawang linggo na siyang hindi nagpupunta dito at ipinagpapasalamat ko iyon. Siguro, naisip niyang walang kuwenta naman kung pag-uubusan niya ako ng oras.
Naglalakad na ako nang maramdaman kong may humawak sa braso ko. Muntik pa akong mapatalon nang tingnan kung sino iyon. Si Seth.
"Ano ba? Nakakagulat ka naman." Inis kong sabi sa kanya.
"Bigla ka na lang kasi umalis. Nag-uusap pa tayo 'di ba? Ano? Ako na nga ang bahala sa pambayad mo para sa JS. Tapos sunduin kita para sabay tayo sa venue." Pangungulit pa nito.
Napahinga ako ng malalim. "Hindi nga ako pupunta. Kahit bayaran mo iyon, hindi ako pupunta. Mas marami akong kailangang gawin sa bahay. Saka problema pa doon ang damit. Maraming gastos."
Napakamot ng ulo si Seth. "Pati damit? Ako na rin ang bahala. Huwag ka nang umarte. Ako na nga ang bahala sa iyo."
"Sige na, Seth. Salamat sa offer." Tonong itinataboy ko na siya.
Sumimangot ang mukha ni Seth. "Ang dami mong arte. Ikaw na nga ang ililibre, nagpapakipot ka pa. Wala nang kahit sino ang mag-i-invite sa'yo sa JS. Ako na lang ang pag-asa mo." Hinawakan pa niya ang kamay ko pero mabilis kong inagaw iyon.
"Okay lang ako. Sige na." Lumayo na ako sa kanya.
Sinamaan ako ng tingin ni Seth. "Ang arte mo naman. Your loss," at iiling-iling na tinalikuran na ako. Sinundan ko lang siya ng tingin at napabuga ako ng hangin. Nakakadiri naman ang ugali ni Seth. Bakit ba naging crush ko pa ang lalaking iyon? Nagpatuloy ako sa paglalakad nang makita kong may humintong kotse sa gilid ko. Bumaba ang bintana noon at sinilip ako ng nagmamaneho. Si Pavel iyon at walang kangiti-ngiting nakatingin sa akin.
Taka akong tumingin sa kotse na minamaneho niya. Bakit iba? Hindi ko tuloy nakilala.
"Get in," seryosong sabi niya.
Gusto ko sanang magprotesta pero siguradong wala din naman akong magagawa. Tahimik ko na lang na binuksan ang pinto ng kotse at sumakay doon. Pinaandar niya ang sasakyan palayo doon na walang sinasabi.
Tiningnan ko siya at seryoso lang siyang nakatingin sa kalsada. Lagot talaga ko kay Mommy. Ibang Botkov nga ito. Hindi ito ang Dmitri na sinasabi ni Mommy.
"Who's the boy?"
Kunot-noo akong tumingin sa kanya. "Boy? Sinong boy?"
"The one who was talking to you. What's the name?" Seryoso pa ring sabi niya.
Si Seth siguro ang tinutukoy niya. "Classmate ko lang 'yon."
"Name."
"Bakit? Classmate ko nga lang 'yon." Napahinga ako ng malalim. "Puwede bang pababain mo na lang ako?"
Naramdaman kong lalo lang niyang binilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan.
"You want me to stop this car and let you go, tell me who is your handler that made you gate crash my mom's party."
Doon na ako hindi nakatiis at tuluyang napaiyak. Pagod na pagod na ako. Sa dami ng iniisip ko, sa takot na nararamdaman ko, ayoko na. Hindi ko na kaya.
Naramdaman kong huminto ang kotse na sinasakyan namin tapos ay naramdaman kong may humawak sa braso ko at pilit akong marahang hinihila. Mayamaya ay naramdaman kong may mga brasong pumulupot sa akin at idinikit ang ulo ko sa kung saan. Naririnig ko ang malakas na pagkabog ng kung ano.
Niyakap niya ako. Ni Pavel. Lalo lang akong naiyak at isinubsob ang mukha sa dibdib niya. Pakiramdam ko ay gumagaang nga pakiramdam ko. Nawawala ang bigat ng dibdib ko habang marahan niyang hinahaplos ang buhok ko.
"It's okay. Cry. It's okay." Mahina niyang sabi habang nanatiling nakayakap sa akin.
Sige lang ako sa pag-iyak. Alam kong kasama din ang lalaking ito sa isa sa mga problema ko. Pero ngayon na ganito, nakayakap ako sa kanya, ngayon ko lang naramdaman na may taong umiintindi sa akin. Na mayroon akong kakampi.
Kung puwedeng ganito na lang ako.
Kung puwedeng hindi na matapos ito dahil gumagaang ang dibdib ko.
----
Advance chapters available to read on PATREON and FB PAID VIP. You can slide a message to HELENE MENDOZA'S STORIES FB PAGE to know how to subscribe and read the exclusive stories.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top