Doll 7
"Sarah, gising."
Naalimpungatan ako sa pagyugyog sa mga balikat ko. Nang alamin ko kung sino ang may gawa noon ay si Mylene pala.
Nang inilibot ko ang paningin ko ay nandito pala kami sa palimbagan. Nagpapa-hardbound kasi kami ng natapos naming thesis.
"Nasaan na 'yung thesis natin?"
Ngumuso si Mylene sa may counter. "Ayun, ginagawa na. Muntik mo nang mabitiwan kanina. Buti nasalo ko." Umayos siya ng upo. "Bakit ba parang puyat na puyat ka? Ilang araw na 'yan."
Nang itanong niya 'yun ay umarko pababa ang mga labi ko. Tama siya. Puyat nga ako. Ilang gabi ko nang hinihintay si Kian. Mag-iisang linggo na. Hindi na muling nagta-transform ang manika bilang siya.
Lalong bumigat ang loob ko. Nakampante kasi ako na magtatagal 'yung gano'n. Hindi ko akalain na noong pumunta kami sa may tabing-dagat ang siya na palang panghuli.
Kung alam ko lang e 'di sana ay nasabi ko na sa kanya ang mga bagay na matagal ko nang nais sabihin.
Sana ipinaramdam ko sa kanya kung gaano niya ako ka-fan.
Sana sinulit ko na ang mga sandaling 'yun para magpahipnotismo sa bughaw niyang mga mata.
Sana mas inilibot ko pa siya sa iba pang magagandang lugar sa amin.
Sana gumawa pa kami ng maraming bagay na maipararamdam sa kanya kung paano mamuhay ng isang normal.
Andaming sana, sana at sana.
"Wala. Nasanay lang 'yung katawan ko na gising sa gabi. Gabi-gabi ba naman akong pinuyat niyang thesis natin," pagdadahilan ko.
"Sabagay. Ganyan din naman ako noong una." Tumayo si Mylene. "Well, samahan mo nga muna ako sa tindahan ng school supplies. Nagpapabili si Regina ng notebook na may picture ni Jolina Magdangal."
Si Regina ang nakababata niyang kapatid na Grade IV student.
"Taralets!"
Pagkabalik namin galing sa tindahan ng school supplies ay gawa na 'yung hardbound copy. Nagpagawa kami ng anim. Tig-isa kami ni Mylene. Yung isa ay mapupunta sa library ng school at 'yung tatlo naman ay sa panel list.
"Oh, paano? Galingan natin next week sa defense ha? Kaya natin 'yan."
Nag-apir kami ni Mylene. Maglalakad na sana kami nang patalikod sa isa't isa nang pigilin ko siya.
"Teka lang, My.." May dinukot ako sa bulsa ng bag ko. "Pakibigay naman itong butterfly hair clips kay Regina. For sure magugustuhan niya 'yan."
"Naku, matutuwa talaga nito ang bagets." Ibinulsa niya ang mga binigay ko at pagkatapos noon ay pormal na kaming nagpaalam sa isa't isa.
Hindi pa muna ako umuwi. Dumaan muna ako sa tinuturuan kong Kinder student. Pagkatapos nito ay may isa pa at saka lang ako makakauwi.
Kailangan kong magdoble kayod. Internship na mula January. Kailangan ko ng pang-allowance.
Mga bandang alas siyete ng gabi ay saka lang ako nakauwi. Medyo inaantok na ako.
Gusto ko na sanang humiga para matulog pero mukhang hindi ko pa magagawa.
Nakaabang si Tiyang Cynthia sa akin.
"Bakit ang tagal-tagal mo? Gutom na kami pero wala pang sinaing!"
"Pasensya na, Tiyang. Sige po, mamadaliin ko na po ang paghuhugas ng bigas," sagot ko na lang para hindi na humaba pa ang usapan. Sa loob-loob ko ay naiinis ako. Pagsasaing na lang ay iaasa pa sa akin.
"Bilisan mo at papalinisan ko pa 'yung tae ng aso sa may likod-bahay. Namamaho na."
Napabuntong-hininga na lang ako nang malalim na hindi pala nalingid kay Tiyang.
"Aba't nagrereklamo ka?"
Napatigil ako pagsusukat ng bigas. "Tiyang, hindi po. Pagod lang po ako."
Inirapan niya ako saka umupo siya sa may stool. Ewan ko kung bakit. Baka bored lang siya kaya gusto niya akong panoorin.
Naisaplang ko na sa apoy 'yung kaldero nang magsalita si Tiyang.
"Sarah, maupo ka." Wow first time yata na huminahon ang tinig niya. Ano na naman kaya ang iuutos niya?
Hinila ko ang isang bangko at umupo roon. Tiningnan ko si Tiyang. Parang bumibuwelo siya sa sasabihin.
"Malapit ka nang magtapos sa kolehiyo. Ano ang plano mo pagkatapos?"
Ipinatong ko ang isang kamay ko sa lamesa. "Baka ho gawin ko munang fulltime ang pagtatrabaho sa burger shop. Kinausap ako ng may-ari. Ipo-promote daw po akong manager kapag nag-fulltime na ako. Kapag may naipon na ako ay magtatayo ako ng maliit na business sa harap ng bahay."
"Hindi puwede." Nagkaroon ng bigat ang tinig ni Tiyang. Humigit muli siya ng malalim na paghinga. "Sarah, makinig ka."
Itinuwid ko ang pagkakaupo habang nakatingin sa kanya.
"Ngayong makakatapos ka na, ibig kong bumukod ka na ng bahay. Tutal e kaya mo na ang sarili mo. Ako na ang sasagot ng gastos sa truck na magkakarga ng gamit mo papunta sa bago mong titirhan."
"Ako? Bubukod?" Sinundan ko iyon ng mapaklang tawa. "Tita, alam natin kung sino sa ating dalawa ang may mas karapatan sa bahay. Titulo ng bahay na mismo ang nagsasabi."
Napatda si Tiyang. Buong akala ko ay sasawayin niya ang bahagyang pagtaas ng boses ko.
"Kung mayroon man pong aalis sa bahay, kayo 'yun. Hindi ako."
"Aba't-"
Tumayo na ako. "Matutulog na po ako. "
Hindi ko man siya tiningnan ay kita ko sa gilid ng mga mata ko ang pag-aapoy ng mga titig niya.
Pagdating ko sa kuwarto ay isinubsob ko ang mukha ko sa unan. Pinipigil ko ang pag-iyak. Ayokong magpakahina. Kailangan kong maging matatag.
Hindi ko na iniinda ang pang-aalila sa akin nina Tiyang kahit kung itrato nila ako ay parang hindi kadugo. Pero ang paalisin nila ako sa bahay at lupang nakapangalan sa akin ay hindi ko iyon mapapalampas. Ito na lang ang natitirang alaala ng aking mga magulang.
Sa sama ng loob ay nakatulog na pala ako.
Sa aking paghimbing ay nanaginip ako na ako raw ay nasa isang seremonya ng pagtatapos. Mga hindi pamilyar na mukha ang nandoon pero base sa suot ng mga tao na cap and gown ay pagtatapos ito ng mga nasa kolehiyo.
At isa na ako roon.
Napakagaan ng pakiramdam ko. Hindi ko alam kung bakit napakasaya ko ng araw na iyon.
Nang maibato na namin ang mga diploma namin sa ere ay may humawak sa mga balikat ko.
Paglingon ko ay hindi ko akalain na makakaharap ko ang mukha ng dalawang taong importante sa buhay ko.
Isang ngiti ang sumilay sa mga labi nila.
"Congratulations, anak."
Akma akong yayakap sa kanila nang biglang dumilim ang paligid. Pilit kong iminulat ang mga mata ko at nang magawa ko iyon ay wala ang mga magulang ko.
Malulungkot na sana ako pero napigil iyon nang matanto kong may tao palang nakatingin sa akin.
Si Kian!
Napabangon agad ako at nataranta. Gusto kong umiyak sa saya!
"Hello, Sarah." Isang ngiti ang pinakawalan niya.
Lumambong ang mga mata ko. Parang naiiyak.
"Kian, nagbalik ka!" Dinaluhong ko siya ng yakap na napakahigpit.
"S-Sarah, t-teka."
"Ay, sorry!" Napabitiw ako sa pagyakap sa kanya kasi medyo nasasakal ko na pala siya. Noon ko na-realize ang ginawa kong pagyakap sa kanya. Nakakahiya!
Natatawang napaupo si Kian sa tabi ng kama. "Hindi halatang na-miss mo ako ha?" Isinuklay niya ang kanan niyang kamay sa blonde niyang buhok.
Uminit ang mga pisngi ko sa hiya. Gusto ko na talagang mag-evaporate papuntang outer space!
Umupo na rin ako sa tabi niya. "Wala lang 'yun. E ikaw kasi, ang tagal din nating hindi nagkita. S-Siguro nasabik lang ako na may kausap." Pinilit kong siglahan ang boses ko para hindi niya mahalata ang kaba ko.
Medyo lumapit siya sa akin. "In short, na-miss mo nga ako?"
Napaatras ako. Naku, Kian. Kahit wala pa akong first kiss, baka mapalaban ako!. He he. Dyok onli!
"B-Bahala ka kung ano ang nais mong isipin." Tumayo ako at pumunta sa may desk. "E, bakit nga ba ngayon ka lang ulit nagpakita? C-Curious lang."
Tumayo siya sa kama at lumapit sa akin pero nakatayo lang.
"Sunod-sunod ang guestings namin at saka practice kaya medyo late na kaming nakakatulog."
Seven hours ahead kasi ang oras sa Pilipinas kumpara sa Ireland. Kaya 'pag alas dose ng gabi rito e alas singko naman ng hapon sa kanila.
Itinuon niya ang kaliwa niyang kamay sa study table ko. "Sorry ha?"
Napatingin ako sa kaliwa at kanan. Paulit-ulit 'yun. E bakit naman kasi siya magso-sorry e hindi naman niya obligasyon 'yun?
Umupo siyang muli sa may kama. "Pinilit ko namang matulog ng ibang oras kapag bakante na kami pero hindi nagkakaroon ng epekto. Parang normal lang akong natutulog. Siguro kapag alas singko lang ng hapon epektibo 'yung magic."
Ikiniling ko ang katawan ko paharap sa may puwesto niya. Tumango-tango ako. "May punto ka."
Pumunta ako sa may closet at kumuha ng damit. "Tutal nandito ka na, tara. May pupuntahan tayo."
Kumunot ang noo ni Kian. "Saan?"
Ngumiti ako sa kanya. "Sa lugar kung saan puwedeng kumilos ka bilang isang normal na tao."
----
Author's disclaimer:
Kailangang tumugma ang Ireland time at Philippine time kung kailan nangyayari ang transformation ng manika into a real Kian. Hindi puwedeng parehong gabi sa Ireland at Pilipinas kaya may ilang pagbabago akong ginawa sa nakaraang chapter. Kung dati ay nagta-transform si Kian bago matulog sa gabi ay ginawa ko na lang na hapon sa Ireland kung kailan umiidlip siya ng kaunting oras. Kung paano niya nagagawang magsingit ng nap time bilang isang abalang boyband member ay ipagpaubaya niyo na po sa akin. 😅
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top