Doll 1
"Napakakupad mo, Sarah! Linisan mo pa 'yung ilalim ng lamesa. May nakikita pa akong dumi." Kita ko ang pagkainis sa mukha ng aking tiyahin habang minamanduhan ako sa paglilinis.
"Opo, Tiya," mahinahon kong sabi habang isinusuot sa ilalim ang lampasong dala.
"Walisin mo kasi. Napakaboba mo talaga kahit kailan!"
"O-Opo." Ginawa ko ang nais ipagawa niya sa akin. Diniinan ko nang kaunti para masigurong kumapit ang dumi kung meron man.
"Bilisan mo ang pagkilos. May ipapagawa pa ako sa 'yo!" Mabibigat ang hakbang na ginawa ni Tiyang Cynthia palayo sa akin.
Malalim na buntong-hininga ang ginawa ko at muling ipinagpatuloy ang paglalampaso.
Higit kalahating oras ang lumipas ay natapos na rin ako sa paglilinis. Pabagsak kong isinalampak ang likod ko sa may katigasan kong kama. Hinilot-hilot ko ang aking sentido para mahimasmasan ako kahit papaano.
Gusto ko na sanang matulog kaso may thesis pa akong gagawin.
Pinilit kong bumangon. Nag-inat muna ako ng katawan bago umupo sa gilid ng kama.
Tumingin ako sa mesa na nasa tabi ko. Hinanap ng aking mga mata ang isang kuwadradong larawan at malungkot na tiningnan ang masasayang mukha.
Hindi mo aakalain na 'yun na pala ang huling beses na makukuhanan ang ganoong klaseng larawan.
Masaya.
May buhay.
At higit sa lahat ay kumpleto kami.
Bahagyang nanlupaypay ang mga balikat ko. Ayokong magpagupo sa lungkot kaya dumiretso na ako sa uuga-ugang study table ko. Umupo na ako sa upuan na inalikabok na ng panahon. Na kung hindi ito likha mula sa narra ay baka matagal na itong nabali.
Mabuti na lang.
Binuksan ko ang typewriter ko at itinuloy ko na ang nasimulan ko kagabi.
Halos nakakadalawang oras na ako sa ginagawa ko nang makaramdam ako ng pangangalam ng sikmura. Gustuhin ko mang balewalain pero malakas ang pagtawag ng tiyan ko kaya sa huli ay nanalo rin ito.
Bumaba na ako at dumiretso sa hapag-kainan. Naabutan ko roon sina Tiyang at ang pinsan kong si Jodie na kaedaran ko lang. Maganda siya para sa edad na labinsiyam at may balingkinitan ding pangangatawan. Di hamak na sa edad niyang ito ay agaw-pansin siya sa eskuwelahan namin. Samantalang ako.... Hayy 'wag na lang.
Tinitigan ko ang laman ng lamesa nila. May crispy pata at lechong manok na mas lalong nagpakalam ng sikmura ko. Lumala pa 'yun nang sakupin ng samyo ng mga pagkain ang ilong ko.
"O? Ano'ng tinatayo-tayo mo?" Si Tiyang iyon. Napatigil siya sa paghihiwa ng karne sa pinggan niya. Napatingin na rin si Jodie na noo'y nakaarko na ang kanang kilay. Halatang hindi gusto ang presensiya ko.
"Ah, eh. K-Kakain lang po sana ako, Tiyang." Muli kong sinulyapan ang mga nakahain sa lamesa. Agad ko rin namang inialis ang mga mata ko roon. Madali kong inihakbang ang mga paa ko patungong kusina na hindi naman kalayuan doon.
Binuksan ko ang cabinet. Napangiti ako nang makita kong may isa pang lata ng meat loaf doon. Sabik ko 'yung kinuha pati na rin ang can opener sa may tapat ng sink.
Wala pang labinlimang minuto ay luto na ito at handa na akong kumain. Ipinatong ko ito sa lamesa na bukod sa lamesang kinakainan nina Tiyang at Jodie.
Hindi naman kasi talaga ako sumasabay sa kanila.
Palagi akong nakahiwalay.
Kahit magkakasama kami sa isang bahay, sariling sikap ko ang pagluluto ng pagkain ko. Ni minsan ay hindi nila ako niyayang kumain kasama sila ni ang alukin ng anumang kinakain nila.
Pero ayos lang. Sanay naman na ako.
Limang taon na rin naman na nila itong ginagawa sa akin.
Pinagtitiisan ko lang.
Natapos na rin akong kumain. Huhugasan ko na sana ang pinagkainan ko nang pumasok sa kusina si Tiyang.
"Sarah, tapos na kaming kumain. Yung kinainan namin doon, linisan mo na. Baka dayuhin pa ng pusa!" Dumiretso siya sa refrigerator at kumuha ng isang bote ng coke. Tinungga iyon na parang tubig.
"Opo, Tiyang. Magpapatunaw lang po ako ng kinain."
"Bilisan mo na dahil ipapalaba ko pa sa 'yo 'yung polka dots kong blusa."
Umalma ako pero hindi ko pinahalata. Kalalaba ko lang kasi kahapon. Magtitiklop nga sana ako ng mga damit ngayon e. Tapos ngayon magpapalaba siya? Ang ibig kong sabihin e okay lang naman kaso marami pa siyang damit na panlakad. Hindi ko alam kung paborito lang talaga niya itong polka dots o talaga bang gusto lang niya akong pahirapan.
Tumango ako. "Pakilagay na lang po sa laundry basket. Isusunod ko po pagkatapos kong maghugas ng pinggan."
Inirapan ako ni Tiyang bago lumabas.
Katulad ng sinabi ni Tiyang, nilinis ko na ang mga pinagkainan nila at nilabhan ko ang polka dots na blouse niya.
Tiningnan ko ang oras sa relo ko. Mag-aala una na. Dali-dali akong nagbihis ng damit. Papunta ako sa burger shop kung saan ako nagpa-part time. Bukod kasi sa pagtu-tutor sa ilang grade schoolers ay dito ko kinukuha ang pang-allowance ko at iba pang miscellaneous expenses. Tuition fee lang naman kasi ang sagot ni Tiyang sa pag-aaral ko. Pagkatapos noon, wala na. Sabi niya e labis na raw ang pagpapaaral niya sa akin at pagpapatira. Hindi naman daw niya ako tunay na anak.
Okay lang naman. Totoo naman kasi. Hindi niya ako anak. Anak ako ng kapatid niya. Kapatid niyang wala na.
Biglaan ang pagkamatay nina papa at mama nang masagasaan ng tren ang kotse nilang sinasakyan. People say it is a very tragic way of ending life. Yes, it is. Kaya nga nang makuha ko ang labi nila ay hindi na sila ibinurol. Sinunog na lang ang katawan nila at ginawang abo. Sabi ng embalsamador na nakausap ko, talagang malala ang tama ng mga magulang ko at hindi ko raw kakayaning makita ang hitsura nila.
Malungkot at nakakabigla ang naging kamatayan nila. Marami pa akong pangarap sa kanila pero iniwan na nila ako. Nag-iisa pa man din akong anak. Pero wala e, ganoon talaga ang buhay.
Sa totoo lang, amin naman talaga 'yung bahay na tinitirhan namin ngayon nina Tiyang. Dahil nga wala akong legal guardian noon e siya na muna ang namahala... hanggang sa parang inangkin na niya. May bonus pa. Ginawa akong alila.
Napailing-iling na lang ako. Itinigil ko na ang paglalakbay ng diwa ko dahil sinimulan ko na ang paglalakad papuntang burger shop.
Sa paglalakad ko ay dumaan muna ako sa paborito kong merchandise store sa kabisera. Tiningnan ang naka-display doon.
Inilapat ko ang palad ko sa salaming bintana na pumapagitan sa labas at loob ng tindahan at pinagmasdan ang naka-display doon.
Kian Egan doll
Parang gustong mamilipit ng tiyan ko sa kilig. Manika pa lang iyan. Paano na kung totoong tao, 'di ba?
Crush na crush ko kasi si Kian Egan. Ang miyembro ng bago pa lang umuusbong na bandang Westlife.
Noong una, sa radyo ko lang napapakinggan ang mga kanta nila hanggang sa unti-unti na akong nagpupundar ng cassette tapes at VHS. Doon nagkalarawan sa mukha ko ang itsura ng mga miyembro ng sikat na boyband group na ito. Ebarg! Ang gaguwapo. Lalo na 'yung isa doon na sa tinagal-tagal ng panahon ay nakilala kong si Kian Egan pala.
Doon ko itinakda sa sarili ko na mula ngayon e siya na ang pinakapaborito ko sa grupo— at pinakanagugustuhan!
Ewan ko ba. Hindi naman siya ang main vocalist ng banda pero siya 'yung pinakanagustuhan ng mga mata ko at kalaunan e ng puso ko.
Siguro sa paraan ng pagngiti niya.
O puwede ring sa mahikang dala ng asul niyang mga mata.
Napatigil ang pagdaloy ng imahinasyon sa isip ko nang may tumapik sa balikat ko.
"O ano? Bibilhin mo na ba 'yan, Sarah?" Si Mrs. Mangunay iyon, ang may-ari ng tindahan.
Napakamot ako sa batok. "Naku, kulang pa ang pera ko, Mrs. Mangunay. Parang nasa anim na daang piso pa lang yata." Alanganin akong ngumiti sa kanya. Walong daan at labinlimang piso kasi ang halaga ng manika.
"Kakaunti na lang pala. Hayaan mo, dagdagan mo pa nang kaunti at baka maibigay ko sa iyo 'yan sa mas mababang halaga."
Nagningning ang mga mata ko. Gusto kong tumalon sa tuwa pero hindi ko ginawa. Kulang na lang ay yakapin ko si Mrs. Mangunay.
Naningkit ang mga mata niya. "Halika pasok ka." Ginawa ko ang iniutos niya.
"Dala mo ba 'yung anim na daang piso?"
Masigla akong tumango-tango at kinuha ang kumpol ng pera sa malalim na bulsa ng palda ko. Inilagay iyon sa estante. Binilang ko lahat at umabot sa anim na daan at pitumpong piso.
Nginitian ako ng matanda at sumilay ang isang ngiti. "Tutal ay magkaklase naman kami ni Andy noon sa hayskul, o sige. Ibebenta ko na sa iyo ito sa halagang anim na daan at pitumpung piso." Ang tinutukoy niyang Andy ay ang ama kong namayapa.
Napatda ako sa kinatatayuan ko habang nakaawang ang labi. Hindi ko namalayang iniaabot na pala niya sa akin ang manikang pinakaaasam ko.
"Heto na ang manika mo."
Inabot ko ang kahong naglalaman ng Kian Egan doll. May panginginig pa.
Labis ang pagngiti ko habang maingat na niyayakap ang bago kong merch.
Kung si Sarah ang munting prinsesa ay may manikang si Emily, ako naman si Sarah na isang alila ay may manikang si Kian.
Masaya kong nilisan ang tindahan ni Mrs. Mangunay at pumunta na sa burger shop.
Mamaya ko na bubusisiin ang bago kong pag-aari.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top