Tipar
May mga nagkukumpulang mga bata, at may mga regalo. Ang pinaka-highlight talaga kapag may kaarawan ay ang cake; magagandang dibuho ang nakapalibot rito at kahit wala sila sa isang sosyalin na reception, dinaig pa nito ang isang wedding cake, subalit ang may kaarawan ay pitong taong gulang.
"Happy birthday, happy birthday, happy birthday to you!" awit ng madla sa isang children's party sabay ihip ng birthday celebrant sa numerong siyeteng kandila na nakatirik sa cake. Hindi maipinta ang kanyang saya sa mga nagdaluhang mga kapwa bata, ang kanyang 7th birthday cake, mga pabitin para sa palaro, at higit sa lahat ang kanyang mga magulang.
"Papa, magma-magic ka ba ngayon?" hiling ng birthday celebrant kanyang tatay na nakapormang payaso.
"Ikaw pa. Hindi pwede walang magic sa birthday mo, anak!" masiglang tugon nito, sabay palakpak pa ng mga bata na nag-aabang din sa gagawing magic tricks ng payasong ito.
Inihanda naman ng kanyang asawa ang ilang kagamitang pangsalamangka at siya rin ang umalalay habang nagtatanghal ito.
Kagalakan ang hatid sa lahat ang pagtatanghal ng payaso. Napapatalon pa ang birthday celebrant sa tuwing mamamangha siya sa ginagawa ng kanyang ama; card tricks, pagmani-obra ng mga bola, hanggang sa pagkakaroon ng confetti sa walang laman na magic hat at paglutang ng lamesita gamit ang nakalagay na tela rito.
Ganito ang binabalikang gunita ni Isay kapag sumasama siya sa kanyang ama kapag may sideline sa pagpapayaso't pagsasalamangka sa mga children's party tulad ng kaarawan. Natutulala kapag makasasaksi siya ng ganitong tagpo: kaarawan ng munting bata, sagana sa bisita, makulay na pagdiriwang, at higit sa lahat, buo ang pamilya.
Ngunit kay Marissa, tila malabo na mabuo ang kanyang kinagisnang pamilya, kahit nariyan pa ang kanyang ama.
"Anak!" tawag ng kanyang ama na naroon sa mga hilera ng mga handang pagkain na nakapormang payaso pa. Nakadalawang tawag ito sa kanyang anak hanggang bumalik ito sa ulirat.
"Anak, anong gusto mo dito?" tanong pa niya, hawak nito ang isang paper plate, "Ipagkukuha kita rito,"
Tumayo si Marissa at tumungo kung saan naroroon ang kanyang ama, "Ako na po, papa." aniya pagkakuha niya ng paper plate mula sa tatay niya, at nagsimula na siyang kumuha ng mga tipo niyang makakain sa handa.
May biglang lumapit sa tatay ni Isay, ang ama pala ng birthday celebrant, "Mang Terio," akbay niyo sa kanya, "Salamat ha, pinasaya mo lahat ng naririto. Dahil diyan, dodoblehin ko yung bayad sa inyo."
"Naku, huwag. Huwag mong doblehin, ano ka ba pare? Parang hindi naman tayo magkakilala oh, ang mahalaga masaya ang lahat at nairaos mo kaarawan ng anak mo."
"Oo nga e, sa awa naman ng Diyos. Pero ayos lang pare, makatulong lang din ako sa iyo, lalo na sa anak mo na mag-isa mong binubuhay. Hindi ba graduating na siya?"
"Oo p're, education kurso niya. Gusto nga mag-tourism kaya lang, mahal ang kursong gano'n." sagot naman ni Mang Terio."Kaya pinakuha ko na lang siya ng medyo mura at kayang bayaran."
Nagiging personal na ang mga tanong at kasagutan ng magkumpare kaya dahan-dahang lumayo si Isay bitbit ang kanyang paper plate na may laman nang spaghetti at isang hiwa ng cake, habang kagat pa nito ang isang lumpiang Shanghai.
"Pero nakayanan naman niya. Ang mahalaga may tinapos siyang isang kurso."
"Magreretiro na po ba kayo sa pagma-magician kapag nairaos niyo na si Isay?"
Bahagyang napatawa si Mang Terio at napatingin sa anak na doo'y kumakain,"Kahit matapos na niya ang kolehiyo, magtatanghal pa din ako."
Doo'y inakbayan ito ng kanyang kaibigan, at inabot nito ang mga salapi bilang kabayaran sa kasiyahang hatid kay Mang Terio. Hinati pa nga nito ang salapi dahil sobra-sobra ang ibinigay ng kaibigan at tangkang ibalik ito sa kanya, ngunit hindi ito hinayaan ng kaibigan dahil kada abot niya dito ay hinaharangan siya ng kamay. Nagtawanan na lang sila sa huli, at itinago na ni Mang Terio ang mga salapi na bigay nito.
Suwerte nang maituturing ni Mang Terio kapag may umarkila sa kanya bilang isang clown performer sa birthday-han. Sakop ni Mang Terio ang pagsasalamangka, at iba't ibang uri ng pagbabalanse o pagsisirko. Kilala siya sa kanilang barangay kung kaya't lagi siyang indemand kapag may kaarawan ay bata, hinahanap-hanap siya ng mga tagarito dahil bukod sa mahusay makisama ay nalalagpasan ang inaasahang kasiyahan na dulot nito, na pati ang mga matatanda ay naaliw sa mga pagtatanghal na ginagawa ni Mang Terio.
Hindi lamang sa barangay Napindan, maging sa karatig-barangay sa Tipas ay iniimbitahan siya, hanggang makarating ng Pasig sa Kalawaan at San Joaquin. Ito ay sa tulong ng pagpapaskil ni Marissa sa social media upang tulungan ang kanyang ama na makahanap ng mga kliyente.
Ang mga kinita ni Mang Terio sa kanyang hanapbuhay ay nakalaan sa pambayad sa kuryente, tubig, pati na ang baon at pang matrikula ng kanyang anak.
Kapag wala naman siyang imbitasyon, tangan ang munting kariton na nilagyan niya ng lutuan, at sa harap ay nakahilera ang mga sawsawang matamis at sukang maanghang; siya ay suma-sideline ng pagpi-fishball vendor. Nakapwesto siya sa labas ng paaralan kung saan kasalukuyang pumapasok bilang student teacher ang kanyang anak.
Pagsapit ng uwian ng mga estudyante sa hapon ay pinupupog ang pisbolan ni Mang Terio. Kanya-kanyang tuhog ng fishball ang mga estudyante at salin ng kanilang paborito nilang sawsawan.
Samantala, katatapos lang ng klaseng tinuturuan ni Marissa, at napaupo siya teacher's table. Bakas sa kanya ang pagkapagod buong maghapon sa pagtayo, pagtuturo, pati na ang pagsaway sa mga batang matitigas ang ulo.
Kailangan niyang masanay. Kung tutuusin, hindi niya gusto ang pagtuturo, subalit wala siyang magagawa kundi mamili ng kurso na kayang tustusan ng kanyang ama.
------------------------*
Araw ng Biyernes, katulad ng mga ilang nag-aaral sa elementarya at sekondarya; ang ilang mag-aaral sa kolehiyo ay masaya sa araw na ito dahil kinabukasan nito at sa susunod na araw ay walang pasok. Ang iba naman ay mayroong pasok ng araw ng Sabado at Linggo kaya depende sa talakdaan ng estudyante.
Kanya-kanyang yayaán ang mga mag-aaral. Sabay kakain sa labas, pupunta sa mall, tatambay kung saan, at pupunta sa bahay ng mga kaibigan.
Kaya itong sina Marissa at ang ilang katoto niya ay walang pinalalagpas, walang okasyon man o mayroon. Imbes na umuwi upang gawin ang mga asignatura at makasama ang pamilya, nakukuha pang lumarga.
Kaarawan pala ng isa sa mga kaibigan nito, may kalakihan ang bahay niya at ang mga handa ay marami-rami, at ang mga bisita ay naroroon na nakasuot na typikal na paglakad, ngunit masasabing may kamahalan ang mga ito, branded kung baga. Mabuti na lamang, may mga baong damit sina Marissa upang hindi naman sa tingin nila ay baduy kapag nakasuot sila ng uniporme ng kanilang paaralan.
Madaling nagkapalagayan ng loob ang mga bisita na ngayon lang nila nakilala. Ang mga pailaw sa paligid ay sumasabay sa tugtugin nito, kaya ang iba ay napapasayaw na, ang iba ay kumakain, at ang iba ay umiinom.
"Happy birthday, Shen!" bati ni Marissa sa kaibigan nito.
"Thank you! Akala ko hindi kayo makakarating e,"
"Ano ka ba, nakailang cutting class na tayo sa huling subject, kaya need na pumasok." sabad naman ng isa sa mga kamag-aral nito.
"Ikaw, lagot ka na kay sir. Hindi ka na pumapasok," tawa ni Marissa sa may kaarawang kaibigan.
"Hay nako, need ko mag-beauty rest. Minsan na nga lang ako mag-birthday e." depensa nito.
Hanggang ang mga masasaya nilang kuwentuhan, isinabay sa pag-inom ng alak. Habang tumatagal, nagiging seryoso na ang kanilang usapan na humahantong sa iyakan.
-----------------------*
Mabuti na lang ay kaya pang bumiyahe ni Marissa pauwi. Iyon nga lang, habang nakasakay siya sa jeep ay sumuka ito sa labas ng bintana. Kahit na pinagtitinginan siya ng mga ilang nakaupo ay wala siyang pakialam, ang mahalaga ay makauwi lang ito.
At kahit dis-oras na ng gabi, lakas-loob niyang binabaybay ang daan pauwi, animo'y normal lang na naglalakad na wari'y nagmamadali, ngunit nais na niyang makauwi at makapagpahinga dahilan sa nakainom.
Ligtas naman siyang nakauwi, ngunit bago pa man makapasok sa loob ng bahay ay napasuka ulit ito. Dito na lang niya naramdaman na pagod na siya, kaya napaupo na lamang siya at napasandal sa may pintuan.
Biglang may nagsindi ng ilaw sa sala, at inalalayang makatayo si Marissa at makapasok.
"Pa, sorry." pagsusumamo ni Marissa habang akay ng amang iika-ika sa paglakad, "Gabi na naman ako umuwi..."
Marahang isinara ni Mang Terio ang pinto. Wala siyang naging tugon sa idinahilan ng anak, ngunit bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala, at ang kirot nito. Inalalayan niya ito hanggang sa nagsisilbing kuwarto ng kanyang anak.
Agad na napasalampak si Marissa sa kama. Ang kanyang bag ay kinuha ni Mang Terio at isinabit sa sabitan malapit sa aparador. Hindi na nakapagsalita, ni nakabangon ang dalaga.
Pinagmasdan niya ang nag-iisa niyang anak, na marahil ay agad na itong nakatulog dahil sa kalasingan at pagod. Mapapansin niyang nakataob ang isang picture frame, ang family picture nilang magpamilya. Itinayo niyang muli ito kahit na alam niyang itataob muli ito ng kanyang anak. Hindi niya ito magawang sisihin dahil sadyang malungkot ang naging kapalaran nilang magpamilya na nakaapekto sa kanya, lalo na kay Marissa na sa halip, dapat ay nasa pamilya ay sa ibang tao naglalaan dahil dito niya natatagpuan ang kasiyahan katulad ng kanyang mga kaklase.
Kung hindi man nagliliwaliw sa mga mall si Marissa, ay naroon sa isa sa mga bahay ng kaibigan niya na walang humpay ang inuman hanggang madaling araw. Kaya madalas ding pumapasok nang may hangover, at kung hindi makagawa ng asignatura ay kinokopyahan naman siya ng iba.
Maagang nakauwi si Marissa galing paaralan dahil ramdam pa din niya ang kanyang pagkahilo dulot ng pag-inom, nang madatnan niya ang kanyang ama na nag-aasikaso muli ng kanyang mga kagamitan sa pagma-magic tricks. Hindi tulad noon na marami ang kanyang mga bitbitin, kakaunti lang ito.
"Sasama ka ba anak ngayon? May birthday-han lang dito sa kabilang kanto. Birthday ni Moneng," anyaya ni Mang Terio habang binubukod niya ang ilang mga kakailanganing gamit na kinuha niya sa baul. "Ako na inimbita nila," nang humarap ito sa anak ay nababalot ng kulay puti ang kanyang mukha samantalang may kulay pula naman sa ilong at labi nito, dahil kailangan niyang mag-anyong payaso.
"Sinong Moneng, pa?" usisa ni Marissa, at bahagyang napatawa ito sa kanyang itsura ng kanyang ama.
"Ay, yung anak ni Margie. Yung kumare ng nanay mo doon sa kabilang kanto. Nai-chat kasi ng nanay mo si Margie, nirekomenda ako at nakiusap naman." tugon ni Mang Terio habang nagbibihis na ito ng makulay na kasuotang pampayaso.
Nabanggit na naman ang salitang "nanay" kaya tumahimik na lang muna si Marissa. Tinanggal niya ang kanyang ID lace at isinabit ito malapit sa mga sabitan ng susi.
"Makakatulong din ito pambayad ng kuryente at tubig." nadinig na dugtong ni Mang Terio na desididong kagatin na lang ang raket ngayong hapon para ipambayad ito sa mga babayarín.
Naisipan niyang sumama muli sa tatay niya upang makabawi man lang. Madalas man niyang nagagawa ang hindi makipag-usap sa ama dahil nahihiya niyang sabihin na nalulungkot, masuwerte naman siya dito kahit mag-isa siyang itinataguyod ni Mang Terio ay wala siyang problema sa pangmatrikula nito.
Subalit naiisip pa din niya ang kanyang mga nagastos bukod sa mga gastusin sa paaralan; ang mga panlilibre sa mga kaibigan, pag-ambag sa inuman, at mga pangkolorete't damit makisabay lamang siya sa uso, at tumulad sa kanyang mga kaibigan dahil pakiramdam niya ay doon siya komportable at katanggap-tanggap.
Habang naghahanda ay naisipan na naman niyang kumalikot sa kanyang smartphone, at doon ay may mga nagmensahe sa kanilang group chat na nagyayaya na namang dumalo sa isang party.
Kakalakwatsa lang, lalarga na naman? Wala na ba kayong kapaguran?
Bandang huli, ay sumama na lang siya sa kanyang ama.
-----------------------*
Naroon si Marissa na kumukuha ng mga litrato gamit ang kanyang smartphone, bakas sa mukha nito ang pagkalungkot dulot ng pagkainggit nang makita niyang ang naturang birthday celebrant ay katuwang ang kanyang mga magulang sa pag-ihip ng apoy sa kandila ng birthday cake.
Katulad ni Moneng, ganito din noon si Marissa nang siya ay tumuntong ng pitong taong gulang. Maraming handa, may mga palaro, maraming mga bisitang bata, may birthday cake, at siya ay may magarang gown. Higit sa lahat, naroroon ang kanyang mga magulang sina Mang Terio at Mariela.
Si Mang Terio na rin ang nagsilbing payaso at magician sa kanyang 7th birthday, samantalang si Mariela naman ay moral support sa kanyang asawa, at asikaso sa mga bisita. Ngayon, nakikita na lang niya ito kapag may kaarawan sa kanilang barangay tulad nitong kaarawan ni Moneng.
Nagtatalo tuloy sa isip ni Marissa na sana diretsong sumama na lang siya sa kanyang mga kamag-aral para sa birthday party. Ngunit asiwa na siya sa ganitong diskarte ng mga kamag-aral.
Nagsisisi man sa huli kung bakit halos ngayon lang niya naisip na kumalas sa ganyang uri ng pakikisama, gayong dati ay hindi naman siya ganyan; laging present si Marissa sa barkada, ang mga kasamahan pa niya ay anak-mayaman at happy-go-lucky. Nakisama siya sa mga ito dahil lagi silang nakakapunta sa iba't ibang lugar at mga mararangyang tirahan ng kanyang kamag-aral na bagay na diyan lang niya naranasan sa kanyang mga kaibigan.
Ngunit lumalabis na ang pagliliwaliw, humantong na sa pagpunta sa mga night clubs at inaabot na ng madaling araw kaya kinabukasan ay may hangover ang mga ito 'pag papasok sa paaralan. Hanggang mapagtanto ni Marissa na ang kanilang group thesis ay hindi na naaasikaso, hawak niya ang mga papel na naglalaman ng kanyang sinaliksik.
"Bakit ba kasi may ganyan pa?" reklamo ng isa sabay hawi ng kanyang buhok at tumayo sa kinauupuan, "Pwede naman tayong grumadweyt na walang kahirap-hirap, 'di ba?"
Tumangu-tango naman ang lahat ng tropa, maliban kay Isay na binabagabag na ang kanyang puso sa mga nangyayari.
"Huwag mo na intindihin 'yan." gatong ng isang kasamahan nila, lumapit kay Marissa at kinuha niya ang ilang papel na hawak nito, "Sa atin, lahat ay may paraan." sabay itsa niya ng mga papel sa bukas na bintana ng silid-aralan, "Pakahirap ka pang gumawa niyan," sabay nagtawanan ang lahat.
Siyempre, maliban kay Isay na hindi na nakayanan ang pagtitimpi, "Bakit mo ginawa 'yun? Pinahirapan ko—"
"Namin!" panggagalaiti ng isa, "Ano ka ba, magkaka-grupo tayo! Watch your words, Marissa!"
"Ah gano'n ba? Kaya naman pala halos ako lahat ang nag-asikaso ng research at pumupunta sa mga libraries para lang may magawa tayo sa thesis natin. Samantalang kayo, iba ang inuuna niyo."
"Aba. Tingnan mo nga naman, pwede pala ito sa bardagulan!" tayo ng isang lalaking tropa nito at sinindak si Isay, "Bakit ka biglang nagha-hallucinate? May demonyong sumapi pala dito e," sabay tawanan na naman ang lahat liban sa isa.
"Ako nang bahala sa thesis guys." napahalukipkip ang isa habang naglalakad papunta sa professor's table sa gitna, "Madali lang 'yan. Naku naman, Marissa. Huwag mo seryosohin ang lahat ng bagay. Chill lang!" umupo ito, itinaas at inilapat ang kanyang paa sa lamesa, "Maghahanap ako ng marunong gumawa ng thesis," sabay turo nito kay Marissa, "na hindi kasing bagal mo."
Sumamâ na ang pakiramdam ni Isay, mabilis ang paghinga nito na para bang inaatake siya ng altapresyon.
"Babayaran ko naman yung gumawa. E 'di may instant thesis na!" sabay palakpak nito, "At ikaw Isay, kami na nagsasabi na huwag ka nang magpakahirap. Pasalamat ka, may care pa kami sa 'yo."
"Pero pandaraya 'yang gagawin niyo."
"It's up to you. Pero labas na kami diyan ha. Hintayin na lang namin na lumabas sa bibig mo na," at mag-aakto siyang nagmamakaawa,"'tama nga kayo, sana nakinig ako!'"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top