Sa Peryahan

Buwan ng Pebrero, kapistahan ng Sto. Niño de Muntinlupa. Hitik sa mga banderitas, at pamisa ng simbahan. Maya't maya ang parada ng mga banda na nagmula sa mga ilang barangay ng Muntinlupa at mga karatig-lugar katulad ng Cavite at Laguna habang ipinaparada ang naturang santo.

Sa isang baguhan o dayo sa lugar, ito ay isang malaking abala. Sa mga naninirahan dito at mga sinadyang dumayo, ito ay tradisyon at paggunita sa taunang fiesta.

Hanggang gabi ay dagsa ang mga taong nagsisimba, namimili sa mga tyangge, o hindi nama'y mga pagkain na ibinebenta sa 'di kalayuan. Ngunit ang mas dinarayo, ay ang peryahan.

Tadtad ng mga makukulay na pailaw sa paligid ang peryahan upang makahikayat ang mga tao na makapasok at makisaya sa mga iba't ibang palaro, at sumakay ng mga rides.

May mga nagbebenta din ng mga pagkain sa may bukana ng tarangkahan sa perya na halos blockbuster ang pila dahil bukod sa masarap ay abot-kaya sa bulsa: mga fries, burger, cotton candy at iba pang mga street foods.

Naririyan ang mga palaro: ang pagputok ng lobo na kailangang ihagis mo ang pantusok sa lobo (tinatawag itong baloon darts) at kapag nakamit ang bilang na iyong naputok na lobo ay may premyong katumbas, maaaring pagkain, o laruan. Naririyan din ang shoot that ring at ang fun slide.

Kung trip mo ang mga munting kasiyahan na "ang buhay ay parang sugal", narito ang ilan sa mga ito: color games, hagis-piso, drop ball, roleta ng kapalaran at-

"Bingo! Woo hoo!" -hiyaw ng isang manlalaro doon sa Bingo Booth at napalundag pa.

"Okay! Kalma muna diyan ha, hintayin mo ang checker," ani ng bingo announcer at sabay punta ng taga-tingin ng bingo card upang makita kung tama ang mga namarkahang card at sa mga lumabas na numerong bola.

Mga bata na kasama ang kanilang nakatatanda, ay doon sa mga rides nagpakasaya. Sa caterpillar, marry-go-round, bump car, tsubibo at ang makapigil hiningang Vikings.

Masarap magliwaliw sa loob ng peryahan. Nakakawala ng mga suliranin at mga hinanakit pansamantala; sa una'y ikaw ay lilibangin sa mga palaro, hanggang pasasarapin sa mga sasakyan mong rides; paiikutin ka sa tsubibo o merry-go-round na para bang ang buhay ay paikot.

Tulad ng tsubibo at juggling, paikot din sumasalamin ang buhay ng tao. Sa buhay, ngayong araw ay masaya, kinabukasan naman ay malungkot; ngayong araw ay nagtagumpay, sa kabilang banda naman ay hindi inaasahang kabiguan.

Sa isang banda, ay may isang circus tent na walang duda'y dinarayo din. Ito ang magic show ni Mang Terio. Sa iba, laos na ang pagsasalamangka, o kaya'y nakakabagot na itong panoorin sa panahon ngayon. Ngunit ngayong gabi, nagniningning ang kanyang pagtatanghal. Sa bungad ng tent ay may entrance fee na tatlumpung piso, masusulit mo na ang manood sa loob.

Sa munting entablado, nagagawa ni Mang Terio ang mga pagbalanse gamit ang kamay at paa, magic tricks sa mga baraha at sa kanyang itim na sumbrero na naglalabas ng confetti at kunehong kulay puti.

At aba, fire performer din pala ito. Kinuha niya ang fire staff sa mesa kung saan naroroon ang ilang kagamitan niyang pangsalamangka. Sinindihan ito ng apoy ng isa niyang alalay: ang kanyang babaeng anak gamit ang munting sulo sa magkabilang dulo ng fire staff. Saka nagbuga ng apoy itong si Mang Terio.

Muli, naroroon ang kanyang anak at pumasok ito sa kahong parihaba at isinara niya ito. Dinoble naman ni Mang Terio ang pagsara ng kahon. Hanggang kumuha siya ng mga espada na kanyang itinusok sa kahon. Ipinaikut-ikot niya ang kahon, ito ay nakatungtong sa de-gulong na tungtungan upang makita ng mga manonood ang mga itinusok niyang espada. At nang ihinto niya ang marahang pagpapaikot, ay isa-isa naman niyang hinugot ang mga ito, at nang makumpleto muli ang bilang ng mga espada na inilatag niya sa kabilang mesa, ay binuksan na niya ang kahon, at bumangon ang nasa loob nito, umikot siya upang ipakita na wala siyang galos na natamo. At sabay silang napayukod bilang paggalang at pagtatapos ng kanilang pagtatanghal.

Nagpalakpakan ang mga tao. At halos lahat ay nais makadaupang-palad si Mang Terio. May mga nakikipag-selfie, at may mga nakikisuyong parokyano sa babaeng anak ni Mang Terio na kunan sila ng larawan. Ang mga bata ay bakas sa kanila ang tuwa, nakipag-apir pa sa salamangkero, at ang isa'y sa sobrang tuwa ni Mang Terio sa bata ay binigyan niya ng magic hat, isinuot niya ito sa ulo ng paslit.

Nang makaalis na ang mga bisita, nililigpit na nina Mang Terio at ang kanyang anak ang mga kagamitan. Naroroong sinubukan ng kanyang anak na imaniobra ang mga bola sa kanyang mga kamay; kanya itong pinaikut-ikot nang pasalit-salit sa ere.

"Aba anak, marunong ka na." natutuwang sambit ni Mang Terio habang pinagmamasdan ang kanyang anak na nagdya-juggling ng mga bola.

Nahinto naman ang kanyang anak sa pagsasagawa nito, "Naku pa, hindi naman." nahihiyang sabi nito. "Alam mo pa, sana matuto din ako balang araw ng mga ginagawa mo." determinadong banggit niya, ngunit may kirot sa damdamin ang namayani. Napaupo tuloy siya at napabuntong hininga.

"Marissa," panimula ni Mang Terio habang nilalagay sa kahon ang mga kagamitan sa pagsasalamangka, "Natututo ka na nga oh. At isa pa, kung ano man ang hilig mo sa buhay, ay iyon ang sundin mo. Ayos lang sa akin na hindi na masundan itong ginagawa kong mga pagma-magic at pagsi-sirko; ang nais ko," lumapit siya sa anak at tinapik niya ito sa balikat, "mag-aral ka nang mabuti." ngiti nito, at bumalik siya sa pagliligpit.

Hindi nito pinipilit na gumaya siya sa kanyang ama, ngunit naaawa siya rito. Sila na lang kasing dalawa ang magkatuwang sa araw-araw, lalo't ang kanyang ama ay halos ika-ika nang maglakad.

"Pa," tawag ni Marissa sa kanyang ama, "Hanggang kailan ka po magtatrabaho? Hindi pa po ba kayo napapagod? Pwede namang ako muna magtrabaho habang nag-aaral. Magpahinga na lang kayo sa bahay, nag-aalala ako baka madisgrasya kayo ulit."

"Anak, lalo akong magkakasakit kapag nagpahinga." ngiting sagot ni Mang Terio "Itong disgrasya na to," napaturo sa kanyang kanang binti dahilan kung bakit paika na itong lumakad, "ay malayo sa bituka lang. Nakakaya ko pa ngang magtanghal, kita mo naman hindi ba." mahinahong tugon niya kahit bakas sa mukha niyang nahihirapan siya ngunit sanay na ito sa mga hamon na dumadating sa buhay.

Napatahimik na lang si Marissa. Alam niyang kahit sa ganitong pagtulong niya kapag may pagtatanghal ang ama ay malaking bagay na ito upang alalayan siya.

Naisipan muna niyang i-upload ang mga nakunan niyang larawan na kinunan niya kanina noong wala pa siya sa entablado; mga pitik ng alaalang pagpapahalaga kung anong mayroong buhay sa perya. Mga taong nais munang magliwaliw hanggang sa pagtatanghal ng kanyang ama upang malimot pansamantala ang mga problema sa buhay.

Maraming salamat, Muntinlupa! Happy fiesta! Next year ulit! -caption niya sa mga upload na larawan. May mga nag-react agad sa paskil nito, kabilang na ang isang pamilyar na pangalan, si Mariela. At ito ay nag-iwan pa ng comment:

"Kumusta ka na anak ko?"

Biglang bumusangot ang mukha ni Marissa na ikinapuna naman agad ng kanyang ama, "Si mama mo na naman 'yan 'no?"

Nagbuntong hininga na lang siya, at ibinulsa na lang ang kanyang smartphone. Idinaan na lang niya sa pagtulong sa kanyang ama ang pagliligpit ng mga gamit.

Ito ang huling araw ng pista ng Sto. Niño de Muntinlupa, kaya mapalad pa din sina Mang Terio dahil may raket siya. Tsambahan na ngayong makakuha ng iba't ibang pagkakakitaan bilang magician sa perya, at swerte pa kapag inanyaya siya magtanghal bilang sirkero ng kanyang mga kliyente.

Habang naghihintay sila ng masasakyang dyip sa highway, naisipan ulit ni Marissa na kunin ang kanyang smartphone sa bulsa. Nang buksan ang data nito, ay sunud-sunod ang notification sounds nito; tumambad pala ang mga mensahe mula sa nanay nito.

"Hay nako, ang kulit ni mama!" inis na nasambit ni Isay, at pinindot ang restrict nito upang hindi na makaabala pa.

Natawa na lang nang bahagya si Mang Terio. "Kausapin mo paminsan," sabi niya habang nag-aabang ng dyip, "baka sabihin nun e ipinagkakait kita sa kanya,"

"Hay nako pa," dahil naiinis na naman ito ay ibinalik ulit niya ang kanyang telepono sa bulsa. "Tigil-tigilan niya nga. Nang-iwan, tapos mangungumusta. Ano 'yun?"

Sakto namang kumaway si Mang Terio sa dyip na pa-Alabang at huminto ito. Agad nilang pinagtulungang buhatin ang isang baul na naglalaman ng gamit pangsalamangka upang ipasok sa loob ng dyip, unang napaupo si Marissa at hinatak ang baul hanggang sa dulo at alalay naman itong si Mang Terio sa pagtulak bago ito makaupo.

"Bayad po, dalawang Alabang." pasuyo niya sa tsuper nang iabot ang kanyang bayad mula sa likuran. Samantalang nasa harapan niya si Isay na nakatingin na lang sa kawalan, pinagmamasdan nito ang mga dinaraanan ng dyip gayong tipikal namang daanan ito kapag uuwi na sila sa Taguig galing Muntinlupa.

"Anong sabi ni mama mo, anak?" tanong ni Mang Terio na bumasag sa katahimikan ni Marissa.

Hindi sumagot ang anak, gayong narinig naman niya ang tanong ng kanyang ama. Sinadyang hindi sagutin dahil nayayamot na naman siya kapag pinag-uusapan ang paukol sa kanyang ina.

Hangga't maaari ay sinisikap niyang huwag nang pag-usapan dahil nakakasakit lang ito ng kanyang damdamin.

Walong taong gulang pa lang siya ay mulat na siya sa mga nangyayari sa kanyang mga magulang. Papasok na sana siya sa kuwarto upang matulog matapos gawin ang kanyang mga takdang aralin, ay naririnig niya ang mga usapan at ilang pagtatalo ng kanyang ama't ina;

"Doon na tayo sa Munti, maganda ang buhay doon. Hindi tulad dito sa Taguig na lagi kang nasa perya at circus, wala ka na halos kinikita. Nadisgrasya ka pa!" dinig ni Marissa sa reklamo ng kanyang nanay.

Naroon naman ang kanyang ama na hawak ang saklay, may tamâ ang kanyang kanang binti, nababalot ito ng benda. Ito ay dulot ng disgrasya sa pag-eensayo niya ng pag-sirko.

"Hindi ba, mas maganda ay pareho tayong nagtatrabaho, Mariela?" mahinahong paliwanag ni Mang Terio habang inaayos niya ang pagkakaupo at isinandal ang kanyang saklay sa tabi ng mesa. "Hindi kita pinigil sa trabahong pinasok mo. Maganda ang trabaho mo, nasa opisina. Hindi ba't gano'n din naman sa akin? Kahit papaano, masaya naman din ako sa trabaho ko-"

"Iyan ang hirap sa 'yo. Lagi mong iniisip ang kapakanan mo! Hindi mo iniisip ang pamilya natin!"

"Anong hindi iniisip ang pamilya? Ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko. Magmula noong nakilala mo ako, ganito na ang trabaho ko. Bago pa lang tayo magka-anak, ito na ang kinalakihan ko: maging madyikero, at sirkero. Kahit papaano naman, natutugunan ko ang pangangailangan ng anak ko," kahit halos nasisigawan na siya ng kanyang asawa ay kalmado pa ding tumutugon si Mang Terio.

"Ah, ibig kong sabihin ako ang hindi tumutugon sa mga pangangailangan ng anak natin? Kanino nanggagaling ang pambayad sa kuryente at tubig? Hindi ba't sa akin?" napasapo sa noo si Mariela, "Kaya nga hinihikayat kitang doon na lang tayo manirahan sa bahay ko doon sa Muntinlupa dahil maganda ang buhay doon. Hindi tulad dito, una malayo sa bahay yung trabaho ko, pangalawa, hindi ako sanay dito sa mga nakapaligid puro iskwater!"

Walang araw na hindi mapag-usapan o mapag-awayan ng kanyang mga magulang ang naturang pagtatalo na ito.

Isang araw habang naglilinis si Marissa ay natanaw niya ang kanyang smartphone ng kanyang ina, ang nais niya'y mag-selfie ngunit nag-vibrate ito na palatandaang may mensaheng dumating. Napindot niya tuloy ito at nadiskubreng ang kanyang ina ay may lihim na pala itong karelasyon.

Hanggang isang araw, natanaw niya sa awang ng pinto mula sa kanyang kuwarto ang kanyang ama na umiiyak. Nang lumabas siya sa kanyang kuwarto ay tila walang nangyaring pag-iyak dahil nakatuon ito sa pag-aayos ng mga gamit na pangsalamangka.

Hinanap agad ni Marissa ang kanyang ina. Ang sagot naman ng kanyang ama tuwing hinahanap niya ito ay nangibang bansa ito at doon nagtrabaho.

Ngunit habang lumalaki na at madalas nakakasama na siya ni Mang Terio sa mga pagtatanghal, lalo't naging suki ito tuwing kapistahan ng Sto. Niño de Muntinlupa ay namataan ni Marissa ang kanyang ina na naroroon sa fiesta kasama ang tiyak niyang bagong karelasyon na masayang kumakain ng mga turo-turo. Matagal niyang pinagmasdan ang dalawa hanggang makita niyang humalik ang lalaking kasama nito sa kanyang ina.

Nais niyang masuklam sa ina ngunit laging pinipigilan ito ng kanyang ama na laging nagpapayong "nanay mo pa din 'yan". Kapag ganito ang naging tugon nito ay mawawalan na sa huwisyo ang anak:

"Nanay. Nagpakananay ba siya? Dapat kahit anong mangyari, hindi niya tayo iniwan 'di ba? Nasaan na siya ngayon?" pabalang na tugon ni Isay na umiiwas ng tingin sa ama nang sa gayon ay hindi nito makita ang pagluha niya.

Kaya magmula noon, sa oras na maramdaman niya ang presensya ng kanyang ina ay nagbabago ang timpla ng pagkatao ni Marissa. At kahit mapag-usapan nila itong mag-ama ay magkahalong galit at lungkot lang ang mamamayani sa kanya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top