Panaginip at Mahika
May mga taong nagkukumpulan, mga namamangha, at nagpapalakpakan. Ito ang bumungad kay Marissa habang naglalakad nang mapansin niyang may kung anong pinapanood ang mga tao. Dahil sa kuryosidad, lumapit siya rito, at habang papalapit ay natatanaw niya ang pinagkakaguluhan ng madla: isang lalaking nagtatanghal. Nakasuot ito ng matingkad na damit na kulay pulang pang-itaas at kulay dilaw naman ang kalsón nito. Siya ay nagbabalanse sa sariling katawan tangan ang mga kagamitan, nagbuga ng apoy at pinakita ang paglaho't biglaang paglitaw ng pinaglalaruang baraha.
Paningin agad ni Marissa, ito ang kanyang ama na si Mang Terio.
Nang madala ang kanyang mga paa malapit sa entablado, kanyang napansin na hindi pala ang kanyang ama ang nagtatanghal, may kabataan ang itsura nito. Ngunit ang tindig nito ay katulad ng kanyang ama.
Lalong humiyaw ang mga manonood nang ilabas ng nagtatanghal ang isang kris. Itinaas niya ito katulad ng inakto ng kanyang ama. Ang plano ng lalaking ito ay padaanin ang kris sa bibig hanggang lalamunan, na kanya naman itong ginawa nang hindi napapahamak. Lubhang delikado ito sa mga hindi bihasa kaya mga propesyunal o mga dumaan sa matinding pagsasanay ang ganitong uri ng pagtatanghal.
Nagpalakpakan ang lahat, pati si Marissa. Hindi na niya inisip kung sino man iyon, napamangha siya rito.
Dahil malapit siya sa entablado, napansin siya ng nagtatanghal. Hindi sinasadyang nagtama ang kanilang paningin.
Lumapit ito at inilahad niya ang kanyang kamay, tanda ng pag-anyaya nito na umakyat sa entablado.
At dahil dito, nagitla si Marissa nang makita ang mukha ng lalaki. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan sa gitna ng mga nagpapalakpakan at naghihiyawang madla.
Biglang napabangon at hinahabol ng hininga si Marissa. Napatakip na lang ito ng mukha, at inisip nito ang kanyang panaginip.
"O, Isay. Gigisingin na sana kita e," banggit ni Mang Terio na kalalapag lang niya ng almusal nang makita niyang si Marissa na napadaan sa hapag, "E kaso, bumangon ka na,"
Pumasok ang sinag ng araw sa bintana na bagay na ikinasilaw ni Marissa nang buksan niya ito. Napansin din niya na nakabitin ang ilang mga kuwadrong larawan na kayang nakita nang naglinis si Mang Terio.
Kahit masakit, ay nasasanay na siyang makita muli ang larawan sa kasal nina Mang Terio at Mariela. Mahal na mahal pa ng kanyang ama si Mariela, ngunit ang anak ay tila napagod nang mahalin pa ang kanyang ina.
At ang nagpatigil ng mundo sa umaga ni Marissa, ang larawan ng kanyang lolo na si Pantaleon Villegas na nakahilera ding nakalagay sa pader.
"Ikaw." mahina ngunit mariing boses ang lumabas sa bibig ni Marissa, "Ikaw yung nasa panaginip!"
"Isay," tawag ni Mang Terio.
Sa ikalawang tawag ng kanyang ama, ay saka lamang bumalik siya sa ulirat. Nagyayaya na pala itong kumain.
------------------------*
Hindi niya mawari sa sarili kung ano ang kanyang nararamdaman habang bumibyahe papuntang unibersidad. Tila gusto na lang niya matulog maghapon, ngunit hindi maaaring pabayaan ang kanyang pag-aaral.
Siguro, si Tatay Leon ang huling nagregister sa utak ko kaya siya ang napanaginipan ko. Aliw kasi si papa e, ang dami ko na namang nalaman.
------------------------*
"Sigurado ka na ba sa desisyon mo, Miss Villegas? Kapag nag-individual ka sa thesis, mas maaga ang deadline niyan.
"Buo na po desisyon ko, ma'am. Para po lalo akong makapag-focus sa mga gagawin. Promise po, ipapasa ko sa takdang oras."
Hindi na makayanan ni Marissa ang mga nangyayari dahil sentro na siya ng usapan kapag nagtatagpo ang landas nilang magbabarkada. Kaya ito na lang ang tanging paraan upang mabawasan ang tinik sa dibdib at pangamba; pikit-mata siyang kumalas sa pangkat, at inako nang mag-isa ang paggawa ng tesis.
Sa araw-araw na magtatagpo sila ng kanyang mga kabarkada ay wala nang pansinan, pagkaway, o yayaan. Nakaramdam pa din siya ng lungkot, dahil tingin niya ay siya ang nawalan ng mga kaibigan. Kapalit naman nito ay makakatuon na siya nang mabuti sa kanyang mga aralin.
Mga ngiti ng kanyang mga dating kaibigan ay abot-tainga, ngunit wala naman silang natutuhan sa mga napag-aralan.
Pinagbutihan pa niya ang pag-aaral kahit nahihirapan ito. May mga ibang lumalapit sa kanya upang magpatulong, na kanya naman itong tinutulungan. Napapansin ito ng mga dating kabarkada niya at siya pa ang tila naging masama sa mga ito.
Lalo na kapag may pagsusulit, na si Marissa ang may pinakamataas na nakuhang grado sa lahat.
------------------------*
Kinabukasan, walang pasok si Marissa kaya medyo tinanghali ito ng gising. Napansin niya ang kanyang ama na nakagayak. Mukhang may pupuntahan ito.
"Pa," magulo pa ang buhok ni Marissa nang bumangon, "Aalis kayo?"
"Oo, punta ako ng Camba. May kukunin lang ako sa bodega."
Alam niya ang papunta sa lugar na sinasabi ni Mang Terio. Noong bata pa lamang ito ay kasa-kasama na niya ang kanyang tatay doon upang manguha ng iba pang kagamitan na gagamitin sa pagsasalamangka at pagsi-circus. Matagal na siyang hindi nagagawi doon kaya nais niyang magpunta nang mag-isa. Natatandaan niyang Kalye Camba ang lokasyon ng bodega.
May naalala ito. Napahalungkat tuloy siya sa kanyang bag, at kinuha ang kuwaderno na naglalaman ng mga ilang sinulat niya ukol sa kasaysayan. Binuklat niya't hinanap ang kanyang naisulat, nang kanyang mahanap tumambad ang kanyang sinulat na ang tinutukoy na Daang Camba ay naging saksi sa mga karanasan ni Leon Kilat dito sa Maynila.
Napatigil siya. Ang kinatatayuan ng sinasabing bodega na pinagkukuhanan ng mga gamit nila sa pagsi-sirko at pagsasalamangka ng kanyang ama, at ang datos na nakalap nito ay
"Masaker sa Camba—"
Kahit mahinang nabanggit ni Marissa ay narinig naman ito ni Mang Terio, "Oo anak," sang-ayon nito, "Marami ang napatay doon na karamihan ay nagmula pa sa Bisaya, at ang mga naabutang buhay naman hinuli ng mga guardia civil at ikunulong." ayon sa kanya. May mga ilan palang nalalaman si Mang Terio ukol sa kasaysayan.
Tumangu-tango si Marissa. Tama ang kanyang nasaliksik, "Kabilang sa mga nakulong ay si Tatay Leon." dagdag pa ni Mang Terio.
"Ha? Nakulong?"
"Oo. Nakulong si Tatay Leon mo."
Kumuha ng panulat si Marissa upang isulat sa kuwaderno ang kanyang nalaman, "Grabe naman pa, pati naman doon e, may presensya ni Tatay Leon. Kaya ba naroon yung bodega natin dahil doon siya nakatira? Doon ba siya nakulong?"
"Nang matutong mag-circus at mag-magic, at nang mapadpad sa Maynila mula Cebu, doon siya nanuluyan. Ang bodega na 'yun ay pag-aari ng isa sa mga kasamahan sa circus ni Tatay Leon sa Maynila."
May kung anong ihip ng hangin ang naramdaman ni Marissa, "Ako na lang po ang kukuha sa bodega papa. Wala naman po akong lakad ngayon." hiling ni Marissa, "Magpahinga na lang po kayo dito sa bahay."
Napalingon si Mang Terio sa anak, "Baka may mangyari sa 'yo sa labas anak," pag-aalala nito. Hindi niya mawari kung bakit nag-aalala siya nang ganito gayong sanay naman si Marissa sa mga lakaran.
"Papa naman e, ipaubaya niyo na lang muna sa akin 'to. Itong pagiging gala ko dapat gamitin ko in proper way, para naman po makatulong ako sa 'yo."
"Sus, pupuntahan mo lang yung bodega e." tukso pa ni Mang Terio.
"E, papa naman. Puro na lang kayo trabaho, mag-day off naman kayo." lihis ni Marissa.
"Dati hindi ka naman ganyan." tawa na lang ng kanyang ama, na tila hindi pa din sanay sa pagbabago ng kanyang anak.
"Mas ok na 'to pa. Feeling ko, mas mapapalapit pa ako sa mga ancestors natin."
"O sige. Payag na ako." sa wakas, bumigay na din si Mang Terio.
Dahil dito ay napayakap ang anak sa kanya. Nagpasalamat ito, at akala mo ay nakakuha ng premyo dahil napalundag pa.
Nang makagayak na si Marissa, ay nagbilin ang kanyang ama, "Isay, mag-chat ka sa akin o tumawag 'pag nandoon ka na sa bodega ha."
"Opo papa." sagot nito, "Ay, ano nga pala yung ipapakuha nyo doon?"
"Linking rings at yung parasol." tugon ni Mang Terio na ito ay mga ilang ginagamit sa kanyang pagsasalamangka. Pamilyar naman si Marissa dito dahil mula bata pa lang ay alam na niya ang mga kagamitan na hawak ng kanyang ama kapag nagtatanghal.
------------------------*
Bumiyahe na naman si Marissa, hindi para maglamyerda kung saan, kundi upang puntahan ang makasaysayan nilang bodega. Mula tricycle papuntang Pasig, at dyip mula Pasig hanggang Quiapo.
Alam niya na maraming mga bahay na bato sa Quiapo, ngunit hindi pa niya mapuntahan dahil kinakailangan muna niyang makapunta sa Camba dahil baka gabihin ito sa pag-uwi.
"Hay, Quiapo. Balang araw, malilibot din kita. Hintay ka lang diyan." panghihinayang na nabanggit ni Marissa habang hinihintay ang isang motorsiklo na kanyang na-booked sa isang application sa kanyang smartphone upang mapadali ang kanyang pagpunta sa Camba.
At sa wakas. Nakarating na siya sa sinasabing bodega na tinutukoy ni Mang Terio. Nakalokasyon ito sa Camba Street, San Nicolas.
Isa itong may kalumaang bahay na bato na may ikalawang palapag at may kalaparan. Ang unang palapag nga lang ay nahaluan na ng semento ang adobe, ito ay dahil upang kahit papaano ay matindig pa din ang naturang bahay.
Kinunan niya ito ng litrato sa kanyang smartphone, at pinagmasdan niya ang mga sulok ng bahay sa labas. Naroroon pa ang ilan sa mga orihinal na materyales na ipinanggawa ng bahay.
Pinagmasdan din niya ang mga nakapalibot na istruktura at mga daan. Abala ang mga dumaraan at napapalibutan na ng gusali ang paligid. Mangilan na lamang ang natitirang mga bahay na bato sa San Nicolas. Makikita pa ang mga kawad ng kuryente sa mga poste na bagay na sagabal sa paningin lalo na sa mga malapit sa bahay na bato na malaking porsentong gawa sa kahoy at ito ay maaaring agad na magliyab 'pag nagkaroon ng malaking disgrasya.
Bago siya pumasok, tinawagan muna niya ang kanyang ama. Binalita na narito na siya sa lokasyon. Matapos nito, agad niyang hinanap ang susi upang mabuksan ang postigo.
Nang mabuksan ay pumasok na ito. May kalumaan na din ang puerta o entrada principal, "Mukhang original pa 'to ah." napahawak siya sa pintong kahoy ng entrada principal at napatingala dahil mataas talaga ito.
Sa tagal na niyang nagpupunta dati rito, ay ngayon lang niya napapansin ang mga bagay-bagay.
Isinara na niya ang postigo, at nadaanan nito ang zaguan; marahil may mga pumapasok ditong kalesa at dito pinaparada noon. Dito pa lang, makikita na ang ilang mga tambak na kagamitan tulad ng tolda, mga upuang monoblock, at mesa, pati na ang circus tent na naroon. Inaalikabok na ang lahat ng ito, at matagal nang 'di nagagamit. Hindi na gaano naaasikaso ni Mang Terio dahil wala siyang katuwang, at nawawalan na ito ng oras, kaya pumupunta na lang siya sa Camba sa tuwing may kukunin lang siyang gamit o kaya may ibabalik o itatago.
Hindi ka na mamomroblema papa. babalik natin ang dating buhay sa bahay na ito.
Pumanhik na siya sa escalera nang dahan-dahan. Bawat tapak niya rito, animo'y naglalakbay na ang kanyang diwa pabalik sa nakaraan. Dama niya ang paghawak sa gabáy ng hagdanan na higit isang daang taon na.
Hanggang maabot na niya ang antesala. Kung titingnan, isa na talaga itong bodega dahil sa mga nakatambak na kung ano-ano na karamihan ay nasa kahon, baul, o hindi kaya ay nakabalot ng tela at trapal. Nababalot na ang lahat ng ito ng mga sapot at alikabok. Ngunit agad na napansin ni Marissa ang mga istruktura sa loob ng naturang bahay; ang pader, ang calado, hanggang sa napatingala ito, ang istruktura sa kisame na kung tawagin ay artesonado.
Bawat may tumugon sa kanyang pansin, ay kanya itong kinukunan ng larawan. I-a-upload niya sana, kaya lang naisip niya na baka may sumira lang sa araw niya sa chat o sa mga paskil sa social media. Kaya minabuti na huwag na lang muna at nagpatuloy siya sa pag-uusisa sa bahay.
Agaw-atensyon ang comedor, ang dining room ng bahay. May malapad na mesa, at may mga upuang gawa sa muebles at solohiya. Nais niyang umupo sa mga upuang nakapaligid sa mesa, kaya dali-dali itong umupo at biglang itong lumubog nang bahagya. Nagulat ito at napatili. Nabutas pala ang solihiya pagkaupo niya.
Nakasira ng gamit si Marissa, na bagay na ikinabilis ng tibok ng puso niya. Hinawakan niya ang sirang solohiya ng upuang muebles at nakapa niyang marupok na pala ito na dapat ay hindi niya inupuan.
"Sorry. Hindi ko alam, sana hindi na lang pala ako umupo." pasgsisisi niya, "Hayaan mo, ipapaayos ka na lang namin, malamang may mga gumagawa pa ng ganito ngayon," tila kausap na niya ang upuan, awang-awa siya rito.
Sa kabilang banda naman ay ang kusina. Nakapanlulumo na ang itsura nito dahil animo'y bibigay na ang mga haligi nito dahil sa tulo ng tubig, at anay. Naroon pa din ang mga orihinal na materyales sa paggawa nito na maaari pang isalba.
Napalakad-lakad si Marissa palibot ng bahay, may kalakihan pala ito. At naisip niya kung gaano ito kaganda noong panahon ng mga Kastila.
"Malamang, marami na ang bumisita dito sa bahay na ito. Siguro, dito din nagpulong ang mga ilang Katipunero." makapaniwala si Marissa, na akala'y ordinaryong bodega, tahimik pala itong saksi sa mga naganap sa kasaysayan.
Napadpad muli siya sa antesala. Naalala niya yung mga pinakukuha ng kanyang ama. Nakalimutan pa niya itanong kung saan hahanapin dahil sa dami ng tambak. Ibig sana niyang tawagan ulit si Mang Terio ngunit pinili niyang siya na lang ang maghanap upang hindi makaabala sa kanyang ama na nagpapahinga sa bahay. Dahil maalikabok at puro sapot ang hahalungkating gamit, ay nagsuot siya ng facemask.
Napapaubo pa siya dahil sa tindi at kapal ng alikabok habang naghahanap, at isinama na niya pag-aayos ng mga gamit ng kanyang ama sa pagtatanghal. Ang iba dito ay nasira na dahil sa kagat ng daga. Ngunit karamihan ay maaari pang magamit. Napapatili siya sa tuwing may dumadapo na ipis, at biglaang pagdaan ng alupihan.
Hanggang sa nahanap na niya ang linking rings. Sinubukan pa nito na imaniobra, nagbabakasakaling kung marunong pa siya nito, at nagawa niyang kalasin ang mga singsing nang mabilisan.
Gayundin nang mahanap na niya ang maliit na payong. Pinagpag niya ng ito ng kamay pagkabukas niya rito, at nagsagawa siya ng parasol magic. Animo'y nanganganak ang payong na hawak ni Marissa kada pagkilos niya sa saliw ng payong; ang isa ay naging dalawa, maglaon ay naging limang payong. Ang isang makulay na tela na kasama sa nahanap ay kanya itong pinadaan sa kanyang kamay at isang iglap ay nag-anyo itong makulay na payong.
Nag-iisang anak lang si Marissa, ang tanging magmamana ng kanyang talento ni Mang Terio ay walang iba kundi siya. At kung sa tingin niya ay wala nang pag-asang bumalik pa ang kanyang ina, hangga't may mahika ay sa kaibutura'y umaasa pa rin na magiging buo muli ang kanilang pamilya.
Tila naging isang maliit na entablado ang antesala. Nawili siya sa pagsasagawa ng pagsasalamangka. Nakakawala ng problema. Sana, ganito palagi.
Kung anu-ano na ang ginagawa niya na magic tricks kung kailan nahanap na niya ang mga pinapakuha ng kanyang ama. Nang makuha niya ang magic wand, ay may napansin siyang isang pahayagan, kinuha niya iyon.
Isa itong pahina na bahagi ng isang pahayagan. Umagaw ng pansin sa kanya ang nakaguhit na isang taong may tarak sa kanyang dibdib na nakahandusay, at may ilang tao na ang itsura ay puro nakaitim na nakapalibot rito.
Leon Kilat, Bayani sa Yutang Natawhan.
Usa ka Biyernes Santo
Nahitabo sa Kabkad sa Abril 8, 1898.
Ito ay nasusulat sa wikang Cebuano. Hindi siya nakakaintindi nito, marahil ang kanyang ama ay alam itong basahin. Ngunit dahil sa may kaunting alam na siya ukol sa kanyang Tatay Leon, ay sa pagkakaunawa niya sa kanyang hawak na pahayagan ay ukol sa malagim na kaganapan noong Ika-Abril a otso, Biyernes Santo na araw ng pagtataksil sa kanyang Tatay Leon.
Ramdam ni Marissa na pinagpapawisan na siya, at habang lumilibot ang kanyang paningin ay naiisip niya ang mga ganap kung papaano ito pinatay. Hinding hindi talaga matatanggap, dahil tila hindi na mga tao ang gumawa nito.
Bumibigat na ang kanyang pakiramdam, naghahalong init ng paligid at kaba. Naisip niya na buksan ang bintanang capiz upang may pumasok man lang na hangin.
Akala niya, ganoon kadaling mabuksan ang bintana. Dahil sa tagal nang hindi nabubuksan ay halos mawalan siya ng puwersa hilahin ito.
Hanggang sa nagtagumpay siya, ngunit halos tumilapon siya dahil sa tindi ng binuhos niyang puwersa. Napadungaw siya rito na tanaw ang kaharap na konkretong bahay, at mga nagtataasang gusali sa paligid. Natatanaw din niya ang mga bahay na bato sa 'di kalayuan.
Bumuti na kahit papaano ang kanyang pakiramdam, nalanghap na niya ang hangin. May liwanag nang pumapasok sa bahay, marahil ngayon lang ulit ito nasinagan ng araw sa tagal ng panahong pagkakasarado ng mga bintana.
Pati na ang ventanilla nito, naiusisa niya. Ito ay mga balaustre na kahoy na may mga ukit na disenyo.
Nangangalumata at pagod na siya. Kung kaya't sa isang upuan na kung tawagin ay silya perezosa siya napaupo, at mabuti'y may katibayan pa ang solihiya nito kaya puwede dito magpahinga.
Malayang makapagpahinga.
At nang makapag-ipon ulit ng lakas, iminulat na niya ang kanyang mga mata. Natanaw niya ang paligid na kay linis, kay ganda, at wala nang mga nakatambak na mga gamit.
"Ganito pala ang itsura ng bahay! Ang ganda!" napamangha siya. Kahit bagong gising at sinikap niyang imulat nang husto ang kanyang mga mata. Pero dahil sa inaantok pa ay pumikit muli ito. Batid niyang nananaginip siya.
Maya-maya ay nagising siya. Paulit-ulit niyang ginawa ang pagmulat at pagpikit ng mga mata. Hanggang bumangon na siya sa silya perezosa.
"Nasaan na ang mga gamit?" pagtataka niya. Paulit-ulit niyang inilibot ang kanyang paningin, ang mga nakita niya ngayon ay kabaligtaran sa nakita niya kanina. Mas lumabas ang tunay na itsura nito, at makikita ang mga ukit na kahoy at disenyo sa paligid ng bahay. Makikintab pa ang mga pinto ng bahay. "At bakit malinis agad?" pagtataka pa niya.
Napadungaw siya sa bintana. At ganoon na lamang huminto ang kanyang mundo nang mapansin ang kanyang sarili na siya lang ang naiiba ang kasuotan sa lahat ng mga nagdaraang mga tao sa labas.
Kinabahan siya bigla.
Bumalik siya sa silya perezosa. Sinubukan niyang matulog muli. Batid niyang isang panaginip ang lahat. Nakatulog naman siyang muli dahil sa pagod, ngunit 'pag mulat niya ay naroon pa din siya.
Bumangon at tumayong muli si Marissa. Maririnig niya at matatanaw ang mga nagdaraang mga kasela sa labas.
"What the heck?!" ito na lang ang nasabi niya, na bakas pa din ang pagtataka at hindi maipaliwanag na pagdeliriyo ng kanyang damdamin.
Panaginip lang naman 'to 'di ba? Hindi 'to magic?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top