Pagtatagpô
Malayong-malayo sa itsura dati na halos anayin na ang mga kahoy na malapit nang gumuho at pinalilibutan na ng sapot itong bahay na kinatutungtungan niya ngayon. Mas maaninag ang mga ukit na kahoy, mas makinang ang sahig na tila hindi magpapatapak ng kung sinu-sino sa loob ng bahay. Hindi talaga mahahalatang ang mga dating nananahan dito ay naging bahagi ng pagbabago para sa bayan.
Maaliwalas ang sala mayor, pati ang comedor na may mga prutas pa sa gitna ng mesa. Hindi na pinalagpas ni Marissa na kumuha ng mansanas at kinain niya ito, kumuha din ng ilang piraso ng ubas.
"Grabe, hindi nga ako nananaginip!" mangha niya habang ngumunguya, at napaupo na akala ay lulubog na naman siya sa upuang kahoy na solihiya. Sadyang nagutom siya biyahe, mas naramdaman pa ang gutom nang mapadpad siya ngayon sa hindi niya panahon.
Mabuti na lang at malikot ang mga mata ni Marissa nang maaninag niya ang hugis-taong kumikilos papunta sa comedor. Agad siyang kinabahan, ngunit nakuha pa niyang magdahan-dahang umalis sa kanyang kinauupuan, tangan ang pagkaing kinakain niya.
Napadpad tuloy siya sa kuwarto, na bagama't hindi cuarto principal ang dating nito ay malinis at nakatitiyak na komportableng tulugan.
Naghalungkat siya ng mga damit sa aparador. Sinikap niyang hindi maibuyangyang ang mga ito dahil maglalaan pa siya ng oras para tupiin muli. Wala siyang makitang baro para sa babae, pati ang saya. Puro mga camison, kulay puti at de-kolor na baro, at mga pantalon.
"Grabe, wala man lang pambabae dito!" reklamo pa niya, at napahinto siya, "Ay, 'di ba sabi ni papa, puro mga Katipunero ang mga nakatira dito, kasama si Tatay Leon?"
Naliwanagan siya. Umikot muli ang paningin niya sa paligid, "Sa mga kuwarto kayang nandito, saan kaya siya natutulog? Dito kaya?" napatingin tuloy siya sa higaan na hindi naman kalayuan sa aparador. Parang gusto na niyang matulog muli baka sakaling magising na siya sa kanyang 'di mawaring panaginip, ngunit napansin niya na may taong paparating. Dinig niya ang mga yabag nito.
Hindi na niya alam ang gagawin. Kailangan ay hindi siya makita na ganyan ang kanyang itsura. Dahil dito ay isiniksik na lang niyang makapasok ang kanyang sarili sa aparador at saka isinara niya ito. Nangangatog si Marissa baka sakaling makita siya. Nakatingin siya sa awang ng pinto ng aparador upang makita kung sino ang paparating.
Sa halip na tumuloy ang paparating, ay isinara lamang niya ang pinto ng kuwarto na nadinig naman ni Marissa. Napansin niyang walang pumasok sa kuwarto kaya binuksan na niya ang aparador at lumabas na siya rito.
"Grabe, sino kaya 'yun?" pagtataka niya.
------------------------*
Hinay-hinay siyang lumakad, kailangan niyang makalabas agad. Suot na niya ang maluwag na camisa, at ang pang-ibaba'y itim na pantalon na may kaluwagan sa talampakan. Hindi angkop na damit para sa babae noong araw, ngunit kailangan niya itong gawin upang hindi mapuna sa suot. Gayong maaari naman siyang magpanggap na lalaking mahaba ang buhok.
Nais pa niya sanang lumibot sa buong bahay, ngunit nakakatunog siyang may tao sa paligid nito. Pakatanda pa niya, hindi lang ang Tatay Leon niya ang nanirahan dito, kundi pati na ang mga ilang nagtatanghal sa circus na kasapi din ng Katipunan.
"¡Hoi magnanakao!" may biglang sumigaw.
Pababa na siya ng escalera nang marinig niya ang tinig na iyon. Dahil dito ay nagmadali siya, na gamuntik pang matalisod nang makababa sa hagdan.
Samantala, ang sumigaw na lalaki ay hinabol si Marissa hanggang makababa, ngunit sadyang mabilis ang matsing, tuluyang nakalabas agad ang dalaga ng bahay.
Hinihingal na si Marissa, kaya huminto muna siya sa isang sulok kung saan hindi gaano mapapansin ng mga tao. Habang nagpapababa ng pagod ay personal na niyang nakita ang mga itsura ng tao sa panahong 1890s.
Alam agad nito kung ano ang estadong mayaman, mga nakakurbata at ang babae ay may suot na traje de mestiza; at ang nakabababa, na nakikita niyang madumi ang pananamit, at nakapaa. Kahit papaano, malinis ang pananamit niya, kahit nakapaa. Hindi pa niya akalain na makikita siyang mga basura sa kanyang tabi, sino ba naman ang hindi mabahuan? Napatakip tuloy ng ilong itong si Marissa. Umaalimgasaw ang amoy ng mga nabubulok na pinagbalatan ng prutas na katabi ang ilang paletang kahoy, at nagpatuloy siya sa paglayo sa paligid nang 'di siya mahabol ng nakakita.
------------------------*
Dinala siya ng kanyang mga paa sa baybayin ng Ilog Pasig. Doon siya pumuwesto malapit sa mga damuhan upang hindi siya gaanong mapansin ng mga tao. Abala ang mga nasa paligid ng ilog, naroroon ang mga iba't ibang produkto na ibinabagsak mula sa mga casco. Ang mga Tsino na nangangalakal at nagtitinda ng mga pagkain, may venderor de leñas o naglalako ng mga sinibak na kahoy na maaaring ipaggatong sa lutuin, nagbebenta ng buhay na manok, at iba pa.
Sa mga nakita ni Marissa ay naaliw siya, nawala ang takot at pangamba. Ibang mga tao man ngunit naging bahagi ng ating kasaysayan.
Magdidilim na ang paligid, at hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. Napahiga siya kung saan siya kasalukuyang nakaupo, napabangon agad siya. Akala niya sa kanyang pagbangon ay makakabalik na siya kung saan siya nanggaling. Ngunit walang nangyari. Naroon pa din siya.
Namimiss ko na si papa. Gusto ko nang makabalik. Kumusta na kaya siya? Malamang nag-aalala na 'yun sa akin.
Halos wala nang mga bangka, at mga ilang taong nasa labas. Nakatitig ang kanyang mga mata sa papalubog na araw, nag-aalala kung saan ito tutuloy. Nais na niyang bumalik sa bahay sa Camba, ngunit baka pag-initan na naman siya dahil nahuli ito ng naroroon sa bahay.
Sa likod ng damuhan, bigla na lang siyang nahagip ng wasiwas ng itak. Ang suot niyang camisa bandang braso ay nawarak at mula doon ay nagdurugo na. Napahiyaw siya, at akma na sana siyang tatakbo ay bigla siyang hinila at sinuntok sa sikmura.
Namilipit sa sakit si Marissa, hindi na makatayo, at nanginginig. Naaninag niya ang gumawa nito sa kanya, isang lalaking may kalakihang katawan, paniguradong wala na siyang laban dito.
"Hindi ako pwedeng magkamali, ikaw yung naabutan kong magnanakaw sa bahay! Isa ka palang babae?" tumawa ito, siya pala ang taong iniwasan ni Marissa doon sa bahay, "Sayang ka naman!"
Inisip ni Marissa na hindi ito ang kanyang Tatay Leon. Magmula pa lang sa itsura nitong mukhang mamamatay-tao, hanggang sa kalapastangang ginawa nito ay nararamdaman niyang hindi ganito ang kanyang lolo-tiyo.
Sana, nandito ka. Tulungan niyo po ako!
"Hunong!" [tigil] hindi pasigaw ngunit may diing tinig.
Napahinto ang lalaking sumuntok kay Marissa at naramdaman ang patalim na nakatutok sa kanyang leeg. Anumang sandali'y babaon ito sa kanya kapag nagkamali ng kilos.
Nang tumalikod ang salarin, sinuntok siya nito sa mukha at dagling kunuwelyuhan, "Wá kay rispitar sa bayhana! Dili ta gitudloan sa ingon niana!"
[Wala kang pitagan sa babae! Hindi tayo tinuruan nang ganyan!]
"Pe-pero, siya yung nanloob sa—" hindi na niya natapos ang pagpapaliwanag dahil sinipa pa siya sa dibdib na ikinahiyaw niya. Siya na ngayon ang namilipit sa sakit, may dumadaloy na dugo mula sa kanyang itaas na parte ng kilay kung saan siya nasuntok.
Napaupo si Marissa ngunit dama pa nito ang sakit na kanyang mga natamo. Hinang-hina ito dahil sa lakas ng pagkakasuntok sa kanya. Natanaw niya ang itsura ng lalaki; payak, at umeedad ng veinte pataas. Unang akala pa nga nj Marissa na ito ay ang kanyang ama na si Mang Terio dahil pareho sila ng katangkaran. Inaya na siyang tumayo ng nagligtas rito ngunit hindi niya nakayanang tumayo pa. Dahil dito ay binuhat na siya ng naturang lalaki.
Ayaw munang mag-isip ng kung ano, ang mahalaga kay Marissa ay nasagip siya mula sa kapahamakan. Naramdaman na lang niya na sila'y sumakay ng isang karitela at tumatakbo na ito sa daan. Nanghihina na siya, dahan-dahang bumagsak ang kanyang ulo sa balikat ng binata. Inakbayan siya nito, at inalalayan mabuti ang ulo.
"Manong, pakibilisan lang po nang kaunti," hiling ng binata sa kutsero na bakas na ang pag-aalala kay Marissa, sabay hataw ng kutsero sa kanyang kabayo upang bumilis ang takbo nito.
------------------------*
Ang sinag ng araw ang siyang nagpamulat sa mga mata ni Marissa. Namimilipit pa din siya sa sakit. Napagtanto niyang naroon siyang muli kung saan siya huling pumunta; ang kuwartong kanyang pinasukan kung saan nagpalit siya ng damit.
Anong ginagawa ko dito? Bakit dito ako dinala?!
Namayani na naman ang takot, dahil pakiramdam niya ay narito pa din ang taong nanakit sa kanya.
Ganoon pa din ang kanyang pananamit, ang kanyang nakuha sa aparador na camisa at pantalon. Ngunit napansin niyang may benda na ang kanyang kanang braso na natamaan ng itak kagabi. Pinilit niyang bumangon. Masakit pa ang tiyan niya, at nakitang may pasa siya dito.
Ano ba itong nangyayari sa akin? Hindi ko naman ginusto 'to. Bakit kailangan kong danasin 'to? Sana pala, nagpakasasa na lang ako sa mga kaibigan ko, hindi sana nangyari ito.
Biglang marahang bumukas ang pinto, napaatras nang bahagya si Marissa na noo'y nakaupo na sa higaan. Pumasok ang isang lalaki na may dalang maliit na panastan na may tubig, at may isang tuwalyang naksukbit sa braso—ito ang nagligtas kay Marissa.
Isinara nang mabuti ng lalaki ang pinto, tiningnan niya nang mabuti si Marissa. Batid niyang nanghihina pa ito, ngunit nais niyang makasiguro kung gaano pa kasakit ang kanyang nararamdaman, "Unsa imong gibati?" [Kumusta ang iyong pakiramdam?] malumanay niyang tanong.
Hindi makasagot si Marissa, dahil hindi niya ito maintindihan.
"Ayaw na kabalaka." [Huwag ka nang mag-alala] dugtong pa niya nang makalapit siya't inilapag sa lamesita na nasa tabi ng higaan ang hawak niyang panastan, "Walay makadaut kanimo dinhi." [Walang makakasakit sa 'yo dito.]
Sa bagay, dagdag pampawi iyon sa pag-aalala't takot ni Marissa, ngunit hindi siya nakakaintindi ng Cebuano.
"H-hindi po ako nakakaintindi ng Bisaya. Pasensya na po."
"Ah, gano'n ba. Pasensya na," umupo siya sa tabi nito, "Ang sabi ko, huwag ka nang mag-alala. Wala nang makakasakit sa 'yo rito. Hindi na makakatungtong dito sa bahay yung nakakit sa 'yo."
Ang lalaking ito ay bukod sa iniligtas niya si Marissa, siya din ang gumagamot sa mga sugat nito. Bawat dampi ng telang may tubig, ay tinitiis ni Marissa ang sakit na hatid nito.
"Pasensya ka na, alam kong masakit ngunit kailangan kitang gamutin para gumaling na ang mga sugat mo," panlulumo nito, natanaw niyang umiling na lang si Marissa.
"Señor Pantaleon! Señor Pantaleon!" katok ng isang kasamahan sa pinto ng kuwarto, "Ania si Agustin! Nisulod sa balay! Nasuko!" [Nandito si Agustin! Pumasok sa loob ng bahay! Nagwawala!]
"Sandali lamang. Pangako, 'di ako magtatagal. Hintayin mo ako." tumayo ito, at saka lumabas ng kuwarto.
Ibig niyang matulog muli ni Marissa baka sakaling makabalik na siya sa kanyang tunay na mundo. Ngunit lumakas ang tibok ng kanyang puso, dahil sa iniinda nitong sakit na natamo niya.
"Señor Pantaleon?" naisip niya ang tumawag kanina sa kuwarto, wala namang ibang tao kundi silang dalawa ng lalaki, "Ibig sabihin, baka siya si Tatay Leon!" kinutuban na siya.
He saved me from harm.
Maya-maya pa'y narinig ni Marissa ang kumosyon na tila nag-aaway. Sinikap niya na tumayo at dahan-dahang maglakad kahit namimilipit pa siya, binuksan niya ang pinto at mas malinaw na ang kanyang nadinig:
"Nang dahil lang sa babaeng iyan, palalayasin mo ako nang ganoon na lang? Ha, Pantaleon?!"
"Dahil 'di tama ang manakit ng babae. Alam mo namang kasama sa utos ng samahan 'yan!"
"Pero siya ang nagnakaw rito sa bahay!" giít ni Agustin.
"Tinanong ko na ang mga tao natin dito. Wala namang nawawalang gamit. Maski sa mga gamit mo ay wala din."
"E kung espiya 'yan?!" sa tanong na ito ay walang nasabi si Pantaleon.
"O, ano?! Natahimik ka 'no? Kahit babae 'yan, e kung espiya naman, e may kalalagyan 'yan," katwiran pa ni Agustin, "Teka nga, siguro espiya ka din 'no? Kaya gano'n mo na lang siya ipagtanggol?"
Muntikan nang magpangbuno sina Agustin at Pantaleon kung hindi inawat ng mga kasamahan sa bahay. Samantalang si Marissa ay halos sisihin na ang kanyang sarili dahil magmula nang dumating siya ay nagkagulo na sa bahay na ito.
Nagi-guilty tuloy ako. Isa pala sa mga kasamahan nila itong nanakit sa akin. Nagkagulo na sila nang dumating ako. Pero siguro naman, maniniwala naman si Tatay Leon sa akin na hindi ako espiya. Sasabihin ko naman kung saan ako nanggaling e.
"Señora," naabutan siya ng isang lalaki na malamang ay kasamahan din nila, "Pasensya na po sa nangyayari, mabuti pa'y pumasok na lang po muna kayo sa kuwarto. Hindi po naangkop na masaksihan ang mga bagay na 'to lalo't 'di pa maganda ang pakiramdam niyo." alala nito, at inalalayan siyang makapasok ng kuwarto at makaupo sa higaan.
Dahil nagkakagulo na, tuluyan na nilang inilabas ang galit at dismayadong si Agustin sa bahay. Dalawang tao ang tumulong na kumaladkad at itinulak palabas.
Agad namang nagpatawag si Pantaleon ng pag-uusap sa mga natitirang kasama sa bahay. Pumanhik sila't pumuwesto sa comedor, lahat ay naupo.
"Magmula ngayon," panimula ni Pantaleon, "Si Agustin ay hindi muna makakatungtong dito sa bahay. Ipinagbigay-alam ko na sa kinauukulan ang ukol sa kanya, gayundin sa may-ari ng bahay na ito."
"Pero paano po ang binibini?" tanong ng isang lalaki, at nagkaroon ng mga pagpuna ang lahat. Nangangamba sila sa kanilang kaligtasan, dahil magmula nang mabunyag ang Katipunan, ay isa-isang pinagdadakip ang mga kasapi sa tulong ng mga nagtaksil na kasama, o kaya ng mga espiya.
"Kung siya man ay espiya," tumigil ang lahat nang muling magsalita si Pantaleon, "Hindi na siya makakawala rito. Pagagalingin lang muna natin ang kanyang mga natamong sugat at sakit, at saka kakausapin nang masinsinan."
"At kung halimbawa'y magtanong o kaya ay makipag-usap sa inyo," dugtong pa niya, "Mahigpit na bilin ko'y huwag magkakapalagayan ng loob, at iwasan ang mga malalimang pag-uusap lalo na ang ukol sa Katipunan. Intiendes?"
Sumang-ayon ang lahat, ngunit naroroon pa din ang pangambang gantihan muli sila ni Agustin, at ang hinala nila kay Marissa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top