Chapter 6 : The secret of getting along

***

"Coffee po, Direk," sabi ni Tonya sabay abot ng hawak na kape.

Ni hindi kailangang tumingin ni Grey nang abutin ang mug. Tantiyado na niya kung saan nakapuwesto ang babaeng nag-aabot.

"Thanks," mahinang bulong niya habang nakapako ang mata sa eksenang pinanonood sa katapat na monitor. Interior. Scene 67 sa sala sa condo. Sakto na ang blocking nina Lauren at Shaun. Kuha na ni Elmer (ang cameraman) ang anggulo na gusto niyang makita sa screen.

Nagtitigan sina Lauren at Shaun. Pagkatapos ay hinawakan ni Shaun ang magkabilang pisngi ni Lauren at hinalikan ito. Grey counted one to five in his head. Tahimik sa set. Naghiwalay ang labi ng dalawang artista. At pagkatapos ay—

"Cut!" sigaw niya. "Good! Now let's take close-ups!"

Sumenyas ang clapper. Tumayo naman siya sa upuan, hindi pa rin nakatingin na ibinalik kay Tonya ang mug ng kape at nilapitan ang mga cameramen na sina Elmer at John para sa instructions.

"I wanted a close-up of their lips meeting for the kiss," hinawakan niya sa magkabilang balikat si Elmer at iginiya ito sa pupuwestuhan. "Now, I want you to take this angle." Itinuro niya ang anggulo kung saan perpekto ang profile ng dalawang artista. Saka siya bumaling kay John, "And you, I wanted you a little closer. Focus on Lauren's hand, the way she clutches into Shaun's sleeves."

Tumango ang dalawa at nag-adjust ng puwesto. Bumalik naman siya sa upuan sa harap ng monitor at nang ilahad ang kamay ay bumagsak muli roon ang mug ng kape niya.

Habang nagre-retouch ang mga artista ay binasa niya ang note na nakadikit sa mug.

What is it this time? naisip niya bago, Love is a many splendored thing.

He couldn't even sigh. For a week now ay iniisip niya ang kahulugan ng mga sticky notes na natatanggap mula sa babaeng assistant.

Day 1. Wala. Hindi siya nito ipinagtimpla ng kape at sa halip ay bumalik sa studio na katawanan si Shaun. Napikon siya dahil nagpapa-standby na siya at hindi pa preparado ang lalaki. But he couldn't reprimand Tonya nor Shaun.

Day 2. Unang beses siyang ipinagtimpla ng kape ni Tonya. Hindi alam ng babae na ayaw niya sa cream. He likes his coffee black with just a teaspoon of sugar. Pero creamy at sweet ang ibinigay nito sa kanya. Before he could complain, he realized he liked it. He received the first note saying: Love is patient. Love is kind.

Halos magdamag niyang pinag-isipan ang ibig sabihin niyon.

Day 3. Sa instructions ni Boom ay black coffee ang ibinigay ni Tonya sa kanya. It came with a note saying: Love is an open door.

Hindi siya nakatulog sa maaaring kahulugan niyon. He meant to ask but they were busy shooting he couldn't just yet.

Day 4. The coffee came with: Beauty is in the eye of the beholder.

Kasabay ng obserbasyon niya kung gaano ka-welcome at kapaborito ng crew si Tonya, naliligalig siya sa pag-iisip kung may kinalaman sa pagiging donor niya ang mga notes nito.

Day 5. Love is blind.

Day 6. Love is a hurricane.

At ngayong araw ay Love is a many splendored thing.

He really needed to ask Tonya about the notes.

"Direk, ready na po to shoot," untag ni Boom sa kanya sa kabila ng pagtitig niya sa note.

Kunot-noo niyang pinasadahan ng tingin ang mga nasa set. Saka siya sumulyap sa monitor. Nakapako ang tingin ng lahat sa kanya.

"Okay, standby!" sigaw niya. "Elmer, you move first."

Tumango ang cameraman. Pumasok ang clapper. Isinigaw ang scene. Nag-cue siya. Nagsimula ang roll ng camera hanggang mag-cut.

Nakailang take sila ng close-up shots. Before he knew it, lunch time na. At nakalimutan niya ang tungkol sa note.

***

"Ano'ng problema? Wala kang gana? Ayaw mo ng porkchop?" tanong ni Boom kay Tonya.

Nakahilera silang kumakain sa puting long table sa set. Habang ang mga kasama niya ay masaganang ngumunguya ng tanghalian, nakikipagtitigan si Tonya sa breaded porkchop, chopsuey, at umuusok na puting kanin. Iyon ang rasyong pagkain para sa crew.

"Gusto ko ang porkchop," sagot niya kay Boom. "Pero hindi ko puwedeng kainin lahat 'yan, eh. Mahigpit ang gym sa diet ko. Magagalit si Dennis."

Si Dennis ang gym instructor niya na parang may kimkim na galit sa mundo. At ang totoo ay gutom na gutom na siya.

Kapag nasa gym ay nagsusuka siya sa pagod sa pag-e-exercise. Nawawalan naman siya ng ganang kumain sa bahay dahil sa ratrat ng Mama niya. Para hindi masayang ang mahal na gym fee, lagi niyang pinipigilan ang sariling magpatukso sa mga tsokolate, chips, cookies, at iba pang matatamis na ipinadadala ng mga kapatid na nasa abroad.

At ngayon ay hindi niya puwedeng kainin ang porkchop. Nakapagdudusa at nakagugutom ang magpapayat!

"Sino si Dennis?" tanong ni Abo.

"Gym instructor ko."

Nagsikuhan sina Abo at Boom.

"Gym instructor? Guwapo?" si Boom.

Inalala ni Tonya si Dennis. Walang OST nang makita niya ang lalaki. Kinulang ito marahil sa puti ng ngipin at nakasisilaw na ngiti. Pero madalas itong dikitan ng mga babaeng nasa gym at kinukurot-kurot pa. Kapag naman naka-tight shorts ito ay nakatungo ang mga babae sa umbok sa harapan nito. Translation: Ma-appeal ang lalaki. Pero mas ma-appeal marahil ang nasa ibaba nito.

"Puwede na rin," sabi niya.

" 'Yan tayo, eh. Si Shaun at si Direk lang ang guwapo sa'yo," sabi ni Boom.

Napatawa siya. Totoo iyon. Mahirap pantayan ang mukha nina Grey at Shaun.

"Sino'ng mas guwapo? Si Shaun o si Direk?" tanong ni Boom.

"Ha? Sa kanilang dalawa?"

Tumango ang dalawang bakla.

"Para sa akin si Shaun. Fresh na fresh ang dating, eh. Artistahin mula ulo hanggang paa!" parang nangangarap na sabi ni Abo.

"Si Direk ang sa akin. May pa-mysterious effect!" nagtawa pa si Boom. "Ano? Sino sa'yo?"

"Sino'ng ano?" singit ng isang boses.

Lumingon sila sa kunot-noong si Grey.

"Kung sino raw ang mas guwapo sa inyo ni Shaun, Direk. Tinatanong nila ako," sagot niya sa lalaking bagong dating.

Namutla ang dalawang bakla. Dumilim naman ang mukha ng direktor.

"Ako, Direk, sa'yong-sa'yo ang boto ko. Ewan ko lang kay Abo. At kay Tonya," umiikot pa ang mata ni Boom sa pagsasalita.

Nagsimulang manlamig ang paa niya sa paraan ng pagtitig ni Grey sa kanya.

"Ano'ng sagot mo, Tonya?" tanong nito.

"Ha?"

"Hindi mo pa ba sinasagot 'yong tanong?" si Grey pa rin.

"Hindi pa, eh," nakangiting sagot niya kahit sa pagpitik ng kaba sa dibdib. Hindi siya dapat kabahan dahil wala naman siyang ginagawang masama. Pero sa madilim na mukha ni Superman habang nakatitig sa kanya, pakiramdam niya ay kriminal siyang nahuli sa mismong krimen.

"And why is that? Nahihirapan kang pumili?" anitong namulsa bago gumuhit ang isang alanganing ngiti at alanganing ngisi sa mukha.

Que horror ang reaksyon nina Abo at Boom. Namilog ang mata at bibig ng mga ito. Natigilan naman si Tonya. Tatlo silang nabihag ng smirk na walang nag-aakalang nag-e-exist.

"Eh... hindi naman pero..." nauutal si Tonya. Bakit gano'n ang ngiti ni Direk? May ibang epekto iyon sa mabagal na utak niya. Ngiti lang iyon pero dahil sa mata nito at sa pamumulsa, nabubuhol ang dila niya. "Hindi pa ako—"

Tumalikod ang lalaki. "Never mind. I'm not curious."

Tatlo uli silang 'Ha?' ang naiwang reaksyon. Nang mapalingon si Tonya sa mga kasama sa long table ay noon niya napansing natigilan ang mga ito sa pagkain. Que horror din ang reaksyon. Imposible namang sa porkchop iyon. Baka dahil sa chopsuey?

"Eh... may kailangan ka ba? Sa akin?" pahabol na tanong ni Tonya kay Grey. Alam niyang lumalapit lang ang lalaki sa kanila nina Abo at Boom kapag may iuutos. O ipapaalala. O kapag tititigan nito nang masama si Boom. O kapag kailangan nito ng kape. "Kape uli?"

"Yeah," maikling sabi nito sa tuloy-tuloy na paglakad.

Tumayo naman siya. Ipagtitimpla na lang niya ng kape si Grey kaysa mainggit sa bawat kagat at nguya ng crew sa porkchop. At isa pa, bakit mukhang pagala-gala ito at hindi kumakain?

"Boom, hindi ba kumakain ng lunch si Direk?" naisipan niyang itanong.

Ngumangasab si Boom ng karne. Napalunok siya sa paglalaway. Ni hindi niya pa natikman kahit breading ng porkchop.

"Kumakain. Pero sa opisina niya," sagot nito. "Walang kasabay 'yon 'pag kumakain. Bakit?"

Nangunot ang noo niya. Gano'n ba kasuplado ang lalaki? Kahit sa pagkain ay nagsosolo ito? "Magtitimpla muna ako'ng kape."

Dali-dali siyang nagpunta sa opisina ni Grey at kinolekta ang mug. Kumakain nga ang lalaki. Mag-isa. Wala itong imik nang pumasok siya. Wala pa ring imik nang lumabas siya. Pero may dilim ang pagkakatingin nito sa kanya na parang may atraso siya rito.

Wala sa limang minuto ang pagtitimpla niya ng kape. Once a day lang niya kailangang magbigay ng quote ayon kay Boom. Pero bago siya bumalik sa opisina ni Direk ay binitbit niya ang naka-styro na pagkain niya.

"Saan ka pupunta?" tanong ni Boom. "Sayang 'yong chopsuey! Kung hindi ka puwedeng kumain, akin na lang!"

"Kakainin ko 'to," sabi niya habang mabilis na naglalakad. "At maghahatid ako ng kape kay Direk."

Hindi siya nakakatok man lang sa opisina ng lalaki. Basta siyang pumasok at umupo sa kuwadradong mesa. Inilapag niya ang kape sa harap nito. Inilapag din niya ang pagkain niya.

"Why are you here?" kunot ang noong tanong nito.

"Ha?" Nagtitigan sila. Una siyang nagbawi ng tingin. "Kakain po, Direk."

"I can see that."

Iyon naman pala, naisip niya at sumubo ng chopsuey.

"Hindi ba sinabi sa'yo ni Boom na wala akong kasabay kapag kumakain?" tanong uli nito.

"Sinabi nga po. Kaya nga sasabayan kita kasi wala kang kasabay. Kawawa ka naman."

Umawang ang labi nito at sandaling nawalan ng salita. "Ano'ng kawawa? You don't get it."

Sinulyapan niya ang plato nito. Corn and carrots ang gulay nito. Sweet and sour pork ang ulam. Napatingin siya sa styro ng pagkain niya. Bakit magkaiba sila?

"What?" untag ng lalaki.

"Wala. Hindi ka nga kawawa. Mas masarap ang pagkain mo."

"Yeah?" sabi nito at sumubo. Parang iniinggit siya sa pagnguya nito.

Mula pa sa pagkabata ay kahinaan na ni Tonya ang pagkain. Lumaki siyang naniniwala na 100 percent ng lahat ng galit, inis, misunderstanding, sumpong, at pati na kapalpakan sa trabaho at sa iba pang bagay ay dala lang ng gutom. O ng maling naalmusal sa umaga. O maling nakain sa gabi. Marami ang nareresolbang bagay kung busog ang mga tao. Marami ring mapipigil na krimen.

At ngayon nga ay naniningkit ang mga mata niya sa pagtusok ni Direk sa sweet and sour pork at sa bawat subo nito. Bakit kahit parang normal itong kumakain ay kinakatkat ng inggit at inis ang loob niya? Gutom lang ba siya? O talagang iniinggit siya nito?

"Iniinggit mo ba 'ko?" diretsong tanong niya sa lalaki. Mabuti na ang magtanong para malinaw.

Tumaas ang isang kilay nito. Ngumiti nang matipid.

"Am I the kind na nang-iinggit sa pagkain?"

Nagsukatan sila ng tingin. Bakit parang kumukutitap ang mata nito kahit na seryoso?

"Paborito mo ba ang porkchop?" tanong niya. Nananalangin na sana ay paborito nito ang pagkaing nasa styro niya.

"No," mabilis at masaklap nitong putol sa pag-asa niya.

"Eh, chopsuey?"

"No."

Natahimik sila.

"Gusto mo ba 'yang sweet and sour pork?" napalunok pa siya nang magtanong.

"Hm... No."

Naguluhan siya. Kumakain ito ng pagkaing gusto niya pero hindi nito gusto? Bakit gano'n?

"Eh 'yang corn at carrots?" patuloy niya.

"No."

Lalo na siyang naguluhan. Bakit puro 'No'?

"Ano'ng kinakain mo kung gano'n?" aniya.

"I prefer lighter meals. When my mind is at work like this, I cannot eat heavy lunch. Sa gabi ako nakakakain."

Nagtitigan na naman sila.

Bakit madalas silang magtitigan kapag silang dalawa lang? Halos hindi naman siya nito tapunan ng tingin kapag nag-aabot siya ng kape habang nasa shooting. Iyon ba ang tinatawag na focus?

Tumikhim siya bago, "Hindi mo ba ako tatanungin kung gusto ko ang sweet and sour pork?"

Sa pagkain lang siya hindi makapagdirekta ng panghihingi. Ang sagot doon ay paborito niya ang ulam nito.

Napapantastikuhang tumingin sa kanya si Grey habang humihigop ng kape. Iniusod nito ang platito ng ulam sa kanya.

"Eat it."

Siya naman ang napatanga. Nag-init sa luha ang mata niya. Ibibigay talaga sa kanya nito ang sweet and sour pork?

"Ano'ng kakainin mo?" nahihiyang tanong niya.

Tinusok nito ang porkchop sa styro niya at inilagay sa plato nito kasama ang kanin.

"Let's trade," simpleng sabi nito.

Matamis siyang ngumiti. Ang sabi ng crew ay may kasungitan si Grey. Hindi naman pala totoo. Mabait ito. Namimigay nga ng pagkain. Ang lahat ng taong namimigay ng sariling pagkain ay may kabaitan.

"Thank you!"

Tahimik siyang kumain. Sumusubo naman minsan ang lalaki pero mukhang may iniisip. Napapadalas ang tingin nito sa kanya.

"Tungkol nga pala sa mga notes sa kape..." simula nito.

"O?"

"Do you know what you are doing?" tanong ni Grey na tumikhim at nag-iwas ng tingin.

"Ano?" hindi niya maintindihan ang itinatanong nito.

"About the quotes. Do you know what you are doing?"

"Ah!" naliliwanagang sabi niya, "Nagtitimpla po ng kape n'yo, Direk!"

Kunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya, "Yes, that. And? 'Yon lang? Wala nang iba? What about the sticky notes?"

Nagtitigan sila. Nabibitin siya sa pagnguya ng sweet and sour pork na nasa bibig na niya.

"There is a movie like that," pasakalye ng lalaki.

"Ah!" nakangiti si Tonya. May pelikula ngang gano'n. "Opo, Direk. 'Yong si Laida, na assistant sa isang magazine firm! Tapos, tuwing tinitimplahan niya ng kape ang boss niya, may nakadikit na notes na may messages! Tapos, parang dahil do'n sa mga notes niya, napalapit 'yong loob ng lalaki, 'di ba?

"Naaalala ko 'yon, Direk! Happy ending 'yon e! May part 2 pa nga. Paborito ko," kuwento niya pa.

"Exactly!" tila nakahinga nang maluwag ang lalaki. "So, what are you doing, Tonya?"

Nagtitigan na naman sila. Hindi niya talaga maintindihan. Kasasagot lang niya sa tanong nito, 'di ba?

"Nagtitimpla po ng kape n'yo, Direk."

Nakangiting-napailing lang ang lalaki at humigop ng kape.

"Impossible," bulong nito.

"Ano?" kunwari ay tanong niya kahit narinig ito.

"Nothing."

Hindi alam ni Tonya kung bakit, pero napangiti siya sa pagbulong-bulong ng lalaki.

Mas bagay talaga rito ang isa pang dapat ay palayaw nito. Cute talaga si Goryo. #

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top