Chapter 44 : Race like a Horse
***
Pilipinas. Biyernes. 7:00 ng gabi.
Halos ibalibag ni Grey ang pinto ng taxi na sinakyan mula sa airport nang bumaba siya. Sunod-sunod ang pagpindot niya sa doorbell sa gate ng mga Atienza.
Mataas ang kilay ni Mama Korina nang magbukas ng pinto ng bahay.
"Goryo!" mataas ding tono nito nang makilala siya.
"Ma!" wala sa loob na sabi niya. "Si Tonya?"
Lalong tumaas ang kilay nito bago kumunot ang noo at magtaray. "Aba, wala rito!"
"Madame naman!" reklamo niya. Hindi niya kayang mag-aksaya pa ng oras para kumbinsehin itong ipakita ang anak nito.
Lumapit ang babae at nagbukas ng gate.
"Wala talaga rito! Hindi ko siya itinatago," seryosong sabi nito at hinagod siya ng tingin, "At bakit ganyan ang itsura mo? Para kang bangag!"
Napasapo siya sa noo. Bangag nga talaga siya sa biyahe.
Mula sa Berlin ay sumakay siya sa 7am flight pabalik sa Pilipinas na walang anumang dala kundi wallet at credit cards. Naipit siya sa delay ng connecting flight sa Ho Chi Minh sa Vietnam. At mula sa Ninoy Aquino International Airport ay nagmamadali siyang sumakay ng taxi patungo sa bahay ni Tonya. In total, he traveled for 29 hours! Nahihilo siya, masakit ang ulo at kalamnan, gutom, pagod, iritable, at walang pasensiya dahil sa jet lag. Hindi na rin siya makapag-isip nang maayos o makabuo ng matitinong salita.
"Galing pa 'kong Berlin, Ma. Dire-diretso ako rito. 29 hours akong nasa byahe para lang makita si Tonya," asar na sabi niya. "Nasaan ho siya?"
Hindi agad nakaimik ang babae. Parang naaawang nakatingin lang.
"Late ka ng isang oras! Umalis na eh!"
"Ho? Gabi na. Saan naman siya pupunta?"
"Eh..." naaalangan ang pagkakatingin nito. "Nagpunta sa proposal ni Hans."
Proposal. Hans. Proposal ni Hans?
"Buhay pa ang gagong 'yon?!" galit na sabi niya. "At bakit siya pupunta ro'n? Binabalikan siya? At babalikan niya? Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa amin?" Kumukulo ang dugo niya. "Bakit? Shit naman!"
"Hoy, lalaki!" galit na sita ng ginang. "Wala kang ni hi ni hoe sa amin ni Tonya! Tapos, nabalita rito na engaged-engaged ka raw do'n sa Noreen na 'yon! May picture, may singsing! At ang bruhang ina mo na galing din sa Berlin, 'ayun! Ang sabi, totoo ang balita! Alangan naman! Ano'ng paniniwalaan namin kung hindi ka nagpaparamdam?"
Mahaba ang sinabi ni Mama Korina. Hindi niya na maintindihan lahat. Ang nakuha lang niya, wala siyang paramdam at bruha ang Mama niya kaya pupunta si Tonya sa proposal ni Hans.
"Isa pa, kaya iniwan ni Hans si Tonya ay dahil baog siya! Inisip niya ang makabubuti para sa anak ko! Ginawan niya rin ng paraan para matigil 'yong mga balita tungkol kay Tonya!"
Baog. 'Yon lang ang rumehistro sa utak niya.
"Baog si Hans?"
"Oo!"
"Kaya siya pakakasalan dahil baog siya?!"
"Hindi lang 'yon! Mahal din niya si Tonya!"
"Kahit na, Ma!" sita rin niya sa ginang. "Wala akong pakialam kay Hans! Mas mahal ko si Tonya! Bakit hindi n'yo man lang pinigilan ang anak n'yo? Ma naman!"
Nataranta naman ang kausap sa kanya.
"Aba, Goryo! 'Wag mo akong sisihin diyan, ah! Ikaw ang maraming dapat na ipaliwanag!"
"Alam ko po! Pero"—nagpalakad-lakad na siya sa kaba—"sana, pinigilan n'yo man lang 'yong anak n'yo. Paano ko siya pakakasalan niyan?"
"Aba'y malay ko sa 'yo!" galit na sabi nito. "Ikaw ang may pagkukulang diyan ay ako ang sisisihin mo?"
Umirap ito at humalukipkip. Napahawak naman siya sa nananakit na ulo.
"Saan siya pumunta? Hahabulin ko."
"Mabuti pa! Hindi iyong nagrereklamo ka sa 'kin!"
" 'Wag na kayong magalit, Ma..."
"Oo na! Ano pa ba'ng magagawa ko? Habulin mo. Nagpunta sa Luneta 'yon."
"Luneta?" iritadong sabi niya. "Sa dami ng lugar, sa Rizal Park pa talaga magpo-propose? Fuck!"
Siya dapat ang magdadala kay Tonya roon. Hindi iyong babahiran ng alaala ni Hans ang lugar nilang dalawa ng babae.
"Umalis ka na! Madaldal ka! Para maabutan mong letse ka!"
Napangiti siya sa matandang babae. Mukhang nakuha na niya kahit papaano ang loob nito.
"Wala ho akong cellphone. Pahiram naman no'ng sa inyo."
"Sandali!" sabi ng ginang at nagmamadaling pumasok sa loob. Paglabas nito ay iniabot ang cellphone sa kanya. "Subukan mong tawagan agad. Baka maka-Oo 'yon kay Hans!"
"Salamat ho!" sabi niya at hinalikan ito sa pisngi. "Sige, Ma. Hindi ko iuuwi ngayong gabi ang anak n'yo, ha?!"
Mabilis siyang lumakad para maghanap ng taxi.
"Hoy, lalaki! Ingatan mo si Tonya! Dahan-dahanin mo lang! Masyado kang malaki!" pasigaw na bilin nito sa kanya.
Ngumisi siya sa babae kahit lasing sa pagod.
"Gentleman ako, Ma!"
***
Nag-ring ang cellphone ni Tonya habang nakasakay siya sa taxi. Umuulan pa rin.
"Hello, Hans?"
"Hi, love. Papunta ka na?" masuyong tanong ni Hans sa kabilang linya.
Matamlay siyang ngumiti.
"Oo, malapit na 'ko. Nasiraan 'yong kotse ni Mang Eloy kaya naka-taxi ako."
"Nag-text nga sa 'kin. I'm excited to see you."
"Ah..."
"I'm hanging up. Ingat, ha?"
"Oo."
Naputol ang tawag. Nagbuntonghininga naman siya. Habang papalapit sila sa Rizal Park kung saan magpo-propose si Hans ay lalo siyang naghihintay kay Grey. Paulit-ulit siyang sumusulyap sa cellphone niya. At habang lalo siyang naghihintay, lalo siyang nasasaktan.
Paano niyang pakakasalan si Hans kung lagi niyang iniisip si Grey? Papunta na siya kay Hans, 'di ba? Dapat wala na siyang pagdadalawang-isip.
Nakahihiya.
Tinitigan niya ng isang beses pa ang screen ng cellphone bago in-off.
***
Pagsakay ng taxi ay agad na hinanap ni Grey ang numero ni Tonya sa cellphone na hawak. Tinawagan niya agad.
"The number you have dialed is either unattended or out of coverage area. Please try again later."
Tinawagan niya uli.
"The number you have dialed is either unattended or—"
Cancel.
"The number you have dialed is either—"
Cancel.
"The number you have dialed is—"
Cancel.
"The number—"
Cancel.
"Shit!" sigaw niya na muntik nang ibalibag ang cellphone.
Napatingin sa kanya ang driver sa rear-view mirror nito. Nasapo niya ang noo.
Bakit naka-off ang cellphone ni Tonica? Bakit ngayon pa?
Gusto niyang magwala. Malaki ang Rizal Park. Pagdating doon ay maghahanap pa siya. Kung hindi niya ito matawagan, hindi niya malalaman kung saan pupunta.
Naloko na talaga. Hanggang kailan ba siya titikisin ng tadhana?
Sinubukan niyang tumawag uli kasabay ng pananalangin. "Please, connect. Please..."
"The number you have dialed is either unattended or out of coverage area."
Parang may nakadagan sa dibdib niya at may pumipigil sa paghinga niya.
"Please try again later."
"Fuck!" He hissed.
Alam niyang walang try again later. Si Tonya 'yon. Kapag sumagot ito ng 'Oo' kay Hans, baka hindi na niya mabawi. Pinahahalagahan ng babae ang bawat pangako at salitang binibitiwan nito.
Paano siya kapag hindi niya ito inabutan?
Nagbuga siya ng hangin at pilit kinlaro ang isipan. Hindi pa huli ang lahat. Maaari niya pa itong abutan. Kung maaabutan niya, kailangang handa na ang lahat ng kailangan nila.
Pilit niyang inalala ang numero ng kapatid na si Portia at tumawag. Pagkatapos ng apat na wrong numbers—
"Portia?" paniniguro niya sa nag-angat ng linya.
"Kuya? Kuya!" mataas ang tonong sabi nito. "Kaninong number to? At ano'ng ginawa mo? Bakit may balita na—"
"Listen," putol niya sa kapatid, "I have no time to answer you right now. But I need you to send me Pierce's number. Okay?"
"Si Kuya Pierce? Bakit?"
"Just do it, little girl. It's for me and your Ate Tonya."
"Okay, Kuya. But you have a lot of explaining to do."
"I will explain later. Just give me Pierce's number first." Ibababa na dapat niya ang cellphone nang maalala, "Si Kuya Evan mo rin. Ibigay mo sa akin ang number."
"Okay."
Pinutol niya ang tawag. Pagdating ng text message ni Portia, agad niyang tinawagan ang pinsang si Pierce.
"Hey, man. This is Grey," bungad niya.
"Yeah?" anitong mabigat na humihingal. May tinig din ng humihingal na babae na kasama nito.
"Stop fucking whoever that girl is and listen to me," aniya.
Mahinang tumawa si Pierce. Narinig niya pa ang "Hush, baby. Won't take a while." na pang-uuto nito.
"What?" si Pierce.
"I need a favor."
"Okay. What?"
"I need you to arrange some things for me with Uncle Sito."
"Hm..." sabi nito, "Is that for—"
"Yeah. I need it shotgun."
"Okay," sabi nito bago siya makarinig uli ng malalaswang ungol.
"Fuck."
Nag-disconnect siya bago tawagan naman si Evan.
"Hey, man. Si Grey 'to."
"What's up! I heard you're—"
"No. That's not true. I'm not marrying Noreen. Anyway, I need a favor."
"What?"
Halos nakikita niya ang ngisi ng kaibigan sa pagmamadali niya.
"I need a hotel room reserved for me in about..." nag-isip siya, "thirty minutes. The closest one from Rizal Park."
"For?"
"Just do it. I'll explain later."
"Okay, man. Got it."
Nasapo niya uli ang noo. Nahihilo siya. Pero hindi siya mahihimatay o mamamatay sa pagod nang hindi niya pa nababawi si Tonya!
***
Pagbaba ni Tonya sa taxi ay sinalubong siya ng isang babae. Matamis ang ngiti nito nang payungan siya mula sa maliliit at kakaunti nang patak ng ulan.
Inihatid siya ng babae malapit sa tapat ng monumento ni Rizal kung saan halos may hardin at arko ng bulaklak. Nakaayos ang mga outdoor lights at fairy lights na nagbibigay-tanglaw doon. Nakatayo sa paghihintay si Hans kasama ang ilan pang taong hindi niya mamukhaan. At habang papalapit sila, tumutugtog ang apat na musikero. 'Yong theme song nila: Keep Holding On.
Maganda ang ngiti ni Hans sa kanya. Hindi naman niya maibalik ang ngiti. May mali kasi sa lyrics ng theme song nila.
Nagtaksil sa lyrics si Hans. Ang sabi sa awit, walang iwanan pero umalis ito sa tabi niya. Ang sabi, walang sukuan pero naiwan siyang mag-isa. Umasa siya. Nag-pasaload sa kahihintay ng paliwanag.
Patuloy siyang humahakbang. Pero sa bawat hakbang ng paa niya, ang kaninang kaba ay unti-unting napapalitan ng pag-aalinlangan. Kapag sumagot siya ng 'Oo', alam niyang wala na siyang kawala. Kailangan niyang panindigan ang sariling salita.
Paano niyang paninindigan iyon kung unti-unti, habang pinakikinggan niya ang OST dapat nila ni Hans, ang mga alaala niya ay unti-unting pumapanig kay Grey?
Na malayo si Grey. Na sana dumating si Grey. Na natatakot siyang matapos sila ni Grey.
Pero natatakot na rin siyang lumaban at manindigan para sa lalaki. Kasi komplikado ito.
Pinupulbos lagi ang puso niya. Kinukuwestyon lagi ang pagkatao niya lagi. Nanliliit siya lagi. Kahit na masaya siya sa tabi nito, laging may tumututol. Laging may nagrereklamo na parang hindi talaga sila puwede.
Malungkot siyang ngumiti nang makaharap si Hans.
"Tonica," masuyong nakatingin sa kanya ang lalaki, "I love you."
Hindi siya nagsalita. Ibang boses kasi ang naririnig niyang nagsasabi niyon sa kanya.
"I've been wrong. Mali ako na iniwan kita dahil mas lalo kang nasaktan. That's not what I wanted for you.
"After watching you from a distance and seeing you get hurt, I realized my mistakes. Ako ang dapat na nagtatanggol sa 'yo. Ako ang dapat na pumoprotekta sa 'yo. Kung tatanggapin mo ako uli, I will make you happy. I will never leave you again. I will love you. Always." Hinawakan ni Hans ang kamay niya kasabay ng paglalabas ng maliit na kahon ng singsing. "Tonica, with me, you will have a quiet life. People will say nothing against you. I won't let them. It's less glamorous but it won't be complicated. We will have a happy family." Lumunok ito at tumitig sa mga mata niya. "Tonica... will you marry me?"
***
Pagkakataon at panghuhula ang dahilan kaya bumaba si Grey sa tapat ng monumento ni Rizal. He saw Tonica in a flattering dress standing with a bug named Hans.
Madilim ang mukha niya nang bumaba ng taxi. Nag-iinit ang ulo niya. Hawak ng ibang lalaki ang kamay ni Tonica! May inio-offer ditong singsing!
He vaguely heard him asked her, "Tonica... will you marry me?"
Nagngingitngit siya. Ilang araw lang siyang nawala ay mapupurnada pa ang pag-aasawa niya. What are the chances? Sa kanya dapat magpakasal si Tonya!
Pero sa dami ng dapat niyang ipaliwanag, sa dami ng nangyari na dapat niyang ikuwento, at sa bagal ng lohika nito, paano niya makukumbinse ang babae na 'wag tanggapin ang singsing ng lalaking kaharap?
Nakaabot nga siya kay Tonya pero nawawalan naman siya ngayon ng salita.
"Hans... I—"
"Tonica!" tawag niya sa babae. Mabilis ang hakbang niya para tawirin ang ilang metrong agwat nila.
Nanlaki ang mga mata at nakaawang ang mga labi na lumingon si Tonya sa kanya. Nilingon din siya ng lalaking kasama nito. Agad silang nagsukatan ng tingin. Natigil sa pagtugtog ang mga musikero.
"Don't say yes!" halos utos niya.
Lumunok si Tonya habang nakatingin sa kanya.
"Bakit?" parang paos na tanong nito. Tunog nagrerebelde.
Umikot ang ulo niya sa paghahanap ng sagot. May anghel at demonyong nag-aaway sa isipan niya.
Itinatanong nito kung bakit? Dahil mahal niya ito.
Pero mahal din ito ni Hans.
Dahil mali ang balita.
Pero kasalanan niya ang misunderstanding na kagagawan ng inang hindi niya napigil. Hindi siya nag-apurang maniguro ng komunikasyon nang masiraan ng cellphone. Hindi siya umuwi agad.
Dahil siya dapat ang mahalin nito.
Pero puwede rin nitong mahalin si Hans. Higit na may pinagsamahan ang mga ito kaysa sa kanya.
"Shit!"
Wala siyang mapiga sa pagod na utak ngayong kailangan niya. Hindi siya makahanap ng tamang rason na kukumbinse rito agad.
Ano'ng wala si Hans na mayro'n siya na puwedeng kumumbinse kay Tonya?
Wala kundi—
" 'Wag mo siyang pakasalan," aniya.
"At bakit hindi?" galit na sita ni Tonya.
"Dahil hindi niya kayang ibigay ang kaya kong ibigay sa 'yo," lakas-loob na buwelta niya.
Namumula ang babae. Hindi niya matukoy kung sa hiya o sa sama ng loob sa kanya. Nagagalit siguro ito sa biglaan niyang paglitaw.
"At ano 'yon?" anito.
Natahimik ang lahat—si Hans, ang mga musikero, ang mga taong naroon. Hinihintay ng lahat ang sagot niya.
"Shit talaga!"
Naghihintay siya sa tamang terminong maaaring gamitin sa gusto niyang sabihin. Walang lumilitaw kundi kung ano ang awkward.
"Ano'ng kaya mong ibigay kay Tonya na hindi ko kaya?" galit na tanong ni Hans.
Lalo siyang nagagalit. Bumibigay na ang isipan niya sa pagod. Kasunod sigurado ang katawan niya. 'Di bale na kung malaswa ang sagot na mayro'n siya, basta't maiintindihan ni Tonya.
"Sperm!" malakas na sigaw niya habang nakatingin sa babae. "Maraming-maraming sperm!" #
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top