Chapter 22 : No match

***

Na-survive ni Tonya ang tanghalian ng mapanakit na tinola, sadistang katotohanan, maingay na mga kuwento, at walang humpay na pisilan ng pisngi. Nakailang rolyo ng mata si Portia. Nakailang lunok siya para pigilan ang papatakas na luha.

Ito ang isa sa mga pagkakataon na nagpapasalamat siyang ipinanganak siyang mabagal ang andar ng isip. Naiiwasan niya kasi ang magpaliwanag pa kapag wala siyang komento o maiambag kahit na katiting sa anumang usapan.

Nang mailigpit ang hapag-kainan, nag-volunteer silang maghugas ng pinagkainan sa kabila ng pagtutol nina Noreen at Grey. Humarap siya sa lababo habang nagdadabog si Portia sa tabi niya.

"Kita mo, Ate? Masakit sa mata ang nakikita ko everyday! She's always trying to prove how well she knows my Kuya," nagkakandahaba ang nguso ni Portia sa pagsasalita habang nag-aabot sa kanya ng baso.

Nagsasabon siya ng mga pinagkainan habang pilit ang ngiting nakikinig. Gusto na niyang matapos sa ginagawa at makauwi. Hindi lang niya magawang magmadali dahil sa babae.

"Totoo naman na kilala niya ang Kuya mo. Hindi naman siya nagkukunwari lang," mahinahon niyang sabi kay Portia.

Isa pa, alam niyang kahit na ipagmaktol nila kung bakit at paanong ipinapakita ni Noreen na kilalang-kilala nito si Grey, wala rin naman silang magagawa sa huli. Anumang reklamo nila, hindi naman magbabago ang katotohanang iyon. Noreen and Grey have a history. Na mukhang magpapatuloy pa.

"Kahit na! That's not the point, Ate!" tutol nitong nagpapadyak. Dumulas sa kamay nito ang iaabot sanang baso.

Maingay ang nilikhang tunog ng pagkabasag. Mabilis ang hindi sinasadyang hakbang ni Portia sa mga basag na piraso. Napasigaw ito sa sakit nang tumagos ang talim ng bubog sa manipis na tsinelas pambahay nito. Nakisigaw rin yata siya at kasabay nitong namutla sa pagkagulat.

"What happened?" magkapanabay na tanong nina Noreen at Grey. Sabay ang mga itong bumungad sa kusina.

"You're bleeding, baby!" mataas ang tinig na sabi ni Noreen nang mapatingin sa paa ni Portia. Nakalapit ito agad. Tumalungko sa pag-aangat ng paa ng mas batang babae palayo sa bubog.

Natigilan naman si Tonya. Takot siya sa mga injury na may dugo. Sa huling aksidente kasing nakita niya, nawalan siya ng ama. Wala siyang magawa ngayon kundi ang manood.

"Move away!" inis na sabi ni Portia kay Noreen kahit nakangiwi sa sakit.

Hindi nagpatinag ang babaeng tinukoy. Bumaling ito kay Grey, "Let's move her to the living room. I'll take the med kit."

Tumingin pa muna sa kanya si Grey at kunot-noong nagtanong, "Are you okay? You look scared."

Napapalunok siyang tumango. Wala naman siyang sugat. Hindi siya ang dapat inaalala nito kundi–

"Si Portia..." halos bulong niya.

Binuhat ni Grey ang kapatid nito palabas ng kusina. Bumaling din sa kanya si Noreen bago lumabas, "Are you really okay? Are you hurt, too?"

Ang sagot ay 'Oo'. Nasasaktan siyang makita ang concern ng babae. Alam niyang hindi iyon maskara o pagkukunwari lang. Kung bruha ang nagtatanong o lantay na kontrabida, mas kaya niyang labanan ang panliliit. Siya kasi ang lalabas na may gintong kalooban. Pero ang makaribal ang isang tulad nito–magandang babaeng tunay na mabait? Wala siyang kapana-panalo.

"Hindi. Nagulat lang talaga ako," aniyang pinilit ngumiti.

"Sure?"

"Oo. Sorry. Umeksena pa 'ko."

"Okay. Asikasuhin muna namin si Portia."

Tumango siya. Pag-alis nito ay naiwan siyang mag-isa sa kusina. Bahagya niyang nauulinig ang pag-uusap ng mga ito at ang mga pagkilos sa sala–ang pagtatanong ni Grey sa kapatid, ang pagkuha ni Noreen ng medicine kit, at ang pag-aray ni Portia. Habang nakikiusyoso siya, lalong kinakatkat ng panibugho ang puso niya. Tinamaan nga talaga siya ng lintek–lintek na pag-ibig. Kaya nagugulo ang mabagal niyang huwisyo at kinakain siya ng selos.

"Tonya?" si Grey.

Nilingon niya ang lalaking palapit.

"Ha?"

"Are you hurt anywhere?" tanong nitong hinagod siya ng tingin.

Umiling siya. Walang masakit sa katawan niya. Malayo siya sa bubog. Iba ang nasusugatan sa kanya habang nagtatagal siya sa bahay ni Grey.

Lumapit pa ang lalaki hanggang nakatayo na ito sa harapan niya; hanggang para na siyang nakatingala sa tore.

Nakatitig lang sila sa isa't isa. 'Yon ang mga titigan na gusto niya sanang mas marami pa. Pero abuso 'yon. Mahirap nang konsentihin ang sarili niyang magnakaw at magtago ng mga maliliit na pagkakataon kasama si Grey. Masaya sana. Kinikilig siya. Pero masakit din. At ang puso niya, hindi naman gawa sa bakal. Kalaunan, baka magkagutay-gutay na.

Panay pala ang iling niya habang bakas ang masasakit na emosyon sa mukha, pero wala siyang malay. Nakita na lang niyang iniangat ni Grey ang kamay nito, sinapo ang pisngi niya, at pinahid ng hinlalaki nito ang tumulong luha mula sa mata niya. Maigting ang pagkakalapat ng panga nito habang nakatingin. Malamlam sa lungkot ang mga mata. Ano'ng sinasabi nito sa gano'ng kawalan ng salita? Paano niyang maiintindihan kung maikli pa ang panahong kasama niya ito bilang direktor? Paano niya itong mababasa kung hindi siya si Noreen?

"Don't cry," mahina ang boses na pakiusap nito, "Please..."

Gusto niyang may sabihing kahit na ano para hind maging melodramatic ang sitwasyon. Pero malabong ipaliwanag ang luhang kusang dumadausdos para magdrama. Hindi maawat ni Tonya.

Wala siyang salita. At mabagal ang huwisyo niya.

Tinanggal ni Grey ang kamay nito sa pisngi niya.

"Do you remember what I said last night?"

"Last night..?" nagawa niyang ulitin.

"After I kissed you."

Tumugtog ang OST. Ano 'to, muling ibalik ang alaala ng halik na hindi demo at ang walk out moment niya?

"We will talk later. Okay?" anito.

Talk later. Babastedin na siguro siya. Baka napapansin na ni Grey ang mga astang girlfriend niya rito samantalang assistant lang siya. Worst, baka naririnig na rin nito ang melodramatic niyang mga OST sa tuwing mabibiyak ang puso niya.

"Mamaya pa rin? Bakit hindi ngayon?"

"I just... can't tell you yet."

Mas dramatic ang OST. Mukhang basted nga siya. Baka may kasama pang sisante. Okay na rin sigurong mamaya pa. Hindi naman siya excited mabasted at mawalan ng trabaho.

Tumango siya.

"I have to..." kusang tumigil sa pagsasalita si Grey at bumuntonghininga, "Later."

Nagbaba siya ng tingin, pasimpleng nagpahid ng luha, at umikot paharap sa mga lababo. Kumilos naman ang lalaki at winalis ang mga bubog.

"Grey?" bungad ni Noreen sa kusina. "You have to attend to Portia. She wants you to dress her wound."

Nagbuga ng hangin si Grey.

"Did she say malicious things again?" madilim ang mukha na tanong ng lalaki.

Nakabantay rin siya sa sagot ni Noreen. Malaki ang posibilidad ng pag-iinarte ni Portia dahil sa disgusto nito sa babae.

"No."

Bumuntonghininga si Grey. Malinaw sa kanilang tatlo na nagsisinungaling si Noreen.

"I have to tell her to stop–"

"She's a kid, Grey. It's okay," matipid ang ngiti na sabi ng babae rito.

Sa halip na umimik ay sumulyap si Grey sa kanya bago lumabas sa kusina.

***

Nakatanaw sa labas si Tonya habang nagda-drive si Grey. Nasa kotse sila. Nagpilit ang lalaki na ihatid siya pauwi. O mas tama sigurong sabihin na nagdeklara ito. Humindi naman kasi siya sa alok pero pinatahimik siya ng, "I will take you home, Tonica. Don't argue."

Natapos ang usapan sa walang laban niyang pagsakay sa kotse nito. Inihatid sila ng kaway nina Portia at Noreen.

"Galit ka ba?" mayamaya'y untag ni Grey sa kanya.

Nilingon niya ang lalaking sa kalsada nakatingin.

"Oo," siguradong sagot niya.

Ngumiti ito. Nainis naman siya. Ang guwapo kasi nito. Isa pa, seryoso ang sagot niya, bakit siya ngingitian?

"Why exactly?" tanong pa nito.

"Hindi mo alam, Direk?"

"Call me Grey. Wala tayo sa set."

Mahinang tumugtog ang OST ng lintek niyang pag-ibig dito.

"Hindi mo alam, Grey?" Nilunok niya ang kilig na muntik umahon sa pagbanggit niya sa palayaw nito.

"Hindi. Tell me."

Gusot ang mukha niya rito. Hindi ba talaga nito alam kung bakit siya galit? Sabagay, wala namang lahing manghuhula ang mga Montero. Kasi kung mayroon, sasabihan siya agad ni Portia dahil textmates sila.

"Makulit ka, eh. Namilit kang maghatid kahit sinabi kong ayoko," diretsong sabi niya.

"Oh."

Dalawang minutong patlang ang dumaan. Walang kabuntot ang 'Oh' nito.

"Hindi ka magso-sorry?" tanong niya.

Hindi ba at kapag inuusisa ng taong dahilan ng galit ang taong nagagalit, karaniwang para iyon humingi ng paumanhin? Nasaan ang balak na paumanhin ni Grey?

"Bakit?" tanong nito.

"Kasi galit ako. Hindi ka magso-sorry?"

"Hindi."

Mahina siyang umangil. "Bakit ka nagtatanong kung galit ako pero hindi ka naman pala magso-sorry?"

"Kasi gusto kong malaman."

May dumaan uling patlang. Ginagaya ba siya nito sa kabagalan?

"Tapos? Kapag nalaman mo na?" aniya.

"Now I know."

May kasamang asar ang patlang na dumaan.

"Nagalit ka dahil ayaw mong magpahatid pero nagpilit ako–" si Grey.

"Nag-demand," singit niya.

"–nag-demand ako. Pero hindi ako hihingi ng sorry dahil gusto talaga kitang ihatid."

May sumingit na kilig sa patlang na dumaan. Itinaboy niya para hindi siya madurog pagkatapos.

"Kahit maasar ako sa'yo?" aniya.

"Yeah."

"Kahit galit ako? 'Yong galit talaga ako?"

"Yeah."

"Kahit awkward?"

"We are often awkward, Tonica."

Umangil siya. Totoo kasi.

"But you can ask me anything para makabawi. I don't want you quiet with me if you're angry."

Ngumuso siya. Ano naman kayang itatanong niya? Saka galit nga siya, 'di ba? Bakit siya magtatanong? Inuuto ba siya ni Grey? Hindi siya dapat magpauto. Ang kaso, gusto niyang makilala si...

"Sino si Mang Tuking?"

Wala siyang laban sa magaang ngiti nito. "Katiwala sa bahay namin no'ng bata pa ako. Matandang lalaki na mahilig mag-gel ng buhok. Laging naka-brush up. Payat na matangkad. Idol si Fernando Poe, Jr. Inimpluwensiyahan ako sa pelikula," dahan-dahang sabi nito.

"Sandali..." Mahaba ang sagot nito. Kinuha niya sa tote bag na nasa kandungan ang tape recorder niya at pinindot ang record button, "Sino uli si Mang Tuking?"

"Si Mang Tuking ay katiwala sa bahay namin no'ng bata pa ako. Matandang lalaki. Mahilig mag-gel ng buhok na lagi niyang ibina-brush up. Para raw guwapo. Payat na matangkad pero may masel sa braso. Idol si Fernando Poe, Jr. Madalas kaming manood ng pelikula. Paulit-ulit na pelikula ni FPJ. Inimpluwensyahan ako sa pelikula," ulit nito.

"Ah..." Nai-imagine na niya si Mang Tuking at ang buhok na naka-brush up. "Eh... si Noreen? Gaano katagal na kayo magkakilala?"

Natahimik siya sa sariling tanong. May panampal na kasama iyon, sigurado.

"I know Noreen since we were children. Kapitbahay namin sila. Kalaro ko. She's a prim and proper girl. Hindi umaakyat ng puno no'ng bata pa kami. She's the first to hide and the last to be discovered in hide and seek. She's the weakest in races.

"We were classmates, too, from elementary to high school. She had her share of bullies. They thought she's fake because she's too kind. But she is... really kind. She is," saglit na natigil si Grey sa pagsasalita, "We we're inseparable up to college. She's my best friend. Then, we dated."

Translation: Perfect si Noreen.

Nanatiling naka-on ang record button. Mahaba magkuwento si Grey ngayon. Isang bagay na bibihirang mangyari. Tonya wanted to hear everything that he would offer–even the things that will remind her that he was off-limits.

"Kailan at bakit siya umalis?"

"Six years ago, I proposed marriage to her," maingat sa pagsasalita si Grey. Mababa ang boses. Lalong hindi sumusulyap sa kanya, "She turned me down."

Translation: Niyaya ni Grey ng kasal si Noreen. Gano'n kaseryoso ang relasyon ng dalawa. At nagmahaba ng buhok si Noreen kaya tinanggihan si Grey.

Huminga siya nang malalim. Tiniis ang pagsaksak sa kanya ng sariling lohika.

"Grabe..." tanging nasabi niya. Lumunok siya. "Masakit?"

Napakagat-labi si Tonya. Dumulas ang salitang 'masakit' sa bibig niya. Naging patanong lang dahil ayaw niyang mahalata.

"Yeah."

"Tapos, parang sa pelikula, sabi mo hihintayin mo siya?"

Bumigat ang hangin sa pagitan nila. O baka dibdib niya iyon na nagsisimula nang sumikip. Hindi kaya may high blood na siya o mataas ang cholesterol niya dahil sa katabaan? Pero imposible dahil kinakaya niya ang cardio exercises niya nang walang kahirap-hirap.

Translation: Kulang ang cardio niya pagdating kay Grey.

"Yeah. I did tell her that I will wait for her."

May kasamang pait ang kasunod na translation.

Translation: Ipinangako ni Grey ang sarili nito kay Noreen.

"After turning me down, she went to Paris to study fashion designing. It is her dream to go there and make a name for herself."

"Bakit hindi mo siya pinigilan?"

"It's her dream. She's my best friend. I want her happy."

Pakakasalan din kaya ito ni Grey dahil sa parehong dahilan? Because he wants her happy?

Gusto niya pang magtanong pero paralisado na sa katotohanan ang dila niya. Hirap na siyang basagin ang katahimikan sa loob ng kotse.

May iniisip siguro si Grey. O inaalala. Panay kasi ang ilag ng mata nito sa kanya. Siya naman ay sa kalsada na rin tumingin.

Tumigil ang recorder. Umangat mag-isa ang record button. Ubos na ang tape. Ubos na rin ang pag-asa ni Tonya. Ang lakas ng loob niyang kumpetensiyahin ang isang babaeng wala talaga siyang ipapanalo.

"Noreen is... perfect..." may bumara sa lalamunan ni Tonya kaya naiwan ang karugtong na salita: for you.

"Yeah. Unfortunately... she is," malungkot na sabi ni Grey.

Ibinaling niya ang tingin sa tagilirang bintana at pumikit.

R.I.P. Pag-asa. #

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top