Chapter 20 : What he could not say
***
Kinabukasan, madilim pa ang langit ay ginising na ni Tonya si Shaun. Doon ito sa kuwarto niya natulog habang sa katabing kuwarto naman siya–sa dating silid ng kapatid na si Beverly. Maingat at tahimik silang umalis ng bahay at hindi na nagpaabot pang makita ng Mama niya. Takot siyang igarote ng ina. Kabibilin pa lang nito na umiwas siya sa mga komplikadong sitwasyon pero nagpatulog pa siya ng lalaki sa bahay nila. At hindi lang basta lalaki kundi si Shaun na iginigisa ng press dahil sa kanya!
Na-logic na niya ang mga bagay na iyon kagabi pa. Pero nasa kuwarto na niya si Shaun at komportableng nakahiga sa kama niya nang lubos niyang maintindihan ang mga komplikasyon. Naawa na siyang gisingin pa ito at pauwiin.
Sa gym sila dumiretso ng lalaki bago nag-agahan sa restaurant na pagmamay-ari ng kaibigan nito. May pribadong kuwarto roon na laan dito. Malayo sa mga matang mapanghusga at mga sikretong pagkuha ng camera.
Ten-thirty na nang umaga nang dumating sila sa set. At papalapit pa lang silang dalawa ni Shaun ay nanuot na kay Tonya ang iba't ibang matang nakatingin. Parang sumisingaw rin ang masamang enerhiya sa buong studio. Mali sa pakiramdam. Dumoble tuloy ang pitik ng puso niya.
Nilingon niya ang kasamang lalaki. Sa cellphone ito nakatingin, nagbabasa ng text. Hindi niya tuloy malaman kung nararamdaman nito ang tensyon sa paligid.
"I'll head over to the dressing room. Nagagalit na si Tita Renee," sabi nito nang mag-angat ng mukha at tumingin sa kanya.
Tumango siya sa ngiti nito. Tumitig pa ito sandali bago masuyong haplusin ang buhok niya. Para bang kinakabisado nito ang mukha niya.
In a distance, they looked like lovers whispering at each other. Lalong uminit ang tensyon sa set. Nagsimula na rin ang mga bulungan.
"Are you sure hindi mo na babawiin ang desisyon mo kagabi?" mahinang tanong ni Shaun.
"About..." nag-isip siya, umaalala, " 'yong basted ka na?"
He smiled in amusement. "Yes, that one. Na basted na 'ko."
Nahihiya siyang umiling, "Sorry."
Bumuntonghininga si Shaun. Namulsa. Nakita niya ang pagdaan ng lungkot sa mukha nito bago napalitan ng mas magaan.
"I guess it can't be helped. I will annoy Grey, though," sabi nito.
"Sorry uli."
"I can't say I didn't notice about what you feel. It's easy to read you, Tonica," sabi nito at magaan siyang hinalikan sa noo.
Ngumiti lang siya rito hanggang sa lumayo na ito. Inihanda naman niya ang pagbati kina Boom at Abo. Bago pa siya nakapagsalita ay hinila na siya ng dalawa sa staff room at nagsara ng pinto.
"Tonya, totoo bang natulog si Shaun sa inyo?"
Nanlaki ang mata niya sa tanong ni Boom.
"Paano mo nalaman?"
Nagkatinginan sina Abo at Boom. Papaluwa ang mata at palaglag ang panga ng dalawa. Nahintakutan siya. Akala niya ay na-stroke ang mga ito.
"Sa kuwarto mo?" si Abo.
Mas lalo siyang napantastikuhan.
"Oo. Pero paano n'yo nga nalaman?" ulit na tanong niya. Hindi naman niya sinabi o itinext kaninuman sa dalawa ang nangyari nang nagdaang gabi.
"Bakla! Bakla ka ng taon!" nagtatatalon si Boom habang nakahawak sa braso niya, "Ano'ng nangyari? Masarap ba? Malaki ba?"
"Masayang-masaya ako para sa'yo!" si Abo na tumatalon din gaya ni Boom, "Ilang round?"
Translation: Bakla siya? Babae siya, 'di ba? At... ano raw?
"Ano'ng pinag-uusapan natin?" tanong niya.
"Maang-maangan? Ano 'to, high school? Thirty-three ka na, 'Te! Malamang, pinag-uusapan natin 'yong pagtulog ni Shaun!" si Abo.
"Ah!" May malisya sa kanya ang mga unang narinig. Pagtulog lang naman pala ang pinag-uusapan nila. "Eh 'di 'ayun, knock out siya. Ang himbing ng tulog kasi napagod daw siya, eh."
Nagtitili ang dalawang bading at halos talsikan siya ng laway ng mga ito. Hindi naman niya maintindihan kung anong napaka-successful na bagay sa pagtulog ni Shaun. Hindi nga kaya at may malisya ang itinatanong ng mga ito?
"Masarap?" si Boom.
Translation: Ang tulog ni Shaun?
"Oo. Mukhang masarap naman."
Kumunot ang noo ng dalawa pero nagtanong pa rin.
"Ilang round?" si Abo.
Translation: Ng tulog?
"Isa lang! Madaling-araw na kami nagkita, eh! Wala na siyang itutulog pa."
Napuno uli ng tili ang staff room. Kiliting-kiliti ang dalawang bakla habang unti-unting nagkakaporma sa isip niya ang posibleng iniisip at talagang inuusisa ng mga ito. Akala siguro ng mga ito ay nanghingi siya ng sperm.
"Tulog ang pinag-uusapan natin, ha? Baka may iba kayong iniisip," putol niya sa maingay na selebrasyon ng mga ito.
Natigil ang dalawa. Napatingin.
"Oo nga. Natulog si Shaun sa inyo, 'di ba?" si Boom.
"Oo. Madaling-araw na siya dumaan. Eh pagod na pagod sa tsismis sa TV kaya tinamad umuwi, nakitulog."
Kunot ang noo ng dalawa.
"Sa kuwarto mo?" si Abo.
"Oo. Doon ako sa kuwarto ni Beverly natulog."
Bumagsak ang balikat ng dalawang bakla. Parang naupusan ng enerhiya.
"Natulog nga lang..." may hinayang na sabi ni Abo kay Boom.
"Oo. Napraning pa naman ko," si Boom.
"Saan n'yo ba nalaman?" usisa niya.
"May source ako. Itinawag sa akin kanina. Pinigilan ko nga siyang ipasa 'yong tsismis niya sa mga tabloid reporters kasi mahe-headline ka na naman," dismayadong sabi ni Boom. "Shet. Nalusaw ang energy ko sa'yo, baklita ka."
Mukhang tama ang hinala niya na nagmalisya ang dalawa. Mahina siyang bumungisngis.
"Ah! Akala n'yo nag-sex kami ni Shaun!"
Natawa ang dalawa at naghampasan.
"Pasmado talaga 'yang bibig mo, bakla!" sabi ni Boom na maluwang ang ngiti sa kanya.
Ibinuwelta naman niya ang sinabi nito kanina lang, "Maang-maangan? High school tayo rito?"
"Shet 'tong slow na 'to! Nagbabalik-punchline!" sabi ni Abo na tumatawa.
Nagbungisngisan sila sa silid. Nang humupa na, "Sorry," sabi niya sa dalawa. "Wala talagang nangyari sa amin. Nakitulog lang siya."
Sumeryoso rin ang mga ito.
"Sana lang hindi makarating sa news kundi naku, mapupulutan ka, Tonya."
Tumingin siya kay Boom. Dama niyang nag-aalala ito. Lumalambot ang puso niya sa dalawang kakikilala pa lang pero naging malalapit na kaibigan na sa kanya.
Niyakap niya ang mga ito.
" 'Wag n'yo kong masyadong intindihin. Kaya ko 'yan," bulong niya.
Tinapik-tapik nina Abo at Boom ang magkabilang braso niya.
"Back-up mo kami, promise!"
"Salamat!"
Ang totoo, inihahanda na niya ang sarili niyang mapulutan. Alam niyang totoo ang sinabi ni Shaun–marami pang sasabihin ang mga tao. Maraming-marami pa. At katulad ng dati, inaasahan niyang mas marami ang negatibong bagay na maririnig niya.
***
"Can you cover it? Walang lalabas sa press?" kunot ang noo ni Grey habang kausap si Adam sa cellphone.
Hapon. Short break nila sa shooting at nasa opisina siya. Nakaalis na si Noreen.
"Yeah. I could hold their tongue. Don't worry, man," si Adam.
"Make sure of it. Too much rumor might ruin the movie," asar na sabi niya.
"It's for the movie? I thought it's about the girl."
"Shut up, Adam. I don't want to talk about that," mainit na sabi niya.
Walang anumang tumawa ang lalaki sa linya. "Looks like I'm right."
"Oh yeah? I'm hanging up," sabi niya ay mabilis na nag-disconnect. Wala siya sa mood maalaska. Masyadong maikli ang pasensiya niya.
Bumuntonghininga siya at nag-dial ng numero.
"Tita Renee, send your actor to my office," maiksing sabi niya sa kausap at pinutol ang tawag.
Wala pang tatlong minuto ay pumasok si Shaun sa opisina niya.
"Took you long enough to call for me," malamig na sabi nito.
Tumayo siya at humarap sa lalaki.
"What are you doing with Tonya?" matigas ang boses na tanong niya.
"What did you see?"
Nagsukatan sila ng tingin. The anger in his eyes matched Shaun's. Mas madali kung susuntukin na lang niya ang panga nito pero ayaw niyang magdagdag ng eskandalo. Fights in showbiz always escalates. Ayaw niya niyon. Lalo na dahil madadamay din doon si Tonya.
"I know you're watching last night, Grey. I saw your car on the side of the street," maangas ang tono ni Shaun sa pagsasalita. "Did you see it when I kiss her? And when I went inside her house?"
Nagpanting ang tainga niya sa narinig. Pigil na pigil siyang paliparin ang kamao sa mukha nito.
He saw everything. Nasa labas siya ng bahay ni Tonya kagabi. Pagkatapos itong katukin nina Boom at Abo sa opisina niya at piliting isama pauwi, hindi siya matahimik. Na naman. Halos auto-pilot siyang nag-drive at nakarating sa bahay nito. Pinanood niya itong makauwi para masigurong ligtas ito. Ilang gabi na niyang ginagawa iyon.
Pero kagabi, nakaidlip siya sa sariling kotse at nang papaalis na siya ay dumating naman ang sasakyan ni Shaun. Tonya headed out immediately. Hindi naman niya napigilan ang sariling manood.
"I wonder what kind of excuse you used to make her agree," nanggigigil na sabi niya rito.
Pumalatak si Shaun, "And I wonder why you need to be such a stalker."
Parehas salubong ang mga kilay at madilim ang mukha nila habang nakatingin sa isa't isa.
"That's none of your business, Shaun."
"Then what I do with Tonya is none of your business, too, Grey."
Papahigpit ang kuyom ng kamao niya sa mga sinasabi nito.
"Isn't it enough that you drag her into those stupid cougar rumors? Don't play her!"
Mapang-asar ang tawa ng kaharap, "I am not playing her! You're the one who's leading her on! Sa ating dalawa, ako ang walang fiancee, ako ang nanliligaw upfront, ako ang nagsabi nang malinaw sa intensyon ko. So, don't you pass me your shit, Grey!"
Tumagos sa kanya ang lahat ng sinabi nito. Pero ano bang alam nito? He's the kind of guy who believes that he couldn't just tell a woman he loves her, the same way he couldn't just tell her he doesn't. Love cannot be rushed and devotion must be absolute.
Hindi rin siya pasensyosong tao. At gahibla na lang ng buhok ang pagtitimpi na mayroon siya para kay Shaun.
"Speechless? Then, let me tell you something, too." Humakbang si Shaun nang isa palapit sa kanya, "Don't lead her on! Don't fucking flirt with Tonica nor act stupidly while you have your fiancee with you! Make up your fucked-up mind, Grey. It's a pain watching a chicken!"
Madiing magkalapat ang mga ngipin niya nang matapos ito. Lubusan siyang lumapit dito. Mahigpit niyang kinamal ang leeg ng pang-itaas nito.
"Who fucking told you I haven't made up my mind, asshole?"
Nagsukatan sila ng tingin. Parehong nanggigigil sa isa't isa. Ilang sandali pa ay mahigpit na hinawakan ni Shaun ang kamao niya bago puwersahang baklasin.
"Good," madiin na sabi ni Shaun. "Make her cry and I'll break your jaw."
Tumalikod ito. Nagsimulang lumakad palapit sa pinto habang banas na iniuunat ang nagusot na damit.
"Another hateful rumor and I'll break your neck," mainit na buwelta niya.
Bahagya itong lumingon.
"Let's see who's more cruel, Grey. But just so you know, I've been looking forward to punching you in the face."
Tahimik siyang nagngitngit hanggang sa makalabas ito ng silid. Hindi niya ito masisisi. He wanted to punch himself in the face, too.
***
Ika-sampu ng gabi nang matapos ang shooting. Kabado si Tonya habang bitbit ang kape ni Grey papasok sa opisina nito. Dalawa na lang silang naiwan sa buong studio. Huling pinauwi ni Grey si Boom. Pinaiwan naman siya. Mangangatwiran pa sana ang bakla para maisabay siya pauwi pero hindi na nito nagawa. Agad itong tumupi nang mapansing ongoing pa rin ang sumpong ng direktor. Buong araw sa shooting ay mainit ang ulo ng lalaki.
Ngayon naman ay nakasasakal ang tensyon sa maliit na silid.
"Coffee," sabi niya at ibinaba ang mug sa tabi nito. Tumitiyempo siya. "Dahil wala nang gagawin, Direk, puwede na ba 'kong–"
"Are you in a hurry?" putol nito sa sasabihin niya. Humigop ito ng kape at patuloy na nagtipa sa laptop nito.
"Hindi naman pero–"
"Then, stay."
Nawalan siya ng sasabihin dito. Bakit ba putol ito nang putol sa kanya?
"Eh... bakit para kang galit? Sa akin?"
Nagtaas ito ng tingin sa kanya. Madilim ang mukha.
"Hala! Galit ka nga?" aniyang naguguluhan, "Eh bakit naman? Wala naman akong ginagawang masama."
"Really?" sarkastikong bulong nito at bumalik ang paningin sa laptop.
Hindi niya nagustuhan ang pagbulong na 'yon. Parang sinasabi nitong sinungaling siya. Tanga siya rito pero hindi sinungaling.
"Ano'ng 'really'?" busangot na tanong niya na ginaya ang tono nito. "Wala talaga akong ginagawang masama!"
Tumuwid ng upo si Grey at sinalubong ang mga mata niya.
"Did Shaun sleep at your house last night?"
"Ha?"
Nakipagtitigan siya sa delubyong nasa mukha ng lalaki. Gusto niyang umatras o tumakbo na lang palabas ng opisina nito. Pero 'pag ginawa niya iyon, iisipin nitong sinungaling siya at may ginawa nga siyang masama.
"Natulog ba si Shaun sa bahay n'yo kagabi?" mas madiing ulit nito.
Lumunok siya. Pakiramdam niya ay mabibitay siya sa isasagot niya.
"O...o?"
Nanunukat ang tingin nito. "Oo? Hindi ka sigurado, Tonica?"
"Oo."
Dumilim pang lalo ang mukha nito.
"Sa kuwarto mo?"
Nangunot ang noo niya sa inis. Bakit ba ang lahat ng tao ay interesadong malaman kung saan mismo humiga si Shaun? Gano'n ba talaga ito kasikat?
"Oo."
Bumigat ang tensyon sa hangin at pinahirapan silang huminga. Nakita ni Tonya ang pag-igting at paggalaw ng panga ni Grey.
"Sa kama mo?" anito.
"Oo!" asar na sagot niya. "Wala naman akong ibang kama!"
Sumitsit sa inis ang lalaki.
"Why do you even have to do that?" gusot ang mukhang tanong nito.
Nagpanting ang tainga niya. Alangan namang hindi niya patulugin si Shaun kung inaantok na ito?
"Eh ano naman? Nakikitulog lang naman siya. Hindi naman masama–"
"He kissed you!" napatayo si Grey sa pag-aakusa. Madiin ang bawat salita. "He kissed you and you still lent him your bed? Ano ba'ng iniisip mo, Tonica?"
"Halik lang 'yon! Wala naman 'yong kahulugan sa akin. Nakalimutan ko na nga!" naaasar na buwelta niya. "Saka, ikaw? Ano bang iniisip mo, Gregorio? Malisyoso ka ba?"
Lalong nagsalubong ang kilay nito sa sinabi niya. Lalong umigting ang delubyong nakabakas sa mukha. Pero hindi siya dapat matakot! Wala naman siyang ginawang masama!
"Halik lang? A kiss doesn't mean anything to you?"
Kumunot ang noo niya at napaatras. Iyon lang ba ang narinig nito? May iba pa siyang linya pagkatapos, ah! Hindi naman ito slow!
"Oo!" una ang asar na sagot niya.
"I can't believe you!" napahawak sa noo si Grey na parang kunsuming-kunsumi.
"Maniwala ka!"
Naiinis talaga siya sa pinag-uusapan nila. Nakaw na oras na nga lang ng katangahan niya rito, nakikipagsigawan pa siya. Bakit hindi na lang uli ito humingi ng yakap na mga three-hour long?
"Ngayon, kung ayaw mong maniwala sa aking Goryo ka, uuwi na lang ako!" sabi niya at nagmamartsa na tumalikod.
"Shit!" inis na bulalas ng lalaki, "You're driving me nuts!"
Bago pa siya matakot uli o magtatakbo, nahawakan na nito ang pulsuhan niya at hinila siya palapit. Tumama siya sa katawan ng kunot-noong si Grey bago siya nito hinapit sa baywang.
"Halik lang? Kaya mong kalimutan?" asar na sabi nito.
Dumiin na ang labi nito sa labi niya bago siya makapagtanong. Mulagat siya noong una sa pananalasa nito, sa salitang pagsimsim sa labi niya. Pero dahil sa pananalakay ng iba't ibang pakiramdam kasama ang pangungulila rito, napapikit siya. Nanlambot at hindi nakapanlaban. Alam niyang baka hindi na maulit ang kabaliwan ng lalaking mahilig manghalik. Sasamantalahin na lang uli niya ang pagkakataon.
Kaya iniawang niya ang labi at ginagad ang galaw ng labi nito. Sinabayan. Ninamnam niya ang halik na para sa kanya. Ibinigay niya ang halik na para rito. Humigpit ang hapit sa kanya ni Grey. Lumalim ang halik. At nang masuyo nitong kagatin ang pang-ibabang labi niya, higit-higit niya ang hininga.
Binitiwan siya nito. He was biting his lips, almost chewing on it, while looking intently at her.
Gusto pa ba nitong manghalik? Ready naman siya sa isa pa. Mag-aaway lang uli sila nang kaunti at step by step hanggang sa huling eksena.
Kaso gumagana na ang lohika niya at nang-aaway ang konsensiya. Mali ang ginagawa nila.
Namula ang pisngi niya habang natataranta sa pagkakatitig ni Grey. Lalo na sa ginagawa nitong pagkagat sa labi nito. Kasi naman... masarap itong kumagat. Mahirap i-explain.
"Inis ka na naman? Kaya ka nanghahalik?" nagawa niyang itanong sa pagitan ng pagsinghap.
Nakatitig pa rin ito sa kanya. Hindi niya maipaliwanag ang nasa mga mata.
"Ano?" lumunok siya, "Magsalita ka..."
Marahan itong nagbuga ng hangin. Naghihirap sa bawat salita nang sabihin, "That is not a demo, Tonica. That kiss..." bihag nito ang mga mata niya, "don't you ever forget it." #
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top