Chapter 19 : Complicated

***

Alas-dose y media na nang makauwi si Tonya sa bahay nila. Dumoble ang tibok ng puso niya nang maabutang gising pa ang Mama niya. Naghihintay ito sa sala nila habang umiinom ng tsaa.

Agad siyang lumapit at nagmano.

"Kanina pa kita hinihintay. Umupo ka muna. Ikukuha kita ng tsaa," seryosong sabi nito at tumayo para magpunta sa kusina.

Naupo siya sa katapat ng upuan nito. Ilang gabi na niyang iniiwasan ang ina dahil sa paulit-ulit at excited nitong tanong tungkol kay Shaun. Mula nang dumalaw roon ang lalaki para sunduin siya ay panay ang pangungulit ng Mama niya sa kung kailan ito sasagutin. Kung suwerte nga raw na alukin siya ng kasal o kahit anak lang, dapat pumayag na siya agad-agad. Gusto nitong maging updated sa ligawan nila. Ang kaso, wala naman siyang ia-update maliban sa uma-umaga silang magkasama sa gym at almusal. Masyadong busy ang schedule ni Shaun para masamahan siya sa iba pang oras sa loob ng isang maghapon. Nakaw na nga ang oras nito sa umaga. At kung may masasabi man siyang progress ng relasyon nila, iyon yata 'yong komportable na siya rito.

Close na close na sila. Close friends.

Nang magbalik ang Mama niya sa sala ay may bitbit na rin itong biskwit bukod sa tsaa.

Inilapag nito ang hawak sa kahoy na mesa. Tahimik silang humigop ng inumin. Nagpapakiramdaman. Nang hindi na nito kaya, bumuntonghininga ito. Hinawakan nito ang dyaryong malapit dito at itinulak palapit sa kanya.

Nakabukas na ang dyaryo. Nakalathala ang larawan nila ni Shaun doon. Picture noong unang beses na kumain sila ng seafood sa isang restaurant.

Nanlaki ang mata niya sa tinitingnang larawan. Ang payat niya sa picture! Improving!

"Nakikita mo 'yan?" tanong ng Mama niya.

"Opo, Ma, ang payat ko. Pumapayat na talaga 'ko."

Dumilim ang mukha nito. Mukhang hindi ang sinabi niya ang inaasahan nitong mapapansin niya.

"Hindi 'yon. Basahin mo ang nasa balita!"

Sumunod naman siya. Tahimik niyang binasa ang article. Dalawang ulit para mabilis i-translate. Napakunot ang noo niya sa malisyosong laman niyon. May cougar daw na kinahuhumalingan si Shaun. Na baka raw ang cougar sa picture ang dahilan kung bakit inayawan ito ng ina ng long-time love team nito na si Anisse Deogracias. At isang malaking dahilan din para magkaroon ng lamat ang pamamayagpag ng career ng lalaki.

Napailing siya. Cougar agad? Puyat lang naman siya at bagong iyak sa araw ng picture na 'yon. Hindi naman siya tumanda agad-agad. At isa pa, dalaga pa siya!

"O.A. lang 'to, Ma. Siyempre, sikat si Shaun kaya lalabas ang ganitong balita. Natural lang 'yan."

Nakatitig sa kanya ang ina. "Hindi lang sa dyaryo 'yan, anak. Nasa internet 'yan. Nasa TV. Nasa radyo. Nag-aalala ang mga kapatid mo sa'yo."

Hindi siya makapaniwala! Sikat nga talaga si Shaun. Siguro ay gisang-gisa ito sa mga balita dahil sa kanya. Kaya siguro wala ito sa set kanina.

"Tonya... alam mong hindi ako magaling sa ganito–sa pakikipag-usap sa'yo, nang matino, nang magkakaintindihan tayo. Ang tatay mo... alam kong mas alam niya ang gagawin at sasabihin sa'yo kung nabubuhay lang siya."

Totoo ang sinasabi nito. Ang tatay niya, kahit aandap-andap ang utak niya sa mga kasabihan na lagi nitong ipinapayo, nagkakaintindihan sila. Ang Mama niya, kahit na nang mamatay ang Papa niya, mas madalas na sumisigaw o nagtataray. Nakikianod lang siya. Iyon ang klase ng relasyon nila ng ina kahit na habang nagtatrabaho siya noon at nagpapaaral sa mga kapatid. Pero alam niyang mahal siya nito sa paraang alam nito.

"Alam mo ba kung bakit inirereto na lang kita sa mga anak ng amiga ko?" parang napapagod na tanong ng ina sa kanya.

"Kasi po... takot sa inyo ang mga amiga n'yo?"

Nagkatitigan sila ng ina. Nakita niya ang pagtigas ng litid nito sa leeg. Malamang na lumunok ng pagtataray. Hindi naman siya makapagsinungaling sa nakikita niyang sagot sa tanong nito. Takot talaga ang mga amiga nito sa Mama niya. Mabunganga kasi ang ina.

"Kasi, anak, ang takbo ng utak ng mga 'yon, kahit papaano, kabisado ko. Makakasiguro ako. At kung magbabalak man silang saktan ka, kaya kong sugurin."

Natahimik siya sa pakikinig.

"Pero si Shaun... komplikado siya para sa'yo. Iba ang level ni Shaun. Maraming matang titingin sa'yo–sa inyo. Kung kaya ko lang tinanggap na nililigawan ka niya, kasi no'ng magdamag kang ngumalngal, sinundo ka niya rito sa bahay na may dalang bulaklak. Humarap siya sa akin. Doon pa lang, alam kong posibleng seryoso siyang nanliligaw."

"Seryoso talaga siya, Ma."

"Tonya, ang akin lang sana... thirty-three ka na. 'Wag ka nang pumasok pa sa magugulong sitwasyon. Kaya ayoko ng guwapo para sa'yo, eh. Kasi laging magulo. May karibal. May sasabihin ang ibang tao. Hindi ka naman marunong magtanggol ng sarili mo. Mapupurnada pa. Si Hans pa nga lang..." umiling-iling ito, "Ngayon naman, si Shaun."

Itinikom niyang mabuti ang bibig. Ni hindi pa nga nito alam na may Gregory Montero pa sa buhay niya na kamukha ni Superman at siyang tunay niyang pinaglalawayan.

"Gusto ko, mangako ka sa akin na kapag masyadong komplikado ang sitwasyon, tatakasan mo na agad. 'Wag ka nang maghintay o sumugal. Kung hindi mo kaya, ipaubaya mo sa akin. Ako ang gagawa ng paraan para sa'yo."

Nasa mukha ng Mama niya ang pag-aalala. Alam niyang seryoso ito dahil pinipigilan nito ang magtaray lang at magbunganga. Kahit hindi nito sabihin o aluin kaya siya nang mas malambing, alam niyang masakit para rito ang kinasasangkutan niya. Maldita man umasta ang Mama niya sa iba, malambot ito sa kanya. Lalo na dahil siya ang panganay at nakatuwang nito sa buhay. Ang akala kasi nito ay lagi siyang naaapi. Na parang tulad pa rin siya noong bata pa siya na tatakbo at iiyak kapag may bully.

Hinawakan niya ang isang kamay nito.

"Ma... malaki na po ako. Kaya ko naman ang sarili ko. Pero para hindi ka mag-alala at tumanda agad, promise, kapag masasaktan ako nang sobra, tatakbo ako sa'yo."

Tinapik nito ang kamay niyang nakahawak dito.

"Gawin mo 'yan. 'Wag mo nang ulitin 'yong pagtakas-takas dati para lang kay Hans. Tapos, ito, iniwan ka rin naman na mag-isa. At nagnakaw pa ang put–"

"Ma..." pigil niya rito. Tumataas na naman kasi ang kilay nito at namumula ang ilong. Siguradong may kasunod iyong paglilitanyang walang-humpay kung hindi niya aagapan.

"Sige, tutal ay napangatawanan ko ang pagiging si Buddha ngayong gabi, itutuloy-tuloy ko na. My lips are sealed," umakto pa ito na parang nagsi-zipper pasara ng bibig. "Pero, Tonya, malinaw ang usapan natin, ha? Ayoko ng komplikado para sa'yo. Hindi na tama."

Tumango siya. Naiintindihan niya ang pag-aalala nito.

"Pero ang hindi ko lang talaga mapaniwalaan minsan... lahat ng nagkakagusto sa'yo, artistahin!"

Bumungisngis siya. "Ayaw mo no'n, Ma, magandang lahi ang magiging mga apo mo sa akin."

Umirap ito sa kanya.

"Malalaki na ang mga kapatid mo. Hindi mo na kami responsibilidad. Pero kahit na gano'n, kahit hawak mo na ang oras mo, 'wag puro puso ang gamitin. Gamitin din ang utak minsan, kahit mabagal. Hindi tama na durog-durog ka, Tonya. Gaya kay Hans," malumanay na sabi nito. "Hindi ka pinggan para madurog."

Tumango siya. Hindi niya masabing hindi na si Hans ang dumudurog sa puso niya ngayon.

***

Nang matulog na ang Mama niya ay dumiretso sa computer si Tonya. Agad siyang nag-search ng tungkol kay Shaun. Ang unang search result ay ang press conference nito kaninang hapon lang. Nag-click siya ng isang video.

"Are the rumors true? Nililigawan nga ba ng isang Shaun Mercache ang babae o quote-unquote cougar na nasa picture?" tanong ng isang lalaking reporter.

"I want to clarify: that girl is not a cougar. Quote-unquote. She's in her thirties and single. And it is not a rumor. Yes, I am courting the girl in the picture," seryosong sagot ni Shaun.

Patuloy ang flash ng mga camera sa gawi nito.

"Is it also true that the girl in the picture is the reason why Anisse's mother and manager, Bianca Deogracias, airs her distrust in you?" tanong ng isang babaeng reporter.

Ngumiti si Shaun. 'Yong pang-toothpaste commercial. "Distrust is a very negative word. She just wanted something for Anisse that unfortunately wouldn't pursue as long as I am in the picture. We talked about it and we parted ways. On the other hand, Mother Violet trust me to partner with Lauren. That's about it."

Lalaking reporter, "Piniperahan ka nga ba ng babae sa litrato? May bali-balita na naggi-gym kayo nang magkasama sa isang mamahaling gym. At ikaw raw ang sumusustento rito."

"She's not that kind of girl. She's long enrolled in that gym before I was. You could say that I followed her there."

Lalaki uli, "People are talking negatively about your choice of girl. After all, rumored din na naging kayo ni Anisse and another very attractive girl. The girl in the picture is not–alam na natin–pretty. And her size is–"

"She's very lovely in person. And again, Anisse and I are long-term love team but that was it. I never courted her nor hinted that I like her as a woman." Ngumiti uli si Shaun, "And I think the public don't need to bother about my choice of companion."

Babae, "Does that mean that you are still single as of this time?"

"Yes. Very much single, except if by some chance, the girl in the picture give me her 'yes'."

Lalaki, "We pray she won't."

Malutong ang tawanan at bulungan.

"Don't pray," matigas na sangga ni Shaun.

Napangiti siya nang malungkot sa napanood. Isn't that too much? Ipinagtatanggol siya ni Shaun at tumatanggap ito ng batikos samantalang wala naman siyang kahit na anong garantiya rito. Lagi pa siyang nagpapalibre. Minsan din, pakiramdam niya ay alam naman nito na may damdamin siya kay Grey. Lagi lang na ayaw nitong pag-usapan.

Kung puwede lang sana na si Shaun na lang ang gustuhin niya, kaysa sa isang suplado at hindi nagsasalitang lalaki na aalukin niya ng kape pero yakap ang hihingiin.

Napabuntonghininga siya. Siya at si Grey, para silang isang malabong eksena sa isang sirang TV. Nangangapa siya at nakikinig nang masinsinan; nag-iisip nang mabuti para lang maintindihan kung ano'ng nangyayari. May fiancee na ito pero minsan, pakiramdam niya ay parehas sila ng nararamdaman. Na kapag gusto niyang lumapit, parang gusto rin nitong nasa malapit siya. Na kapag gusto niyang dumikit, parang gusto rin nitong nakadikit siya. Na kapag magtitimpla siya ng kape na hindi nito naiinom minsan, pinababayaan siya para lang magkasama sila sandali sa isang mas maliit at pribadong espasyo. Para lang magkaroon ng maliit at maikling usapan sa pagitan nila.

Imposible 'yon, 'di ba? Ano namang gugustuhin nito sa kanya? Nag-a-assume lang siya.

Napatay na niya ang computer nang tumunog ang cellphone na nasa bulsa niya. Naka-display ang number ni Shaun.

"Hello?"

"Are you home?" mababa ang boses na tanong ng lalaki.

"Oo. Ikaw?"

"I'm outside your house," sabi nito.

"Ha? Sa labas?"

"Yeah. Puwede ka bang–"

"Sandali, lalabas ako," sabi niya at nagmamadaling lumabas ng bahay.

Mabilis niyang nakita ang pamilyar na itim na kotse ni Shaun. Kumaway siya rito habang lumalakad palapit.

Binuksan naman nito ang pinto sa passenger seat. Doon siya naupo.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya.

Kinuha nito ang cellphone na nasa kamay niya pa at naiwang nakakonekta. Ito ang nag-off.

"Hi," anas nito.

"Hi." Saka, "Ano'ng ginagawa mo rito?"

"I just wanted to see you."

Kumurap-kurap si Tonya. "Bakit naman? Hatinggabi na. Para ka namang aswang niyan."

Mahina itong tumawa. "It's just tiring the whole day and... I want to see you."

Lumambot ang puso niya sa sinabi nito.

Nakasandal na maige ang lalaki sa upuan nito, nakapatong ang kamay sa manibela, at parang mapipikit ang mata sa pagod. Alam niyang bahagi siya ng pagod na iyon ngayong araw.

"Sorry," sabi niya rito.

Maamo ang mata nito nang bumaling sa kanya.

"What for?"

"Napanood ko 'yong press con mo. Ngayon-ngayon lang." Nag-iinit ang mata niya sa naalala, "Salamat sa pagtatanggol mo sa'kin."

Sumeryoso ang mukha nito. "Hindi ka dapat nanonood ng gano'n. It's nonsense."

"Hindi ko nga siguro dapat pinanood 'yon. But it's not nonsense. Ipinagtanggol mo 'ko. Thank you."

Nagtama ang mata nila sa mahinang liwanag sa loob ng kotse.

"Tell me, did you like me a little after watching it?" makulit ang ngiting tanong nito kahit nananamlay.

"I like you a lot!"

"Uh-oh. You're going to break my heart," malumanay na sabi nito.

"Ha? Pa'no mo nalaman?"

"I know. I heard something similar before." Hinawakan nito ang pisngi niya. Masuyong hinaplos iyon habang nakatingin. "You're getting thin. Soon, you'll be a head-turner and everything they are saying about you will change. Those stupid fans and gossipers."

Dahan-dahang natitibag ang depensa niya sa sinasabi nito. Tumatagos at sumusuot iyon sa puso niya. Nagpapainit sa mga mata niya.

"They will still say a lot–a lot of stupid things. But don't mind them. They don't know who you are so like dogs to strangers, they bark."

Kuha niya 'yon. Sakit ang pinakamabilis iproseso ng isipan niya.

"And before you tell me that you really did absolutely, completely, love that stupid jerk Gregory, let me tell you that I really, really, really... like you. I like you a lot, Tonica. It's so weird and sudden that I don't know how to act it out properly." Lumunok si Shaun, "I'm sorry for dragging you into the mess of showbiz."

Tumulo ang luha niya sa sinabi nito. Mahina siyang suminghot habang patuloy naman nitong hinahaplos ang pisngi niya.

"I'm sorry, Shaun. I want to like you more. Kaso kasi... si Grey, eh." Sumikip lalo ang dibdib niya sa pag-amin.

"Yeah. That stupid Grey," sabi nitong kinabig siya at niyakap.

Umiyak siya sa dibdib nito.

"Hindi ko mapigilan, eh. Natatanga ako," patuloy niya pa. "Mahal ko talaga–kahit may fiancee."

Hinagod nito ang likod niya. "Yeah. You didn't even bother acting like you're not head over heels for him. It shows so much I'm pissed off while I'm on set."

Hindi niya alam kung tatawa siya o iiyak dahil sa mga sagot ng lalaki. Shaun has a way of talking like a rogue romantic hero. She likes that about him.

"You're really telling me to quit courting you?" anito.

Tumango siya bilang sagot habang nakasubsob pa rin dito. Para iyon sa kanya at para na rin sa mga issues na ibinabato rito.

"That hurts," anito at alanganing tumawa. "But can I ask for something in return?"

Inihiwalay niya ang sarili rito at awkward na tinakluban ng palad ang mga mata niya para hindi nito makita ang luha roon.

"Ano?" aniya.

"One, I want to annoy Grey. Like... really annoy him."

Tumango siya kahit hindi niya alam kung paano 'yon. Pinahid niya ang luha sa mga mata.

"Tapos?"

Hindi sumagot agad si Shaun. Naghintay siya sa sasabihin nito hanggang sa lumapat ang labi nito sa labi niya. Mainit iyon. Masuyo.

Napalunok siya nang iwan nito ang labi niya.

"That, too. And..."

"Mayro'n pa? Ang dami, ha?" aniyang nagrereklamo habang sumisinghot. Nakatakip pa rin sa mata niya ang kamay.

"Let me sleep over tonight."

Tinanggal niya ang kamay sa mata at sinuri kung seryoso ito. Napipikit pa rin ito sa pagod.

"Bakit?"

"Tumakas lang ako kay Tita Renee and I'm so tired to drive home. Please?"

Tumango naman siya rito. Makikitulog lang naman pala. #

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top