Chapter 18 : Awkward
***
"Good morning!" bati ni Tonya kay Boom na nakatalikod at nakapamaywang sa inaayos na ilaw at riles ng camera.
Nilingon siya ng bakla. Kunot ang noo nito. Maasim ang mukha.
"Morning," labas sa ilong ang bati nito.
Inilabas niya ang isang haba ng tsokolate sa bag na paborito nito. Inilalaan niya iyon para sa masamang panahon. Gaya ngayon.
"Chocolate?" nakangiting alok niya, nakaabang ang tsokolate.
Lumaki nang kaunti ang mata ni Boom pero hindi nagpahalata, "Sa akin 'yan?"
Tumango siya.
Hinablot nito ang tsokolate. "Salamat."
Sa paningin ni Tonya ay parang kumalma ito. Nawala kasi ang buhol ng kilay nito.
"Ano'ng problema?" usisa niya.
Malalim pa sa malalim ang paghinga ni Boom. "Gusto mo bang isa-isahin ko?"
"Oo. Para malinaw."
Umikot ang mata nito.
" 'Yong bruha sa dressing room! 'Yong matandang isang Famas award lang naman ang napanalunan sa buong buhay niya ay nagmamaganda sa set-up. Kaya ito, nagra-rush ako para baguhin ang set ayon sa gusto niya. Beterana raw siya eh."
Translation: May bruha na nagmamaganda at pinahihirapan si Boom.
Kilala na nila iyon. Tatlong araw nang nasa set at trip pag-tripan ang kaibigan niya.
"Alam ni Direk?"
"Siyempre, hindi!"
"Bakit hindi mo sinabi?"
"Makikipag-away 'yon sa bruha! Pagsasabihan! Hindi nagto-tolerate ng favoritism si Direk. Kaya ako ang ibinigay ng production na assistant niya. Ako ang nagto-tolerate."
Translation: Makikipag-away sa bruha si Direk kaysa magbigay ng favoritism.
"Tapos?"
"Tapos, may magandang bruha sa opisina ni Direk."
Translation: Nandoon uli si Noreen.
"Ah."
"Ewan ko ba kung bakit hindi maawat sa pagpunta. Nice naman siya and all... nagdadala ng breakfast para sa lahat. O meryenda. Parang first lady. Pero alam mo 'yon? Araw-araw sumisilip na parang nagbabantay ng anak! Saka nandito ka!" napahawak sa sentido si Boom. "May band-aid ka ba?"
Translation: Nakabuntot si Noreen kay Grey. Kaya mong maging tanga?
Tumango siya.
"Ikaw na talaga! Wala akong masabi!" anito.
Ngumiti lang siya.
"Siyempre, dadalaw 'yon lagi kay Direk. Fiancee siya, 'di ba?"
"Pasmado 'yang bibig mo! Hugasan mo!" naiiritang sabi ni Boom sa kanya.
"Ha? Wala akong pasma, Boom."
Umiling-iling ito. Saka naman niya na-gets ang sinasabi nito. Pero wala namang silbi kung pagagandahin niya ang description sa nangyayari kay Grey at Noreen. Kung nakabuntot man sa lalaki si Noreen, karapatan iyon ng babae. At sila, wala silang karapatang magreklamo.
Kahit ang pag-atungal sa iyak ng puso niya, three days in a row, walang karapatan.
"Tapos? May problema pa ba?"
Nagpapadyak si Boom sa iritasyon. Hindi nga lang niya alam kung sa kanya o sa sarili nito.
"Tonya naman!"
"Ano?"
Kumapit sa braso niya ang bakla. "Sorry! Ikaw ang dapat nagrereklamo to the max sa akin. Hindi dapat ako. Ang sama-sama kong bakla!" maarteng sabi nito sa kanya.
"Eh ikaw ang may problema, eh."
Yumakap ito sa kanya habang pumapadyak pa rin. "Pero ikaw ang tanga, 'Te."
"Oo nga."
"Buwisit ka! Umaamin ka pa talaga!"
Mahina siyang tumawa at hinagod ang mapintog na braso nito.
" 'Wag mo 'kong masyadong inaalala. Matanda na 'ko."
Hindi ito tumitigil sa padyak. Siguradong anumang peste ang gumapang sa sahig ay mapipisat nito. "May isa pa. Hindi ko alam kung pa'no sasabihin..."
"Ano?"
Bumitiw ito at tumingin sa kanya.
"Kasi–"
Naputol iyon nang may dumaang pamilyar na tensyon. Walang kibo. Pero kahit yata ilang metro pa ang layo nito, made-detect ni Tonya.
"Good morning," malamig ang bati nito sa kanila.
Malapad ang naging ngiti niya pagbaling dito, "Good morning, Direk!"
Siniko siya ni Boom. 'Yong pagsiko na kung sa sikmura niya tumama, mawawalan siya ng hininga.
"In my office, Tonya," pahabol nito bago nakalayo.
"O, nakita na 'ko ni Direk. Mamaya mo na ituloy 'yong sasabihin mo," sabi niya kay Boom at nagmamadaling iniwan ito.
"Sandali–"
Sa staff room siya nagpunta para ideposito muna ang bag na bitbit. Naka-dress siya ngayon pero hindi kataasan ang takong ng sapatos na suot, para makapagyao't dito na numero unong trabaho niya. Nang maibaba ang gamit ay dumiretso siya sa opisina ni Grey. Huminga siya nang malalim para magkalakas ng loob na makita itong kasama si Noreen.
Binuksan niya ang pinto. Wala si Noreen.
Si Grey ay nakaupo sa kuwadradong mesa habang bukas ang laptop sa harapan nito. Parang may binabasa. O tina-type.
Walang imik niyang kinuha ang nakataob na panda mug. Magnanakaw na rin sana siya ng sulyap. Kaso, nagkasabay sila ng lalaki. Nagtama ang mata nila.
"Bakit, Direk? May sasabihin ka?" una niyang tanong sa tumatagal na titigan.
Wala ang lamig sa mata nito. Maamo iyon. At parang pagod.
"Can I ask you a favor?"
"Ano 'yon?"
Parang nag-isip pa ito bago itinuloy ang pagsasalita, "Don't watch television, read the newspapers, or listen to the radio for at least a week."
Translation: Gawin mo ang gusto ko.
"Okay."
Natigilan ito. Parang na-off guard sa mabilis niyang pagsagot.
"Hindi mo ako tatanungin kung bakit?"
"Hindi na kailangan 'yon, Direk," aniyang ngumiti lalo rito. "Bakit? Gusto mo pa bang tanungin kita?"
"No. I'm just... you're just really..." tumikhim ito, "I mean..."
"Nauutal ka."
"Yeah."
Namagitan ang katahimikan sa kanila. Naghihintay siya sa sasabihin pa nito.
"I'm at a loss with what to say," anito.
Kitang-kita niya ang ebidensiya sa sinasabi nito.
"Then don't say anything. Okay lang 'yan."
Seryoso ang pagkakatingin nito sa kanya.
"How will you know what I'm thinking about kung hindi ako magsasalita?"
"Maiintindihan kita at kung anuman ang hindi mo masabi."
Titigan.
Nawalan na nga talaga ng salita si Grey. Ngumiti naman siya bago tumalikod at lumabas sa opisina nito. Sa kitchen siya nagtuloy at nagtimpla ng kape. Dadalhin na niya pabalik ang tinimpla nang nakangiting sumalubong si Noreen.
"Hi, Tonya," bati nitong nakatingin sa kape, "Kay Grey 'yan?"
"Oo," nanliliit ang matang sabi niya. Nasisilaw siya sa kagandahan ng babaeng kaharap.
"Puwede bang ako na ang magdala niyan sa kanya?"
Tumirik ang translator sa isip niya. Hindi niya maiproseso dahil nauuna ang pagdadamot na nararamdaman niya.
Alanganin siyang sumagot, "Puwede bang... ako na lang? Sanay naman ako, eh."
May patlang na dumaan sa pagitan nila.
"Please?" anito.
Napapakiusapan siya. Pero kung ibibigay niya ang kape, hindi niya alam kung kailan pa uli makapagnanakaw ng oras para makalapit kay Grey o mapag-isa kasama nito. Tatlong araw nang naroon si Noreen. At bawat panahon na nagbibitbit siya ng kape, nakatabi ito sa lalaki. Ngayon na nga lang hindi.
Alam niyang dapat niyang ibigay ang mug. Pero ayaw magbigay ng mga kamay niya.
"Puwede bang ako na lang. Please?" nakikiusap na sabi niya kay Noreen kahit na hiyang-hiya, "Kape lang naman 'to."
Nangusap ang mga mata nila sa isa't isa. Nagbabasa ng mga salita at pakiusap na hindi nila maisatinig. Malungkot na ngumiti ang babaeng kaharap bago bumuntonghininga.
"You're in love with Grey."
Napalunok siya kasabay ng panlalaki ng mga mata. Paano nito nalaman? Nakasulat ba sa mukha niya? Halatado ba? Dapat yata siyang magsinungaling pero mas sanay siyang magsabi ng totoo.
"Oo."
Nahigit nito ang hininga.
"Are you trying to catch his attention?" halos walang-hangin na tanong nito.
"Oo. Minsan."
"Are you trying to get him?"
"Hindi." Lumunok siya, "Alam ko naman ang posisyon ko. Assistant lang ako ni Direk. Ikaw ang... fiancee."
Hindi kumibo ang babae.
"Pero aaminin kong nagnanakaw ako ng maliliit na oras para sa sarili ko. Gaya ng pagtitimpla ng kape. Kaya sorry."
Parang pinag-aaralan siya ni Noreen sa paraan ng pagtitig nito sa kanya. Pinagsalikop nito ang dalawang kamay.
"You're too honest... and brutal," sabi nito sa kanya. Nanginginig ang kamay nitong may singsing ni Grey.
Mapait ang pagngiti niya. She likes Noreen. Mabait ito. Maganda. Bagay ito kay Grey. Wala siyang panama kahit na katiting.
"You're too pretty... and kind."
Tumungo ang babaeng kaharap. "I'm sorry about this, Tonya."
Alam niya, siya ang dapat na humingi ng dispensa, "Ako ang wala sa posisyon. Sorry."
"I'm not going to make way for you to get Grey," matatag na sabi nito, "He's for me."
"Hindi naman ako nag-e-expect. Obvious naman 'yon. Kahit naman ako ang nasa lagay mo, hindi ko isusuko si Direk."
"Then could I, at least, request you stop putting notes with love quotes on his coffee? It's very... confusing."
Oo nga pala. Puro love quotes pa rin ang isinusulat niya sa sticky notes. Hindi pa kasi siya nakararating sa friendship at loyalty quotes na na-research. Baka nag-alala si Noreen sa nababasa at iba ang naisip.
Sa tatlong araw ay ito ang mga inilagay niya: 1, Love is sweeter the second time around; 2, You can only love what you got while you got it; 3, Love isn't something you find. Love is something that finds you.
At ngayong araw sana: Love is when he gives you a piece of your soul, that you never knew was missing.
"Okay. Bukas, wala nang love quotes. Sorry uli."
Tumango si Noreen. Bahagyang napakagat sa labi nito, "Salamat, Tonya."
Awkward siyang ngumiti habang tumalikod naman ito at papalabas na sana ng kitchen ng–
"Teka, Noreen," pigil niya. May hindi pa kasi malinaw sa kanya. "Ibig sabihin, okay lang na ako ang gagawa ng kape ni Direk araw-araw? Ako pa rin?"
May hindi mawaring anino ng damdamin sa mata nito habang nakatingin sa kanya.
"Yes, Tonya. Okay lang."
Nakahinga siya nang maluwag. "Salamat."
Lumabas na ito sa silid. Nanghihina naman siyang napaupo sa dining set na naroon at inilapag ang hawak na mug sa mesa. Nanginginig siya. Ngayon ang kauna-unahang pagkakataon na tahimik na bagyo ang engkuwentro niya sa isang taong dapat ay kaaway ang tingin sa kanya.
Mas sanay siya na pinariringgan, minamaliit, at nilalait. Pero ang makaharap ang isang taong walang balak na pamukhaan siya o insultuhin, iba pala ang yanig. Sinasalakay ng kaba, pait, sakit, hiya, at pangamba ang puso niya. May dalawa pang emosyon na ayaw niya sanang maramdaman: selos at inggit. Dahil kahit na aminado siyang may karapatan si Noreen kay Grey, alam niya sa sarili niyang pangarap niyang mapunta sa posisyon nito.
Huminga siya nang malalim. Kinalma ang sarili. Kailangan niyang mag-move on nang mabilis sa usapan nila at isipin ang trabaho.
'Wag na raw siyang maglagay ng love quotes. Ibang quotes na lang.
Napaisip siya. May libro naman siya ng mga kasabihan. Doon na lang siya kukuha.
***
Alas-onse ay tapos na ang shooting. Mas maaga kaysa sa inaasahan nila. Nagkulong na naman si Grey sa opisina nito matapos ang 'Cut'. Pero hindi nito hinila si Boom o siya para sa kahit na anong emergency meeting.
"Ano na naman kayang lalamayin ni Direk? Nakakapagduda na, ha? Gabi-gabing nagkukulong sa office niya," komento ni Boom habang nag-aayos ng bag nito. Nasa staff room sila.
"Baka nagpapahintay sa'yo, Tonya!" nakatawang sabi ng kalapit nitong si Abo.
Hinampas ni Boom si Abo sa balikat, "Hoy ikaw, bakla, 'wag mong gawing matabang hopia 'to si Tonya! Baka maniwala 'yan at magtulo-laway na naman sa alindog ni Direk! Doon na lang siya kay Shaun. Walang sabit!"
Napatawa siya. "Pumapayat na ako, Boom. Hindi na ako magiging matabang hopia."
Ibinalik ni Abo ang hampas dito. "Wala si baby Shaun ngayon, ano ka!" nagtatawa ito bago bumaling sa kanya, "Ilang kilo ka na, Tonya?"
"Sixty-six!" kinikilig na sabi niya sa dalawang kausap.
Nalaglag ang panga ng mga ito. Lumapit, hinawakan siya sa balikat, at iniikot.
"Akala namin daya pa rin ng dress! Shet, award!" si Abo.
Pumalakpak ang dalawa.
"Shet, 'pag pumayat ka na talaga... shet! Mailalampaso mo si Noreen!" si Boom.
Ngumiwi siya. " 'Wag natin siyang ilampaso, Boom. Mabait siya. Saka, siya ang pumili ng mga damit ko kaya lagi akong nagmamaganda."
Tulala ang dalawang bading sa sinabi niya.
"Tara, iba na lang ang pag-usapan natin! 'Yong healthy sa lungs at sa brain. 'Yong hindi nakakatanga!" sabi ni Abo.
"Oo. Iba na lang," aniya. Excited siyang naghintay sa ibang topic na pag-uusapan nila pero wala. "Ano? Ano nang pag-uusapan natin?"
"Wala. Nakakatanga pala lahat ng puwedeng topics," si Boom. "Umuwi na lang tayo."
Nanghinayang naman siya. Gusto niya pa sanang makipagkulitan sa dalawa.
Papalabas na sila ng studio nang mapatingin siya sa opisina ni Grey. Bukas pa rin ang ilaw. Bahagyang bukas ang pinto.
" 'Wag mo 'kong pakitaan ng mga longing look mo, Tonya! Uuwi na tayo!" sabi ni Boom at hinawakan siya sa braso.
"Eh... titimplahan ko muna ng kape uli si Direk," palusot niya.
"Tonya! Rurupok na ang buto ni Direk sa caffeine! Malulunod na siya sa kape! Anim na beses mo yata siyang inaabutan sa isang buong araw. Ikamamatay niya ang loyalty mo!" mataas ang boses nito bago bumaling kay, "Abo! Hawakan mo 'tong hopiang 'to!"
Pero bago siya mahawakan ni Abo ay nakapiglas siya at mabilis na tumakbo.
"Tonya! Hoy!"
"Sandali lang ako! Sorry!" sigaw niya habang parang hinahabol ng kabayo.
Pabigla niyang binuksan ang pinto ng opisina ni Grey at pabagsak na isinara.
Gulat si Grey nang lingunin siya. Nakaupo ito sa mesa nila, kaharap ang bukas na laptop nito.
"Tonya!" kunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya, "Sino'ng humahabol sa'yo?"
Humihingal siya habang nakangiti sa lalaki. Nakahawak pa siya sa ini-lock na seradura ng pinto.
"Eh... sina Abo at Boom, Direk!" mahina siyang tumawa, "Natakasan ko naman."
Ilang sandali silang nagkatinginan bago maamong ngumiti si Grey. May kasama iyong mahabang buntonghininga. Unang beses iyon pagkatapos ng ilang araw. Pakiramdam ni Tonya ay pumatak ang ulan sa disyerto. Piniga ang puso niyang sabik sa ngiting galing sa suplado.
"Nakangiti ka."
"Yeah," bahagya itong umiling. "Okay ka lang? Bakit ka nila hinahabol?"
"Kasi," hinabol niya ng isa pa ang hininga, "gusto kitang ipagtimpla ng kape."
"Oh." Nag-isip ito sandali, "I don't get it."
Mahina siyang tumawa. Wala naman itong alam sa katangahan niya na pinipigilan nina Boom at Abo.
" 'Wag mo nang isipin. Coffee?"
Mas matagal itong tumitig sa kanya at sa ngiti niya na malapit nang mahiya rito.
"Hug."
Kumurap siya. Mali yata ang narinig niyang sinabi nito.
"Ano uli, Direk?"
Nawala ang ngiti nito.
"Nothing. Just get me coffee," anitong lumunok at ibinalik ang paningin sa laptop.
Lalo siyang naguluhan. Kanina ang sabi nito, gusto nito ng yakap. Ngayon naman, kape na lang?
"Please," sabi nito. Hindi nakatingin na iniaabot ang mug sa kanya.
Kinuha niya ang mug habang sinasakal siya ng nakabiting tensyon sa ere. Pinag-iisipan niya ang sinabi nito. Kung gusto nito ng yakap at walang ibang tao kundi siya, malamang ay sa kanya hinihingi, 'di ba? Ang kaso, alam niyang hindi siya ang dapat magbigay ng yakap na kailangan nito. Hindi naman siya ang fiancee. Kape at katangahan niya lang ang allowed siyang ibigay. Ang problema, gusto niya rin itong yakapin. Lalo siyang natatanga sa pagdedesisyon.
"Nag-iinarte ka ba uli, Goryo?" masuyong tanong niya.
"What?"
Bago pa ito makalingon ay lakas-loob siyang yumakap mula sa likuran nito. Nabibingi siya sa pagwawala ng puso niya nang madikit siya sa init ng katawan nito. Nanginginig siya sa kahihiyan at pagsasamantala.
"Three seconds lang. Friendly hug," nagawa niyang ibulong rito habang nahihirapang huminga. "Para hindi ka nag-iinarte."
Naramdaman niya ang tensyon sa katawan ni Grey. Pero baka sa kanya lang 'yon. Siya lang naman kasi ang natatanga sa kanilang dalawa.
Nagbilang siya sa isip niya para hindi sumobra sa segundong sinabi niya. Pero nang kakalas na siya, hinawakan nito ang nakayakap na braso niya at sumandal sa kanya.
"Stay. Stay longer."
Lalo siyang nanginig at nahirapang huminga. Pero anong magagawa niya laban sa salita nito? Tanga lang siya. Superman ito.
Surely, she's overpowered. #
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top