Chapter 17 : Undecided?

***

"Bumangon ka na, Tonya. May naghahanap sa'yo."

Napamulat si Tonya sa boses ng ina kahit na nananakit pa ang mga mata. Puyat siya sa shooting at pagod sa pagnguyngoy sa unan.

Ala-dos ng madaling araw na siyang nakauwi nang nagdaang gabi. Nang mag-cut si Grey at maitabi ang mga log sheets na hawak, hinila siya ni Boom para isabay pauwi. Naunsyami ang plano niyang hintayin uli si Grey na nagpaiwan na naman sa opisina nito.

"Ma?" nangilala siya sa ina nang mapatingin dito. Nawawala kasi ang rollers nito sa ulo. Sa halip ay maganda ang bagsak ng kulot sa balikat nito. May kaunti pang make-up sa mukha.

Napasulyap siya sa orasan na nasa tabi ng kama. Alas-sais pa lang naman. Saan ang lakad ng ina at nakapostura ito?

"Bakit nakaayos ka, Ma?" usisa niya.

"May bisita kasi. Alangan namang magpakita akong naka-rollers ang buhok. Bumangon ka na rin at mag-ayos bago ka bumaba."

"Bisita? Sino? Masyado pang maaga."

Ang alam niya ay allergic ang Mama niya sa maaagang bisita. Ayaw nitong naiistorbo ang pagtulog. Lalong ayaw nitong agarang nahuhubad ang rollers sa ulo. Matibay ang pananalig ng Mama niya sa Filipino time.

" 'Wag ka nang marami pang itinatanong," dagdag ng Mama niya at hinila siya para tuluyang makabangon. "Magmadali ka na. Nakakahiya sa bisita!"

Nahihiya ang Mama niya? Napapailing siyang sumunod sa utos nito. Halos pikit pa siya nang magpatianod at magpatulak sa banyo.

Pagkatapos niyang maligo ay mamimili na lang siya ng dadamitin sa nakahanda na sa kama niya. May malambot na blusa at shorts doon. May dress. Pulos mukhang mamahalin. Hindi pamilyar sa kanya ang mga iyon.

"Kaninong damit 'yan, Ma?" tanong niyang mahigpit ang hawak sa tuwalya sa katawan.

"Sa'yo! Kanino pa ba? Kahapon ay may trak na dumating dito. Tatlong malalaking kahon ang ibinaba. Nakapangalan lahat sa'yo," malaki ang ngiti ni Mama Korina. "Nagsukat nga ako. Kinuha ko 'yong babagay sa akin."

Hindi mahabol ng isip niya ang sinasabi ng ina. Kailangan niya ng kape bago tuluyang makapagproseso ng kahit na ano.

" 'Yong bisita mo ba sa baba ang may bigay? Sinagot mo na ba? Sagutin mo na."

Wala siyang maisagot sa ina. Hindi niya alam kung ano ang itinatanong nito at kung sino at ano ang tanong na dapat sagutin. Namamanghang hinaplos niya ang tela ng damit na nakalatag. Malalambot iyon.

"Ito ang isuot mo mamaya sa trabaho. Maganda 'tong dress. Nakakapayat," sabi ng Mama niya.

Natigilan siya. Nagbalik sa alaala ang nagdaang araw: damit na nakakapayat. Sangkatutak na damit sa clothes rack. May mga stylist–sina Noreen, Shane, Mikey, at Lei. Inayusan siya. Pinaayusan ni Grey.

Nagmamadali niyang binuksan ang kabinet niya. Apaw iyon sa bagong damit. Ang ilan ay pamilyar sa kanya–kasama sa pinamilian ng mga stylists na isusuot niya.

Napalunok siya sa pagguhit ng sakit sa dibdib. Ibinili ba siya ni Grey ng ganito karaming damit? Bakit? Dahil pa rin ba sa iniisip nitong pang-aabala nang sumama siya sa Batangas?

"Bihis na, anak. Bababain ko ang bisita mo at baka mainip."

Bumilis ang tibok ng puso niya. Hindi kaya ang bisita niya ay si...

Mabilis siyang nakapagbihis at nag-ayos. Dahil hindi pa komportable sa pagme-make up na itinuro sa kanya ay naglagay lang siya ng moisturizer sa mukha at colored lip balm sa labi. Nang maitupi nang maayos ang dress na gagamitin at mailagay sa mas malaking tote bag ay dali-dali siyang lumabas ng kuwarto.

Para siyang may pakpak sa mga paa. Excited siyang makita ang iniisip niyang bisita. Nang makarating sa sala ay nakita niyang malambing na kausap ng Mama niya ang lalaking nakatalikod. Nawala ang sigla sa dibdib niya. Kilala niya ang likuran ng lalaki.

Hindi si Grey.

"Good morning!" bati ni Shaun nang mapalingon sa kanya. Malaki ang ngiti nito. May bitbit na dalawang bouquet ng bulaklak.

"Shaun..." pinilit niyang itago ang disappointment, "Ang aga pa."

"Yes. I was calling you earlier pero hindi ka sumasagot. I decided to pick you up. And I bought flowers on the way here for you and your mother."

Halos nakadikit ang Mama niya sa lalaki.

"Hindi mo naman sinabi anak na close kayo nito ni Shaun," parang kinikiliti sa singit ang Mama niya.

Nangiti siya. It was so long ago since she last saw her mother act like a girl. Mula nang mawala ang Papa niya ay lagi na itong galit, istrikta, at maingay. At paano nito nalaman na close sila?

"Actually, Ma'am, nililigawan ko po ang anak n'yo," simpatikong sabi ni Shaun dito.

Pinandilatan niya ng mata ang lalaki. Hindi ito dapat nagsasabi ng mga gano'ng bagay sa Mama niya! Mapapahamak ito! Baka hingian ito ng donasyon!

"Hindi, Ma–"

"Totoo?" walang pakialam sa kanya ang ina. Ang buong atensyon nito ay na kay Shaun. "Si Tonya? Nililigawan mo ang panganay ko? Hindi ba reality show 'to? Tapos mamaya ay lalabas si Joey de Leon?"

Lagi talaga nilang hinahanap si Joey de Leon tuwing hindi makapaniwala. Hindi naman niya masisi ang ina. Hindi pa nga rin siya naniniwala hanggang ngayon sa mga ipinapakita ni Shaun.

"Yes po."

In fairness naman sa lalaki, cute itong tingnan na mangopo sa Mama niya sa kabila ng alam niyang padaskol na kilos nito.

Lumingon sa kanya ang Mama niya. Nakaturo pa. "Sagutin mo siya, anak! Para magka-manugang ako ng artista!"

Nagngitian lang sila ni Shaun. Pansamantalang nakalimot si Tonya sa bigat ng dibdib niya.

***

Nakabihis na si Grey nang bumaba sa silid niya. Naka-hoodie siya, maluwang na shorts, at rubber shoes. Pupunta siya sa gym.

Hindi siya nahintay ni Tonya nang nagdaang gabi. And today, like any other day, he's anxious to see her.

Didiretso na sana siya sa garahe nang matigilan sa ilang kalampog na narinig. Kunot-noo siyang sumilip sa kusina kung saan nanggaling ang tunog.

"Good morning, corny!" masiglang bati ni Noreen sa kanya habang hawak ang isang kaserola. Ibinaba nito sa counter ang hawak at nagtatakang sinuri siya ng tingin. "Are you going somewhere? Without eating anything?"

"Yeah. I'm..."

Malaki ang mata nito sa pagtatanong. Maamo ang mukha.

Bumuntonghininga siya. "Why are you here?"

"I'm making you breakfast!" sabi nitong bumuwelta sa kawaling nakasalang. "Kahapon, sinilip ko 'yong schedule ng shooting. Eleven pa ang shoot today. I thought we could be together... until then?"

May bigat na dumagan sa dibdib niya at nagparalisa sa dila niya. Pinanood niya ang pagkilos ng babae sa kusina. Naka-pony ang buhok ni Noreen. May suot na blue apron sa ibabaw ng pink na dress. Her frame looked delicate and comforting in the morning sun that filled the room. She looked perfect in his kitchen. Ilang ulit na niyang inasam na naroon ito sa bahay niya–sa kusina niya–ipinaghahanda siya ng almusal.

But the view right now, however dreamlike, reminded him of something else: may gumugulong na stainless bowl sa sahig. Magulo ang kusina at nagkalat ang ingredients. Nagkukulitan sina Portia at Tonya sa pagitan ng pagluluto. Maingay.

"What are you looking at?" masuyong baling ni Noreen sa kanya.

Kailangan niyang magsinungaling.

"Nothing. Hindi lang ako makapaniwala na bumalik ka nga."

"Yeah?" nakangiti itong humarap sa kanya. "Nag-alala kasi ako."

Napatingin siya rito pero hindi makalapit.

"You're too quiet lately. There are less of your emails. I cannot take ahold of you on the phone. Honestly, I got scared. I got scared and thought that maybe... you got tired waiting."

Lumunok siya sa nagsisimulang paninikip ng lalamunan.

"Noreen..."

"Seriously... I don't know what I would do if that happens because I waited for this day, too. God knows how I waited for the day when I could get back to you and wear this ring." Namuo ang luha sa mga mata nito. Pinaglapat nito nang mariin ang mga labi.

Nagtagis naman ang mga ngipin niya. Noreen is dear to him. All throughout their lives, except for the last six years, they've been together.

Lumapit ito sa kanya. Tumingala para salubungin ang mga mata niya.

"You are my best friend. My confidante. My fan. My life support. You are everything, Grey. I don't know kung ano'ng gagawin ko... kung hindi mo na 'ko mahal."

Natuod siya sa kinatatayuan nang yumakap ito.

"I'm sorry, Noreen," sabi niya rito nang yumakap pabalik. He gritted his teeth. Pumikit nang mariin.

Nang humiwalay sa kanya si Noreen, nagpahid ito ng luha.

"I'm sorry for being overly dramatic," anito. "Ikaw kasi..."

Malalim siyang humugot ng hininga bago ngumiti rito.

"Baka gutom ka lang. You're used to an early breakfast than me."

Masuyo siya nitong hinampas sa balikat at inirapan.

"Next time, tell me if you're coming over," aniya. "So I can, at least, wake up early."

Tumango ito. "Yeah. You sleep like the dead. You must be so tired."

"Sumilip ka sa kuwarto ko?"

"Yeah. You were in a total blackout. And you knocked my picture down kaya inayos ko."

Nagbalik ang bara sa lalamunan niya. Hindi niya natabig lang sa pagod ang picture ni Noreen. He intentionally placed it facedown.

"I'll set the table. Kain na tayo," nakangiting yaya nito.

That smile. He used to go crazy because of that smile.

"Yeah," aniya.

He could not break her heart.

***

"Let's eat," masiglang yaya ni Shaun kay Tonya.

Sa isang restaurant sila nagtuloy matapos magkasamang mag-workout sa gym. Nagpatianod si Tonya dahil may oras pa naman bago ang shoot at libre naman nito. Isa pa ay nag-effort si Shaun na tandaan ang mga pagkaing bawal sa kanya. Kaya naman ang kaharap niya ay gulay, prutas, at isda. Kinikimkim niya ang inggit sa naglalakihang lamang-dagat sa plato nito–pusit, hipon, talangka, at tahong.

"Malakas ka bang kumain? Parang ang dami nating pagkain," aniya rito.

"Yeah. Hindi ba halata?"

Panay ang iling niya. Sa tigas ng masel nito at tikas ng katawan, sinong makahahalata? Parang inayawan ito ng taba. Samantalang siya, isang pipisuhing puto lang ang kainin, makapagpapalusog nang lalo sa bilbil niya.

"Pa'no mo nami-maintain ang katawan mo?"

Nailing ang lalaki kahit nakatawa. "Hindi mo nga talaga ako pinapanood. O napanood. I still can't believe it."

"Hindi nga talaga. Pero anong kinalaman n'yon sa tanong ko?"

"Because I've been asked that question so many times. Sa lahat yata ng TV guestings ko, interviews, magazine articles, and even press conferences. And the answer to that is always: I exercise a lot. Nagta-triathlon ako. I swim. I dive. I box. And I'm into other sports."

Translation: Healthy ito. Guwapo ito. Macho ito. Mabenta ito. At successful ang career nito.

"Wow! Ang dami n'yon," sabi niya rito habang sumusubo ng salad. "Eh 'di ba lagi kang busy? Paano mo naisisingit?"

"There are 24 hours in a day, Tonya. I make sure I work out every day especially on days when I indulge on food like this. Fitness is a lifestyle."

Hanga siya rito. Kahit noong iilang araw pa lang niyang nakikita sa set si Shaun, napansin na niya ang mabigat na schedule nito. Lagi itong naghahanda para sa shooting–kung hindi para sa pelikula ay para sa commercials o TV guestings.

"Sa sobrang busy mo, paano mo pa naisingit ang pumunta sa gym? Mahirap siguro."

"It's all in the state of mind. If you want something badly, you'll find a way," sabi nito at kumindat. "Naisingit ko ngang masundo ka, 'di ba? Kahit busy tayo."

Nangiti siya. Oo nga pala. Pero–

"Ibig sabihin?"

"I'm finding ways, Tonya. I want to have a chance with you–anything that I could get."

Lumambot ang puso niya sa narinig. Hindi ba't ang sinasabi nito ay isinisingit nito sa schedule nito ang magpunta sa gym at ang sunduin siya para makasama siya? Nakokonsensiya tuloy siya. Nasa tabi niya ito sa panghihina ng tuhod niya. Maaga rin itong pumunta sa bahay nila para sunduin siya. At sa lahat ng panahong iyon, ibang tao ang nasa isip niya.

"Nanliligaw ka talaga, 'no?" mabigat ang dibdib na tanong niya.

"Yes."

Nahihirapan siyang lumunok.

"Hindi ka pa rin ba naniniwala?"

Hindi nito alam kung gaano kaimposible iyong paniwalaan para sa kanya. Nang ligawan siya ni Hans noon, dalawang buwan bago siya naniwalang hindi ito sugo ni Joey De Leon para i-prank siya. Limang buwan siyang umiwas dahil sa akala niyang good time.

"Kaya ko namang maniwala... pero–"

Hinawakan nito ang kamay niya. Tinitigan ang mga mata niya.

"I really like you. You're a breath of fresh air for me. I want to tell you more reasons why I do but..." nagkibit-balikat ito, "I can't put everything into words. I'm just drawn to you."

Hindi siya makapagsalita. Paano nangyayari ang mga bagay na ito? Hindi pa nga siya payat. Na-make over pa lang siya.

"Thank you," sabi niyang pinisil ang kamay nito. " 'Pag nagbago ang isip mo, okay lang naman."

Nawala ang ngiti nito.

"It will make me really happy if you stop thinking like that."

"Like ano?"

"Like I'm going to change my mind easily. Like you're not worthy to be liked. Or loved."

Sumubo siya ng pagkain. Mahirap ang hinihingi nito. Paano niyang malilimutan na lang basta ang tatlumpu't tatlong taon ng insulto at pagpapamukha sa kanya ng mga kapangitan niya?

Sa kabilang banda, hindi ba at iyon ang gusto niyang mangyari? Ang baligtarin ang kuwento ng buhay niya? At hindi ba kahit na parang imposible ay ito na ang simula?

"Susubukan ko, Shaun."

"Great. Aasahan ko 'yan," anito.

Nagpatuloy silang kumain habang hawak-hawak nito ang kamay niya; habang nakatingin ang maraming mata sa kanila; habang may pagbubulungan.

Kabisado na ni Tonya ang mga gano'ng tingin at bulong kahit na hindi niya komprontahin. Sanay na rin siyang lakihan ang tainga at sagapin ang malamang ay mga panghuhusga. She could almost hear people talking. But before she actually did, she canceled out the noise.

"Puwede ko na bang kunin 'yong kamay ko? Nakatingin kasi 'yong mga tao," mahinang sabi niya sa lalaking patay-malisya sa mga nakakikita sa kanila.

"Don't mind them. Let's eat."

Hindi pa rin siya komportable.

"Sikat ka talaga, 'no?" aniya. "Ang daming nakatingin, eh."

"Yeah. And no one in this room has any right to question who I go out with. Don't let them bother you."

"Naririnig mo sila?"

"Yes. They're loud."

Naumid ang dila niya. Nabihag siya ng titig ni Shaun at ng naging pagngiti nito. Naipagsawalang-bahala niya ang mga taong bubuyog.

"Next time, I will take you somewhere more private. Somewhere under my control."

Tumango siya kasabay ng mahinang kurot sa dibdib niya.

"Thank you."

Pero ang next time na 'yon, ibibigay pa ba niya? Hindi ba at sigurado na siya na si Grey...

"Shaun... kasi... 'yong nangyari no'ng inayusan ako..."

"I don't mind it."

"Hindi mo naiintindihan," aniya. "Si Grey–"

"Don't say it," putol nito. "He's not anything to you, Tonya. Assistant ka niya. Direktor mo siya. And he has Noreen."

Tumungo siya. Oo nga naman. Kaanu-ano niya ba si Grey? Wala naman silang espesyal na relasyon.

Gamit ang daliri ay kinuwit ni Shaun pataas ang mukha niya. "You have me."

Napaglapat niya nang mariin ang mga labi para pigilan ang mga salitang tututol dito.

"Look at me, Tonica," ngumiti ito. "Please?"

Matipid siyang ngumiti.

"Sige." #

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top