Chapter 12 : The suitor
***
"Good morning!" humihikab na bati ni Tonya nang dumating sa gym. 6:30 pa lang ng umaga at antok na antok pa siya.
Alas-onse ng nagdaang gabi siya nakauwi galing sa Batangas. Dahil naiilang siya sa pagbibilang ng halik ni Grey at wala siyang ideya kung bakit parehas lang ito kung kiligin at mainis, sa buong biyahe ay nagtulog-tulugan siya sa kotse nito.
Nangulit pa sana si Portia na doon na siya sa bahay ng mga ito magpalipas ng gabi pero tumanggi siya. Delikado siya sa ina. Kapag hindi siya umuwi sa dapat ay day off niya, aasa iyon na may magdo-donate na ng kailangan niya. Tatadtarin siya ng tawag at texts. Makukulili siya sa tanong, suspetsa, at konklusyon nitong umaasa sa magandang balita. Masaklap ang ending niyon: mabablangko at magpapatiwakal ang kakapirasong parte ng utak niyang gumagana, para lang ipagtanggol ang sarili kung bakit hindi pa kailangang maging desperada sa pag-ani ng binhi ng may binhi.
Masaklap. Kaya nagpahatid na lang siya kay Grey pauwi.
"Good morning to you, too," bati ni Grey sa kanya. Prente itong nakasandal sa pa-letrang L na reception area sa bungad ng gym.
" 'Oy, Direk!" Mabilis ang pagguhit ng ngiti sa labi niya. Hindi niya alam na maaga rin itong nasa gym. Ngayon niya lang ito nakita roon. "Mag-gym ka rin?"
Nauna nang humagod ang mata niya rito bago mapigilan ng atrasadong utak niya. Napalunok siya. Hoodie, malambot na shorts, at rubber shoes lang ang suot nito. Kung magbo-bonus ng ngiti, complete knock-out na ang mga sumisilay sa kaguwapuhan nito. Pero kahit seryoso ang mukha at tipid ang pagkakalapat ng mga labi, nakatutok na rito ang mata ng mga babaeng naroon. Pati na ang mga akala niyang dati ay tunay na lalaki.
"I'm here for you. We're going to replace your instructor, remember?" simpleng sabi nito sa kanya.
"Ah. Eh 'di, hindi ka maggi-gym?" tanong niya pa rin.
"I will stay for an hour or two so I can check on you, too."
Dama niya ang paglipat ng tingin sa kanya ng tatlong babae at isang lalaking nakatao sa reception counter. Nanuot sa taba ni Tonya ang init ng mata ng mga ito. Mabagal ang paghagod mula sa ulo hanggang paa niya.
"Bakit kayo nakatingin?" nakangiting tanong niya.
Ngumiti ang mga ito pero may inis na gumigiit sa kanya. Alam niya na ang karaniwang kasunod ng paghagod ng tingin sa kanya ng sinuman ay ang panghuhusga sa pigura niya.
"Yeah. Why are you staring at her like the mob?" sita ni Grey.
"Wala naman po, Sir. Na-curious lang kami kung may relasyon kayo ni Ma'am," pasimpleng litanya ng isa sa mga babae.
Nagdilim ang mukha ni Grey a narinig. At ang target ng kadiliman ay ang babaeng nagsalita.
"Pero Sir, of course, it's none of my business naman po," kusang dagdag ng babae kahit na wala pang sinasabi si Grey. Nagsimula itong mamutla.
Matipid pero hindi friendly ang ganting ngiti ng direktor.
"Can we get down to business, then? I don't like wasting time," anito.
Tumango nang halos sabay-sabay ang apat na nasa reception. Bilib na bilib naman si Tonya. Iba-ibang level pala ang kaseryosohan at katatakutan na kayang ibigay ng lalaki sa iba't iba ring tao. Wala itong bahid ng maharot na Goryong nahipan ng hangin ng Batangas nang nagdaang araw!
"Yes, Sir! Ilan po bang instructors ang papalitan natin?" alertong salo ng lalaki sa reception at pumindot sa computer nito.
"We want to replace her instructor. His name is..." bumaling sa kanya si Grey, "What's your instructor's name?"
"Dennis," sagot niya.
"That," anito sa mga kausap.
Pindot. Sulyap. Kaunting bulungan.
"Sir, tatawagin lang po namin si Dennis," sabi ng lalaki.
Tumango lang si Grey at namulsa sa hoodie nito.
Kinalabit niya ito. Walang-imik naman itong bumaling sa kanya.
"Grabe ka manakot, Direk," bulong niyang pinipigilan ang all-out na pagbungisngis. "Parang hindi ka naglalandi kahapon."
Nakita niyang pinigilan nito ang tuluyang paglapad ng ngiti.
"Shh..." ganting bulong nito. "It's better this way."
Nagpatuloy siya sa pagbungisngis. She likes this mood of him, too. Ilang tao naman kaya ang nakaaalam din ng ganitong mood nito? Sana, siya pa lang.
***
Sa tulong ni Grey ay pinalitan nga ng babaeng instructor si Dennis. Ang sabi ng bagong instructor na si Dada, ayon daw sa health chart niya at sa diagnosis na ginawa bago siya nag-enroll sa gym, safe ang mag-lose nang dalawa hanggang tatlong kilo per week. No more than that. At hindi lang sa exercises iyon kundi pati sa tulong ng tamang diet. Lumigaya si Tonya nang malamang hindi naman pala siya magugutom nang sagad para lang pumayat. Pero may mga pagkaing ipagbabawal at tatanggalin sa daily intake niya.
Ang agad niyang naintindihan: hindi siya magugutom at papayat siya nang hindi namamatay nang biglaan.
Tulad ng sabi ni Grey, dalawang oras lang itong nanatili sa gym. Para itong agilang nagbantay sa routine na ipinagagawa sa kanya ni Dada–tahimik na agila. Nang magpaalam itong mauunang umalis ay inihatid niya ng isang masiglang kaway. Pagkatapos ay kinuyog siya ng mga babaeng gusto raw makipagkaibigan sa kanya habang may bitbit pa siyang weights. Curious ang mga ito sa mga kapatid at pinsan ni Grey. Ikinuwento naman niya si Portia. At dahil wala siyang alam sa kamag-anakan ng mga Montero, hindi niya nasagot kung may pinsan itong guwapo na single na puwedeng maging bagong member ng gym nila. Nag-alisan ang mga newfound friends niya bago pa rumehistro sa isip niyang baka lalaking kapatid o pinsan ang hinahanap ng mga ito.
Alas-nueve y media na nang makarating si Tonya sa set. Sa unang pagkakataon ay wala siyang naramdamang pagkahilo o pag-uga ng daigdig. Wala ring pagkaing gustong umalpas sa lalamunan niya. Si Boom ang sumalubong sa kanya bago pa siya makapasok sa staff room. Mas mataas sa karaniwan ang kilay nito. Hinagod siya ng tingin mula ulo hanggang paa bago kumikendeng na nagpunta sa likuran niya at...
"Abo, ang ponytail! Kailangan nating itirintas at itali nang mabuti ang humahabang buhok nito ni Tonya!" sabi ni Boom at umakto na nagtitirintas ng buhok niya.
"Naman!" patiling sabi ni Abo at umakto naman na parang nag-aabot ng ponytail. Kunwari pa itong nag-ipit ng hindi nakikitang panali sa kili-kili, hita, singit, at bibig nito. "Grabe eh! Hindi ka pa nagpapa-salon niyan, ha? Pero mahabang mahaba na ang buhok mo!"
Napakurap naman si Tonya sa salita: Salon. Ang salon appointments niya! Nawala sa isip niya ang lahat ng appointments niya dahil sa pagtatampisaw sa Batangas!
"Hala! Lahat ng appointments ko, hindi ko napuntahan kahapon!"
Nagkatinginan sina Boom at Abo. Napailing.
"Panira talaga ng moment 'to minsan si Tonya, eh. Iba ang agos ng topak!" sabi ni Abo.
Humaba naman ang nguso ni Boom, "Hindi mo na siguro kailangang magpasalon kasi mahaba na 'yang buhok mo!"
"Ha? Kailangan kong magpasalon!" aniya. "Saka, maikli lang ang buhok ko! Ang dry pa." Hindi ba nakikita ng mga ito kung paanong bumubuhaghag ang buhok niya? Hindi ba kumakaway sa mga ito ang mga split ends niya? Ang alam niya ay papansin ang mga iyon.
Umikot ang mata nina Abo at Boom.
"Ilabas ang bouquet!" anunsyo ni Boom at inilahad ang kamay nito sa kasama.
Tumalikod naman si Abo at nagmamartsang umalis sa staff room. Pagbalik nito ay may bitbit nang isang dambuhalang bouquet ng iba't ibang bulaklak.
"Ang bouquet!" anunsyo ng bakla bago iabot sa kanya ang hawak.
"Teka..." Agad natabunan ng niyakap na bouquet si Tonya. Hindi niya makita ang mga kausap.
"Baklita ka, Abo! Hindi muna sana 'yong bouquet! 'Yong card muna dapat ang ipinakita mo!" dinig niyang boses ni Boom kasabay ng sunod-sunod na malalakas na tampal. Sa tingin niya ay binubugbog na naman nito ang kasama.
"Eh... sabi mo ang bouquet!" reklamo ni Abo rito.
"Bakla! Nato-Tonya ka na ba? Si Tonya lang ang may karapatang maggaganyan!" saway ni Boom.
" 'Oy, teka!" aniya. " 'Wag n'yo 'kong gawing patungan ng bulaklak. Para kanino ba 'to?"
"Sa'yo, Cinderella!" sabi ni Boom na lumapit at kinuha sa kanya ang bouquet. "May card na nakakabit. Pakibasa."
Hinanap niya ang card na tinutukoy nito at binasa ang nakasulat:
For Tonya,
You're my new definition of beauty and sexy.
Do accept these flowers.
- Shaun
Nauna pang tumili si Boom na nakikibasa rin. Nanlalaki ang mata niya nang bumaling dito.
"Tonya? Sinong Tonya 'to? May kapangalan ako rito sa set?" aniya.
Napatunganga sa kanya sina Boom at Abo.
"Ikaw ang nag-iisang Tonya rito, Tonya! Ano ba naman?" si Boom.
Bumungisngis siya. "Eh... kasi. Beauty raw, eh. At galing kay Shaun."
Nagmartsa sa magkabilang tagiliran niya ang dalawang bakla.
"And the title of Ms. Universe and the new bearer of this crown is none other than..." intro ni Abo.
"Ms. Tonica Grace Atienza!" magkasabay na sabi ng dalawa.
Pumalakpak ang mga ito bago siya suotan ng isang inbisibol na korona at iabot uli sa kanya ang bouquet.
"Sa'yong-sa'yo talaga 'yan, Tonya. Kabilin-bilinan ni Shaun na ibigay agad sa'yo since nagpe-prepare na siya sa dressing room niya. Baka ma-miss ka raw niya," kuwento ni Boom.
"True! Paulit-ulit nga ang bilin ni baby Shaun. Nakakatorete."
"That's because I like her," singit ng isang boses sa likuran nila.
Napalunok si Tonya. May spotlight kasi na dumaan sa likod ng kararating lang na si Shaun kaya nagliwanag ito sa paningin niya. Naningkit ang mata niya sa pagkasilaw. Nang luminaw ang imahe ng lalaki, tumugtog ang OST nito.
"Ahem," sabi nina Abo at Boom at umatras.
Nakangiting lumapit sa kanya si Shaun.
"Sorry uli sa dinner kagabi," sabi niya rito. Inayos niya ang pagkakahawak sa malaking bouquet at iniwasang mapaurong. Tuloy-tuloy kasi ang hakbang ng lalaki. Malapit na itong mapadikit sa katawan niya.
"That's okay. Puwede naman siguro nating gawin sa ibang araw?"
"Ah..."
"Libre ko pa rin."
Hindi siya makatanggi sa ngiti nito at sa libre. At kasi naman... ang gaganda ng bulaklak! Lalo na ng dedication.
You're my new definition of beauty and sexy. Translation: Maganda at sexy ka sa paningin ko.
Noon lang siya nasabihan ng combo ng sexy at beauty. Madalas ay beauty at bubbly. Beauty at huggable. Beauty at mabait. Pero ang beauty plus sexy, ibang level iyon ng compliment.
"Sige," sabi niya bago naisipang magtanong, "Ang ibig sabihin ba nito... totoo 'yong sinabi ni Direk sa akin na... na ano... ano raw..."
Hindi niya maituloy ang sasabihin. Paano kung mapagtawanan siya dahil hindi naman pala totoo ang sinabi ni Grey? Pero hindi naman ito sinungaling. At lalong hindi naman ito bingi para magkamali ng dinig.
Pero teka... Paano kung bingi nga si Grey? Hindi niya pa na-check.
"Na liligawan kita?" tanong ni Shaun.
Napalunok siya. Napakapit naman ang dalawang baklang nakikiusyoso sa long table sa silid.
"Oo. Sabi mo nga raw... ano. 'Yon. Manliligaw ka. Raw. Pero baka mali ng dinig si Direk. Baka mahina ang tainga niya. Saka–"
"Totoo, Tonya. Gusto kong manligaw. Okay lang ba?"
"Okay lang... kung totoo kang manliligaw?" ulit niya. Parang nabibingi kasi siya.
"Yes. Kung okay lang kung manliligaw ako. Sa'yo. Tonya," dahan-dahang sabi nito sa pagitan ng malaking ngiti.
Paano naman siyang tatanggi sa gano'ng ngiti? Mabenta nga ang toothpaste commercial ng lalaki sa lahat ng edad dahil lang sa ngiti na 'yon! At ilang tao ang naengganyong magpadentista para makopya man lang ang kutitap ng ngipin nito! At ang lips...
Okay lang naman siguro, 'di ba? Wala naman siyang boyfriend. At si Grey naman... hindi naman niya boyfriend. Ano lang...
Ano lang ba niya si Grey? At bakit niya ito iniisip sa pagtatanong ni Shaun?
"Tonya? Puwede ba kitang ligawan?" ulit ni Shaun. Ngumiti ito ng ngiting mas mabenta sa commercial ng toothpaste. "It will really make me happy if you say yes."
Panay ang tango nina Boom at Abo sa likuran niya. Napapasilip na sa silid nila ang crew at ang ilang napapadaan. Nakangiti ang iba. Nagtataka ang iba. At ang iba, nagbubulungan.
Ano'ng iniisip nila? At ano'ng iisipin nila?
"Eh... pinagtitripan mo ba 'ko? Bakit ako?" kinakabahan niyang tanong kay Shaun. Unti-unti siyang nakararamdam ng takot–ng pagkasukol. Baka inilalagay niya ang sarili sa kahihiyan. Baka nag-aambisyon lang siya. O nag-iinarte.
Hinawakan ni Shaun ang libreng kamay niya. Nanuot sa balat niya ang panlalamig ng kamay nito.
"Damn... you feel that? I'm nervous asking you, too."
Translation: Kinakabahan din ito?
"Hindi kita pinagtitripan, Tonya," seryosong sabi nito.
"Eh... bakit ako? 'Yong ka-love team mo na lang kaya?" aniya at ngumuso sa direksyon ng set kung saan nakaupo ang nakatingin ding si Lauren.
"Pa'no ko gagawin 'yon kung ikaw ang gusto ko?"
Paano? Siya 'yong gusto? Nag-collapse ang proseso ng utak niya.
"Ha?"
"I like you since day one. No'ng sinabi mo sa'king hindi naman ako sikat kasi hindi mo pa ako kilala. Since that day, gusto na kita."
Naumid ang dila niya.
"Kaya gusto kitang ligawan."
Unang nanuyo ang lalamunan ni Tonya. Kasunod yata niyon ay manunuyo rin ang lahat ng likido sa katawan niya. Lalo na dahil nakapako ang tingin ng lahat ng tao sa kanila.
"And everyone's staring now. If I'm just joking, this is the right time to tell them that I am. Kaso hindi ako nagbibiro. I seriously want to court you."
Nakatingin siya sa seryosong mukha ni Shaun. Parang wala ngang darating na punch line. Parang wala ngang nagtatagong komedyante sa likod nito na bigla na lang lilitaw. Kaya bakit mahirap sabihin ang 'Oo'?
Puro tahimik na 'Go' ang ibinubuka ng bibig nina Abo at Boom. Baka mangalay na ang nguso ng mga ito. Naghihintay naman siya sa paglitaw ni Grey saanmang parte ng set pero wala.
At bakit ba niya iniisip na lilitaw ito?
"Si-sige. Seryoso ka, eh," alanganing sagot niya.
Nagulat siya nang yakapin siya ni Shaun. Malapad itong nakangiti sa kanya nang bumitiw.
"You seriously made me sweat!" Lumamlam ang mata nito sa pagkakatingin sa kanya. "But it's okay because I like you."
Nakangiti rin siya rito. "Salamat sa flowers. I like it."
"Soon, hindi lang flowers ang magugustuhan mo. I hope you'll like me, too."
Namula siya sa titig nito.
"I got to get back to my room. I still need to study my script. I just want to make sure you like the flowers. And that... I can give you more on the days to come."
"I really like it. Good luck, Shaun."
"Yeah," sabi nito. Tumalikod ito para lang bumuwelta uli, "Will you give me a good luck charm?"
"Ha?" Hindi siya nagdadala ng good luck charms kaya wala siyang maibibigay rito. "Hindi ako nagdadala ng mga charms, eh."
Lumapit ito. Malapit na malapit. Mabilis na ni hindi siya nakapikit. Pero damang-dama niya ang paglapat ng labi ni Shaun sa labi niya.
"I meant this," anas nito nang humiwalay ang labi sa kanya. Nag-init ang pisngi niya na hinaplos pa nito ng hinlalaki nito. "See you later, Tonya."
Napalunok siya at kabadong lumingon sa set. Kulang sabihing luluwa ang mata ng mga nakakita sa halik. Nang tumalikod na sa kanya si Shaun ay parang mga langgam na naggalawan ang mga witnesses para magtrabaho. Patuloy siya sa pamumula. Mabilis din ang tibok ng puso niya sa atrasadong gulat, kaba, at kilig. Dinumog siya ng crew sa pamumuno nina Abo at Boom. Tinatanong kung masarap ang kiss.
"Masarap!" nagmamadaling sagot niya saka mabilis na lumakad papunta sa opisina ni Grey.
She felt the need to see him immediately. Lahat ng tao sa set ay nakiusyoso sa kanila ni Shaun. Ito lang yata ang hindi sumilip.
Nadatnan niyang nakaupo si Grey sa mesa nito, hawak ang script.
"Direk! Go-good morning..."
Galit kaya ito? Inis? Pagagalitan kaya siya? Kabado siyang naghintay.
Malamig ang ekspresyon nito nang lingunin siya. Seryoso ang mata.
"Hey."
Walang kasunod ang 'Hey' nito.
"Direk... ano... si Shaun... ano... tama ka nga. Manliligaw nga siya."
Nakatingin pa rin ito sa kanya. Pero wala siyang mabasa ni maintindihan sa ekspresyon nito.
"I heard."
"Nakita mo ba? Sumilip ka ba? No'ng... ano. No'ng nagtanong siya?"
Ibinalik nito ang mata sa papel na hawak.
"Not interested, Tonya."
Hindi niya alam ang sasabihin bukod sa–
"Ano... ano kasi... pumayag ako. Okay lang ba 'yon?"
"Not my business, too."
"Eh... pero kasi... 'di ba... " kinagat-kagat niya ang labi sa tensyon, "Sperm donor kita, eh. Baka... magalit ka."
"I didn't accept your proposal, yet," may angil na sabi nito. "Maybe you should ask Shaun to be your donor. Maganda rin ang lahi ng mga Mercache."
Ni hindi siya nilingon ni Grey habang nagsasalita ito. Hindi nga yata talaga ito interesado. Bakit naiirita siya? At bakit kumikirot nang bahagya ang puso niya?
"Oo nga pala. Hindi ka pa... pumapayag," sabi niya at nalaglag ang balikat. Pinilit niyang ngumiti habang humihigpit ang hawak niya sa mga bulaklak.
"Right. At hindi ako interesadong malaman kung ano'ng estado ninyo ni Shaun. Leave me out of it," may diing sabi nito.
Wala rin naman siyang balak na magbalita rito. Hindi naman sila close. Isa pa, malamang na malaman din nito dahil siguradong laging mag-uusisa ang crew sa pamumuno nina Abo at Boom.
"Okay. Sorry."
Tumayo si Grey at akmang lalabas ng silid.
"Tell the actors that we will shoot in twenty minutes. I'll check one last time around the set," anito at lumabas ng silid.
Mabigat na sumara ang pinto ng opisina nito. Napasapo naman siya sa noo.
Ano bang iniisip ko? Hindi pa nga pala siya nagko-confirm kung magiging donor ko siya. At siyampre hindi siya interesado sa'kin at kay Shaun. Hindi naman siya tsismoso. Alanganin siyang ngumiti. Naiinis pa rin siya.Hindi man lang tumingin sa'kin kahit magkausap kami. Grabe. Umiling siya. Think. Focus on work.
Nasa kalagitnaan siya ng pagpapakalma sa sarili nang maalala ang kape ni Grey. Nainis na agad siya rito samantalang baka masungit lang ito dahil hindi pa nagkakape. Napatingin siya sa kuwadradong mesa kung saan nakaistasyon ang kulay tsokolateng mug. Wala.
Unang beses na nawala ang kapehan. Ibinaba niya sa bangko ang bouquet na hawak at naghanap. Nakita niya ang mug sa ilalim ng mesa. Basag-basag. Mainit pa ang kape na umagos sa sahig.
Hindi man lang niya sinabing basag ang mug niya? Saan ako magtitimpla ng kape ngayon? tanong ni Tonya sa sarili.
At bakit ba gano'n na lang kalamig ang mood ni Grey? Dahil ba nakalimutan niyang magtimpla para rito? Dahil ba hindi nito nainom ang kapeng natapon? O baka naman, dahil nabasag ang mug nito?
Hindi makapili si Tonya ng tamang dahilan. Gaya ng wala siyang mapiling dahilan kung bakit nakakainis na walang pakialam si Grey sa panliligaw ni Shaun. #
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top