Chapter 1 : Thirty three years later
TCWDM: Out na for pre-order ang The Late Bloomer part 1 sa shopee account ng Psicom Publishing Inc noong November 15, 2018 pa. May book launch at book signing din sa December 16 at MOA SMX kung saan ilo-launch ang part 2 ng story. Sana makapunta kayo. :)
***
Ilang minuto pagmulat ay nakatunganga na naman si Tonya at hinihintay na magproseso ang mga bagong impormasyong nagisingan. Blangko ang espasyo sa tabi niya kung saan dapat natutulog ang boyfriend na si Hans. Blangko ang paanan ng kama kung saan dapat nakalagay ang brand new na flat screen TV niya. At nang maghalungkat pa siya sa kuwarto ay nalaman niyang nawawala rin ang iba pa: laptop, ATM cards, at piggy banks.
Humikab siya sa pang-alas-dies na sikat ng araw na lumalagos sa bintana. Inaantok pa siya. Anim na oras pa lang siyang nakatutulog mula sa night shift sa trabaho. Nag-iinat na siya nang mag-ring ang cellphone sa tawag ni Mitch, ang bestfriend niya mula high school.
"Tonya! Buti naman, gising ka na. Kanina pa 'ko tumatawag. Pupunta ka sa reunion mamaya?" bakas ang excitement sa boses ng kaibigan.
"Pupunta 'ko, siyempre. Nag-leave na ako sa office," sabi niya rito habang naglalakad papunta sa kusina. Napakakamot siya sa nangangating tagiliran. Sa kaunting galaw ay iniluwa ng kamiseta niya ang namimintog na tiyan.
Iinom sana siya ng malamig na tubig pero nawawala ang ref. Nag-U turn siya, kumuha ng baso, at nagtiyaga sa tubig mula sa gripo sa kitchen sink.
Narinig niyang humagikgik ang kausap.
" 'Oy, buti naman! Magkikita na rin tayo after so many years. Isasama mo ba si Hans?"
Humikab uli siya. Naghahagilap na siya ng coffee maker pero misteryoso rin itong nawawala sa pinagpapatungan. At mukhang isinama nito sa lakad ang nawawala ring microwave oven. Nagsimula na siyang kabahan. Paano niya iinitin ang almusal?
"Niyayaya ko siya kanina pero hindi sumagot, eh. Susubukan kong pilitin pero hindi ako sure."
Pumalatak sa panghihinayang si Mitch. "Kulitin mo. Sayang naman. Hindi ko pa siya nasisilayan."
"Oo, kukulitin ko," sagot niya habang inililibot ang mata sa maliit na apartment. "Alam mo, Mitch, parang nalooban yata kami."
"Ha? Nalooban kayo? Ano'ng nawawala?"
"Marami, eh. Ref, microwave oven, coffee maker, laptop, TV, ATM cards, piggy banks..."
"Ano'ng sabi ni Hans?" may panic sa boses ni Mitch.
"Nawawala rin si Hans, eh," natutop niya ang bibig sa reyalisasyon. "Hala! Nawawala rin nga si Hans! Isinama nila si Hans?"
Hindi nakasagot si Mitch. Nanghihina naman siyang napaupo sa hapag-kainan sa kusina. Napansin niya ang nakatuping papel sa mesa na dinadaganan ng orange na mug niya.
"Tonya, naka-lock ba ang pinto? Tatawag ka ba sa pulis?" tila naguguluhang tanong ng kaibigan.
Napailing siya. Pinanlamigan ng kamay nang abutin ang nakatuping papel.
"I don't think I need to, Mitch." Lumunok siya. "Nag-iwan ng sulat 'yong magnanakaw."
"What? Nag-iwan ng ano?"
"I'll call you later. Babasahin ko muna 'tong sulat."
Ibinaba niya ang cellphone sa mesa. Binuksan ang nakatuping papel at binasa. The letter was short, straight to the point, and to her, confusing. It reads:
Tonya,
I can't marry a boring and fat girl like you. Goodbye. Have a good life.
P.S. I took our money and the appliances.
- Hans
She blinked. Twice. Thrice. Three hundred times per minute. Pero blangko ang utak niya. Nangangailangan ng malamig na tubig o mainit na kape bago tuluyang umandar.
Ipinahihiwatig ng sulat ang dalawang bagay: una, hindi kinuha ng mga magnanakaw si Hans; ikalawa, si Hans ang kumuha ng mga gamit nila.
Ang ibig sabihin, safe naman pala si Hans. Nakahinga siya nang maluwag. Akala niya kasi ay ginawa itong hostage. O baka nanlaban at napuruhan at nagdudugo na saanman habang tinatawag ang pangalan niya. Hindi naman pala.
Binasa niya uli ang hawak na sulat:
Tonya, I can't marry a boring and fat girl like you. Translation: Hindi kita pakakasalan. Boring ka at mataba.
Nagsikip ang dibdib niya. Boring siya at mataba? Kailangang i-point out?
Goodbye. Translation: Paalam.
Have a good life. Translation: Bahala ka sa buhay mo.
P.S. I took our money and the appliances. Translation: Kinuha ko ang pera at appliances. In short, magnanakaw ako.
Magnanakaw si Hans? At iniwan siya?
Bakit? Back to line number 1, hindi siya kayang pakasalan dahil boring siya at mataba. Naka-point out.
Sa mga pelikula, ang mga ganitong eksena ay nananawagan ng walling (pagsandal sa dingding na parang katapusan na ng daigdig at dahan-dahang pagdausdos pababa), wailing (pag-atungal na parang wala nang bukas) o warfreaking (pagwawala at paghahanap ng matapang na puwedeng kasuntukan). Sa buhay ni Tonya, it was just one big, unimaginable, unfathomable surprise.
Maraming tanong sa isip niya na gusto niyang masagot. Gaya nang bakit hindi siya bumili ng termos para may mainit na tubig siya ngayon at nakapagkakape sana siya? O paano nailabas lahat ni Hans ang mga appliances? Malaki ang ref kaya sino ang tumulong ditong magbuhat? Higit sa lahat, nag-hire kaya ito ng trak o movers?
Ang pinakamatinding tanong na gusto niyang masagot: break na ba sila? As in break, split, hiwalay, separated, walang forever? After five long years? At kung break na nga sila bakit naman ngayong araw pa kung kailan kailangan niya itong isama sa reunion?
Walang ibang reaksyon si Tonya kundi pagkurap. It was so... surprising.
Nanlalambot ang tuhod na bumalik siya sa higaan. She wanted to sleep more and prevent herself from thinking. She wanted to sleep the day off. Mahirap na. Baka magising ang utak niya, maintindihan niya nang lubos ang nangyari, at atakehin siya ng emosyon na hindi niya alam kung paano harapin.
Kumurap siya nang isa pang ulit habang nangungumot at hinayaan ang sarili na matulog.
***
"The number you have dialled is either unattended or out-of-coverage area. Please try your call later."
Inilagay ni Tonya ang cellphone sa shoulder bag niya at mabagal ang hakbang na bumalik sa dinner table. Sampu silang magkakaharap sa mesa–siya, si Mitch, at ang mga bruha sa high school niya na kasalukuyang nakangisi.
Kanina nang tuluyang magising ay naghintay siyang lumabas si Joey de Leon sa likod ng pinto at sabihin sa kanyang gino-good time lang siya ng nagisingan. Na-imagine niyang nasa likod nito si Hans at ang mga appliances. At ang movers na nagbitbit ng mga appliances. Pero nakipagtitigan lang siya ng ilang oras sa pinto hanggang abutin siya ng gutom.
Totoo ang mga nangyari. Hindi joke. Hindi reality show. Hindi good time. Nawawala pa rin ang mga gamit sa apartment, nasa mesa pa rin ang sulat, at walang reply si Hans sa mahigit dalawandaang text messages niya.
Alas-nueve na ng gabi at nasa high school reunion siya sa isang kilalang hotel. Time Capsule ang theme. Tadtad ang programa ng mga larawan, memorabilia, at testimonies ng high school days nila. At hinahanap ng mga dating kaklase ang boyfriend niya.
"Well? Where's your Hans?" tanong ni Carina.
Si Carina ay isang pangunahing kontrabida na iniluwa directly from the screen of the 90's TV show. Lagi itong nakahahanap ng paraan para magalit at pastime nito ang manakit. Ito ang klase ng kontrabida kung saan nagpapalakpakan at nagpapainom ang mga televiewers kapag namatay o nabaliw na ito sa ending. Sa kasamaang palad, sa tunay na buhay ay nasa episode pa ito ng paghahasik ng lagim–happily married (ipinangangalandakan sa kanya), may dalawang anak pero mas sexy ito ngayon (mas ipinagmamalaki nito sa kanya), at may sariling negosyo. Mukhang hindi pa ito mamamatay o mababaliw anytime soon.
"Hinahanap ko nga rin, eh," matapat na sagot niya.
Nagngitian ang mga nasa mesa na para bang kabibitiw lang niya ng joke. Ano'ng joke?
"Do you mean... he left you?"
Gusto niyang tusukin ang mata nang nagtanong na si Emma. Kaso, wala naman siyang hawak na tinidor. Kanina pa nai-serve ang dinner at toothpick na lang ang nasa mesa. Alam niyang hindi ito masasaktan sa toothpick. Masyadong malaki ang mata nito. Idagdag pa na may tatlong taong nakapagitan sa kanila.
Si Emma naman ang kontrabidang laging naka-second the motion sa pangunahing kontrabida.
Pinag-isipan niya ang sinabi nito. Tama naman kaya, "Parang gano'n na nga."
Palihim siyang kinurot ni Mitch sa tagiliran. Nang lingunin niya ito ay dilat na dilat ang mata nito sa kanya. May ipinahihiwatig itong sa basa niya ay 'Shut up' o 'Don't tell them'.
"Girls, why are we talking about this? Hindi siya iniwan, 'no," sabi ni Mitch na nakatingin sa mga kontrabida. "Kaya lang–"
"Oh," tumaas ang kilay ni Carina para patigilin si Mitch sa pagsasalita. "The fact that you're trying to cover up for her means that she's been really left behind." Bumaling ito sa kanya. "Poor you."
Nagngisihan ang walong ahas sa mesa. Napag-iisipan na niyang magpainom ng antidote pangontra sa lason ng mga ito.
"Yes. Parang break na kami," amin niya. "Pero hindi pa confirm, eh."
"That's not news," sabi naman ni Miles. "Look at you. Look at us. Each of us changed, prospered, and improved over the years while you..." umiling-iling ito. Sinusundan ng mata niya ang ilang pulgadang fake eyelashes nito.
"Yes. I must say you look the same. You're still as fat as ever. Ilan ang waistline mo ngayon?" si Carol iyon. Tinusok nito ang tagiliran niya.
Inalala niya ang huling waistline. "Fourty-eight?"
"Really?" si Wynona. "Mas matanda pa sa'yo ang waistline mo."
"And your hairstyle..." Umiiling si Velma. "Same old medium-cut hair. Do you even shampoo?"
"Oo naman. Mura lang naman ang shampoo. Anti-hair fall ang gamit ko," maagap na sagot niya.
Nagtanguan ang mga tao sa table. Nakitango siya. This was indeed reunion–it was like being thrown back to her past. May question and answer na sa bawat sagot niya ay parang humahaba ang sungay ng mga ito.
"You see? You're still the same. That's a pity," si Miles uli.
"I agree. Everyone really improved. Dati kasi ang pagkabruha nyo, Tagalog lang. Ngayon, English na," aniyang natatawa.
Nanahimik ang mga minions. Pero nakangiti ang pinakabruha na si Carina.
"Sharp tongue but still slow-witted... 'no?"
Pinoproseso pa ng utak niya ang sinabi nito nang may mapansin siya. Maluwag ang ngipin ni Carina. At walang maluwag na ngipin maliban kung–
"Teka... may pustiso ka?"
Nagtatanong lang siya. Pero sobrang lakas ng tawa ni Mitch sa itinanong niya. Shock naman na napatingin ang mga minions sa ringleader at shock uling nagbawi ng tingin. Na ibig sabihin, pustiso nga ang suot ng babae!
"Wow. Gumagamit ka ba no'ng nasa commercial na pandikit diyan?" curious na tanong niya. Napanood niya 'yon bago nawala ang telebisyon. Inilalagay ang pandikit sa ngala-ngala yata ng pustiso. "Ingat ka, ha? Baka lumaglag 'yan."
Siya naman ang ngumiti–sympathetically.
May punto si Carina sa mga sinabi. May bahagyang kabagalan ang utak niya sa pagpoproseso–isang bagay na nakalakihan na niya. Pero sa apat na taon sa high school na nakapag-training siya kung paano humarap sa mga mangkukulam, natutunan niyang ang kaprangkahan niya ang pansalag sa maitim na mahika ng mga ito.
Tumatawa pa rin si Mitch at nananahimik pa rin ang mga ito. Ang dating ngiti ni Carina ay tikom na. Magkalapat nang matindi ang labi nito. Pinoprotektahan siguro ang pustiso.
Tumayo siya at isinukbit ang shoulder bag niya. "After all these years... I can't believe this. Masaya ako sa accomplishments n'yo. But I don't want to attend to a reunion like this again. Bawasan n'yo 'yong pagkabruha n'yo, please. Magbagong-buhay na kayo diyan." Umiling siya. "Anyway, mauna na akong umuwi."
Hindi na niya hinintay ang mga ito na magsalita man lang bago tumalikod at maglakad palayo. Nagmamadaling sumunod sa kanya si Mitch. Umakbay.
"Hey, are you okay?" tanong nito habang papalabas sila ng hotel.
Tumango siya. Wala naman siyang choice kundi maging okay. Wala naman din talaga siyang inaasahang mangyayaring maganda sa reunion.
"Totoo naman 'yong mga sinabi nila," aniya.
Sa halip na magkomento ay tinapik-tapik siya ni Mitch sa likod. "Gusto mong uminom?"
Bahagyang nanikip ang dibdib niya sa maamong tanong nito. "Baka hinihintay ka ng asawa mo, eh."
Yumakap ito sa kanya. "Of course, hihintayin ako no'n. Hayaan natin siyang maghintay. Ano?"
Pinipiga ang puso niya sa lumanay nito. "Gusto kong umiyak, Mitch."
Lalong humigpit ang yakap sa kanya ng kaibigan habang naglalakad sila. Nag-abang sila ng taxi.
"Inom at iyak tayo?" anito.
Tumango siya habang sumasakay sila sa taxi. Gising na gising na siya ngayon. Nakapagproseso na rin ang utak niya sa mahika ng mga mangkukulam. Wala na nga si Hans. After five years with him, her life shifted.
"I don't know what to do, Mitch," amin niya.
"I can see that. We'll drink and then, I will try my best to make you cry, okay?"
Tumango siya. Si Mitch ang tanging dahilan kung bakit siya nagpunta sa reunion. Halos hindi sila nagkikita ng kaibigan mula nang ikasal ito. Sa Laguna na ito nakatira at ginawa nitong dahilan ang reunion para magkita sila.
Bumuntonghininga siya. Kalmado siguro siya dahil alam niya sa sariling may dahilan ang sinuman para iwan siya. Gaya ng sabi ng mga bruha, since high school, walang nagbago sa kanya: she's still fat, has an unmanageable hair, employed (in the same office for years without raise or promotion) and slow-witted. Hindi siya mas gumanda o mas tumalino. Hindi siya umasenso. Ang tanging nagbago sa kanya ay ang edad niya.
Naalala niya ang nawawalang ATM at mga appliances. Naalala ang sulat ni Hans na iniwan niya sa table. Mapait ang ngiti niya. Hindi nga lang pala siya single uli. She's broke and she's been robbed off. She's fat and boring.
Napatingin siya sa nananahimik na cellphone. Wala pa ring tawag o text mula sa lalaki sa dami ng tanong na itinext niya rito.
Bakit gano'n? Kapag ba break na, bawal na'ng mag-usap o mag-text back man lang? Sa bawat break-up ba ay laging may isa na naghahabol makipag-usap at isang tumatakbo naman? Sa bawat break-up ba ay laging may isa lang na manghihingi at maghahanap ng mas maayos na explanation? At bakit kailangang siya iyon?
Wala sa loob na napansin niya ang petsa na nasa screen ng gadget: August 6.
Nanikip ang dibdib niya. Nag-init ang mata. Birthday niya pa pala ngayong araw.
Thirty-three years old na siya. That should be fine except she felt like crying. Can any day be surprisingly cruel to her? #
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top