JOURNEY 9

Ikasiyam na Paglalakbay:
Agrument of Jealousy.

[ Jaiyana’s Point of View ]





Mula noong umalis kami sa Islang Copol na iyan, napansin ko ang pananahimik ng dalawang kasama ko na sina Maui at Alev. Si Osiris naman, wala lang. Mukhang maayos naman ito at pawang hindi apektado sa kasalukuyang atmospera namin.

Huminga ako nang malalim. Ano nga ba ang dapat kung gawin para magkaayos ang dalawang ’to? Ay sandali nga, ano ba muna ang problema nila?

Mariin akong pumikit at saka inalala ang mga nangyari noong nakaraang mga araw. Napailing ako.





“Nagseselos ka lang, e.”

“Ano!?”

Nangunot ang noo kong pinagmasdan silang dalawa. Lumipad na si Alev habang itong kasama ko sa bangka e, iritable na ewan.

“Anong nangyayari sa iyo?”

“Wala,” malamig nitong tugon na nagpatahimik sa akin.

Tumalikod na ako kay Maui saka bumuntong-hininga. Kung ayaw niya akong kausapin, e 'di huwag.

“Maui! Nagugutom na ako,” sabat ni Osiris na siyang dahilan upang tingnan namin siya ni Maui. Nakanguso ito at nagpapaawa pang tumingin kay Maui.

“Oo nga pala, sige. Kain na muna tayo,” ani Maui saka itinigil ang pagsagwan. Siya ang naghain at dahil sa hindi ko gusto ang aura niya ay hindi ko siya tinulungan. Hinintay lang namin siya ni Osiris.

Walang imik si Maui habang kumakain at dahil medyo hindi ako sanay na hindi siya nag-iingay ay sinusubukan ko pa rin siyang kausapin pero...

“Mau—”

“Tapos na ako,” aniya saka muling nagsagwan. “Pagkatapos ninyo d’yan. . . ilapag n’yo lang sa tabi ang mga pinagkainan ninyo, ako na bahala riyan.” dagdag pa nito nang hindi tumitingin sa akin.

Napapaisip tuloy ako kung inaway ko ba siya o ano. Bakit pakiramdam ko sa ‘kin siya nagagalit? E, sa pagkakaalam ko wala naman akong ginawang kasalanan o masama kay Maui?

Weird.

“Jaiyana,” bulong sa akin ng isang boses. Bigla akong tumingala at doon ay nakita ko si Alev na nakatingin na pala sa akin na animo’y hinihintay lang din akong matapos kumain.

Ilang minuto pa ay binabaan nito ang kaniyang paglipad at saka ako kinausap. “May gusto akong sabihin, sakay.”

Bakit ba tunog mapag-utos ang dragon na ‘to—

“Gusto kong ipaalam sa iyo ‘yung nangyari sa kuweba.” Natigilan ako sa narinig ko. Saglit akong napatingin kay Maui at naabutan ko siyang nakatitig sa aming dalawa ni Alev.

Nang mahuli ko siya ay daglian siyang umiwas ng tingin sa amin, sinubukan pa niyang makipagtitigan sa karagatan. Huminga ako nang malalim.

“Sige,” pagpayag ko. Tumalikod na ako at hinayaan na lamang si Maui. Inalalayan ako ni Alev para makasakay ako sa likod nito. “Kumapit ka.”

Mabilis nakalipad nang mataas si Alev. Doon ko muling nasilayan ang mga ulap. Napansin kong sumunod nang tingin sa amin si Maui at muling ibinaba ang paningin niya nang makita akong nakasilip sa kanilang dalawa ni Osiris sa bangka namin.

“Anong gusto mong sabihin pala?” bungad ko saka pinagmasdan ang mga ibong nakikita kong lumilipad ngayon sa paligid namin.

“Tungkol sa kung paano kita nahanap noong nakulong ka sa lugar na iyon...”

Sa ‘di ko inaasahan ay muling nanumbalik sa isip ko ang mga tinig na narinig ko sa kuweba ng Islang Copol, kung saan ako nakulong.

“Jaiyana...”

Mapait akong ngumiti nang maalala ko ito. Doon ko muling narinig ang boses ng kuya ko. Ang tinig na matagal ko na ring hindi naririnig magmula noong umalis ako sa isla namin.

“Mula noong nakapasok kayo sa bahay na iyon, mayroon akong nararamdaman kakaiba, parang may kung anong boses ang bumubulong sa ‘kin na nagsasabing mapapahamak ka. At ang mas nakakainis pa. . . bakit ako lang ang nakaririnig no’n,” anas pa nito na animo’y inaalala ang bawat pangyayari na siya namang naganap sa isla.

Panandalian akong natahimik. Naisip ko tuloy ‘yung kinain niyang niyog na sinasabi ni Maui na gayuma. Hindi kaya....

“Huwag kang mag-alala walang kinalaman ang kinain kong pagkain sa isla. Sadyang bago lang nagpormang tao ang buhangin na sumugod sa iyo ay may bumulong sa akin na iyon nga ang mangyayari, hindi lang ako naniwala sapagkat mukhang ayos naman kayo...”

“Subalit hindi mo inaasahan na totoo pala iyon, ano?” tumango ito bilang tugon sa tanong ko.

“Nahanap kita dahil sa mga bulong na iyon. Nakapagtataka lamang sapagkat, nawala sila noong nahanap na kita.” Ramdam ko ang panghihina ni Alev.

At sa hindi ko malamang dahilan, may katiting sa parte ko na nagsasabing dapat ko siyang tulungan... pero paano at saan ko siya dapat tulungan?

“Maraming salamat,” sinserong saad ko saka pinasawalang-bahala ang naiisip ko.

“Para saan?”

“Sa pagligtas sa akin. Hindi ko man alam kung anong dahilan ninyo ni Maui sa kung bakit patuloy ninyo akong inililigtas subalit, masaya ako. Masaya ako kasi kasama ko kayo ngayon. Masaya akong nakilala ko kayong dalawa,” pagpapakatotoong sambit ko pa habang nakatingala sa mga nakakalat na ulap.

“Ako rin, masaya akong makilala ka. . . ulit.” Hindi ko narinig ang huling salita na sinabi niya. Pinili kong ngumiti at hawiin ang balikat nito.

“Iyon lang ba ang gusto mong sabihin?” wika ko nang biglang tumahimik ang paligid.

“O-Oo, bakit? May gusto ka pa bang malaman?”

“Mayroon pa,” prangkang usal ko.

“Ano?”

“Bakit parang ilag ka kay Maui?”

“H-Ha? Hindi naman, ah?”

“Anong hindi ka riyan. Habang pinapanood ko kayong dalawa, parang may alitan kayo na hindi ko malaman kung ano.”

“Baka nakokonsensiya si Maui.”

Daglian akong napahinto sa pag-iisip nang marinig ko iyon. “Bakit naman?”

“Siya kasi ang nag-aya sa inyong dalawa ni Osiris na pumunta sa bahay na iyon at malaki ang posibilidad na. . . sinisisi nito ang kaniyang sarili.”

Napaisip ako sa tinuran ni Alev. May punto siya. Maaaring ganito nga ang iniisip ni Maui kaya umaayaw siyang kausapin ako. Naantala ang pag-iisip ko nang bigla na namang nagsalita ang dragon na kasama ko ngayon.

“G-Gusto ko ring sabihin na...”

“Ano?”

“W-Wala, wala.”

“Sige, ibaba na kita.”

“Ha?! Sandali,” hindi na ako nakapalag pa nang bigla akong ibaba ni Alev. Muli niya akong ibinalik sa bangka.

Nangunot ang noo kong sinundan siya ng tingin hanggang sa makalipad muli ito sa kalangitan. Umiling ako at mariing pumikit. Nang muli kong  buksan ang aking mga mata ay naabutan ko si Maui. Malungkot itong nakatingin sa akin.

Awtomatikong nagsalubong ang kilay ko dahil sa itsura niya. Gusto ko siyang tanungin subalit napapangunahan ako ng takot. Takot na baka balewalain niya lang din ako at hindi pansinin.



.
.
.




“Kung totoo man ang nasabi ni Alev sa akin na rason, bakit hindi pa rin ako iniimikan ni Maui?”

Nagseselos kaya siya dahil... hindi, hindi. Impossible.

“Nasabi na ni Alev ang maaaring rason kaya imposibleng ako ang dahilan kung bakit parang hindi maganda ang atmospera sa pagitan ng dalawang ‘to,” mahinang bulong ko sa aking sarili.

“Totoo ang iyong nasabi, binibini.” Mabilis akong lumingon sa aking likuran. Tumikhim ako.

At kailan pa natututong sumingit ang batang ‘to?

“Oh. . . ikaw pala iyan,” kaswal kong sabi at hinayaan siyang lapitan ako.

“Hindi ka po ba nagtataka? Mula noong araw na napahamak ka, sobrang nag-alala si Maui subalit sa huli, si Alev pa rin pala ang makahahanap sa iyo.”

Hindi ko alam kung bastos ba o sadyang hindi lang marunong mag-kuya ang batang kasama namin. Parang kaedad niya lang ang mga binanggit niyang mga pangalan, a.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Na gusto ka ni Kuya Maui,” aniya. Oh, marunong pa lang mag-kuya e — sandali, anong sabi?

Napataas ang isang kilay ko nang mapagtanto ko ang tinuran nito. Gusto ako ni Maui?

“Alam kong gusto niya ako...”

“Alam mo naman pala, e.”

“Gusto niya akong kasama sa paglalakbay na ‘to,” pagtuloy ko sa nauna kong sinabi.

“Eh?”

“Iyon ang sinabi niya sa akin noong nakaraan, mga panahon na hindi pa namin kayo kilala ni Alev.”

Natahimik si Osiris saka umupo sa tabi ko. Bagsak ang magkabilaang balikat nito. Tumingin siya sa gawi ni Maui na ngayon ay abala sa pagsasagwan.

“Ganoon ba? Sayang. . . bagay pa naman kayong dalawa,” wala sa wisyong komento niya sabay buntong-hininga sa tabi ko.

“Alam mo, Osiris. Kaysa mag-isip ka ng mga ganiyang bagay. Tulungan mo kaya si Kuya Maui mo upang may magawa ka,” parinig ko sa kaniya na siyang sinunod naman nito.

“Sige, mas mabuti pa nga.” Hindi ko pinakitang medyo nagulat ako sa naging tugon nito. Hindi ko naman kasi inaasahan na sasang-ayon siya kaagad, e.

Umiling ako’t saka tumingala sa kalangitan. Nakita ko kung gaano kaseryoso ang dragon na kasama namin. Napapaisip tuloy ako kung bakit.

Mas lalo na noong may binanggit siyang pangalan. Kilala niya kaya iyong taong kausap ko sa kuweba? At...

Bakit si Alev ang puntirya ng lalaking iyon? Anong kailangan niya sa dragon na kasama namin? May naging atraso ba si Alev sa kaniya?

“Binibining Jaiyana.”

Mabilis nakuha ni Maui ang atensyon ko nang bigla niya akong tawagin. Tumingin ako sa kaniya at hinintay ang kasunod nitong linya.

“W-Wala, wala.” Nangunot ang noo ko at sandaling nag-isip. May gusto siyang sabihin ngunit hindi niya sinabi?

Walang imik akong nagtungo sa kinaroroonan niya. Lumapit ako at tumabi sa puwesto nito. “Ano iyon, Maui?”

“H-Hindi ka ba magtatanong tungkol sa susunod na isla na pupuntahan natin?”

Daglian akong ngumisi. Umiwas siya ng tingin at pinagpatuloy pa rin ang pagsasagwan nito. Napansin niya sigurong kagaya nilang dalawa ni Alev e, nananahimik din ako. Huminga ako nang malalim at ngumiti kay Maui.

“Ano nga bang mayroon sa susunod nating pupuntahan, Maui?” Tumingin siya sa akin saka ngumiti. Tumikhim ito at inayos ang kaniyang tindig.

“La Ring Isla, the ring - shaped island.”

“Ring?” Tumango lamang si Maui nang marinig ang sinabi ko.

“Hugis singsing kasi ang isla kaya iyon ang itinawag sa kaniya,” paliwanag pa nito sa ‘kin. Tumango ako’t saka pinagmasdan ang karagatan.

“Hindi ba’t may butas ang isang singsing? Sa butas na iyon, nakalagay ang isang malawak na katubigan na siyang nagmumula naman sa isang talon na makikita natin sa gitna nitong isla. Kumbaga ang hugis ng isla ay parang nakalatag na singsing sa isang lamesa kaso ang kaibahan lang ay walang lamesa sa isla,” natatawang sambit pa niya.

Hayst. Mabuti naman at mukhang bumalik na ang kinasanayan kong aura niya.

“Tapos?”

“Iyon lang naman,” aniya saka yumuko. “Patawad.”

“Ahm? Bakit naman?”

“Hindi ko kasi maialis sa isip ko na dahil sa akin kaya ka napahamak.” Natigilan ako. Anong ibig niyang sabihin?

“Kung sana, pinauna kitang lumabas sa bahay na iyon hindi ka sana mapupunta sa kuweba.” Para akong nabunutan ng tinik sa sinabi niya.

Sa huli, tama si Alev.

Bumuntong-hininga ako. “Kinabahan naman ako, akala ko kung ano.”

“Bakit? Anong akala mo?”

Akala ko kasi nagseselos ka, tsk.

“Wala naman. Nais ko lang makatapak na muli sa lupa dahil sobrang hirap na akong mag-inat sa bangkang ito,” palusot ko na mukhang bumenta naman sa kaniya. Tumango ito.

“La Ring Isla! Papunta na kami,” masiglang sigaw niya na siyang dahilan upang manumbalik ang maaliwalas na aura sa pagitan naming lahat.

Ngumiti ako saka nakipagtitigan sa islang malapit na naming puntahan. La Ring Isla...

Ilang sandali lang ay natunton na namin ito. Dali-daling bumaba ng bangka si Osiris para ilabas ang dapat na ilabas.

Sumunod kaming dalawa ni Maui sa kaniya. Si Alev naman ay bumaba sa isang matayog at matibay na punong nakatanim sa isla.

“Hays, salamat. Ang sakit ng pantog ko roon,” aniya nang tuluyan itong nakabalik sa puwesto namin.

Walang tao sa paligid. Kapansin-pansin din dito ang kalinisan na siyang makikita mo sa paligid. Purong mga damo ang natatapakan namin at para bang katutubo pa lamang ng mga ito.

Sabay-sabay kaming pumasok sa isla at kagaya nga ng sinabi ni Maui. May talon dito. Doon nagmumula ang tubig na siyang nakasalubong sa amin ngayon. Nakita ko kung paano mamangha ang batang kasama namin.

“Sa wakas! Makakaligo na ako!” Mabilis nahawakan ni Maui ang kamay ni Osiris dahilan upang pigilan itong lumusong kaagad sa tubig.

“Sandali,” aniya. Hinawakan niya muna ang tubig na nanggagaling sa talon saka pinakiramdaman. Nang matapos siya ay ngumiti si Maui kay Osiris.

“Sige, maligo ka na.”

“Yuhoo!” Patakbong nilapitan ni Osiris ang tubig saka nagtapisaw roon. “Dahan-dahan!” bilin ni Maui dahilan upang tawanan siya ng batang kasama namin.

Para siyang tatay ni Osiris, haha.

Ngayon ay napunta naman sa akin ang atensyon ng dalawa ko pang kasama. Napansin kong niyaya rin ako ni Alev na magtapisaw habang si Maui naman ay hinihintay akong lumapit sa tubig. Huminga ako nang malalim.

Ano bang dapat kong gawin sa mga lalaking kasama ko, hays.

“Lulusong lang ako riyan kung magbabati na kayong dalawa,” malamig kong saad na may halong paghahamon sa kanilang dalawa.

Sabay napatingin sa isa’t isa sina Alev at Maui. At doon ay pareho silang tumawa. “Sabi ko naman sa iyo, Binibini. Ayos lang kami ni Maui. Malungkot lang siya kasi nga may konsensiya siya—aray! Bakit mo ako binato?!” inis na reklamo ni Alev kay Maui.

Ngumisi si Maui saka dali-daling niyakap ako. Nakita ko kung paano nagbago ang dalawang mata ni Alev. Mula sa kulay itim ay naging pula ito at handa ng bugahan si Maui nang biglang...

“Maui!!” sigaw ko nang madaplisan ang balat ko ng malamig na tubig. Patawa-tawa lang ang loko.

Tumakbo siya hanggang sa makapunta ako sa tubig. Ilang sandali pa’y nakita ko na lamang ang sarili kong nakikipaglaro sa kanila sa ilalim ng talon.

At syempre hindi naman maaari na kaming tatlo lang. Gamit ang aking kamay inipon ko ang tubig roon saka binato kay Alev. Napatingin ito sa akin, ngumiti ako at saka siya niyaya.

Subalit, seryoso lang ang mukha nito sa ‘kin. Nawala ang ngiti ko sa mukha nang dahan-dahan itong lumapit sa puwesto ko, umatras ako. Mabilis niya akong nakuha at inilagay sa likod niya, lumipad siya hanggang sa maabot namin at talon.

“Hindi ba’t maganda ang tanawin kung dito ka magsisimulang lumangoy?”

“A-Anong ibig mong sabihin? Ibaba mo ako, aba.” mariing utos ko na pilit tinatago ang kabang kasalukuyang nararamdaman ko.

“Sige,” aniya at saka ako iniwan sa ere. “Alev!!” sigaw ko at muli niya akong sinalo.

“Walang hiya ka,” komento ko sa ginawa nito. Tumawa lang ito sa akin. “Kinabahan ka ba?”

“Malamang!” Ramdam kong ngumiti si Alev at malumanay akong ibinaba kung saan naglalaro ng tubig sina Maui at Osiris.

Sa sobrang inis ko ay mas dinamihan ko pa ang pagbuhos ng tubig sa mukha ni Alev hanggang sa sumama na rin itong maligo. Doon nga lang siya sa malalim na parte dahil hindi siya kakasya kung nandito siya sa amin na mababaw lang ang tubig.

Dahil doon, sama-sama kaming naligo at naglaro ng tubig. Hanggang sa nakaramdam ako ng pagod, umupo ako sa isang malaking bato saka nagmanman. Tahimik kong pinagmasdan ang mga kasamahan ko.

Ang hagikgik ni Osiris, ang halakhak ni Maui at ang mga ngiti ni Alev. . . mga bagay na pinagpapasalamat kong nakita ko ngayong araw.

Nagtawanan kami, naglaro at nagkuwentuhan sa buong maghapon.

Sa dami ng nangyari nitong mga nakaraan araw, mga labanan, paglalakbay, mga iba’t ibang nilalang na nakilala ko, namin. . . parang ngayon lang namin nakita na kaya pala naming sumaya kahit na kami-kami lang ang magkakasama.

Sana. . . maulit pa ito.

Kasalukuyan kaming narito ngayon sa damuhan, kapwa naghihintay ng paglubog ng araw. Magkakatabi kaming nakaupo, nasa gitna ako nila Maui at Alev habang nasa unahan ko naman si Osiris. Inakbayan ko ang batang kasama namin.

“Maaari bang ganito na lang parati? Maaari ba na maging masaya na lang at huwag na muling masaktan,” wala sa sariling bulong ni Osiris na siyang rinig ko naman.

Ilang sandali pa naramdaman ko ang pagyakap nito sa ‘kin. Doon ko lang napansin na umiiyak na pala ito. “Nalulumbay ako. . . gusto kong makita muli ang pamilya ko,” garalgal pa niyang sabi na siyang nagpalungkot din sa akin.

Subalit nang mapagtanto ko ang sinabi niya ay daglian akong napatitig sa kaniyang mukha. “May pamilya ka?” Bakas ang pagkagulat sa ekspresyon ng batang kasama namin. Umiling-iling siya sa akin.

“A-Ang ibig ko hong sabihin, sana may pagkakataon na magkita kami kahit na wala na sila...” Napatango naman ako sa sinabi niya.

Sabagay, kahit naman ako iyon din ang aking isinasamo’t dalangin sa araw-araw na naglalakbay kami papunta sa islang tinutukoy ni Maui.

At sa hindi ko malamang rason, nakita ko na lamang ang sarili kong inaalala ang mga bagay na ginagawa namin noon ng pamilya ko. Alam ko ang hirap at sakit nang mawalan, alam ko rin ang pakiramdam ng lumbay at pighati na gusto mo pa silang makita pero wala na...

Tumingala ako nang maramdaman ko ang pamumuo ng tubig sa ilalim ng mata ko.

Lolo, Ama, Ina... Kuya? Naririnig po ba ninyo ako? Nawa’y gabayan ninyo ako pati ang aking mga kasamahan. Patawad sapagkat hindi ko kayo nailigtas noon. Huwag po kayong mag-alala. Mapagkakatiwalaan naman po ang mga kasama ko ngayon.

Alam kong hindi ninyo ako pinapabayaan. Sigurado ako at ramdam ko ang patnubay ninyo mula riyan sa kalangitan. At sana, hanggang sa huli. . . kayo at kayo pa rin ang magiging dahilan ko upang ipagpatuloy ko ang aking buhay.

Mahal ko kayo...

Niyakap ko pabalik si Osiris hnggang sa tuluyan na ngang nag-takip-silim. Ngumiti ako, isang malungkot na ngiti.

Ibinaba ko ang paningin ko at tumitig sa mukha ni Osiris. Pinunasan ko ang tuyong luha nito. “Makakasama mo rin sila. . . balang araw,” pagpapalubag-loob kong saad at muli siyang niyakap.

Kinagabihan ay naglakad na kami palabas ng isla at habang naglalakad, may namuong kaba sa dibdib ko. Isang kaba na hindi ko gustong maramdaman. Naamoy kong may mga kalaban sa paligid. Nasisigurado kong taga-Ebba tribe ang mga ito.

“Maui,” mahina kong tinawag ang kasama ko at kagaya ko ay seryoso na rin siyang nakakaramdam sa paligid.

“Si Osiris,” pagtukoy ko sa batang kasama namin. Pinakita naman sa akin ni Maui na magkahawak sila ng kamay. Tumango ako at bumaling sa dragon na kasama namin.

“Alev.” Tumango si Alev nang senyasan ko itong sasakay ako sa kaniya. Tumingin ako kila Maui at Osiris. “Mag-iingat kayo,” bulong ko sa kanila saka tumango sa gawi ni Maui.

Bumwelo na muna ako bago kami lumipad ni Alev. “Isa, dalawa. . . tatlo.”

Doon ay nagpakita ang mga taong sumusubaybay sa amin. Tama nga ako, mga assassin hunters sila. Sinamaan ko sila ng tingin. Mabilis binugahan ni Alev ang mga ito dahilan upang hindi ito kaagad nakalapit sa amin.

Pinasadahan ko ng tingin sina Maui. Mabuti naman at alam niya ang gagawin. Tumakbo silang dalawa ni Osiris hanggang sa mapadpad sila sa bangka.

Hindi maaaring madamay si Osiris dito.

“Kailangan nating makaalis sa lugar na ito,” anas ko habang pinapanood si Alev na ilabas ang kapangyarihan nito.

“Sige—”

“Sandali lang, hintayin na muna nating makalayo sina Maui.” Tumango si Alev saka nagpaikot-ikot sa isla. Tumambay na muna kami at pinalipas ang oras.

Akala ko ayos na’t makakaalis kami nang matiwasay dito. Nagulantang ako nang may biglang tumalon sa likod ni Alev. Mukhang mapapalaban din pala ako.

Mabilis kong inilabas ang dalawa kong karambit saka hinarap ang dalawang lalaki na nakasuot ng maskara.

“Anong kailangan ninyo sa amin?”

Katulad noon ay wala pa rin silang balak na kausapin ako sa tuwing nagtatanong ako. Naglabas sila ng espada nila, the gayang sword.

Mabilis akong umiwas at pinatamaan sila. Nagkasugat sila dahil sa liksi at puwersa na ibinibigay ko. Tinadyakan ‘yung isa upang mahulog ito sa pagkakasakay niya kay Alev.

Subalit dahil sa maling galaw ko nahawakan ako ng isa. Iritable akong pumalag at doon ay nakayakap ang lalaking nagpakahulog sa dragon na kasama ko.

Pumikit ako at binubulong ang pangalan ni Alev. Ilang minuto lang ay nakaramdam ako ng init. Binugahan ako ni Alev ng apoy niya dahilan upang mapabitaw ang lalaking may hawak sa akin. Nakapagtataka lang dahil, ang init na naramdaman ko ay hindi kasing init na naramdaman ng lalaking humawak sa akin para malaglag ako.

Daglian akong sinalo ni Alev. “Malayo na sila. Oras na para tayo naman ang umalis sa lugar na ito,” usal nito na sinang-ayunan ko lang.

Dali-dali siyang lumipad pataas at hinanap ang bangka namin. Nakahinga ako nang maluwag noong nakita kong buhay at ligtas si Osiris.

Buong akala ko doon na natatapos iyon, ngunit nagkamali ako. Mariin akong napapikit. Ito ba ang kapalit ng kasiyahan na naramdaman namin kanina? Tss.

We’ll going to fight this, together.









Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top