JOURNEY 6
Ikaanim na Paglalakbay:
The Magic User
[ Maui’s Point of View ]
“Philomena...”
“What a surprise to see you again, my beloved sibling?” sarkastikong aniya na nagpagimbal sa buong sistema ko. Nakataas ang isang kilay niya at nakalolokong ngumiti sa gawi ko.
“Anong ginagawa mo rito?” anas ko habang pinipigilan ang sarili kong magalit sa presensiya niya.
“I’m just checking you. Baka kasi, gawin mo na naman ‘yung ginawa mo dati,” may halong pagbabantang saad niya dahilan upang manumbalik sa alaala ko ang ginawa nitong pagta-traydor sa akin.
Mariin akong napapikit at bumuntong-hininga. Kailangan kong magtimpi dahil kung sakaling patulan ko siya ngayon, maaaring maubos ang lakas na inipon ko para sa paglalakbay na ito kasama si Jaiyana.
Matalim kong tinitigan si Philomena, ang nakatatanda kong kapatid na babae at hindi ko gusto ang kaniyang pag-uugali. May lahi kasi siyang ahas. Para siyang anaconda na ang sarap patayin sa liblib na lugar ng isang gubat.
Ilang sandali pa ay tumikhim siya’t ginantihan ang matatalim kong titig ng isang ngisi mula sa kaniya. Lumapit ito sa kinaroroonan ko at doon ay nakipagtagisan din siya ng masamang titig sa akin.
“Gusto mo bang ipaalala ko sa ‘yo ang nangyari noon, ha?”
Marahan akong napalunok at sandaling umatras sa sinabi niya. Walang anu-ano’y nakita ko na lamang ang sarili ko na nasa isang loob ng alaala ko, ang nakaraan na gusto ko na ring kalimutan.
“Mau? Anong ginagawa mo rito?” bungad ng lalaking kabubukas lamang ng pinto. Kaagad niya akong pinapasok sa kaniyang salas.
Narito ako ngayon sa tahanan ng isa kong malapit na kaibigan. Prente akong napaupo sa silyang yari sa kawayan na siya mismo ang may gawa. Nag-alok pa siya ng maiinom ngunit agaran ko rin itong tinanggihan.
“Maaari ba tayong mag-usap?”
“Tungkol saan?” usisa nito. Ngayon ay nakaupo na rin siya sa katapat kong silya.
“May nais kasi akong itanong sa iyo, Zale.”
“Sa ganitong katauhan mo pa talaga?” pigil ang ngiting komento niya sa kasalukuyan kasuotan ko. Pinili kong magseryoso at nakipagtitigan nang masinsinan sa kaniya.
“Seryoso ako, Zale. Huwag mo akong biruin ngayon sapagkat mayroon akong sariling rason kung bakit ganito ang itsura ko.”
“Sige, sige. Ano ba ‘yang nais mong sabihin at para bang ang hirap mong patawanin ngayo—”
“Kayo na ba talaga ni Ate Philomena?” Napansin kong natigilan siya at saglit na nanahimik.
“Nagsinungaling ka lang naman ‘di ba? Hindi naman talaga totoong gusto mo ako, hindi ba?”
“Mau...”
“Huwag mo akong titingnan nang ganiyan. Nilinaw ko naman na sa iyong magkaibigan lang tayo,” wika ko saka lumayo sa puwesto nito.
“Hayaan mo akong magpaliwana—” hindi ko siya pinatapos pang magsalita. Dumeretso na ako sa aking tunay na pakay kung bakit ko siya pinuntahan ngayon mismo dito sa bahay niya.
“Sagutin mo ang tanong ko, Zale. Totoo bang magkasintahan na kayo ng nakatatanda kong kapatid na babae?”
Huminga siya nang malalim at dahan-dahang tumango sa akin. Mapait akong ngumiti sa naging tugon nito. “Pagbati.”
“Subalit, Mau! Totoong nagustuhan kita at ikaw ang—”
“Tama na,” pagpapatigil ko sa kaniya. “Alagaan mo si Ate Philomena, kahit iyon na lamang ang gawin mo para sa akin, Zale.” Ngumiti ako sa kaniya, isang pekeng ngiti. “Ganito mo lang ba kadaling bitawan ako? B-Bakit?”
“Ikaw ang pumili ng desisyon na iyan, Zale. Tinanong mo ba ako? Sinabi mo ba sa akin, hindi, ‘di ba? Importante pa nga ba ang mga opinyon ko sa iyo, ha?” Napayuko ito at sandaling natahimik sa aking nasabi.
“Magkaibigan na tayo mula pa noon kaya akala ko, maituturing na kitang matalik na kaibigan ngunit nagkamali ako. Naglihim ka pa rin, ang masakit pa ay napahiya pa ako dahil sa pagtatanggol ko sa iyo tapos ganito pala ang mangyayari.”
“H-Hindi naman talaga dapat ganito, e.”
“Batid mong ayaw ko ng gulo, Zale. Kaya kahit ako ang masaktan, kahit ako na lang ang magparaya para lang wala ng mamuong pagtatalo ay iyon ang aking gagawin. Alam mo iyan,” malumanay munit sinsero kong usal na sinang-ayunan naman niya.
Ilang minuto siyang natahimik at nakatulalang nakatitig sa sahig ng kaniyang tahanan. Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman habang nakatingin ako sa kasalukuyang itsura nito.
Gustuhin ko man siyang lapitan, sabihan na ayos lang ako upang gumaan kahit papaano ang pakiramdam niya, subalit...
Magsisinungaling ako kung iyon nga ang sasabihin ko sa kaniya. “Nalaman ko na ang gusto kong malaman, aalis na ako.”
“S-saan ka pupunta?” garalgal nitong usal. “Sa malayong lugar kung saan wala ka, Zale.”
Seryoso kong sambit sa kaniya saka nagtungo sa pinto ng kaniyang bahay subalit nagulantang na lamang ako nang bigla niya akong yakapin.
Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko nakaya niya akong patigilan dahil sa pagyakap na iyon. Ramdam ko ang kaniyang lungkot sa naging asta ko sa kaniya ngayon.
Para siyang pusa na nanlalambing dahil gusto niyang kumain ang kaibahan lang ay. . . hindi pusa si Zale.
“Mau—”
“Sinasabi ko na nga ba’t nagtataksil ka sa ating tribo, kapatid.” Daglian kong iwinasiwas ang kamay ko at naglaho subalit mabilis din ang naging paghuli sa akin ng ilang kawal na dala ng aking nakatatandang kapatid.
“Anon—” reaksyon ko nang mahuli ako. Kaagad nila akong nilagyan ng tali sa aking dalawang kamay.
“Iyan ang ginagawa ng pinakamamahal n’yong anak,” sumbong ni Philomena kina Ama at Ina. Napaatras ako at kaagad na lumayo kay Zale.
Nanginginig ang mga tuhod kong napaluhod sa harapan nila. “Patawad, patawad.” Yumuko ako nang ilang beses.
Hindi ko na rin napigilan pa ang lumuha dahil sa sunod-sunod na unos na dumating sa akin. Nahihirapan ako, nasasaktan sa lahat ng nalalaman ko.
“Dakpin ninyo iyang taga-Elfrida, huwag ninyo siyang pakakawalan hangga’t wala akong sinasabi.” maawtoridad na utos ni Ama sa mga kawal dahilan upang maiwanan ako mag-isa.
Ilang saglit pa ay hindi na kawal ang may hawak sa akin kundi si Ate Philomena na.
“Philomena, ano ‘to!?” hindi makapaniwalang usal ni Zale kay Ate nang makita niyang halos panggigilan na ako nito sa paraan niya ng pagkakahawak sa akin.
“Naglolokohan lang tayo rito, Zale. Batid kong hindi ako ang gusto mo kundi ang basurang ito,” turan niya saka ako sinambunutan.
Kainis, hindi ako makalaban sapagkat nakatali ang aking mga kamay.
“A-Ano? Kapatid mo siya, Philomena! Paano mo nasasabi ‘yan?!”
Sa mga panahon na ito na siya ang mas agrabyado subalit ako pa rin ang pinipili niyang ipagtanggol. Pakiusap, piliin mo rin sana minsan ang sarili mo, Zale.
“Wala na tayo, Zale.”
“Bakit ganoon kadali sa inyong magkapatid na bitawan ako, ha?” Nakita ko ang pangungulila sa mga mata ni Zale. Ang katotoohanang pati ako ay pinagbintangan din siya’y nagpapakonsensiya rin sa akin bilang isang kaibigan.
Mariin akong napapikit at dinamdam ang sandaling ito. Nagugulumihanan ako. Natotorete sa mga nangyayari. Marahas nilang inilabas si Zale mula sa bahay nito at doon ay pinili akong komprontahin ng pamilya ko.
Malinaw sa akin ang nag-aalalangang tingin sa akin ni Ina habang sina Ama at Ate naman ay tila ba’y nandidiri sa akin dahil sa kalapastangan na nagawa kong labagin ang batas na sila mismo ang gumawa.
“Alam mong isang kataksilan ang magmahal ng hindi natin kauri,” matigas na ani Ama sa akin. Ramdam ko ang inis at galit niya sa kaniyang nakita.
Daglian akong yumuko na halos halikan ko na ang sahig ng bahay ni Zale. Napalunok ako at dahil wala akong maisip na sabihin, tumahimik na lamang ako saka hinayaan silang bumitaw ng mabibigat at masasakit na salitang nagpapadurog pa lalo sa natitira kong pag-asa sa puso ko.
“Pakawalan mo ang iyong kapatid, Philomena.”
“Ano? Hindi ba’t dapat lang siyang maparusahan? Bak—”
“Huwag na maraming tanong, gawin mo ang sinabi ko.” mariing utos ni Ama kay Ate na sinunod na lamang nito. Ramdam ko ang pagmamaktol ng kapatid ko.
“Masyado ka nilang mahal para hayaan ka pa rin nilang mabuhay sa kabila ng ginawa mong pagtataksil sa ating tribo,” bulong niya bago niya tuluyang sinira ang taling nagpapahinto sa akin para gamitin ang aking mahika.
“Sa susunod nating pagkikita, sisiguraduhin kong patay ka na.”
Sa isang iglap lang ay nakita ko na lamang ang sarili kong nakalutang na sa ere. Kaharap ko pa rin si Philomena. Mula noong nasilayan ko ang totoo nitong anyo, nawalan na ako ng respeto sa kaniya. Hindi siya karapat-dapat na maging kapatid ko. Hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niya.
Kasabay ng pandidilim ng paningin ko ay ang pagkulimlim ng kalangitan. Namuo ang matinding kulog at kidlat na siyang nakikita ko ngayon sa uluhan ng katapat kong babae.
Bago pa man niya ako atakihin gamit ang pagkontrol niya sa kasalukuyang klima ng mga ulap ay inunahan ko siya.
Napakuyom ang kamay ko at sinubukan kong kontrolin ang hangin na nakapaligid sa amin. Nakita kong napahawak siya sa kaniyang leeg.
Ilang sandali pa ay ginamit niya ang karagatan upang maabala ako sa ginagawa kong pagsakal sa kaniya sa pamamagitan ng hangin na kinokontrol ko. Nakaiwas ako at agad na pinatamaan siya ng apoy na ginawa ko gamit ang aking kamay.
Pinilit niya pa ring lumaban kahit na kitang-kita ko ang panghihina niya, ang paghahabol niya sa paghinga nito at ang dahan-dahan niyang pagpikit...
Mapapatay pala, ha.
Pinagpatuloy ko ang pagkontrol sa hangin hanggang sa biglang may bumuga ng apoy sa pagitan namin ng kalaban ko. Nawala ang pandidilim sa paningin ko nang masilayan ko si Alev. Sakay niya si Jaiyana na seryosong nakatitig sa ‘kin.
Iyong tingin ni Jaiyana, parang nagsasabi na... tumigil na ako.
Huminga ako nang malalim at itigil ang paglabas ng aking mahika. Pinili kong makipagtitigan kay Philomena. Ilang sandali pa, nang makabawi siya sa lakas niya ay buong puwersa niya akong sinugod ngunit dahil nakaantabay ang dragon na kasamahan ko ay isang bugahan niya lang ang kapatid ko, napaatras na agad niya ito.
“Hindi pa tayo tapos, magkikita tayong muli. Sisiguraduhin kong sa susunod na pagtutuos nating dalawa, burado ka na sa mundong ito.” Matalim pa siyang tumitig sa gawi ko saka naglaho sa harapan namin.
Mabilis kong ibinaba ang buong katawan ko sa bangka namin. Doon na rin bumaba si Jaiyana mula sa pagkakasakay kay Alev. Hindi ako umimik at piniling magsagwan na lamang ngunit kagaya ng inaasahan ko, ilang sandali pa’y kinausap niya ako.
“Maui,” mahinang tawag nito sa ngalan ko.
Mataman kong tiningnan si Jaiyana, doon ko lang din napansin na nasa likuran niya si Osi, ang batang lalaki na nasa pitong taong gulang.
Sandali akong napatitig sa kamay ng bata. Nakita ko ang kulay dilaw na singsing sa kanan nitong kamay, nakasuot sa pinakamaliit niyang daliri.
Napansin ni Osi ang pagtitig ko sa kaniyang kamay kaya mabilis niya itong itinago sa akin. Huminga ako nang malalim at nagpasyang balingan na lamang si Jaiyana na mukhang sinsero sa pagtitig sa akin.
“A-Ayos lang ako,” panimula ko habang nagsasagwan. Umiwas ako ng tingin.
“Sino iyon?” kunot-noong usisa nito sa akin.
“Kapatid ko,” tipid kong tugon saka umiwas ng tingin.
“Mukhang tama nga ang unang hinala ko. . . hindi kayo magkasundo ng kapatid mo,” singit ni Osi dahilan para tingnan ko siya ulit. Nasa likod pa rin siya ni Jaiyana.
“Ano naman ngayon?”
“Mau—” hindi naituloy ni Jaiyana ang kaniyang pagsasalita nang bigla akong sumingit. “Ayaw ko siyang pag-usapan,” pagtatapos ko ng usapan naming tatlo.
Hindi na muling umimik si Jaiyana. Pinili na lang niyang gumawi roon sa madalas niyang pagpuwestuhan. Taimtim siyang umupo. Mukhang matutulog na ulit siya.
Huminga ako nang malalim at hinayaan ang sarili kong magmuni-muni na muna. Ilang minuto pa habang ako ay nagsasagwan pa rin ay may natanaw akong isang napakapamilyar na lugar.
Kaya naman pala nagpakita ang hinayupak kong kapatid sa amin ay dahil nandito na kami sa isla kung saan ako galing. Sa tribo kung saan ako lumaki... the Nakhti Tribe.
“Alev,” malumanay kong saad. “Oh?”
“May alam ka pa bang ibang isla?”
“Ha?” Minsan hindi ko alam kung nagbibingi-bingihan lang ba siya o ano, e.
Kalmahan mo lang, Maui. Kakampi mo iyan at hindi kalaban.
Napailing ako sa naisip ko. Huminga ako nang malalim bago ko muling kinausap siya. “Ang ibig kong sabihin e, may isla pa ba bukod sa isla kung saan tayo malapit ngayon?”
“May natatanaw pa akong isa subalit kung susumahin ko ang distansya nito ay medyo malayo ito,” tugon naman nito sa akin.
“Sa tingin mo, ilang araw bago makapunta roon?”
“Mga pitong araw siguro,” aniya. Dagliang nanlaki ang dalawa kong mata sa narinig ko.
“Saktong isang linggo?!” Tumango lamang si Alev sa nasambit ko.
Ngayon naman ay napapaisip ako kung dapat ko nga bang ihinto ang bangka namin sa islang ito o piliin na maglakbay pa upang makaiwas sa islang matagal ko na ring hindi napupuntahan. Paniguradong naghihintay na ang empakta kong kapatid sa lugar na iyon.
Malalim akong bumuntong-hininga. Mukhang wala na akong magagawa. Kailangan naming mag-ipon ng pagkain para sa mga susunod na araw ng aming paglalakbay. Dahil kung hindi, paniguradong manghihina kami nito.
Mariin akong napapikit at lumunok ng sarili kong laway. Gusto kong magmatigas ngunit, ayaw ko namang isakripisyo ang mga kasamahan ko.
“Sige ganito, ako na lang mismo ang pupunta mag-isa. Ingatan mong huwag magising si Jaiyana, ha? Sapagkat nakasisigurado akong susunod siya sa akin kapag nagkataon na malaman niyang pinili kong mag-isang pumunta rito.”
“Sige.”
“At ikaw namang bata ka,” baling ko kay Osi. Mabilis ko namang nakuha ang atensyon nito sa akin. “Sumakay ka kay Alev,” utos ko sa kaniya. Tumagilid ang ulo nito habang titig na titig sa akin. Akala niya siguro nagbibiro ako.
“H-ha?”
“Ang sabi ko, sumakay ka kay Ale—”
“At bakit mo naman ako papasakayin sa dragon?”
“Upang hindi maistorbo ang tulog ni binibining Jaiya—”
Napatigil ako sa aking pagsasalita nang biglang ngumiti si Osi. Isang nanunuksong ngiti. “Gusto mo siya, ano?”
“Magtigil kang bata ka’t huwag na maraming satsat. Sumakay ka na lang dito,” sabat ni Alev sa amin na nginisian ko lang.
Hindi niya sinasabi ngunit ramdam ko ang pagiging seloso ng dragon na ‘to, tsk-tsk.
“Huwag ka na nga lang magtanong at sumunod ka na lang sa akin, kung gusto mong magkasundo tayong dalawa rito,” usal ko na siyang sinunod naman niya. Tinulungan ko siyang makasakay kay Alev at kagaya ng inaasahan ko, napasigaw si Osi nang biglang lumipad papunta sa langit si Alev.
Ang mga bata nga naman talaga, oo.
Huminga ako nang malalim saka tumingin kay Jaiyana. Bakas sa mukha nito ang pagkapagod. Napapaisip tuloy ako kung bakit niya ako pinigilan kanina sa pakikipaglaban ko kay Philomena.
Maaari kayang. . . natakot siya sa akin? Puwes, hindi malabong gano’n nga ang dahilan.
Pinasawang-bahala ko na lang ang iniisip ko at nilakasan ang loob kong bumaba ng bangka at marahang naglakad papasok sa isla.
At habang taimtim akong nagmamasid sa lugar ay napapangiti ako sa kadahilanang walang nagbago rito. Ang mga tindahan na kilala ko mula no’ng ako ay matutong gumawa ay naroon pa rin sa kanilang mga puwesto. Buhay na buhay sila na animo’y walang masamang nangyari sa mga nakalipas na taon.
Ilang minuto pa ako naglakad hanggang sa mapadpad ako sa disyerto. Hindi ko akalaing may ganitong espasyo na pala sa islang ito.
At kagaya nga ng inaasahan ko, sumalubong sa akin ang kapatid ko. Nakangisi lang siya sa akin na para bang kanina pa niya ako hinihintay na pumunta sa islang ito. Seryoso ko siyang tiningnan. “Ano bang kailangan mo?”
“Revenge,” direktang aniya. Mabilis nawala ang ngiti nito sa kaniyang labi. Mataman niya akong tiningnan.
“At lakas naman ng loob mong maghiganti sa akin gayong ako ang kinawawa mo noon. Isa talagang pagkakamali na humanga ako sa isang kagaya mo, e.” pagpapakatotoo ko pang sambit sa kaniya.
“Dapat na ba akong malungkot sa sinabi mo?” sarkastiko nitong tugon. Umiling ako bilang tugon.
“Malungkot!? Nasa bokabularyo mo ba iyon? Tsk,” singhal ko na para bang hindi naniniwalang kaya kong makipag-usap nang ganito kahinahon sa harapan niya. “Anong klase ba ng paghihiganti ang nais mo, ha?”
“Ang patayin ka gamit ang sarili kong mga kamay,” aniya. Ngumisi siya sa akin na animo’y handa na siyang labanan ako.
“Sa tingin mo ba ay ganoon na lamang kadali iyon? Aminin mo man o hindi, sa ating dalawa... ako ang pinakamalakas. Alam mo ‘yan, Philomena.” Mapang-asar kong sabi na nagpainit ng kaniyang dugo. Ganiyan nga, magalit ka.
“Wala ka talagang galang!” Nakatanggap ako ng sampal mula sa kaniya.
Nang akmang susugod na rin ako sa kaniya ay bigla siyang lumipad sa ere. Sinundan ko siya at piniling sumugod nang paulit-ulit. Subalit naiinis ako sa tuwing nakakaiwas siya sa bawat patama ko.
Habol-hininga akong huminto at nakipagtagisan ng masasamang titig sa kaniya. “Iyan na ba ang sinasabi mong lakas ng pag-iipon ng mahika?” taas - kilay nitong tanong na nagbigay ng matinding pagkapoot sa loob ng puso ko.
“Nagsisimula pa lang tayo,” anas ko saka bumwelo upang makontrol ko ang lupa. Nasa disyerto kami kaya maaari kong magamit ang mga buhangin upang makalaban.
Iningatan ko ang bawat kilos ko, gusto ko sanang siya ang sumugod sa akin ngunit natatalo niya ako sa pang-aasar niya kaya sa huli, nakikita ko na lamang ang sarili kong sumusugod sa kaniya.
At noong subukan kong gawing bato ang naipon kong mga buhangin ay daglian naman itong tinadyakan ni Philomena dahilan upang sa akin ito tumama.
Ramdam ko ang kalahati sa kapangyarihan ko ang nawala sa akin dahil sa pagkabagsak ko na iyon. Kaya ito, hindi na iba sa akin ang makitang nagsusuka ako ng sarili kong dugo.
Kahit na nanghihina ay nilakasan ko pa rin ang loob ko’t buong puwersang tumayo. Ngunit nang muli kong tanawin ang aking kapatid na ngayon ay nakatapak na sa lupa, nakita ko ang ‘di ko inaasahang paglitaw ng isang babae. Sandaling natuon doon ang aking atensyon. Patakbo niya akong nilapitan.
“Taksil ka, bakit hindi mo ako ginising?” bungad nito nang tuluyan na niya akong nilapitan. Marahan niya pa akong inalalayan upang makatayo ako nang tuwid.
“A-ano...” Umiwas ako ng tingin.
Paano niya ako natunton?!
“Hindi na bali, ang mahalaga ay matulungan kita sa pagkakataon na ito. Kahit hindi ko na malaman ang iyong dahilan, gusto ko lang bumawi dahil sa dalawang beses na pagtulong mo sa akin. Isipin mo na lang na nagbabayad ako ng utang ko.”
Bago pa man ako makasagot sa kaniya ay nakasingit na itong kapatid ko. Nabaling ang pansin ko sa kasalukuyang puwesto nito.
“Aba, nakahanap ka na naman ng kakampi mo?” may bahid ng pang-aasar na ani Philomena. Matalim ko siyang tinitigan.
Bago ko pa man masagot nang pabalang ang kapatid ko ay si Jaiyana na mismo ang umentrada. “Kung sino ka mang bruha ka, wala kang karapatang saktan si Maui.” Natigilan ako sa narinig ko.
Binibining Jaiyana...
“Anong—” Hindi naituloy ni Philomena ang nais nitong sabihin nang bigla siyang sugurin ni Jaiyana gamit ang nahugot nitong sandata mula sa kaniyang damit.
Sunod-sunod niya itong pinatamaan gamit ang espada y daga na siyang pareho naming binili noon sa isang kilalang tindahan ng mga armas.
“Uulitin ko sa iyo, wala kang karapatang saktan si Maui!” sigaw niya nang muli siyang sumugod sa ahas kong kapatid.
Hindi ko alam pero bigla na lang ako ngumiti sa sinabi niya. Ano ba ang dapat kong maramdaman sa babaeng ‘to? Hays.
Umiling ako at sinabayan si Jaiyana sa pakikipaglaban kay Philomena. Pinalutang ko ang aking sarili sa ere at sinubukang kontrolin ang langit.
Sa pagkakataon na ito, ako naman ang nagpakulimlim sa kalangitan. Gumawa ako ng isang pabilog na bagay, kulay luntian ito at tunay na nakasisilaw sa mata ng tao saka itinaas iyon paloob sa ulap dahilan upang lumuha ang mga ulap.
Gamit ang tubig na inilalabas ng walang buhay na ulap ay mabilis ko itong pinahinto, pinatigas ko ito upang maging yelo at ginawang matulis na bagay saka ko iyon sunod-sunod na pinatama kay Philomena. Daglian naman siyang gumawa ng harang sa sarili niya upang hindi siya matamaan ng mga matulis na bagay na gawa ko.
Subalit dahil sa pagiging matipid ko sa kapangyarihan ko, naging sanhi iyon upang mas lumakas ang aking mahika dahilan para mabasag ng mga gawa kong patalim ang ginawang hugis triangulong kulay pula na isang panggalang gawa ni Philomena na siyang promoprotekta sa kaniyang sarili.
Napatigil na rin si Jaiyana sa pagsugod at saka tumingin sa gawi ko. Pinagmasdan niya ako sa aking pakikipaglaban. Ngumiti ako sa kaniya at mahinang nagpasalamat. Ngunit akala ko matatapos na iyon doon. Hindi pa pala.
Nahuli ako ni Philomena, imbis na ako ang patamaan niya sa mahika nito. Gamit ang kidlat ay mabilis niyang itinutok kay Jaiyana ang kaniyang kamay dahilan upang kay Jaiyana ito tumama.
Halos madurog ang puso ko nang makitang nawalan nang malay ang kasama ko. Muling nandilim ang paningin ko. Daglian kong iniwan ang puwesto ko at mabilis na sinalo si Jaiyana. Marahan ko siyang inilapag sa lupa.
Hindi ako papayag na may mapahamak muli dahil sa akin.
Sa sobrang pagkamuhi, hindi ko na nakontrol pa ang aking sarili. Muli kong pinaulan ang langit. Gamit ang libo-libong patak nito, ginawa ko itong patalim. Sa pangalawang pagkakataon buong puwersa ko silang pinatama kay Philomena.
Pagkatapos ay ako na ang kusang lumusob upang tirahin nang malapitan ang kapatid ko. At dahil sa lakas ng pagkakasuntok ko sa kaniyang tiyan ay napadaosdos siya sa isang burol na nakapuwesto sa liblib na puwesto nitong isla.
Narinig ko ang hiyawan ng mga tao, sinusubukan nila akong kausapin kahit na nasa ere ako’t may kalayuan sa kasalukuyang puwesto nila. Doon ko lang din napansin na may mangilan-ilang tao na pa lang nanonood sa pakikipagsagupaan ko sa walang hiya kong kapatid.
Ang nakakainis pa ay ako pa ang nagmumukhang masama rito.
Naririnig ko ang pagsusumano nilang tumigil na ako sa aking panggugulo at huwag ko ng galawin ang kinikilala nilang anak ng pinuno nila.
Tss. Ilang taon lang ako nawala, si Philomena lang ang itinuturing nilang tagapagmana. Mga patawa.
Sinamaan ko sila ng tingin, isa-isa. Nagpatuloy pa rin sila sa pagsigaw sa akin at taimtim na nagdasal pa ang ilan sa kanila na sana ay may dumating na para mapatigil ako.
At nangyari nga...
Nang sandaling nakita ko ang presensiya ng aking Ina at Ama na buhay pa at malakas na nakapunta sa kinaroroonan ko, tumigil ako sa aking pagsugod. Sandali akong nabalik sa aking ulirat. Isang malakas na sampal mula kay Ama ang nagpagising sa buong sistema ko.
“Binuhay kita hindi para manggulo sa tribong pinamumunuan ko, ganiyan ba kita pinalaki ha?”
“A-Anak...” Mataman ko silang tiningnan. Nagpanggap akong namahid na sa sobrang dami ng pananakit na natamo ko mismo mula sa kanila.
Subalit kahit na anong gawin ko, mayroon pa rin silang puwesto sa puso ko. Isang nakalaan na puwesto para lamang sa pamilya ko.
“Bitiwan mo ko,” seryoso kong saad kay Ina na kasalukuyang tumatangis dahil sa kalunos-lunos na nangyari sa kaniyang dalawang anak. Hinawakan niya ako sa braso ko.
Sino nga namang magulang ang gugustuhing mag-away ang kanilang mga anak? Maliban na lamang kung hindi sila magkadugo nang buo.
“Mau... anak.” Daglian akong umilag kay Ina nang bigla niya akong ambaan ng isang yakap.
“Hindi na ako babalik sa inyo. Simula noong itinakwil ninyo ako bilang anak, nawalan na ako ng pamilyang babalikan dito.” Isa-isa ko silang tinitigan nang may bahid ng pagkadismaya.
“Dahil sa inyong lahat, nagbago ako.”
Ginamit ko ang kapangyarihan ko upang maglaho kasabay ng katawan ni Jaiyana. Napunta kami sa aming bangka.
Naabutan ko si Alev at Osiris na nagbabantay doon. Ngumiti ako sa kanila at kaagad inilapag si Jaiyana sa bangka. Ginamot ko na muna siya bago ko inayos ang pagkakahiga nito sa bangka namin.
Napanatag naman ako sapagkat nabuhay ko muli siya gamit ang ilang mga halamang gamot na iniipon ko rin mula sa aming paglalakbay. At sa tuwing may dinadaanan kaming tindahan ng mga gamot, ginagamit ko na rin ang pagkakataon na iyon upang makabili.
“M-Maui?”
“Jaiyana, mabuti naman at ayos ka na. Kinabahan ako, bakit ka naman kasi sumugod roon?”
“Nag-alala ako, Maui. Hindi naman na dapat ako tutuloy e, kaso natamaan ka niya...”
Ngumiti ako sa kaniya at marahang hinawi ang buhok nito saka bumulong ng... “Maraming salamat.”
“Magpahinga ka na muna, sa susunod na isla naman tayo pupunta.” Tumango na lamang si Jaiyana saka muling pinikit ang mga mata nito. Nakita ko namang nakatunganga si Osiris kaya sinubukan ko siyang utusan.
“Magsagwan ka nga nang may magawa kang bata ka.”
“Hindi ba’t trabaho mo iya— aray!”
“Sumunod ka kung ayaw mong itapon kita sa dagat, sige,” pananakot ko pa rito. Bumuntong-hininga na muna si Osi bago sumunod sa akin. Pinili ko rin munang ipahinga ang sarili ko.
Sa dami ng nailabas kong lakas kanina, kailangan ko muling mag-ipon sapagkat paniguradong wala akong maitutulong kay Jaiyana kung ngayon pa ako manghihina.
“Napano pala si Jaiyana?”
Nabaling ang atensyon ko sa dragon na kasama namin nang magsalita ito sa tabi ko. Binabaan nito ang kaniyang palipad upang pumantay sa aming bangka. Tumikhim muna ako at pasimpleng tiningnan si Jaiyana.
Nang masigurado kong mahimbing ang pagkakatulog nito ay ikinuwento ko na lamang kay Alev ang buong nangyari. Ramdam ko namang nainggit siya dahil sa eksenang mayroon kaming dalawa ni Jaiyana kanina.
“Ay nga pala, sa paanong paraan ka naman naging dragon? Kung totoo man na tao ka nga dati,” pag-iiba ko ng usapan at doon ay seryoso niya akong tiningnan.
“Gusto mo ba talagang malaman?” Isang tango na lamang ang ibinigay ko upang tugon sa tinanong niya.
“Sige.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top