JOURNEY 5

Ikalimang Paglalakbay:
Nakawie Island

[ Jaiyana’s Point of View ]





Mahigit isang buwan na rin mula nang una kong makilala si Maui, ngayon naman ay kasama na namin si Alev sa paglalakbay na ito. Hindi ko akalaing tatagal ako kasama siya at talagang nadagdagan pa kami.

Sa totoo lang, wala sa plano ko ang maglakbay patungo sa isang lugar sapagkat pinalaki akong taong-bahay lamang. At ang tanging misyon ko lang sa buhay ko ay kumuha ng hustiya para sa mga taong nawalan ng karapatan, nawalan ng pamilya, nawalan ng lahat.

Pinalaki ako sa angkan ng mga mamamaslang at kahit na labag sa loob kong pumatay, kailangan ko itong gawin. Ito ay dahil sa kasabihan na iyon galing kay Kuya.



“Hindi magkakaroon ng kapayapaan kung walang pagsasakripisyo ng buhay, aking mahal na kapatid.”



Huminga ako nang malalim. Kung may kahilingan man ako ngayon para sa lahat, ito ay kapayaan subalit kung sarili ko lang ang masusunod? Gusto kong ibalik ang buong angkan ko.

Sila Ina at Ama... Si Lolo at Kuya... Silang lahat...

Naramdaman ko ang pangingilid ng luha ko kaya mabilis ko itong pinahiran gamit ang tubig na inipon ko sa kamay ko.

Walang puwang ang kalungkutan sa oras na ito, kailangan kong magpokus. Ngayon na wala na sila, sisiguraduhin kong ang misyon ko ang uunahin ko bago ang sarili ko.

Handa akong magsakripisyo para sa kapayapaan na ipinaglalaban ko kasama ng buong Maajida.

Umiling ako at ibinalik ang isip ko sa reyalidad. Mataman kong tiningnan ang lalaking nasa harapan ko. Lilang kapa. Seryosong nagsasagwan. Bumwelo ako para kunin ang atensyon nito.

“Maui,” mahinang tawag ko sa pangalan ng kasama ko sa bangka ngayon.

“Bakit, binibini?” usisa nito saka tumingin sa aking gawi.

“Nagtataka lang ako bakit alam na alam mo kung saan tayo papunta, minsan mo na rin bang napuntahan ‘yung sinasabi mong isla?” panimula ko. Nangunot ang noo nitong tumitig sa akin.

“Aling isla?”

“The sleeping island,” direktang tugon ko. Tumango muna siya bago sumagot.

“Sa maniwala ka man o sa hindi, hindi pa. Kaya ko lang naman alam ang daan ay dahil bago pa tayo magkakilala, pinag-aralan ko na agad ang mapa patungo roon.”

“Ibig sabihin, sinadya mo talaga akong isama noon?” paniniguradong saad ko sa kaniya.

“Hindi ka naman pumalag, e. Hindi ba’t natutukso ka ring malaman kung totoo nga bang may isla na nagpapatupad ng mga kahilingan?”

“Islang nagpapatupad ng kahilingan?”

...tapos the sleeping island ang pangalan?

Salubong ang kilay kong tiningnan si Maui. Hindi ako umimik at hinayaan siyang magsalita muli.

“Iyon ang pangkaraniwang sinasabi ng mga tao patungkol sa isla na siyang pinapaniwalaan ko rin sapagkat sa paniniwala, doon nagsisimula ang milagro.”

“The more you desire, the more you want for something, the faith is there. And that faith creates hope in your heart,” makabuluhang sambit niya. Napabuntong-hininga ako. Talagang gumamit pa siya ng ibang lenguwahe, ah.

“Iyong mga simpleng sana mo na matupad, matutupad dahil naniniwala kang matutupad iyon.” Umiling ako sa huli nitong nasabi.

“Hindi totoo iyan,” kontra ko sa sinabi nito.

“Paano mo naman nasabi, binibini?” usisa nito sa naging reaksyon ko.

“Hindi mangyayari ang isang bagay na gusto mo kung hindi ka gagalaw. Kung walang kilos, walang resulta at iyan ang paniniwala ko.”

“As they say, faith without action is useless. Aanhin mo ang paniniwala kung walang gagawa ng paniniwalang iyon?” Palihim akong ngumisi.

Akala ba niya siya lang marunong mag-Ingles? Tss.

“Binibining Jaiyana,” aniya. Tumingin ako sa gawi nito. “Bakit?”

“Kumalma ka, parang galit ka na, e.” Naningkit ang mga mata ko sa tinuran nito. “Tsk. Hindi ako galit, nagpapaliwanag lang.”

“May punto ka naman. Kaya nga tayo gumagawa ng kilos ngayon, hindi ba? Ito ay upang malaman kung totoo ba o dapat bang paniwalaan ang islang iyon.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Minsan na rin akong nangarap ng mapayapang buhay para sa lahat. Kahit hindi na para sa akin kundi para sa mga taong gusto pang mabuhay, mga taong gusto pang lumaban at maging masaya sa buhay na mayroon sila.”

“Do you want to be a hero?”

“No.” Napagitla ako sa bilis ng pagsagot niya. Umiwas ako ng tingin at pasimpleng tumingala sa maaliwalas na langit. “Why?” wika ko.

“Para kasing ang bigat ng responsibilidad mo kapag bayani ka. Para bang ang hirap gumawa ng maling bagay kapag gano’n ang tingin ng mga tao sa iyo,” paliwanag pa niya sa akin na sinang-ayunan ko.

“Same thought.”

“Bakit ka ba nag-iiba ng lenguwahe riyan? Taga-Valda City ka ba?”

“Sinabihan na kita noon na huwag mo akong tatanungin ng tribo ko kung gusto mo pang mabuhay.”

“Ay, paumanhin binibini. Nawala sa isip ko,” tugon niya saka nagpatuloy sa kaniyang ginagawang pagsagwan ng aming bangka.

“Tss,” singhal ko saka inayos ang pagkakahiga ko.

Ilang minuto lamang ay naantala ang katahimikan nang biglang nagsalita ang dragon na kasama namin. “Kayong dalawa, nakikita ko na ’yung islang sinasabi ko sa inyo.”

“Ha?” kunot-noong tanong ko sabay tingin sa puwesto ni Maui.

“Iyong Nakawie Island, binibining Jaiyana.”

“Anong klaseng isla naman ’to?”

“Isla ng mga magnanakaw.”

“Ano?” Ilang minuto kong tinitigan si Maui. Seryoso ba siya sa sinabi niya?

Tumango lamang si Maui habang nakatitig ako sa mukha nito. Tila ba’y naiintindihan niya ang nais kong sabihin sa pamamagitan lamang ng aking dalawang mata.

Mga magnanakaw? May isla pa lang nakapangalan sa kanila? Nakakapagduda. Ano naman kayang mayroon sa lugar na ’to?

“Kaya hindi na kataka-taka kung bakit dito inilagay ni Alev ang croze sword sapagkat hindi mo malalaman kung nakanino na ito dahil kapwa sila magnanakaw. Nabubuhay ang mga tao rito sa nakaw.”

Hindi ako nagsalita. Taimtim lang ako nakinig sa mga pinagsasabi ni Maui at hinayaan siyang daldalin ako.

“You know? Nakaw uwi?” Mabilis niyang nakuha ang atensyon ko sa sinabi niya. “Biro ba iyan?” anas ko at walang emosyong tiningnan siya.

“Oo sana kaso hindi ka tumawa kaya hindi na siya biro.” Napailing na lamang ako kay Maui at tipid na ngumiti. Itinuon ko na lamang ang aking atensyon sa islang tinutukoy nilang dalawa ni Alev.

Nakawie Island.

Napatigil ako sa aking pag-iisip at nagpasyang kausapin ang kasama ko ngayon sa bangka. “Sandali nga, anong gagawin pala natin dito?”

“Saan? Sa Isla ba?” Tumango ako bilang tugon sa tanong niya.

“Una sa lahat, kakain tay—”

“Kakain tayo ng nakaw?”

“Ha? Hindi an—”

“E, ano?”

“Kung patapusin mo kaya ako, binibini?”

“Ay, paumanhin.” Ngumiti sa akin si Maui na para bang natutuwa pa siya sa narinig nitong linya mula sa akin.

“Kakain tayo roon sa hindi nakaw, syempre. Pagkatapos ay maglalakbay muli tayo sa kaloob-looban ng isla upang mahanap ang espadang tinangay nitong Alev na ito.”

“Kahit nasa himpapawid ako, naririnig kita nang malinaw, Maui.” Malakas na tinig ni Alev ang umalingawngaw sa paligid natin. Napatikhim ako’t pasimpleng ngumiti. Kaagad ko ring binawi ang ngiting iyon para hindi mapansin ng kasama ko.

“Bakit ba kasi sa dinami-rami ng isla, sa lugar pa talaga ng mga magnanakaw mo inilagay iyon?”

“Iyon kasi ang unang napagbabaan ko.”

“Mga palusot mo,” entrada naman ni Maui dahilan upang makaramdam ako nang hindi magandang atmospera sa pagitan nilang dalawa ni Alev.

“Tumigil ka nga, Maui. Hindi ba kayo nagsasawang magbangayan ha?” pagpapatigil ko sa kanila subalit ayaw talaga magpaawat ang biik na ‘to.

“Siya kasi!”

“Anong ako?!”

“Kung hindi mo binitawan, iniwan sa islang ito, hindi naman na dapat tayo pupunta rito. Kaya oo, kasalanan mo.”

“Aba’t—”

“Tigil na nga sabi,” pag-uulit ko sa naunang sinabi ko. Nagtitimpi lang talaga ako.

“Nagugutom na talaga ako kaya kita inaaway, Alev.” pasaring ni Maui na para bang sa isang iglap lang ay nagbago na agad ang mood nito.

“Tss, pata.” Umiling ako nang biglang sumingit si Alev. Ayaw patalo?

“Anong—”

“Ayaw talaga ninyong tumigil?” May halong pagbabantang wika ko. Mabilis namang tumingin si Maui sa puwesto ko.

“Anong ititigil, binibining— aray!” Hindi niya naituloy ang nais nitong sabihin sapagkat pinalo ko siya ng baston na hawak ko.

“Ang kulit mong matanda ka,” komento ko pa.

“Hindi nga sabi ako matanda!”

“Biik.”

“Pata,” gatong pa ni Alev sa sinabi ko.

Pinagmasdan ko si Maui at hindi ko maiwasang hindi ngumiti dahil sa itsura niya. Nakatutuwa pa lang pikonin ang matandang biik na ito.

“Nakakaasar kayong dalawa ah. Pasalamat kayo mabait ako at ayaw ko kayong patulan.”

“Psh. Bilisan mo na lang ang pagsagwan mo nang makakain ka na’t hindi uminit ang iyong ulo riyan.”

“Mas mabuti pa nga,” tugon niya sa sinabi ko at tumahimik na.

Marahan akong napailing sa inasta ni Maui at pasimpleng tinanaw si Alev sa itaas ng bangka namin. Napansin ko namang deresto lamang ang paningin nito at seryosong nakatingin sa isla kung saan kami papunta ngayon.

Mula roon ay nakaramdam ako ng kakaibang kaba sa ‘di ko malamang kadahilanan. Ibinaba ko ang aking paningin. Nakipagtitigan ako sa karagatan. Huminga ako nang malalim at mariing ipinipikit ang mga mata ko.

Makatulog na nga muna.







“Binibining Jaiyana!”

Mabilis akong napatingin sa kasamahan ko nang marinig ko ang pangalang kong isinigaw niya. At halos madurog ang puso ko nang makita ang kasalukuyang kalagayan nito.

Ang kaniyang katawan ay naliligo sa sarili niyang dugo. May iba’t ibang sugat ito sa katawan nito dahilan para manginig ang aking mga tuhod. Patakbo akong lumapit sa kinarorooonan niya.

Kaagad naman siyang nahulog sa aking mga bisig, niyakap ko siya. Pinipigilan kong maiyak sa sitwasyon namin ngayon.

Hindi ito maaari. Huwag naman pati si Maui...

“Binibini, maraming salamat sa lahat...”

“Huwag mong sabihin ‘yan! Nangako ka, Maui. Nangako ka na sasamahan mo ako hanggang sa dulo. Hanggang sa huli magkasama tayo,” mariing sambit ko pa habang kalong ko siya.

“H-Hindi na kaya ng katawan ko, binibini. Patawad,” bulong niya saka hinaplos ang ilan sa hibla ng aking mahaba’t itim na buhok.

Ilang sandali pa ay tuluyan na ngang ipikit ni Maui ang talukap ng kaniyang mga mata. Marahan ko siyang tinapik.

“Natutulog ka lang naman, hindi ba? Maui, gumising ka.”

“Kailangan mo bang magpahinga? Dapat hinintay mo munang matapos ako rito para makabalik tayo sa bangka natin.”

“Maui?”

At sa hindi ko inaasahan, namuo ang mainit na likido sa ilalim ng mata ko. Ilang minuto lang ay tumulo ang mga ito habang abala ako sa paggising sa kasama ko.

Hindi ko alam kung bakit pero nahihirapan akong tanggapin. Ayoko. Ayaw kong tanggapin ito.

“Maui!”

Biglang lumiwanag ang buong paligid. Napapikit ako dahil hindi kaya ng mata kong masilayan ang liwanag na iyon. At noong tuluyan itong nawala, doon ay dahan-dahan kong tiningnan ang bagay na iyon.

Napaawang ang labi ko sa aking nakita. Isang napakagandang babae. Sa pakiwari ko’y magkaedad lang kami.

“Maraming salamat sa pag-aalaga kay Maui. Panahon na para bumalik siya sa amin.”

“H-Ha? Anong babalik? Saan? Bakit?”

“Binibini. Paumanhin, kukunin na namin si Maui.”

“S-Sandali. Pamilya ba niya kayo?”

Tumango lamang ang babaeng iyon dahilan upang bitawan ko na rin ang katawan ni Maui. Hinayaan ko siyang lumapit at yakapin si Maui. Napalunok ako nang makita hindi siya umiiyak, bagkus ay nakangiti pa siyang hinahaplos si Maui.

“Ako si Mavi, ikaw? Anong pangalan mo?”

“Jaiyana...” alanganing tugon ko. Nangunot ang noo kong napatitig sa puwesto nila.

“Sino ba si Maui para sa iyo, Jaiyana?”

Napagitla ako sa naging tanong nito. Sandali akong napaatras hanggang sa bigla akong nahulog sa isang bangin.













Nagising ang diwa ko mula sa wirdong panaginip na iyon. Ramdam ko pa rin ang lungkot sa buong sistema ko. Pakiramdam ko pa’y naaawa ako sa maaring sapitin ni Maui kapag nagpatuloy pa kami sa paglalakbay na ito.

Sino si Maui para sa akin? Siya ay...

“Anong klaseng mukha iyan, binibining Jaiyana?” bungad ni Maui sa akin dahilan upang maantala ako sa aking pag-iisip.

At ewan ko ba, parang gusto kong umiyak dahil sa panaginip na iyon ngunit alam kong hindi ko naman dapat ito gawin.

“W-Wala...” Umiwas ako ng tingin.

“Nautal ka pa, ah. Anong napanaginipan mo? Ako ba?”

“Asa ka, tsk.”

“E, bakit ka nga titig na titig sa akin na para bang mawawala ako isang araw?” dagdag tanong pa niya dahilan para matigilan ako saglit.

Mariin akong napapikit. Yumuko ako at hindi na umimik. Pakiramdam ko natutuyo ang lalamunan ko.

“Binibini...”

Hindi ko siya tiningnan. Nanatili sa bangka ang paningin ko at walang planong pansinin siya. Ilang minuto lang ay naramdaman ko ang paglapit nito sa akin.

“Jaiyana, tumingin ka sa akin.” Marahan niyang hinawakan ang magkabilang pisngi ko dahilan upang manumbalik ang paningin ko sa kaniya. Ngumiti siya sa akin bago bumuntong-hininga.

“Kung ano man ’yang napanaginipan mo, hindi iyan mangyayari, okay? Hindi ba’t nagsabi ako sa iyo noon? Magkasama tayo sa paglalakbay na ito at hanggang dulo, makakasama mo pa rin ako. Tandaan mo iyan,” sinserong sambit niya na nagpakalma sa buong sistema ko.

Tumango na lamang ako sa sinabi niya. “Huwag ka ng malungkot, mas maganda pa kung magtaray ka sa akin kaysa makita kang ganito.”

“Tss. Oo na,” anas ko sa nasabi nito. Ngumiti siya sa akin at bumulong. “Ganiyan nga, magtaray ka lang, pfft.”

Naantala ang usapan namin nang biglang nagbuga ng apoy si Alev. Mabilis nakaiwas si Maui. Lumayo ito sa puwesto ko.

“Masyadong marami ang kahoy sa bangka ninyo. Sinubukan ko lang lagyan ng apoy kung rurupok ba ito kaso, mukhang. . . matibay naman,” alanganing usal nito saka tinaas ang kaniyang paglipad. Nakita ko namang ngumisi si Maui habang nakatingin kay Alev.

“Palibhasa hindi ka makasingit sa usapan namin, haha.” Muling bumuga ng apoy si Alev na sinadyang patamaan si Maui dahilan upang tumalon ito mula sa bangka hanggang sa makapunta siya sa likod ni Alev.

Hindi ko narinig kung anong naging usapan nilang dalawa dahil medyo malayo sila sa gawi ko.

Ilang sandali lang ay nakita ko na lamang si Maui na nahulog mula sa pagkakasakay niya kay Alev. Mabilis kong pinuntahan ito at halos atakihin ako nang makitang palutang-lutang siya sa tubig. Mabuti at bigla siyang umahon pagkatapos niyang gawin iyon.

Seryoso ako sa sinabi kong gusto kong ibalibag si Maui minsan.

“Nagugutom na talaga ako, tara na?” Hindi ko kinuha ang kamay niyang inilahad niya sa akin bagkus ay nagpatuloy na lamang ako sa pagmanman at paglalakad papasok sa isla.

Nakatabi na ngayon sa daungan ang bangka namin at napagdesisyunan na iwanan si Alev doon dahil hindi siya maaaring makita ng mga ordinaryong tao. Napilitan naman siyang sumunod. Wala rin naman siyang magagawa, e.

Kung hindi siya susunod, maaaring mapahamak siya o ano.

“Hindi ka dapat naglalakad nang mag-isa. Isla ito ng mga magnanakaw, hindi natin alam baka ikaw ang susunod na nakawin.”

Sinamaan ko siya ng tingin. Mananakot pa e, halata namang mas matatakutin siya kaysa sa akin, tsk.

Hindi ko kinausap ang kasama kong nakasunod lang sa akin ngayon. Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa may makita kaming tindahang may pangalang, “Maghanda’t Cacainna.”

Dito nanggaling ang masarap na amoy. Nakita kong halos ngumanga na si Maui sa harapan ng tindahan na ito. Nagpapatunay na gutom na nga talaga siya.

Sabagay, ilang araw na rin pala kaming walang kain dahil sa isang buwan lang ang badyet namin sa pagkain na naipon namin no’ng huli kaming nakatapak sa isla na may mga taong nakatira.

“Pumasok ka na—”

“Hindi maaaring ako lang ang kakain, dapat ikaw din.”

“Hindi ako gutom,” turan ko subalit sakto namang tumunog ang tiyan ko matapos kong magsalita.

“Mukhang taliwas sa sinabi mo itong tiyan mo, ah.”

“Mauna ka na ngang pumasok,” utos ko na hindi niya sinunod. Isa rin siyang pasaway, e.

“Para walang away, sabay tayong papasok.”

Hinawakan niya ang kamay ko saka niya ako hinila papasok sa kainan na ito. Nakita ko ang iba’t ibang putahe sa magkabilang gilid ng tindahan na ito. Sa gitna naman ay nakakalat ang pabilog na lamesang yari naman sa kawayan.

Marahang binitawan ni Maui ang kamay kong hinawakan niya at dumeretso sa nagbabantay ng tindahan. Nakita kong kinausap niya ito saka niya ako muling nilapitan.

“Doon tayo,” paanyaya nito sa akin. Nauna siyang lumakad papunta sa lamesang tinuro niya at inalalayan akong makaupo.

“Anong gusto mong kainin?”

“Isang ulam at kanin lang,” tipid kong sabi.

“Eh? Mabubusog ka na no’n?”

“Biik ka nga pala,” anas ko.

“Nahiya naman ako sa iyong payatot ka,” ganti pa niya. Mataman akong nakipagtitigan sa kaniya. Aba’t ngumisi lang ang loko. Umiling ako at umiwas ng tingin.

Kaagad itinaas ni Maui ang kamay nito dahilan upang may lumapit na tao sa amin. “Lahat po ng pagkain na mayroon kayo,” aniya.

Napaawang ang labi ko sa narinig ko. Mabilis ko siyang tinapik. Nangunot ang noo niyang tumingin sa akin.

“Nahihibang ka ba? Mauubos mo ba lahat iyon? Kaya mo bang magbayad nang—”

“Akong bahala, aking binibini. Huwag kang mag-alala, sagot ko ito.”

“Siguraduhin mo lang.”

“Minsan na lang tayo makakain nang maayos kaya lubusin na natin,” depensa pa niya na sinang-ayunan ko na lamang.

Tumango na si Maui sa lumapit sa aming trabahador ng tindahan saka inabot ang papel na sinulatan nito ng order namin at ibinigay sa isa pang trabahador.

Sabay naman silang nagpunta sa amin habang hawak-hawak ang tray na sa pakiwari ko ay naglalaman ng mga putaheng inihanda nila para sa amin.

Kagaya nga ng inaasahan ko. Napuno ng pagkain itong lamesa namin. Katulad nang unang kain ko kasama si Maui, ilang plato ang naubos niya at mukhang nakukulangan pa siya na ewan.

Umiling na lang ako nang matapos kaming kumain. Magkasunod kaming lumabas ng tindahan.

“Grabe. Ang sarap ng pagkain nila, ano?” Tumango lang ako bilang tugon at nagpaunang maglakad papasok ng isla.

“Oh, saan ka pupunta? Dito tayo, binibini.”

Huminto ako sa paglalakad at tiningnan siya. Mali pala ako ng pinasukang kanto. Patakbo akong lumapit sa kaniya at doon ay tahimik akong sumunod sa likuran nito.

Ilang sandali pa ay napadpad kami sa isang abandonadong mansyon na napaliligiran ng mga sunog na halaman at puno.

Pinagmasdan ko ang kabuuan ng paligid. Mukhang sinadya itong sunugin upang walang manirahang tao. Tahimik ang lugar. Maraming uwak at kuwago na nakakalat sa paligid.

Pakiramdam ko may nagmamanman sa amin, mas lalo na sa mga galaw ko. “Maui,” mahinang tawag ko sa ngalan niya. Marahan naman siyang lumapit sa akin.

“Tingin mo ba nandito ’yung sinasabi mong espada?”

“Oo, nasisigurado ko iyan. Kapag nakuha na natin iyon, aalis na tayo rito.”

“Kaya mo bang hawakan iyon? Noong sinubukan ko kasi siyang hawakan, lumabas ’yung kaluluwa ko sa sobrang bigat, e.”

Ilang segundo niya ako tinitigan at ayon na nga, tumawa siya sa harapan ko. Salubong ang kilay kong tiningnan siya.

“Bakit ka natatawa? Totoo kaya iyon,” pagpapakatotoo ko pang sabi. Tumango-tango lamang ito sa akin.

“Wala naman akong sinabing hindi totoo, e. Sadyang nakatutuwang pagmasdan ang iyong mukha kapag seryoso ka sa mga sinasabi mo.”

“O-Okay?”

“Hayaan mong ako ang magbuhat no’n para sa iyo, aking binibini.” Kumindat pa siya saka naunang lumakad papasok sa mansyon. Sumunod ako sa kaniya.

Nakaramdam ako nang hindi maipaliwanag na kaba dahilan para luminga-linga ako sa paligid. At noong ibinalik ko na kay Maui ang aking atensyon ay may biglang pumalo sa akin ng latigo. Mabilis iyong nakayakap sa leeg ko dahilan para mapahawak din ako sa aking leeg.

N-Nahihirapan akong huminga...

Dagliang iwinasiwas ni Maui ang espadang naging sanhi ng pagparito namin. Iyon ang nagputol sa latigong bumalot sa aking leeg. Habol-hininga akong napaluhod sa harap ni Maui.

Papikit-pikit akong nakipagtitigan sa sunog na sahig nitong abandonadong mansyon. Doon ko lamang napansin na nanlalabo na ang mga paningin ko. Sinubukan kong tingnan si Maui at iyon na naman siya. Ang nag-aalala nitong mga tingin sa akin ang kasalukuyan kong nakikita.

“Ayos ka lang ba? Binibining Jaiyana?”

Hindi ako umimik sa naging katanungan nito. Hinayaan ko lang siyang kausapin ako. Hindi ko alam kung anong mayroon sa latigong tumama sa akin at ganito kalala ang epekto nito sa buong katawan ko.

Marahan akong tinayo ni Maui at saka pinasakay sa likod nito. Patakbo siyang lumabas ng mansyon hanggang sa matunton na namin ang bangka sa daungan kung saan namin ito iniwan kanina.

Nakita ko si Alev na parang gustong sumugod sa kinaroroonan namin subalit sinenyasan ko siya na huwag. Ayoko siyang mapahawak. Huwag siyang magpapakita sa mga tao kung gusto pa niyang mabuhay.

Huminga ako nang malalim at pumikit. “Huwag kang pipikit!”

“Huwag kang maingay, inaantok lang ako. Hindi pa ako patay, Maui.”

“Masyado mo akong pinakaba kanina tapos nagagawa mo pang magsalita nang ganiyan? Umamin ka nga, pinaglihi ka ba sa sama ng loob ha?”

Kahit na malabo ang paningin ko ay sinubukan ko pa rin siyang titigan. Sinamaan ko siya ng tingin at hinayaan siyang kumilos.

Hindi niya ako kinontra sa reaksyon ko bagkus ay hinayaan niya lamang ako na titigan siya nang masama. Hindi ko alam kung maiirita o maasar ba ako sa ginawa niya, tsk.

Nagsagwan siya palayo sa isla at nang nasigurado nitong malayo na kami at sa pangalawang pagkakataon, siya muli ang gumamot sa akin.

“Sinabihan naman na kitang huwag kang lalayo sa akin. Paano na lang kung wala ako roon? E, ’di, patay ka na.” Nanginginig ang kamay niya habang ginagamot ako. Subalit hindi naapektuhan ng panginginig niya ang paglunas nito sa akin.

“Hay nako, binibini. Pasalamat ka may Maui kang kasama, tsk-tsk.” pagyayabang pa nito.

Umiling ako bago nagsalita muli. “E ’di, maraming salamat?”

“Ayan, magaling!” Pareho kaming ngumiti ni Maui sa isa’t isa subalit walang ano-ano’y bigla kaming natigilan dahil sa isang hindi pamilyar na boses.

Nawala ang ngiti ko sa aking mukha nang makita ko kung kanina nagmula ang tinig na nag-antala sa pag-uusap namin ng manggagamot ko.

“Ang ingay n’yo naman, natutulog ’yung tao rito, e.”

Isang bata ang lumabas mula sa kasulok-sulokan nitong bangka. Maliit lang ito kaya kaysa siya roon. Kunot-noo ko siyang tiningnan saka tumingin sa himpapawid.

Mataman kong tinitigan si Alev. “Kanina pa siya rito?” Nakita kong tumango lamang ang kasama naming dragon.

Huminga ako nang malalim. Kahit papaano ay luminaw na ang aking paningin ngayon. Kita ko nang walang panlalabo ang kabuuan ng itsura nitong batang... sandali, bakit pala siya narito sa bangka namin?

“Saan ka galing? Anong tribo mo?” saad ni Maui na mukhang seryoso rin sa pagtatanong sa bata.

“Humavo.”

“At bakit ka natutulog sa bangka na hindi naman sa iyo?”

“Aba, wala namang nakalagay na anumang patunay rito na pagmamay-ari n’yo nga ito.”

“Aba’t sumasagot ka pa.”

“E, sa nagtatanong ka.”

“Tingnan mo nga naman, oh. Sa sobrang suwerte ko dalawang bato pa ang makakasama ko. Akala ko isa lang,” pasaring ni Maui na batid kong ako at itong batang kasama namin sa bangka ngayon ang tinutukoy niya.

“Anong ibig mong sabihin sa bato, Maui?” tanong ko na may bahid ng pagbabanta. Mukhang nakaramdam naman siya dahil nakita ko ang paglunok niya.

“Isang masungit, isang prangka. Oh, ’di ba? Parehong bato—aray! May sadista pa nga,” komento nito sa ginawa ko. Binato ko lang naman siya ng baston ko.

“Oo nga pala. Anong pangalan mo?” Hinayaan kong interbiyuhin ni Maui ang bata. Taimtim lang akong nakinig sa usapan nilang dalawa.

“Osiris.”

“Osi!”

“Osiris nga,” pag-uulit pa ng bata sa nasabi nitong pangalan niya. “E, sa gusto ko Osi ang itawag ko sa iyo, bakit? May angal? Ibabalik kita sa Nakawie Island, sige.”

“Tsk. Bahala ka.”

“Tingnan mo itong batang ito, ikaw na yata ang batang lalaking version ni Jaiyana.”

“Jaiyana? Sino iyon?” usisa nito. “Ako,” singit ko saka nakipagtitigan sa bata. Doon niya lang siguro napansin na mayroon siyang kasama ngayon na isang babae.

Nakita ko ang masinsinang pag-eksamin sa akin ng batang kasama namin sa bangka. Muli nitong ibinalik kay Maui ang atensyon niya. Pinasawalang-bahala ko na lang ang ginawa nito at nagpasyang ipahinga ang aking sarili.

“Ilang taon ka na pala?” usisa pa ni Maui sa bata.

“Kapipitong taong gulang ko pa lang,” tugon nito. “Ikaw ba?” balik-tanong niya sa kausap nito.

“Anong ako?” ani Maui na animo’y inosente pa ang itsura. “Anong pangalan mo naman kako?” dagdag pa ng batang lalaki sa nauna nitong sinabi.

“Ah, ako si Maui. Iyon naman si Alev,” pagpapakilala niya sa kaniyang sarili at sa dragon na kasama namin.

“Alev?”

Napatingin sa kalangitan si Osiris at doon ay nakita ko ang pagkamangha nito sa kaniyang nakita.

“D-Dragon...”

“Ay, oo. Nakalimutan kong sabihin na dragon nga pala si Alev.”

“Woah.”

“Masyado ka yatang namamangha, bata. Hindi ligtas na sumama sa amin. Dapat ka ng umuwi sa inyo. Saan ka ba nagmula?” makabuluhang wika ni Maui kay Osiris.

“Ahm, maaari ho bang dito na lang ako?”

“Hindi,” sabat ko sa kanila. Seryoso kong tiningnan ang bata. Yumuko ito at tumikhim.

“W-Wala na kasi akong pamilya, e. Ako na lang mag-isa. Wala na rin namang silbi ang pag-uwi ko kung wala naman akong sapat na rason para umuwi.”

“Sabagay,” tugon ni Maui. Kaagad ko siyang sinipa. Nakuha ko ang atensyon nito, tingin siya sa akin. Tiningnan ko siya pabalik.

Iyong tingin na, kung-hindi-mo-siya-mapapaalis-ikaw-paaalisin-ko.

Ngunit mukhang walang plano itong si Maui na gawin ang sinasabi ko sa kaniya sa pamamagitan ng tingin.

“Sige, dito ka na muna pansamantala. Sapat naman itong pagkain na nabitbit ko, e. Pagkakasyahin na lang natin ito.”

“Maraming salamat!” Matamis na ngumiti ang bata kay Maui habang ako naman ay naaasar dahil hindi niya ako pinansin. Hindi niya ako sinunod.

Paano na lang kung mapahamak si Osiris? Paano kung mamamatay siya dahil sa amin? E ’di konsensiya ko na naman kalaban ko nito, tss.

Isang bumbilya ang biglang tumunog sa loob ng isip ko. Doon ay isa-isang nanumbalik sa isip ko ang ilang eksena mula napanaginipan ko kanina.

Hays.

Ayaw kong may madamay pa. Iyong panaginip ko kay Maui, sapat na iyon bilang dahilan upang maghigpit ako.

Sa tingin ko ay isa na itong banta o dili kaya’y isang simbolo upang mag-ingat kami dahil paniguradong sa mga susunod na araw ay may mga darating nang hindi maganda na siya namang hugyat na...

...maaaring hindi kami mabuhay sa huli.

Natigilan ako sa aking taimtim na pag-iisip nang may makita akong babae sa harapan namin. Hindi makasagwan si Maui dahil nakaharang ito.

Nakalutang sa tubig ang babae na nakakapa rin ng kulay lila. Kapareho ng suot ni Maui. Subalit napansin ko na seryoso silang nakatitig sa isa’t isa.

“Oh, ikaw na pala ito mahal kong kapatid?” may halong pang-aasar na saad ng babaeng humarang sa amin.

Nakita ko paano nagbago ang maaliwalas na mukha ni Maui. Napakuyom ang kamay nito at matalim na tumitig sa babae.

Maaari kayang siya si. . . Mavi?











Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top