JOURNEY 4

Ikaapat na Paglalakbay:
La Isla Volcana

[ Jaiyana’s Point of View ]





“Minsan talaga ang sarap mong ibalibag, Maui.” Seryoso akong tumitig sa kasalukuyan nitong puwesto. Salubong ang dalawang kilay nito noong napatingin sa akin nang marinig nito ang iniusal ko.

“At bakit?” maangan pa niyang sabi saka ako tinaasan ng kilay. Aba.

“Tingnan mo ’yung ginawa mo,” saad ko habang matamang nakatingin sa kaniya. Dahan-dahan naman siyang napatingin sa puwesto ko kung saan ako nakatayo ngayon.

“Ay, hehe. Ipagpaumanhin mo po, binibini.” Dali-dali siyang nagtungo sa tinitigan kong puwesto. Pasimple pa siyang ngumiti sa akin para siguro ay hindi na ako mainis sa kaniya.

“Tsk,” singhal ko saka pinasawalang-bahala ang tinuran nito. Hinayaan kong ayusin niya ang ginulo niyang gamit ko na siyang nakatago naman sa liblib na parte ng bangka namin.

“Bakit ba ayaw mo pang itapon itong mga armas mong sira na? Bakit dinadala mo pa rin sila kung hindi mo naman na magagamit?” usisa niya matapos maayos ang ilang gamit ko.

“Iyan na lang kasi ang natitirang alaala na mayroon ako mula sa yumao kong pamilya.” Tila’y walang ganang tugon ko sa kaniya.

“Ah... dahil ba sa digmaan?” Hinuha niya sa nangyari. Huminga ako nang malalim bago ko siya sinagot.

“Hindi,” direktang tugon ko. Napansin ko namang natahimik ito saglit kaya nagpatuloy ako sa pagsasalita.

“Matatanggap ko sana kung dahil sa digmaan, e. Subalit hindi. Dahil sa paglusob na ginawa ng ibang tribo kaya nawala silang lahat,” nanginginig kong usal.

Hindi ko namalayan na napakuyom na pala ang aking kamay. Ramdam ko ang pagtaas ng aking dugo at bago pa man ako sumabog ay pinilit kong pakalmahin ang aking sarili.

“Patawad, hindi ko na pala dapat tinanong.”

Nabalik ako sa ulirat nang marinig ko ang tinig nito, tumabi siya sa akin. Ngayon ay pareho kaming nakatitig sa kasalukuyang alon ng karagatan kung nasaan man kami ngayon.

“A-Ayos lang. . . matagal na rin naman iyon,” malumanay kong wika sa kaniya dahilan upang ngumiti ito sa puwesto ko. Hindi ko siya nginitian pabalik. Nagpatuloy na lamang siya sa pagsagwan papunta sa susunod na isla.

Kung sa misteryosong isla na tinatawag nilang Isla de Globo ay isang malamig na isla na pinamumugaran ng mga hindi maipaliwanag na klase ng nilalang kagaya ng bampira at asong lobo. Sa susunod na isla naman ay kabaliktaran ng naunang isla na napuntahan namin.

La Isla Volcana...

Naikuwento ni Maui sa akin kanina na ang islang ito ay mainit dahil sa napapaligiran ito ng iba’t ibang klase ng bulkan. Ibig sabihin, tugma ang pangalan ng isla sa kung ano ang nakapaloob rito.

Pinamumugaran din daw ito ng iba’t ibang klase ng mababangis na uri ng hayop katulad na lamang ng ahas, lizards, foxes, alakdan at. . . mga dragon.

Kung sa Isla de Globo, parang walang buhay ang gubat doon. Sa La Isla Volcana naman ay literal na walang gubat dito sapagkat madalas sunog ang lupa sa islang ito.

Kung may tumubo man na halaman, iyon ay mga halamang hindi maaaring kainin ng isang tao dahil pinaniniwalaan na lason ang mga ito na maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng isang tao.

“Narito na tayo,” singit ni Maui dahilan upang maantala ang aking pag-iisip.

Mataman kong pinagmasdan ang paligid. Naghahalo ang kulay dilaw, itim at pula sa kabuuan ng isla. May mangilan-ilan ding puno at halaman ang makikita rito subalit, kung titingnan mo ang kanilang mga kulay, halatang patay ang puno at halamang naririto sa isla.

At totoo nga ’yung sinabi niya sa akin kanina... mainit ang islang ito.

Sa sobrang init ng lugar parang gugustuhin mo na lang maghubad ng suot mong damit pero syempre, wala akong balak na gawin iyon. Hindi pa man kami ganoon kalapit sa isla ay nararamdaman ko na ang pagpatak ng pawis mula sa aking anit pababa sa aking noo.

Marahang naitabi ni Maui ang bangka namin sa baybayin ng isla. At wala pa ngang isang minuto ay ramdam na ramdam ko na agad ang pamumuo ng pawis ko sa kabuuan ng aking katawan. Partida, hindi pa kami nakakababa sa bangkang sinakyan namin.

“Ang init!” mariing reklamo ni Maui nang mauna itong tumapak sa lupa ng isla. Tumalon-talon pa ito sa harapan ko at saka sumabit sa isang matandang puno na wala kahit isang mga dahon.

“Grabe, alam kong mainit ang islang ito ngunit hindi naman ako nasabihan na ganito pala kainit, nakapapaso!” dagdag sambit pa nito.

Sandali akong napailing sa itsura niya. Kung ordinaryong babae lang siguro ako ay hagalpak ang aking tawa dahil sa naging senaryo ni Maui. Pero ayon, aminado naman akong hindi ako natutuwa ngayon.

Nakadagdag pa na mainit sa lugar ito kaya ito, umiinit na rin pati ang ulo ko sa sunod-sunod na pagtagaktak ng aking pawis. Wala bang kahit katiting lang na hangin rito?

“Paano na tayo makapupunta sa gitnang parte nitong isla kung dito pa lang ay hindi na tayo makatagal?” patanong kong komento sa kaniya.

Ilang beses siyang kumurap sa akin. “Oo nga, ano?” Napailing ako sa kaniya. Huwag niyang sabihin na hindi niya naisip iya—

“Bakit hindi ko naisip iyon?” Awtomatikong nagsara ang napaawang kong bibig. Ayaw ko na lang magsalita, oo. Kasasabi ko pa lang, e.

Nasa bangka pa rin ako, nakaupo. Kasalukuyang nakatingala sa gawi niya kung saan nakasabit pa rin siya sa kulay itim na sanga ng isang matandang puno. Ang tibay nga ng punong hinawakan niya kasi sa bigat niya e, hindi pa rin nababali ang sanga ng punong pinaglambitinan nito.

“Gusto mo bang kumuha na lang tayo ng sasakyan upang tuluyan na nating mapuntahan ang kaloob-looban ng islang ito?”

Dagliang nanliit ang dalawang mata ko sa nasambit nito. Hindi kaagad ako umimik. Hinayaan ko munang magproseso ang aking utak.

Sasakyan?! Sa ganitong uri ng isla? Seryoso ba siya riyan?

“Ha? Nahihibang ka ba? Sa tingin mo ba may masasakyan pa rito e, ang init-init ng islang ‘to?” sunod-sunod kong tanong na tinawanan niya lang. Sinamaan ko siya nang tingin.

Ilang sandali pa ay tumikhim ito bago nagsalita muli. “Sino ba kasi nagsabi na ordinaryong sasakyan ang tinutukoy ko?” balik-tanong niya saka tumingala sa makulimlim na kalangitan.

Doon kasi tumingin si Maui kaya ito, ginaya ko rin siya. Parang uulan na hindi ang itsura ng ilang kalat na ulap sa lugar na ito.

Nangunot ang aking noo sa nakita kong tinitingnan niya. Noong tumingala ako ay doon ko nakita ang samu’t saring mga hayop na lumilipad. Mga dragon yata ito, ibang uri nga lang dahil iba ang itsura nila sa kinagisnan kong imahe ng isang dragon.

Maliliit sila subalit ang mga pakpak nito’y mas malaki kaysa sa katawan nila. Ang kanilang mga mata’y bilog samantalang ang kabuuan ng kanilang mukha ay iba-iba ang hugis.

“Hindi tayo makatatagal kung paa natin ang gagamitin para makapasok sa isla,” dagdag sambit pa ng kasamahan ko na tinanguan ko na lang bilang pagsang-ayon.

Ilang minuto pa ay bumitaw na ito sa punong hinawakan niya. Bakas sa mukha nitong tinitiis niya ang init ng lupa na kasalukuyang tinatapakan nito. “So? Anong dapat nating gawin ngayon?” usisa ko. Umaasang may plano na siya sa utak niya na siya namang aming gagawin.

“Kailangan natin ng dragon upang makalipad tayo patungo sa loob nitong isla at para na rin makita natin nang mas malawak ang kabuuan nito,” wika nito habang nakatingala’t taimtim na nakamasid sa mga hayop na lumilipad ngayon sa kalangitan na nasa ibabaw nitong isla.

“Kung gayon, paano natin magagawa ‘yang sinasabi mo?” walang ganang tanong ko. Mabilis naman itong tumingin sa puwesto ko at ngumiti.

“Madali lang! Gagamitin natin ito,” aniya saka nagpakita ng dalawang patay na manok na nanggaling sa kaniyang bulsa.

Sandali nga. Paano nagkasya iyon sa bulsa niya!?

Hindi kaagad ako nakapagsalita at sandaling nanahimik. Napagpasyahan ko rin na bumaba na mula sa bangka at noong tuluyan ko ng natapakan ang lupa ng isla ay napapikit ako sa sobrang pagtitiis. Huminga ako nang malalim.

Ang init nga ng lupa, sobra.

Ramdam kong napapaso na ang paa ko kaya sinubukan kong maglakad-lakad baka sakaling mawala ang init nito subalit gano’n pa rin, mas umiinit pa nga lalo kapag naglakad ka. Muli kong iminulat ang mata ko at doon ay sandali akong nagmanman sa paligid.

Doon ko lang din napansin na may mga kabute sa paligid. May ilang halaman na tumutubo rito na hindi naman ordinaryo ang itsura at mga kulay. Karamihan sa mga ito ay kulay lila at itim.

Hindi na ako magtataka pa kung bakit bawal itong kainin. Kung normal na tao lang ang makakikita nito, paniguradong hindi rin niya gugustuhing kumain ng mga halamang makikita rito dahil. . . hindi isa pang-aano pero tunay ngang nakadidiri ang itsura ng mga ito at para bang hindi siya ganoon kaaya-ayang ilagay sa tiyan ng isang tao.

May mangilan-ilan ding bato ang nakakalat dito. Sa katunayan, maraming bato sa lugar at sa sobrang dami ng bilang nito ay aakalain mong kaya ito naging isla ay dahil sa malalaki at maliliit na tipak ng bato na siyang dahilan upang maging patag ang islang ito.

Walang liwanag na makikita sa isla, tanging ang mga bagay na lumalabas sa bulkan ang nagpapaliwanag sa paligid. Huminga ako nang malalim saka taimtim na nag-isip.

Paano na kami nito ngayon? Sa init ng temperatura nito ay tunay ngang nakapapaso ito kung kaya’t hindi na ako nagulat pa kung bakit tumalon at lumambitin sa sanga ng puno si Maui kanina.

“Natatakot ka ba, binibini? Maaari naman na ako na lang ang mauna upang malaman mo kung paano magpaamo ng drago—”

“Hindi, huwag na. Kaya ko,” sunod-sunod kong sabi saka kinuha ang isang buong patay na manok mula sa kaliwang kamay nito.

Nakita ko namang ngumisi siya sa akin at sumunod sa paglalakad ko papasok ng isla. Lumapit siya sa akin at pasimpleng sinabayan ako sa aking paglalakad. “Kahit kailan talaga pasaway ka. . . alalahanin mong kagagaling lamang ng mga sugat mo ha,” paalala nito sa akin.

Sa katunayan nga ay katatanggal lamang ni Maui ng benda ko sa leeg kani-kanina lang. Huwag siya ano riyan, malayo naman sa bituka ’yung sugat kaya mabilis lang ako gumaling. At dahil hindi na kaya ng paa kong tumagal pa sa pagkakatapak ko sa lupa ng isla ay nagpasya akong tumalon.

“Isa, dalawa. . . tatlo.” Bumwelo muna ako, naghanap ng isang matayog na puno at doon ay tumalon ako nang mataas upang maabot ko ang tuktok nito. Nakisabay ako sa mainit na hangin na nanggagaling sa isla.

Hindi ko ginaya si Maui na lumambitin sa sanga ng puno. Pinili kong tumayo sa ibabaw ng sanga ng isang patay na puno at napabuntong-hiningang pinagmasdan ang paligid. Tama nga ako. Tanging ang mga bagay na inilalabas lang ng bulkan ang nagpapaliwanag sa buong lugar.

At sa hindi inaasahan ay nakasunod sa akin si Maui. Magkatabi ang puno na pareho naming puwesto ngayon. Presko siyang nakatalon sunod sa akin at ngayon ay pareho na kaming nakatayo sa sanga ng punong tinalunan namin. Pasimple akong kumapit sa katawan ng puno kung nasaan man ako ngayon.

Napansin kong naghahalo ang kulay itim at lila sa ilang kupas na dahon nito. May mga kabute rin siyang nakapuwesto sa iba’t iba nitong parte at syempre, mainit pa rin subalit hindi na ito kasing init ng lupang tinapakan namin kanina.

Kumbaga, dahil sa mainit na hangin ng isla na siyang sumasalubong sa amin ngayon dito sa kasalukuyang puwesto namin ni Maui ay nababawasan ang init na dulot ng mainit na likidong nagmumula naman sa mga bulkang makikita rito. Dulot siguro ito ng puwesto namin. Malapit kasi kami sa langit, e.

Huminga ako nang malalim at saglit na tumingin sa gawi ni Maui. Nagulat na lamang ako dahil nasa akin din pala ang tingin nito. Nakaupo siya’t nakatitig sa akin.

Salubong ang kilay kong tiningnan siya. “Anong tinitingin-tingin mo riyan?”

“Wala lang. . . ang ganda lang kasi ng tanawin mula rito,” komento nito. Mabilis niyang iniwas ang paningin nito sa akin saka tumingin sa mga bagay na tinitingnan ko lang din kanina.

Napailing ako at hinayaan na lamang ito. “Tss,” singhal ko na lang at itinuon ang aking atensyon sa hawak kong patay na manok.

“Sandali. . . paano ba ito?” bulong ko sa sarili ko nang mapagtanto ko ang ginagawa ko.

Naisipan kong iwagayway ang kamay ko habang hawak ko ang manok subalit mukhang. . . mali yata ang aking ginagawa. Mariin akong napapikit at dahan-dahang tumingin sa puwesto ng kasama ko.

Sinasabi ko na nga ba’t tinatawanan na naman ako nito.

“Tingnan mo ’to, hindi pala alam gagawin...” natatawang komento pa ni Maui sa akin.

Mataman ko siyang tiningnan saka muling tumingin sa bitbit kong patay na manok. Ilang sandali pa ay walang ano-ano ay kumuha ng isang sanga si Maui, galing sa isang patay na puno at doon ay inilagay niya yaong manok na hawak nito.

Sinundan ko ang proseso niya at wala pa ngang ilang minuto ay may biglang pumuntang dragon sa gawi ni Maui. Pinakain niya iyon saka tinalian ng dala-dala nitong lubid. Doon ay walang kahirap-hirap na nakasakay si Maui. Hindi ko alam kong dapat ba akong maasar o mairita sa ginawa niya.

Bigla kasi siyang ngumiti sa puwesto ko dahilan upang magitla ako at umiwas ng tingin sa kaniya. Ngayon ay nakasakay na siya sa dragon na nakuha nito, sinubukan pa niya maglaro sa himpapawid habang nagpapalipad ito.

Kung kinaya niya, mas kakayanin ko.

Itinaas ko ang hawak kong manok, iwinagayway ko ito at iyon na nga, maski isa wala talagang lumapit sa akin. Napapaisip tuloy ako kung bakit. Nakangisi lang si Maui sa akin na para bang natutuwa pa siyang wala akong nakuhang dragon. Tsk.

Kainis! Paano ako makasasakay nito!?

“Mukhang inaayawan ka yata nila, binibining Jaiyana.” Hindi ako umimik sa parinig ng kasamahan ko bagkus ay nag-isip pa ako ng ibang paraan upang matapos ko ang kasalukuyan kong misyon na makakuha ng lumilipad na dragon upang mas malakbay namin ang kabuuan ng isla.

“Sa akin ka na lang sumaka—”

“Ayoko,” prangkang tugon saka nagpatuloy sa pagwagayway ng patay na manok.

“May puwesto pa naman dito sa likod ko e,” suhestiyon pa nito sa akin. Pinasawalang-bahala niya ang agarang pagtanggi ko sa kaniya.

“Ayoko nga sabi,” pagmamatigas ko pa.

Bumuntong-hininga ako. Sa huli ay napapayag niya rin ako. Nakakairita nga lamang dahil sa tuwing nakikipagtalo ako sa kaniya, siya parati ang panalo, tss.

Sa harapan niya ako pinaupo, siya naman ang nakapuwesto sa bandang likod at may hawak sa tali na ginamit niya upang makontrol ang dragon. Lumipad kami hanggang sa matagpuan namin ang aming mga sarili na namamangha sa isla dahil sa kabuuan nito. Hindi maikakaila na may aking ganda ang isla.

Maliban sa nakasusulasok nitong amoy dulot ng iba’t ibang pagsabog na nakikita kong nanggagaling sa mga aktibong bulkan ay mayroong mga halaman nga talagang tumutubo rito na siyang nagiging dahilan upang magkakulay kahit papaano ang islang ito. Para bang may korte ang isla na masasabi mong maganda nga itong tingnan kung nasa himpapawid ka.

Doon ko napagtanto na isa itong isla na napapaligiran ng mga bundok. Sa gitna naman nito, doon ay makikita ’yung iba’t ibang mga bulkan na sumasabog. At iyong una naming napuntahan, isa pala iyong nakaumbok na lupa na nagsisilbing tarangkahan nitong isla.

“Alam mo ba na ang bawat bulkan na nakikita mo ngayon ay pinamamahayan ng mga dragon?”

“Ha? Hindi,” pagpapakatotoo kong sabi saka matamang tumingin sa paligid. “Kumbaga sa isang bulkan, isang dragon ang may-ari no’n,” kuwento pa niya na tinanguan ko na lamang.

“E, bakit nag-iipon sila ro’n?” usisa ko saka tinuro ang isang pinakamataas na bulkan na sa pakiwari ko ay nagpapahiwatig na nasa gitna na kami ng isla.

Sa kasalukuyan ay doon nagsisiliparan ang mga dragon papunta sa iisang direksyon at dahil sa kuryosidad ay napagdesisyunan namin na sundan iyon.

Nag-iikutan ang mga dragon ngayon doon sa pinakamataas na bulkan na sa pakiwari ko naman ay hindi pa sumasabog at wala pa ngang isang minuto ay doon lang ito sumabog.

Ahm... kaya ba pinupuntahan ito ng mga dragon na nakikita namin ngayon ay upang maalalayan nila ito sa pagsabog?

Mabilis na pinalipad ni Maui ang dragon na sinasakyan namin at lumayo sa bulkan. At dahil marahas niyang nahila ’yung tali. Nawalan kami ng balanse dahilan upang malaglag ako.

Dagliang hinawakan ni Maui ang aking kamay subalit dahil malakas ang hangin sa kinaroroonan namin ay wala pang isang minuto ay nabitawan niya rin ako.

Napasigaw ako nang malakas. Pumikit ako at taimtim na nanalangin. H-Hindi pa ako maaaring mamatay ngayon...

At mula sa senaryong iyon. Bigla ko na lang naramdaman ang sarili ko na para bang may nahigaan akong kung anong lumilipad na bagay. Muli kong binuka ang dalawang talukap ng aking mata at doon ay muli kong nasilayan ang hinahanap namin ni Maui.

“Ang layo naman ng nilakbay mo para magpakamatay ka lang sa islang ito.” Ilang beses kong kinurap ang mga mata ko at sa hindi ko malamang dahilan, ngumiti ako.

Sa wakas! Nagkita ulit tayo, dragon.

“Ikaw nga. . . sandali, nagsasalita ka?” kunot-noong paninigurado ko pa. Baka mamaya ay kathang-isip ko lamang ito.

Tumango naman ito sabay iling sa akin. Ngayon ay nakasakay ako sa kaniya at ewan ko ba, wala siyang tali o ano pero kontrolado ng dragon ang sarili niya. Nakapagtataka lamang dahil hinayaan niya akong sumakay dito.

“Narinig kita huwag kang sinungaling, ayaw ko sa ganoon.” seryoso kong sambit saka inayos ang aking sarili. Umupo ako at marahang hinawakan ang leeg nito.

“Tsk. Oo na, nagsasalita nga ako. Masaya ka na?” aniya. Mabuti naman at hindi ko ito guni-guni. “Ah, okay...” nasabi ko na lang nang maramdaman ko ang galit nito.

Sandali, bakit naman ito magagalit sa akin? Wala naman akong ginagawa, ah?

“H-Hindi ka ba natatakot sa akin?” usisa nito nang mapansin niyang tumahimik na ako.

“At bakit naman ako matatakot sa iyo?” balik-tanong ko sa kaniya. Hindi siya nagsalita kaagad dahilan upang isipin kong nagdadalawang-isip siya na kausapin ako. “Sa lahat ng dragon na nakikita mo ngayon dito, ako lang ang bukod-tanging nagsasalita.”

“Oh, tapos?”

“Seryoso ka ba sa reaksyon mo na iyan?”

Ha? Ano ba dapat ang reaksyon ko, aber?

Huminga ako nang malalim. “Sa dinami-rami ng mababangis na hayop na nakasagupa ko, bata pa lamang ako. Ngayon pa ba ako matatakot gayong alam ko naman sa sarili ko na iniligtas mo ako noon?” anas ko. Binalewala ko ang nasabi ng aking isipan.

“Anon—” Hindi niya tinuloy ang gusto niyang sabihin at dahil hindi ko naman alam ang sasabihin ko, nanahimik ako. “Sandali, naaalala mo? Akala ko wala kang malay no’n,” kuwento niya na sinang-ayunan ko naman.

Totoo naman kasi. Nagkamalay lang ako no’n dahil sa anting-anting na ibigay ni Maui sa akin.

“Malabo man sa aking paningin, alam ko ang pintig mo.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Malakas ang aking pandama, kahit nakapikit ako, makikilala pa rin kita. Hindi pa nga ako nakapagpapasalamat sa iyo, e.” sinsero kong sabi saka muling ngumiti sa kaniya.

“Maraming salamat sa pagligtas at sa pagdala sa akin sa kinarorooonan ni Maui.” Hinawi ko ang balat nito.

“Maui? Ah, iyong kasama mong lalaki na parating nakasuot ng kulay lilang kapa...” sambit niya. Tumango ako bilang tugon. “Tama, siya nga.”

Walang ano-ano’y mas tumaas ang paglipad nito. Lumayo ito sa bulkan at pumantay sa dragon na pinapalipad ni Maui. “Binibining Jaiyana!” mariing sigaw nito sa ngalan ko dahilan upang tingnan ko siya. Kumaway ito habang umiiyak na tumitig sa kalagayan ko.

At ewan ko ba, parang nagiging panatag ako dahil alam kong ngayon e, may nag-aalala na muli sa akin.

Kailan ko nga ba huling naramdaman na mayroong nag-aalala sa akin? Ngayon na nga lang yata ulit, e.

Wala sa sariling napangiti ako sa gawi ni Maui at nagpasalamat sa kaniya. “Akala ko kung napano ka na, binibini.” Nakangusong aniya sabay pahid sa kaniyang mga luha.

“Huwag ka mag-alala, Maui. Nahanap na natin ang kailangan natin sa islang ito. Maaari na tayong umalis.” Bakas ang kagalakan sa aking tinig at alam kong ramdam iyon ng kasama ko.

Pagkatapos kong sabihin iyon ay sabay na nag-iba ang direksyon namin ni Maui. Ang dragon na sinasakyan ko na mismo ang kusang lumiko upang makapunta kami sa labas nitong isla. Sa lugar kung saan namin iniwan ang bangka namin ni Maui.

“Ay siya na ba ang dragon na ’yon?!” hindi makapaniwalang saad ni Maui saka nakipagtitigan sa dragon na kasalukuyang sinasakyan ko.

“May pangalan ako at hindi iyon dragon.”

“Ano?”

“Alev, iyon ang aking ngalan.”

“Alev” pag-uulit ko sa nasabi niyang pangalan. Naninigurado lang baka mali ako, e.

“Isang turkish name na nangangahulugang fire,” dagdag paliwanag pa ng hayop na kasalukuyan kong sinasakyan. Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon sa nasabi niya.

Alev... fire... apoy...

“Sabagay. . . mukhang tugma naman ang pangalan mo sa iyong kulay ng balat dahil kakulay nga ito ng apoy,” wala sa sariling bulong ko.

“Parang ganoon na nga,” tugon nito. Napagitla ako dahil narinig niya pala ’yung sinabi ko. “Alev daw ang pangalan niya, Maui.” Nakita kong tumango si Maui na para bang naiintindihan niya ang nasabi ko.

“Ikaw?” ani ng dragon ay este ni Alev.

“Ako o itong kasama ko?” paninigurado kong tanong. “Ikaw, binibini. Alam kong Maui ang pangalan ng kasama mo dahil nabanggit mo na siya kanina.” Tumango na muna ako bago tumugon.

“Ang pangalan ko ay Jaiyana.”

“Masaya akong makilala ka, binibining Jaiyana.”

“Gayon din ako sa iyo, Alev.”

“Alev!” Naantala ang pag-uusap namin ni Alev nang biglang sumingit si Maui. Napatingin ako sa puwesto ng kasama ko at nakita kong seryoso itong nakatingin sa akin na para bang may ginawa akong masama. Kunot ang aking noong napatitig sa kaniya.

“Ano?” sagot ni Alev sa kaniya.

“Ang espada? Nasaan?” usisa nito. Doon ko lang din naalala ‘yung croze sword na siyang dahilan upang puntahan namin ni Maui ang Isla de Globo na iyon.

“At bakit ninyo naman hinahanap ang espadang iyon sa akin?”

“Kasi nakita kong tinanggay mo iyon,” sabat ko sa usapan nilang dalawa.

“Huli na kayo, nabitawan ko iyon mula sa kung saan.”

“Hindi ako naniniwala. Sinadya mo iyon, Alev. Saan mo nabitawan?”

“Sa Nakawie Isla—”

“Sandali nga. Magkakilala ba kayong dalawa?” singit ko nang makaramdam ako sa sagutan nilang dalawa. Sa tono at base na rin sa kanilang linyahan, para bang hindi na sila bago sa isa’t isa?

“Hindi ah!” sabay nilang tugon dahilan upang mas lalo akong magtaka. Mayroon ba silang inililihim sa akin?

“Paano mo naman nasabing magkakilala kami, aking binibini?” pasimpleng tanong ni Maui sa akin.

Saglit akong tumahimik. Naalala ko si Kuya Flux. Umiling ako. Patay na siya Jaiyana, si Maui ngayon ang kasama mo. Napalunok ako at huminga nang malalim.

“Kasi ’yung paraan ninyo ng pakikipag-usap sa isa’t isa, parang magkakilala kayo na ewan.” Nakatungong sambit ko.

“Mukha lang ngunit hindi,” direktang saad ni Alev na siyang dahilan upang hindi na ako umimik pa ngunit ilang sandali pa ay muli na naman umentrada si Maui.

Ang daldal talaga...

“Ay nga pala, dragon ka ba talaga?” Mariin akong napapikit sa narinig ko. Huminga ako nang malalim saka muling tumingin sa gawi ng kasama ko.

Ang lalaking ’to talaga kahit kailan.

“Anong klaseng tanong iyan, Maui? Hindi mo ba nakikita ang itsura niya?”

“Binibini, hindi normal na nakapagsasalita ang isang tunay na drago—” Hindi natapos ni Maui ang gusto niyang sabihin nang biglang nagsalita si Alev. “Isa lamang akong ordinaryong tao noon na sinumpang maging dragon.”

“Sumpa?” wala sa wisyo kong wika sa nasabi nito. “Bakit ka sinumpa?” dagdag ko pa. “Hindi ko alam. Nang dahil mangkukulam na iyon. . . kapag talaga nagkita kami, sisiguraduhin kong magbabayad siya.”

“Bakit hindi ka sumama sa amin nang mahanap mo ang tinutukoy mong mangkukulam na sumumpa sa iyo para maging dragon ka?”

“Sumama? Bakit? Saan ba kayo patungo?” sunod-sunod nitong tanong dahilan upang bumuntong-hininga muna ako bago nagsalita. Si Maui naman ay kumindat at ngumisi lamang.

“Sa islang tinagurian nilang. . . the sleeping island.”









Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top