JOURNEY 2

Ikalawang Paglalakbay:
The Assassin Hunters

[ Jaiyana’s Point of View ]





Kagaya nga ng sinabi no’ng matandang ermitanyo ay daglian kaming naglayag papunta sa islang tinutukoy niya. Mataman ko siyang tinititigan habang nagsasagwan ito sa bangka na syempre binili ko.

Wala raw kasi siyang pera na pambili at pinagkamalan pa niya akong mayaman, kaya ako na lang din ’yung kusang nagbayad no’ng bangka na siyang gamit namin ngayon.

“Maui, iyon ang pangalan ko at hindi ako ermitanyo ha.”

“Ha?” wala sa wisyo kong reaksyon sa tinuran nito.

Paano niya nalaman ang nasa isip ko? Ay sandali nga, nasabi ko ba iyon sa kaniya kanina?

“Halata sa mukha mong pinag-iisipan mo akong matanda. Hindi ako matanda ’gaya ng sinasabi nila. Baka nga kaedad mo lang ako, e.” depensa pa nito sa akin.

“Ah...” ani ko saka tumango at panandaliang tumingin sa maaliwalas na ulap na ngayon ay nakakalat sa buong kalangitan. Ilang minuto lang ay nagsalita muli si Maui.

“Ikaw? Anong pangalan mo?” baling muli sa akin ng kasama ko dahilan upang saglit ko ring tiningnan ang kasalukuyang puwesto nito.

“Jaiyana,” tipid kong tugon saka tumingin sa kalmadong alon ng karagatan.

“Saang tribo ka naman nabibilang?”

“Mas mabuting huwag mo na lang tanungin kung gusto mo pang mabuhay,” malamig kong sabi nang hindi tumitingin sa kaniya.

“Eh? Hindi ka naman siguro galing sa Ebba Tribe ‘di ba?”

“Hindi,” tugon ko rito.

Sila nga ang aking pinakadahilan kung bakit ako nagagalit sa mundong ginagalawan ko ngayon, e.

Mas lalo akong naiinis kapag naalala ko kung anong klaseng pamahalaan ang namamahala sa amin sa kasalukuyan. Hindi ko sila mapapatawad sa ginawa nila sa bayan ko.

“Grabe, ang ganda mo kausap. Isang tanong, isang sagot,” komento ni Maui sa paraan ko ng pakikipag-usap sa kaniya.

“Ganoon naman dapat, hindi ba?” balik-tanong ko sa kaniya. Nakita ko namang pansamantalang tumango ito sabay iling sa gawi ko.

“Oo pero sana hinahabaan mo naman sagot mo para kunwari nagkukuwentuhan tayo, ano?” sarkastikong aniya dahilan para tumagilid ang mukha kong napatingin sa itsura niyang mukhang nagtataray na biik.

Malusog kasi siya— ay este. . . itong pangangatawan niya, kasi medyo malaman ito na sakto lang din naman sa kaniya. Matikas siya at hindi kagaya ng ibang lalaki, kapansin-pansin na wala itong kahit na anong tattoo sa katawan.

Katamtaman lamang ang kaniyang tangkad, hindi kulubot ang kaniyang kulay tsokolateng kutis, parang in-born naman itong pagkakulot ng buhok niyang itim ang kulay tsaka, nakabalot siya ng kulay lila na kapang may hood pa.

Makapal ang dalawa nitong kilay, matangos ang ilong, bilog ang kaniyang mukha. Siguro kung ordinaryong babae lamang ako, hindi malabong magustuhan ko si Maui sa unang sulyap pa lamang nito.

Subalit, alam ko naman sa sarili ko na hindi ako ordinaryo. At kahit kailan hindi ko naisip na gawin ang bagay na iyon— ang magkagusto sa isang tao.

Minsan ko na rin itong naramdaman at ayaw ko na siyang muling gawin pa.

Sapagkat mas nakapokus ako ngayon sa aking misyon na syempre, ako lang din ang nakakaalam. At isa pa, wala rin naman akong kasiguraduhan kung pagkatapos ba ng paglalakbay na ito ay buhay pa ako.

Huminga ako nang malalim at sandaling napatingin sa gawi ni Maui. Kasalukuyang nakataas ang isang kilay nitong nakatitig sa akin, syempre ako na lang din ‘yung unang umiwas ng tingin. Tumingin ako sa dagat.

“Ang dami mong satsat. Siguraduhin mo lang na hindi mo ako niloloko sa islang sinasabi mo ha,” seryosong saad ko sa kaniya, hindi ko inintindi ang pagiging sarkastiko nito.

Mas mataray ako, huwag niya akong hamunin.

“Hindi ah! Pustahan pa tayo, e.” Napabuntong-hininga ako sa sinabi niya.

“Ayaw ko nga, wala ka ngang salapi kamo.”

“Ay oo nga pala, hehe.” Dalawang beses akong umiling at nagpasyang hindi na lang din ito pansinin nang bigla na naman siyang nagsalita.

“Buhay ko ang ipupusta ko kung sakaling mapatunayan natin na kathang-isip lang ang isla na sinasabi ko sa iyo.”

Sa pagkakataon na ito, ramdam ko na ang pagiging seryoso nito. Tila ba’y sa isang iglap ay nagbago ang persona ni Maui.

“Sige,” tugon ko at doo’y bumalik na sa tahimik ang buong paligid namin.

Subalit nabasag muli ang katahimikan na iyon nang muli niya akong kausapin. Huminga ako nang malalim. Hindi ko akalaing may kadaldalan pala talaga ito mas lalo na kapag matino at hindi nakainom.

“Ahm, ano pala. Napapaisip lang din kasi ako kung bakit mo ako kinausap kagabi?”

“Ahm? Ewan ko rin,” pagpapakatotoo ko pang sambit dito.

“Hindi ako naniniwala. Sigurado akong may rason ka rin kung bakit gusto mong alamin iyon,” wika pa nito na para bang sigurado siya sa sinabi niya.

“May rason ako ngunit hindi ko maaaring sabihin iyon sa iyo,” anas ko na tinanguan niya lamang.

“Ah. . . kaya pala,” wala sa wisyong aniya at natahimik na rin.

Ilang oras pa ang lumipas ay nakaramdam ako ng panghihina sa katawan ko. Mariin akong napapikit nang maalala kong hindi pa pala kami kumain mula no’ng naglayag kami. Tubig lang ang tanging nainom ko no’n.

“Oh, bakit tayo huminto?” kunot-noong usisa ko kay Maui nang mapansin kong tumigil siya sa pagsasagwan ng aming munting bangka. Hindi niya kaagad ako sinagot sapagkat naging abala ito sa pagtatabi ng bangka namin.

“May gusto lang akong puntahan sa lugar na ito, maaaring dito ka na muna dahil saglit lang naman ako roon.”

“Hindi, ayokong magpaiwan. Sasama ako,” maawtoridad kong sabi na sinang-ayunan na lamang ng kasamahan ko.

“Sige, basta huwag kang hihiwalay sa akin, ah?” Tumango na lamang ako bilang tugon sa sinabi niya at saka niya itinali ang bangka sa isa sa mga kahoy na makikita sa gilid ng parang pinutol na tulay.

May ilang bangka na kagaya no’ng sa amin ang makikitang nakasalansan dito. Ito na nga siguro ang daungan sa lugar na ito. Marami rin kasing uri ng bangka at barko ang nakapaligid sa lugar.

Umakyat kami roon sa tulay na gawa sa kahoy at nakipagsiksikan sa dami ng mga taong sumasalubong sa amin, mukhang palengke pa nga yata ito.

Ang dami kasing nakakalat na nagtitinda ng pagkain sa paligid kagaya ng mga gulay, isda, karne at iba pang sangkap na ginagamit sa pagluluto.

Nawala ang atensyon ko sa pagmamasid sa kabuuan ng lugar kung nasaan kami ngayon nang bigla akong kalabitin ni Maui. Kaagad ko siyang binalingan ng tingin.

“Oh,” sambit pa nito matapos niyang iniabot sa akin ang...

“May pera ka pala?” hindi makapaniwalang saad ko na tinawanan lang nito sabay tango sa tabi ko.

“Oo naman, nagsinungaling lang ako— aray!”

Daglian ko siyang piningot sa tainga nito dahilan upang hindi niya matapos ang nais niyang sabihin.

“Ayoko sa sinungaling, Maui.” Seryosong sambit ko sa kaniya saka binalewala ang inabot nitong gintong salapi.

“Patawad naman, binibining Jaiyana.” Napahawak ito sa batok niya.

“Tsk,” singhal ko saka nagpauna sa paglalakad.

Walang ano-ano’y bigla niya akong hinawakan sa kamay ko saka hinila papunta sa kung saan. “Bitawan mo nga ako,” mariing utos ko sa kaniya na hindi niya sinunod.

“Kakain lang tayo saglit, naririnig ko kasi ang paghiyaw ng mga kalamnan mo, e.”

Napatahimik ako sa sinabi niya at hinayaan ko lang siyang hawakan ang kamay ko papunta sa kainan na tinutukoy niya. Hindi ko rin naman kayang itanggi na nagugutom na nga talaga ako ngayon.

Halatang kagaya ko ay matagal na rin siyang naglalakbay, batid kasi niya ang pasikot-sikot sa buong lugar. Kaya naman nang matunton namin ang kainan na iyon ay siya na lang din ang pinapili ko ng pagkaing kakainin naming dalawa.

“Sigurado ka bang wala kang gusto? Nariyan naman sa talaan ang lahat ng pagkaing inihahain nila rito,” paniniguradong tanong pa niya sa akin.

Umiling na muna ako bago nagsalita, “mas nakasisigurado ako sa mga suhestiyon mo. Hindi ganiyan ang itsura ng taong may balak akong lasunin sa pagkain.” Ilang segundo ang lumipas ay tumawa ito sa harapan ko. Napaisip tuloy ako kung bakit.

“Iba ka talaga, binibini. Mukhang. . . nagugustuhan na yata kita.”

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ko na hindi ininda ang ibang pakahulugan ng tinuran nito.

“Para sa iyong kaalaman, binibining Jaiyana. Masayang maglakbay kapag may kasama ka. Nakalulungkot kasi kapag mag-isa ka lang, alam mo ’yun?” malumanay na wika pa nito sa ‘kin. Tumango na lamang ako para kunwari sang-ayon talaga ako sa sinabi niya.

Mabuti naman at hindi tugma ang aming iniisip.

“Ikaw, anong iniisip mo ngayon?” Nagitla ako sa tinanong niya at mabilis na umiwas ng tingin. Hindi ako umimik sa kaniya.

“Ikaw ha, mukhang may iba ka yatang kahulugan sa nasabi ko kanina.”

Hindi pa rin ako natinag, nagmatigas akong hindi siya kausapin. Kahit naman siguro sino ay iba ang iisipin sa sinabi niya, hindi ba?

“Ang ibig kong sabihin, gusto kitang maging kaibigan, gusto kong sumama sa iyo o puwede rin namang ikaw na mismo sumama sa akin sa paglalakba—”

“Magtigil ka nga, ikaw nga itong bigla-biglang nanghahatak.”

“H-Hoy, kusa ka namang sumama ’no. Hindi kita pinilit,” mariing depensa pa niya na hindi ko tinutulan, totoo naman kasi.

Ginusto ko ring sumama kaya nga ako bumili ng bangka kahit na may pera naman pala siya.

“Tss,” singhal ko na lamang at hindi na muling nagsalita.

Sakto namang dumating ang mga pagkaing sinabi ni Maui kanina. At kagaya nga ng inaasahan ko, ang takaw niya.

Limang plato ang nakapaligid kay Maui ngayon, pinipigilan kong matawa dahil sa kabuuang itsura niya. Para siyang bata kung kumain, ang kalat.

Napailing na lamang ako saka ako kumuha ng dalawang mangkok na kanin at piling mga ulam na inilagay ko naman sa isang pabilog na plato ko. May nakalagay pang kulay berdeng dahon na mukhang hinugasan muna bago pinatong sa mismong plato na siyang gamit ko ngayon.

“Ang tipid mo namang kumain, hindi naman ikaw ang magbabayad.”

“Pagpasensiyahan mo na at hindi ako kagaya mo, matakaw na biik.”

“Ano?! Sa payat kong ’to, biik pa talaga itatawag mo sa akin? Hindi ba maaaring may laman lang ako nang kaunti? Grabe ka naman,” sambit sabay iling sa harap ko.

Pinasawalang-bahala ko lang ang reaksyon nito at tahimik na nagpatuloy sa pagnguya ko. Nangunot ang noo ko nang bigla niya akong titigan habang kumakain ako. Aba’t—

“Huwag mo akong tingnan kumain. Bilisan mo na riyan,” anas ko na siyang sinunod naman niya. Isang oras ang pinalipas namin bago kami tuluyang umalis sa kainan.

Si Maui nga pala ang nagbayad lahat ng kinain namin, mag-aabot sana ako kaso tumanggi siya. Ako na raw bumili ng bangka, siya naman daw sa pagkain para kahit papaano raw ay hindi ko siya sumbatan balang araw.

Napailing na lang din ako no’n at pumayag sa sinabi niya kahit na minsan ay hindi naman sumagi sa isip ko na manumbat, tss.

“Oh, saan pa tayo pupunta?” usisa ko nang mapansin kong nag-iba kami ng daan.

Akala ko kasi papunta na kami sa tulay kung saan namin iniwan ang aming bangka kaso mukhang may nais pang puntahan ang biik na ‘to.

Galang biik.

“Malalaman mo rin kapag natunton na natin iyon,” pamisteryoso pa niyang turan na binalewala ko na lang at tahimik na sumunod sa kaniya.

Pagkatapos ng ilang minutong paglalakad ay huminto na rin siya sa tapat ng isang hindi pamilyar na tindahan. Halatang gawa ito sa kahoy na pininturahan lang ng kulay puti. Ang ilang parte naman nito ay mukhang sementado dahil sa tibay ng itsura ng tindahan mismo.

“Ayan, nandito na tayo.”

Doon ko lang din napagtanto na isa pala itong tindahan ng mga armas. Subalit, anong pakay ni Maui rito?

Malamang, bibili siya ng armas niya. Ano ka ba naman, Jaiyana.

Saglit akong napatitig sa signboard nito. Sandata Y Dala ang nakalagay rito. Pumasok kami roon at nagtingin-tingin ng ilang mga gamit.

Nakakita ako ng iba’t ibang klase ng armas kagaya ng mga pampasabog, kutsilyo, baril, pana at palaso, posyon, baston at marami pang iba.

Maliban sa mga ito’y may mga damit ding pandigma na makikita rin dito, may armor, may panangga, anting-anting at sa lahat ng mayroon dito, sa mga espada napako ang aking paningin.

Hindi ko maiwasang hindi mamangha sa tulis at talim ng mga ito. Ang bawat dulo ng espada ay kumikinang sa sobrang linis. Ultimong pati ang hawakan nito’y walang kahit na anong dumi na makikita.

Kapansin-pansin ang iba’t ibang klase ng espadang na sa pakiwari ko ay may iba’t ibang pangalan din ayon sa uri at taglay nitong talim sa dulong bahagi nito. Halatang bihasa sa paggawa ng espada ang lumikha ng mga ito dahil sa pulido ng itsura nito.

“Maaari ka namang bumili kung gusto mo talaga ‘yan,” bulong ng kasama ko na gusto kong pugutan ng ulo dahil sa biglaang pagsulpot nito sa gilid ko, nagulat tuloy ako.

“Anong tawag sa espada na ‘to?”

Ginunting,” tugon ni Maui sa aking katanungan.

“E, ito?” usisa ko saka nagturo muli ng espada.

Espada Y Daga iyan,” saad niyang muli.

Banyal naman ang tawag d’yan sa tinitingnan mo ngayon.”

Tumikhim ako’t saka inayos ang aking tindig. Katabi ko pa rin siya at para bang hinihintay na pumili ako ng sarili kong espada. “Ang gaganda nila pero wala akong balak bumili, bakit ka ba nagpunta rito?”

“Upang mabilhan ka ng bagong sandata, napansin ko kasi luma na ‘yung mga espada mo. Naiisip ko lang baka gusto mong ipaayos iyon o bumili na lang ng bago.”

“Mas sanay ako sa aking mga armas, hindi ko kailangan ng iba sapagkat—”

“Alam mo, mas matututo ka kung ang gagamitin mo ay iyong mga bagay na hindi ka sanay,” sinserong saad nito dahilan para manumbalik sa isip ko ang mukha ni Ama.

Hindi ko alam kung bakit pero siya ang unang pumasok sa isip ko nang marinig ko ang sinabi ni Maui. Marahil siguro ay pareho sila ng nais ipahiwatig sa akin. Pareho nila akong gusto matuto pa lalo.

Nagmatigas ako na hindi bumili pero ilang oras pa ang lumipas ay napapayag niya ako. Ang tatlong espada na tiningnan ko lang kanina ay pare-pareho kong napasakamay.

Bumili rin ng anting-anting si Maui, hindi niya sinabi sa akin kung para saan iyon dahil hindi ko rin naman siya tinanong.

“Siguraduhin mo lang na hindi tataob ang bangka natin sa dami nito ha.”

“Oo, hindi iyan. Akong bahala,” pagpapalubag-loob pa niyang sabi na tinanguan ko na lang.

“Sige.”

Magkasunod kaming lumabas sa tindahan at sa hindi inaasahan ay may kakaibang atmospera akong naramdaman na nakapagbigay ng ‘di maipaliwanag na kaba sa dibdib ko.

Binagalan ko ang aking paglalakad at pasimpleng sinabayan si Maui. “Maghanda ka, paniguradong may paparating na hindi maganda,” bulong ko sa kaniya, tumango lang din ito bilang pagsunod sa sinabi ko at hinayaan ko siyang mauna sa paglalakad.

Bibilang ako’t bubuwelo na muna para masigurado ko kung tama nga ba ang aking kutob.

“Isa, dalawa. . . tatlo!”

Kaagad akong tumalon paitaas at sumabay sa hampas ng hangin pakanluran. Napunta ako sa bubong at kagaya nga ng inaasahan ko’y may sumusunod nga sa amin. Sinubukan kong bilangin kung ilan sila subalit bigo ako.

Nang makita ng mga ito na nawala ako sa paningin nila ay kaagad nila akong hinanap sa himpapawid dahilan para sundan din nila ako. Bumwelo sila para makatalon sa gawi ko.

Sinenyasan ko ang nakatingala kong kasama na magpunta na ito sa bangka upang doon ay mailagay niya ang mga armas na binili namin kanina. Nakita ko siyang tumango saka mabilis na tumakbo palayo sa akin.

“I don’t know who are but I want to know why you are following me,” baling ko sa mga naka-mask na taong ngayon ay titig na titig sa gawi ko.

Naglabas ng gayang ang mga ito, uri ng espada na siyang madalas kong makitang ginagamit ng Ebba tribe...

Ay sandali, Ebba?

Daglian nila akong sinugod gamit ito na siyang iniilagan ko naman. Sunod-sunod nila akong pinatamaan at dahil doon ay hindi ako makakuha ng libreng oras para mailabas ko rin ang aking sandata.

“Mandaraya, tss.”

Sa inis ko ay tanging ang baston ko lang ang nahugot ko galing sa likuran ko. Sinadya kong umilag na muna bago hampasin nang buong lakas ang bawat katawan nila na hindi nila pinoprotektahan.

Nang sumugod sa akin iyong isa gamit ang gayang nito ay kaagad ko ring pinatamaan ng baston ko ang tuhod niya dahilan para matumba ito at mawalan ng balanse.

Bakas sa lakas ng tunog ng pagkahulog nito mula sa bubog ang pag-inda nito sa binigay kong sakit ng katawan.

Aray. Ang sakit no’n.

Muling naibalik ang atensyon ko sa mga natitira kong kalaban, kung susumahin ko sila ay nasa sampu ang bilang. Napatumba ko ang isa kaya siyam na lang sila. Yare ako nito kung sabay-sabay silang titira.

“Ang sabi ko. . . bakit ninyo ako sinusundan?” pag-uulit ko sa naging tanong ko rin kanina pero wala ni isa sa kanila ang may balak na sumagot.

“Ayaw ninyong magsalita?”

“Yah!” sabay na sigaw ng dalawang lalaking nakamaskara.

At dahil naiirita ako sa kanila, habang iniiwas ko ang katawan ko sa patalim na hawak nila ay isang hampas ko lang ng baston ang tanging pangga ko at ginagamit upang labanan sila.

Nagsitumbahan sila mula sa bugbog kung nasaan kami ngayon. Isa na lang ang natitira sa kanila.

“Huling tanong, bakit n’yo ako sinusundan?”

“H-Hindi ko alam!”

“Ha? Pinagloloko mo ba ako?”

“Inutusan lang kami!”

“Sino?”

“H-Hindi ko kilala!”

“Sa tingin mo ba maniniwala ako sa iyo?”

“Maniwala ka dahil nagsasabi ako ng tot—”

“Hayah!”

Mula sa kung saan, biglang umeksena si Maui. Siya na mismo ang pumatay sa natitirang isa pa. Sa sobrang inis ko ay napapikit na lamang ako at pinilit na pakalmahin ang sarili ko.

“Alam mo bang tinanong ko pa siya!?”

“Ha? E, hindi.”

“Pot—”

Huminga ako nang malalim. Napagdesisyunan ko na lang na bumaba na’t walang imik na pumunta sa bangka namin.

“Ako ba talaga ang may mali?” parinig ni Maui sa akin na siyang nagmumukmok naman sa likuran ko. Kasalukuyan itong sumusunod sa ‘kin sa paglalakad.

Hindi ko siya pinansin hanggang sa matunton ko na mismo ‘yung bangka. “Bilisan mo na’t magsagwan ka na,” malamig kong utos sa kaniya na sinunod rin niya kaagad.

Ilang minuto pa ang lumipas ay tumikhim si Maui. Pinili ko siyang balewalain saka humiga sa bangka.

“Kung hindi ko pa siguro pinatay ‘yon, patay ka na rin siguro ngayon.”

Siguro-siguro, tss.

“Sa tingin mo ba, ganoon ako kahinang nilalang?”

“Hindi naman sa ganoon. Grabe, ang hirap naman magpaliwanag sa iyo.”

“Kaysa maglabas ka ng hinaing mo riyan bakit hindi ka magpaliwanag sa islang tinutukoy mo, hindi ba?”

“Ay. Interesado ka talaga roon, ano?” usisa pa nito. Ngumiti ito sa akin na para bang nasisiyahan siyang kinakausap ko siya ngayon.

“Hindi naman,” tugon ko saka hinayaan ang sarili kong kumalma.

“Sa katunayan, totoo ang sinabi ng isa sa mga lalaking sumingit sa usapan natin dati. Kailangan ng isang totoong dragon para makapunta roon.”

“Dragon? Saan naman tayo makahahanap ng totoong dragon?”

“Iyon ang una nating misyon! Dragon hunting,” natutuwang aniya pa.

“Okay...” nasambit ko na lamang.

“May kailangan pa tayong daanang dalawang malaking isla bago natin matunton ang the sleeping island. Iyon ang tawag sa islang tinutukoy ko na makakapagpabago sa lahat.”

“The Sleeping Island?”

“Oo, tama. Una muna nating mapupuntahan ang Isla de Globo bago ‘yung La Isla Volcana.”

“Sandali nga, anong mga pinagsasabi mo?”

“Basta, malalaman mo rin iyon kapag napuntahan na natin ito.”

Isang ngiti ang iginawad niya sa ‘kin. Walang ano-ano’y parang ginanahan siyang magsagwan dahil sa masiglang aura nito. Kahit na may katanungan ako ay hindi ko na lang ding pinagtuunan ito ng pansin dahil medyo inaantok na talaga ako.

Ilang araw ba naman akong walang tulog dahil sa mga taong hindi ko alam kung bakit ako sinusundan.



Ebba Tribe...

Ano namang dahilan at bakit sinusundan ako ng mga assasin hunters na iyon?

Audra kaya ang dahilan? Inutusan kaya sila? Ngunit bakit? Bakit ako ang punterya nila ngayon?

Naantala ang aking pag-iisip nang marinig kong muli ang tinig ng kasama ko. Napailing na lamang ako at dahan-dahang ipinikit ang aking mga mata.

“Isla de Globo, here we go!”










Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top