JOURNEY 12
Ikalabing-dalawang Paglalakbay:
Spy Lead
[ Alev’s Point of View ]
“Jaiyana...”
Napahinto ako sa pagsasalita nang makita kong nilapitan ni Maui si Jaiyana. Lalapit na rin sana ako sa puwesto nila nang biglang hawakan ni Maui ang mukha ni Jaiyana.
Parang akong natauhan nang makita ang ginagawa nila. Naghahalikan ba silang dalawa?
Dahan-dahan akong umatras at tumalikod sa kanila. Pinili ko na lamang na bumalik sa kuweba kung saan kami nagpalipas ng gabi.
Nananahimik lang ako pero hindi ko talaga gustong makita na gano'n sila. At sa tuwing magkakaroon ng ganoong eksena sina Maui at Jaiyana sa harapan ko ay gusto kong ilayo si Jaiyana mula kay Maui. Gusto ko siyang ipagdamot.
Naaasar ako kapag nakikita ko silang malapit sa isa't isa gayong alam ko naman sa sarili ko na mas naunang makasama ni Jaiyana si Maui. Naiinis ako at sinisisi ang sarili ko kung bakit ako naging dragon.
Gusto ko ng maging tao, gustong-gusto ko na.
“Hindi ako papayag na maging sila sa dulo,” anas ko pa habang nagmumukmok sa loob ng kuweba.
Ilang minuto pa ay napansin ko ang paglapit sa akin ni Jaiyana. Gusto ko siyang kausapin tungkol sa nakita ko subalit napapaisip ako sa rason. Rason kung bakit kailangan ko ng klaripikasyon mula mismo sa kaniya.
“Anong problema mo? Bakit nagmumukmok ka rito?” bungad niya sa akin saka nito inilapag ang mga dala nitong isda.
“Wala,” walang ganang sambit ko.
“Kung ano man iyan, mamaya mo na intindihin. Tulungan mo muna akong magluto ng pagkain natin,” malumanay niyang sabi dahilan para mapabuntong-hininga ako.
Hindi ko alam kung manhid ba siya o wala talagang alam?
Pinabuga niya sa akin ang tinumpok niyang mga kahoy. Sinunod ko siya, kusa ko siyang tinulungan sa kaniyang pagluluto.
Sunod namang pumasok sina Maui at Osiris sa loob nitong kuweba. Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko habang pinagmamasdan ang tinginan nilang dalawa.
“Bakit ang tahimik mo, Alev?” baling sa akin ni Maui. Inosente pa siyang tumitig sa gawi ko.
“Oo nga, Alev. Bakit?” gatong naman ni Osiris.
Hindi ako umimik at piniling pagmasdan na lang si Jaiyana na abala sa pagkain nito. Mabilis kong iniwas ang paningin ko sa kaniya. Tumayo ako at dahan-dahang naglakad.
“Lalabas na muna ako,” malamig kong paalam sa kanila.
Akala ko pipigilan niya ako ngunit... “At saan ka naman pupunta?” tanong nito sa akin.
“Sa lugar kung saan wala ka,” wala sa wisyo kong sambit saka nagpatuloy sa paglalakad palabas ng kuweba. Hindi ako kumain, hindi rin naman ko gutom at wala akong gana.
“Ano!?”
“Biro lang,” saad ko saka malungkot na ngumiti sa kanila. Hindi ko lang alam kung napansin ni Jaiyana iyon.
Tuluyan ko na nga silang iniwan. Kailangan ko na munang mag-isip-isip. Pinagpasyahan kong bumalik sa isla kung saan ako nanggaling.
La Isla Volcana.
At kagaya nga ng aking kinagawian, mainit pa rin dito. Mas dumoble pa nga yata ang init nito sa unang kong pagtambay sa lugar na ito. Lumipad ako sa ibabaw ng isla, hanggang sa naabot kong muli ang mga ulap na nakakalat sa paligid nito.
Nakita ko ang ilang naglalakihang mga dragon sa kani-kanilang mga bulkan. Gumagawa sila ng kanilang ingay. Naiintindihan ko sila dahil nasa katauhan din naman ako ng isang dragon.
Dinaanan ko lang sila at muling bumalik sa lugar ko. Sa bulkang pinamamahayan ko. Dito na muna ako pansamantala at hindi na muli babalik sa kanila.
Gusto kong mapag-isa. Pakiramdam ko kasi may mali sa akin at dapat ko itong ayusin muna sa sarili ko bago muling magpakita sa kanila.
Paumanhin, aking binibini.
Sana mahintay pa ninyo ako...
Dumaan ang ilang araw, nandoon lang ako. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin basta ang alam ko lang nalulungkot ako. Marahil siguro, ako lang ang mag-isa rito. Nasanay ako na kasama ko sila, araw-araw.
Iyong mga asaran ni Maui at Osiris pati ’yung mga ngiti ni Jaiyana. . . gusto ko na ulit sila makita.
Huminga ako nang malalim at muling nagkulong. Patulog na sana ako nang biglang may naaninag ako sa bisyon ko. Ilang mga naglalakihang mga barko ang muling haharang sa daanan nila bago makapunta sa susunod na isla.
Nakita ko ang paglubog ng bagong gawang barko ni Maui. Gagamit siya ng mahika upang makaligtas silang tatlo mula sa isang malaking pagsabog. Makakapunta sila sa isa pang barko. Makukuha ng kalaban si Osiris habang si Jaiyana naman ay mahuhulog sa karagatan.
Dito magdadalawang-isip si Maui kung sino sa kanilang dalawa ang dapat niyang iligtas hanggang sa piliin nito si Osiris at nang makuha niya muli ang batang lalaki ay saka siya tumalon sa ilalim ng karagatan upang hanapin si Jaiyana.
“Hindi!” mariing kong sigaw nang makita ang mismong kamatayan ni Jaiyana. Hindi, hindi. Napailing ako’t naluha sa sinapit nito.
Ito rin ang isa sa rason kung bakit ako lumayo. Ilang araw na rin mula noong nakakakita na ako ng bisyon mula sa loob ng isip ko. Hindi ko alam kung bakit nagiging malinaw sa akin ang ilang pangyayari na iyon.
Una itong nangyari noong may nakita akong bata sa loob ng isang bangka at doon nakilala namin si Osiris.
Sumunod ay ’yung sa pagsugod ng isang mangkukulam kay Maui, pati iyong sa pagpunta namin sa isla na tinatawag nilang La Ring Isla kung saan nagkaroon kami ng sagupaan laban sa Ebba at Audra tribe. . . at lahat ng bisyon na ito ay totoong nangyari sa amin.
Natatakot ako na baka ako ang maging sanhi ng away sa pagitan namin, na baka kapag sinabi ko itong mga nakikita ko sa kanila ay mapagtanto nilang hindi ako narararapat na sumama sa paglalakbay nila.
Kahit na ramdam kong hindi pa maayos ang pakiramdam ko ay lumipad ako papunta sa kinaroroonan nila.
At oo, alam ko kung nasaan sila.
Sa ilang araw na nakasama ko sila, nakabisado ko na ang kanilang mga amoy at madali na lang sa akin na matunton sila, mas lalo na ang amo ko. Si Jaiyana.
Lumipad ako palayo sa isla na naging tahanan ko rin sa loob ng ilang taon. Nanginginig ang kalamnan kong binilisan ang paglipad ako. Nakikita kong paalis na sila sa isang hindi pamilyar na isla at handa na muling maglayag.
Mabilis akong nagtago nang makita kong maraming tao sa isla kung saan sila huminto. Paniguradong bibili na muna sila ng pagkain kaya pinili ko na lamang na hintayin sila. Nagpaikot-ikot ako sa paglipad sa ibabaw ng mga ulap upang hindi ako makita ng mga tao.
Ilang minuto lang ay nakalayo na sa isla ang bangka nila. Doon na ako nagpasyang lumapit sa kanila. Nakita ko ang pananabik sa mga mata ng mga kasamahan ko at noong nagsalita na ako ay...
“Saan ka ba galing at ngayon ka lang nagparamdam!?” anas ni Jaiyana saka seryosong tumitig sa akin. Hinintay niya ang aking tugon.
“M-May ginawa lang ako sa ano...”
“Ano?”
Huminga ako nang malalim at bumwelo para hindi ako mautal. “Bumalik ako sa tirahan ko, La Isla Volcana.”
“At bakit hindi ka nagpaalam nang maayos sa amin? Alam mo bang ilang araw na akong nangangapa ng mga sagot kung nasaang lupalop ka na? Iniisip ko pa rin ’yung asta mo bago ka umalis. A-Akala ko pa nga hindi ka na babalik, e.”
Umiwas siya nang tingin sa akin. Ramdam ko ang inis sa bawat katagang binabato nito sa akin at imbis na kabahan, mas natuwa pa ako.
Nagagalak siguro ang puso ko ngayon dahil sa ramdam kong nag-alala siya para sa akin. Tipid akong ngumiti.
“Huwag ka na magalit. . . buhay naman ako,” pagpapalubag-loob ko pang sambit dahilan para tumawa sina Maui at Osiris sa amin.
Doon ko lang napansin na nanonood pala silang dalawa. Mga hanggal. Nagkatinginan kaming lahat at doon ay sabay-sabay kaming tumawa.
Doon ko mas naramdaman na tanggap pa rin nila ako. Ramdam kong hindi lumayo ang loob nila dahil sa biglaang pag-alis ko. Ngumiti ako at muling nagsalita nang maalala ko ang bisyon ko.
Sumeryoso ang tingin ko sa kanilang lahat dahilan upang daglian ding nawala ang masayang atmospera sa pagitan namin.
“May nakita akong panganib na parating.”
“Anong panganib?”
“Isang panganib na maaari mong ikamatay, binibini.”
Doon nagbago bigla ang ihip ng hangin ng hangin. Mula sa isang payapa at maaliwalas na pakiramdam, naging seryoso ito at bumuo ng nakabibinging katahimikan.
“Anong panganib ang nakita mo?” pasimpleng pagsingit ni Maui sa usapan. Nabaling sa kaniya ang paningin ko.
“Nakita ko kung papaano ka magdalawang-isip, Maui. Mas pinili mong iligtas ang batang iyan kaysa kay Jaiyana.”
“A-Anong sinasabi mo, Alev?” nautal na usal ni Jaiyana. Halatang ayaw maniwala sa mga pinagsasabi ko. Sabagay, hindi ko naman siya masisisi kung ganiyan niya ako pagdudahan.
“Iyon ang nakita ko, sinasabi ko lang.” pagpapakatotoong anas ko sabay iwas ng tingin sa kanila.
“Paano kung mali naman ang nakita mo?”
Saglit akong napatitig kay Maui nang marinig ko ang tanong nito. Batid kong hindi sila naniniwala sa akin pero ang ipalabas na parang nagsisinungaling ako? Mukhang hindi naman yata tama iyon.
“Baka mamaya ikaw pala ’yung spy—”
“Maui!” Mabilis nabawi ni Jaiyana ang atensyon ko. Sinigawan niya si Maui?
Natahimik si Maui at humingi nang tawad kay Jaiyana. Napansin ko ang pananahimik nilang dalawa. Napapaisip tuloy ako kung bakit at ’yung sinasabi nilang...
“Anong spy?” kunot-noong tanong ko pa.
“Wala, wala.” Imbis na sagutin ako ay pinili nilang dalawa na hindi sabihin iyon.
Bakit kaya?
Ilang sandali pa ay kay Osiris naman napako ang paningin ko. Balisa ito. Bakas sa katawan nito ang pagkamatamlay at panginginig. Pawis din pati ang noo nito gayong mahangin naman sa puwesto namin.
Napailing ako at muling inalala ang spy na tinutukoy ni Jaiyana. Ibig sabihin ba no’n ay mayroong spy sa amin? Kaya ba ilang araw na kaming napapasabak sa gulo at hindi mabilang na pakikipagsagupaan sa mga kalaban naming taga-ibang tribo?
“Anong ibig ninyong sabihin?” pag-uulit ko pa. Umaasang ipapaliwanag ni Jaiyana ang nabanggit ni Maui kanina.
“Huwag mo na lang intindihin iyon, Alev. Tara na. . . maglayag na ulit tayo,” paanyaya ni Jaiyana sa amin.
Hinayaan ko na lamang sila at sinamahang pumunta sa susunod na isla. Mukhang wala talaga silang balak na magsalita ukol doon.
At kagaya nga ng inaasahan ko, may mga barko na roon na kasalukuyang nag-aabang sa amin. Tila alam ng mga nakasampa roon ang dahilan kung bakit sila humaharang sa daanan namin. Habang kami naman na target nila ay nangangapa pa rin sa tunay nilang dahilan.
Basta ang sigurado ko lang, ako at si Jaiyana ang puntirya nila.
Pinagmasdan ko ang mga kasama ko mula sa himpapawid. Masakit man pero muling nasira ang bangka na gawa ni Maui. Nakita ko kung paano binagsakan ng bomba itong bangka namin at doon ay sabay na niyakap ni Maui si Osiris at Jaiyana papunta sa ere. Ngayon ay sama-sama silang nakalutang sa hangin.
Nakita ko ang ilang beses na pag-iling ni Maui. Siguro ay may sinasabi na naman si Jaiyana sa kaniya, ilang utos na gusto niyang ayawan subalit dahil kilala ko ring matigas ang ulo ng babaeng kasama namin ay sumugod pa rin siya kahit alanganin.
Ang pagkakakilala ko kay Jaiyana. . . siya iyong tipo ng babae na wala sa bokabularyo nito ang salitang pagsuko. Alam kong hangga’t kaya pa niya, lalaban at lalaban pa rin siya hanggang dulo.
Iyon naman kasi ang turo sa amin ng matandang iyon. Hangga’t alam mong may bala ka na makapagpapatumba sa kalaban, sumugod ka. Lumaban ka at huwag mong hahayaan na sila mismo ang makapapatay sa iyo.
Ang pag-atras ay isang uri din ng kaduwagan.
Mabilis akong napailing nang marinig ko ang boses ni Master mula sa isip ko. Nakaramdam din ako ng lungkot nang maalala kong wala na siya. Masakit man pero iyon ang totoo, reyalidad na kailangang tanggapin. Sila ang dahilan kung bakit nagbago ang nakilala kong batang Jaiyana sa kilala kong Jaiyana ngayon.
At masasabi kong nahulog pa rin ang loob ko sa parehong pagkatao ng babaeng ’to.
Gamit ang kanilang mga espada na nakadikit sa kanilang mga katawan ay inilabas nila iyon at sinubukang pagpapaslangin ang mga taong nasa barko. Nakasampa na sila roon at kasalukuyang abala sa pakikipaglaban.
At katulad nang nakita ko sa bisyon, nahulog si Jaiyana sa barko kasabay no’n ang pagkuha ng mga kalaban kay Osiris. Tumingin si Maui sa akin at para bang nagsusumamo na ako ang kumuha kay Jaiyana at siya ang magtatanggol kay Osiris. Tumango ako bilang simbolo na naiintindihan ko ang pinapahiwatig nito sa akin.
Mabilis akong lumipad upang maabutan ko si Jaiyana at bago pa man siya lamunin ng karagatan ay naisalba ko ito. Ngayon ay nasa likod ko siya at pilit hinahabol ang kaniyang hininga. Nakahawak ito sa bandang puso niya.
“Ayos ka lang ba?” usisa ko habang pinapakiramdaman ang kondisyon nito.
“Tama ka nga, Alev. Muntikan na ako,” wala sa wisyong wika nito saka pinigilan ang sarili na umiyak.
“Binibini? Ayos ka lang ba?” pag-uulit ko sa nauna kong tanong. Nag-aalala kasi ako sa kalagayan niya.
Sa tono ng boses niya, batid kong nanghihina siya at bakas na rin ang iba’t ibang sugat nito sa kaniyang katawan at nasisigurado kong natamo niya ito dahil sa pakikipagbakbakan nila sa mga kalaban.
“Jaiyana!” sigaw ko nang tuluyan na itong nawalan nang malay sa likod ko.
Mabilis kong kinuha si Maui sa barko, daglian naman niyang nahawakan si Osiris dahilan upang sama-sama kaming nakatakas ulit.
Mula sa pagsakay nila Maui at Osiris, kaagad nilang napansin ang nakahigang si Jaiyana. At kahit na hindi ko sabihin, awtomatik namang tinulungan ni Maui si Jaiyana. Ginamot niya ito gamit ang kaniyang mahika at doon ay nagmukhang natutulog lang si Jaiyana.
“Ayos na siya, Alev. Huwag ka nang mag-alala pa,” pagpapalubag-loob pa niyang saad dahilan para kumalma ako.
“Maraming salamat, Maui.”
Pareho kaming ngumiti sa sa isa’t isa at doon ay nahagip ng paningin ko si Osiris na nagmumukmok sa gilid. Nakatingin siya kay Jaiyana na tila ba’y nako-konsensiya ito.
Sandali nga, bakit naman siya mako-konsensiya?
Nawala ang atensyon ko kay Osiris nang maramdaman kong may papalapit na bakal sa akin. Mabilis akong umilag at lumipad nang mas mataas pa, iyong tipong nasa ibabaw na ako ng mga ulap.
Hindi pa rin tumitigil sa pagsugod ang mga kalaban. Halatang gusto nilang patayin si Jaiyana at mahuli ako. Puwes, sisiguraduhin kong hindi nila makukuha ang ninanais nila.
Bumwelo ako at nag-ipon ng apoy sa gitna ng bibig ko. At noong nakuha ko na ang gusto kong laki ng kulay pulang bilog na ginawa ko gamit ang inipon kong apoy ay daglian kong pinatama iyon sa puwesto nila.
Doon ay nagkaroon ng mas malawakang pagsabog. Mabilis akong lumipad palayo rito upang hindi mahagip ng apoy ang dalawa kong pakpak. Ngumisi ako nang makitang marami ang patay sa kanila.
Nang makuntento na ako ay nagpasya na akong maghanap ng mapaglalapagan ko. Pumunta ako sa pinakamalapit na isla na malayo roon sa mga pinasabugan kong mga barko.
Hinintay kong bumaba ang mga kasama ko mula sa pagkakasakay nila sa likuran ko. Doon ko hinayaan ang sarili ko na pagmasdan si Jaiyana.
Wala sa sarili ay humiga ako malapit sa kaniya. Pinainit ko ang katawan ko upang maiparamdam ko iyon sa nanlalamig niyang katawan. Inalalayan naman siya ni Maui na sumandal sa katawan ko.
“Hahanap na muna ako ng pagkain. Gusto mong sumama, Osi?” Tulala ang batang kasama namin. Tinapik siya ni Maui dahilan para tumingin siya rito.
“May problema ba?” malumanay na usisa ni Maui kay Osiris. Umiling lang ito sa kaniya bilang tugon.
“Ano po pa lang sinasabi mo?”
“Gusto mo ba kako na sumama sa akin? Hahanap tayo ng pagkain para pagkagising ni Jaiyana e, makakain na rin siya.”
Tumango ang batang kasama namin saka sumunod kay Maui. Malungkot pa siyang lumingon sa gawi namin at tumitig sa walang malay na si Jaiyana.
Napapaisip tuloy ako kung anong nangyayari sa batang ’to.
Ilang sandali pa, naramdaman ko ang paggalaw ni Jaiyana. Inayos ko ang puwesto ko at pilit na sinasakto ito sa katawan niya. Kumbaga ang nangyari ay hinayaan ko siyang gawin akong unan.
Taimtim kong tinitigan siya at pasimpleng inayos ang ulo nito gamit ang ilong ko. Ngumiti ako nang makita ang mala-anghel nitong mukha. Ganito talaga itsura niya kapag tulog pero kapag gising na...
“Anong ginagawa mo?”
Mabilis akong umiwas ng tingin, pinilit kong pakalmahin ang sarili ko na animo’y sasabog na sa sobrang kaba. Ramdam ko ang seryosong pagtitig ng babaeng kasama ko. Napalunok ako at umaktong parang walang nangyari.
“Nasaan sina Maui, si Osiris?” paghahanap nito sa dalawa pa naming kasamahan. Nagsalita ako subalit kataka-takang walang tinig na lumabas mula sa bibig ko. Tumikhim ako.
“Alev?” patanong pa niyang saad sa ngalan ko. Tumingin ako sa kaniya at sinubukang magsalita ulit.
“Naghanap sila ng pagkain.”
Hayst, salamat. Akala ko nawalan na ako ng boses.
“E, nasaan pala tayo?” aniya habang inililibot ang kaniyang paningin sa kabuuan ng lugar kung nasaan kami ngayon.
“Ayon ang. . . h-hindi ko alam,” pagpapakatotoo ko pang sambit. Napabuntong-hininga naman ito at muling bumalik sa pagkakahiga sa akin. Lihim akong ngumiti sa inakto nito.
Lumipas pa ang ilang oras bago muling nakabalik sina Maui at Osiris. Akala ko makikita na nilang gising si Jaiyana pero nagkamali ako. Nakatulog na siya ulit.
“Hindi ba siya nagising kanina, Alev?” bungad na tanong ni Maui sa akin. Umiling ako saka ako nagsalita.
“Sa katunayan nga, gising siya kanina. Nakapagtataka lang na ang bilis niyang nakatulog ulit,” paliwanag ko pa. Tumango si Maui saka hinaplos ang noo ko.
“Hayaan mo, bumabawi lamang siya ng sarili niyang lakas. Batid mo naman siguro na kailangan niya rin talaga ng sapat na pahinga,” malumanay na usal ni Maui sa akin dahilan para sang-ayunan ko ito.
Tama naman kasi siya. Minsan lang talaga makakuha nang maayos na tulog si Jaiyana kaya mas mabuti na rin ito— lubos-lubosin na niya.
Nagpatulong si Maui sa akin na ipaluto ang hilaw nilang mga pagkain na siyang dala nilang dalawa ni Osiris at gamit ang aking apoy, nagawa kong luto ang mga inihain nitong pagkain para sa kanilang tatlo.
Si Maui na rin mismo ang gumising kay Jaiyana upang kumain at sa sandaling ito. . . hindi ako nainggit sa kanila. Siguro dahil, nararamdaman kong batid ni Maui ang pagtingin na mayroon ako para sa nag-iisang binibini na kasa-kasama namin ngayon.
Sadyang. . . si Jaiyana lang talaga ang hindi nakararamdam nito.
Huminga ako nang malalim at umiling. “May problema ba?” usisa ng katabi kong babae, si Jaiyana. Sumunod sa kaniya si Maui, sunod naman ay si Osiris na siyang katabi ko rin.
Napansin niya yata kasi ang pagbuntong-hininga ko. “Huwag kang mag-alala sa akin, kumain ka lang nang marami riyan upang tuluyan mo nang mabawi ang lakas mo sa katawan.”
“Sigurado ka, ah?” Tumango na lamang ako bilang tugon sa kaniya saka tumingala sa maaliwalas na kalangitan.
Bakas ang kadiliman sa paligid at tanging itong nag-aalab na apoy na gawa sa kumpol na mga naipong kahoy ni Maui kanina ang nagpapaliwanag sa paligid namin.
Pinaikutan namin ito at mula sa aming puwesto, tanaw na tanaw namin ang iba't ibang laki ng mga tala na ngayon ay nagniningning sa langit. Nakasilip na rin ang kulay puting kalahating buwan.
Halos hindi ko na rin matanaw nang malinaw ang ilang mga ulap na kanina lang ay nalalaman ko pa kung anong kulay ng mga ito. Ramdam ko ang sariwang hangin na kasalukuyang dumadampi sa aming mga katawan. Malamig ang simoy nito at bakas ang kapayapaan sa isla kung nasaan kami ngayon.
Ilang oras din kaming nakipagtitigan sa kalangitan nang makaramdam kami ng antok. Hindi ko na rkn namalayang nakatulog ang mga kasamahan ko.
At bago ko pa man maipikit ang sarili kong mga mata. May naramdaman akong kakaiba. May naaamoy akong hindi kanais-nais. Sinundan ko ‘yung amoy na iyon. Dahan-dahan akong umalis sa puwesto namin at hinayaan ang mga kasamahan ko na matulog sa isang mahabang kahoy na siyang ginawa naman nilang unan.
Maingat ang bawat pagyapak ko sa pagsunod sa kakaibang kutob ko. Hindi ako maaaring makita ng mga tao sapagkat hindi lingid sa kaalaman ko na pagkakaguluhan nila ako.
Huminga ako nang malalim at bumwelo. Sa hindi kalayuan ay may natanaw akong ilang tents sa paligid. At bago pa man ako makita nang ilang sundalo na nagbabantay rito ay mabilis akong lumayo.
Nakita ko ang ilang pamilyar na simbolo sa kanilang katawan at ilang kasuotan. The Audra at Ebba tribe. Anong ginagawa nila rito!?
“Ngayon na nasisigurado nating nandito sila. Dapat na nating halughugin ang buong isla bago pa sila makatakas muli,” utos ng isang commander na mukhang pinuno pa ng hukbong naririto ngayon sa isla.
Napalunok ako at taimtim na nakinig sa usapan nila gamit ang aking dalawang malaking tainga. “Tandaan ninyo, ang dragon lang ang kailangan natin ng buhay. Maaari ninyong patayin ang mga kasamahan nito. Sige, larga!”
Ibig sabihin, gusto talaga nilang patayin si Jaiyana!?
Napakuyom ako sa nasabi ng isip ko. Hindi ako papayag na kayo ang makapapatay sa taong mahalaga sa akin.
Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko sa aking narinig. Tuluyan na ngang nandilim ang paningin ko at sinugod sila habang nagtatago ako sa naglalakihang mga bato na nakakalat sa lugar.
“Sino iyon?”
Sunod-sunod ko silang pinatamaan ng aking hugis bala kong apoy at ilang tauhan din nila ang napurtirya ko.
Gumawa rin ako ng hugis bombang yari sa apoy saka ko ito hinipan upang makapunta ito sa loob mismo ng kanilang mga tinutuluyang mga tents.
Hinding-hindi ako papayag na mapapahamak si Jaiyana dahil sa inyo. Sa akin muna kayo dadaan, mga hangal.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top